Kung Paano Makikilala at Mapananagumpayan ang Anumang Espirituwal na Kahinaan
AYON SA GRIEGONG MITOLOHIYA, SI ACHILLES ANG PINAKAMATAPANG SA mga mandirigmang Griego sa Digmaang Trojan, isang kampanya laban sa lunsod ng Troy. Ayon sa alamat, nang sanggol pa lamang si Achilles, inilubog siya ng kaniyang ina sa katubigan ng Ilog Styx, anupat ginawa siyang di-tinatablan maliban sa pinaghawakan sa kaniya ng kaniyang ina—ang bantog na sakong ni Achilles. Doon mismo tumama ang nakamamatay na palaso, na itinudla ni Paris, anak ni Haring Priam ng Troy, at nakapatay kay Achilles.
Ang mga Kristiyano ay mga kawal ni Kristo, na nakikibahagi sa isang espirituwal na digmaan. (2 Timoteo 2:3) “Tayo ay may pakikipagbuno,” paliwanag ni apostol Pablo, “hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” Oo, ang ating mga kaaway ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo at ang mga demonyo.—Efeso 6:12.
Maliwanag, ito sana ay hindi patas na labanán kung hindi lamang sa tulong na natatanggap natin mula sa Diyos na Jehova, na inilarawan bilang “isang tulad-lalaking mandirigma.” (Exodo 15:3) Upang maipagsanggalang ang ating sarili laban sa ating mababangis na kaaway, binigyan tayo ng isang espirituwal na kagayakang pandigma. Kaya naman nanghimok ang apostol: “Isuot ninyo ang kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.”—Efeso 6:11.
Ang kagayakang pandigma na inilaan ng Diyos na Jehova ay walang alinlangang may napakainam na kalidad, anupat maaaring makayanan ang anumang uri ng espirituwal na pagsalakay. Pansinin na lamang ang talaan na ibinigay ni Pablo: bigkis ng katotohanan, baluti ng katuwiran, panyapak ng mabuting balita, malaking kalasag ng pananampalataya, helmet ng kaligtasan, at tabak ng espiritu. Ano pang kagamitan ang aasamin ng isa? Habang suot ang gayong kagayakang pandigma, taglay ng isang kawal na Kristiyano ang lahat ng pagkakataon upang magtagumpay, sa kabila ng malalaking kalamangan.—Efeso 6:13-17.
Bagaman ang espirituwal na kagayakang pandigma mula kay Jehova ay may napakainam na kalidad at isang pinagmumulan ng kapanatagan para sa atin, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga bagay-bagay. Isinasaisip ang inaakalang di-magagaping si Achilles, hindi kaya posible na mayroon din tayong mahinang bahagi, isang espirituwal na sakong ni Achilles? Tiyak na makamamatay iyon kung mahuhuli tayong hindi nagbabantay.
Suriin ang Iyong Espirituwal na Baluti
Ang isang iskeyter sa yelo na dalawang beses nang nagwagi ng gintong medalya sa Olympic, na wari namang may napakahusay na kondisyon ng pangangatawan, ay bigla na lamang natumba at namatay sa panahon ng isang sesyon sa pagsasanay. Di-nagtagal mula noon, isang malungkot na bahagi ng balita ang napaulat sa The New York Times: “Kalahati ng 600,000 Amerikano na inaatake sa puso taun-taon ay walang nakikitang patiunang sintomas.” Maliwanag, ang kalagayan ng ating kalusugan ay hindi maaaring matiyak sa pamamagitan lamang ng ating nadarama.
Ganoon din pagdating sa ating espirituwal na kapakanan. Ang payo ng Bibliya ay: “Siya na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-ingat na hindi siya mabuwal.” (1 Corinto 10:12) Bagaman ang ating espirituwal na baluti ang siyang pinakamainam na makukuhang baluti, maaari pa rin itong humina. Ito ay dahilan sa tayo’y ipinanganak na makasalanan, at maaaring madaling madaig ng ating makasalanan at di-sakdal na kalikasan ang ating kapasiyahang gawin ang kalooban ng Diyos. (Awit 51:5) Sa kabila ng ating mabubuting hangarin, maaari tayong malinlang ng ating mapandayang puso sa pamamagitan ng pagkatha ng di-makatotohanang mga pangangatuwiran o pagdadahilan, upang ating madaling makaligtaan ang ating kahinaan at madaya ang ating sarili sa pag-iisip na mabuti naman ang ating kalagayan.—Jeremias 17:9; Roma 7:21-23.
Bukod dito, nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan ang unawa sa tama at mali ay kadalasang magulo at pilipit. Maaaring ang isang bagay ay nagiging tama o mali depende sa kung ano ang nadarama ng isang tao. Ang ganitong uri ng pag-iisip ay itinataguyod sa mga anunsiyo, popular na libangan, at sa media. Maliwanag, kung hindi tayo mag-iingat, mahihikayat tayong mag-isip sa ganoong paraan, at ang ating espirituwal na kagayakang pandigma ay magsisimulang humina.
Sa halip na masadlak sa gayong mapanganib na situwasyon, dapat nating sundin ang payo ng Bibliya: “Patuloy na subukin kung kayo ay nasa pananampalataya, patuloy na patunayan kung ano kayo mismo.” (2 Corinto 13:5) Kapag ginawa natin ang gayon, makikita natin ang anumang kahinaan na maaaring tumubo at makagagawa ng kinakailangang mga hakbang upang kumpunihin ang mga ito bago ito masulyapan ng ating mga kaaway at maglunsad ng kanilang pagsalakay. Subalit, paano natin ginagawa ang gayong pagsubok? Ano ang ilang sintomas na dapat nating bantayan sa ganitong pagsusuri-sa-sarili?
Pagkilala sa mga Sintomas
Ang isang karaniwang sintomas na maaaring magpahiwatig ng espirituwal na kahinaan ay ang pagpapabaya sa ating kaugalian sa personal na pag-aaral. Nadarama ng ilan na dapat silang mag-aral nang higit, ngunit waring hindi nila ito magawa. Sa kasalukuyang abalang pamumuhay, madaling masadlak sa gayong masamang kalagayan. Subalit ang lalong masama ay na kadalasa’y ikinakatuwiran ng mga tao na hindi naman sila ganoon kapabaya, yamang binabasa naman nila ang mga publikasyon sa Bibliya kapag puwede sila at nakadadalo naman sila sa ilang Kristiyanong pagpupulong.
Ang gayong pangangatuwiran ay isang anyo ng pandaraya-sa-sarili. Katulad ito ng isang tao na nakadaramang siya’y totoong abala upang maupo at kumain ng angkop na pagkain, kaya naman sumusubo na lamang siya hangga’t maaari habang nagmamadali siya sa isang bagay tungo sa isa pa. Bagaman hindi siya magugutom, sa malao’t madali ay magkakaroon siya ng suliranin sa kalusugan. Gayundin naman, kung hindi patuloy ang pagkain ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain, di-magtatagal ay magkakaroon tayo ng mahinang bahagi sa ating espirituwal na baluti. Palibhasa’y palaging pinauulanan ng makasanlibutang propaganda at mga saloobin, madali tayong madaig ng mga nakamamatay na pagsalakay ni Satanas.
Ang isa pang sintomas ng espirituwal na kahinaan ay ang hindi pagkadama ng pagkaapurahan sa ating espirituwal na pakikibaka. Hindi nadarama ng isang kawal ang kaigtingan at panganib ng digmaan kapag panahon ng kapayapaan. Kaya maaari niyang madama na walang dahilang mag-apura sa paghahanda. Kung bigla siyang tawagin upang makibaka, malamang na hindi siya handa. Gayundin naman sa espirituwal na paraan. Kung pahihintulutan nating humina ang ating pagkadama ng pagkaapurahan, maaari tayong maging di-handa sa pagsalag sa mga pagsalakay na makakaharap natin.
Subalit paano natin masasabi kung nasadlak na tayo sa ganitong situwasyon? Maaari nating itanong sa sarili ang ilang katanungan na maaaring magsiwalat sa tunay na kalagayan ng mga bagay-bagay: Sabik ba akong makibahagi sa ministeryo na gaya kapag mamamasyal? Handa ba akong gumugol ng panahon sa paghahanda para sa mga pulong na gaya kapag mamimili o manonood ng TV? Nanghihinayang ba ako sa mga tunguhin o mga pagkakataon na tinalikuran ko nang ako’y maging Kristiyano? Kinaiinggitan ko ba ang sinasabing maalwang pamumuhay na itinataguyod ng iba? Ito ay sumusuring mga tanong, subalit nakatutulong ang mga ito sa paghanap sa anumang kahinaan sa ating espirituwal na kagayakang pandigma.
Yamang ang nagsasanggalang na baluti na taglay natin ay espirituwal, mahalaga na malayang dumaloy sa ating buhay ang espiritu ng Diyos. Ito ay maaaninaw sa lawak ng pagpapamalas natin ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa ating mga gawain. Madali ka bang mainis o magalit pa nga kapag may nagawa o nasabi ang iba na hindi mo gusto? Nahihirapan ka bang tumanggap ng payo, o nadarama mo ba na lagi kang pinupuna ng iba? Labis ka bang naninibugho sa mga pagpapala o naisasagawa ng ibang tao? Nahihirapan ka bang makitungo sa iba, lalo na sa iyong mga kasamahan? Ang tapat na pagsusuri-sa-sarili ay tutulong sa atin na makita kung ang ating buhay ay lipos ng mga bunga ng espiritu ng Diyos o kung ang mga gawa ng laman ay unti-unting namamalas sa atin.—Galacia 5:22-26; Efeso 4:22-27.
Mga Positibong Hakbang Upang Mapanagumpayan ang Espirituwal na Kahinaan
Isang bagay ang pagkilala sa mga sintomas ng espirituwal na kahinaan; ibang bagay naman ang pagharap sa mga ito at paggawa ng mga hakbang upang ituwid ang mga bagay-bagay. Nakalulungkot, may hilig ang marami na magdahilan, mangatuwiran, maliitin ang problema, o itanggi ang pag-iral nito. Kay laking panganib ng gayon—tulad ng pagtungo sa digmaan na kulang ang suot na kagayakang pandigma! Ang gayong landasin ay maghahantad sa atin sa pagsalakay ni Satanas. Sa halip, dapat tayong gumawa agad ng positibong mga hakbang upang ituwid ang anumang depekto na mapapansin natin. Ano ang maaari nating gawin?—Roma 8:13; Santiago 1:22-25.
Yamang nakikibahagi sa espirituwal na digmaan—isang labanán na kinasasangkutan ng pagkontrol sa isip at puso ng Kristiyano—kailangang gawin natin ang lahat upang maingatan ang ating mga pakultad. Tandaan na kabilang sa mga bahagi ng ating espirituwal na baluti “ang baluti ng katuwiran,” na nagsasanggalang sa ating puso, at “ang helmet ng kaligtasan,” na nagsasanggalang sa ating isip. Ang pagkatutong gamitin nang mabisa ang mga paglalaang ito ay maaaring mangahulugan ng kaibahan ng tagumpay at pagkatalo.—Efeso 6:14-17; Kawikaan 4:23; Roma 12:2.
Kailangan sa wastong pagsusuot ng “baluti ng katuwiran” ang palaging pagsusuri natin sa ating sarili hinggil sa ating pag-ibig sa katuwiran at pagkapoot sa katampalasanan. (Awit 45:7; 97:10; Amos 5:15) Bumaba ba ang mga pamantayan natin na gaya sa sanlibutan? Nakalilibang na ba sa atin ngayon ang mga bagay—ito man ay sa tunay na buhay o inilalarawan sa TV at mga telon ng sinehan, sa mga aklat at mga magasin—na dati’y maaaring nakagigitla o nakagagalit sa atin? Ang pag-ibig sa katuwiran ay tutulong sa atin na makita na ang niluluwalhati sa sanlibutan bilang kalayaan at pagkamakabago sa totoo ay maaaring kawalang delikadesa at pagkamakaako na nakabalatkayo.—Roma 13:13, 14; Tito 2:12.
Kasangkot sa pagsusuot ng “helmet ng kaligtasan” ang pagpapanatiling malinaw sa isipan ang kamangha-manghang mga pagpapala sa hinaharap, na hindi pinahihintulutan ang ating sarili na mailihis ng kinang at halina ng sanlibutan. (Hebreo 12:2, 3; 1 Juan 2:16) Ang pagtataglay ng ganitong pangmalas ay tutulong sa atin na unahin ang espirituwal na mga kapakanan kaysa sa pagtatamo ng materyal o personal na bentaha. (Mateo 6:33) Kaya, upang matiyak na tayo ay may ganitong bahagi ng baluti na nasa wastong dako, kailangang may-katapatang tanungin ang ating sarili: Ano ang itinataguyod ko sa buhay? Mayroon ba akong espesipikong espirituwal na mga tunguhin? Ano ang ginagawa ko upang maabot ang mga ito? Kabilang man tayo sa nalabing mga pinahirang Kristiyano o sa napakaraming “malaking pulutong,” dapat nating tularan si Pablo, na nagsabi: “Hindi ko pa itinuturing ang aking sarili na nakahawak na roon; ngunit may isang bagay tungkol doon: Kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin.”—Apocalipsis 7:9; Filipos 3:13, 14.
Ang paglalarawan ni Pablo sa ating espirituwal na kagayakang pandigma ay nagtatapos sa payong ito: “Sa bawat anyo ng panalangin at pagsusumamo ay magpatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa espiritu. At sa layuning iyan ay manatili kayong gising nang may buong katatagan at may pagsusumamo alang-alang sa lahat ng mga banal.” (Efeso 6:18) Nagpapahiwatig ito ng dalawang positibong hakbang na maaari nating gawin upang mapanagumpayan o mahadlangan ang anumang espirituwal na kahinaan: Gumawa ng mabuting kaugnayan sa Diyos, at bumuo ng isang matalik na buklod sa mga kapuwa Kristiyano.
Kapag lagi tayong bumabaling kay Jehova sa panalangin sa “bawat anyo” (pagtatapat ng ating kasalanan, paghingi ng kapatawaran, paghiling ng patnubay, pagpapasalamat sa mga pagpapala, pagpuri mula sa puso) at “sa bawat pagkakataon” (sa paraang hayagan, pribado, personal, biglaan), napapalapit tayo kay Jehova. Iyon ang pinakamatibay na proteksiyon na maaari nating taglayin.—Roma 8:31; Santiago 4:7, 8.
Sa kabilang panig, tayo ay pinapayuhan na manalangin “alang-alang sa lahat ng mga banal,” alalaong baga, para sa ating mga kapuwa Kristiyano. Maaari nating alalahanin sa ating mga panalangin ang ating espirituwal na mga kapatid sa malalayong lupain na dumaranas ng pag-uusig o iba pang kahirapan. Subalit paano naman ang mga Kristiyano na katrabaho natin at kasama natin sa araw-araw? Wasto rin na manalangin alang-alang sa kanila, gaya ni Jesus na nanalangin alang-alang sa kaniyang mga alagad. (Juan 17:9; Santiago 5:16) Pinaglalapit tayo ng gayong mga panalangin at pinatitibay tayo na makayanan ang mga pagsalakay ng “isa na balakyot.”—2 Tesalonica 3:1-3.
Kahuli-hulihan, ingatang nakatimo sa isipan ang maibiging payo ni apostol Pedro: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. Kaya nga, maging matino sa pag-iisip, at maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin. Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:7, 8) Napakadaling hayaang ang di-kasakdalan ng tao—ng ibang tao at natin—ay makapasok sa ating puso at isip at maging mga hadlang, mga katitisuran. Alam na alam ni Satanas ang kahinaang ito ng tao. Ihiwalay at daigin ay isa sa kaniyang mga tusong taktika. Kaya kailangang maging mabilis sa pagtatakip sa gayong mga kasalanan sa pamamagitan ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa at huwag “magbigay ng dako sa Diyablo.”—Efeso 4:25-27.
Manatiling Malakas sa Espirituwal Ngayon
Kapag napansin mo na magulo ang buhok mo o tabingi ang kurbata mo, ano ang iyong gagawin? Malamang na aayusin mo ito agad-agad. Kaunti lamang ang mga tao na pababayaan ang mga ito, anupat nadaramang wala namang kuwenta ang gayong pisikal na mga kakatwaan. Tumugon din tayo nang gayong kabilis pagdating sa ating espirituwal na mga kahinaan. Ang mga dungis sa pisikal ay maaaring maging dahilan ng di-nalulugod na sulyap ng mga tao, subalit ang espirituwal na mga depekto na hindi naitutuwid ay maaaring magbunga ng di-pagsang-ayon ni Jehova.—1 Samuel 16:7.
Maibiging ibinigay sa atin ni Jehova ang lahat ng ating kailangan upang tulungan tayong alisin ang anumang espirituwal na kahinaan at manatiling malakas sa espirituwal. Sa pamamagitan ng mga pulong Kristiyano, mga publikasyon sa Bibliya, at may-gulang at mapagmalasakit na mga kapuwa Kristiyano, patuloy siyang nagbibigay ng mga paalaala at mga mungkahi kung ano ang nararapat nating gawin. Nasa atin na kung tatanggapin at ikakapit natin ang mga ito. Ito ay nangangailangan ng pagsisikap at disiplina sa sarili. Subalit alalahanin ang may-katapatang sinabi ni apostol Pablo: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang-katiyakan; ang paraan ng pagtutuon ko ng mga suntok ay hindi upang sumuntok sa hangin; kundi binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkapangaral ko sa iba, ako mismo ay huwag maging di-sinang-ayunan sa paanuman.”—1 Corinto 9:26, 27.
Maging alisto, at huwag pahintulutan kailanman na magkaroon ng isang espirituwal na sakong ni Achilles. Sa halip, mapagpakumbaba at may tibay-loob na gawin natin ang kinakailangang gawin ngayon upang makilala at mapanagumpayan ang anumang espirituwal na kahinaan na taglay natin.
[Blurb sa pahina 19]
“PATULOY NA SUBUKIN KUNG KAYO AY NASA PANANAMPALATAYA, PATULOY NA PATUNAYAN KUNG ANO KAYO MISMO.”—2 Corinto 13:5.
[Blurb sa pahina 21]
“MAGING MAPAGPUYAT MAY KINALAMAN SA MGA PANALANGIN. HIGIT SA LAHAT, MAGKAROON KAYO NG MASIDHING PAG-IBIG SA ISA’T ISA, SAPAGKAT ANG PAG-IBIG AY NAGTATAKIP NG MARAMING KASALANAN.”—1 Pedro 4:7, 8.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
TANUNGIN ANG IYONG SARILI . . .
◆ Sabik ba akong gumugol ng panahon sa paghahanda sa mga pulong na gaya kapag mamimili o manonood ng TV?
◆ Naiinggit ba ako sa sinasabing maalwang pamumuhay na itinataguyod ng iba?
◆ Madali ba akong mainis kapag may nagawa o nasabi ang iba na hindi ko gusto?
◆ Nahihirapan ba akong tumanggap ng payo o nadarama ko ba na lagi akong pinupuna ng iba?
◆ Nahihirapan ba akong makitungo sa iba?
◆ Bumaba ba ang aking mga pamantayan na katulad sa sanlibutan?
◆ Mayroon ba akong espesipikong mga espirituwal na tunguhin?
◆ Ano ang ginagawa ko upang maabot ang aking mga espirituwal na tunguhin?
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
Achilles: Mula sa aklat na Great Men and Famous Women; Mga kawal na Romano at pahina 21: Historic Costume in Pictures/Dover Publications, Inc., New York