ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Pag-aasawa
Ang pag-aasawa ba ay basta pagsasama lang ng dalawang tao?
“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:6.
ANG SABI NG BIBLIYA
Sa paningin ng Diyos, ang pag-aasawa ay hindi lang basta isang kasunduan ng dalawang tao. Ito ay sagradong pagsasama ng isang lalaki at isang babae. Sinasabi ng Bibliya: “Mula sa pasimula ng sangnilalang ay ‘Ginawa [sila ng Diyos na] lalaki at babae. Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina, at ang dalawa ay magiging isang laman’ . . . Kaya nga ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”a—Marcos 10:6-9; Genesis 2:24.
Ang mga salitang “ang pinagtuwang [o, pinagsama] ng Diyos” ay hindi nangangahulugang itinatadhana ng Diyos kung sino ang mapapangasawa ng isa. Sa halip, sa pagsasabing ang Maylalang ang Tagapagpasimula ng kaayusan sa pag-aasawa, idiniriin ng Bibliya ang pagiging seryoso ng buklod na ito. Kung ganito ang pangmalas ng mag-asawa sa kanilang pagsasama, ituturing nila itong sagrado at permanente, sa gayo’y titibay ang kanilang determinasyon na gawin itong matagumpay. Lalo silang magtatagumpay kung sasangguni sila sa patnubay ng Bibliya sa pagtupad ng kani-kanilang papel bilang asawang lalaki at asawang babae.
Ano ang papel ng lalaki?
“Ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae.”—Efeso 5:23.
ANG SABI NG BIBLIYA
Para maging maayos ang takbo ng pamilya, kailangang may magdedesisyon sa mga bagay-bagay. Iniatas ng Bibliya ang responsibilidad na iyan sa asawang lalaki. Pero hindi ibig sabihin nito na puwede na siyang maghari-harian o maging malupit. Hindi rin ito nangangahulugan na puwede niyang iwasan ang kaniyang pananagutan, anupat mawawala ang paggalang ng kaniyang asawa at mapabibigatan ito. Sa halip, inaasahan ng Diyos na magsisikap siyang pangalagaan ang kaniyang asawa at pag-ukulan ito ng karangalan bilang pinakamatalik at pinakamapagkakatiwalaan niyang kaibigan. (1 Timoteo 5:8; 1 Pedro 3:7) “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan,” ang sabi ng Efeso 5:28.
Kung talagang mahal ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak, pahahalagahan niya ang mga abilidad at talento nito at igagalang ang mga opinyon nito, lalo na sa mga bagay na makaaapekto sa kanilang pamilya. Hindi niya dapat igiit ang kaniyang kagustuhan dahil lang sa siya ang ulo ng pamilya. Nang tanggihan ng makadiyos na si Abraham ang mahusay na payo ng kaniyang asawa tungkol sa isang usapin ng pamilya, sinabi ng Diyos na Jehova sa kaniya: “Pakinggan mo ang kaniyang tinig.” (Genesis 21:9-12) Mapagpakumbabang sumunod si Abraham, kung kaya nagkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa ang kanilang pamilya, at pinagpala sila ng Diyos.
Ano ang papel ng babae?
“Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki.”—1 Pedro 3:1.
ANG SABI NG BIBLIYA
Bago lalangin ng Diyos ang babae para sa unang lalaki, sinabi Niya: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.” (Genesis 2:18) Ang kapupunan ay pumupuno o kumukumpleto sa isang bagay. Kaya naman, nilalang ng Diyos ang babae, hindi para maging kapareho ng lalaki ni makipagkompetensiya sa kaniya, kundi para maging katuwang niya. Magkasama nilang tutuparin ang atas ng Diyos sa kanila na mag-anak at punuin ang lupa ng kanilang mga supling.—Genesis 1:28.
Para magampanan ng babae ang kaniyang papel, binigyan siya ng Diyos ng angkop na mga katangiang pisikal, mental, at emosyonal. Kapag ginagamit niya ang mga katangiang ito sa matalino at maibiging paraan, malaki ang naitutulong niya para magtagumpay ang pagsasama nilang mag-asawa at para makadama ng kasiyahan at katiwasayan ang kaniyang mister. Sa paningin ng Diyos, ang gayong mahusay na babae ay karapat-dapat papurihan.b—Kawikaan 31:28, 31.
a Ipinahihintulot ng Bibliya ang diborsiyo kung ito’y dahil sa seksuwal na pagtataksil.—Mateo 19:9.
b Maraming kapaki-pakinabang na mungkahi sa pag-aasawa at buhay pampamilya ang makikita sa regular na seksiyon ng Gumising! na “Tulong Para sa Pamilya.”