Pagtugon sa Pangangailangan ng Ating Matatanda Na—Isang Hamon sa mga Kristiyano
TATLONG buwan na ang nakalipas. Gayunman ay wala sa mga anak ng matandang babae ang nag-abala pang dumalaw sa kaniya. Siya ay isang malulungkuting residente ng isang tahanan para sa matatanda na sa Cape Town, Timog Aprika. Ang kaniyang mga anak ay sa malapit lamang nakatira.
Sa isang tahanan para sa matatanda na sa Johannesburg, isang matanda nang babae ang malimit na nasa balkonahe ng kaniyang kuwarto. Kadalasa’y makikita mong siya’y umiiyak.
Kalunus-lunos na mga tanawing katulad nito ang nagiging karaniwan, maging sa mga bansa man na kung saan ang matatanda na ay dati’y inaasikasong mainam. Sa Soweto, ang pagkalaki-laking complex na tinitirahan ng mga itim malapit sa Johannesburg, “ang matatandang tao ay hindi [na] pinag-uukulan ng kinauugaliang paggalang, awtoridad at pangangalaga ng kani-kanilang pamilya,” sang-ayon sa isang ulat ng pahayagan. Isang kahawig na situwasyon ang umiiral sa gitna ng malaking pamayanang Indian sa Timog Aprika. Bagama’t kinaugalian na ng mga Indian na mag-asikaso sa kanilang matatanda nang kamag-anak, isang opisyal ang nagpaliwanag kamakailan na ang nakababatang mga mag-asawang Indian ay ‘ayaw na sila’y mapabigatan ng kani-kanilang mga magulang.’
Gayunman, ang tunay na mga Kristiyano ay sumusunod sa utos ng Bibliya: “Igagalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” (Exodo 20:12; Efeso 6:2) Ang obligasyong ito ay hindi natatapos pagka ang kanilang mga magulang ay tumanda na. Ang sabi ng 1 Timoteo 5:8: “Tunay na kung ang sinuman ay hindi maglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.” Ang matatanda nang mga magulang ang kabilang sa mga dapat tustusan ng isang Kristiyano, kahit na ito’y nangangailangan ng malaking pagsasakripisyo—kung tungkol sa emosyon at pananalapi.
Sa pangkalahatan, ang mga kaugnay sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay nakagawa ng kapuri-puring gawain na mag-asikaso sa emosyonal at pisikal na pangangailangan ng kani-kanilang mga magulang. Subalit, ano ang nangyayari pagka ang matatanda nang mga Kristiyano ay walang may takot sa Diyos na mga anak o mga apo na mag-aasikaso sa kanila? Paano tinutustusan ang kanilang pangangailangan?
Isang Pananagutan ng Kongregasyon
Ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” Sinabi rin ni Santiago: “Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay hubad at walang sapat na makain para sa araw na iyon, gayunman isa sa inyo ay magsabi sa kanila: ‘Humayo ka na, magpakainit ka at magpakabusog,’ ngunit hindi naman ninyo binibigyan sila ng kanilang mga kailangan sa buhay, ano ang kabuluhan nito? Gayundin, ang pananampalataya, kung walang mga gawa, iyon ay patay sa ganang sarili.”—Santiago 1:27; 2:15-17.
Kaya’t kung ang isang matanda nang Kristiyano ay nangangailangan ng tulong, ito ay isang bagay na pananagutan ng buong kongregasyon. Ang hinirang na mga matatanda ang maaaring manguna sa bagay na ito. Gaya ng tagubilin ni Pablo sa 1 Timoteo 5:4, kailangan munang alamin nila kung ang matanda nang kapatid ay may mga anak o mga apo na handang “gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” Kung wala, maaaring alamin ng mga elder kung may benepisyong makukuha sa seguro o sa mga paglalaan ng gobyerno. Baka mayroon pa nga sa kongregasyon na mga kapatid na makatutulong ng personal kung tungkol sa pananalapi.
Gayunman, kung walang magagawa na gayong mga kaayusan, maaaring alamin ng mga elder kung ang indibiduwal ay kuwalipikadong tumanggap ng tulong buhat sa mismong kongregasyon. Sinabi ni Pablo: “Ilagay sa talaan ang isang babaing balo na edad animnapu pataas, na naging asawa ng iisang lalaki, na may mabuting patotoo tungkol sa kaniyang mabubuting gawa.”—1 Timoteo 5:9, 10.
Datapuwat, malimit ay hindi pera ang kailangan. Maaaring tiyakin ng mga elder kung ano talaga ang kailangan. Ang matanda na ay kailangan bang tulungan na ipamili? Siya ba’y nalulungkot o kailangang palakasing-loob? Kailangan ba niya ng transportasyon para makadalo sa mga pulong? Kailangan bang basahin sa kaniya ang Bibliya at ang mga publikasyong Kristiyano? Kung ang taong matanda na ay mahina ang katawan upang makapunta sa mga pulong, puwede bang gumawa ng mga tape recording upang kaniyang mapakinggan sa tahanan? Baka kailanganin ang mga ilang pagdalaw at pakikipag-usap sa kaniya bago lumitaw ang buong larawan. Subalit bilang mga pastol, ‘dapat makita [ng mga elder] ang ayos ng kawan.’—Kawikaan 27:23.
Kung Paano Nakatulong ang mga Kongregasyon
Minsang mapag-alaman ang pangangailangan ng isang taong matanda na, maaaring gumawa ng espisipikong mga kaayusan. Kung saan may mainit, maasikaso, at walang pag-iimbot na espiritu sa kongregasyon, hindi mahirap makasumpong ng maraming kapatid na handang tumulong. Dahil dito’y maiiwasan ang di-makatuwirang pagpapabigat sa mga ilang indibiduwal. Halimbawa, isang kongregasyon ang nagsaayos ng isang iskedyul para sa mga mamamahayag na dumalaw sa matatanda na. Ang mga kapatid ay nalulugod na magkaroon ng bahagi sa paggawa nito, at walang isa man sa matatanda na ang nakakaligtaan.
Sa isa namang kongregasyon, isang matanda nang Saksi ang pinabayaan ng kaniyang mga anak na hindi naman kapananampalataya. Gayunman, mga kabataang Saksi sa kaniyang lugar ang naglaba, namalantsa, at naglinis ng bahay para sa kaniya, pati na rin ang kaniyang bakuran. Ang mga kapatid ay nagtulung-tulong upang bayaran ang kaniyang gastos sa renta at pagkain. Kanilang isinasama siya sa mga asamblea at mga pulong. At nang siya’y mamatay, sila na rin ang nag-asikaso ng lahat ng kaayusan at gastos sa paglilibing.
Sa isang munting kongregasyon sa Timog Aprika, isang matanda nang kapatid na lalaking de kolor (isa na ang mga ninuno’y haluang lahi) ang lubos na naging paralisado dahilan sa isang atake. Palibhasa’y walang isa man sa kaniyang pamilya na mag-asikaso sa kaniya, isang sister sa kongregasyon—na isang balo rin—at ang kaniyang anak na lalaki’y umampon sa kaniya. Ang mga kalalakihan sa kongregasyon ang naghali-halili ng pagpapaligo sa kaniya. Gayundin, isang puting brother na payunir ang nagtutulak sa silyang de gulong ng matanda nang kapatid na ito para ipasyal siya. Ang ganitong tanawin, na pambihira sa Timog Aprika, ay naging isang bulung-bulungan. Ang kongregasyon ang maibiging nag-alaga sa matanda nang kapatid hanggang sa siya’y mamatay.
Ngunit, hindi ibig sabihin na madali ang sapatan ang mga pangangailangan ng matatanda nang mga kapatid. Kailangan ang tunay na pagkukusa at determinasyon na mapagtagumpayan ang mga problema na maaaring bumangon.
Pagsasama sa Matatanda Na Upang Makadalo sa mga Pulong
Isang matanda nang sister, biyuda at may sakit sa puso, ang dinalaw isang araw ng isang elder. Samantalang naroon ang elder, isang kapitbahay ang dumalaw at nagreklamo, na ang sabi: “Ako’y napaparito nang madalas at nadadatnan kong siya’y umiiyak sapagkat walang nagpupunta rito upang dalhin siya sa Kingdom Hall.” Ang problema ay hindi naman kasingseryoso na gaya ng inilarawan ng kapitbahay, sapagkat isang pamilya sa kongregasyon ang naglalaan ng regular na transportasyon. Gayunman, sa mga ilang okasyon ang ama ay nagtrabaho ng obertaym at hindi niya nagawa na sunduin ang sister. Oo, maaari sanang gumawa noon ng mga ibang kaayusan ng transportasyon.
Samakatuwid, mabuting tandaan na kailangang-kailangan ng matatanda na ang sila’y makadalo sa mga pulong. (Hebreo 10:24, 25) Isang elder ang laging nag-aabalang tingnan kung naroroon ang matanda nang Saksi na si ganoon at si ganito. Kung sakaling wala siya roon dahilan sa hindi nagawa na sunduin siya ayon sa kaayusan ng transportasyon, ang elder ay nagmamadaling sumasakay sa kaniyang kotse at sinusundo siya. Ang matamis na ngiti sa kaniyang mukha ang sapat-sapat na kagantihan sa kapatid na sumundo.
Mataktika Ngunit Mapilit
Gayunman, kung minsan ay medyo malasarili ang mga matatanda na. Marahil sila’y nangangailangan ng tulong ngunit inaayawan nila iyon. At maliban sa ang mga elder, o yaong mga naatasan na tumulong, ay alisto, ang gayong matatanda na ay maaaring magsikap na ‘tumindig sa ganang sarili nila.’
Isang matanda nang biyuda ang noo’y may sakit na kanser ngunit inilihim niya iyon. Kinailangan niya ang tulong upang mailipat ang kaniyang mga personal na gamit sa isang lugar na isang milya ang layo. Imbis na ipaalam sa iba na kailangan niya ang tulong, ang tinawag niya ay isang 84-anyos na kaibigan upang tumulong sa kaniya. Ang ilang mga bagay ay pinagtulungan nilang ilulan sa isang kariton at sinubukan nila na itulak iyon. Gayunman, hindi nagtagal at kanilang natalos na hindi nila kaya na gawin iyon, kaya’t ang kaibigan ng biyuda ay lumapit sa isang elder sa malapit para sila’y tulungan.
Samakatuwid, baka kailangan ang isang mataktika ngunit mapilit na pag-uusisa natin upang matiyak kung ano ang magagawa natin upang matulungan ang gayong mga tao. Kung basta gagawa tayo ng malabong pag-aalok ng tulong, tulad halimbawa ng: ‘Kung mayroon kayong kailangan sabihin ninyo sa akin,’ baka ang mabilis na tugon ay: ‘Salamat, pero wala akong kailangang anuman.’ Tandaan, na nang anyayahan ni Lydia na tumuloy sa kaniyang tahanan si apostol Pablo at ang mga iba pa, siya’y hindi huminto ng pag-aanyaya dahilan sa kaniyang nakitang pagtanggi nila sa primero. Bagkus, ‘kaniyang pinilit sila.’ (Gawa 16:15) Kaya maging mapilit. Alamin mo ang mga kinakailangan at mga gusto ng matatanda na bago pa kailanganing sila’y humingi ng tulong.
Mangyari pa, ang matatanda na ay dapat na magpahalaga sa pagpapagod ng iba at huwag maging maramdamin, labis na mapaghanap, o mapamintas. Halimbawa, kung may kaayusan sa transportasyon, ang pag-aalok ng tulong para sa nagastos sa gasolina ay angkop naman. Isang matanda nang sister ang gumagawa ng tinapay at naggagantsilyo ng maliliit na bagay upang ipangregalo sa mga sumusundo sa kaniya para makadalo sa mga pulong. Datapuwat, malimit na isang salita lamang na pasasalamat ang kailangan.
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay nagsisikap na sundin ang utos sa Levitico 19:32: “Titindig kayo sa harap ng may uban at igagalang ninyo ang katauhan ng isang matanda na.” Ang mga lingkod ni Jehova ay hindi sumusunod sa mga kausuhan ng sanlibutan na isaisangtabi ang matatanda na at iwasan ang pananagutan sa mga magulang. Sa halip, sa taglay nilang panahon, tiyaga, at tulong ni Jehova, ang mga Kristiyano ay gumagawa upang matagumpay na maharap ang hamon ng pangangalaga sa ating matatanda na.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga nakababata sa kongregasyon ay malimit na malaki ang magagawa upang tulungan ang mga matatanda na