Pagpapahalaga sa “Mga Kaloob na mga Tao”
“Isaalang-alang yaong mga gumagawa nang masikap sa gitna ninyo at . . . magbigay sa kanila ng higit kaysa pambihirang konsiderasyon sa pag-ibig dahil sa kanilang gawain.”—1 TESALONICA 5:12, 13.
1. Ayon sa Gawa 20:35, ano ang naidudulot ng pagbibigay? Ilarawan.
“MAY higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Natatandaan mo ba ang huling pagkakataon na naranasan mo ang katotohanan ng mga salitang ito ni Jesus? Marahil iyon ay isang regalo para sa isa na mahal na mahal mo. Maingat mong pinili iyon, dahil ibig mong pakaingatan iyon ng iyong minamahal. Ang kasiyahan sa mukha ng iyong minamahal—talagang nagpaligaya ito sa iyo! Kapag wasto ang motibo, ang pagbibigay ay isang kapahayagan ng pag-ibig, at nagdudulot naman sa atin ng kaligayahan ang pagpapahayag ng pag-ibig.
2, 3. (a) Bakit masasabi na walang sinuman ang mas liligaya pa kaysa kay Jehova, at paano nakapagpapasaya sa kaniya ang paglalaan ng “mga kaloob na mga tao”? (b) Ano ang hindi natin nanaising gawin sa isang kaloob mula sa Diyos?
2 Sino, kung gayon, ang mas liligaya pa kaysa kay Jehova, ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob”? (Santiago 1:17; 1 Timoteo 1:11) Bawat kaloob na ibinibigay niya ay udyok ng pag-ibig. (1 Juan 4:8) Tiyak na totoo ito sa kaloob na ibinibigay ng Diyos sa kongregasyon sa pamamagitan ni Kristo—ang “mga kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8) Ang paglalaan ng matatanda na mag-aasikaso sa kawan ay kapahayagan ng matimyas na pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan. Maingat na pinili ang mga lalaking ito—dapat na nakaabot sila sa mga kahilingan ng Kasulatan. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Alam nila na dapat nilang ‘pakitunguhan ang kawan nang magiliw,’ upang sa gayon ay magkaroon ng dahilan ang mga tupa na pahalagahan ang gayong maibiging mga pastol. (Gawa 20:29; Awit 100:3) Kapag nakikita ni Jehova na ang puso ng kaniyang mga tupa ay lipos ng pasasalamat, tiyak na masaya rin ang puso niya!—Kawikaan 27:11.
3 Tiyak na hindi natin nais na maliitin ang isang kaloob mula sa Diyos; ni gugustuhin man natin na di-pasalamatan ang kaniyang mga kaloob. Kaya bumabangon ang dalawang tanong: Paano dapat malasin ng matatanda ang kanilang papel sa kongregasyon? At paano maipapakita ng iba pa sa kawan na pinahahalagahan nila ang “mga kaloob na mga tao”?
‘Kami’y mga Kamanggagawa Ninyo’
4, 5. (a) Sa ano itinulad ni Pablo ang kongregasyon, at bakit angkop ang ilustrasyong ito? (b) Ano ang ipinapakita ng ilustrasyon ni Pablo tungkol sa kung paano natin dapat malasin at pakitunguhan ang isa’t isa?
4 Pinagkatiwalaan ni Jehova ng isang antas ng awtoridad sa kongregasyon ang “mga kaloob na mga tao.” Mangyari pa, hindi nais abusuhin ng matatanda ang kanilang awtoridad, ngunit alam nila na napakadaling gawin iyan ng di-sakdal na mga tao. Kung gayon, paano ba nila dapat malasin ang kanilang sarili may kaugnayan sa iba pa sa kawan? Tingnan ang ilustrasyong ginamit ni apostol Pablo. Matapos talakayin kung bakit inilaan ang “mga kaloob na mga tao,” sumulat si Pablo: “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay lumaki tayo sa lahat ng mga bagay patungo sa kaniya na siyang ulo, si Kristo. Mula sa kaniya ang buong katawan, palibhasa’y pinagsama-samang magkakasuwato at pinapangyaring magkatulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan na nagbibigay ng kung ano ang kinakailangan, ayon sa pagkilos ng bawat isang sangkap sa kaukulang sukat, ay gumagawa tungo sa paglaki ng katawan ukol sa pagpapatibay sa sarili nito sa pag-ibig.” (Efeso 4:15, 16) Kaya itinulad ni Pablo ang kongregasyon, kasali na ang matatanda at iba pang miyembro, sa katawan ng tao. Bakit angkop ang ilustrasyong ito?
5 Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming iba’t ibang sangkap ngunit may isa lamang ulo. Gayunman, walang anumang bahagi ng katawan—walang kalamnan, walang nerbiyo, walang ugat—na hindi mahalaga. Bawat sangkap ay mahalaga at kailangan sa kalusugan at kagandahan ng buong katawan. Gayundin naman, ang kongregasyon ay binubuo ng maraming iba’t ibang miyembro, ngunit bawat miyembro—bata man o matanda, malakas o mahina—ay makatutulong sa pangkalahatang kalusugan sa espirituwal at kagandahan ng kongregasyon. (1 Corinto 12:14-26) Hindi dapat isipin ng sinuman na wala siyang kabuluhan. Sa kabilang banda, hindi dapat isipin ninuman na siya’y nakahihigit, sapagkat tayong lahat—mga pastol at pati ang mga tupa—ay bahagi ng katawan, at iisa lamang ang ulo, si Kristo. Kaya iginuguhit ni Pablo ang isang magiliw na larawan ng pag-ibig, pangangalaga, at paggalang na dapat nating taglayin para sa isa’t isa. Ang pagkilala rito ay tumutulong sa matatanda na magkaroon ng mapagpakumbaba at timbang na pangmalas sa kanilang papel sa kongregasyon.
6. Bagaman may awtoridad bilang apostol, paano nagpamalas si Pablo ng isang mapagpakumbabang saloobin?
6 Hindi hangad ng “mga kaloob na mga tao[ng]” ito na kontrolin ang buhay o pananampalataya ng kanilang kapuwa mga mananamba. Bagaman may awtoridad bilang apostol, buong-pagpapakumbabang sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan, sapagkat sa pamamagitan ng inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.” (2 Corinto 1:24) Hindi nais ni Pablo na kontrolin ang pananampalataya at pamumuhay ng kaniyang mga kapatid. Ang totoo, hindi niya nakitang kailangang gawin iyon, sapagkat nagpahayag siya ng pagtitiwala na sila’y mga taong tapat na kabilang sa organisasyon ni Jehova sapagkat ibig nilang gawin ang tama. Kaya naman, nang nagsasalita tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang kasama sa paglalakbay na si Timoteo, sa diwa ay sinabi ni Pablo: ‘Tungkulin namin na gumawang kasama ninyo sa paglilingkod sa Diyos nang may kagalakan.’ (2 Corinto 1:1) Tunay na isang mapagpakumbabang saloobin!
7. Ano ang natatalos ng mapagpakumbabang matatanda tungkol sa kanilang papel sa kongregasyon, at anong pagtitiwala ang taglay nila sa kanilang mga kamanggagawa?
7 Ganiyan din ang tungkulin ng “mga kaloob na mga tao” sa ngayon. Sila’y ‘kamanggagawa para sa ating kagalakan.’ Natatalos ng mapagpakumbabang matatanda na hindi para sa kanila ang magpasiya kung gaano kalaki ang magagawa ng isa sa paglilingkod sa Diyos. Batid nila na bagaman pinasisigla nila ang iba na palawakin o pasulungin ang kanilang ministeryo, ang paglilingkod sa Diyos ay dapat na mula sa puso. (Ihambing ang 2 Corinto 9:7.) May tiwala sila na kung masaya ang kanilang mga kamanggagawa, gagawin nila ang kanilang buong makakaya. Kaya taos-puso nilang hangad na matulungan ang kanilang mga kapatid na ‘maglingkod kay Jehova na may pagsasaya.’—Awit 100:2.
Tinutulungan ang Lahat na Maglingkod Nang May Kagalakan
8. Ano ang ilang paraan na doo’y makatutulong ang matatanda sa kanilang mga kapatid upang makapaglingkod kay Jehova nang may kagalakan?
8 Mga matatanda, paano ninyo matutulungan ang inyong mga kapatid na maglingkod nang may kagalakan? Maaari kayong magpasigla sa pamamagitan ng halimbawa. (1 Pedro 5:3) Hayaang makita ang inyong sigasig at kagalakan sa ministeryo, at ang iba ay mapasisigla na tularan ang inyong halimbawa. Papurihan ang iba sa kanilang buong-kaluluwang pagsisikap. (Efeso 4:29) Ang magiliw at taimtim na papuri ay tumutulong sa iba na madamang sila’y kapaki-pakinabang at kailangan. Pinasisigla nito ang mga tupa na magnais na gawin ang kanilang buong-makakaya upang paglingkuran ang Diyos. Iwasan ang di-kanais-nais na paghahambing. (Galacia 6:4) Ang gayong paghahambing ay maaaring makasira ng loob sa halip na mag-udyok sa iba na sumulong. Bukod dito, ang mga tupa ni Jehova ay mga indibiduwal—na may iba’t ibang kalagayan at kakayahan. Tulad ni Pablo, magpahayag ng pagtitiwala sa inyong mga kapatid. “Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay,” kaya makabubuti sa atin na maniwalang iniibig ng ating mga kapatid ang Diyos at nais na palugdan siya. (1 Corinto 13:7) Kapag ‘nagpapakita kayo ng dangal sa iba,’ nagaganyak silang gawin ang pinakamagaling na magagawa nila. (Roma 12:10) Makatitiyak kayo na kapag napatibay-loob at naginhawahan ang mga tupa, magagawa ng karamihan ang buong makakaya nila sa paglilingkod sa Diyos, at sila’y makasusumpong ng kagalakan sa paglilingkurang iyan.—Mateo 11:28-30.
9. Anong pangmalas tungkol sa kapuwa matatanda ang tutulong sa bawat matanda na maglingkod nang may kagalakan?
9 Ang mapagpakumbabang pangmalas sa iyong sarili bilang isang ‘kamanggagawa’ ay tutulong sa iyo na maglingkod nang may kagalakan at magpahalaga sa natatanging mga kaloob ng iyong kapuwa matatanda. Bawat matanda ay may sariling talino at kakayahan na magagamit niya sa kapakinabangan ng kongregasyon. (1 Pedro 4:10) Ang isa ay maaaring magaling sa pagtuturo. Ang isa naman ay maaaring mahusay sa pag-oorganisa. Subalit ang isa pa ay maaaring lalo nang madaling lapitan dahil sa kaniyang pagiging magiliw at madamayin. Ang totoo, walang matanda ang nagtataglay ng bawat kaloob sa parehong antas. Ang pagkakaroon ba ng isang partikular na kaloob—halimbawa, ang kaloob ng pagtuturo—ay nagpapangyari na maging nakahihigit ang isang matanda kaysa sa iba? Hinding-hindi! (1 Corinto 4:7) Sa kabilang panig, hindi kailangang mainggit sa kaloob na taglay ng iba o makadamang walang-kakayahan ang isa kapag ang ibang matanda ay pinupuri ng iba dahil sa kaniyang kakayahan. Tandaan, ikaw mismo ay may mga kaloob na nakikita ni Jehova sa iyo. At matutulungan ka niya na paunlarin at gamitin ang mga kaloob na ito para sa kapakinabangan ng iyong mga kapatid.—Filipos 4:13.
‘Maging Masunurin at Maging Mapagpasakop’
10. Bakit angkop lamang na magpasalamat tayo dahil sa “mga kaloob na mga tao”?
10 Kapag nakatanggap tayo ng isang regalo, angkop lamang na tayo’y magpasalamat. “Ipakita ang inyong mga sarili na mapagpasalamat,” sabi ng Colosas 3:15. Ano, kung gayon, ang tungkol sa “mga kaloob na mga tao,” ang mahalagang kaloob na ibinigay sa atin ni Jehova? Sabihin pa, tayo’y pangunahin nang nagpapasalamat kay Jehova, ang bukas-palad na Tagapagbigay ng Kaloob. Subalit kumusta naman ang “mga kaloob na mga tao” mismo? Paano natin maipapakita na pinahahalagahan natin sila?
11. (a) Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa “mga kaloob na mga tao”? (b) Ano ang kahulugan ng pananalitang “maging masunurin” at “maging mapagpasakop”?
11 Maipapakita natin ang ating pagpapahalaga sa “mga kaloob na mga tao” sa pamamagitan ng agad na pagsunod sa kanilang payo at mga pasiya na salig sa Bibliya. Ganito ang payo sa atin ng Bibliya: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Pansinin na hindi tayo dapat na “maging masunurin” lamang, kundi dapat na “maging mapagpasakop” din naman sa mga nangunguna. Ang salitang Griego para sa “mapagpasakop” ay literal na nangangahulugang “magpasailalim kayo.” Sa pagkokomento tungkol sa mga pananalitang “maging masunurin” at “maging mapagpasakop,” ganito ang sabi ng iskolar sa Bibliya na si R. C. H. Lenski: “Ang isa ay sumusunod kapag ang isa ay sang-ayon sa ipinagagawa sa kaniya, nahikayat sa pagiging wasto at kapaki-pakinabang nito; ang isa ay nagpapasailalim . . . kapag siya ay may kasalungat na opinyon.” Kapag nauunawaan at sinasang-ayunan natin ang direksiyon ng mga nangunguna, madali na ang pagsunod. Subalit paano kung hindi natin nauunawaan ang dahilan ng isang partikular na pasiya?
12. Bakit dapat tayong magpasakop, o magpasailalim, kahit na hindi natin lubusang nauunawaan ang dahilan ng isang partikular na pasiya?
12 Dito maaaring kailangan tayong magpasakop, o magpasailalim. Bakit? Una, kailangan tayong magtiwala na ang kapakanan natin ang nasa puso ng mga lalaking ito na kuwalipikado sa espirituwal. Tutal, alam na alam nila na sila’y magsusulit kay Jehova alang-alang sa mga tupa na ipinagkatiwala sa kanila. (Santiago 3:1) Bukod dito, makabubuti sa atin na tandaan na maaaring hindi natin alam ang lahat ng kompidensiyal na bagay na umakay sa kanila para makagawa ng may-kabatirang pasiya.—Kawikaan 18:13.
13. Ano ang makatutulong sa atin na maging mapagpasakop pagdating sa hudisyal na mga pasiya ng matatanda?
13 Paano naman ang pagiging mapagpasakop pagdating sa hudisyal na mga pasiya? Totoo, maaaring hindi ito madali, lalo na kung ang pasiya ay itiwalag ang isa na mahal natin—isang kamag-anak o matalik na kaibigan. Muli, pinakamabuti rito ang magbigay-daan sa paghatol ng “mga kaloob na mga tao.” Sila ay nasa kalagayan na maging mas makatuwiran kaysa sa atin, at maaaring higit silang nakababatid ng mga pangyayari. Madalas na nahihirapan ang mga kapatid na ito sa gayong mga pasiya; isang seryosong responsibilidad ang ‘humatol para kay Jehova.’ (2 Cronica 19:6) Sinisikap nilang maging maawain, sapagkat alam nila na ang Diyos ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Subalit kailangan din nilang panatilihing malinis ang kongregasyon, at iniuutos ng Bibliya na kanilang itiwalag ang di-nagsisising mga nagkasala. (1 Corinto 5:11-13) Sa maraming kalagayan, ang pasiya ay tinatanggap mismo ng nagkasala. Maaaring disiplina ang talagang kailangan niya upang matauhan siya. Kung tayo, na kaniyang mga mahal sa buhay, ay nagpapasakop sa pasiya, baka sa ganiyang paraan ay makatulong tayo sa kaniya na makinabang sa disiplina.—Hebreo 12:11.
“Magbigay sa Kanila ng Higit Kaysa Pambihirang Konsiderasyon”
14, 15. (a) Ayon sa 1 Tesalonica 5:12, 13, bakit nararapat nating bigyan ng konsiderasyon ang matatanda? (b) Bakit masasabi na ang matatanda ay ‘gumagawa nang masikap sa gitna natin’?
14 Maaari rin nating ipakita ang ating pagpapahalaga sa “mga kaloob na mga tao” sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng konsiderasyon. Nang sumusulat sa kongregasyon sa Tesalonica, pinaalalahanan ni Pablo ang mga miyembro nito: “Isaalang-alang yaong mga gumagawa nang masikap sa gitna ninyo at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagpapaalala sa inyo; at magbigay sa kanila ng higit kaysa pambihirang konsiderasyon sa pag-ibig dahil sa kanilang gawain.” (1 Tesalonica 5:12, 13) “Gumagawa nang masikap”—hindi ba inilalarawan nito ang taimtim na matatanda na walang-pag-iimbot na nagpapagal alang-alang sa atin? Isaalang-alang sumandali ang mabigat na pasan ng mahal na mga kapatid na ito.
15 Karamihan sa kanila ay mga taong de-pamilya na kailangang maghanapbuhay upang mapaglaanan ang kanilang sambahayan. (1 Timoteo 5:8) Kung ang matanda ay may mga anak, ang mga batang ito ay nangangailangan ng panahon at atensiyon ng kanilang ama. Baka kailangang tulungan niya sila sa kanilang araling-bahay, gayundin ang maglaan ng panahon para gamitin ang kanilang lakas bilang mga kabataan sa kapaki-pakinabang na paglilibang. (Eclesiastes 3:1, 4) Higit na mahalaga, inaasikaso niya ang espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya, regular na nagdaraos ng pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, gumagawang kasama nila sa ministeryo sa larangan, at isinasama sila sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Deuteronomio 6:4-7; Efeso 6:4) Huwag nating kalimutan na bukod sa mga responsibilidad na ito na pangkaraniwan sa marami sa atin, may karagdagang pananagutan ang matatanda: paghahanda ng mga bahagi sa pulong, pagpapastol, pangangalaga sa espirituwal na kapakanan ng kongregasyon at, kapag kailangan, paghawak sa hudisyal na mga kaso. Ang ilan ay may karagdagang pananagutan may kinalaman sa mga pansirkitong asamblea, pandistritong kombensiyon, pagtatayo ng Kingdom Hall, at mga Hospital Liaison Committee. Talagang “gumagawa nang masikap” ang mga kapatid na ito!
16. Ilarawan ang mga paraan na doo’y maipapakita natin ang konsiderasyon sa matatanda.
16 Paano tayo makapagpapakita ng konsiderasyon sa kanila? Sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti!” (Kawikaan 15:23; 25:11) Kaya maipapakita ng pagsasabi ng taimtim na pasasalamat at pampatibay-loob sa kanila na hindi natin ipinagwawalang-bahala ang kanilang masikap na paggawa. Gayundin, dapat tayong maging makatuwiran sa inaasahan natin sa kanila. Sa kabilang panig, huwag tayong mag-atubiling lumapit sa kanila para humingi ng tulong. Maaaring may mga panahon na ‘ang atin mismong puso ay dumaranas ng matinding kirot’ at kailangan natin ng maka-Kasulatang pampatibay-loob, patnubay, o payo mula sa mga “kuwalipikado na magturo” ng Salita ng Diyos. (Awit 55:4; 1 Timoteo 3:2) Kasabay nito, kailangan nating tandaan na limitado lamang ang panahong maibibigay sa atin ng isang matanda, sapagkat hindi niya maaaring pabayaan ang mga pangangailangan ng kaniyang sariling pamilya o ng iba pa sa kongregasyon. Palibhasa’y may “damdaming pakikipagkapuwa” sa masisipag na kapatid na ito, hindi natin nanaising humiling ng labis-labis sa makakayanan nila. (1 Pedro 3:8) Sa halip, pahalagahan natin ang anumang panahon at atensiyon na makatuwirang maibibigay nila sa atin.—Filipos 4:5.
17, 18. Anong pagsasakripisyo ang ginagawa ng maraming asawang babae na matatanda ang kabiyak, at paano natin maipapakita na hindi natin kinaliligtaan ang tapat na mga kapatid na ito?
17 Kumusta naman ang mga kabiyak ng matatanda? Hindi ba nararapat din namang bigyan natin sila ng konsiderasyon? Tutal, ibinabahagi nila sa kongregasyon ang kanilang asawa. Lagi itong nangangahulugan ng pagsasakripisyo sa kanilang bahagi. Paminsan-minsan, kailangang gumugol ang matatanda ng mga oras sa gabi para sa mga bagay na pangkongregasyon na maaari sanang gugulin nila para sa kanilang pamilya. Sa maraming kongregasyon, kusang nagsasakripisyo ang tapat na mga Kristiyanong kababaihan upang mapangalagaan ng kanilang asawa ang mga tupa ni Jehova.—Ihambing ang 2 Corinto 12:15.
18 Paano natin maipapakita na hindi natin kinaliligtaan ang tapat na Kristiyanong mga kapatid na ito? Tiyak na sa pamamagitan ng pagiging hindi labis na mapaghanap sa kanilang asawa. Ngunit huwag din nating kalimutan ang bisa ng mga simpleng salita ng pasasalamat. Ganito ang sabi ng Kawikaan 16:24: “Ang kaiga-igayang mga pananalita ay bahay-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” Tingnan ang isang karanasan. Pagkatapos ng isang pagpupulong Kristiyano, isang mag-asawa ang lumapit sa isang matanda at hiniling na makausap siya tungkol sa kanilang tin-edyer na anak na lalaki. Samantalang nakikipag-usap ang matanda sa mag-asawa, ang kaniyang kabiyak ay matiyagang naghihintay. Pagkaraan, nilapitan ng ina ang asawa ng matanda at sinabi: “Gusto kitang pasalamatan sa panahon na ginamit ng iyong asawa para tulungan ang aking pamilya.” Talagang nakaantig sa asawa ng matanda ang gayong simple at kasiya-siyang pagpapasalamat.
19. (a) Ang matatanda, bilang isang grupo, ay buong-katapatang tumutupad ng anong mga layunin? (b) Ano ang dapat na ipasiya nating lahat na gawin?
19 Ang paglalaan ng matatanda upang alagaan ang mga tupa ay isa sa ‘mabubuting kaloob’ ni Jehova. (Santiago 1:17) Hindi, hindi sakdal ang mga lalaking ito; tulad nating lahat, nagkakamali rin sila. (1 Hari 8:46) Gayunman, bilang isang grupo, ang matatanda sa mga kongregasyon sa buong daigdig ay buong-katapatang tumutupad sa mga layunin ni Jehova para sa kanila—alalaong baga’y, upang ibalik sa ayos, patibayin, pagkaisahin, at ipagsanggalang ang kawan. Ipasiya nawa ng bawat matanda na ipagpatuloy ang magiliw na pangangalaga sa mga tupa ni Jehova, sa gayo’y pinatutunayan ang kaniyang sarili na isang kaloob, o pagpapala, sa kaniyang mga kapatid. At ipasiya sana nating lahat na ipakita ang ating pagpapahalaga sa “mga kaloob na mga tao” sa pamamagitan ng pagiging masunurin at mapagpasakop sa kanila at pagbibigay ng konsiderasyon sa kanilang masikap na paggawa. Anong laking pasasalamat natin na maibiging naglaan si Jehova ng mga lalaki na, sa diwa, nagsasabi sa kaniyang mga tupa: ‘Tungkulin namin na tulungan kayong maglingkod sa Diyos nang may kagalakan’!
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit angkop na maihahambing ang kongregasyon sa isang katawan?
◻ Paano matutulungan ng matatanda ang kanilang mga kapatid na mapaglingkuran si Jehova nang may kagalakan?
◻ Bakit hindi lamang tayo dapat na maging masunurin kundi mapagpasakop din naman sa mga nangunguna?
◻ Sa anu-anong paraan maipapakita natin ang konsiderasyon sa matatanda?
[Larawan sa pahina 16]
Mga matatanda, papurihan ang iba sa kanilang buong-kaluluwang pagsisikap
[Larawan sa pahina 17]
Sa kanilang masigasig na halimbawa sa ministeryo, ang matatanda ay makatutulong sa mga miyembro ng pamilya at sa iba pa upang maglingkod nang may kagalakan
[Mga larawan sa pahina 18]
Pinahahalagahan natin ang masisikap na matatanda!