Iniidolo Mo ba Ang Iyong Sarili?
Bagaman hindi nila natatanto iyon, may mga taong umiidolo sa kanilang sarili. Ipinaliliwanag ng Bibliya sa Efeso 5:5: “Sapagkat alam naman ninyo ito, na talastas ninyong lubos, na sinumang mapakiapid o mahalay o masakim na tao—na ibig sabihin ang pagiging isang mananamba sa idolo—ay walang anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” (Colosas 3:5; ihambing ang Galacia 5:19-21.) Ang mga pita ng laman ay maaaring magsilbing hadlang sa pagitan ng isang tao at ng Diyos. Tungkol sa gayong mga tao ay sinasabi ni Pablo na “ang kanilang Diyos ay ang kanilang tiyan.” (Filipos 3:18, 19) Sa ibang pananalita, sila’y may ibang “diyos” maliban kay Jehova, na ang kanilang inuuna ay ang kanilang sariling mga pita ng laman. Dahil sa ganiyang asal ay maaaring hindi makapasok ang isang tao sa Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Kung gayon, may mabuting dahilan na pakinggan ang mga salita ni apostol Pablo: “Samakatuwid, mga minamahal ko, magsitakas kayo sa pagsamba sa diyus-diyusan.”—1 Corinto 10:14.