KABANATA 17
‘Walang Pag-ibig na Hihigit Pa sa Pag-ibig Niya’
1-4. (a) Ano ang nangyari nang iharap ni Pilato si Jesus sa galít na mga taong nasa labas ng palasyo ng gobernador? (b) Ano ang reaksiyon ni Jesus nang ipahiya siya at pahirapan, at anong mahahalagang tanong ang sasagutin natin?
“NARITO ang tao!” Ganiyan ipinakilala ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato si Jesu-Kristo sa galít na mga taong nasa labas ng palasyo ng gobernador noong umaga ng Paskuwa ng 33 C.E. (Juan 19:5) Mga ilang araw bago nito, pinuri si Jesus ng mga tao nang pumasok siya sa Jerusalem bilang Haring hinirang ng Diyos. Pero ibang-iba na ang tingin sa kaniya ng mga tao ngayon.
2 May suot na korona at mahabang damit na purpura si Jesus, gaya ng suot ng mga hari. Pero ang mahabang damit at koronang tinik na isinuot sa kaniya ay hindi para parangalan siya, kundi para ipahiya. Sugatán si Jesus at duguan na. Sa tindi ng hagupit sa kaniya ng mga sundalo, nagkasugat-sugat ang likod niya. Sinulsulan ng mga punong saserdote ang mga tao na itakwil ang lalaking nasa harap nila. Sumigaw ang mga saserdote: “Ibayubay siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!” Dahil galit na galit ang mga tao, sumigaw sila: “Dapat siyang mamatay.”—Juan 19:1-7.
3 Kalmado at malakas ang loob ni Jesus. Tiniis niya ang kahihiyan at pandurustang ginagawa sa kaniya.a Handa siyang mamatay. Nang araw ding iyon, kusang-loob niyang hinarap ang napakasakit na kamatayan sa pahirapang tulos.—Juan 19:17, 18, 30.
4 Nang ibigay ni Jesus ang buhay niya, pinatunayan niyang isa siyang tunay na kaibigan sa mga tagasunod niya. “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya,” ang sabi niya. (Juan 15:13) Sasagutin sa kabanatang ito ang ilang mahahalagang tanong. Kailangan ba talagang magdusa at mamatay si Jesus? Bakit handa niyang gawin ito? Bilang “mga kaibigan niya” at mga tagasunod, paano natin siya matutularan?
Bakit Kailangang Magdusa at Mamatay si Jesus?
5. Paano nalaman ni Jesus ang espesipikong mga pagsubok na mararanasan niya?
5 Alam ni Jesus ang mangyayari sa kaniya bilang Mesiyas. Alam din niya ang maraming hula sa Hebreong Kasulatan na detalyadong tumutukoy sa pagdurusa at kamatayan niya. (Isaias 53:3-7, 12; Daniel 9:26) Ilang beses niyang inihanda ang mga alagad niya sa mga pagsubok na mararanasan niya. (Marcos 8:31; 9:31) Noong papunta siya sa Jerusalem para sa huling Paskuwa, espesipiko niyang sinabi sa mga apostol: “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay sa mga tao ng ibang mga bansa, at tutuyain siya ng mga ito, duduraan, hahagupitin, at papatayin.” (Marcos 10:33, 34) Natupad ang hulang iyan. Gaya ng nakita natin, ginawang katatawanan, dinuraan, hinagupit, at pinatay si Jesus.
6. Bakit kailangang magdusa at mamatay si Jesus?
6 Bakit kailangang magdusa at mamatay si Jesus? May ilang napakahalagang dahilan. Una, kapag nakapanatili siyang tapat, mapapabanal niya ang pangalan ni Jehova. Tandaang nagsinungaling si Satanas nang sabihin niyang naglilingkod lang ang mga tao sa Diyos dahil sa makasariling pakinabang. (Job 2:1-5) Kapag nakapanatiling tapat si Jesus hanggang “kamatayan sa pahirapang tulos,” mapapatunayan niyang talagang sinungaling si Satanas. (Filipos 2:8; Kawikaan 27:11) Ikalawa, mababayaran ng pagdurusa at kamatayan ng Mesiyas ang kasalanan ng mga tao. (Isaias 53:5, 10; Daniel 9:24) Ibinigay ni Jesus ang “buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” Dahil dito, puwede tayong maging kaibigan ng Diyos. (Mateo 20:28) Ikatlo, kapag natiis ni Jesus ang lahat ng pagdurusang mararanasan niya, masasabing “sinubok siya sa lahat ng bagay gaya natin.” Talagang “nauunawaan ng ating mataas na saserdote ang mga kahinaan natin.”—Hebreo 2:17, 18; 4:15.
Bakit Handang Ibigay ni Jesus ang Buhay Niya?
7. Gaano kalaki ang isinakripisyo ni Jesus nang pumunta siya dito sa lupa?
7 Para maintindihan natin kung ano ang handang gawin ni Jesus, pag-isipan ito: May kilala ka bang tao na handang iwan ang pamilya at bahay niya para lumipat sa isang lugar kung saan siya hihiyain, papahirapan, at papatayin? Parang ganiyan ang ginawa ni Jesus. Bago siya bumaba dito sa lupa, may espesyal na posisyon siya sa langit kasama ng kaniyang Ama. Pero kusang iniwan iyon ni Jesus at naging tao dito sa lupa. Ginawa niya ito kahit alam niyang marami ang hindi tatanggap sa kaniya at na makakaranas siya ng kahihiyan, kalupitan, pagdurusa, at kamatayan. (Filipos 2:5-7) Bakit ginawa ni Jesus ang sakripisyong iyon?
8, 9. Bakit ibinigay ni Jesus ang buhay niya?
8 Ang pinakaunang dahilan kung bakit ibinigay ni Jesus ang buhay niya ay dahil mahal na mahal niya ang kaniyang Ama. Iyan din ang dahilan kung bakit nakapagtiis siya at kung bakit mahalaga sa kaniya ang pangalan at reputasyon ng kaniyang Ama. (Mateo 6:9; Juan 17:1-6, 26) Talagang gusto ni Jesus na linisin ang pangalan ng kaniyang Ama mula sa kasinungalingan ni Satanas. Para kay Jesus, napakalaking karangalan at pribilehiyo na magdusa para sa katuwiran. At alam niyang malaki ang magagawa ng katapatan niya sa pagpapabanal ng pangalan ng kaniyang Ama.—1 Cronica 29:13.
9 Ang isa pang dahilan kung bakit ibinigay ni Jesus ang buhay niya ay dahil mahal niya ang mga tao. Mahal na mahal ni Jesus ang mga tao mula pa noong lalangin sila ng Diyos. Ito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa nararamdaman ni Jesus para sa mga tao bago pa siya bumaba dito sa lupa: “Espesyal para sa akin ang mga anak ng tao.” (Kawikaan 8:30, 31) Kitang-kita iyan nang nandito na siya sa lupa. Gaya ng nakita natin sa naunang tatlong kabanata, ipinakita ni Jesus sa maraming paraan ang pag-ibig niya sa mga tao, lalo na sa mga tagasunod niya. Pero mas kitang-kita ang pag-ibig na iyan noong Nisan 14, 33 C.E., nang kusa niyang ibigay ang buhay niya para sa atin. (Juan 10:11) Talagang wala nang hihigit pang pag-ibig kaysa diyan. Dapat din nating tularan ang pag-ibig ni Jesus. Iniutos pa nga niyang gawin natin iyan.
“Ibigin Ninyo ang Isa’t Isa Kung Paanong Inibig Ko Kayo”
10, 11. Ano ang bagong utos ni Jesus sa mga tagasunod niya? Ano ang ibig sabihin nito, at bakit mahalagang sundin natin ito?
10 Noong gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa pinakamalalapít na alagad niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:34, 35) “Ibigin ninyo ang isa’t isa.” Paano ito naging “bagong utos”? Mula pa noon, sinasabi na sa Kautusang Mosaiko: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Pero mas mataas na uri ng pag-ibig ang hinihiling ng bagong utos, kasi handang ibigay ng isa ang buhay niya para sa iba. Ipinaliwanag ito mismo ni Jesus: “Ito ang utos ko: Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.” (Juan 15:12, 13) Para bang sinasabi ng bagong utos: “Mas mahalin mo ang iba kaysa sa sarili mo.” Talagang ipinakita ni Jesus ang pag-ibig na iyan sa buong buhay niya.
11 Bakit mahalagang sundin natin ang bagong utos? Tandaan ang sinabi ni Jesus: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” Oo, nakikilala tayo bilang mga tunay na Kristiyano dahil sa mapagsakripisyong pag-ibig. Para itong isang I.D. Nagsusuot ng I.D. o badge card ang mga dumadalo sa taunang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Makikita roon ang pangalan at kongregasyon nila. Parang “badge card” ng mga tunay na Kristiyano ang mapagsakripisyong pag-ibig. Ibig sabihin, dapat na kitang-kita ang pag-ibig natin sa isa’t isa para malaman ng iba na mga tunay na tagasunod tayo ni Kristo. Dapat nating tanungin ang sarili natin, ‘Nakikita ba ng iba na suot ko ang “I.D.” ng mapagsakripisyong pag-ibig?’
Mapagsakripisyong Pag-ibig —Ano ang Ibig Sabihin Nito?
12, 13. (a) Ano ang handa nating gawin para ipakita ang pag-ibig sa isa’t isa? (b) Ano ang ibig sabihin ng pagiging mapagsakripisyo?
12 Bilang mga tagasunod ni Jesus, dapat nating ibigin ang isa’t isa kung paanong inibig niya tayo. Ibig sabihin, handa tayong magsakripisyo para sa mga kapatid. Paano natin gagawin iyan? Sinasabi ng Bibliya: “Naunawaan natin kung ano ang pag-ibig dahil ibinigay ng isang iyon ang buhay niya para sa atin, at pananagutan nating ibigay ang buhay natin para sa mga kapatid natin.” (1 Juan 3:16) Gaya ni Jesus, dapat na handa tayong mamatay para sa iba kung kailangan. Kapag may pag-uusig, mas gugustuhin nating isakripisyo ang buhay natin kaysa sa isapanganib ang buhay ng mga kapatid natin. Sa mga lugar na may pagtatangi dahil sa lahi o etnikong grupo, handa nating ibigay ang buhay natin para protektahan ang mga kapatid anuman ang lahi o etnikong grupo nila. Kapag may digmaan, mas gugustuhin nating makulong o mamatay pa nga kaysa makipaglaban sa mga kapatid o sa ibang tao.—Juan 17:14, 16; 1 Juan 3:10-12.
13 Maipapakita natin ang mapagsakripisyong pag-ibig sa mga kapatid hindi lang sa pagiging handang mamatay para sa kanila. Bihira lang naman talagang mangyari iyon. Pero kung handa tayong mamatay para sa kanila, dapat na mas handa tayong gumawa ng mas maliliit na sakripisyo para tulungan sila ngayon pa lang. Ibig sabihin, handa nating gawin ang mga bagay-bagay para sa kanila kahit mahirap gawin iyon o kahit wala tayong makukuhang pakinabang. Inuuna natin ang pangangailangan at kapakanan nila bago ang sa atin. (1 Corinto 10:24) Paano natin maipapakita ang mapagsakripisyong pag-ibig?
Kongregasyon at Pamilya
14. (a) Anong mga pagsasakripisyo ang kailangang gawin ng mga elder? (b) Ano ang nararamdaman mo sa masisipag na elder sa kongregasyon ninyo?
14 Maraming ginagawang sakripisyo ang mga elder ng kongregasyon para ‘pastulan ang kawan.’ (1 Pedro 5:2, 3) Hindi lang pamilya nila ang inaasikaso nila. Kailangan din nilang maglaan ng panahon sa gabi o dulo ng sanlinggo para sa kongregasyon. Kasama diyan ang paghahanda ng mga bahagi sa pulong, pagpapastol sa mga kapatid, at paghawak ng hudisyal na mga kaso. May iba pang gawain ang maraming elder. Nag-aasikaso sila sa mga asamblea at kombensiyon, at naglilingkod bilang mga miyembro ng Hospital Liaison Committee o Patient Visitation Group. Nagboboluntaryo naman ang iba sa Local Design/Construction. Mga elder, tandaan na kapag ginagamit ninyo ang panahon, lakas, at mga pag-aari ninyo para pastulan ang kawan, naipapakita ninyo ang mapagsakripisyong pag-ibig. (2 Corinto 12:15) Pinapahalagahan ni Jehova at ng kongregasyon ang mga pagsisikap ninyo.—Filipos 2:29; Hebreo 6:10.
15. (a) Ano ang ilang ginagawang sakripisyo ng asawa ng mga elder? (b) Ano ang nararamdaman mo sa asawa ng mga elder na handang isakripisyo ang panahon ng asawa niya na para sana sa kanila?
15 Kumusta naman ang asawa ng mga elder? Nagsasakripisyo rin siya para maasikaso ng asawa niya ang kongregasyon. Gusto rin sana niyang makasama ang asawa niya pero handa niyang isakripisyo iyon para maasikaso ng asawa niya ang kongregasyon. Nagsasakripisyo rin ang asawa ng mga tagapangasiwa ng sirkito. Sinasamahan niya ang asawa niya sa pagdalaw sa mga kongregasyon. Handa siyang magpalipat-lipat ng bahay at matulog sa iba’t ibang higaan linggo-linggo. Talagang nagpapasalamat tayo sa mga asawang babae na handang magsakripisyo para sa kongregasyon!—Filipos 2:3, 4.
16. Anong mga sakripisyo ang ginagawa ng mga Kristiyanong magulang para sa mga anak nila?
16 Paano natin maipapakita sa pamilya ang mapagsakripisyong pag-ibig? Mga magulang, marami kayong sakripisyong ginagawa para maalagaan ang mga anak ninyo at palakihin sila “sa disiplina at patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Baka maraming oras kayong nagtatrabaho nang mabigat para maibigay ang pagkain, damit, at tirahan ng pamilya ninyo. Inuuna ninyo ang kailangan ng mga anak ninyo kaysa sa sarili ninyo. Nagsisikap din kayong ma-Bible study ang mga anak ninyo at maisama sila sa mga pulong at pangangaral. (Deuteronomio 6:6, 7) Masaya si Jehova, ang pinagmulan ng bawat pamilya, sa mga sakripisyong ginagawa ninyo. Makakatulong ito sa mga anak ninyo na magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Kawikaan 22:6; Efeso 3:14, 15.
17. Paano matutularan ng mga asawang lalaki ang pagiging di-makasarili ni Jesus?
17 Mga asawang lalaki, paano ninyo matutularan si Jesus sa pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig? Sinasabi sa Bibliya: “Mga asawang lalaki, patuloy na mahalin ang inyong asawang babae kung paanong inibig ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang sarili niya para dito.” (Efeso 5:25) Gaya ng nakita na natin, mahal na mahal ni Jesus ang mga tagasunod niya at namatay siya para sa kanila. Tinutularan ng mga asawang lalaki ang pagiging di-makasarili ni Jesus, na “hindi nagpalugod sa sarili.” (Roma 15:3) Inuuna ng mga asawang lalaki ang kailangan at kapakanan ng asawa niya bago ang sa kaniya. Hindi niya ipinipilit na siya ang dapat masunod. Handa niyang sundin ang gusto ng asawa niya kung wala namang nalalabag na prinsipyo sa Bibliya. Kung gagawin ng asawang lalaki ang lahat ng iyan, matutuwa si Jehova, at mamahalin at igagalang siya ng asawa at mga anak niya.
Ano ang Gagawin Mo?
18. Bakit natin sinusunod ang bagong utos na ibigin ang isa’t isa?
18 Hindi madaling sundin ang bagong utos na ibigin ang isa’t isa, pero may mahalagang dahilan kung bakit natin gustong gawin iyan. Sinabi ni Pablo: “Ang pag-ibig ng Kristo ang nagpapakilos sa amin, dahil ito ang naunawaan namin: isang tao ang namatay para sa lahat, . . . at namatay siya para sa lahat, nang sa gayon, ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa sarili nila, kundi para sa kaniya na namatay alang-alang sa kanila at binuhay-muli.” (2 Corinto 5:14, 15) Namatay si Jesus para sa atin, kaya dapat lang na mabuhay tayo para sa kaniya. Magagawa natin iyan kung tutularan natin ang mapagsakripisyong pag-ibig niya.
19, 20. Anong mahalagang regalo ang ibinigay sa atin ni Jehova, at paano natin maipapakitang tinatanggap natin ito?
19 Totoo ang sinabing ito ni Jesus: “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.” (Juan 15:13) Ipinakita ni Jesus kung gaano niya tayo kamahal nang kusa niyang ibigay ang buhay niya para sa atin. Pero may nagpakita pa ng mas dakilang pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Mahal na mahal tayo ng Diyos. Ibinigay niya ang kaniyang Anak bilang pantubos para mailigtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. (Efeso 1:7) Napakahalagang regalo mula kay Jehova ang pantubos, pero hindi niya tayo pinipilit na tanggapin ito.
20 Tayo ang magdedesisyon kung tatanggapin natin ang regalong ito. Maipapakita nating tinatanggap natin ito kung ‘mananampalataya’ tayo sa kaniyang Anak. Pero hindi lang sa salita maipapakita ang pananampalataya. Maipapakita rin ito sa gawa, o paraan ng pamumuhay. (Santiago 2:26) Mapapatunayan nating nananampalataya tayo kay Jesu-Kristo kung susundin natin siya sa araw-araw. Dahil dito, tatanggap tayo ng maraming pagpapala ngayon at sa hinaharap, gaya ng ipapaliwanag sa huling kabanata ng aklat na ito.
a Dalawang ulit na dinuraan si Jesus nang araw na iyon; una, ng mga lider ng relihiyon at pagkatapos, ng mga sundalong Romano. (Mateo 26:59-68; 27:27-30) Tiniis din ni Jesus ang kahihiyang ito para tuparin ang hula: “Hindi ko iniwas ang mukha ko sa kahiya-hiyang mga bagay at sa dura.”—Isaias 50:6.