Ang Bibliya—Ang Aklat Para sa Lahat ng Tao
“NARITO! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinomang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nangakatayo sa harap ng trono.”
Anong uri ng pulutong iyan? At ano ang kanilang ginagawa?
“May mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay,” ang sinasabi pa ng ulat. “At sila’y patuloy na nagsisigawan sa malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono at sa Kordero.’” Hindi, ito’y hindi isang pangkat ng marahas na mang-uumog na humihingi ng isang bagay o mga demonstrador na nagtataguyod ng isang kapakanan. Bagkus, ito’y isang maligaya, nagagalak na pulutong na sa sandaling iyon ay lumalasap ng isang nakatutuwang karanasan. “Ang mga ito ang lumalabas buhat sa malaking kapighatian . . . Sila’y hindi na magugutom, ni mauuhaw pa man, . . . at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Isang Pasabi Para sa Lahat ng Tao
Ang paglalarawan sa internasyonal na “malaking pulutong” na iyan ay nasa huling aklat ng Bibliya, Apocalipsis, kabanatang 7, talatang 9 hanggang 17. Inilalarawan ng pangitaing iyan ang panahon na ang sangkatauhan ay hindi baha-bahagi dahilan sa lahi, wika, at bansa kundi sila’y magkakaisa sa kapayapaan at pagkakasundo at tatamasahin ang tunay na kalayaan buhat sa takot at karalitaan. Iyan, sa pinakadiwa, ang pambihirang pasabi na ibinibigay ng Bibliya para sa lahat ng tao.
‘Ngunit,’ marahil ay itatanong mo, ‘paano nga naiiba ang pabalitang iyan? Hindi baga ang mga tao sa buong daigdig ay nag-uusapan tungkol sa kapayapaan at pagkakaisa?’ Oo, ganoon nga, sa panahong ito ng igtingan ng mga bansa sa isa’t-isa, na pinalulubha pa ng mga alitan pampolitika, panlahi, at pangrelihiyon, sino na nasa katinuan ng isip ang hindi nababahala tungkol sa pandaigdig na kapayapaan? Subalit malaon pa bago lumitaw ang ganiyang mga alitang pambansa at malaon pa bago napaharap ang suliranin tungkol sa kaligtasan ng sangkatauhan, binanggit na ng Bibliya ang tungkol sa panahon na ang kapayapaan at pagkakaisa ay tatamasahin ng sangkatauhan sa ilalim ng isang pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos.
Pagmamasid sa Unang Daigdig
Sa mismong pasimula pa lamang, inihaharap ng Bibliya ang isang pagmamasid sa daigdig kung tungkol sa hinaharap ng tao. “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin” ang unang utos na ibinigay kay Adan at kay Eva ng kanilang Maylikha, si Jehovang Diyos. (Genesis 1:28) Hindi inilaan na si Adan at si Eva ay maging mga ninuno lamang ng isang natatanging lahi o bansa. Bagkus, sila’y inilaan na maging mga magulang ng lahi ng tao. Si apostol Pablo ang nagpatotoo sa bagay na ito nang kaniyang dalhin ang pasabi ng Bibliya sa mga Griego sa Atenas. Kaniyang sinabi sa kanila na “ginawa [ng Diyos] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa balat ng buong lupa.”—Gawa 17:26.
Aaminin natin na ang kaisipan tungkol sa buong lahi ng tao bilang mga magkakapatid ay totoong malayung-malayo kung tungkol sa kaisipan ng karamihan ng tao. Kahit na ngayon, sa kabila ng lahat ng usap-usapan tungkol sa pandaigdig na kapayapaan at kapatiran, hindi ba totoo na patuloy pa ring umiiral ang pagtatangi-tangi ng lahi at bansa at ito ang unang-unang tagapagbaha-bahagi sa mga tao? Subalit, dahil sa Bibliya ay nadadaig ito at ang iba pang mga balakid. Ito’y nagsasalita sa mga tao ng lahat ng bansa bilang isang malaking pamilya at tinutukoy ang lupa bilang isang malaking tahanan para sa buong sangkatauhan. Sa ganitong diwa, tunay na ito’y isang aklat para sa buong sangkatauhan.
Disin sana’y namumuhay na nga ngayon ang sangkatauhan bilang isang maligayang pamilya sa buong daigdig kung si Adan at si Eva ay nanatiling masunurin kay Jehovang Diyos. Ngunit hindi ganiyan ang nangyari. “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala,” ang sabi sa atin ng Bibliya.—Roma 5:12.
Sa liwanag nito, walang lahi o bansa ang nakahihigit o nakabababa sa anomang ibang lahi o bansa. Dito uli, tinutukoy ng Bibliya ang lahat ng tao nang walang pagtatangi o paboritismo. Ipinakikita lamang nito na “lahat ay nagkasala at di nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Bagaman ang mga tao sa mga ibang lugar ay mas nakaririwasa kaysa iba, mas edukado, at iba pa, hindi baga totoo na saanman tayo magmasid, makikita natin na ang mga tao’y mayroong pare-parehong suliranin sa pangkalahatan—sakit, pagtanda, di-kasakdalan, at kamatayan?
Isang Pangako na Pakikinabangan ng Lahat ng Tao
Bagaman ang kalagayan ng tao ay halos wala nang pag-asa, hindi pa naman tayo nawawalan ng pag-asa. Sa pinakamahigpit na kagipitan, ang Diyos na Jehova ay nakialam na taglay ang isang pangako. Kay Abraham, sinabi ng Diyos: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Siyanga pala, ang pangakong ito ay tinatanggap ng tatlo sa mga pangunahing relihiyon ng daigdig—Judaismo, Kritiyanismo, at Islam—bilang bahagi ng kanilang pananampalataya. Ang Bibliya lamang ang nagsisiwalat kung paano natutupad ang pangakong ito sa pamamagitan ng pagkasulat ng mga pakikitungo ni Jehovang Diyos kay Abraham at sa kaniyang mga inapo, lalo na ang sinaunang bansa ng Israel.
Subalit dito nagpapasok ng pagtutol ang maraming tao. Sila’y naniniwala na ito’y isang halimbawa ng paboritismo o pagtatangi sa isang bansa. Dahil dito, kanilang tinatanggihan ang Bibliya, o kundi man ay ang karamihan ng Kasulatang Hebreo, at sinasabing ito’y alamat lamang. Subalit ito ba ay matinong pangangatuwiran? Bakit nga ba si Jehova ay nagpakita ng gayon na lamang pagtitiwala kay Abraham at nangako siya ng ganiyan sa kaniya?
Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “‘Si Abraham ay sumampalataya kay Jehova, at sa kaniya’y ibinilang iyon na katuwiran,’ at siya’y tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’” (Santiago 2:23) Kapuna-puna, ang banal na aklat ng Islam, ang Koran, ay bumabanggit din sa pananampalataya bilang ang dahilan kung kayat si Abraham ay tinanggap ng Diyos bilang isang kaibigan. “Sino ba ang may mas mainam na relihiyon kaysa kaniya na napasasakop na lubusan kay Allah? At siya ay gumagawa ng mabuti (sa iba) at tumutulad sa pananampalataya ni Ibrahim [Abraham], ang taong matuwid, at si Ibrahim ay tinanggap ni Allah bilang isang kaibigan.”—SURAH IV, verso 125, Banal na Koran, isinalin ni M. H. Shakir.
Kumusta naman ang mga Israelita? Mahigit na 400 mga taon pagkatapos na mangako ang Diyos kay Abraham, sinabi sa kanila ni Moises: “Hindi kayo inibig ni Jehova ni pinili kayo ng dahil sa kayo’y marami sa bilang kaysa alinmang bayan, sapagkat kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan. Kundi dahil sa inibig kayo ni Jehova, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga ninuno.”—Deuteronomio 7:7, 8.
Samakatuwid ay hindi dahil sa si Abraham o ang mga Israelita ay isang mas magaling na lahi o bansa, o dahilan sa mas magaling sila kaysa ano pa mang bayan. Kundi, iyon ay dahilan sa pag-ibig ng Diyos at di-sana nararapat na kagandahang-loob na ipinakita dahil sa pananampalataya at matuwid na mga gawa. Ito’y pinagtibay din ni apostol Pedro nang kaniyang sabihin: “Hindi nagtatangi ang Diyos ng mga tao, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Sa gayon, bagaman ang Diyos na Jehova ay nakitungo tangi sa bansang Israel sa loob ng isang panahon, ang talagang sumasaisip niya ay ang kabutihan ng buong sangkatauhan. Ang kaniyang pakikitungo sa Israel ay hindi ipinasulat sa Bibliya upang itaguyod ang espiritu ng nasyonalismo o itaas ang isang bansa higit kaysa iba. Bagkus, “lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Oo, ang mga pangyayaring ito ay nagtatampok sa pag-ibig at pagkamatiisin ng Diyos sa katuparan ng pag-asa na lahat ng tao ay minsan pang magkakaisang muli sa kapayapaan at pagkakasundo. Paano nga matutupad ang pag-asang ito?
Isang Administrasyon na Ukol sa Kapayapaan
“Ayon sa minagaling [ng Diyos] ay nilayon niya ang isang administrasyon sa katapusan ng takdang mga panahon, samakatuwid nga, na tipuning muli ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at ang mga bagay sa lupa,” ang paliwanag ni Pablo. (Efeso 1:9, 10) Ano ba ang “administrasyon” na ito?
Ang salitang iyan ay isinalin buhat sa salitang Griego na oi·ko·no·miʹa, na ang pinakasaligang kahulugan ay “ang pamamanihala sa isang sambahayan.” Sa gayon, kahit na ang sangkatauhan ay baha-bahagi dahil sa politika, sa lahi, sa kabuhayan, at sa relihiyon, nilayon ng Diyos na alisin ang lahat ng mga tagapagbaha-bahaging ito at ang lahat ng masunuring tao ay pagsama-samahin uli bilang isang maligayang pamilya sa buong lupa. Paano niya gagawin ito? Kaniyang gagawin ito sa pamamagitan ng Mesianikong Kaharian sa ilalim ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Tingnan ang Daniel 2:44; Isaias 9:6, 7.
Sa ngayon, sa gitna ng igtingan at mga suliranin sa buong mundo, angaw-angaw na mga tao sa buong daigdig ang tumugon sa pabalita ng Bibliya tungkol sa kapayapaan at pagkakasundo. Sila’y nangaglalabasan bilang ang walang bilang na “malaking pulutong” na tinutukoy sa aklat ng Apocalipsis. Sa simbolikong paraan, sila ay nagwawagayway na ng mga sanga ng palma sa harap ng trono ng Diyos, inihahandog ang kanilang papuri at pagpapasakop sa isa “na nakaupo sa trono,” si Jehovang Diyos, “at sa Kordero,” si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 7:9, 10.
Ikaw ba ay naaakit sa pabalitang iyan? Anoman ang iyong lahi, bansa, o wika, sa pamamagitan ng pagsusuri at pagtanggap ng pabalita ng Bibliya ngayon, ikaw ay maaaring mapabilang sa pandaigdig na “malaking pulutong.” Kung kasama ka nila, may pagtitiwalang makapagsasabi ka: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Oo, ang Bibliya ang Aklat na para sa iyo!
[Larawan sa pahina 5]
Si Adan at si Eva ang mga ninuno ng lahi ng tao
[Larawan sa pahina 7]
Si Abraham, na lumisan sa kaniyang sariling bayan, ay nagtamo ng lingap ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at matuwid na mga gawa