Mga Magulang—Abutin ang Puso ng Inyong Anak Mula sa Pagkasanggol
“Patuloy na palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—EFESO 6:4.
1. Ano ang naganap sa loob ng isang natatanging panahon ng pagsubok sa buhay ni Jesus?
SI Jesu-Kristo at ang kaniyang mga alagad ay patungo sa Jerusalem. Hindi pa natatagalan bago noon, sa dalawang magkaibang okasyon, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na siya’y magdaranas ng maraming pagdurusa at papatayin sa lunsod na iyon. (Marcos 8:31; 9:31) Sa panahong ito lalo na ng malaking pagsubok para kay Jesus, ang Bibliya ay naglalahad: “Dinala sa kaniya ng mga tao pati ang kanilang mga sanggol upang hipuin niya ang mga ito.”—Lucas 18:15.
2. (a) Bakit kaya sinubok ng mga alagad na paalisin ang mga tao? (b) Paano tumugon si Jesus sa situwasyong iyon?
2 Ano ba ang itinugon dito? Bueno, ang mga tao’y kinagalitan ng mga alagad at kanilang sinubok na paalisin ang mga ito, walang alinlangan dahil sa paniniwala na sila’y gumagawa ng kabutihan kay Jesus sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng proteksiyon buhat sa di-kinakailangang pagkaabala at kaigtingan. Subalit si Jesus ay nagalit sa kaniyang mga alagad, at ang sabi: “‘Bayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang hadlangan’ . . . At kaniyang kinalong ang mga bata at pinagpala sila.” (Marcos 10:13-16) Oo, sa kabila ng lahat na nasa kaniyang isip at puso, si Jesus ay nagbigay ng panahon sa mga sanggol.
Ano ang Aral Para sa mga Magulang?
3. Anong aral ang dapat matutuhan ng mga magulang buhat sa pangyayaring ito?
3 Ang isang aral buhat dito para sa mga magulang ay: Sa kabila ng anumang iba pang obligasyon na mayroon ka o ng mga suliranin na nakakaharap mo, ang paggugol ng panahon kasama ng iyong mga anak ay kailangang unahin. Ang panahong ginugol ninyo na magkakasama ay magbibigay sa iyo ng pagkakataon na itanim sa isip ang mahalagang espirituwal na mga bagay na mag-iingat ng mga puso ng iyong mga anak at tutulong sa kanila upang mapanuto ng landas. (Deuteronomio 6:4-9; Kawikaan 4:23-27) Si Eunice na ina at si Loida na lola ni Timoteo, ay gumugol ng panahon upang turuan siya at ito’y tumagos sa kaniyang munting puso at humubog ng kaniyang buhay kung kaya’t lumaki siya na isang tapat na lingkod ng Diyos.—2 Timoteo 1:5; 3:15.
4. Gaano kahalaga ang mga anak, at paano dapat ipakita ng mga magulang na kanilang pinahahalagahan ang mga anak?
4 Hindi maaatim ng mga magulang na Kristiyano na pabayaan ang mga anak na ibinigay sa kanila ng Diyos na Jehova. Oo, ang mga anak ay isang mahalagang regalo buhat kay Jehova. (Awit 127:3) Kaya gumugol ng panahon kasama nila—abutin ang kanilang mga puso—gaya ng kung paanong ang ina at ang lola ni Timoteo ay nagpakita ng halimbawa. Hindi lamang dapat na gumugol ka ng panahon ng pakikipag-usap sa inyong mga anak tungkol sa kanilang asal at pagdisiplina sa kanila kundi kailangang kasama mo rin silang kumain, magbasang kasama nila, maglarong kasama nila, tulungan sila na maghanda para sa pagtulog sa gabi. Lahat ng panahong itong ginugol mo kasama ng iyong mga anak ay mahalaga.
5. Magbigay ng halimbawa ng isang ama na nagpakita ng pagpapahalaga sa kaniyang mga pananagutan bilang magulang?
5 Isang prominenteng mangangalakal na Haponés na naging isa sa mga Saksi ni Jehova ang kumilala sa katotohanang ito. Sa ibaba ng paulong, “Nagbitiw ang Pangunahing Ehekutibo ng JNR Upang Makapiling ng Kaniyang Pamilya,” ang Mainichi Daily News noong Pebrero 10, 1986, ay nag-ulat: “Isang pangunahing ehekutibo ng Japanese National Railways (JNR) ang nagbitiw imbis na mapahiwalay sa kaniyang pamilya . . . Ang sabi ni Tamura, ‘Ang trabaho ng pangkalahatang direktor ay maaaring magampanan ng sinuman. Subalit ako ang tanging ama ng aking mga anak.’” Ang iyo bang mga responsibilidad bilang magulang ay ginagampanan mo nang dibdiban?
Kung Bakit Natatanging Pagsisikap ang Kinakailangan Ngayon
6. Bakit napakahirap na magpalaki ng mga anak sa wastong paraan ngayon?
6 Marahil ngayon lamang sa kasaysayan ng sangkatauhan naging napakahirap na magpalaki ng mga anak ayon sa paraan na itinuturo ng Salita ng Diyos, “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ito’y dahilan sa tayo’y nabubuhay “sa mga huling araw,” at si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay nagdudulot ng malaking kaabahan sapagkat sila’y nagagalit, palibhasa alam nila na kaunting panahon na lang ang natitira para sa kanila. (2 Timoteo 3:1-5; Apocalipsis 12:7-12) Sa gayon, ang pagsisikap ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa isang maka-Diyos na paraan ay nahahadlangan ng simbolikong “hangin” na si Satanas ang may kapamahalaan. Ang “hangin,” o espiritu ng kaimbutan at pagsuway na iyon, ay malaganap na gaya ng literal na hangin na ating nilalanghap.—Efeso 2:2.
7, 8. (a) Ano ang nadadala ng telebisyon sa tahanan, gayunman ay ano ang ginagawa ng maraming mga magulang? (b) Bakit ang paggamit sa telebisyon bilang isang baby-sitter ay isang malungkot na pagpapabaya ng pananagutan ng magulang?
7 Ang telebisyon, lalo na, ang nagdadala sa tahanan nitong “espiritu ng sanlibutan,” ang nakalalasong “hangin” na ito. (1 Corinto 2:12) Sa aktuwal ang napapanood sa telebisyon ay kadalasang matinding naiimpluwensiyahan ng isang makapangyarihan na bahagi ng imoral at homoseksuwal na mga tao sa larangan ng aliwan. (Roma 1:24-32) Ang inyong mga anak ang lalo nang madaling tablan ng masamang kaisipan at sukal ng asal na pinanonood, gaya ng kung sila ay mapahantad sa literal na maruming hangin. Subalit ano ang ginagawa ng maraming mga magulang?
8 Kanilang ginagamit ang telebisyon bilang isang baby-sitter. “Huwag ngayon, mahal. Marami akong ginagawa. Sige manood ka ng telebisyon,” ang sinasabi nila sa kanilang mga anak. Isang prominenteng brodkaster sa telebisyon ang nagsasabi na ito ang “pinakakaraniwang maririnig na mga salita sa maraming sambahayang Amerikano.” Gayunman ang pagtataboy sa mga anak upang manood ng anumang panoorin sa telebisyon ay katumbas, sa katunayan, ng pagbibigay laya sa kanila na magwala. (Kawikaan 29:15) Ito’y isang malungkot na pagpapabaya sa pananagutan ng magulang. Gaya ng binanggit ng brodkaster na ito tungkol sa pagpapalaki ng mga anak: “Umuubos ng panahon at isang malaking pananagutan ang tungkuling ito na pagkamagulang at hindi maaaring isalin sa iba, tunay na hindi maipauubaya sa telebisyon.”
9. Buhat sa anong polusyon lalo nang kailangang maingatan ang mga anak?
9 Gayunman, dahilan sa kagipitan na dulot ng panahon na ating kinabubuhayan, marahil ikaw, gaya ng mga alagad noon, ay gagawa ng paraan para lumayo sa iyo ang iyong mga anak upang maasikaso mo ang inaakalang lalong importanteng gawain. Ngunit ano ba ang lalong importante kaysa iyong sariling mga anak? Ang kanilang espirituwal na buhay ay nakataya! Marahil ay magugunita mo na nang mangyari ang aksidente sa isang plantang nuklear sa Chernobyl sa Unyong Sobyet noong 1986, ang mga bata ay inalis sa kapaligiran nito upang maingatan sila buhat sa polusyon. Sa katulad na paraan, kung nais mong maingatan ang espirituwal na kalusugan ng iyong mga anak, kailangang maingatan mo sila buhat sa nakalalasong “hangin” ng sanlibutan, na napakadalas bumubuga buhat sa telebisyon.—Kawikaan 13:20
10. Ano na mga iba pang pinagmumulan ng nakalalasong “hangin” ang isang panganib sa mga anak, at anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita nito?
10 Gayunman, mayroong mga iba pang pinagmumulan ng nakalalasong “hangin” na makasisira sa moralidad at magpapamanhid ng mga murang isip. Ang pakikibarkada sa mga bata sa komunidad at sa paaralan ay maaari ring sumikil sa mga katotohanan ng Bibliya na itinanim sa mga murang puso. (1 Corinto 15:33) Isang aral ang makukuha sa anak na dalaga ni Jacob na si Dina na “nahirati ng paglabas-labas upang makipagkita sa mga anak na babae ng lupain” at, ang ibinunga, siya ay hinalay ng isa sa mga kabataang lalaki. (Genesis 34:1, 2) Ang mga anak ay kailangang turuang mabuti at sanayin upang makaiwas sa mga silo na dulot ng isang sanlibutan na ang moral ay lalo pa ngang masama sa ngayon kaysa noon.
Bakit Dapat Sanayin Sila Mula sa Pagkasanggol?
11. (a) Kailan dapat magsimula ang mga magulang sa pagsasanay sa kanilang anak? (b) Anong maiinam na resulta ang maaasahan?
11 Subalit kailan dapat pasimulan ng magulang ang pagsasanay? Ang Bibliya ay nagsasabi na tumanggap si Timoteo ng ganitong pagsasanay “mula sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:15) Kapuna-puna, ang breʹphos, na salitang Griego rito, ay malimit na ginagamit tungkol sa isang sanggol na nasa tiyan pa, tulad ng sinasabi sa Lucas 1:41, 44. Doon ang sanggol na si Juan ay sinasabing lumukso sa loob ng tiyan ng kaniyang ina. Subalit ang breʹphos ay ginagamit din tungkol sa bagong silang na mga sanggol na Israelita na ang buhay ay nasa panganib sa Ehipto noong panahon na isilang si Moises. (Gawa 7:19, 20) Sa kaso ni Timoteo, ang salita ay malinaw na tumutukoy sa isang sanggol, o beybi lamang, at hindi lamang sa isang bata. Si Timoteo ay tumanggap ng turo buhat sa banal na mga kasulatan sing-aga ng kaniyang natatandaan, mula noong panahon na siya ay isa lamang sanggol. At anong inam na resulta ang kinalabasan! (Filipos 2:19-22) Subalit, ang bagong silang na mga sanggol baga ay talagang maaaring makinabang sa gayong maagang pagtuturo?
12. (a) Kailan maaaring magsimulang sumagap ang mga sanggol ng mga impresyon at mga impormasyon? (b) Kailan at paano dapat magsimula ang mga magulang ng pagbibigay ng espirituwal na turo sa kanilang mga anak?
12 “Isa sa lubhang nakatutuwang pagsulong sa buong larangan ng sikolohiya ay ang ating bagong pagkaunawa sa malaking kakayahan ng sanggol na matuto,” ang pag-uulat ni Dr. Edward Zigler, isang propesor sa Yale University, noong 1984. Sa katunayan, ang magasing Health ay nagsasabi: “Ang mga sanggol na nasa tiyan pa ay marahil maaaring makakita, makarinig, makalasa—at ‘makadama’ ng anumang damdamin, ang sabi ng bagong pananaliksik.” Malinaw, hindi napakaaga na pasimulan ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak. (Deuteronomio 31:12) Sila’y makapagsisimula sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanilang mga anak ng mga larawan buhat sa mga aklat at pagkukuwento sa kanila. “Ang pinakaimportanteng mga taon,” ang sabi ni Masaru Ibuka, awtor ng aklat na Kindergarten Is Too Late, “ay yaong mga taon mula sa pagsilang hanggang sa sila’y tatlong taon.” Ito’y dahilan sa ang murang isip ay lalo nang madaling hubugin, mas madaling sumagap ng impormasyon, gaya ng pinatutunayan ng madaling pagkatuto ng isang sanggol ng isang bagong wika. Isang propesor sa edukasyon sa maagang pagkabata sa New York University ang nagsabi pa mandin na “ang pagtuturo ng pagbasa sa kanilang mga anak ay dapat pasimulan ng mga magulang sa sandaling kanilang iuwi ang mga ito buhat sa ospital”!
13. Anong mga halimbawa ang nagpapakita ng kakayahan ng mga sanggol na matuto?
13 Isang inang taga-Canada ang sumulat tungkol sa kakayahan ng kaniyang anak na matuto: “Isang araw ako’y nagbabasa ng isang kuwento buhat sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at ang binabasahan ko ay ang aking apat-at-kalahating-taong-gulang na anak, si Shaun. Sa paghinto ko sandali sa isang punto, natuklasan ko sa laki ng aking panggigilalas na kaniyang ipinagpatuloy ang kuwento, salita por salita, gaya ng mababasa sa aklat na Mga Kuwento sa Bibliya. . . . Sinubok ko ang isa pa at pagkatapos ay ang isa pa, at kaniyang naisaulo pala ang bawat isa roon. . . . Aktuwal na naisaulo niya, salita por salita, ang unang 33 kuwento, kasali na ang mahihirap na pangalan ng mga lugar at mga tao.”a
14. (a) Sino ang hindi nagtataka sa nagagawa ng mga sanggol? (b) Ano ang dapat na maging tunguhin ng mga magulang na Kristiyano? (c) Para sa ano kailangang maging handa ang mga anak, at bakit?
14 Yaong mga may mahusay na kabatiran tungkol sa potensiyal ng mga sanggol na matuto ay hindi nagtataka sa gayong mga pambihirang pagkatuto. “Ang daigdig ay maaaring mapuno ng mga dambuhala sa talino na tulad nina Einstein, Shakespeare, Beethoven at Leonardo da Vinci kung mga sanggol ang ating tinuruan imbis na mga bata,” ang sabi ni Dr. Glenn Doman, direktor ng The Institutes for the Achievement of Human Potential. Mangyari pa, ang tunguhin ng mga magulang na Kristiyano ay hindi ang makapagbunga sila ng mga dambuhala sa talino kundi ang maabot nila ang mga puso ng kanilang mga anak upang ang mga anak ay huwag humiwalay ng paglilingkod sa Diyos. (Kawikaan 22:6) Ang gayong pagsisikap ay kailangang gawin matagal pa bago ang bata ay pumasok sa paaralan, upang ihanda siya para sa mga pagsubok na kaniyang haharapin doon. Halimbawa, ang kindergarten o mga day-care program ay mayroong mga parti sa kompleanyo at sa mga kapistahan na maaaring magdulot na katuwaan sa mga bata. Kaya kailangang maunawaan ng bata kung bakit ang mga lingkod ni Jehova ay hindi sumasali roon. Kung hindi ay baka lumaki siya na kinapopootan ang relihiyon ng kaniyang mga magulang.
Kung Paano Aabutin ang Puso ng Isang Bata
15, 16. Ano ang maaaring magamit ng mga magulang upang matulungan sila na maabot ang puso ng kanilang anak, at paano epektibong magagamit ang mga paglalaang ito?
15 Upang tulungan ang mga magulang na maabot ang puso ng kanilang anak, mga lathalain na gaya ng Pakikinig sa Dakilang Guro ang inilaan ng mga Saksi ni Jehova. Sa aklat na ito ay binabanggit ang tungkol sa mga parti at kung paano “maaaring pagmulan ng maraming katuwaan” sa kabanata nito na “Dalawang Lalaki na Nagkompleanyo.” Datapuwat ipinaliliwanag ng kabanata na ang tanging dalawang pagdiriwang ng kompleanyo na binanggit sa Bibliya ay yaong ginawa ng mga pagano, na hindi sumasamba kay Jehova, at sa bawat pagdiriwang ay ‘may ulong pinugot.’ (Marcos 6:17-29; Genesis 40:20-22) Paano mo magagamit ang impormasyong ito upang marating ang puso ng iyong anak?
16 Maaari mong gamitin ang kaakit-akit na pamamaraan ng aklat na Dakilang Guro sa pagsasabi: “Bueno, alam natin na lahat ng nasa Bibliya ay may dahilan.” Pagkatapos ay magtanong: “Ngayon, ano ang sasabihin mo na sinasabi ng Diyos sa atin tungkol sa mga handaan sa kompleanyo?” Ang iyong anak ay natutulungan sa ganiyang paraan na mangatuwiran sa bagay na iyon at sumapit sa mga tamang konklusyon. Bukod sa aklat na Dakilang Guro, naglaan ng iba pang literatura para gamitin ng mga magulang, kasali na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at ang serye na “Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus” na lathala sa bawat labas ng Ang Bantayan sapol noong Oktubre 1985. Ginagamit mo na ba ang mga artikulong ito sa pagtuturo sa iyong mga anak at pati na sa iyong sarili?
17. Anong praktikal na mga mungkahi ang ibinibigay rito sa mga magulang?
17 Kasama ang iyong anak, kailangang paulit-ulit na balikan mo ang materyal na sumasaklaw sa mga isyu at mga situwasyon na kaniyang kakaharapin sa paaralan. Hayaang malaman ng iyong anak na ikaw at siya ay kapuwa may sagutin kay Jehova. (Roma 14:12) Itampok ang mabubuting bagay na ginagawa ni Jehova para sa atin, sa ganoo’y pinakikilos ang munting puso ng bata na magnais makalugod kay Jehova. (Gawa 14:17) Gawing isang maligayang panahon ang mga sesyon ng pag-aaral. Mahilig ang mga bata sa mga kuwento, kaya talagang sikapin na makapagturo ka sa pamamagitan ng isang masiglang paraan na makararating sa puso ng iyong anak. Maraming pami-pamilya ang nilalampasan ang gayong kagila-gilalas na pagkakataon para sa ganoong mga sesyon dahilan sa hindi regular na pagsasalu-salo na magkakasama sa pagkain. Kayo ba’y nagsasalu-salo bilang pamilya? Kung hindi, maitutuwid mo ba ang iyong katayuan?—Ihambing ang Gawa 2:42, 46, 47.
18, 19. (a) Paano dapat iiskedyul ng mga magulang ang pagtuturo sa kanilang mga anak, at ano ang hindi isang kalabisan na gawin? (b) Anong mga bahagi ng isang modernong halimbawa ng pagsasanay na ginagawa ng mga magulang ang hinahangaan mo, at ano sa paniwala mo ang magiging resulta kung ang mga ito ay ginamit ng isang magulang?
18 Ang mga sesyon sa pag-aaral ay dapat ibagay sa edad ng bata. Kaya sa isang sanggol, na limitado ang kakayahan na magbigay ng atensiyon, magkaroon ng mga ilang maiikling sesyon sa araw-araw. Pagkatapos, unti-unti, ang mga ito ay habaan at palawakin ang matututuhan dito. Ang kahalagahan ng pagkakaroon ng regular na mga oras para sa pagtuturo sa iyong mga anak ay hindi isang kalabisan. (Genesis 18:19; Deuteronomio 11:18-21) Isang ama, ngayo’y mahigit na setenta anyos na, ang nagpakita ng isang mainam na halimbawa sa pagpapalaki sa kaniyang anak, na ngayon ay isang elder na Kristiyano. Mga taon na ngayon ang nakalipas kaniyang inilarawan ang kaniyang programa, at ang paliwanag:
19 “Nang ang aming anak ay mga isang taon pa lamang ako ay nagsimula na ng pagkukuwento sa kaniya sa Bibliya sa mga oras bago matulog, aking kinuwentuhan siya nang malawakan, sa buháy na buháy na paraan upang mapakintal nang malinaw sa kaniyang isip. Nang mga sandaling makapagsalita na siya noong siya’y dalawang taóng gulang kami’y luluhod sa tabi ng kaniyang higaan at ang ‘Panalangin ng Panginoon’ ay ipauulit ko sa kaniya pagkatapos na bigkasin ko, parirala por parirala. . . . Nang siya’y maging tatlong taong gulang ay sinimulan ko na ang regular na pakikipag-aral sa kaniya ng Bibliya . . . Siya’y sumusubaybay sa kaniyang aklat, berbalang inuulit ang mga salita pagkatapos na mabigkas ko. Sa ganoo’y natuto siyang bumigkas na mainam ng mga salita. . . . Upang makatulong na mapatanim nang malalim sa kaniyang puso ang mga katotohanan sa Bibliya, nang siya’y tatlong taon aming pinasimulan ang pagpapasaulo sa kaniya ng simpleng mga teksto sa Bibliya. At noong siya’y pumasok na sa kindergarten ang alam niya’y mga tatlumpung teksto, at noong nakaraang Setyembre nang siya’y magsimula na sa unang grado pitumpung teksto ang kaniyang nasaulo na. . . . Bago matulog ang aming anak aking ipinauulit sa kaniya ang ilan sa kaniyang nasaulong mga teksto. Gayundin paggising niya sa umaga kalimitan ay binibigkas niya ang mga ilang teksto sa Bibliya bilang bahagi ng kaniyang pagbati para sa araw na iyon.”
20. Ano ang dapat na kasali sa isang programa sa pagtuturo, at paanong ang isang bata ay maaaring masiyahan sa pagsama sa ministeryo ng pagbabahay-bahay?
20 Ang ganiyang progresibong programa sa pagtuturo, kasali na ang wastong halimbawa na ipinakikita ng magulang at ang pagkakapit ng disiplinang di pabagu-bago, ay magbibigay sa iyong anak ng isang pasimula sa buhay na kaniyang ipagpapasalamat magpakailanman. (Kawikaan 22:15; 23:13, 14) Ang isang mahalagang bahagi ng programa ay dapat na ang pagsasanay sa pangmadlang ministeryo mula sa kamusmusan. Gawin mong isang kalugud-lugod na karanasan ito sa pamamagitan ng paghahanda sa iyong anak upang magkaroon ng makabuluhang bahagi. Ang amang binanggit na ay nagsabi pa ng ganito tungkol sa kaniyang anak: “Dahil sa kaniyang kakayahang sumipi ng mga teksto ay napakaepektibo ang paggawa niya sa ministeryo ng pagbabahay-bahay, palibhasa maraming mga maybahay ang nanggigilalas at hindi nila matanggihan ang alok na mga magasin sa Bibliya na kaniyang inihaharap. Siya’y nakikibahagi na sa paglilingkurang Kristiyanong ito sapol nang siya’y tatlong taóng gulang, at ngayon [sa edad na 6 anyos] malimit na siya ay lalong epektibo sa pagpapasakamay ng literatura sa Bibliya sa mga tao kaysa aming mag-asawa.”—Awake!, Enero 22, 1965, pahina 3-4.
21. (a) Ano ang pinakadakilang regalo na maiiwanan ng mga magulang sa kanilang mga anak? (b) Anong payo ang ibinibigay sa mga magulang, at ano ang dapat mayroon ang lahat ng mga magulang sa kanilang minor de edad na mga anak?
21 Tunay, ang mga magulang na Kristiyano ay may kahanga-hangang mana, ang kaalaman kay Jehova, na maiiwan sa kanilang mga anak at kasama na rito ang pag-asang walang-hanggang buhay, kapayapaan, at kaligayahan sa isang maluwalhating bagong sanlibutan. (Kawikaan 3:1-6, 13-18; 13:22) Higit sa lahat, sa puso ng iyong mumunting mga anak ay palaguin ang pagtitiwala sa pagiging tunay ng dakilang kinabukasang iyan, kasali na rito ang pagnanasang maglingkod kay Jehova. Gawin ang tunay na pagsamba na isang natural at maligayang karanasan para sa kanila. (1 Timoteo 1:11) Ituro sa kanila ang pagtitiwala kay Jehova mula sa pagkasanggol. At huwag, huwag na huwag, pabayaan ang regular na mga sesyon ng pakikipag-aral sa kanila! Ito ang inyong unahin sa lahat, patuloy na ulit at ulit na sinusuri kung ano ang impormasyon na kailangan ng inyong mga anak at kung paano maihahatid ito sa kanilang puso sa pinakamagaling na paraan. Ikaw ay abala at sumasailalim ng panggigipit; iyan ang sinisikap ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan. Subalit tandaan ang halimbawa ni Jesus! Huwag kang maging totoong abala na anupa’t wala ka nang panahon para sa regular na pakikipag-aral sa iyong mga anak!
[Talababa]
a Matagal pa bago siya nakababasa, kaniya nang natutuhan ang mga kuwentong iyon sa pamamagitan lamang ng pakikinig sa isinaplakang mga cassette ng aklat.
Paano Mo Sasagutin?
□ Anong patotoo sa Bibliya ang nagpapakita na dapat unahin ng mga magulang ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak?
□ Bakit pantanging mga pagsisikap ay kailangan ngayon upang maingatan ang kanilang mga anak?
□ Bakit napakahalaga na ang mga anak ay sanayin mula sa pagkasanggol?
□ Ano ang mga ilang praktikal na mungkahi para sa mga magulang sa pag-abot sa puso ng kanilang anak?
□ Ano ang hindi dapat pabayaan ng mga magulang na Kristiyano?
[Larawan sa pahina 12]
Hindi napakaaga para sanayin ng mga magulang ang mga anak