“Salansangin Ninyo ang Diyablo”
“Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—SANTIAGO 4:7.
1. Paano natin mailalarawan ang daigdig sa kasalukuyan, at bakit kailangang maging mapagbantay ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahan?
“NAWALA na ang Diyos, pero may Diyablo pa rin.” Ang mga salitang iyon ng awtor na Pranses na si André Malraux ay angkop na maikakapit sa daigdig na kinabubuhayan natin. Ang mga gawa ng mga tao ay talagang waring higit na nagpapamalas ng katusuhan ng Diyablo sa halip na ng kalooban ng Diyos. Inililigaw ni Satanas ang mga tao “taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat likong panlilinlang para roon sa mga nalilipol.” (2 Tesalonica 2:9, 10) Gayunman, sa “mga huling araw” na ito, itinutuon ni Satanas ang kaniyang pagsisikap sa mga nakaalay na lingkod ng Diyos, anupat nakikidigma sa mga pinahirang Kristiyano, “na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 12:9, 17) Ang mga pinahirang lingkod na ito ng Diyos at ang kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa ay kailangang maging mapagbantay.
2. Paano dinaya ni Satanas si Eva, at anong pangamba ang ipinahayag ni apostol Pablo?
2 Si Satanas ay isang pusakal na manlilinlang. Sa pamamagitan ng paggamit sa serpiyente bilang balatkayo, nilinlang niya si Eva upang mag-isip na lalo siyang makasusumpong ng higit na kaligayahan kung kikilos siya nang hiwalay sa Diyos. (Genesis 3:1-6) Pagkalipas ng mga apat na libong taon, nagpahayag ng pangamba si apostol Pablo na baka mabiktima ng katusuhan ni Satanas ang mga pinahirang Kristiyano sa Corinto. Sumulat si Pablo: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Pinasasamâ at pinipilipit ni Satanas ang pag-iisip ng mga tao. Kung paanong dinaya niya si Eva, maaari niyang pangyarihin na mangatuwiran nang mali ang mga Kristiyano at mag-isip na ang kanilang kaligayahan ay nakasalalay sa isang bagay na hindi sinasang-ayunan ni Jehova at ng kaniyang Anak.
3. Anong proteksiyon laban sa Diyablo ang inilalaan ni Jehova?
3 Maihahambing si Satanas sa isang manghuhuli ng ibon na naglalagay ng mga bitag upang hulihin ang di-naghihinalang mga biktima. Upang maiwasan ang mga bitag ni Satanas, kailangan tayong ‘tumahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan,’ isang makasagisag na dako ng proteksiyon na inilalaan ni Jehova para sa mga kumikilala sa kaniyang pansansinukob na pagkasoberano anuman ang ginagawa nila. (Awit 91:1-3) Kailangan natin ang lahat ng proteksiyong inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon upang “makatayo [tayong] matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11) Ang salitang Griego para sa “mga pakana” ay maaari ring isalin na “tusong mga gawa,” o “mga panlilinlang.” Walang alinlangan na gumagamit ang Diyablo ng maraming panlilinlang at tusong mga gawa sa kaniyang pagsisikap na siluin ang mga lingkod ni Jehova.
Mga Bitag na Inilagay ni Satanas Para sa Unang mga Kristiyano
4. Sa anong uri ng daigdig namuhay ang unang mga Kristiyano?
4 Ang mga Kristiyano na nabuhay noong una at ikalawang siglo C.E. ay namuhay sa panahon nang nasa tugatog ng kapangyarihan ang Imperyo ng Roma. Pinangyari ng Pax Romana (Kapayapaang Romano) na umunlad ang komersiyo. Ang kasaganaang ito ay nagdulot ng maraming panahon ng paglilibang sa mga taong nasa kapangyarihan, at tiniyak ng mga tagapamahala na maraming mapaglilibangan ang pangkaraniwang mga tao upang hindi maghimagsik ang mga ito. May mga panahon na ang mga pista opisyal ay kasindami ng mga araw ng pagtatrabaho. Ginagamit ng mga lider ang mga pondo ng bayan upang magbigay ng pagkain at magtanghal ng mga panoorin para sa mga tao, anupat pinananatiling busog ang kanilang sikmura at abala ang kanilang isipan.
5, 6. (a) Bakit di-angkop para sa mga Kristiyano na laging magpunta sa mga teatro at ampiteatrong Romano? (b) Anong panlilinlang ang ginamit ni Satanas, at paano ito maiiwasan ng mga Kristiyano?
5 Naging panganib ba ang ganitong situwasyon para sa unang mga Kristiyano? Kung pagbabatayan ang mga babalang isinulat ng unang mga manunulat pagkaraan ng panahon ng mga apostol, tulad ni Tertullian, karamihan sa mga libangan noong panahong iyon ay punô ng mga panganib sa espirituwal at moral para sa tunay na mga Kristiyano. Halimbawa, karamihan sa mga kapistahang pambayan at mga palaro ay idinaraos bilang parangal sa paganong mga diyos. (2 Corinto 6:14-18) Sa mga teatro, maging ang maraming klasikal na mga dula ay labis na imoral o punô ng madugong karahasan. Sa paglipas ng panahon, nagsawa ang publiko sa klasikal na mga dula, at hinalinhan ang mga ito ng malalaswang palabas na pantomina. Sa kaniyang aklat na Daily Life in Ancient Rome, sinabi ng istoryador na si Jérôme Carcopino: “Sa mga dulang ito ay pinahihintulutang maghubu’t-hubad ang mga aktres . . . Labis-labis ang pagbububo ng dugo. . . . Lalo pang pinalubha [ng pantomina] ang kalisyaan na laganap na sa pangkaraniwang mga tao ng kabisera. Hindi sila nasusuklam sa gayong mga pagtatanghal dahil ang nakapangingilabot na patayan sa ampiteatro ay matagal nang nagpamanhid sa kanilang mga damdamin at nagpasamâ sa kanilang likas na pag-uugali.”—Mateo 5:27, 28.
6 Sa mga ampiteatro, naglalaban-laban ang mga gladyador hanggang kamatayan o nakikipaglaban sa mababangis na hayop, anupat pinapatay ang mga ito o sila ang pinapatay ng mga ito. Ang hinatulang mga kriminal at, nang dakong huli, ang maraming Kristiyano ay itinatapon sa mababangis na hayop. Maging noong sinaunang mga panahong iyon, nililinlang ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapahupa sa kanilang pagkasuklam sa imoralidad at karahasan hanggang sa maging pangkaraniwan na lamang ang mga bagay na ito at hinahanap-hanap na ng taong-bayan. Ang tanging paraan upang makaiwas sa bitag na iyon ay manatiling malayo mula sa mga teatro at mga ampiteatro.—1 Corinto 15:32, 33.
7, 8. (a) Bakit hindi katalinuhan para sa isang Kristiyano na manood ng karera ng mga karo? (b) Paano maaaring ginamit ni Satanas ang mga paliguang Romano upang bitagin ang mga Kristiyano?
7 Ang karera ng mga karo na idinaraos sa malalaking biluhabang mga arena ay walang-pagsalang lubhang kapana-panabik, subalit di-katanggap-tanggap ang mga ito para sa mga Kristiyano dahil madalas na nagiging marahas ang mga pulutong doon. Isang manunulat noong ikatlong siglo ang nag-ulat na ang ilan sa mga nanonood ay nagsusuntukan, at sinabi ni Carcopino na “may puwesto ang mga astrologo at mga patutot” sa ilalim ng mga lagusan ng gusali ng arena. Maliwanag, ang arenang Romano ay hindi para sa mga Kristiyano.—1 Corinto 6:9, 10.
8 Kumusta naman ang bantog na mga paliguang Romano? Totoo, walang masama sa paliligo upang manatiling malinis. Subalit marami sa mga paliguang Romano ay malalaking pasilidad na may mga silid sa pagmamasahe, himnasyo, pasugalan, at mga lugar na makakainan at maiinuman. Bagaman sa teorya ay may magkaibang takdang panahon ang mga lalaki at mga babae sa paggamit ng mga paliguan, ang magkasamang paliligo ng mga lalaki’t babae ay madalas na pinahihintulutan. Ganito ang isinulat ni Clemente ng Alejandria: “Ang mga paliguan ay bukás kapuwa sa mga lalaki at babae; at doon ay naghuhubu’t-hubad sila para magpakasasa sa kahalayan.” Samakatuwid, ang isang sinasang-ayunang pampublikong pasilidad ay madaling nagagamit noon ni Satanas bilang isang bitag para sa mga Kristiyano. Umiiwas dito ang matatalino.
9. Anong mga silo ang kailangang iwasan ng unang mga Kristiyano?
9 Ang pagsusugal ay paboritong libangan ng mga tao nang nasa tugatog ng kapangyarihan ang Imperyo ng Roma. Maiiwasan ng unang mga Kristiyano ang pustahan sa karera ng mga karo kung mananatili lamang silang malayo sa mga arena. Ang maliitang pagsusugal ay ilegal ding ginaganap sa tagóng mga silid ng mga bahay-tuluyan at mga taberna. Ang mga naglalaro ay pumupusta batay sa bilang ng maliliit na bato o ng mga hugpungang buto na hawak ng ibang naglalaro, kung ang bilang ng mga ito’y di-nahahati sa dalawa (odd) o nahahati sa dalawa (even). Ang pagsusugal ay nakadagdag ng katuwaan sa buhay ng mga tao, sapagkat nag-aalok ito ng pag-asang magkaroon ng salapi sa madaling paraan. (Efeso 5:5) Bukod dito, ang mga tagapagsilbing babae sa gayong mga barikan (bar) ay karaniwan nang mga patutot, na nagdudulot ng higit na panganib na makagawa ng seksuwal na imoralidad. Iyan ang ilan sa mga silo na inilagay ni Satanas para sa mga Kristiyano na nanirahan noon sa mga lunsod ng Imperyo ng Roma. Lubha bang naiiba ang mga bagay-bagay sa ngayon?
Mga Silo ni Satanas sa Ngayon
10. Paanong ang situwasyon sa ngayon ay katulad ng mga kalagayang umiral noong panahon ng Imperyo ng Roma?
10 Sa pangkalahatan, ang mga panlilinlang ni Satanas ay hindi nagbago sa nakalipas na maraming siglo. Upang ang mga Kristiyanong naninirahan sa tiwaling lunsod ng Corinto ay hindi “malamangan ni Satanas,” nagbigay si apostol Pablo ng matinding payo sa kanila. Sinabi niya: “Hindi naman tayo walang-alam sa . . . mga pakana [ni Satanas].” (2 Corinto 2:11) Sa maraming mauunlad na bansa, ang situwasyon sa ngayon ay katulad niyaong umiral noong nasa tugatog ng kapangyarihan ang Imperyo ng Roma. May mas maraming panahon sa paglilibang ang maraming tao nang higit kailanman. Ang mga loterya ng pamahalaan ay nagbibigay ng silahis ng pag-asa maging sa mga mahihirap. Napakaraming murang libangan ang mapagkakaabalahan ng mga tao. Punô ang mga istadyum na ukol sa mga isport, nagsusugal ang mga tao, nagiging marahas kung minsan ang mga pulutong, at madalas na gayundin ang mga manlalaro. Palaging nakaririnig ng mabababang-uring musika ang mga tao, at ang malalaswang mga palabas ay itinatanghal sa mga entablado ng teatro gayundin sa mga pelikula at mga telebisyon. Sa ilang bansa, popular ang magkakasamang paliligo ng mga lalaki’t babae sa mga sauna at mga hot spring, bukod pa sa hubu’t-hubad na paliligo sa ilang dalampasigan. Kagaya noong unang mga siglo ng Kristiyanismo, sinisikap ni Satanas na akitin ang mga lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng makasanlibutang mga libangan.
11. Anong mga silo ang nakaabang sa paghahangad na magrelaks at maglibang?
11 Sa isang daigdig na karaniwan ang kaigtingan, normal lamang na makadama ng pangangailangang magrelaks o maglibang. Gayunman, kung paanong ang mga paliguang Romano ay may mga pasilidad na maaaring maging mapanganib para sa unang mga Kristiyano, ang ilang bakasyunan at mga resort ay napatunayang isang silo na ginagamit ni Satanas upang akayin ang makabagong-panahong mga Kristiyano sa imoralidad o labis na pag-inom ng alak. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali. Gumising kayong may katinuan sa matuwid na paraan at huwag mamihasa sa kasalanan, sapagkat ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos.”—1 Corinto 15:33, 34.
12. Ano ang ilang panlilinlang na ginagamit ni Satanas upang siluin ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
12 Nakita natin sa nangyari kay Eva kung paano ginamit ni Satanas ang katusuhan upang pasamain ang pag-iisip ni Eva. (2 Corinto 11:3) Sa ngayon, ang isa sa mga silo ng Diyablo ay akayin ang mga Kristiyano upang mag-isip na kung pagsisikapan nilang ipakita hangga’t maaari na ang mga Saksi ni Jehova ay katulad rin ng ibang mga tao, magtatagumpay sila sa pag-akit sa ilan sa katotohanang Kristiyano. Kung minsan, masyado silang nagiging katulad ng mga di-mananampalataya, at ang kabaligtaran ang nangyayari. (Hagai 2:12-14) Ang isa pang panlilinlang ni Satanas ay ang pagpukaw sa mga nakaalay na mga Kristiyano, kapuwa kabataan at adulto, na magtaguyod ng dalawang uri ng pamumuhay at “pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos.” (Efeso 4:30) Ang ilan ay nahulog sa ganitong bitag sa pamamagitan ng pag-abuso sa Internet.
13. Anong nakabalatkayong silo ang isa sa tusong mga gawa ng Diyablo, at anong payo sa Mga Kawikaan ang angkop dito?
13 Ang isa pa sa mga silo ni Satanas ay ang nakabalatkayong okultismo. Walang tunay na Kristiyano ang tahasang makikibahagi sa Satanismo o espiritismo. Gayunman, ang ilan ay walang kamalay-malay na naging di-mapagbantay pagdating sa mga pelikula, serye sa TV, mga laro sa video, at maging sa mga aklat na pambata at mga komiks na nagtatampok ng karahasan o mahiwagang mga gawain. Anumang bagay na may bahid ng okulto ay kailangang iwasan. Ganito ang sabi ng matalinong kawikaan: “Mga tinik at mga bitag ang nasa daan ng liko; siyang nagbabantay ng kaniyang kaluluwa ay lumalayo sa mga iyon.” (Kawikaan 22:5) Yamang si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” anumang bagay na napakapopular ay posibleng may ikinukubling isa sa mga bitag niya.—2 Corinto 4:4; 1 Juan 2:15, 16.
Sinalansang ni Jesus ang Diyablo
14. Paano nilabanan ni Jesus ang unang tukso ng Diyablo?
14 Nagbigay si Jesus ng mainam na halimbawa sa pagsalansang sa Diyablo at pagpapangyari na tumakas ito. Pagkatapos magpabautismo at mag-ayuno sa loob ng 40 araw, si Jesus ay tinukso ni Satanas. (Mateo 4:1-11) Sinamantala ng unang tukso ang likas na pagkagutom ni Jesus pagkaraang siya ay mag-ayuno. Inanyayahan ni Satanas si Jesus na gumawa ng kaniyang kauna-unahang himala upang sapatan ang isang pisikal na pangangailangan. Sinisipi ang Deuteronomio 8:3, tumanggi si Jesus na gamitin sa makasariling paraan ang kaniyang kapangyarihan at sa halip ay inuna ang espirituwal na pagkain kaysa sa pisikal na pagkain.
15.(a) Anong likas na pagnanasa ang ginamit ni Satanas upang tuksuhin si Jesus? (b) Ano ang isa sa mga pangunahing tusong gawa ng Diyablo laban sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon, ngunit paano natin siya maaaring salansangin?
15 Ang isang kapansin-pansing bagay hinggil sa tuksong ito ay na hindi sinikap ng Diyablo na gumawa ng seksuwal na kasalanan si Jesus. Ang pagkagutom, na likas na pumupukaw sa paghahangad ng pagkain, ang waring pinakamalakas na pisikal na pagnanasa na magagamit sa pagtukso kay Jesus sa pagkakataong iyon. Anong mga tukso ang ginagamit ng Diyablo upang akitin ang bayan ng Diyos sa ngayon? Marami at iba’t iba ang mga ito, ngunit ginagamit niya ang mga tukso may kaugnayan sa sekso bilang isa sa mga pangunahing tusong gawa sa kaniyang pagsisikap na sirain ang katapatan ng bayan ni Jehova. Sa pamamagitan ng pagtulad kay Jesus, maaari nating salansangin ang Diyablo at labanan ang mga tukso. Kung paanong binigo ni Jesus ang mga pagsisikap ni Satanas sa pamamagitan ng pag-alaala sa angkop na mga kasulatan, kapag tayo’y tinutukso, maaari nating alalahanin ang mga tekstong tulad ng Genesis 39:9 at 1 Corinto 6:18.
16. (a) Paano tinukso ni Satanas si Jesus sa ikalawang pagkakataon? (b) Sa anu-anong paraan maaaring sikapin ni Satanas na tuksuhin tayo upang subukin si Jehova?
16 Pagkatapos nito, hinamon ng Diyablo si Jesus na tumalon mula sa pader ng templo at subukin ang kakayahan ng Diyos na ipagsanggalang siya sa pamamagitan ng Kaniyang mga anghel. Sinisipi ang Deuteronomio 6:16, tumanggi si Jesus na ilagay sa pagsubok ang kaniyang Ama. Maaaring hindi tayo tuksuhin ni Satanas na tumalon mula sa isang tore ng templo, ngunit maaari niya tayong tuksuhin upang subukin si Jehova. Natutukso ba tayong sumubok kung hanggang saan tayo makatutulad sa makasanlibutang kausuhan pagdating sa ating pananamit at pag-aayos nang hindi napapayuhan? Natutukso ba tayong makibahagi sa kaduda-dudang libangan? Kung gayon ay baka sinusubok natin si Jehova. Kung tayo ay may gayong hilig, sa halip na tumakas mula sa atin, baka manatiling kasama natin si Satanas, anupat walang-tigil na nagsisikap na akitin tayong pumanig sa kaniya.
17. (a) Paano tinukso ng Diyablo si Jesus sa ikatlong pagkakataon? (b) Paano magiging totoo sa atin ang Santiago 4:7?
17 Nang ialok ni Satanas kay Jesus ang lahat ng kaharian sa sanlibutan kapalit ng isang gawang pagsamba, muli siyang sinalansang ni Jesus sa pamamagitan ng pagsipi sa Kasulatan, anupat siya’y nanindigang matatag ukol sa bukod-tanging pagsamba sa kaniyang Ama. (Deuteronomio 5:9; 6:13; 10:20) Maaaring hindi naman ialok ni Satanas ang mga kaharian ng sanlibutan sa atin, subalit patuloy niya tayong tinutukso sa pamamagitan ng ningning ng materyal na mga bagay, ng pangarap pa nga na magkaroon ng sariling maliit na kaharian. Tumutugon ba tayo na gaya ni Jesus, anupat iniuukol ang ating bukod-tanging debosyon kay Jehova? Kung oo, ang nangyari kay Jesus ay mangyayari rin sa atin. Sinasabi ng ulat ni Mateo: “Nang magkagayon ay iniwan siya ng Diyablo.” (Mateo 4:11) Iiwan tayo ni Satanas kung maninindigan tayong matatag laban sa kaniya sa pamamagitan ng pag-alaala sa angkop na mga simulain sa Bibliya at pagkakapit sa mga ito. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Santiago 4:7) Isang Kristiyano ang lumiham sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya: “Tuso talaga si Satanas. Sa kabila ng aking mabubuting hangarin, labis akong nahihirapang supilin ang aking damdamin at mga nasa. Gayunman, sa pamamagitan ng lakas ng loob, pagtitiis, at higit sa lahat, ng tulong ni Jehova, nakapanatili akong tapat at nakapanghawakang mahigpit sa katotohanan.”
Lubusang Nasasangkapan Upang Salansangin ang Diyablo
18. Anong espirituwal na baluti ang nagsasangkap sa atin upang magawang salansangin ang Diyablo?
18 Binigyan tayo ni Jehova ng kumpletong kagayakan ng espirituwal na baluti upang “makatayo [tayong] matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11-18) Ang ating pag-ibig sa katotohanan ang bibigkis sa ating mga balakang, o maghahanda sa atin, para sa gawaing Kristiyano. Ang determinasyon natin na manghawakan sa mga pamantayan ng katuwiran ni Jehova ay magiging tulad ng baluti na nagsasanggalang sa ating puso. Kung ang mga paa natin ay nagagayakan ng mabuting balita, tayo ay regular na makikibahagi sa gawaing pangangaral, at ito ay magpapalakas at magsasanggalang sa atin sa espirituwal. Ang ating matibay na pananampalataya ay magiging tulad ng isang malaking kalasag, na nagsasanggalang sa atin mula sa “nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot,” ang kaniyang tusong mga pagsalakay at mga tukso. Ang matibay na pag-asa natin sa katuparan ng mga pangako ni Jehova ay magiging tulad ng helmet na nagsasanggalang sa ating mga kakayahang mag-isip at nagdudulot sa atin ng kapayapaan ng isip. (Filipos 4:7) Kung tayo ay magiging eksperto sa paggamit sa Salita ng Diyos, ito ay magiging tulad ng isang tabak na magagamit natin upang tulungang makalaya ang mga tao mula sa espirituwal na pagkabihag kay Satanas. Magagamit din natin ito upang ipagtanggol ang ating sarili, kung paanong nagamit ito ni Jesus nang siya ay tuksuhin.
19. Bukod sa ‘pagsalansang sa Diyablo,’ ano pa ang kinakailangan?
19 Sa pamamagitan ng palaging pagsusuot ng ganitong “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos” at patuloy na pananalangin, makapagtitiwala tayo na ipagsasanggalang tayo ni Jehova kapag sinalakay tayo ni Satanas. (Juan 17:15; 1 Corinto 10:13) Subalit ipinakita ni Santiago na hindi sapat na basta ‘salansangin ang Diyablo.’ Higit sa lahat, dapat din tayong ‘magpasakop sa Diyos,’ na nagmamalasakit sa atin. (Santiago 4:7, 8) Isasaalang-alang sa susunod na artikulo kung paano natin magagawa ito.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong mga silo ni Satanas ang kinailangang iwasan ng unang mga Kristiyano?
• Anong tusong mga gawa ang ginagamit ngayon ni Satanas upang sikaping siluin ang mga lingkod ni Jehova?
• Paano sinalansang ni Jesus ang mga tukso ng Diyablo?
• Anong espirituwal na baluti ang tumutulong sa atin upang magawang salansangin ang Diyablo?
[Larawan sa pahina 8, 9]
Matatag na sinalansang ni Jesus ang Diyablo
[Mga larawan sa pahina 10]
Tinanggihan ng unang-siglong mga Kristiyano ang marahas at imoral na libangan
[Credit Line]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck