HANGIN
[sa Ingles, wind].
Ang salitang Hebreo na ruʹach, kadalasang isinasaling “espiritu,” ay maaari ring tumukoy sa hangin na gumagalaw. (Ec 1:6) Ang iba pang mga termino at mga pananalitang Hebreo ay maaaring isaling “bagyong hangin” (Os 8:7), “unos,” “unos na umiinog” (Jer 25:32; 23:19), “maunos na hangin,” at “buhawi” (Aw 148:8; 2Ha 2:11). Bagaman sa Juan 3:8 ang pneuʹma (karaniwang isinasaling “espiritu”) ay nangangahulugang “hangin,” ang terminong Griego na aʹne·mos ang katawagang mas malimit gamitin para sa hangin. (Mat 7:25, 27; 11:7; Ju 6:18) Lumilitaw na ang “mahanging bahagi [sa Heb., ruʹach] ng araw” ay tumutukoy sa huling bahagi ng hapon mismong bago lumubog ang araw, kapag ang nakarerepreskong malamig na hangin ay karaniwang humihihip sa rehiyong ipinapalagay na dating kinaroroonan ng hardin ng Eden.—Gen 3:8; tingnan ang ESPIRITU.
Ang Diyos na Jehova ang Maylalang ng hangin. (Am 4:13) Bagaman hindi siya literal na nasa hangin (1Ha 19:11; ihambing ang Job 38:1; 40:6; Aw 104:3), kaya ng Diyos na kontrolin ang hangin at gamitin ito upang matupad ang kaniyang mga layunin, gaya noong gamitin niya itong instrumento upang pahupain ang tubig ng Baha. (Gen 8:1; Exo 14:21; Bil 11:31; Aw 78:26; 107:25, 29; 135:7; 147:18; Jer 10:13; Jon 1:4) Noong nasa lupa ang Kaniyang Anak, nagpamalas din ito ng kapangyarihang kumontrol ng hangin, anupat pinatigil iyon. (Mat 8:23-27; 14:24-32; Mar 4:36-41; 6:48, 51; Luc 8:22-25) Lumilitaw na dahil lamang sa kapahintulutan ni Jehova kung kaya nalikha o nakontrol ni Satanas ang “isang malakas na hangin” na naging sanhi ng kamatayan ng mga anak ni Job.—Job 1:11, 12, 18, 19.
Kadalasan, pinapangalanan ang hangin ayon sa direksiyong pinagmumulan nito, anupat ang “hanging silangan” ay humihihip pakanluran mula sa S. (Exo 10:13, 19; Aw 78:26; Sol 4:16) Ang apat na direksiyon, H, T, S, at K, ay pawang saklaw ng mga pagtukoy sa “apat na hangin” ng langit o ng lupa. (Jer 49:36; Eze 37:9; Dan 8:8; Mat 24:31) Sa Apocalipsis 7:1, “apat na anghel” ang inilalarawang “nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na hinahawakang mahigpit ang apat na hangin ng lupa.” Sa pagtayo sa mga “sulok,” ang mga hangin ay pakakawalan ng “mga anghel” nang pahilis mula sa mga direksiyong diyagonal, anupat walang bahagi ng lupa ang makaliligtas sa mapangwasak na paghihip ng mga hangin.
Ang hanging hilaga ay malamig at may dalang malalakas na ulan. (Job 37:9; Kaw 25:23) Ang hanging T naman ay humihihip sa maiinit na disyertong lugar patungong Palestina, kung kaya maaari itong lumikha ng matinding init (Luc 12:55); ang mga bagyong hangin ay maaari ring manggaling sa T. (Isa 21:1; Zac 9:14) Kapag tag-init, ang hanging S, sa paghihip nito patungong Ehipto at Palestina, ay tumatawid sa malalawak na disyertong lugar kung kaya ito ay mainit at tuyo, anupat natutuyot ang pananim. (Gen 41:6, 23, 27; Eze 17:7-10; ihambing ang Os 13:15; Jon 4:8.) Kapag panahon ng tag-ulan, tinatangay ng hanging K mula sa Dagat Mediteraneo ang halumigmig patungong Palestina at nagdadala ito ng ulan sa lupaing iyon. (1Ha 18:42-45) Kapag ang mga nagmamasid doon ay nakakita ng isang ulap na lumilitaw sa K, makaaasa sila na babagyo. (Luc 12:54) Sa tuyong tag-araw, dahil sa araw-araw na paghihip ng hangin mula sa Mediteraneo ay mas kaayaaya ang panahon.—Tingnan ang EUROAQUILO; ULAP.
Makasagisag na Paggamit. Ang hangin ay maaaring biglang dumating at bigla ring mawala, anupat angkop na lumalarawan sa kaiklian ng buhay ng tao. (Job 7:7) Palibhasa’y walang solidong substansiya, ang hangin ay maaaring tumukoy sa walang-kabuluhang kaalaman at pagpapagal, sa hungkag na mga salita at pag-asa (Job 15:1, 2; 16:3; Ec 5:16; Os 12:1), gayundin sa kawalang-saysay. (Isa 26:18; 41:29; Jer 5:13) Palibhasa’y walang kinauuwian ang walang-kabuluhang mga gawa, ang pagtataguyod sa mga ito ay gaya ng “paghahabol sa hangin.” (Ec 1:14; 2:11) At ang tao na nagdadala ng sumpa sa kaniyang sambahayan ay ‘nagmamay-ari ng hangin.’ Wala siyang anumang natatamo na kapaki-pakinabang o may tunay na halaga.—Kaw 11:29.
Ikinakalat at ipinaghahagisan ng hangin ang mga bagay-bagay, kaya ang ‘ipinangalat sa bawat hangin’ o ‘nahati tungo sa apat na hangin’ ay nangangahulugan ng lubusang pangangalat o pagkakahati-hati. (Jer 49:36; Eze 5:10; 12:14; 17:21; Dan 11:4) Tulad ng isang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng hangin, na walang takdang landasin, ang mga taong kulang sa Kristiyanong pagkamaygulang ay “dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa pagkatha ng kamalian.”—Efe 4:13, 14.