Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinabi ni Jesus: “Kung patatawarin ninyo ang mga kasalanan ng sinumang mga tao, ang mga iyon ay napatawad na sa kanila; kung pananatilihin ninyo yaong sa sinumang mga tao, ang mga iyon ay nananatili.” Ang mga salitang ito ba ay nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay makapagpapatawad ng mga kasalanan?
Walang maka-Kasulatang saligan para sa pagsasabi na ang mga Kristiyano sa pangkalahatan, o maging ang hinirang na matatanda sa mga kongregasyon, ay may banal na awtoridad na magpatawad ng mga kasalanan. Gayunman, ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa Juan 20:23, na sinipi sa itaas, ay nagpapakita na pinagkalooban ng Diyos ang mga apostol ng pantanging kapangyarihan hinggil dito. At ang pangungusap doon ni Jesus ay maaaring may kaugnayan sa sinabi niya sa Mateo 18:18 tungkol sa makalangit na mga pasiya.
Ang mga Kristiyano ay maaaring magpatawad ng ilang pagkakasala, kasuwato ng payo ni apostol Pablo na nakaulat sa Efeso 4:32: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.” Nagsasalita rito si Pablo tungkol sa personal na mga suliranin sa pagitan ng mga Kristiyano, tulad ng walang-pakundangang pagsasalita. Dapat nilang sikaping lutasin ang mga bagay na ito, anupat nagpapatawaran sa isa’t isa. Alalahanin ang mga salita ni Jesus: “Kung gayon, kapag dinadala mo ang iyong kaloob sa altar at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo ang iyong kaloob doon sa harap ng altar, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at pagkatapos, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”—Mateo 5:23, 24; 1 Pedro 4:8.
Gayunman, ang konteksto ng Juan 20:23 ay nagpapahiwatig na ang tinutukoy ni Jesus ay ang mas malulubhang kasalanan, gaya ng ipinakikita ng sinabi pa niya sa mga espesipikong mga tagapakinig na ito. Tingnan natin kung bakit.
Nang araw na siya’y buhaying-muli, si Jesus ay nagpakita sa mga alagad sa isang nakakandadong silid sa Jerusalem. Sinasabi ng ulat: “Sa gayon, si Jesus ay muling nagsabi sa kanila: ‘Magkaroon nawa kayo ng kapayapaan. Kung paanong isinugo ako ng Ama, ay akin ding isinusugo kayo.’ At pagkasabi niya nito ay humihip siya sa kanila at nagsabi sa kanila: ‘Tanggapin ninyo ang banal na espiritu. Kung patatawarin ninyo ang mga kasalanan ng sinumang mga tao, ang mga iyon ay napatawad na sa kanila; kung pananatilihin ninyo yaong sa sinumang mga tao, ang mga iyon ay nananatili.’ ”—Juan 20:21-23.
Malamang, ang mga alagad na nabanggit ay pangunahin nang yaong tapat na mga apostol. (Ihambing ang Ju 20 talata 24.) Sa paghihip sa kanila at pagsasabing, “Tanggapin ninyo ang banal na espiritu,” makasagisag na ipinatalastas sa kanila ni Jesus na ang banal na espiritu ay malapit nang ibuhos sa kanila. Sinabi pa ni Jesus na magkakaroon sila ng awtoridad may kinalaman sa kapatawaran ng mga kasalanan. Makatuwiran naman, magkaugnay ang kaniyang dalawang pangungusap, anupat ang isa ay umaakay sa isa pa.
Limampung araw buhat nang siya’y buhaying-muli, sa araw ng Pentecostes, ibinuhos ni Jesus ang banal na espiritu. Ano ang nagawa nito? Una, yaong mga tumanggap ng espiritu ay ipinanganak muli bilang espirituwal na mga anak ng Diyos taglay ang pag-asang maging mga kasamang tagapamahala ni Kristo sa langit. (Juan 3:3-5; Roma 8:15-17; 2 Corinto 1:22) Subalit higit pa ang nagawa ng gayong pagbubuhos ng espiritu. Ang ilang nakatanggap ay nagtamo ng makahimalang kapangyarihan. Sa pamamagitan niyaon ang ilan ay makapagsasalita ng mga wikang banyaga na hindi nila alam. Ang iba ay makapanghuhula. At ang iba pa ay makapagpapagaling ng mga maysakit o makabubuhay ng mga patay.—1 Corinto 12:4-11.
Yamang ang mga salita ni Jesus sa Juan 20:22 ay tumutukoy sa pagbubuhos na ito ng banal na espiritu sa mga alagad, ang kaniyang kaugnay na mga salita tungkol sa pagpapatawad ng mga kasalanan ay waring nangangahulugan na ang mga apostol ay pinagkalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilos ng espiritu ng isang pambihirang awtoridad na magpatawad o magpanatili ng mga kasalanan.—Tingnan ang The Watchtower, Marso 1, 1949, pahina 78.
Hindi ibinibigay sa atin ng Bibliya ang kumpletong salaysay ng lahat ng pagkakataon na doo’y ginamit ng mga apostol ang gayong awtoridad, subalit hindi rin naman nito iniulat ang lahat ng kaso na doo’y gumamit sila ng makahimalang kaloob na magsalita ng mga wika, manghula, o magpagaling.—2 Corinto 12:12; Galacia 3:5; Hebreo 2:4.
Ang isang kaso na may kinalaman sa awtoridad ng mga apostol na magpatawad o magpanatili ng mga kasalanan ay yaong kina Ananias at Safira, na nagbulaan sa espiritu. Si Pedro, na nakarinig nang bigkasin ni Jesus ang mababasa natin sa Juan 20:22, 23, ang siyang naglantad kina Ananias at Safira. Unang pinagsalitaan ni Pedro si Ananias, na namatay karaka-raka. Nang dumating si Safira pagkaraan at ipinagpatuloy ang pagsisinungaling, ipinahayag ni Pedro ang hatol sa kaniya. Hindi pinatawad ni Pedro ang kaniyang kasalanan kundi sinabi: “Narito! Ang mga paa niyaong mga naglibing sa iyong asawa ay nasa may pintuan, at ilalabas ka nila.” Siya rin naman ay namatay kapagdaka.—Gawa 5:1-11.
Sa pagkakataong ito ay ginamit ni apostol Pedro ang pantanging awtoridad upang ipahayag ang isang tiyak na pagpapanatili ng kasalanan, isang makahimalang kaalaman na hindi patatawarin ng Diyos ang kasalanan nina Ananias at Safira. Lumilitaw rin na ang mga apostol ay may nakahihigit-sa-taong unawa sa mga kaso na doo’y natitiyak nilang pinatawad ang mga kasalanan salig sa hain ni Kristo. Kaya yaong mga apostol na pinagkalooban ng espiritu ay makapagpapahayag ng pagpapatawad o pagpapanatili ng mga kasalanan.a
Hindi ibig sabihin nito na lahat ng pinahiran ng espiritung matatanda noon ay may gayong makahimalang awtoridad. Makikita natin ito buhat sa sinabi ni apostol Pablo tungkol sa taong itiniwalag buhat sa kongregasyon sa Corinto. Hindi sinabi ni Pablo, ‘Pinatatawad ko ang mga kasalanan ng taong iyon’ o kaya’y, ‘Alam ko na ang taong iyon ay pinatawad na sa langit, kaya tanggapin ninyo siyang muli.’ Sa halip, hinimok ni Pablo ang buong kongregasyon na patawarin ang nakabalik na Kristiyanong ito at magpakita ng pag-ibig sa kaniya. Idinagdag ni Pablo: “Anumang bagay ang may kabaitang ipinatatawad ninyo sa kaninuman, ginagawa ko rin.”—2 Corinto 2:5-11.
Minsang makabalik sa kongregasyon ang taong iyon, lahat ng Kristiyanong kapatid ay makapagpapatawad sa diwa na hindi nagtatanim ng galit sa nagawa niya. Subalit, kailangan muna niyang magsisi at maibalik. Papaano mangyayari iyan?
May malulubhang kasalanan na kailangang harapin ng matatanda sa kongregasyon, tulad ng pagnanakaw, pagsisinungaling, o malubhang imoralidad. Sinisikap nilang ituwid at sawayin ang gayong nagkakasala, anupat pinakikilos sila na magsisi. Subalit kung ang isa ay di-nagsisisi sa paggawa ng malubhang kasalanan, ikakapit ng matatandang ito ang banal na utos na itiwalag ang nagkasala. (1 Corinto 5:1-5, 11-13) Ang sinabi ni Jesus sa Juan 20:23 ay hindi kumakapit sa gayong mga kaso. Ang matatandang ito ay walang makahimalang kaloob ng espiritu, gaya ng kakayahang magpagaling ng mga maysakit sa pisikal o bumuhay ng mga patay; natupad na ang layunin ng gayong mga kaloob noong unang siglo at sa gayo’y natapos na. (1 Corinto 13:8-10) Isa pa, ang matatanda sa ngayon ay walang banal na awtoridad na magpatawad ng malulubhang pagkakasala sa diwa ng pagpapahayag na ang isang nagkasala nang malubha ay malinis sa mga mata ni Jehova. Ang ganitong uri ng kapatawaran ay kailangang salig sa haing pantubos, at tanging si Jehova lamang ang makapagpapatawad nang ganiyan.—Awit 32:5; Mateo 6:9, 12; 1 Juan 1:9.
Gaya sa kaso ng lalaking taga-sinaunang Corinto, kapag tumatangging magsisi ang nagkasala nang malubha, kailangang itiwalag siya. Kung sa dakong huli ay nagsisi at nagluwal siya ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi, posible ang pagpapatawad ng Diyos. (Gawa 26:20) Sa gayong situwasyon, ang Kasulatan ay nagbibigay ng dahilan sa matatanda upang maniwalang pinatawad na nga ni Jehova ang nagkasala. Kung magkagayon, kapag nakabalik na ang taong iyon, matutulungan siya ng matatanda sa espirituwal na paraan upang maging matatag sa pananampalataya. Ang iba sa kongregasyon ay makapagpapatawad sa paraang katulad din ng pagpapatawad ng mga Kristiyanong taga-Corinto sa taong natiwalag na nakabalik na noon.
Sa paglutas ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan, ang matatanda ay hindi gumagawa ng kanilang sariling pamantayan sa paghatol. Ikinakapit nila ang mga simulain sa Bibliya at maingat na sinusunod ang maka-Kasulatang paraan na ipinahayag ni Jehova. Kaya naman, ang anumang pagpapatawad o hindi pagpapatawad sa bahagi ng matatanda ay kaayon sa diwa ng mga salita ni Jesus sa Mateo 18:18: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Anumang mga bagay ang inyong igapos sa lupa ay magiging mga bagay na iginapos sa langit, at anumang mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay magiging mga bagay na kinalagan sa langit.” Masasalamin lamang sa kanilang pagkilos ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay ayon sa inihaharap ng Bibliya.
Dahil dito, ang sinabi ni Jesus, gaya ng nakaulat sa Juan 20:23, ay hindi salungat sa iba pang bahagi ng Kasulatan, kundi ipinakikita nito na ang mga apostol ay may pantanging awtoridad na magpatawad, kasuwato ng kanilang pantanging papel sa pagsisimula ng Kristiyanong kongregasyon.
[Talababa]
a Kahit na bago pa si Jesus mamatay at maglaan ng pantubos, may awtoridad na siya na sabihing pinatawad na ang kasalanan ng isang tao.—Mateo 9:2-6; ihambing ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1995.