“Ang Kaunawaan ng Tao ay Tunay na Nagpapabagal ng Kaniyang Galit”
Isang coach ng basketball sa kolehiyo ang nasesante dahil hindi niya makontrol ang kaniyang galit.
Nag-alburoto ang isang bata dahil hindi niya makuha ang gusto niya.
Nagsigawan ang mag-ina dahil makalat ang kuwarto ng anak.
NAKAKITA na tayong lahat ng taong nagagalit, at tiyak na may mga pagkakataong nagalit na rin tayo. Bagaman alam natin na ang galit ay isang negatibong damdamin na dapat kontrolin, madalas tayong nagdadahilan na may katuwiran tayo para magalit, lalo na kapag nilalabag ang ating pamantayan ng katarungan. Sinabi pa nga ng isang artikulo ng American Psychological Association na “ang galit ay normal na damdamin ng tao at karaniwan nang nakatutulong.”
Tila makatuwiran ang gayong pananaw kung iisipin natin ang ipinasulat ng Diyos sa Kristiyanong apostol na si Pablo. Dahil alam niya na may mga panahong nagagalit ang mga tao, sinabi niya: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Kaya dapat nga ba nating ilabas ang ating galit o sikaping kontrolin ito?
DAPAT KA BANG MAGALIT?
Nang magpayo si Pablo tungkol sa galit, malamang na nasa isip niya ang isinulat ng salmista: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala.” (Awit 4:4) Ano kaya ang layunin ng payo ni Pablo? Ipinaliwanag niya: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Hinihimok talaga ni Pablo ang mga Kristiyano na kontrolin ang galit. Kapansin-pansin, idinagdag pa ng artikulo ng American Psychological Association: “Ayon sa pagsusuri, ang paglalabas ng galit ay nagpapatindi sa galit at nagsusulsol ng karahasan at hindi ito nakatutulong . . . para ayusin ang sitwasyon.”
Kaya paano natin magagawang “alisin” ang galit at ang masasamang epekto nito? Isinulat ng matalinong hari na si Solomon ng sinaunang Israel: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Paano makatutulong “ang kaunawaan ng tao” kapag nagsisimula na siyang magalit?
KUNG PAANO NAGPAPABAGAL NG GALIT ANG KAUNAWAAN
Ang kaunawaan ay ang kakayahang makita ang nasa likod ng isang sitwasyon. Kaya kung may kaunawaan ang isa, nakikita niya ang mga detalye. Paano iyon nakatutulong kapag ginagalit tayo?
Kapag nakakita tayo ng kawalang-katarungan, posibleng magalit tayo. Pero kung magpapadala tayo sa ating damdamin at maghihiganti, baka masaktan natin ang ating sarili o ang iba. Kung paanong kayang tupukin ng apoy ang isang bahay, maaaring sirain ng nag-aalab na galit ang ating reputasyon at kaugnayan sa iba, pati na sa Diyos. Kaya kapag nararamdaman nating nagagalit na tayo, dapat nating suriing mabuti ang sitwasyon. Kapag nakita natin ang buong larawan, tiyak na matutulungan tayo na makontrol ang ating damdamin.
Si Haring David na ama ni Solomon ay muntik nang magkasala sa dugo ni Nabal. Mabuti na lang at natulungan si David na makita ang sitwasyon. Pinrotektahan ni David at ng mga tauhan niya ang mga tupa ni Nabal sa ilang ng Juda. Noong panahon na para gupitan ang mga tupa, humingi si David ng pagkain kay Nabal. Sumagot si Nabal: “Kukunin ko ba ang aking tinapay at ang aking tubig at ang pinatay kong hayop na kinatay ko para sa aking mga manggugupit at ibibigay iyon sa mga lalaki na hindi ko man lamang alam kung saan sila nagmula?” Talagang nakaiinsulto! Nang marinig iyon ni David, naghanda siya kasama ang mga 400 lalaki para patayin si Nabal at ang sambahayan nito.—1 Samuel 25:4-13.
Nalaman ni Abigail, na asawa ni Nabal, ang nangyari at pinuntahan si David. Nang makasalubong niya sina David, sumubsob siya sa paanan nito at nagsabi: “Hayaang magsalita ang iyong aliping babae sa iyong pandinig, at makinig ka sa mga salita ng iyong aliping babae.” At saka ipinaliwanag ni Abigail kay David na si Nabal ay talagang walang-kabuluhang lalaki at na pagsisisihan ni David ang paghihiganti at pagbububo ng dugo.—1 Samuel 25:24-31.
Ano ang ipinaunawa ni Abigail kay David na tumulong para humupa ang sitwasyon? Una, naunawaan ni David na si Nabal ay isa ngang walang-kabuluhang lalaki. Ikalawa, naunawaan din niya na maaari siyang magkasala sa dugo kung maghihiganti siya. Gaya ni David, maaaring may makapagpagalit din sa iyo. Ano ang dapat mong gawin? “Huminga muna nang malalim at bumilang nang hanggang 10,” ang payo ng isang artikulo sa Mayo Clinic tungkol sa pagkontrol ng galit. Oo, huminto muna at isipin ang pinagmulan ng problema at ang ibubunga ng pinaplano mong gawin. Hayaang pabagalin, o pawiin pa nga, ng kaunawaan ang iyong galit.—1 Samuel 25:32-35.
Sa katulad na paraan, marami ngayon ang natulungan nang kontrolin ang galit. Ipinaliwanag ni Sebastian na bilang 23-anyos na preso sa isang bilangguan sa Poland, natutuhan niyang kontrolin ang kaniyang galit sa tulong ng pag-aaral ng Bibliya. “Iniisip ko muna ang problema,” ang sabi niya. “At saka ko sinisikap na sundin ang payo ng Bibliya. Nakita kong ang Bibliya ang pinakamahusay na gabay.”
Gayundin ang ginawa ni Setsuo. Sinabi niya: “Naninigaw ako noon sa trabaho kapag nagagalit ako. Pero ngayong nag-aral na ako ng Bibliya, sa halip na sumigaw, tinatanong ko ang aking sarili: ‘Sino nga ba ang may kasalanan? Baka naman ako ang dahilan ng problema.’” Ang pagtatanong ng gayon ay nagpabagal sa kaniyang galit, at nakapagpipigil na siya kapag may namumuong galit sa puso niya.
Maaaring matinding damdamin nga ang galit, pero mas malakas pa rin ang payo ng Salita ng Diyos. Kung susundin mo ang matalinong payo ng Bibliya at mananalangin para sa tulong ng Diyos, mapababagal o makokontrol din ng kaunawaan ang iyong galit.