Ang Disiplina ay May Bungang Mapayapa
“Walang disiplina ang tila man din sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot; gayunman pagkatapos ay namumunga ito ng mapayapang bunga sa mga sinanay nito, samakatuwid nga, ang katuwiran.”—HEBREO 12:11.
1. (a) Ano ang sinasabi ng Salita ni Jehova tungkol sa kakayahan ng tao na magtuwid ng kaniyang landas sa buhay, subalit ano naman ang sinasabi ng tao? (b) Sino ang napatunayang nagsasabi ng totoo, at sino ang hindi nagsasabi ng totoo?
ANG Salita ni Jehova ay nagsasabi na “hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Sinasabi naman ng tao na kaniyang magagawa iyon, at sapol nang magsimula ang paghihimagsik sa Eden, ganoon na nga ang ginagawa niya. Magmula na noon hanggang ngayon, ang sinusunod ng maraming mga tao ay kagaya ng pangyayari noong mga kaarawan ng mga Hukom sa Israel: “Ang matuwid sa kaniyang sariling mga mata ang kinahiratihang gawin ng bawat isa.” (Hukom 21:25) Subalit ang mga salita ni Jehova sa Kawikaan 14:12 ay napatunayang totoo: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang dulo niyaon pagkatapos ay mga daan ng kamatayan.” Sa loob ng 6,000 mga taon, ang nilakaran ng mga tao ay yaong daan na waring matuwid sa harap nila, at sa buong panahong iyan ay humantong iyon sa digmaan, taggutom, sakit, krimen, at kamatayan. Pinatunayan ng kasaysayan na totoo ang mga salita ni Jehova at di-totoo ang mga lakad ng tao.
2. Ano ang paniwala ng mga sikologo sa bata kung tungkol sa pamamalo, subalit ano ang ibinunga ng kanilang kaluwagan sa disiplina?
2 Disiplina ang kailangan ng di-sakdal na mga tao. Kailangan nila ito mula sa pagkabata at patuloy. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Siyang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit siyang umiibig ay naglalapat sa kaniya ng disiplina.” (Kawikaan 13:24) Maraming mga sikologo ng bata ang nakikipagtalo sa makalangit na karunungang ito. Mga taon na ngayon ang nakalipas nang ang isa sa kanila’y nagtanong: “Natatalos ba ninyo mga ina na tuwing papaluin ninyo ang inyong anak ay ipinakikita ninyo na kinapopootan ninyo ang inyong anak?” Subalit ang kanilang kaluwagan sa disiplina ay nagbunga ng gayong daluyong ng mga delingkuwenteng kabataan kung kaya’t isang hukom sa isang hukuman sa Brooklyn ang nagsabi ng ganitong nakasasakit na komento: “Sa palagay ko’y kailangan natin ang pagdisiplina para sa mga ilang kabataan. Subalit hindi iyan uso ngayon. Ngayon ay sinasabi sa atin na huwag mong papaluin ang isang bata; baka sinusugpo mo ang isang henyo.” Subalit ang kanilang kaluwagan sa disiplina ay hindi nagbunga ng mga henyo—walang ibinunga kundi isang daluyong ng delingkuwenteng mga kriminal na kabataan.
3. Batay sa mga pangungusap ng maraming awtoridad, anong kalakaran ang nauuso?
3 Ngayon ay umiihip ang mga hanging habagat ng pagbabago. Sang-ayon sa sinabi ni Burton L. White, awtoridad tungkol sa pag-unlad ng bata, ang iyo raw paghihigpit sa iyong anak ay hindi magiging dahilan upang ang iyong anak ay “mabawasan ng pag-ibig sa iyo kaysa kung ikaw ay di-mahigpit. . . . Kahit na kung paluin mo silang palagi, makikita mo na sila’y palagi ring babalik sa iyo.” Kaniyang idiniriin ang pangunahing pangangailangan ng bata na tumanggap ng labis-labis na “walang katuwirang pag-ibig.” Si Dr. Joyce Brothers ay nag-ulat tungkol sa isang pag-aaral na ginawa sa daan-daang mahigpit na dinisiplinang mga bata sa ikalima at ikaanim na grado na may paniwalang ang istriktong mga alituntunin “ay isang kapahayagan ng pag-ibig ng magulang.” Ang Journal of Lifetime Living ay nagsabi: “Ang mga sikologo sa bata, sa pagtataltalan tungkol sa iskedyul laban sa hinihiling na pagpapakain, pamamalo laban sa di pamamalo, ay nakasumpong ng bagay na wala rito ang gumagawa ng malaking pagkakaiba hangga’t ang bata ay minamahal.” Inamin maging ni Dr. Benjamin Spock, awtor ng Baby and Child Care, na kasali siya sa masisisi sa kakulangan ng kahigpitan ng mga magulang at sa ibinungang delingkuwensiya. Sinabi niya na masisisi ang mga eksperto, “ang mga saykayatris sa bata, sikologo, guro, social worker, at mga pediatrician na gaya ko.”
Ang Pamalong Pandisiplina
4. Simbolo ng ano ang pamalong pandisiplina, at ano ang ipinakikita ng tumpak na paggamit nito bilang kabaligtaran naman ng kaluwagan sa disiplina?
4 Ang “pamalo” ayon sa paggamit sa itaas ay hindi laging tumutukoy sa pamamalo; ito’y kumakatawan sa paraan ng pagtutuwid, anumang anyo iyon. Tungkol sa talatang ito ay ganito ang sinasabi ng The New International Version: “pamalo. Marahil isang makatalinghagang salita ito para sa disiplina anumang uri ito.” Ang pamalo ay isang simbolo ng pagpupuno o awtoridad—sa kasong ito ay ang awtoridad ng magulang. Ang isang magulang ay hindi pinasasalamatan sa bandang huli sa kaniyang pagkukulang ng pagdisiplina at pagpapalayaw: “Kung pinalalayaw mo ang iyong utusan [o anak] sapol sa kabataan, sa bandang huli ay hindi siya matututong magpasalamat.” (Kawikaan 29:21) Ang pagbibitiw sa awtoridad ng magulang dahil sa kaluwagan sa disiplina ay nagdadala ng kahihiyan at nagpapakita hindi ng pag-ibig kundi ng pagwawalang-bahala; ang paggamit naman ng pamalong pandisiplina nang may kabaitan ngunit may kahigpitan ay nagpapakita ng maibiging pagmamalasakit. “Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan; ngunit ang batang pinababayaan ay nagdadala ng kahihiyan sa kaniyang ina.”—Kawikaan 29:15.
5. (a) Ano ang sinasabi ng isang komentaryo sa Kawikaan 13:24, at ano pang ibang teksto sa Bibliya ang kasuwato nito? (b) Sino ang mga dinidisiplina ni Jesus at ni Jehova?
5 Ang Kawikaan 13:24 ang siyang tinutukoy ng Keil-Delitzsch Commentary on the Old Testament at ito’y nagpapaliwanag: “Ang isang ama na talagang naghahangad na mapabuti ang kaniyang anak ay maaga pa naglalapat na sa kaniya ng mahigpit na disiplina, at kaniyang ginagawa ito samantalang iyon ay maaari pang mahutok tungo sa tamang direksiyon, at hindi niya tinutulutang mag-ugat sa kaniyang anak ang mga pagkakasala; subalit ang ama na mapagpalayaw sa kaniyang anak gayong siya’y nararapat na maghigpit, ay kumikilos na para bagang talagang ibig niyang mapahamak ang kaniyang anak.” Ang salin ni Moffatt na New Translation of the Bible sa Kawikaan 19:18 ay umaayon dito: “Parusahan mo ang iyong anak, habang may pag-asa pa, at huwag mong hayaang siya’y mahulog sa kapahamakan.” Ang may kabaitan ngunit matatag na pagdisiplina sapol sa kamusmusan ay nagpapakita ng pag-ibig ng magulang. Sinabi ni Jesus: “Ang lahat kong iniibig ay aking sinasaway at dinidisiplina.” Tungkol naman kay Jehova, “ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina.”—Apocalipsis 3:19; Hebreo 12:6.
6. Anong anyo ng disiplina ang kadalasang ginagamit, at anong mga halimbawa ang sumusuhay sa iyong sagot?
6 Kung minsan sa disiplina ay kasali ang pamamalo, ngunit kadalasan ay hindi kasali iyon. Hindi sinasabi sa Kawikaan 8:33, “damhin” ang disiplina kundi, “makinig kayo sa disiplina at kayo’y magpakapantas.” Malimit na ang disiplina ay nasa anyong mga salita, hindi mga pamamalo: “Ang mga saway ng disiplina ay daan ng buhay.” “Manghawakan ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo, sapagkat naroon ang iyong buhay.” (Kawikaan 4:13; 6:23) Noon ay kinailangan na lapatan ng disiplina ang lingkod ni Jehova na si Job, at iyon ay isinagawa sa pamamagitan ng mga salitang pansaway, una ni Elihu at pagkatapos ay ni Jehova mismo. (Job, kabanata 32-41) Tinanggap ni Job ang saway at sinabi niya kay Jehova: “Binabawi ko ang aking sinabi, at ako’y nagsisisi sa alabok at mga abo.”—Job 42:6.
7. Ano ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “disiplina,” paano ito ikakapit, at ano ang nagagawa nito?
7 Ang salitang Griego na isinaling “disiplina” ay pai·deiʹa. Sa iba’t ibang anyo nito ay may kahulugan ito na magsanay, magturo, “mahinahong nagtuturo.” (2 Timoteo 2:25) Ito’y may higit na kaugnayan sa pagsasanay upang mapanuto ang asal kaysa pagkuha ng kaalaman. Ang pagdisiplinang ito ay kailangang gawin “nang may buong pagbabata at sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2) Ang mainam na halimbawa nito ay nasa payo sa mga ama: “At kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) May kabaitan ngunit may katatagan na tinutulungan ng pagdisiplinang ito ang mga kabataan upang mapaayon sa kaisipan ni Jehova.
Ang Pinagmumulan ng Disiplina
8. Ano ang pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa disiplina at sa anu-anong mga paraan madidisiplina natin ang ating sarili?
8 Ang mga simulain na kasangkot sa pagdisiplina sa mga bata ay kumakapit din naman sa mga maygulang na. Ang Bibliya ang pinagmumulan ng impormasyon tungkol sa mga bagay na dapat nating gawin at sa mga hindi natin dapat gawin. Habang ating binabasa ito, maaari nating suriin ang ating sarili at gumawa ng pagtutuwid kung kinakailangan. (2 Corinto 13:5) Samantalang binubulaybulay natin ang mga alituntunin ni Jehova, baka tayo’y makadama ng pagkakasala na ating nagawa, anupa’t napagkikilala natin na kailangan tayong gumawa ng mga pagbabago sa ating sarili. Ganoon ang nagawa nito para sa salmista: “Aking pupurihin si Jehova, na nagbigay sa akin ng payo. Oo, sa mga gabi itinutuwid ako ng aking mga bato [“ang aking pinakamatitinding emosyon”].” (Awit 16:7) Maaari nating disiplinahin ang ating sarili gaya ng ginawa ni Pablo: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin, upang, pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako naman ay huwag itakwil sa paano man.”—1 Corinto 9:27.
9. Ano pa ang mga ibang paraan para sa kapaki-pakinabang na pagdisiplina?
9 Ang disiplina ay maaaring manggaling sa iba. Baka ito’y daanin sa titig, sa pangungunot ng noo, sa salita, sa kilos na may ibinabadya, sa berbalang pagsaway. Tinitigan ni Jesus si Pedro na nagpaalaala sa kaniya ng inihulang mabigat na pagkakasalang gagawin niya, at siya’y lumabas at nanangis nang kapait-paitan. (Lucas 22:61, 62) Minsan ay isa namang pagkakataon iyon na kung saan anim na mga salita ang nagsilbing pagsaway na nakabagbag-damdamin kay Pedro: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas!” (Mateo 16:23) Ang pagbabasa ng mga lathalain ng Watch Tower, pagdalo sa mga pulong, pakikipag-usap sa iba, pagtitiis sa mahihirap na mga karanasan—lahat ng ganiyang mga gawain ay makapagbubukas ng ating mga mata upang matanto natin kung saan kailangang gumawa tayo ng mga pagbabago. Gayunman, ang pinakamahalagang mapagkukunan ng impormasyon at giya para sa pagdisiplina ay ang Salita ng Diyos mismo.—Awit 119:105.
10. Ano ang kahalagahan ng mga kawikaan ni Solomon para sa pagdisiplina, gayunma’y anong landasin ang pilit na sinusunod ng iba?
10 Ang mga kawikaan ni Solomon ay ibinigay para sa mga tao anumang edad nila, upang sila’y “makaalam ng karunungan at disiplina, makakilala ng mga salita ng pagkaunawa, tumanggap ng disiplina na nagbibigay ng talino sa pag-unawa, ng katuwiran at paghatol at katarungan, upang mabigyan ang mga musmos ng talino, upang ang isang kabataan ay mabigyan ng kaalaman at kakayahang umisip.” Subalit marahil ang isang tao’y “hindi maitutuwid ng basta mga salita lamang, sapagkat bagaman kaniyang nauunawaan iyon siya’y hindi nakikinig.” (Kawikaan 1:2-4; 29:19) Iginigiit ng mga ibang taong walang karanasan na sila’y natututo buhat sa “mga kagipitan” ng buhay, gaya ng pinagdaanan ng alibughang anak bago “siya bumalik sa kaniyang katinuan.”—Lucas 15:11-17.
11. (a) Paano dinisiplina ang kongregasyon sa Corinto at si Jonas? (b) Anong mga parusang pandisiplina ang inilapat kay David dahil sa kaniyang pangangalunya at pagsisikap na takpan ang kaniyang kasalanan? (c) Anong mga salita ng Awit 51 na isinulat ni David ang nagpapakita ng laki ng kaniyang pagsisisi?
11 Bilang komento sa isang liham na noong nakaraa’y isinulat niya sa kongregasyon sa Corinto, sinabi ni Pablo: “Kayo’y pinalumbay tungo sa pagsisisi; sapagkat kayo’y nangalumbay ayon sa isang maka-Diyos na paraan, . . . [at nagbunga iyon] ng pagtutuwid sa kamalian.” (2 Corinto 7:9-11) Si Jonas ay dinisiplina sa pamamagitan ng isang bagyo sa dagat at ng isang malaking isda. (Jonas 1:2, 3, 12, 17; 2:10; 3:1-4) Ang ginawa ni David na pangangalunya at pagtatangkang pagtakpan iyon ay naghatid sa kaniya ng mga parusang pandisiplina, gaya ng ipinakikita sa 2 Samuel 12:9-14. Ang kaniyang pagsisisi ay makabagbag-damdaming ipinahayag sa ganitong mga salita sa ika-51 Awit: ‘Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, linisin mo ako sa aking kasalanan. Ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko. Pawiin mo ang lahat kong mga kasalanan, likhaan mo ako ng isang malinis na puso, at ilagay mo sa loob ko ang isang bagong espiritu. Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan. Ang isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Diyos, ay hindi mo hahamakin.’—Aw 51 Talatang 2, 3, 9-11, 17.
12. Anong lalong mahihigpit na hakbang ang kailangan para sa iba, at ano ang resulta para sa mga taong tumatanggi sa paulit-ulit na saway?
12 Sa mga ibang tao ay lalong mahihigpit na hakbang ang marahil ay kakailanganin, gaya ng ipinakikita ng Kawikaan 26:3: “Ang latigo ay para sa kabayo, ang kabisada ay para sa asno, at ang pamalo ay para sa likod ng mga taong mangmang.” May mga panahon na pinayagan ni Jehova ang kaniyang bansa na Israel na masupil ng mga kabagabagan na sila ang nagdala sa kanilang sarili: “Sila’y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos; at hinamak ang payo ng Kataas-taasan. Kaya’t kaniyang sinupil nang may pagkabagabag ang kanilang puso; sila’y nangabuwal, at walang sumaklolo. At sila’y nagsimulang nanawagan kay Jehova upang sila’y tulungan sa kanilang kahirapan; gaya ng dati kaniyang iniligtas sila sa mga kagipitan.” (Awit 107:11-13) Gayunman, ang mga ibang mangmang o estupido ay nagmatigas ng kanilang sarili anupa’t hindi na sila mabago ng anumang uri ng disiplinang pampagaling: “Ang taong paulit-ulit na sinasaway ngunit nagpapatigas ng kaniyang leeg ay biglang mababali, at ito’y walang kagamutan.”—Kawikaan 29:1.
Pagbibigay at Pagtanggap ng Saway
13. Ano ang dapat nating iwasan kung tayo’y sumasaway, at paano dapat ibigay ang saway?
13 Sa anumang paraan ng pagdisiplina, ito’y hindi dapat ibigay na may kasabay na galit. Ang totoo, imbis na makatulong, “ang galit ay humihila ng alitan.” Sa atin ay ipinapayo rin: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay may saganang pagkaunawa, ngunit siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.” Isa pa, “ang unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan na paraanin niya ang pagsalansang.” (Kawikaan 29:22; 14:29; 19:11) Kung kinakailangan na maglapat ng disiplina, ito’y hindi dapat na maging labis-labis. Magbigay ng disiplina sa nararapat na panahon at sa nararapat na antas—hindi bigla-bigla, hindi huling-huli na, hindi napakakaunti, hindi napakarami.
14. Ano ang iba pang mga alituntunin para sa mga nagbibigay ng saway?
14 Narito ang mga ilang alituntunin para sa mga nagbibigay ng saway: “Huwag mong pakapintasan ang isang nakatatandang lalaki. Kundi, pangaralan mo siyang tulad sa isang ama, ang mga kabataang lalaki tulad sa mga kapatid, ang mga nakatatandang babae tulad sa mga ina, ang mga nakababatang babae tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisang-puri.” (1 Timoteo 5:1, 2) Sila ba’y iyong pinamamanhikan, hindi binubulyawan? “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” (Galacia 6:1) Ikaw ba’y nagpapayo nang may kahinahunan, laging isinasaisip ang iyong sariling mga kahinaan? “Laging tratuhin ang iba na gaya ng ibig mong itrato nila sa iyo.” (Mateo 7:12, The New English Bible) Inilalagay mo ba ang iyong sarili sa lugar ng iba, na nagpapakita ng empatiya?
15. Ano ang kailangan para sa pagtanggap ng saway, at ano pang karagdagang payo ang ibinibigay sa mga sinasaway?
15 Ang pagtanggap ng saway ay nangangailangan ng pagpapakumbaba. Wari bang ito’y namimilì, ito’y di-makatuwiran, di-makatarungan? Huwag kang padalus-dalos. Pag-isipan mo ito. Huwag kang maging negatibo. Bulaybulayin ito sa paraang positibo. Kung hindi lahat ay waring may bisa, ang isang bahagi kaya nito’y gayon? Buksan mo ang iyong isip upang tumanggap; pag-isipan mo ito nang walang anumang kinikilingan. Ikaw ba ay labis na nagiging sensitibo, napakadaling magdamdam? Baka kakailanganin ang panahon upang makita ito sa positibong paraan, pagkatapos na mapawi na ang anumang pinsala o pagdaramdam na likha nito. Kaya’t maghintay ka. Pigilin ang iyong dila. Mahinahong pag-isipan mo ang sinabi. Posible kaya na ikaw ay may maling akala laban sa taong nagbigay ng saway, at tinanggihan mo iyon dahil lamang sa bagay na ito? Gayunman, ituring mo na iyon ay may mabuting hangarin at huwag mong tanggihan nang walang lingon-likod.
16. (a) Anong mga teksto at kaugnay na mga tanong ang dapat pag-isipan pagka tumatanggap tayo ng payo? (b) Anong damdamin ang ipinahayag ng salmista na maaari nating tularan?
16 Narito ang mga ilang teksto na dapat pag-isipan pagka ikaw ay sinaway: “Siyang nagtitipid ng kaniyang mga salita ay may kaalaman, at ang taong may unawa ay may malamig na kalooban.” (Kawikaan 17:27) Ikaw ba’y nakikinig at nananatiling may malamig na kalooban? “Ang lakad ng mangmang ay matuwid sa kaniyang sariling mga mata, ngunit siyang pantas ay nakikinig sa payo.” (Kawikaan 12:15) Ikaw ba ay agad magpapasiya na ikaw ay tama, o ikaw ba’y nakikinig at tinatanggap mo ang payo? “Maging mabilis ka tungkol sa pakikinig, mabagal tungkol sa pagsasalita, mabagal tungkol sa pagkagalit.” (Santiago 1:19) Iyo bang sinusunod ang mga salitang ito pagka pinapayuhan ka? “Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” (Eclesiastes 7:9) Ikaw ba ay madaling magalit? Anong ganda nga kung ang madarama natin ay gaya ng nadama ng salmista: “Kung sugatan man ako ng matuwid, iyon ay magiging kagandahang-loob pa nga; at kung sawayin niya ako, iyon ay magiging parang langis sa ulo, na hindi tatanggihan ng aking ulo.”—Awit 141:5.
Pagtiisan ang Disiplina at Umani ng Bungang Mapayapa
17. Bakit ang disiplina ay hindi laging madaling tanggapin, gayunman’y paanong ang laging pagsasaisip ng Hebreo 12:7, 11 ay tutulong sa atin na mapagtiisan iyon?
17 Ang disiplina ay hindi laging madaling tanggapin. Baka ito’y may kasamang kahihiyan at nagtatakda ng mga ilang paghihigpit. Maaari pa ngang maging sanhi ito ng kadalamhatian. Subalit pagtiisan mong lahat ito. Lilipas din iyon; kagalakan ang darating pagkatapos. Tandaan: “Dahil sa disiplina kung kaya kayo nagtitiis. Ang Diyos ay nakikitungo sa inyo gaya ng pakikitungo sa mga anak. Sapagkat alin ngang anak ang hindi dinidisiplina ng isang ama? Totoo, walang disiplina ang tila man din sa kasalukuyan ay nakapagpapaligaya, kundi nakapagpapalungkot, gayunman pagkatapos ay namumunga ito ng mapayapang bunga sa mga sinanay nito, samakatuwid nga, ang katuwiran.”—Hebreo 12:7, 11.
18, 19. Anong matitinding damdamin ang ipinahayag kapuwa ni Jeremias at ng salmista na nagbibigay sa atin ng tamang landasin pagka tayo’y dinidisiplina?
18 Kaya kung ang disiplina ay nakapagpapalungkot at mahirap na pagtiisan, hintayin mo ang bungang mapayapa na dumarating pagkatapos. Hintayin mo si Jehova, gaya ng paghihintay na ginawa ni Jeremias: “Walang pagsalang aalalahanin ako ng iyong kaluluwa at yuyuko ka upang lingapin ako. Ito ang gugunitain ko sa aking puso. Kaya naman maghihintay ako.” (Panaghoy 3:20, 21) Alalahanin ang sinabi ng salmista sa kaniyang sarili nang siya’y nasa paghihirap: “Bakit ka nanlulumo, Oh kaluluwa ko, at bakit ka nababagabag sa loob ko? Hintayin mo ang Diyos, sapagkat pupurihin ko pa siya bilang ang aking kaligtasan.”—Awit 42:5, 11; 43:5.
19 Kaya pagka tayo’y dinidisiplina, hayaang bawat isa sa atin ay maghintay sa Diyos. Pagkatapos na tayo’y nasanay nito, aani tayo ng bungang mapayapa, samakatuwid baga, ang katuwiran.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang kahalagahan ng paggamit sa pamalong pandisiplina?
◻ Ano ang pangunahing pinagmumulan ng disiplina? Ano pa ang mga ibang pinagmumulan ng disiplina?
◻ Bukod sa mga salitang pansaway, anong lalong mahihigpit na hakbang ang maaaring kailanganin?
◻ Ano ang ilan sa mga alituntunin sa pagbibigay ng saway?
◻ Anong payo ang tutulong sa atin upang tanggapin natin ang saway?
[Larawan sa pahina 17]
Ikaw ba’y may karunungang ‘nakikinig sa disiplina’?
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga simulaing nasasangkot sa pagdisiplina sa mga bata ay kumakapit din sa mga maygulang