PAKIKIPAG-USAP SA IBA
Bakit Dapat Mong Suriin ang Bibliya?
Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Brian ang Saksing dumadalaw kay Eric.
ANG BIBLIYA—TUMPAK PAGDATING SA KASAYSAYAN
Eric: Alam mo, hindi talaga ako relihiyoso kaya sa palagay ko, wala tayong gaanong pag-uusapan.
Brian: Ganoon ba? Ako nga pala si Brian. Ano’ng pangalan mo?
Eric: Eric.
Brian: Kumusta ka, Eric?
Eric: Mabuti naman.
Brian: Maitanong ko lang, Eric, relihiyoso ba ang pamilya n’yo?
Eric: Oo naman. Pero nang magkolehiyo ako, hindi na ako nakapagsimba.
Brian: A, ano’ng kurso mo?
Eric: Social studies at history. Hilig ko talaga ang history—alam mo na, ang buong kasaysayan ng tao.
Brian: Maganda talaga ang history. Alam mo ba na ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan? Naisama mo ba ito sa pinag-aaralan mo?
Eric: Hindi. Alam kong magandang aklat iyon, pero hindi ko talaga iniisip na ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan.
Brian: Gusto ko sanang ipakita ang ilang halimbawa ng tumpak na kasaysayang binabanggit sa Bibliya. Okey lang ba?
Eric: Okey, pero wala akong Bibliya.
Brian: Ayos lang. Gamitin na lang natin itong Bibliya ko. Ang unang halimbawa ay nasa 1 Cronica kabanata 29, talata 26 at 27. Ganito ang mababasa natin: “Kung tungkol kay David na anak ni Jesse, siya ay naghari sa buong Israel; at ang mga araw na ipinaghari niya sa Israel ay apatnapung taon. Sa Hebron ay naghari siya nang pitong taon, at sa Jerusalem ay naghari siya nang tatlumpu’t tatlong taon.”
Eric: Paano naman naging tumpak na kasaysayan iyan?
Brian: Sinasabi kasi ng mga kritiko noon na hindi raw umiral si Haring David.
Eric: Talaga? Bakit naman nila kinukuwestiyon ang pag-iral niya?
Brian: Bukod kasi sa Bibliya, walang gaanong ebidensiya na umiral siya. Pero noong 1993, nahukay ng isang pangkat ng mga arkeologo ang isang sinaunang bato na may nakaukit na salita na isinaling “Bahay ni David.”
Eric: Talaga?
Brian: Isa pang tauhan sa Bibliya na kinukuwestiyon din ang pag-iral ay si Poncio Pilato, isang gobernador noong panahon ni Jesus. Binabanggit siya rito sa Lucas kabanata 3 talata 1—kasama ng iba pang opisyal ng gobyerno noong panahong iyon.
Eric: Oo nga. Sinasabi rito na “nang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, . . . si Herodes ang tagapamahala ng distrito ng Galilea.”
Brian: Tama. Matagal na pinagdudahan ng ilang iskolar kung totoong tao nga ba si Poncio Pilato. Pero isang bato ang natuklasan sa Gitnang Silangan, mga 50 taon na ang nakararaan. At nakaukit doon ang pangalan niya.
Eric: Hmm. Ngayon ko lang narinig iyan.
Brian: Natutuwa akong ipaalam iyan sa iyo.
Eric: Sa totoo lang, hanga ako sa pagkakasulat ng Bibliya. Pero parang lipas na ang nilalaman nito. Maaaring tumpak ito pagdating sa kasaysayan, pero wala naman yata itong maitutulong sa atin ngayon.
ANG BIBLIYA—LUMA PERO MODERNONG AKLAT
Brian: Marami ang sasang-ayon diyan, pero iba ang paniniwala ko. Kasi, hindi naman nagbago ang mga pangangailangan ng tao mula noon—pagkain, pananamit, at tirahan. Gustong-gusto nating makipag-usap sa iba at magkaroon ng masayang pamilya. Hindi ba mahalaga sa atin ang mga bagay na iyon?
Eric: Siyempre naman.
Brian: Matutulungan tayo riyan ng Bibliya. Masasabi natin na isa itong luma pero modernong aklat.
Eric: Ano’ng ibig mong sabihin?
Brian: Ganito iyan: Ang Bibliya ay naglalaman ng mga simulain na praktikal pa rin sa ngayon gaya noong isulat ito daan-daang taon na ang nakalipas.
Ang Bibliya ay naglalaman ng mga simulain na praktikal pa rin sa ngayon gaya noong isulat ito daan-daang taon na ang nakalipas
Eric: Sa anong mga paraan?
Brian: Makatutulong ang mga simulain sa Bibliya para magkaroon tayo ng timbang na pangmalas sa pera, maligayang pamilya, at maging mabuting kaibigan. Ang aklat na ito ay nagsisilbing mapa tungo sa tagumpay. Sang-ayon ka ba na mahirap maging matagumpay na asawang lalaki at ulo ng pamilya?
Eric: Totoo iyan. Isang taon na kaming kasal ng asawa ko, at madalas na magkaiba kami ng pananaw sa mga bagay-bagay.
Brian: Ganiyan nga ang nangyayari. Pero may mga simpleng simulain sa Bibliya na makatutulong. Kunin nating halimbawa ang Efeso kabanata 5. Basahin natin ang talata 22, 23, at 28. Puwede bang ikaw ang bumasa?
Eric: Sige. Sabi rito: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito.” Sa 28: “Sa ganitong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili.”
Brian: Salamat. Hindi ba kung gagawin iyan ng mag-asawa, magiging mas maligaya ang pamilya?
Eric: Posible. Pero madaling sabihin, mahirap gawin.
Brian: Kung sa bagay, wala namang taong perpekto. Ang totoo, hinihimok tayo sa kabanata ring iyan na maging makatuwiran.a Sa anumang relasyon, kailangang maging timbang at mapagparaya. Nakatulong sa aming mag-asawa ang Bibliya para magawa iyan.
Eric: Mukha ngang maganda iyan.
Brian: Alam mo, may website ang mga Saksi ni Jehova na may magandang impormasyon para sa mag-asawa at pamilya. Kung may panahon ka pa, puwede kong ipakita sa iyo.
Eric: Sige.
Brian: Ang adres ng website ay www.jw.org/tl. Ito ang home page.
Eric: Ang ganda naman ng mga larawan.
Brian: Mga kuha iyan ng ginagawa naming pangangaral sa buong mundo. A, ito na. Ito ang seksiyon na pinamagatang “Tulong Para sa mga Mag-asawa at Magulang.” Sa ilalim niyan, may maiikling artikulo na tumatalakay sa iba’t ibang sitwasyon. Alin dito ang gusto mo?
Eric: Ito! “Paglutas sa mga Problema Ninyong Mag-asawa.” Palagay ko magagamit ko iyan.
Brian: Binabanggit dito ang apat na paraan para malutas ang mga problema. Tingnan mo ang parapong ito. Gusto mo bang ikaw ang bumasa, Eric?
Eric: Sige. Ang sabi: “Kung ang pag-uusap ang pinakadugo ng pag-aasawa, ang pag-ibig at paggalang naman ang pinakapuso at pinakabagà ng pagsasama ng mag-asawa.” Hmm, ang ganda ng ilustrasyon.
Brian: Salamat sa pagbabasa. May binanggit ditong teksto. Puwede mo itong pindutin para mabasa natin.
Eric: Ito ba? Efeso 5:33. Ang sabi: “Ibigin din ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”
Brian: Napansin mo bang idiniin ang pagbibigay ng inaasahang matanggap ng isa?
Eric: Ano’ng ibig mong sabihin?
Brian: Gusto ng lalaki na igalang siya ng kaniyang asawa. Gusto naman ng babae na maipadama sa kaniya na talagang mahal siya ng kaniyang asawa.
Eric: Sang-ayon ako diyan.
Brian: Kapag laging ginagawa ng lalaki ang lahat ng paraan para ipadama sa kaniyang asawa ang pagmamahal, hindi ba mas madali para sa kaniyang asawa na igalang siya?
Eric: Parang epektibo nga iyan.
Brian: Mga 2,000 taon na ang nakalipas nang isulat ang tekstong ito, pero kung susundin ng mag-asawa, makikinabang sila at matutugunan ang pangangailangan ng bawat isa. At gaya ng ilustrasyong nabasa natin kanina, ang “pinakapuso at pinakabagà” ng pag-aasawa ay mananatiling malusog.
Eric: Marami pa pala akong matututuhan sa Bibliya.
Brian: Oo. Gusto kong makausap ka uli rito para kunin ang opinyon mo sa subtitulong “Apat na Paraan ng Paglutas sa mga Problema” na mababasa sa artikulo ring ito sa aming website.b
Eric: Sige. Titingnan namin iyan.
May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung mayroon, huwag kang mahiyang magtanong sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.
a Tingnan ang Efeso 5:17.
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 14 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.