ARALING ARTIKULO 13
Poprotektahan Ka ni Jehova—Paano?
“Tapat ang Panginoon, at palalakasin niya kayo at poprotektahan mula sa isa na masama.”—2 TES. 3:3.
AWIT 124 Ipakita ang Katapatan
NILALAMANa
1. Bakit hiniling ni Jesus na bantayan ni Jehova ang mga alagad niya?
NOONG huling gabi bago mamatay si Jesus, pinag-isipan niya ang mga problema na haharapin ng mga alagad niya. Dahil mahal niya ang mga kaibigan niya, hiniling ni Jesus sa Ama niya na ‘bantayan sila dahil sa isa na masama.’ (Juan 17:14, 15) Alam ni Jesus na kapag umakyat na siya sa langit, patuloy na makikipaglaban si Satanas na Diyablo sa lahat ng gustong maglingkod kay Jehova. Kaya kailangan ng bayan ni Jehova ng proteksiyon niya.
2. Paano tayo makakatiyak na sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin?
2 Sinagot ni Jehova ang panalangin ni Jesus kasi mahal Niya siya. Kung magsisikap tayo na mapasaya si Jehova, mamahalin niya rin tayo at sasagutin niya ang paghingi natin ng tulong at proteksiyon. Bilang mapagmahal na Ama, laging aalagaan ni Jehova ang mga anak niya. Nakataya kasi rito ang pangalan, o reputasyon, niya!
3. Bakit kailangan natin ngayon ang proteksiyon ni Jehova?
3 Kailangang-kailangan natin ngayon ang proteksiyon ni Jehova. “Galit na galit” si Satanas noong palayasin siya sa langit. (Apoc. 12:12) Napaniwala niya ang ilan na kapag pinag-uusig nila tayo, gumagawa sila ng “sagradong paglilingkod sa Diyos.” (Juan 16:2) Pinag-uusig naman tayo ng mga hindi naniniwala sa Diyos kasi naiiba tayo sa kanila. Anuman ang dahilan nila, hindi tayo dapat matakot. Bakit? Kasi sinasabi sa Salita ng Diyos: “Tapat ang Panginoon, at palalakasin niya kayo at poprotektahan mula sa isa na masama.” (2 Tes. 3:3) Pero paano ba tayo pinoprotektahan ni Jehova? Talakayin natin ang dalawang paraan.
NAGBIGAY SI JEHOVA NG KASUOTANG PANDIGMA
4. Ayon sa Efeso 6:13-17, ano ang ibinigay ni Jehova para maprotektahan tayo?
4 Ibinigay ni Jehova ang kasuotang pandigma para protektahan tayo mula sa pag-atake ni Satanas. (Basahin ang Efeso 6:13-17.) Ang kasuotang pandigmang ito ay matibay at talagang makakatulong! Pero mapoprotektahan lang tayo nito kung isusuot natin ang bawat parte ng kasuotang ito at kung hindi natin ito huhubarin. Saan tumutukoy ang bawat parte nito? Tingnan natin.
5. Ano ang sinturon ng katotohanan, at bakit dapat natin itong isuot?
5 Ang sinturon ng katotohanan ay tumutukoy sa katotohanang nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bakit dapat natin itong isuot? Kasi si Satanas ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) At libo-libong taon na siyang nagsisinungaling, at inililigaw niya ang “buong mundo”! (Apoc. 12:9) Pero poprotektahan tayo ng katotohanang nasa Bibliya mula sa mga kasinungalingan ni Satanas. Paano natin isinusuot ang sinturon ng katotohanan? Ginagawa natin ito kapag pinag-aaralan natin ang katotohanan tungkol kay Jehova, kapag sinasamba natin siya “sa espiritu at katotohanan,” at kapag nagiging tapat tayo sa lahat ng bagay.—Juan 4:24; Efe. 4:25; Heb. 13:18.
6. Ano ang baluti ng katuwiran, at bakit dapat natin itong isuot?
6 Ang baluti ng katuwiran ay tumutukoy sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Bakit dapat natin itong isuot? Napoprotektahan ng baluti ang literal na puso ng isang sundalo; napoprotektahan naman ng baluti ng katuwiran ang makasagisag na puso, o ang ating pagkatao, mula sa masasamang impluwensiya ng sanlibutan. (Kaw. 4:23) Gusto ni Jehova na mahalin natin siya at paglingkuran nang buong puso. (Mat. 22:36, 37) Pero gusto ni Satanas na mahati ang puso natin at ibigin ang mga bagay na nasa sanlibutan—ang mga bagay na ayaw ni Jehova. (Sant. 4:4; 1 Juan 2:15, 16) At kapag hindi iyon umuubra, pag-uusigin niya tayo para mapilitan tayong labagin ang mga pamantayan ni Jehova.
7. Paano natin isinusuot ang baluti ng katuwiran?
7 Isinusuot natin ang baluti ng katuwiran kapag tinatanggap natin ang mga pamantayan ni Jehova tungkol sa tama at mali at kapag isinasabuhay natin ang mga ito. (Awit 97:10) Iniisip ng ilan na napakahigpit ng mga pamantayan ni Jehova. Pero kapag huminto tayo sa pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya, para tayong sundalo na naghubad ng baluti sa gitna ng labanan kasi iniisip niya na napakabigat nito. Hindi mo gagawin iyon! Para sa mga nagmamahal kay Jehova, “hindi pabigat” ang mga utos niya kundi nagliligtas-buhay pa nga.—1 Juan 5:3.
8. Ano ang ibig sabihin ng pagsusuot sa ating mga paa ng sandalyas ng mabuting balita?
8 Pinayuhan tayo ni Pablo na isuot sa ating mga paa ang sandalyas ng mabuting balita ng kapayapaan. Ibig sabihin, dapat na lagi tayong handa na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Kapag sinasabi natin sa iba ang mensahe ng Bibliya, napapatibay natin ang ating pananampalataya. Nakakapagpatibay makita na nagsisikap ang bayan ni Jehova sa buong mundo na ipangaral ang mabuting balita—kapag nasa trabaho, school, at mga lugar ng negosyo at kapag nagbabahay-bahay, namimili, bumibisita sa mga di-Saksing kamag-anak, nakikipag-usap sa mga kakilala, at kahit hindi pa nga makalabas ng bahay. Kapag nagpadala tayo sa takot at huminto na sa pangangaral, para tayong sundalo na nagtanggal ng sandalyas sa gitna ng labanan; siguradong masusugatan ang mga paa niya. Kaya mahihirapan siya na maprotektahan ang sarili niya, at hindi na niya masusunod ang utos ng kumandante niya.
9. Bakit kailangan nating dalhin ang malaking kalasag ng pananampalataya?
9 Ang malaking kalasag ng pananampalataya ay tumutukoy sa ating pananampalataya kay Jehova. Nagtitiwala tayo na tutuparin niya ang lahat ng pangako niya. Tutulong ang pananampalataya para ‘masangga natin ang lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama.’ Bakit kailangan natin itong dalhin? Kasi poprotektahan tayo nito mula sa turo ng mga apostata at hindi tayo panghihinaan ng loob kapag hinahamak ng iba ang mga paniniwala natin. Kung wala tayong pananampalataya, hindi tayo magkakaroon ng lakas ng loob para tanggihan ang panghihikayat ng iba na labagin ang mga pamantayan ni Jehova. Pero sa tuwing naninindigan tayo sa ating pananampalataya, sa trabaho man o sa school, ginagamit natin ang ating kalasag. (1 Ped. 3:15) Kapag tinatanggihan natin ang isang trabaho na may mataas na sahod na puwedeng makaapekto sa ating pagsamba, ginagamit din natin ang ating kalasag. (Heb. 13:5, 6) At sa tuwing naglilingkod tayo kay Jehova kahit may pag-uusig, napoprotektahan tayo ng ating kalasag.—1 Tes. 2:2.
10. Ano ang helmet ng kaligtasan, at bakit dapat natin itong isuot?
10 Ang helmet ng kaligtasan ay ang pag-asang ibinibigay ni Jehova—ang pag-asa na ililigtas niya tayo mula sa kamatayan at na gagantimpalaan niya ang lahat ng gumagawa ng kalooban niya. (1 Tes. 5:8; 1 Tim. 4:10; Tito 1:1, 2) Napoprotektahan ng literal na helmet ang ulo ng isang sundalo; napoprotektahan din ng pag-asa nating maligtas ang ating kakayahang mag-isip. Paano? Nakakatulong ang pag-asang iyon na makapagpokus tayo sa mga pangako ng Diyos at magkaroon ng tamang pananaw sa mga problema. Paano natin isinusuot ang helmet na ito? Nagagawa natin ito kapag tinutularan natin ang kaisipan ng Diyos. Halimbawa, hindi tayo umaasa sa kayamanan na walang katiyakan, kundi sa Diyos.—Awit 26:2; 104:34; 1 Tim. 6:17.
11. Ano ang espada ng espiritu, at bakit dapat natin itong gamitin?
11 Ang espada ng espiritu ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Kaya nitong putulin ang lahat ng kasinungalingan na gumagapos sa mga tao at palayain sila mula sa maling mga turo at masasamang gawain. (2 Cor. 10:4, 5; 2 Tim. 3:16, 17; Heb. 4:12) Natututuhan nating gamitin nang tama ang espadang ito kapag personal tayong nag-aaral at kapag tinatanggap natin ang mga pagsasanay mula sa organisasyon ng Diyos. (2 Tim. 2:15) Bukod sa kasuotang pandigma, may ginagamit pa si Jehova para protektahan tayo. Ano iyon?
HINDI TAYO NAG-IISA SA LABANG ITO
12. Ano pa ang kailangan natin, at bakit?
12 Alam ng isang makaranasang sundalo na hindi niya kayang labanang mag-isa ang isang hukbo; kailangan niya ang tulong ng iba pang sundalo. Hindi rin natin malalabanang mag-isa si Satanas at ang mga tagasunod niya; kailangan natin ang suporta ng mga kapatid. Kaya ibinigay ni Jehova ang “samahan ng mga kapatid” sa buong mundo para tulungan tayo.—1 Ped. 2:17.
13. Ayon sa Hebreo 10:24, 25, ano ang maitutulong sa atin ng pagdalo sa mga pulong?
13 Nakakatanggap tayo ng suporta kapag dumadalo tayo sa mga pulong. (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Normal lang na panghinaan tayo ng loob. Pero kapag dumadalo tayo sa pulong, napapatibay tayo. Kapag naririnig natin ang mula-sa-pusong komento ng mga kapatid, napapatibay tayo. Kapag nakakarinig tayo ng mga pahayag at pagtatanghal na mula sa Bibliya, napapasigla tayong patuloy na paglingkuran si Jehova. At hindi ba napapatibay tayo kapag nakikipag-usap tayo sa mga kapatid bago at pagkatapos ng pulong? (1 Tes. 5:14) At dahil sa mga pulong, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na maging masaya sa pagtulong sa iba. (Gawa 20:35; Roma 1:11, 12) Napapasulong din nito ang ating kakayahan sa ministeryo. Halimbawa, humuhusay tayo sa paggamit ng ating Toolbox sa Pagtuturo. Kaya maghanda para sa pulong. At kapag nasa pulong, makinig nang mabuti. Pagkatapos ng pulong, gawin ang mga pagsasanay na natanggap mo. Sa paggawa nito, magiging isa kang “mahusay na sundalo ni Kristo Jesus.”—2 Tim. 2:3.
14. Ano pang tulong ang puwede nating matanggap?
14 Nandiyan din ang suporta ng milyon-milyong makapangyarihang anghel. Isipin na lang ang kayang gawin ng isang anghel! (Isa. 37:36) Paano pa kaya kung isang hukbo na ng mga anghel? Walang tao o demonyo ang makakapantay sa makapangyarihang hukbo ni Jehova. Ang isang tapat na Saksi na kasama si Jehova ay laging mas malakas gaano man karami ang kalaban. (Huk. 6:16) Sigurado iyan! Tandaan mo iyan kapag pinanghihinaan ka ng loob dahil sa sinasabi o ginagawa ng iyong katrabaho, kaeskuwela, o di-Saksing kamag-anak. Huwag mong kakalimutan na hindi ka nag-iisa sa labang ito. Nandiyan si Jehova, na nagbibigay sa iyo ng mga tagubilin.
PATULOY TAYONG POPROTEKTAHAN NI JEHOVA
15. Ayon sa Isaias 54:15, 17, bakit hindi mapapahinto sa pangangaral ang bayan ng Diyos?
15 Maraming dahilan para magalit sa atin ang sanlibutan ni Satanas. Neutral tayo sa politika at hindi tayo sumasali sa mga digmaan. Ipinapakilala natin ang pangalan ng Diyos, ipinapangaral na ang Kaharian lang niya ang paraan para magkaroon ng kapayapaan, at sinusunod ang matuwid na mga pamantayan niya. Pinapatunayan natin na ang tagapamahala ng sanlibutan ay sinungaling at mamamatay-tao. (Juan 8:44) At ipinapangaral natin na malapit nang mapuksa ang sanlibutan ni Satanas. Pero hindi mapapahinto ni Satanas at ng mga kampon niya ang gawaing pangangaral. Patuloy pa nga nating pupurihin si Jehova sa abot ng ating makakaya! Kahit napakamakapangyarihan ni Satanas, hindi niya nahadlangang maipangaral sa buong mundo ang mensahe ng Kaharian. Dahil ito sa proteksiyon ni Jehova.—Basahin ang Isaias 54:15, 17.
16. Paano ililigtas ni Jehova ang bayan niya sa malaking kapighatian?
16 Ano ang mangyayari sa hinaharap? Sa malaking kapighatian, ililigtas tayo ni Jehova sa dalawang kamangha-manghang paraan. Una, ililigtas niya ang tapat na mga lingkod niya kapag ginamit na niya ang mga hari sa lupa para puksain ang Babilonyang Dakila, ang imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 17:16-18; 18:2, 4) Pagkatapos, ililigtas ulit ni Jehova ang bayan niya kapag pinuksa na niya ang natitirang bahagi ng sanlibutan ni Satanas sa Armagedon.—Apoc. 7:9, 10; 16:14, 16.
17. Paano makakatulong ang pananatiling malapít kay Jehova?
17 Kapag nanatili tayong malapít kay Jehova, walang magagawang permanenteng pinsala si Satanas sa ating espirituwalidad. Ang totoo, siya ang permanenteng mapipinsala—mapupuksa siya. (Roma 16:20) Kaya isuot ang kumpletong kasuotang pandigma—at huwag itong hubarin! Huwag subukang makipaglaban nang mag-isa. Suportahan ang iyong mga kapatid. At sundin ang mga tagubilin ni Jehova. Kung gagawin mo iyan, makakatiyak kang papatibayin ka at poprotektahan ng ating mapagmahal na Ama sa langit.—Isa. 41:10.
AWIT 149 Isang Awit ng Tagumpay
a Nangangako ang Bibliya na papalakasin tayo ni Jehova at poprotektahan mula sa anumang permanenteng pinsala sa ating espirituwalidad. Sa artikulong ito, sasagutin natin ang sumusunod na mga tanong: Bakit kailangan natin ng proteksiyon ni Jehova? Paano tayo pinoprotektahan ni Jehova? Ano ang kailangan nating gawin para matulungan tayo ni Jehova?