Mamuhay Nang Timbang, Simple
“Mag-ingat nga kayong lubos kung papaano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng mga marurunong . . . sapagkat ang mga araw ay masasama.”—EFESO 5:15, 16.
1, 2. Ano ang tunay na hamon sa ngayon, at sa ano maihahambing ito?
ISANG hamon ang piliin ang mga bagay na uunahin, magsilbing mistulang salamangkero sa pagtutugma-tugma ng mga responsabilidad, at magbigay ng panahon at lakas sa importanteng mga pitak ng buhay sa isang makatuwirang paraan. Isa ring hamon ang umiwas sa mga kalabisan at manatiling may matatag na kaisipan at emosyon.—Efeso 5:17; 1 Timoteo 4:8; 1 Pedro 1:13.
2 Ang hamong ito ay maaaring maihambing sa hamon na nakaharap sa isang sirkero na nagtatangkang lumakad sa isang alambreng manipis, na ikinabit sa itaas. Siya’y mapapahamak kung siya’y mawawalan ng panimbang. Sa katulad na paraan, ang pagkawala ng espirituwal na paninimbang ay magiging isang kapahamakan para sa atin. Ang isang taong lumalakad sa isang alambreng nakabitin sa itaas ay tunay na hindi nagpapabigat sa kaniyang sarili ng maraming bagay. Wala siyang dala kundi ang mga kinakailangan lamang. Samakatuwid, upang tayo’y makapanatiling timbang sa ating espirituwalidad kailangang tayo’y namumuhay nang simple, walang anumang pinapasang pabigat.—Hebreo 12:1, 2.
3. Ano ang kailangan nating gawin upang makapamuhay nang simple?
3 Kung tayo’y mamumuhay nang simple, ang kailangan natin ay yaon lamang mga bagay na kinakailangan upang makapanatili sa isang makatuwirang pamumuhay. Kabaligtaran ng dapat hanapin ng kaniyang mga alagad—ang Kaharian ng Diyos at ang Kaniyang katuwiran—binanggit ni Jesu-Kristo ang “mga bagay na siyang pinaghahanap ng mga bansa.” (Mateo 6:32, 33) Kaya’t ipinayo sa atin ni Jesus na huwag magtipon ng katakut-takot na mga bagay na ito. Bakit? Sapagkat ang mga ito ang maaaring umakay upang maging masalimuot ang ating buhay at magligaw sa atin. (Lucas 12:16-21; 18:25) Ito ay mabuting payo, tayo man ay mayaman o mahirap, mataas o mababa man ang edukasyon.
Bakit Napakahalaga Ngayon
4. Bakit ang pamumuhay nang timbang, simple ay lubhang kailangan ngayon?
4 Ang pamumuhay nang timbang, simple ay lalo nang mahalaga ngayon sapagkat si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay naririto na lamang sa lupa at sila’y disididong tayo’y pabigatan at mailihis ang ating atensiyon buhat sa paglilingkod sa Diyos. (Apocalipsis 12:7-12, 17) Kung gayon, ngayon lalung-lalo na kumakapit ang utos ng Bibliya na: “Mag-ingat nga kayong lubos kung papaano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama.” (Efeso 5:15, 16) Oo, tayo’y nabubuhay sa balakyot na sanlibutan ni Satanas, hindi sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kung gayon, hindi natin maaatim na tayo’y maging kampante.—2 Corinto 4:4; 2 Pedro 3:7, 13.
5. Papaanong ang mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon ay nagbigay ng magandang halimbawa?
5 Ang mga lingkod ng Diyos na namumuhay sa pinaghaharian-ng-Diyablong sanlibutang ito noong sinaunang panahon ay nagbigay sa atin ng magandang halimbawa. Kanilang “hayagang ipinahayag na sila’y mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang mananahan sa lupain.” Kung gayon, sila’y naghanap ng “lalong magaling na dako, samakatuwid baga, ang pag-aari ng langit.” (Hebreo 11:13-16) Ang kanilang katapatan ay nakaukol sa makalangit na Kaharian ng Diyos, gaya rin ng dapat sa atin ngayon. Sa dahilang ito, ang mga Kristiyano ay tinawag ni apostol Pedro na “mga dayuhan at mga pansamantalang mga mamamayan.” (1 Pedro 2:11; Filipos 3:20) Ang totoo, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tunay na tagasunod “ay hindi bahagi ng sanlibutan.” Ito’y nangangahulugan, gaya ng sabi ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay maging ‘tulad sa mga hindi nagpapakalabis ng paggamit sa sanlibutan.’—Juan 17:16; 1 Corinto 7:31.
6. (a) Ano ang kailangang alalahanin natin, at sa ano maihahambing ang ating kalagayan? (b) Anong babalang halimbawa ang dapat na sundin nating lahat?
6 Kaya’t sa tuwina’y kailangang alalahanin natin na ang sanlibutang itong pag-aari ni Satanas ay isang mapanganib na teritoryong pamuhayan. Ang isang maling hakbang ay maaaring magdala ng kapahamakan. (1 Juan 5:19; 1 Pedro 5:8) Ang ating kalagayan ay maihahambing sa kalagayan ng isang taong lumalakad sa isang bukid na may nakabaóng mga bomba. Sa pagbanggit ng isang babalang halimbawa para sa mga Kristiyano, binanggit ni apostol Pablo ang mga Israelita na noo’y handa nang pumasok sa Lupang Pangako. Marami ang nawalan ng paninimbang sa kanilang espirituwalidad, napasangkot sa imoralidad, at pinatay ng Diyos. “Kaya,” ang isinulat ni Pablo, “ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka [mawalan ng paninimbang sa kaniyang espirituwalidad at] mabuwal.”—1 Corinto 10:12.
Bakit Ito Isang Proteksiyon
7. Anong pagsusuri sa sarili ang dapat na matalinong gawin natin?
7 Ang pamumuhay nang timbang, simple ay magsisilbing proteksiyon sa iyo sapagkat ito’y magbibigay sa iyo ng higit na panahon at lakas para sa espirituwal na mga bagay. Kaya’t matalinong itanong sa iyong sarili: Pinasisimple ko ba ang aking buhay, o pinagiging masalimuot? Ano bang mga bagay ang talagang nauuna sa aking buhay? Sinasabi ng iba na kakaunti ang kanilang panahon upang mag-aral ng Bibliya o makibahagi sa ministeryo sa larangan. Subalit ano ba ang dahilan? Malamang, iyon ay ang hindi nila pamumuhay nang timbang, simple. Bakit hindi ihambing ang dami ng panahong ginugugol mo sa paglilibang, tulad halimbawa ng panonood ng telebisyon, sa panahon na ginugugol mo ng paglilingkod kay Jehova sa isang pitak ng aktibidad Kristiyano o iba? Timbang ba ang paggamit mo ng panahon? Kung gagawin mong simple ang iyong buhay ikaw ay magkakaroon ng panahon para sa lalong mahalagang mga bagay, na kasali na rito ang pakikibahagi nang lalong malawakan sa pinakamahalagang espirituwal na pag-aani.—Filipos 1:9, 10; Mateo 9:37.
8. Papaano tumutugon ang isa sa payo ni Jesus na hanapin muna ang Kaharian, at anong halimbawa ang nagpapakita ng kahalagahan ng pagsulong?
8 Sa totoo, ang iyong espirituwal na aktibidad ay isang sukat ng kung ikaw ay namumuhay nang timbang, simple. Ang mga Kristiyanong tumutugon sa payo ni Jesus na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos ay sumusulong sa bilis na may kainaman sa regular na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at sa ministeryo sa larangan. Ang gayong kilos na pasulong ay isang tunay na proteksiyon laban sa pagkahulog. Ito’y maihahambing sa pagsakay sa isang bisikleta. Yaong mga sumubok na manimbang sa isang bisikleta na bumagal at halos nakahinto na ay nakakakilala sa kahalagahan ng pasulong na pagkilos. Sa katulad na paraan, habang ikaw ay sumusulong sa bilis na may kainaman sa isang rutina ng espirituwal na aktibidad, ikaw ay protektado buhat sa pagkawala ng iyong paninimbang at pagkahulog.—Filipos 3:16.
9. (a) Ano ang isang mabuting tagapagpaalaala sa lahat sa atin? (b) Pagka nagbabalak ng isang proyekto, ano ang maaaring maitanong natin sa ating sarili?
9 Gayunman, kailangan ang maging mapagbantay, alalahanin na ang pag-aalis natin ng mga bagay na pampabigat sa atin ay makapagbibigay ng higit pang panahon para sa pag-aaral, paghahanda para sa mga pulong at pagtulong sa iba. “Kailanma’t ako’y natutuksong bumili ng isang bagay na hindi ko naman kailangan, o tumanggap ng trabahong hindi ko naman kailangan,” ang sabi ng isang mangangalakal na Kristiyano, “pinipigil ko ang aking sarili at pinaaalalahanan ito na manatiling simple. Kung minsan kailangan na ako’y maging prangka sa aking sarili.” Hindi ba iyan isang mabuting tagapagpaalaala para sa lahat sa atin? Pagka ikaw ay nagbabalak ng isang proyekto, baka iyon ay ang pagtatayo para palakihan pa ang iyong bahay o ibang bagay naman, bakit hindi mo itanong sa iyong sarili: Ito kaya’y makapagpapasulong ng aking espirituwalidad at ng sa aking pamilya o ito ay hahadlang pa nga? Talaga bang kailangan ko ang lahat ng bagay na masigasig na pinaghahanap ng mga tao ng sanlibutan, o maaari ba akong mabuhay kahit na wala ang mga iyan?
10. Papaanong ang pangmalas ng isang “taong makalaman” ay naiiba sa pangmalas ng isang “taong makaespiritu”?
10 Gayunman baka mayroong isang tututol: ‘Ang gayon bang pagsasakripisyo-sa-sarili ay talagang kinakailangan? Tayo ba’y hinihilingan na mamuhay nang timbang, simple?’ Bueno, si Pablo ay may tinukoy na “ang mga bagay ng isang tao” at “ang mga bagay ng Diyos” at ang sabi: “Ang taong makalaman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagkat sinisiyasat ayon sa espiritu. Subalit ang taong makaespiritu ay sumisiyasat nga ng lahat ng mga bagay.” (1 Corinto 2:11, 14, 15) Ikaw ay madaling magiging isang “taong makalaman” sa pamamagitan ng paghahangad at pagtatamo ng materyal na mga bagay na hindi naman kinakailangan. Sa ganiyang kaso, ang pagsasakripisyo-sa-sarili ay tinging kalabisan na, katawa-tawa pa nga. Subalit iyan ang pangmalas ng isang “taong makalaman,” hindi ang pangmalas ng isang “taong makaespiritu.”
11. Ano kung sakali ang naging isang di-timbang na hakbangin para kay Noe, at papaano tayo namumuhay nang timbang sa ngayon?
11 Ang isang taong makaespiritu ay siya na tumitingin sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya. Kaniyang nakikita ang mga bagay-bagay buhat sa punto-de-vista ng Diyos. Pag-isipan si Noe. Siya kaya ay naging timbang kung, pagkatapos na mapag-alaman ang layunin ng Diyos na puksain ang sanlibutan sa pamamagitan ng isang baha, ang kaniyang panahon ay ginugol niya sa pagtatayo ng lalong malaki at lalong mainam na tahanan at sa pagkakamit ng higit pang materyal na ari-arian? Hindi nga! Ang daong ang kaniyang tunay na seguridad. Para kay Noe, ang pamumuhay nang timbang, simple ay ang pag-uukol ng buong atensiyon sa pagtatayo ng daong at pagiging “isang mangangaral ng katuwiran,” sa kabila ng panlilibak ng ‘mga taong makalaman’ na walang pananampalataya. (2 Pedro 2:5; Mateo 24:37-39) Gayundin, yamang tayo’y naliwanagan na tungkol sa nagbabantang wakas ng sanlibutan, ang tanging timbang na paraan ng pamumuhay para sa atin ay ang itutok ang ating pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos at sa paghahayag ng mabuting balita, bagaman maaaring kasangkot diyan ang ipinalalagay ng marami na pagsasakripisyo ng umano’y normal na paraan ng pamumuhay.—1 Juan 2:17.
Tinuruan Tayo ni Jesus Kung Papaano
12. (a) Ano ang sinabi ni Jesus na dapat nating itigil at ano ang dapat nating gawin sa halip? (b) Bakit ang pagbabagong ito ng layunin ay kinakailangan?
12 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesus ay nagbigay ng mainam na payo tungkol sa pamumuhay nang timbang, simple. Sinabi niya: “Tumigil na kayo ng pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tangà at kalawang, at dito’y nakapapasok ang mga magnanakaw at nagnanakaw.” Ang ginamit ni Jesus ay ang salitang “tumigil” sapagkat ang mga tao’y karaniwan nang patuloy na ‘nagtitipon’ ng materyal na mga bagay para sa kanilang sarili. Subalit ang isang taong nagiging alagad ni Jesus ay hindi na makagagawa nito. Ang kaniyang buhay ay kailangang may naiibang layunin, gaya ng ipinakita ng sumusunod na utos ni Jesus: “Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit, na kung saan hindi sumisira ang tangà o ang kalawang man, at kung saan hindi nakapapasok ang mga magnanakaw at nakapagnanakaw.” Sa pagbibigay ng dahilan kung bakit ang pagbabagong ito ng layunin ay kinakailangan, sinabi ni Jesus: “Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan, doroon din ang inyong puso.”—Mateo 6:19-21.
13. Kung ibig mong makapagtipon ng kayamanan sa langit, sa ano kailangang makumbinsi ka?
13 Ang iyong kayamanan ang itinuturing mo na talagang mahalaga. Mga materyal na ari-arian ba ang iyong kayamanan? O iyon ba ay ang pagbanal sa pangalan ng Diyos na Jehova at ang kaniyang ipinangakong gantimpala? Upang ang iyong buhay ay magugol mo sa pagtitipon ng kayamanan sa langit imbis na sa lupa, ikaw ay kailangang lubusang makumbinsi na tunay ang Kaharian. Ang bagong sanlibutan ay kailangang maging tunay na tunay sa iyo na anupa’t nakikita mo ito sa mata ng iyong isip at nakikita mo ang iyong sarili na gumagawa tungo sa ikapagtatagumpay ng mga layunin ni Jehova para sa lupa. Katulad ni Moises, kailangan na iyong ‘makita ang Isa na di-nakikita’ at lubusang makumbinsi ka na ‘kaniyang gagantimpalaan yaong masikap na naghahanap sa kaniya.’—Hebreo 11:6, 27.
14. Ano ang ibubunga kung ang ating mga puso ay nakalagak sa materyal na mga bagay?
14 Ngunit kumusta naman kung ang iyong puso, na kinapapalooban ng iyong mga hangarin at pagmamahal, ay nakalagak sa materyal na kayamanan? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” Ang paghahangad ng materyal na mga bagay na mabibili ng salapi ay talagang hindi nagbibigay ng tunay at namamalaging kasiyahan. (1 Timoteo 6:10; Eclesiastes 5:10) Subalit ang pinakamalungkot sa lahat, ang pag-ibig sa salapi at sa materyal na mga bagay ay sisira ng iyong kaugnayan sa Diyos, na umaasang tayo’y maglilingkod sa kaniya na taglay ang “isang sakdal na puso.”—1 Cronica 28:9.
15. (a) Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus tungkol sa mata? (b) Sa kapuwa pisikal at espirituwal na diwa, papaanong ang isang tao’y nakapananatiling may matang simple? (c) Kung ang ating mata ay simple, papaanong ang ating espirituwal na pangitain ay magiging katulad niyaong sa tatlong apostol ni Jesus?
15 Upang tulungan tayo na makaiwas sa silo ng materyalismo, si Jesus ay nagbigay ng dalawang ilustrasyon. Una, sinabi niya: “Ang ilawan ng katawan ay ang mata. Kung simple nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag; ngunit kung balakyot ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng kadiliman.” (Mateo 6:22, 23) Sa pisikal na diwa, ang isang matang “simple” ay yaong nakapokus, na naghahatid ng malilinaw na larawan sa isip. Ang isang matang di-nakapokus ay naghahatid ng mga larawang magugulo at malabo. Sa katulad na paraan, ang isang espirituwal na mata na “simple,” o nakapokus, ay naghahatid ng isang malinaw na larawan ng Kaharian ng Diyos, hindi isang larawang malabo, di-nakapokus at ginagawang ang bagong sanlibutan ay wari bagang isang kuwento ng engkantada o alamat. Kung ang iyong espirituwal na mata ay nakapokus, ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos ay magtitinging tunay na tunay sa iyo gaya ng tingin sa Kaharian ng tatlong apostol na binigyan ng pribilehiyong makitang patiuna iyon sa kahima-himalang pangitain ng pagbabagong-anyo ni Jesus.—Mateo 16:28–17:9; Juan 1:14; 2 Pedro 1:16-19.
16. Sa pangalawang ilustrasyon, papaanong ipinakita ni Jesus ang pangangailangan ng debosyon sa kaisa-isang layunin?
16 Si Jesus ay nagbigay ng pangalawang ilustrasyon. “Sinuman ay hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon,” ang sabi niya, “sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kaya’y magtatapat siya sa isa at pawawalang halaga ang ikalawa.” Upang idiin ang punto, muli niyang pinatingkad ang pangangailangan na magpakita ng debosyon sa kaisa-isang layunin, na nagsasabi: “Hindi ka makapagpapaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mateo 6:24) Iyan ay talagang hindi gagana. Kaya’t si Jesus ay nagpatuloy: “Kaya nga sinasabi ko sa inyo: Tumigil kayo ng pagbabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano baga ang inyong kakanin o ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong daramtin. . . . Sapagkat ang lahat ng ito ay mga bagay na masikap na pinaghahanap ng mga bansa. Sapagkat talastas ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito.”—Mateo 6:25-32.
17. (a) Ano bang punto ang pinalilitaw ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang mga tagubilin tungkol sa materyal na mga bagay? (b) Ano ang idiniriin dito ni Jesus, at ano ang kasangkot sa pamumuhay nang timbang, simple?
17 Hindi ibig sabihin ni Jesus na sa pagkakataon lamang ipauubaya ng kaniyang mga tagasunod ang paglalaan ng materyal na pangangailangan sa buhay o na sila’y magtatamad-tamaran at tatangging magtrabaho para may maitustos sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya. (1 Timoteo 5:8) Hindi, kundi ang pinalilitaw na punto’y na ang materyal na mga bagay na masikap na pinaghahanap ng mga bansa ay di dapat maging pangunahin. Kundi, gaya ng payo ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Kaya’t ang tinutukoy rito ni Jesus ay tungkol sa mga tunguhin sa buhay at ang kaniyang idiniriin ay ang kawalang saysay ng paghanap ng materyal na mga bagay. Sa pamumuhay nang timbang, simple kailangang itutok natin ang ating paningin sa wala nang iba pa kundi sa mga kapakanang pang-Kaharian, na ang lahat ay inilalagay na pangalawa lamang.
Ang Halimbawa ni Jesus at ng mga Iba Pa
18. Papaano nagpakita si Jesus ng tamang halimbawa para sa atin?
18 Sa pagpapayo sa mga Kristiyano na “iwaksi ang bawat pabigat at ang kasalanan [na kakulangan o kawalan ng pananampalataya] na madaling pumigil sa atin,” si Pablo’y nagpayo: “Takbuhín nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” (Hebreo 12:1, 2) Si Jesus ay may bukud-tanging debosyon sa mga kapakanan ng Kaharian na anupa’t ang kaniyang kalagayan ay gaya ng tinukoy niya: “May mga lungga ang mga sora at may mga pugad ang mga ibon sa langit, datapuwat ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Sa kabila nito, si Jesus ay hindi isang taong nagkakait sa sarili ng kasiya-siyang mga bagay. Ipinakikita ng Kasulatan na matuwain siya sa mainam na pagkain at pananamit, ngunit ang kaniyang pangunahing tunguhin sa buhay ay ganapin ang kaniyang ministeryo. Kaya naman si Jesus ay namuhay nang timbang, simple.—Lucas 5:29; Juan 19:23, 24.
19, 20. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo tungkol sa materyal na mga bagay? (b) Anong aral ang natutuhan ng marami sa ngayon, at kumusta naman ang kanilang nadarama tungkol sa kanilang kinuhang hakbangin sa buhay?
19 Si apostol Pablo man ay may mga priyoridad na nasa wastong pagkakasunud-sunod. Ganito ang paliwanag niya: “Hindi ko minamahal ang aking kaluluwa na waring sa akin ay mahalaga, maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na lubusang magpatotoo ng mabuting balita.” (Gawa 20:24) Oo, upang maganap ang pinakamahalagang ministeryo, si Pablo ay kontento na sa basta mga pangangailangan sa buhay ngunit manakanaka ay natutuwa rin siyang makatikim nang sagana. Siya’y sumulat: “Sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim maging sa kabusugan at maging sa kagutuman, maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.”—Filipos 4:12.
20 Literal na sampu-sampung libong mga tao ang natuto ng ganiyan ding aral sa ngayon. Marami sa kanila ang buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, kasali na ang mga misyonero, payunir, naglalakbay na tagapangasiwa, at yaong mga naglilingkod sa pandaigdig na punong tanggapan ng organisasyon at mga tanggapang sangay. Pagkatapos ng maraming taon sa buong-panahong paglilingkod, karamihan ay nagsasabi: “Kung sakaling uulitin ko ito, ito pa rin ang gagawin ko.”
Mga Pagpapalang Maaari Mong Tamasahin
21, 22. (a) Anong gantimpala ang tinatamasa kahit na ngayon pagka tayo’y namuhay nang timbang, simple? (b) Anong mga pagpapala sa hinaharap ang maaari mong tamasahin?
21 Samantalang ang pamumuhay nang timbang, simple ay nangangailangan ng sakripisyo, ang mga pagpapala at mga kagalakan naman ay walang kahalintulad. Ikaw nga ay magkakaroon ng higit na panahon upang mapasulong ang mga kapakanan ng Kaharian at ng lalong malaking pagkakataon upang hanapin ang mga taong interesado at turuan sila tungkol sa mga layunin ng Diyos. Ang tunay na kasiyahan at pagkakontento ay sasaiyo, kasali na ang kapayapaan ng isip at ang katiyakan na ikaw ay nakalulugod sa Diyos na Jehova. Iyan ay isang gantimpala na maaari mong tamasahin kahit na ngayon.—Filipos 4:6, 7.
22 Subalit ang mga pagpapala sa hinaharap ay totoong marami, na anupa’t ang anumang kasalukuyang mga pagsasakripisyo mo ay marahil parang walang anuman kung ihahambing. Sa mga pagpapala na ibibigay ni Jehova ay kasali ang “buhay hanggang sa panahong walang-hanggan.” Oo, iyan ang maaaring maging pagpapala sa iyo—buhay na walang-hanggan sa kaligayahan sa matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova. Mamuhay ka nang timbang, simple, huwag hayaang ang mga bagay ng sanlibutang ito ang sumira ng iyong paninimbang. Alalahanin na ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang mga hinihiling ng iyong puso.—Awit 21:3, 4; 37:4; 133:3.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong mga halimbawa at mga ilustrasyon ang napansin mong makatutulong sa iyo na mamuhay nang timbang, simple?
◻ Papaanong ang pamumuhay nang timbang, simple ay magsisilbing proteksiyon sa atin?
◻ Kung ang ating espirituwal na mata ay simple, ano ang magiging kahulugan nito sa atin?
◻ Papaano tayo tinuruan ni Jesus na mamuhay nang simple?
◻ Ano ang mga pagpapala ng pamumuhay nang timbang, simple?