Kabanata 30
‘Pagtatanggol at Legal na Pagtatatag ng Mabuting Balita’
ANG matinding pag-uusig na ipinaranas sa mga Saksi ni Jehova ay naging sanhi ng pagdadala sa kanila sa harap ng mga opisyal ng pulisya, mga hukom, at mga pinunò sa buong lupa. Ang legal na mga kasong kinasangkutan ng mga Saksi ay umabot sa libu-libo, at daan-daan sa mga ito ang nakarating sa matataas na hukuman. Nagkaroon ito ng malaking epekto sa batas mismo at madalas ay siyang nagpatibay sa legal na mga garantiya ng saligang mga kalayaan para sa mga tao sa pangkalahatan. Subalit hindi ito ang pangunahing layunin ng mga Saksi ni Jehova.
Ang pangunahing hangarin nila ay ang ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang legal na aksiyon na kanilang ginagawa ay hindi sapagkat sila’y mga manunulsol ng pagbabago sa lipunan o mga repormador ng batas. Ang kanilang layunin ay upang ‘ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita,’ katulad din ng ginawa ni apostol Pablo. (Fil. 1:7) Ang mga pagdinig sa harap ng mga opisyal ng pamahalaan, maging iyon man ay kahilingan ng mga Saksi o sapagkat sila’y inaresto dahil sa kanilang gawaing Kristiyano, ay minamalas din bilang mga pagkakataon upang magpatotoo. Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang pagpapatotoo sa kanila at sa mga bansa.”—Mat. 10:18.
Isang Pambuong-Daigdig na Pagdagsa ng Legal na mga Kaso
Matagal pa bago ang unang digmaang pandaigdig, sinikap na ng mga klero, sa pamamagitan ng pamumuwersa sa lokal na mga opisyal, na hadlangan ang pamamahagi ng literatura ng mga Estudyante ng Bibliya sa kanilang mga lugar. Subalit, pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I, lalong tumindi ang pagsalansang. Sa sunud-sunod na mga bansa, lahat ng maiisip na legal na mga hadlang ay iniharap sa mga nagsisikap na sumunod sa makahulang utos ni Kristo na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang pagpapatotoo.—Mat. 24:14.
Palibhasa’y napasigla dahil sa nakikitang katuparan ng hula sa Bibliya, umuwi ang mga Estudyante ng Bibliya mula sa kanilang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922, na may determinasyong ipabatid sa buong daigdig na natapos na ang mga Panahon ng mga Gentil at na kinuha na ng Panginoon ang kaniyang dakilang kapangyarihan at nagpupuno na bilang Hari sa mga langit. “Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunisyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian” ang siyang salawikain nila. Noong taon ding iyon, ang mga pulis ay sinulsulan ng mga klero sa Alemanya na arestuhin ang ilan sa mga Estudyante ng Bibliya samantalang namamahagi sila ng literatura sa Bibliya. Hindi lamang miminsang nangyari ito. Pagsapit ng 1926, may 897 ng gayong kaso na nakabinbin sa mga hukumang Aleman. Gayon na lamang karami ang mga paglilitis na nasasangkot kung kaya noong 1926 ay kinailangang magtatag ang Samahang Watch Tower ng isang legal department sa tanggapang pansangay nito sa Magdeburg. Noong 1928, sa Alemanya lamang nagkaroon ng 1,660 paglilitis na isinampa laban sa mga Estudyante ng Bibliya, at patuloy pa ring dumarami ang panggigipit taun-taon. Determinado ang mga klero na patigilin ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya, at sila’y nagagalak kailanpama’t ipinahihiwatig ng isang desisyon sa hukuman na waring sila’y mananalo.
Sa Estados Unidos, ang mga pag-aresto sa mga Estudyante ng Bibliya dahil sa pangangaral sa bahay-bahay ay naganap noong 1928, sa South Amboy, New Jersey. Sa loob ng sumunod na dekada ang taunang bilang ng mga pag-aresto may kaugnayan sa kanilang ministeryo sa Estados Unidos ay lumampas pa sa 500. Noong 1936 biglang dumami ang bilang nito—tungo sa 1,149. Upang maglaan ng legal na pagtatanggol, kinailangang magtatag ng isang legal department din sa punong-tanggapan ng Samahan.
Ang masigasig na gawaing pangangaral sa Romania ay matinding sinalansang din ng mga awtoridad na namamahala noon. Ang mga Saksi ni Jehova na namamahagi ng literatura sa Bibliya ay madalas na inaaresto at may-kalupitang binubugbog. Mula 1933 hanggang 1939, ang mga Saksi roon ay napaharap sa 530 paglilitis. Gayunman, ang batas ng lupain ay kinalalamnan ng mga garantiya ng kalayaan, kaya ang mga paghahabol sa Mataas na Hukuman ng Romania ay madalas na nagdulot ng paborableng mga hatol. Nang matalos ito ng mga pulis, sinimulan nilang kumpiskahin ang literatura at pinagmalupitan ang mga kapatid ngunit sinikap nilang iwasan ang pagkakaroon ng legal na kaso. Matapos pahintulutan ang Samahan na magparehistro bilang korporasyon sa Romania, sinikap ng mga mananalansang na waling-bisa ang layunin ng legal na pagrerehistrong ito sa pamamagitan ng pagkuha ng utos ng hukuman na nagbabawal sa pamamahagi ng literatura ng Watch Tower. Ang utos na ito ay pinawalang-bisa ng mataas na hukuman, ngunit pagkatapos ay hinikayat ng mga klero ang ministro ng mga kulto na kumilos upang kontrahin ang desisyong iyon.
Sa Italya at Hungarya, tulad sa Romania, ang literatura sa Bibliya na ginagamit ng mga Saksi ay kinumpiska ng mga pulis sa ilalim ng mga gobyernong namamahala noon. Gayundin ang ginawa sa Hapón, Korea, at ang Gold Coast (ngayo’y tinatawag na Ghana). Ang mga Saksi ni Jehova na galing sa ibang bansa ay inutusang umalis sa Pransya. Sa loob ng maraming taon walang Saksi ni Jehova ang binigyan ng pahintulot na pumasok sa Unyong Sobyet upang ipangaral ang tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Samantalang lumalaganap sa buong daigdig ang espiritu ng nasyonalismo mula 1935 patuloy hanggang sa dekada ng 1940, ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal ng mga gobyerno sa sunud-sunod na mga lupain. Libu-libong Saksi ang dinala sa harap ng mga hukuman noong panahong iyon dahil sa kanilang udyok-ng-budhing pagtangging sumaludo sa mga bandila at sa kanilang paninindigan sa Kristiyanong neutralidad. Noong 1950 ay iniulat na noong sinundang 15 taon, ang mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos lamang ay dumanas ng mahigit na 10,000 pagkaaresto.
Nang mahigit na 400 Saksi ang dinala sa harap ng mga hukuman sa Gresya sa isang maikling yugto noong 1946, hindi lamang noon nagsimula ang gayong mga pagkilos doon. Ito’y nagaganap na nang kung ilang taon bago nito. Bukod sa pagkabilanggo, malalaking multa ang ipinapataw, na umubos ng pera ng mga kapatid. Subalit habang minamalas nila ang kanilang kalagayan, sinabi nila: “Binuksan ng Panginoon ang daan upang ang pagpapatotoo ay makaabot pa sa mga opisyal ng Gresya, na nakarinig ng hinggil sa pagtatatag ng kaharian ng katuwiran; ang mga hukom sa korte ay binigyan din ng gayunding pagkakataon.” Maliwanag na ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa bagay na ito ay katulad ng pangmalas na sinabi ni Jesus na dapat taglayin ng kaniyang mga tagasunod.—Luc. 21:12, 13.
Isang Labanang Wari’y Imposibleng Mapagtagumpayan
Noong mga dekada ng 1940 at 1950, ang lalawigan ng Quebec sa Canada ay naging parang pinakasentro ng isang labanan. Ang mga pagkaaresto dahil sa pangangaral ng mabuting balita ay nagaganap na roon mula pa noong 1924. Pagsapit ng taglamig ng 1931, may ilang Saksi na inaaresto ng mga pulis araw-araw, kung minsan pa nga’y dalawang beses sa isang araw. Naging mabigat ang legal na mga gastusin para sa mga Saksi sa Canada. Pagkatapos, maaga noong 1947 ang kabuuang bilang ng mga kasong kinasasangkutan ng mga Saksi na nakabinbin sa mga hukuman sa Lalawigan ng Quebec ay umabot na sa 1,300; gayunman, kakaunti lamang ang mga Saksi ni Jehova roon.
Ito’y panahon kung kailan ang Iglesya Katolika Romana ay may malaking impluwensiya na kailangang isaalang-alang ng bawat pulitiko at bawat hukom sa lalawigan. Mataas ang pagtingin sa mga klero sa Quebec, at ang mga tao ay sumusunod agad sa mga utos ng lokal na pari. Ganito ang paglalarawan ng aklat na State and Salvation (1989) tungkol sa situwasyon: “Ang kardinal ng Quebec ay may nakalaang trono doon mismo sa Legislative Assembly na katabing-katabi niyaong nakareserba para sa tenyente-gobernador. Sa iba’t ibang paraan ang kalakhang bahagi ng Quebec ay nasa ilalim ng tuwirang kontrol ng simbahan . . . Sa katunayan, ang misyon ng simbahan ay upang tiyakin na ang pulitikal na buhay ng Quebec ay gawing kaayon ng kaisipang Romano Katoliko na doon ang katotohanan ay ang Katolisismo, ang kabulaanan ay anumang bagay na di-Katoliko, at ang kalayaan ay ang kalayaang magsalita at mamuhay ayon sa katotohanang Romano Katoliko.”
Kung sa pangmalas ng tao, waring imposibleng mapagtagumpayan ng mga Saksi ang mga pagsalansang na ito hindi lamang sa Quebec kundi sa buong daigdig.
Bawat Uri ng Bintang na Maiisip Ipataw
Sinaliksik ng mga mananalansang ng mga Saksi ang mga aklat ng batas sa pagsisikap na makakita ng anumang posibleng paraan upang pahintuin ang kanilang gawain. Madalas ay pinaratangan nila sila ng paglalako nang walang lisensiya, anupat sinasabi nilang makakomersiyo ang gawain. Sa kabaligtaran naman, sa ibang mga dako ang ilang payunir ay pinagbintangang mga palaboy sapagkat iginigiit na sila’y walang permanenteng hanapbuhay.
Sa loob ng maraming dekada, ang mga opisyal sa ilang estado ng Switzerland ay patuloy na ipinipilit na ang pamamahagi ng literatura sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova ay dapat uriin bilang komersiyal na paglalako. Ang piskal sa nagsasalita-ng-Pranses na Canton ng Vaud, lalo na, ay determinadong mapawalang-bisa ang anumang desisyon mula sa mabababang hukuman na panig sa mga Saksi.
Sa sunud-sunod na dako, sinabihan ang mga Saksi ni Jehova na kailangang kumuha ng permiso upang ipamahagi ang kanilang literatura o magdaos ng kanilang mga pulong sa Bibliya. Subalit talaga bang kailangan ang permiso? Sumagot ang mga Saksi ng “Hindi!” Ano ang batayan nila?
Ganito ang paliwanag nila: ‘Pinag-utusan ng Diyos na Jehova ang kaniyang mga saksi na ipangaral ang ebanghelyo ng kaniyang kaharian, at ang mga utos ng Diyos ay siyang pinakamataas at dapat sundin ng kaniyang mga saksi. Walang makalupang lupon na gumagawa o nagpapatupad ng mga batas ang wastong makahahadlang sa kautusan ni Jehova. Yamang walang namamahalang makasanlibutang kapangyarihan ang wastong makapagbabawal sa pangangaral ng ebanghelyo, kung gayon ay wala ring awtoridad o kapangyarihan sa sanlibutan na makapagkakaloob ng permiso upang ipangaral ang ebanghelyo. Walang anumang awtoridad ang makasanlibutang mga kapangyarihan sa bagay na ito. Ang paghingi ng pahintulot sa mga tao upang gawin ang isang bagay na ipinag-uutos ng Diyos ay magiging insulto sa Diyos.’
Kadalasan ang mga bintang na ipinataw sa mga Saksi ay maliwanag na udyok ng relihiyosong pagkapoot. Kaya, nang ang mga buklet na Face the Facts at Cure ay ipinamahagi, ang tagapangasiwa ng sangay ng Samahan sa Netherlands ay ipinatawag upang humarap sa hukuman sa Haarlem, noong 1939, upang sagutin ang bintang na ininsulto niya ang isang grupo ng mga Olandes. Nangatuwiran ang tagausig, halimbawa, na sinasabi ng literatura ng Watch Tower na ang herarkiyang Romano Katoliko ay may-panlilinlang na kumukuha ng pera sa mga tao dahil sa pag-aangkin nito na palayain ang mga patay mula sa isang dako na sa totoo ay wala naman sila roon—mula sa purgatoryo, na ang pag-iral nito, sinasabi ng literatura, ay hindi mapatutunayan ng Iglesya.
Sa kaniyang pagtindig bilang pangunahing testigo ng herarkiya, si “Padre” Henri de Greeve ay dumaing: “Ang pangunahing inirereklamo ko ay na maaaring magkaroon ng impresyon ang tagalabas na kaming mga pari ay walang iba kundi isang pangkat ng mga tampalasan at manunuba.” Nang tawagin upang tumestigo, ang tagapangasiwa ng sangay ng Samahan ay nagbuklat ng Bibliyang Katoliko at nagpakita sa korte na ang sinabi ng buklet tungkol sa mga turo ng Katoliko ay kaayon ng kanilang sariling Bibliya. Nang tanungin ng abogado ng Samahan si de Greeve kung kaya niyang patunayan ang mga doktrina ng apoy ng impiyerno at purgatoryo, siya’y sumagot: “Hindi ko kayang patunayan; basta pinaniniwalaan ko lamang.” Kaagad ay natalos ng hukom na ito na nga ang siyang inaangkin ng buklet. Pinawalang-saysay ang kaso, at ang pari ay dali-daling lumabas sa gusali ng korte na galít na galít.
Palibhasa’y naguguluhan dahil sa lumalagong gawain ng mga Saksi ni Jehova sa silangang bahagi ng noo’y Czechoslovakia, ang mga klero roon ay nagbintang na ang mga Saksi ay mga espiya. Ang kalagayan ay katulad ng naranasan ni apostol Pablo nang siya’y pinaratangan ng sedisyon ng mga klerong Judio. (Gawa 24:5) Daan-daang kaso ang isinampa sa mga hukuman noong 1933-34, hanggang sa makumbinse ang gobyerno na walang matibay na saligan para sa paratang na iyon. Sa lalawigan ng Quebec sa Canada, noong mga dekada ng 1930 at 1940, ang mga Saksi ay isinakdal din sa paratang na sabwatang sedisyon. Ang mga klero mismo—kapuwa Katoliko at Protestante, ngunit lalo na ang Romano Katoliko—ay tumestigo pa man din sa korte laban sa kanila. Ano raw ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova? Nangatuwiran ang mga klero na isinasapanganib nila ang pambansang pagkakaisa dahil sa paglalathala ng mga bagay na maaaring maging sanhi ng kawalang-kasiyahan sa Iglesya Katolika Romana. Gayunman, sumagot ang mga Saksi na, sa katunayan, sila’y namahagi ng literatura na nagdulot ng kaaliwan mula sa Salita ng Diyos sa mga taong maamo subalit ito’y nagpagalit sa mga klero sapagkat inilalantad ang di-makakasulatang mga turo at gawain.
Ano ang nagpangyaring makapagpatuloy ang mga Saksi ni Jehova sa harap ng gayong paulit-ulit na pagsalansang? Iyon ay ang kanilang pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang kinasihang Salita, ang kanilang walang-imbot na debosyon kay Jehova at sa kaniyang Kaharian, at ang lakas na nagmumula sa pagkilos ng espiritu ng Diyos. Gaya ng sinasabi ng mga Kasulatan, “ang kapangyarihang higit sa karaniwan [ay] mula sa Diyos at hindi sa aming mga sarili.”—2 Cor. 4:7.
Masigasig na Pagkilos ng mga Saksi ni Jehova sa Legal na mga Usapin
Sa loob ng maraming dekada bago ang Digmaang Pandaigdig I, ang mga Estudyante ng Bibliya ay malawakang namahagi ng walang-bayad na literatura sa Bibliya sa mga lansangan malapit sa mga simbahan at sa bahay-bahay. Subalit nang maglaon ay pinagtibay ng maraming bayan at lunsod ang mga ordinansa na naging malaking hadlang sa gayong “boluntaryong gawain.” Ano ang maaaring gawin?
Ipinaliwanag ng The Watch Tower ng Disyembre 15, 1919: “Sa paniniwalang tungkulin natin na gumawa ng lahat ng pagsisikap upang magpatotoo sa kaharian ng Panginoon at huwag manlupaypay kapag may mga hadlang, at dahil sa pagkakaroon ng gayon na lamang kasistematikong pagsisikap laban sa boluntaryong gawain, gumawa ng mga kaayusan na gamitin ang isang magasin, . . . THE GOLDEN AGE.”a
Subalit, habang higit na sumisidhi ang pagpapatotoo sa bahay-bahay, sumisidhi rin ang mga pagsisikap na ikapit ang mga batas upang ito’y pigilin o pagbawalan. Hindi lahat ng mga lupain ay may legal na mga probisyon upang tiyaking maipagsasanggalang ang kalayaan ng mga minoridad sa harap ng opisyal na pagsalansang. Ngunit alam ng mga Saksi ni Jehova na ginarantiyahan ng Saligang Batas ng E.U. ang kalayaan sa relihiyon, kalayaan sa pagsasalita, at kalayaan sa paglalathala. Kaya, nang pilipitin ng mga hukom ang lokal na mga ordinansa upang hadlangan ang pangangaral ng Salita ng Diyos, ang mga Saksi ay naghabol ng kanilang mga kaso sa matataas na hukuman.b
Bilang paggunita sa nangyari noon, si Hayden C. Covington, na gumanap ng pangunahing papel may kinalaman sa legal na mga bagay ng Samahang Watch Tower, ay nagpaliwanag nang dakong huli: “Kung hindi inapela ang libu-libong hatol na naitala ng mga mahistrado, mga korte ng pulisya at iba pang mabababang hukuman, mabubunton ang isang gabundok ng mga kasong mapamamarisan bilang isang pagkalaki-laking hadlang sa larangan ng pagsamba. Dahil sa pag-aapela ay napigilan natin ang pagtatayo ng gayong hadlang. Ang ating paraan ng pagsamba ay inilakip sa batas ng lupain sa Estados Unidos at sa ibang mga bansa dahil sa ating pagtitiyaga sa pag-aapela ng mga hatol laban sa atin.” Sa Estados Unidos, sampu-sampung kaso ang nakarating pa hanggang sa Korte Suprema.
Pinatitibay ang mga Garantiya ng Kalayaan
Isa sa unang mga kasong may kinalaman sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova na nakarating sa Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagsimula sa Georgia at dininig ang mga argumento sa harap ng Korte noong Pebrero 4, 1938. Si Alma Lovell ay hinatulan sa recorder’s court ng Griffin, Georgia, sa salang paglabag sa isang ordinansa na nagbabawal ng pamamahagi ng anumang uri ng literatura nang walang permiso mula sa namamahala ng lunsod. Bukod sa ibang mga bagay, si Sister Lovell ay nag-alok sa mga tao ng magasing The Golden Age. Noong Marso 28, 1938, ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagpanaog ng hatol na ang ordinansa ay walang bisa sapagkat pinipigilan nito ang kalayaan sa paglalathala dahil sa paghiling ng lisensiya at sensura.c
Nang sumunod na taon si J. F. Rutherford, bilang abogado ng nagpepetisyon, ay nagharap ng mga argumento sa Korte Suprema sa kaso ng Clara Schneider v. State of New Jersey.d Ito’y sinundan, noong 1940, ng Cantwell v. State of Connecticut,e na doon si J. F. Rutherford ang naghanda ng nasusulat na alegato at si Hayden Covington ang nagharap ng mga bibigang argumento sa Korte. Ang positibong kinalabasan ng mga kasong ito ay higit na nagpatibay sa mga garantiya sa saligang batas ng kalayaan sa relihiyon, kalayaan sa pagsasalita, at kalayaan sa paglalathala. Subalit nagkaroon din ng mga sagwil.
Matitinding Dagok Mula sa mga Hukuman
Ang isyu ng pagsaludo sa bandila may kinalaman sa mga mag-aarál na anak ng mga Saksi ni Jehova ay unang nakarating sa mga korte sa Amerika noong 1935 sa kaso ng Carlton B. Nicholls v. Mayor and School Committee of Lynn (Massachusetts).f Ang kaso ay inilipat sa Massachusetts Supreme Judicial Court. Humatol ang korte, noong 1937, na sa kabila ng sinasabing pinaniniwalaan ni Carleton Nichols, Jr., at ng kaniyang mga magulang, hindi kailangang bigyan ng pagsasaalang-alang ang paniniwalang relihiyoso sapagkat, sinabi nito, “ang pagsaludo sa bandila at ang panunumpa ng katapatan na siyang pinagtatalunan dito ay walang anumang kaugnayan sa relihiyon. . . . Walang kinalaman ang mga ito sa pangmalas ng sinuman sa kaniyang Maylikha. Walang epekto ang mga ito sa ugnayan niya sa kaniyang Maylalang.” Nang ang isyu ng sapilitang pagsaludo sa bandila ay iapela sa Korte Suprema ng E.U. sa kaso ng Leoles v. Landersg noong 1937, at muli sa Hering v. State Board of Educationh noong 1938, pinawalang-saysay ng Korte ang mga kasong ito sapagkat, sa kanilang palagay, walang mahalagang isyung pederal na dapat isaalang-alang. Noong 1939 ay muling pinawalang-saysay ng Korte ang isang apelasyon may kinalaman sa katulad na isyu, sa kaso ng Gabrielli v. Knickerbocker.i Nang araw ding iyon, kahit walang narinig na bibigang argumento, pinagtibay nila ang kontrang desisyon ng mababang hukuman sa kaso ng Johnson v. Town of Deerfield.j
Sa wakas, noong 1940, dininig ng Korte sa kabuuan ang kasong tinawag na Minersville School District v. Gobitis.k Pangkat-pangkat ng kilalang mga abogado sa magkabilang panig ang naghain ng mga alegato sa kaso. Si J. F. Rutherford ang nagharap ng bibigang argumento sa panig ni Walter Gobitas at ng kaniyang mga anak. Isang miyembro ng law department ng Unibersidad ng Harvard ang kumatawan sa American Bar Association at sa Civil Liberties Union sa paghaharap ng argumento laban sa sapilitang pagsaludo sa bandila. Gayunman, tinanggihan ang kanilang mga argumento, at maliban sa isang tumututol na boto, ang Korte Suprema, noong Hunyo 3, ay nagpanaog ng hatol na ang mga batang hindi sumasaludo sa bandila ay maaaring paalisin mula sa mga paaralang pampubliko.
Nang sumunod na tatlong taon, ang Korte Suprema ay nagpanaog ng hatol laban sa mga Saksi ni Jehova sa 19 na kaso. Ang pinakamahalaga rito ay ang kontrang desisyon, noong 1942, sa Jones v. City of Opelika.l Si Rosco Jones ay hinatulan sa salang pamamahagi ng literatura sa mga lansangan ng Opelika, Alabama, nang hindi nagbabayad ng buwis sa lisensiya. Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang hatol at sinabi na ang mga pamahalaan ay may karapatang maningil ng makatuwirang bayad para sa gayong pamamahagi at na ang mga batas na iyon ay hindi maaaring tutulan kahit makuhang kanselahin ng lokal na mga awtoridad ang lisensiya nang walang katuwiran. Ito’y isang matinding dagok, sapagkat ngayon ang anumang komunidad, na sinusulsulan ng mga klero o ng sino mang iba na sumasalansang sa mga Saksi, ay maaaring legal na magbawal sa kanila at sa gayon, maaaring ikatuwiran ng mga mananalansang, pahintuin ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova. Subalit isang pambihirang bagay ang nangyari.
Pumapaling Na ang Hangin
Sa Jones v. Opelika, ang mismong desisyon na naging malaking dagok sa pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova, tatlo sa mga hukom ang nagsabi na hindi lamang sila tumututol sa mayorya ng Korte sa kasong iyon kundi nadarama nila na sila’y naglagay na ng saligan para rito sa kaso na Gobitis. “Yamang sumang-ayon kami sa opinyon sa kaso ni Gobitis,” susog pa nila, “iniisip namin na ito’y angkop na pagkakataon na sabihin na naniniwala kami ngayon na ang desisyon sa kaso ring iyon ay mali.” Dahil dito ay nahiwatigan ng mga Saksi ni Jehova na ito’y panahon na upang muling iharap ang isyu sa Korte.
Isang Mungkahi sa Muling Pagdinig ang inihain sa kaso ng Jones v. Opelika. Sa mungkahing iyon, matitibay na argumentong legal ang iniharap. Matatag ding ipinahayag nito: “Dapat isaalang-alang ng Korteng ito ang pangunahing bagay, na ang pinakikitunguhan nito sa hudisyal na paraan ay ang mga lingkod ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Nirepaso ang nakakatulad na mga pangyayari sa Bibliya na nagpapakita kung ano ang nasasangkot dito. Binigyang-pansin ang payo na ibinigay ng guro ng kautusan na si Gamaliel sa unang-siglong korte suprema ng mga Judio, alalaong baga’y: “Huwag kayong makialam sa mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; . . . kung hindi, baka pa kayo’y masumpungang nakikihamok laban sa Diyos.”—Gawa 5:34-39.
Sa wakas, noong Mayo 3, 1943, sa di-malilimutang kaso na Murdock v. Commonwealth of Pennsylvania,a ay binaligtad ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon sa Jones v. Opelika. Ipinahayag nito na anumang buwis sa lisensiya na ipinapataw bilang kondisyon sa paggamit ng isa ng kalayaan niya sa relihiyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng relihiyosong literatura ay labag sa konstitusyon. Ang kasong ito ay muling-nagbukas ng pinto para sa mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos at ito’y tinukoy bilang awtoridad sa daan-daang mga kaso mula noon. Ang Mayo 3, 1943 ay tunay na isang di-malilimutang araw para sa mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa mga usapin sa harap ng Korte Suprema ng Estados Unidos. Noong araw na iyon, sa 12 mula sa 13 kaso (na lahat ng mga ito ay pinagsama-sama upang dinggin at bigyan ng opinyon sa apat na mga desisyon), ang hatol ng Korte ay pabor sa kanila.b
Mga isang buwan pagkatapos nito—noong Hunyo 14, ang taunang Araw ng Watawat ng bansa—muling binaligtad ng Korte Suprema ang sarili nito, ngayon may kaugnayan sa desisyon nito sa kaso ng Gobitis, na ginagawa ito sa kasong tinawag na West Virginia State Board of Education v. Barnette.c Ito’y humatol na “walang opisyal, mataas o mababa, ang maaaring magpasiya kung ano ang tatanggapin bilang tama sa pulitika, nasyonalismo, relihiyon, o ibang bagay na may kinalaman sa opinyon ng isa o pilitin ang mga mamamayan na magpahayag ng kanilang pananampalataya roon maging sa salita o sa gawa.” Ang karamihan ng pangangatuwirang nakalahad sa desisyong iyon ay ginamit nang dakong huli sa Canada ng Ontario Court of Appeal sa Donald v. Hamilton Board of Education, na ang desisyong iyon ay tinanggihang ipawalang-bisa ng Korte Suprema ng Canada.
Kasuwato ng desisyon nito sa kaso ng Barnette, at noon mismong araw ring iyon, sa Taylor v. State of Mississippi,d ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagpanaog ng desisyon na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi wastong mapaparatangan ng sedisyon kapag nagpapaliwanag kung bakit sila tumatangging sumaludo sa bandila at kapag nagtuturo na ang lahat ng mga bansa ay nasa panig ng mga talunan sapagkat sumasalansang sila sa Kaharian ng Diyos. Ang mga desisyong ito ay nagbukas din ng daan para sa kasunod pang paborableng mga hatol sa ibang mga korte sa mga kaso ng mga magulang na Saksi na may mga anak na tumangging sumaludo sa bandila sa paaralan, gayundin sa mga isyu may kinalaman sa trabaho at karapatang mangalaga sa bata. Tunay ngang pumaling na ang hangin.e
Pagbubukas ng Bagong Panahon ng Kalayaan sa Quebec
Ang mga Saksi ni Jehova noon ay gumagawa rin ng pagsisikap upang harapin ang isyu ng kalayaan ng pagsamba sa Canada. Mula 1944 hanggang 1946, daan-daang Saksi ang inaresto sa Quebec kapag nakikibahagi sa kanilang ministeryo sa publiko. Ang batas sa Canada ay may probisyon para sa kalayaan ng pagsamba, ngunit ginulo ng mga mang-uumog ang mga pulong kung saan tinatalakay ang Bibliya. Sinunod ng mga pulis ang kahilingan ng mga klerong Katoliko na patigilin ang mga Saksi ni Jehova. Ang mga Saksi ay tinambakan ng panlalait ng mga hukom sa lokal na mga recorders’ court, subalit walang aksiyon ang kinuha laban sa mga mang-uumog. Ano ang maaaring gawin?
Isinaayos ng Samahan ang isang pantanging asamblea sa Montreal noong Nobyembre 2 at 3, 1946. Nirepaso ng mga tagapagsalita ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova ayon sa Kasulatan at mula sa pangmalas ng batas ng lupain. Pagkatapos ang mga kaayusan ay ipinatalastas para sa isang 16-na-araw, na pamamahagi mula sa Silangang baybayin hanggang sa Kanluran—sa Ingles, Pranses, at Ukrainyano—ng tract na Quebec’s Burning Hate for God and Christ and Freedom Is the Shame of All Canada. Detalyadong iniulat nito ang karahasan ng mga mang-uumog at iba pang mga kalupitan na ginagawa laban sa mga Saksi ni Jehova sa Quebec. Ito’y sinundan ng ikalawang tract na, Quebec, You Have Failed Your People!
Biglang dumami ang mga pag-aresto sa Quebec. Upang harapin ang situwasyon, ang sangay sa Canada ng Samahang Watch Tower ay nagtatag ng isang legal department na may mga kinatawan kapuwa sa Toronto at sa Montreal. Nang mabalitaan ng mga pahayagan na sinadyang wasakin ni Maurice Duplessis, punong ministro ng Quebec, ang negosyong restaurant ni Frank Roncarelli, isa sa mga Saksi ni Jehova, dahil lamang sa kaniyang pagbibigay ng piyansa sa kapuwa niya mga Saksi, ang taong-bayan ng Canada ay hayagang nagprotesta. Pagkatapos, noong Marso 2, 1947, ang mga Saksi ni Jehova ay naglunsad ng isang kampanya sa buong bansa upang anyayahan ang taong-bayan ng Canada na magpetisyon sa gobyerno para sa isang Katipunán ng mga Karapatan. Nakakuha ng mahigit na 500,000 lagda—ang pinakamalaking petisyon na kailanma’y iniharap sa Parlamento ng Canada! Ito’y sinundan, nang sumunod na taon, ng isang mas malaking petisyon upang higit na patibayin ang una.
Samantala, pumili ang Samahan ng dalawang kasong parisán upang iapela sa Korte Suprema ng Canada. Ang isa sa mga ito, ang Aimé Boucher v. His Majesty The King, ay may kinalaman sa bintang na sedisyon na paulit-ulit na ipinaparatang laban sa mga Saksi.
Ang kaso ng Boucher ay dahil sa bahaging ginampanan ni Aimé Boucher, isang mahinahong magsasaka, sa pamamahagi ng tract na Quebec’s Burning Hate. Sedisyon ba ang ipaalam niya sa madla ang marahas na pang-uumog laban sa mga Saksi sa Quebec, ang pagwawalang-bahala sa batas sa bahagi ng mga opisyal na tumrato sa kanila, at ang ebidensiya na ito’y sinusulsulan ng obispong Katoliko at ng iba pa sa mga klerong Katoliko?
Nang suriin ang tract na ipinamahagi, isa sa mga hukom ng Korte Suprema ang nagsabi: “Ang dokumento ay pinamagatang ‘Quebec’s Burning Hate for God and Christ and Freedom Is the Shame of All Canada;’ naglalaman ito una ng isang pamanhik na maging kalmado at makatuwiran sa pagtitimbang ng mga bagay na tatalakayin bilang katibayan ng pamagat; pangalawa, ng pangkalahatang mga pagtukoy sa sinasadyang pag-uusig na ginawa sa mga Saksi sa Quebec bilang mga kapatid kay Kristo; isang detalyadong salaysay ng espesipikong mga halimbawa ng pag-uusig; at isang pangwakas na panawagan sa mga taong-bayan ng lalawigan, bilang pagprotesta laban sa pang-aapi ng mga mang-uumog at mala-Gestapong mga taktika, upang, sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagsunod sa mga utos nito, ay makapagluwal ng isang ‘saganang ani ng mabubuting bunga ng pag-ibig para sa Kaniya at kay Kristo at sa kalayaan ng tao.’”
Pinawalang-saysay ng desisyon ng Korte ang hatol laban kay Aimé Boucher, subalit tatlo sa limang hukom ang nag-utos lamang ng isang bagong paglilitis. Ang magiging resulta kaya nito ay isang walang-kinikilingang desisyon sa mabababang hukuman? Nagharap ng kahilingan ang abogado ng mga Saksi ni Jehova na ang kaso ay muling-dinggin ng Korte Suprema mismo. Kamangha-mangha, ito’y ipinagkaloob. Habang nabibinbin ang aplikasyon, ang bilang ng mga hukom sa Korte ay pinalaki, at binago ng isa sa orihinal na mga hukom ang kaniyang opinyon. Ang resulta noong Disyembre 1950 ay isang 5 sa 4 na desisyon na lubos na nagpawalang-sala kay Brother Boucher.
Sa pasimula, ang desisyong ito ay sinalungat kapuwa ng pangkalahatang tagausig at ng punong ministro (na siya rin ang pangkalahatang abogado) ng lalawigan ng Quebec, ngunit ito’y unti-unting ipinatupad sa pamamagitan ng mga hukuman. Kaya ang bintang na sedisyon na paulit-ulit na ibinangon laban sa mga Saksi ni Jehova sa Canada ay lubusan nang nailibing sa limot.
Isa pa ring kaso ang inapela sa Korte Suprema ng Canada—Laurier Saumur v. The City of Quebec. Hinarap nito ang mga ordinansang nagtatakda ng lisensiya na naging sanhi ng maraming hatol laban sa kanila sa mabababang hukuman. Sa kaso ng Saumur, hinangad ng Samahan na kumuha ng isang permanenteng atas mula sa hukuman laban sa lunsod ng Quebec upang hadlangan ang mga awtoridad sa pakikialam sa pamamahagi ng relihiyosong literatura ng mga Saksi ni Jehova. Noong Oktubre 6, 1953, ang Korte Suprema ay nagpanaog ng desisyon. Ang sagot ay “Oo” sa mga Saksi ni Jehova, “Hindi” sa lalawigan ng Quebec. Ang desisyong iyon ay nagbunga rin ng tagumpay sa isang libo pang kaso kung saan ang pangunahing pinagtatalunan ay iyon ding simulain ng relihiyosong kalayaan. Ito’y nagbukas ng bagong panahon para sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Quebec.
Edukasyon sa Legal na mga Karapatan at Patakaran
Habang dumarami ang mga kaso sa hukuman mula noong huling bahagi ng dekada ng 1920 patuloy, kinailangang maturuan ang mga Saksi ni Jehova sa mga patakarang pambatas. Yamang si J. F. Rutherford ay isang abogado at paminsan-minsan ay nakapaglilingkod bilang hukom, natalos niya na kailangang gabayan ang mga Saksi sa mga bagay na ito. Lalo na mula noong 1926 ang mga Saksi ay nagbigay-diin sa pangangaral sa bahay-bahay kung araw ng Linggo, na ginagamit ang mga aklat na nagpapaliwanag ng Bibliya. Dahil sa pagsalansang sa kanilang pamamahagi ng literatura sa Bibliya kung Linggo, naghanda si Brother Rutherford ng pulyetong Liberty to Preach upang tulungan ang mga nasa Estados Unidos na maunawaan ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas. Gayunman, hindi niya personal na magagawa ang lahat ng legal na gawain, kaya kumuha siya ng ibang mga abogado upang maglingkod bilang bahagi ng tauhan ng punong-tanggapan ng Samahan. Karagdagan pa, may iba pang nakakalat sa buong bansa na nakipagtulungang mabuti.
Hindi maaaring naroroon ang mga abogado sa lahat ng kinakailangang mga pagdinig sa korte sa libu-libong kasong may kaugnayan sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, subalit makapaglalaan sila ng mahalagang payo. Sa layuning ito, gumawa ng mga kaayusan na sanayin ang lahat ng mga Saksi ni Jehova sa saligang mga patakarang pambatas. Ginawa ito sa pantanging mga asamblea sa Estados Unidos noong 1932 at, nang dakong huli, sa regular na mga programa sa Pulong Ukol sa Paglilingkod sa mga kongregasyon. Isang detalyadong “Order of Trial” ang inilathala sa 1933 Year Book ng mga Saksi ni Jehova (gayundin bilang hiwalay na pilyego ng papel). Ang mga tagubiling ito ay binabago kapag hinihiling ng mga kalagayan. Noong Nobyembre 3, 1937, isyu ng Consolation, karagdagang legal na payo ang ibinigay tungkol sa espesipikong mga situwasyon na napapaharap.
Sa paggamit ng impormasyong ito, ang mga Saksi kadalasa’y nagtatanggol sa kanilang sarili sa lokal na mga korte, sa halip na kumuha ng serbisyo ng isang abogado. Nasumpungan nila na sa paraang ito madalas na nakapagbibigay sila ng patotoo sa korte at nakapaghaharap ng mga isyu nang malinaw sa hukom, sa halip na mapagpasiyahan ang kanilang mga kaso batay lamang sa legal na teknikalidad. Kapag ang desisyon sa alinmang kaso ay laban sa kanila, naghahain sila ng apelasyon, bagaman ang ilang Saksi ay nabilanggo sa halip na kumuha ng abogado, na siyang kailangan pagdating sa korte ng apelasyon.
Habang bumabangon ang bagong mga situwasyon at nagkakaroon ng mga desisyon sa korte na nagsisilbing pamarisan, higit na impormasyon ang inilaan upang laging makasubaybay ang mga Saksi sa huling mga pangyayari. Kaya, noong 1939 ang buklet na Advice for Kingdom Publishers ay inilimbag upang tulungan ang mga kapatid sa mga paglaban sa hukuman. Dalawang taon pagkaraan nito isang higit na detalyadong pagtalakay ang inilahad sa buklet na Jehovah’s Servants Defended. Sinipi o tinalakay nito ang 50 iba’t ibang desisyon sa korte sa Amerika na kinasasangkutan ng mga Saksi ni Jehova, gayundin ng maraming ibang kaso, at ipinaliwanag kung papaano magagamit na mabuti ang legal na mga kasong pamarisang ito. Pagkatapos, noong 1943, isang sipi ng Freedom of Worship ang ibinigay sa bawat Saksi at masugid na pinag-aralan sa mga Pulong Ukol sa Paglilingkod sa mga kongregasyon. Bilang karagdagan sa paglalaan ng mahalagang sumaryo ng mga kasong legal, ang buklet na ito ay detalyadong naglahad ng maka-Kasulatang mga dahilan kung bakit gayon ang partikular na mga paraan na sinusunod. Ito’y sinundan, noong 1950, ng napapanahong buklet na Defending and Legally Establishing the Good News.
Lahat ng ito ay pasulong na edukasyon sa batas. Gayunman, ang layunin ay hindi upang gawing abogado ang mga Saksi kundi upang panatilihing bukás ang daan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa madla at sa bahay-bahay.
Isang Kuyog ng mga Balang
Sa mga lugar kung saan minalas ng mga opisyal na sila’y hindi sakop ng batas, ang kanilang pagtrato sa mga Saksi kung minsa’y napakalupit. Gayunman, anuman ang gamiting pamamaraan ng mga mananalansang, alam ng mga Saksi ni Jehova na ang Salita ng Diyos ay nagpapayo: “Huwag kayong maghiganti, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” (Roma 12:19) Magkaganito man, nadama nila ang obligasyon na magbigay ng pagpapatotoo. Papaano nila nagawa ito nang mapaharap sa opisyal na pagsalansang?
Bagaman ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova kadalasa’y maliliit noong dekada ng 1930, may umiiral na matibay na buklod sa gitna nila. Kapag nagkaroon ng mabigat na suliranin saanmang lugar, ang mga Saksi sa nakapalibot na mga dako ay sabik na tumulong. Halimbawa noong 1933 sa Estados Unidos, 12,600 Saksi ang inorganisa sa 78 pangkat. Kapag may paulit-ulit na mga pag-aresto sa isang lugar, o kapag pinilit ng mga mananalansang ang mga istasyon ng radyo na kanselahin ang mga kontrata para sa pagsasahimpapawid ng mga programang inihanda ng mga Saksi ni Jehova, ang opisina ng Samahan sa Brooklyn ay pinatatalastasan. Sa loob ng wala pang isang linggo, karagdagang mga kapatid ang ipinadadala sa dakong iyon upang magbigay ng masinsinang pagpapatotoo.
Batay sa pangangailangan, mula 50 hanggang 1,000 Saksi ang nagtitipon sa isang takdang panahon, karaniwan nang sa may kabukiran malapit sa dakong pangangaralan. Silang lahat ay mga boluntaryo; ang ilan ay nagmula sa layong 320 kilometro. Ang bawat grupo ay binibigyan ng teritoryo na maaaring tapusin sa loob ng mga 30 minuto o baka hanggang dalawang oras. Samantalang nagsisimulang gumawa ang bawat grupo ng kotse sa inatasang seksiyon nito, isang komite ng mga kapatid ang pumupunta sa mga pulis upang ipaalam sa kanila ang gawain na ginagawa at paglaanan sila ng listahan ng lahat ng mga Saksi na nangangaral sa komunidad sa umagang iyon. Sa pagkabatid na hindi kaya ng kanilang mga tauhan ang ganito karaming mga Saksi, pinahintulutan ng mga opisyal sa karamihang mga lugar na magpatuloy ang gawain nang walang sagabal. Sa ilang lugar ay pinupunô nila ang kanilang bilangguan ng mga Saksi subalit wala na silang magagawa pagkatapos nito. Para sa sinuman na inaresto, naroroon ang mga abogado ng mga Saksi na may nakahandang piyansa. Ang epekto ay tulad sa isang makasagisag na kuyog ng mga balang na binanggit sa Kasulatan sa Joel 2:7-11 at Apocalipsis 9:1-11. Sa ganitong paraan ay naging posible ang patuloy na pangangaral ng mabuting balita kahit sa harap ng matinding pagsalansang.
Inilalantad sa Madla ang Ginagawa ng Palalong mga Opisyal
Minabuti sa ilang lugar na ipaalam sa mga tao kung ano ang ginagawa ng kanilang lokal na mga opisyal. Sa Quebec, nang ang mga Saksi ay pinapagdanas ng mga pamamaraan sa korte na nagpapagunita sa mga korte sa Inkisisyon, isang liham ang ipinadala sa lahat ng miyembro ng batasan ng Quebec na naglalahad ng mga pangyayari. Nang ito’y hindi inaksiyunan, ang Samahan ay nagpadala ng kopya ng liham sa 14,000 negosyante sa buong lalawigan. Pagkatapos ang impormasyon ay dinala sa mga patnugot ng pahayagan upang mailathala.
Sa silangang Estados Unidos, pinatalastasan ang madla sa pamamagitan ng pagsasahimpapawid sa radyo. Sa Brooklyn Bethel ilang sinanay na aktor, na magaling sa panggagaya, ang nagtatag ng tinatawag na The King’s Theater. Pagka nililitis ng palalong mga opisyal ang mga Saksi ni Jehova, kumpletong kinokopya ang mga nangyayari sa korte sa pamamagitan ng stenograpiya. Ang mga aktor ay naroroon sa korte upang makabisado nila ang tono ng boses at istilo ng pagsasalita ng mga pulis, ng tagausig, at ng hukom. Pagkatapos na malawakang ianunsiyo ito upang tiyaking marami ang makikinig sa radyo, isinadula ng The King’s Theater ang aktuwal na nangyari sa korte sa kamangha-manghang makatotohanang paraan upang malaman ng madla kung ano talaga ang ginagawa ng kanilang mga opisyal. Nang bandang huli, dahil sa malawakang publisidad tungkol sa kanila, ang ilan sa mga opisyal na ito ay naging higit na maingat kapag humahawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga Saksi.
Nagkakaisang Pagkilos sa Harap ng Pagsalansang ng Nazi
Nang ang pamahalaan ng Nazing Alemanya ay maglunsad ng kampanya upang patigilin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya, paulit-ulit na pagsisikap ang ginawa upang mapakinggan sila ng mga awtoridad na Aleman. Ngunit walang natanaw na kalunasan. Noong tag-araw ng 1933, ipinagbawal ang kanilang gawain sa karamihan ng estado sa Alemanya. Kaya, noong Hunyo 25, 1933, isang kapahayagan hinggil sa kanilang ministeryo at sa mga layunin nito ang pinagtibay ng mga Saksi ni Jehova sa isang asamblea sa Berlin. Nagpadala ng mga kopya sa lahat ng matataas na opisyal ng gobyerno, at milyun-milyon pa ang ipinamahagi sa madla. Gayunman, noong Hulyo 1933 tinanggihang dinggin ng mga korte ang mga pagdulog na humihingi ng lunas. Nang unang bahagi ng sumunod na taon, isang personal na liham hinggil sa situwasyon ang isinulat ni J. F. Rutherford kay Adolf Hitler at ipinahatid sa kaniya sa pamamagitan ng isang pantanging mensahero. Pagkatapos ang buong pandaigdig na kapatiran ay kumilos.
Noong Linggo ng umaga, Oktubre 7, 1934, alas nuwebe, nagtipon ang bawat grupo ng mga Saksi sa Alemanya. Nanalangin sila para sa patnubay at pagpapala ni Jehova. Pagkatapos ay nagpadala ang bawat grupo ng isang liham sa mga opisyal ng gobyernong Aleman na nagpapahayag ng kanilang matatag na determinasyon na patuloy na paglingkuran si Jehova. Bago sila naghiwa-hiwalay, tinalakay nila ang mga salita ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo, sa Mateo 10:16-24. Pagkatapos nito sila’y lumabas upang magpatotoo sa kanilang mga kapitbahay tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo.
Noong araw ring iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa palibot ng lupa ay nagtipon at, matapos manalangin nang sama-samang kay Jehova, nagpadala ng kablegrama na nagbababala ng ganito sa gobyerno ni Hitler: “Ang masama mong pagtrato sa mga Saksi ni Jehova ay nakapanghihilakbot para sa lahat ng mabubuting tao sa lupa at lumalapastangan sa pangalan ng Diyos. Huwag mo nang pag-usigin pa ang mga Saksi ni Jehova; kung hindi ay lilipulin ka ng Diyos kasama ng iyong partidong pambansa.” Subalit hindi ito ang katapusan ng bagay na ito.
Pinag-ibayo ng Gestapo ang kanilang mga pagsisikap na wasakin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng lansakang mga pag-aresto noong 1936, inakala nilang marahil ay nagtagumpay na sila. Subalit, noong Disyembre 12, 1936, mga 3,450 Saksi na malaya pa sa Alemanya ang gumawa ng mabilisang pamamahagi ng isang nakalimbag na resolusyon na malinaw na nagpahayag ng layunin ni Jehova at naglahad ng determinasyon ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang Diyos bilang pinunò sa halip na mga tao. Hindi maunawaan ng mga mananalansang kung papaano posibleng magawa ang gayong pamamahagi. Ilang buwan pagkaraan nito, nang hamakin ng Gestapo ang mga paratang na ginawa sa resolusyon, naghanda ang mga Saksi ni Jehova ng isang bukás na sulat na doon ay walang-pasubaling itinuro sa pangalan ang mga opisyal ng Nazi na may-kabagsikang nagmalupit sa mga Saksi ni Jehova. Noong 1937, ang sulat ding ito ay malawakang ipinamahagi sa Alemanya. Sa gayon ang mga gawa ng mga taong balakyot ay inilantad upang makita ng lahat. Ito’y nagbigay rin ng pagkakataon sa madla upang magpasiya kung anong hakbangin ang personal nilang kukunin may kaugnayan sa mga lingkod na ito ng Kataas-taasan.—Ihambing ang Mateo 25:31-46.
Ang Pandaigdig na Publisidad ay Nagdulot ng Kaunting Ginhawa
Ang ibang mga gobyerno rin ay nakitungo sa mga Saksi ni Jehova nang may kabagsikan, na nagbabawal sa kanilang mga pulong at pangmadlang pangangaral. Sa ilang kaso ay pinangyari ng mga gobyernong ito na pilit na paalisin sa trabaho ang mga Saksi at huwag papasukin sa paaralan ang kanilang mga anak. Ang ilang gobyerno ay gumamit pa man din ng pambubugbog sa katawan. Gayunman, ang mga lupaing ito kalimitan ay may mga saligang-batas na gumagarantiya ng kalayaan sa relihiyon. Sa layuning dulutan ng ginhawa ang mga kapatid na inuusig, ang Samahang Watch Tower ay madalas na nagbibigay ng pambuong-daigdig na publisidad sa mga detalye ng ganitong pagtrato. Ginagawa ito sa pamamagitan ng mga magasing Bantayan at Gumising!, at ang mga ulat na ito kung minsan ay inilalathala rin sa mga pahayagan. Libu-libong sulat na nakikiusap alang-alang sa mga Saksi ang dumaragsa sa mga opisina ng mga opisyal ng gobyerno mula sa lahat ng bahagi ng daigdig.
Bilang resulta ng gayong uri ng kampanya noong 1937, ang gobernador ng Georgia, sa Estados Unidos, ay tumanggap ng 7,000 sulat mula sa apat na bansa sa loob lamang ng dalawang araw, at ang meyor ng La Grange, Georgia, ay dinagsaan din ng libu-libong sulat. Ang mga kampanyang tulad nito ay idinaos din alang-alang sa mga Saksi ni Jehova sa Argentina noong 1978 at 1979, sa Benin noong 1976, sa Burundi noong 1989, sa Cameroon noong 1970, sa Dominican Republic noong 1950 at 1957, sa Ethiopia noong 1957, sa Gabon noong 1971, sa Gresya noong 1963 at 1966, sa Jordan noong 1959, sa Malawi noong 1968, 1972, 1975, at muli noong 1976, sa Malaya noong 1952, sa Mozambique noong 1976, sa Portugal noong 1964 at 1966, sa Singapore noong 1972, sa Espanya noong 1961 at muli noong 1962, gayundin sa Swaziland noong 1983.
Bilang halimbawa kamakailan ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig upang dulutan ng ginhawa ang inaapi nilang mga kapatid, isaalang-alang ang situwasyon sa Gresya. Dahil sa tindi ng pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova na dulot ng sulsol ng mga klerong Griegong Ortodokso roon, noong 1986 kapuwa ang magasing Bantayan at Gumising! (na may kabuuang sirkulasyon sa buong daigdig na mahigit na 22,000,000 sipi) ay nag-ulat ng mga detalye ng pag-uusig. Ang mga Saksi sa ibang lupain ay inanyayahang sumulat sa mga opisyal ng gobyerno sa Gresya alang-alang sa kanilang mga kapatid. Ginawa nila ito; at gaya ng iniulat sa pahayagang Vradyni sa Athens, ang ministro ng hustisya ay dinagsaan ng mahigit na 200,000 sulat mula sa mahigit na 200 lupain at sa 106 na wika.
Nang sumunod na taon, nang madinig ang isang kasong kinasasangkutan ng mga Saksi sa hukuman ng paghahabol sa Hania, Creta, ang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ay naroroon mula sa pitong ibang lupain (Inglatera, Pransya, Alemanya, Italya, Hapón, Espanya, at Estados Unidos) bilang mga kapanig sa kaso at bilang pagtataguyod sa kanilang mga kapatid na Kristiyano. Nang dakong huli, matapos tumanggap ng kontrang desisyon noong 1988 sa Korte Suprema ng Gresya sa isa na namang kasong kinasasangkutan ng mga Saksi, isang apelasyon ang ginawa sa Komisyon ng Karapatang Pantao sa Europa. Doon, noong Disyembre 7, 1990, 16 na hurista mula sa halos lahat ng panig ng Europa ang binigyan ng isang salansan ng 2,000 pag-aresto at daan-daang kaso sa hukuman na doon sinentensiyahan ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya sapagkat nagsasalita sila tungkol sa Bibliya. (Ang totoo, may 19,147 ng gayong mga pag-aresto sa Gresya mula 1938 hanggang 1992.) Ang Komisyon ay nagkakaisang nagpasiya na ang kaso ay dapat dinggin ng Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa.
Sa ilang kaso ang gayong paglalantad sa mga paglabag ng mga karapatang pantao ay nagdudulot ng kaunting ginhawa. Gayunman, anuman ang aksiyong kinukuha ng mga hukom o mga pinunò, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na tumatalima sa Diyos bilang kanilang Kataas-taasang Pinunò.
Pagkuha ng Legal na Pagkilala
Maliwanag na ang karapatan upang gumawa ng tunay na pagsamba ay hindi nagmumula sa sinumang tao o anumang gobyerno ng tao. Ito’y nagmumula sa Diyos na Jehova mismo. Gayunman, sa maraming lupain, upang makakuha ng proteksiyon na inilalaan ng batas, napatunayang kapaki-pakinabang para sa mga Saksi ni Jehova na magparehistro sa gobyerno bilang isang relihiyosong samahan. Ang mga plano na bumili ng lupa para sa isang tanggapang pansangay o gumawa ng malawakang paglilimbag ng literatura sa Bibliya ay maaaring maging mas madali kapag may itinatag na lokal na mga korporasyon ayon sa batas. Kasuwato ng pamarisang iniwan ni apostol Pablo sa sinaunang Filipos sa ‘legal na pagtatatag ng mabuting balita,’ gumagawa ng angkop na mga pagkilos ang mga Saksi ni Jehova upang ito’y maisagawa.—Fil. 1:7.
Kung minsan, nagiging totoong mahirap ito. Halimbawa, sa Austria, na doon ang isang konkordat sa Batikano ay tumitiyak ng pagsuporta ng gobyerno sa pinansiyal para sa Iglesya Katolika, ang mga pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova sa pasimula ay tinanggihan ng mga opisyal, na nagsabi: ‘Ang layunin ninyo ay ang magtatag ng isang relihiyosong organisasyon, at ang gayong uri ng organisasyon ay hindi maaaring buuin sa ilalim ng batas sa Austria.’ Gayunman, noong 1930, nakapagparehistro sila ng isang samahan para sa pamamahagi ng mga Bibliya at literatura sa Bibliya.
Sa Espanya ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglo ay nagsimula noon pang panahon ng Digmaang Pandaigdig I. Subalit mula pa noong unang mga taon ng Inkisisyon noong ika-15 siglo, ang Iglesya Katolika Romana at ang Estadong Espanyol ay laging nagkakaisa sa pagkilos maliban sa iilang kaso. Ang mga pagbabago sa pulitika at kalagayan ng relihiyon ay nagdulot ng kaunting palugit para sa mga taong gustong magkaroon ng ibang relihiyon, subalit ang anumang mga pagpapahayag sa madla ng kanilang pananampalataya ay ipinagbawal. Sa kabila ng mga kalagayang ito, noong 1956 at muli noong 1965, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsikap na makakuha ng legal na pagkilala sa Espanya. Subalit, noong maipanaog ng Parlamentong Espanyol ang Religious Liberty Law ng 1967 saka lamang nagkaroon ng tunay na posibilidad ng pagtatagumpay. Sa wakas, noong Hulyo 10, 1970, nang ang bilang ng mga Saksi ay mahigit nang 11,000 sa Espanya, ipinagkaloob na ang legal na pagkilala.
Ang aplikasyon para sa legal na pagpaparehistro ng Samahang Watch Tower ay ginawa sa gobernador ng kolonyang Pranses ng Dahomey (ngayo’y tinatawag na Benin) noong 1948. Subalit noon lamang 1966, anim na taon matapos maging independiyenteng republika ang bansa, saka lamang ipinagkaloob ang gayong legal na pagpaparehistro. Gayunman, ang legal na pagkilalang iyon ay binawi noong 1976 at pagkatapos ay isinauli noong 1990 habang nagbabago ang pulitikal na mga kalagayan at ang saloobin ng mga opisyal tungkol sa kalayaan sa relihiyon.
Bagaman nagkaroon ang mga Saksi ni Jehova ng legal na pagkilala sa Canada sa loob ng maraming taon, ang Digmaang Pandaigdig II ay ginamit ng mga mananalansang bilang dahilan upang hikayatin ang bagong gobernador-heneral na ipagbawal ang mga Saksi. Ito’y ginawa noong Hulyo 4, 1940. Dalawang taon pagkaraan nito, nang pagkalooban ang mga Saksi ng pagkakataon na humarap sa isang pantanging komite ng House of Commons, mahigpit na inirekomenda ng komiteng iyan na dapat alisin ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang legal na mga korporasyon. Gayunman, pagkatapos lamang ng paulit-ulit at mahahabang debate sa House of Commons at ng maraming pagsisikap ng mga Saksi sa pagtitipon ng mga lagda sa dalawang pambuong-bansang petisyon saka lamang napilitan ang ministro ng katarungan, isang Romanong Katoliko, na lubusang alisin ang pagbabawal.
Malalaking pagbabago sa saloobin ng mga gobyerno sa Silangang Europa ang kinailangan bago makakuha ang mga Saksi ni Jehova ng legal na pagkilala roon. Sa wakas, pagkatapos ng maraming dekada ng pag-aapela para sa relihiyosong kalayaan, pinagkalooban ang mga Saksi ng legal na pagkilala sa Polandya at Hungarya noong 1989, sa Romania at Silangang Alemanya (bago isinanib ito sa Republika Pederal ng Alemanya) noong 1990, sa Bulgaria at sa dating Unyong Sobyet noong 1991, at sa Albania noong 1992.
Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na gumawang kaayon ng mga batas sa alinmang bansa. Itinataguyod nila, batay sa Bibliya, ang paggalang para sa mga opisyal ng pamahalaan. Subalit kapag ang mga batas ng tao ay sumasalungat sa malinaw na mga kautusan ng Diyos, sila’y sumasagot: “Dapat kaming tumalima sa Diyos bilang pinunò sa halip na sa mga tao.”—Gawa 5:29.
Kapag ang Takot ay Nagiging Sanhi ng Pagkalimot ng mga Tao sa Saligang mga Kalayaan
Dahil sa implasyon at sa paglaganap ng pag-aabuso ng marami sa droga, na dahil dito ay napipilitang magtrabaho kapuwa ang mag-asawa, nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos na sila’y napaharap sa bagong mga kalagayan sa kanilang ministeryo. Sa maraming mga komunidad ay halos walang tao sa bahay kung araw, at palasak ang pagnanakaw. Nahihintakutan ang mga tao. Noong huling bahagi ng dekada ng 1970 at sa unang bahagi ng dekada ng 1980, isang panibagong daluyong ng mga ordinansang humihiling ng lisensiya para sa solisitasyon ang ginawa upang masubaybayan ang mga estranghero sa mga komunidad. Pinagbantaan ng ilang bayan ang mga Saksi ni Jehova na sila’y aarestuhin kung hindi sila kukuha ng permiso. Subalit nailatag na ang matibay na legal na saligan, kaya maaaring magsikap na lutasin ang mga suliraning ito nang hindi nakararating sa korte.
Kapag bumangon ang mga suliranin, ang lokal na matatanda ay maaaring makipagtagpo sa mga opisyal ng bayan upang lutasin ito. Mahigpit na tumatanggi ang mga Saksi ni Jehova na humingi ng permiso upang gawin ang gawaing ipinag-utos ng Diyos, at ang Konstitusyon ng E.U., na pinatitibay ng mga desisyon sa Korte Suprema, ay gumagarantiya ng kalayaan sa pagsamba at sa paglalathala na hindi kinakailangang magbayad ng anumang halaga bilang patiunang kondisyon. Subalit nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang mga tao ay nahihintakutan, at maaaring pumayag sila na patalastasan ang mga pulis bago sila magsimulang magpatotoo sa isang lugar, kung ito’y kinakailangan. Gayunman, kung walang makatuwirang pagkakasunduan na magagawa, isang abogado mula sa punong-tanggapan ng Samahan ang makikipag-ugnay sa lokal na mga opisyal upang ipaliwanag ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, ang konstitusyonal na batas na sumusuhay sa kanilang karapatang mangaral, at ang kanilang kakayahang ipatupad ang karapatang iyon sa pamamagitan ng paghahain ng demanda sa mga kasong pederal ukol sa mga karapatang sibil para sa bayad-pinsala mula sa munisipyo at sa mga opisyal nito.f
Sa ilang lupain ay kinakailangan pang dumulog sa korte upang muling patibayin ang saligang mga kalayaan na matagal nang kinikilala bilang normal na karapatan. Totoo iyon sa Pinlandya noong 1976 at muli noong 1983. Sa layunin di-umano na huwag maabala ang mga maybahay, maraming lokal na mga ordinansa ang nagbawal sa relihiyosong gawain na kinasasangkutan ng pagbabahay-bahay. Gayunman, ipinaliwanag sa korte sa Loviisa at sa Rauma na ang pangangaral sa bahay-bahay ay bahagi ng relihiyon ng mga Saksi ni Jehova at na sinang-ayunan ng pamahalaan ang paraang ito ng pag-eebanghelyo nang pinagkalooban nito ng karta ang relihiyosong samahan ng mga Saksi ni Jehova. Ipinakita rin na nalulugod ang maraming tao sa mga pagdalaw ng mga Saksi at na magiging pagpipigil sa kalayaan ang pagbabawal sa gawaing ito dahil lamang sa hindi ito kinaluluguran ng lahat. Pagkaraang matapos nang matagumpay ang mga kasong ito, pinawalang-bisa ng maraming bayan at lunsod ang kanilang ordinansa.
Paghubog ng Konstitusyonal na Batas
Sa ilang lupain, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay nagkaroon ng malaking epekto sa paghubog ng batas. Alam na alam ng bawat nag-aaral ng batas sa Amerika ang naitulong ng mga Saksi ni Jehova sa pagtatanggol ng mga karapatang sibil sa Estados Unidos. Ang lawak ng tulong na ito ay mababanaag sa mga artikulong katulad ng sumusunod: “Ang Utang ng Konstitusyonal na Batas sa mga Saksi ni Jehova,” na lumitaw sa Minnesota Law Review, ng Marso 1944, at, “Isang Mitsa sa Pagbuo ng Konstitusyonal na Batas: Mga Saksi ni Jehova sa Korte Suprema,” na inilathala sa University of Cincinnati Law Review, noong 1987.
Ang kanilang mga kaso sa hukuman ay bumubuo ng malaking bahagi ng batas sa Amerika may kinalaman sa kalayaan sa relihiyon, kalayaan sa pagsasalita, at kalayaan sa paglalathala. Malaki ang nagawa ng mga kasong ito upang pag-ingatan ang kalayaan hindi lamang ng mga Saksi ni Jehova kundi ng lahat ng mga mamamayan. Sa isang pahayag sa Drake University, si Irving Dilliard, isang kilalang awtor at editor, ay nagsabi: “Sa gustuhin mo man o hindi, mas marami ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova upang pag-ingatan ang ating mga kalayaan kaysa anumang ibang relihiyosong grupo.”
At tungkol sa situwasyon sa Canada, ang paunang salita sa aklat na State and Salvation—The Jehovah’s Witnesses and Their Fight for Civil Rights ay nagpapahayag: “Tinuruan ng mga Saksi ni Jehova ang estado, at ang taong-bayan sa Canada, kung ano ang nararapat na maging praktikal na pagkakapit ng legal na proteksiyon para sa mga grupong tumututol. Karagdagan pa, ang . . . pag-uusig [sa mga Saksi sa lalawigan ng Quebec] ay umakay sa isang serye ng mga kaso na, noong mga dekada ng 1940 at 1950, ay nakarating pa sa Korte Suprema ng Canada. Ang mga ito rin ay may mahalagang naitulong sa saloobin sa Canada hinggil sa mga karapatang sibil, at sa ngayon ay nagsisilbing saligan ng kalipunan ng mga batas sa Canada may kaugnayan sa kalayaang-sibil.” “Ang isa sa mga resulta” ng legal na pakikipagbaka ng mga Saksi para sa kalayaan ng pagsamba, paliwanag ng aklat, “ay ang matagal na mga pagtalakay at pagdedebate na umakay sa Karta ng mga Karapatan,” na sa ngayon ay bahagi ng saligang batas ng Canada.
Pagiging Kataas-taasan ng Kautusan ng Diyos
Gayunman, higit sa lahat, ang legal na ulat ng mga Saksi ni Jehova ay isang katunayan ng kanilang paniniwala na ang banal na kautusan ang siyang kataas-taasan. Ang pinaka-ugat ng kanilang paninindigan ay ang kanilang pagpapahalaga sa isyu ng pansansinukob na pagkasoberano. Kinikila nila si Jehova bilang tanging tunay na Diyos at ang may-karapatang Soberano ng sansinukob. Dahil dito sila’y matatag na naninindigan na anumang mga batas o desisyon sa korte na magbabawal sa gawaing iniutos ni Jehova ay walang bisa at na ang ahensiya ng tao na naglalapat ng gayong uri ng mga pagbabawal ay lumalampas sa awtoridad nito. Ang kanilang paninindigan ay katulad niyaong sa mga apostol ni Jesu-Kristo, na nagpahayag: “Dapat kaming tumalima sa Diyos bilang pinunò sa halip na sa mga tao.”—Gawa 5:29.
Sa tulong ng Diyos ang mga Saksi ni Jehova ay determinadong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa bago dumating ang wakas.—Mat. 24:14.
[Mga talababa]
a Ang unang isyu ay may petsang Oktubre 1, 1919. Ang pamamahagi ng magasing iyon at ang mga kahalili nito, ang Consolation at Gumising!, ay tunay na kapansin-pansin. Noong 1992, ang regular na sirkulasyon ng Gumising! ay 13,110,000 sa 67 wika.
b Bilang pangkalahatang patakaran, kapag dinala sa korte dahil sa pagpapatotoo, ang mga Saksi ni Jehova ay naghahabol ng kanilang mga kaso sa halip na magmulta. Kung natalo ang isang kaso sa apelasyon, kung gayon, sa halip na magmulta, sila’y nagpapabilanggo, kung ito ang siyang ipinahihintulot ng batas. Ang paulit-ulit na pagtanggi ng mga Saksi na magmulta ay tumulong upang mawalan ng sigasig ang ilang opisyal sa pagsisikap nilang pakialaman ang kanilang gawaing pagpapatotoo. Bagaman ang patakarang ito ay maaari pa ring sundin sa ilalim ng ilang kalagayan, Ang Bantayan ng Disyembre 15, 1975 ay nagpakita na sa maraming kaso ang isang multa ay maaaring wastong malasin bilang isang parusang panghukuman, kaya ang pagbabayad nito ay hindi pag-amin ng kasalanan, kung papaanong ang pagkabilanggo ay hindi rin nagpapatunay na ang isa’y nagkasala.
c Lovell v. City of Griffin, 303 U.S. 444 (1938).
d Schneider v. State of New Jersey (Town of Irvington), 308 U.S. 147 (1939).
e 310 U.S. 296 (1940).
f 297 Mass. 65 (1935). Ang kaso ay kinasangkutan ng isang walong-taóng-gulang na lalaking mag-aarál, na ang pangala’y wastong binabaybay na Carleton Nichols.
g 302 U.S. 656 (1937) (mula sa Georgia).
h 303 U.S. 624 (1938) (mula sa New Jersey).
i 306 U.S. 621 (1939) (mula sa California).
j 306 U.S. 621 (1939) (mula sa Massachusetts).
k 310 U.S. 586 (1940). Si Walter Gobitas (wastong baybay), ang ama, kasama ng kaniyang mga anak na sina William at Lillian, ay nagsampa ng kaso sa hukuman upang pigilin ang lupon ng paaralan sa pagtanggi nitong tanggapin ang dalawa niyang anak sa paaralang pampubliko sa Minersville dahil ayaw sumaludo ng mga bata sa pambansang watawat. Ang federal district court at ang circuit court of appeals ay kapuwa nagpasiya nang pabor sa mga Saksi ni Jehova. Nang magkagayon ang kaso ay inapela ng lupon ng paaralan sa Korte Suprema.
l 316 U.S. 584 (1942).
a 319 U.S. 105 (1943).
b Noong taóng 1943, ang mga petisyon at mga apelasyon sa 24 na usaping kinasangkutan ng mga Saksi ni Jehova ay iniharap sa Korte Suprema ng Estados Unidos.
c 319 U.S. 624 (1943).
d 319 U.S. 583 (1943).
e Mula 1919 hanggang 1988, mga petisyon at mga apelasyon sa kabuuang 138 kasong kinasangkutan ng mga Saksi ni Jehova ang isinampa sa Korte Suprema ng E.U. Isang daan at tatlumpu sa mga kasong ito ay iniharap ng mga Saksi ni Jehova; walo, ng kanilang mga kalaban sa batas. Sa 67 kaso ay tumanggi ang Korte Suprema na isaalang-alang ang mga kaso sapagkat, gaya ng pangmalas ng Korte noong panahong iyon, walang mahahalagang isyung pederal tungkol sa konstitusyon o sa paggawa ng mga batas ang nasasangkot. Sa 47 ng mga kasong isinaalang-alang ng Korte, ang mga desisyon ay pabor sa mga Saksi ni Jehova.
f Jane Monell v. Department of Social Services of the City of New York, 436 U.S. 658 (1978).
[Blurb sa pahina 680]
Ang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal ng mga gobyerno sa sunud-sunod na mga lupain
[Blurb sa pahina 682]
Pinawalang-saysay ang kaso, at ang pari ay dali-daling lumabas sa gusali ng korte na galít na galít!
[Blurb sa pahina 693]
Ang ilang opisyal ay naging higit na maingat kapag humahawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga Saksi
[Kahon sa pahina 684]
Isang Patotoo sa Korte Suprema ng E.U.
Nang siya’y humarap sa Korte Suprema ng Estados Unidos bilang abogado sa kaso ng “Gobitis,” si Joseph F. Rutherford, isang miyembro ng New York Bar at presidente ng Samahang Watch Tower, ay malinaw na nagtuon ng pansin sa kahalagahan ng pagpapasakop sa soberanya ng Diyos na Jehova. Sinabi niya:
“Ang mga Saksi ni Jehova ay yaong mga nagpapatotoo sa pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na ang pangalan lamang ay JEHOVA. . . .
“Itinatawag ko ng pansin ang katotohanan na ang Diyos na Jehova, mahigit na anim na libong taon na ang nakalilipas, ay nangakong magtatag sa pamamagitan ng Mesiyas ng isang pamahalaan ng katuwiran. Tutuparin niya ang pangakong iyon sa takdang panahon. Ang kasalukuyang mga pangyayari sa liwanag ng hula ay nagpapahiwatig na ito’y malapit na. . . .
“Ang Diyos, na si Jehova, ang siyang tanging bukal ng buhay. Walang iba pa ang makapagbibigay ng buhay. Ang Estado ng Pennsylvania ay hindi makapagbibigay ng buhay. Ni makapagbibigay man ang Pamahalaan ng Amerika. Ginawa ng Diyos ang kautusang ito [na nagbabawal ng pagsamba sa mga imahen], gaya ng sinabi ni Pablo, upang ingatan ang Kaniyang bayan mula sa idolatriya. Maaari ninyong sabihin na ito’y maliit na bagay lamang. Gayundin ang ginawa ni Adan sa pagkain ng ipinagbawal na bunga. Ang masama ay hindi ang mansanas na kinain ni Adan, kundi ang ginawa niyang pagsuway sa Diyos. Ang tanong ngayon ay kung ang tao ay susunod sa Diyos o sa isang gawang-taong institusyon. . . .
“Ipinaaalaala ko sa Korteng ito (bagaman hindi marahil kailangan kong gawin ito) na sa kaso ng ‘Church v. United States’ ay nanindigan ang Korteng ito na ang Amerika ay isang Kristiyanong bansa; at iyon ay nangangahulugan na dapat sundin ng Amerika ang Banal na kautusan. Ito’y nangangahulugan din na ang korteng ito ay nag-uukol ng panghukumang pansin sa katotohanan na ang kautusan ng Diyos ang siyang kataas-taasan. At kung taimtim na naniniwala ang isang tao na ang kautusan ng Diyos ang kataas-taasan at taimtim na gumagawi nang kaayon nito, walang awtoridad ng tao ang maaaring sumupil o humadlang sa kaniyang budhi. . . .
“Maaaring pahintulutan akong itawag ng pansin ito: na sa pagbubukas ng bawat sesyon ng Korteng ito ang tagapag-anunsiyo ay nagpapahayag ng mga salitang ito: ‘Iligtas nawa ng Diyos ang Estados Unidos at ang kagalang-galang na Korteng ito.’ At ngayon ay sinasabi ko, iligtas nawa ng Diyos ang kagalang-galang na Korteng ito mula sa isang pagkakamali na aakay sa mga tao ng Estados Unidos sa isang totalitaryong kaayusan at wawasak sa lahat ng mga kalayaan na ginagarantiyahan ng Konstitusyon. Ito’y isang bagay na sagrado sa bawat Amerikano na umiibig sa Diyos at sa Kaniyang Salita.”
[Kahon sa pahina 687]
Mga Pangyayari na Umakay sa Isang Pagbaligtad
Nang humatol ang Korte Suprema ng Amerika, noong 1940, sa “Minersville School District v. Gobitis,” na ang mga batang mag-aarál ay maaaring utusang sumaludo sa bandila, walo sa siyam na mga mahistrado ang sumang-ayon. Tanging si Mahistradong Stone ang tumutol. Subalit dalawang taon pagkaraan, nang naghahayag ng kanilang pagtutol sa kaso ng “Jones v. Opelika,” tatlo pang mahistrado (sina Black, Douglas, at Murphy) ang nagsamantala sa pagkakataon upang sabihin na sila’y naniniwala na mali ang naging desisyon sa kaso ng “Gobitis” dahil sa inilagay nito ang relihiyosong kalayaan sa mababang kalagayan. Nangahulugan ito na apat mula sa siyam na mahistrado ay pabor na baligtarin ang desisyon sa kaso ng “Gobitis.” Dalawa sa iba pang limang mahistrado na hindi nagpahalaga sa relihiyosong kalayaan ang retirado na. Dalawang bago (sina Rutledge at Jackson) ang umupo bilang hukom nang iharap sa Korte Suprema ang sumunod na kaso tungkol sa pagsaludo sa bandila. Noong 1943, sa “West Virginia State Board of Education v. Barnette,” ang dalawang ito ay bumoto nang pabor sa relihiyosong kalayaan sa halip na sa sapilitang pagsaludo sa bandila. Kaya, sa isang boto na 6 sa 3, binaligtad ng Korte ang posisyong kinuha nito sa limang naunang kaso (“Gobitis,” “Leoles,” “Hering,” “Gabrielli,” at “Johnson”) na inapela sa Korteng ito.
Kapansin-pansin, si Mahistrado Frankfurter, sa kaniyang pagtutol sa kaso ng “Barnette” ay nagsabi: “Gaya ng naging totoo noong nakaraan, sa pana-panahon ay babaligtarin ng Korte ang posisyon nito. Subalit naniniwala ako na bago ang mga kasong ito ng mga Saksi ni Jehova (maliban sa maliliit na pagkakamali na itinuwid sa bandang huli) kailanma’y hindi pinawalang-bisa ng Korteng ito ang mga desisyon upang higpitan ang mga kapangyarihan ng demokratikong pamahalaan.”
[Kahon sa pahina 688]
“Isang Datihang Anyo ng Misyonerong Pag-eebanghelyo”
Noong 1943, sa kaso ng “Murdock v. Pennsylvania,” ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagsabi, bukod pa sa ibang mga bagay:
“Ang pagsasakamay ng relihiyosong mga tract ay isang dati-nang anyo ng misyonerong pag-eebanghelyo—sintanda ng kasaysayan ng mga makinang pang-imprenta. Ito’y naging mabisang puwersa sa iba’t ibang relihiyosong mga kilusan sa paglipas ng mga taon. Ang anyong ito ng pag-eebanghelyo ay ginagamit ngayon sa malawakang paraan ng iba’t ibang relihiyosong sekta na may mga colporteur na naghahatid ng Ebanghelyo sa libu-libong tahanan at nagsisikap sa pamamagitan ng personal na mga pagdalaw na hikayatin ang iba na manghawakan sa kanilang pananampalataya. Ito’y higit pa kaysa pangangaral; ito’y higit pa kaysa pamamahagi ng relihiyosong literatura. Ito’y kombinasyon ng dalawa. Ang layunin nito ay pag-eebanghelyo na tulad sa isang ‘revival meeting.’ Ang anyong ito ng relihiyosong gawain ay nagtataglay ng kagalang-galang na katayuan sa ilalim ng ‘First Amendment’ na katulad ng pagsamba sa mga simbahan at ng pangangaral mula sa mga pulpito. May karapatan din itong tumanggap ng proteksiyon katulad ng ibinibigay sa higit na maka-ortodokso at mas kombensiyonal na mga gawain ng relihiyon. May karapatan din ito kagaya ng iba sa mga garantiya ng kalayaan sa pagsasalita at kalayaan sa paglalathala.”
[Kahon sa pahina 690]
“Pantay-Pantay na Karapatan Para sa Lahat”
Sa ilalim ng ulong-balitang nasa itaas, noong 1953 isang kolumnistang taga-Canada, na kilalang-kilala noon, ang sumulat: “Dapat ipagdiwang ng isang malaking silab sa Parliament Hill ang desisyon ng Korte Suprema ng Canada sa kaso ng Saumur [na iniharap sa Korte ng mga Saksi ni Jehova]; isang silab na karapat-dapat sa isang dakilang okasyon. Bibihirang mga desisyon sa kasaysayan ng hustisya sa Canada ang makahihigit pa sa kahalagahan nito. Bibihirang mga korte ang makagagawa ng higit pa kaysa sa ginawang paglilingkod na ito sa Canada. Walang nang hihigit pa na dapat pagtanawan ng malaking utang-na-loob ng mga taga-Canada na nagpapahalaga sa kanilang minanang kalayaan. . . . Hindi sapat ang mga silab upang mabigyan ng kaukulang pagdiriwang ang kalayaang ito.”
[Kahon sa pahina 694]
Isang Matatag na Kapahayagan sa Estadong Nazi
Noong Oktubre 7, 1934, ang sumusunod na liham ay ipinadala sa pamahalaang Aleman ng bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya:
“SA MGA OPISYAL NG PAMAHALAAN:
“Ang Salita ng Diyos na Jehova, na inilalahad sa Banal na Bibliya, ang siyang kataas-taasang batas, at para sa amin ito ang aming tanging patnubay sapagkat iniukol namin ang aming sarili sa Diyos at kami ay tunay at taimtim na tagasunod ni Kristo Jesus.
“Nitong nakaraang taon, at salungat sa kautusan ng Diyos at labag sa aming mga karapatan, ay pinagbawalan ninyo kami bilang mga saksi ni Jehova na magtipun-tipon upang mag-aral ng Salita ng Diyos at sumamba at maglingkod sa kaniya. Sa kaniyang Salita ay inuutusan niya kami na huwag naming pabayaan ang aming sama-samang pagkakatipon. (Hebreo 10:25) Sa amin ay nag-uutos si Jehova: ‘Kayo’y aking mga saksi na ako ang Diyos. Humayo at sabihin sa mga tao ang aking mensahe.’ (Isaias 43:10, 12; Isaias 6:9; Mateo 24:14) May maliwanag na pagkakasalungatan ang batas ninyo at ang batas ng Diyos, at, bilang pagsunod sa halimbawa ng tapat na mga apostol, ‘dapat kaming tumalima sa Diyos sa halip na sa mga tao,’ at ito ang aming gagawin. (Gawa 5:29) Samakatuwid ito’y magsisilbing pahiwatig sa inyo na anuman ang maging halaga ay susunod kami sa mga utos ng Diyos, magtitipon kami para sa pag-aaral ng kaniyang Salita, at siya’y sasambahin at paglilingkuran gaya ng iniutos niya. Kung kami ay pagmamalupitan ng inyong pamahalaan o ng inyong mga opisyal dahilan sa pagtalima namin sa Diyos, kung gayon ang aming dugo ay mapapasa inyo at magbibigay-sulit kayo sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
“Wala kaming interes sa pulitika, kundi kami ay lubusang nagtatapat sa kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo na kaniyang Hari. Hindi namin sasaktan o pipinsalain ang sinuman. Malulugod kaming mamuhay nang mapayapa at gumawa ng kabutihan sa lahat ng tao habang may pagkakataon kami, subalit, yamang nagpapatuloy ang inyong pamahalaan at ang mga opisyal nito sa inyong pagsisikap na pilitin kaming sumuway sa pinakamataas na batas sa sansinukob, napipilitan kaming magbigay ng pahiwatig sa inyo na kami, sa biyaya niya, ay tatalima sa Diyos na Jehova at lubusang titiwala sa Kaniya upang mailigtas kami sa lahat ng pang-aapi at mga mang-aapi.”
[Kahon sa pahina 697]
Ang Pinagbabawalang mga Saksi ay Maliwanag na Nagpahayag ng Kanilang Paninindigan
Ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay napasailalim ng pagbabawal ng gobyerno sa Canada noong 1940. Nagkaroon ng mahigit na 500 pagsasakdal pagkatapos nito. Anong pagtatanggol ang maaaring gawin ng mga Saksi? May pagpipitagan subalit may katatagan, humigit-kumulang ganito ang mga kapahayagan nila sa harap ng Korte:
‘Hindi ko ikinahihiya ang mga aklat na ito. Ang mga ito’y nagtuturo ng daan patungo sa buhay na walang-hanggan. Ako’y taimtim na naniniwala na ipinaliliwanag ng mga ito ang layunin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na magtatag ng isang Kaharian ng katuwiran sa lupa. Sa akin, ang mga ito’y siyang pinakadakilang pagpapala sa aking buhay. Sa palagay ko magiging kasalanan laban sa Makapangyarihan-sa-lahat na wasakin ang mga aklat na ito, at ang mga mensahe ng Diyos na nilalaman nito, kung papaano magiging kasalanan ang pagsunog sa Bibliya mismo. Dapat piliin ng bawat tao kung handa niyang tanggapin ang di-pagsang-ayon ng tao o ang di-pagsang-ayon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Para sa akin ako’y naninindigan sa panig ng Panginoon at ng Kaniyang Kaharian, at sinisikap kong parangalan ang pangalan ng Kataas-taasan, na si Jehova, at kung ako’y parurusahan dahil sa paggawa nito, kung gayon ay mananagot sa Diyos yaong mga naglalapat ng parusang iyon.’
[Kahon sa pahina 698]
Kung Papaano Minalas Ito ng mga Miyembro ng Pamahalaan ng Canada
Narito ang mga ipinahayag ng ilan sa mga miyembro ng House of Commons ng Canada noong 1943 nang himukin nila ang ministro ng hustisya na alisin ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang legal na mga korporasyon:
“Walang ebidensiyang iniharap sa komite ng kagawaran ng katarungan na nagpapakitang ang mga Saksi ni Jehova kailanman ay dapat ideklarang isang ilegal na organisasyon . . . Isang kadustaan sa Dominyon ng Canada na usigin ang mga tao dahil sa kanilang relihiyosong kombiksiyon na katulad ng pag-uusig na ginawa sa kahabag-habag na mga taong ito.” “Sa aking opinyon ang pagbabawal ay napananatili dahil lamang sa malinaw, tahasang relihiyosong pagtatangi.”—G. Angus MacInnis.
“Ang karanasan ng karamihan sa atin ay na ang mga ito ay mga taong mapayapa, na salat sa anumang hangad na isapanganib ang estado. . . . Bakit hindi pa inaalis ang pagbabawal? Ito’y hindi maaaring dahil sa takot na ang organisasyong ito ay nakapipinsala sa kapakanan ng estado, o na ang gawain nito ay nagsasapanganib sa panig natin sa digmaan. Kailanman ay wala kahit bahagyang ebidensiya na iyon ay totoo.”—G. John G. Diefenbaker.
“Pag-iisipan mo tuloy kung ang aksiyon laban sa mga Saksi ni Jehova ay pangunahing dahil nga sa kanilang saloobin sa mga Romano Katoliko, sa halip na sa kanilang saloobing mapanghimagsik sa estado.”—G. Victor Quelch.
[Kahon sa pahina 699]
“Paglilingkod sa Kapakanan ng Relihiyosong Kalayaan”
“Hindi magiging makatarungan kung wawakasan ang maikling pagsusuring ito sa mga naging suliranin ng mga Saksi ni Jehova sa Estado nang hindi binabanggit ang paglilingkod sa kapakanan ng relihiyosong kalayaan sa ilalim ng ating Konstitusyon na naidulot bunga ng kanilang pagpupumilit. Nitong nakaraang mga taon sila’y pinag-ukulan ng higit na panahon sa mga korte kaysa alinmang ibang relihiyosong grupo, at sa tingin ng madla ay waring makikitid ang kanilang kaisipan, subalit naging tapat sila sa kanilang salig-sa-budhing mga paninindigan, at dahil dito ang mga korte Pederal ay nakapagpanaog ng sunud-sunod na mga desisyon na nagpatibay at nagpalawak sa mga garantiya ng relihiyosong kalayaan para sa mga mamamayang Amerikano, at nagsanggalang at nagdagdag sa kanilang mga kalayaang sibil. Mga tatlumpu’t isang kaso na kinasangkutan nila ang iniharap sa Korte Suprema sa loob ng limang taon mula 1938 hanggang 1943, at ang mga desisyon sa mga ito at sa kasunod na mga kaso ay malaki ang nagawa upang itaguyod ang kapakanan ng mga kalayaan sa Katipunán ng mga Karapatan sa pangkalahatan, at lalo na sa pagsasanggalang sa relihiyosong kalayaan.”—“Church and State in the United States,” ni Anson Phelps Stokes, Tomo III, 1950, pahina 546.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 700, 701]
Nagagalak sa Kanilang Kalayaang Sumamba
Sa maraming lupain kung saan ang mga Saksi ni Jehova noon ay walang lubos na kalayaan sa relihiyon, sila ngayon ay hayagang nagtitipon para sa pagsamba at malayang ibinabahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Quebec, Canada
Noong dekada ng 1940, inatake ng mga mang-uumog ang ilang Saksi rito sa Châteauguay. Noong 1992, mahigit na 21,000 Saksi sa lalawigan ng Quebec ang malayang nagpupulong sa kanilang mga Kingdom Hall
St. Petersburg, Rusya
Noong 1992, isang kabuuang 3,256 ang nagharap ng kanilang sarili para sa bautismo sa kauna-unahang pang-internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Rusya
Palma, Espanya
Pagkatapos na legal na kilalanin ang mga Saksi ni Jehova sa Espanya noong 1970, ipinakita ng naglalakihang karatula sa mga dakong tipunan ang kanilang kagalakan dahil sa nakapagtitipon na sila nang hayagan
Tartu, Estonia
Ang mga Saksi sa Estonia ay nagpapasalamat sa kanilang walang-sagabal na pagtanggap ng literatura sa Bibliya mula noong 1990
Maputo, Mozambique
Sa loob ng isang taon pagkatapos na mabigyan ng legal na katayuan ang mga Saksi ni Jehova rito noong 1991, mahigit na 50 kongregasyon ng masisiglang Saksi ang nagsasagawa ng kanilang ministeryo sa loob at sa palibot ng kabiserang lunsod
Cotonou, Benin
Nang dumating sa isang pagpupulong noong 1990, nagulat ang marami nang makita ang isang banner na lantarang tumatanggap sa mga Saksi ni Jehova. Dito ay natuklasan nila na ang pagbabawal sa kanilang pagsamba ay inalis na
Prague, Czechoslovakia
Makikita sa ibaba ang ilan sa mga naglingkod kay Jehova sa ilalim ng pagbabawal ng gobyerno sa loob ng 40 taon. Noong 1991, sila’y nagalak na magkasama-sama sa isang pang-internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Prague
Luanda, Angola
Nang alisin ang pagbabawal noong 1992, mahigit na 50,000 katao at mga pamilya ang tumanggap sa mga Saksi upang makipag-aral ng Bibliya sa kanila
Kiev, Ukraine
Ang mga pagpupulong sa lupaing ito (madalas na sa mga paupahang bulwagan) ay dinadaluhan ng marami, lalo na mula ng pagkalooban ng legal na pagkilala ang mga Saksi ni Jehova noong 1991
[Mga larawan sa pahina 679]
Sa 138 kaso na kinasasangkutan ng mga Saksi ni Jehova, ang mga apelasyon at mga petisyon ay iniharap sa Korte Suprema ng E.U. Para sa 111 sa mga ito, mula 1939 hanggang 1963, si Hayden Covington (na makikita rito) ang naglingkod bilang abogado
[Larawan sa pahina 681]
Si Maurice Duplessis, pangulong ministro ng Quebec, na hayagang lumuluhod sa harap ni Kardinal Villeneuve noong magtatapos ang dekada ng 1930 at nagsusuot ng singsing sa kaniyang daliri bilang katibayan ng malapit na ugnayan ng Simbahan at Estado. Sa Quebec, gayon na lamang katindi ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 683]
Si W. K. Jackson, na noo’y isa sa legal na tauhan sa punong-tanggapan ng Samahan, ay naglingkod nang sampung taon bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 685]
Si Rosco Jones, na ang kaso niya may kaugnayan sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ay dalawang beses nakarating sa Korte Suprema ng E.U.
[Mga larawan sa pahina 686]
Mga mahistrado ng Korte Suprema ng E.U. na, sa boto na 6 sa 3 sa kaso ng “Barnette,” ang nagtakwil sa sapilitang pagsaludo sa bandila bilang pagsang-ayon sa kalayaan ng pagsamba. Binaligtad nito ang sariling naunang desisyon ng Korte sa kaso ng “Gobitis”
Mga batang nasangkot sa mga kaso
Sina Lillian at William Gobitas
Sina Marie at Gathie Barnette
[Larawan sa pahina 689]
Si Aimé Boucher, na pinawalang-sala ng Korte Suprema ng Canada sa isang desisyon na nagpabulaan sa mga bintang na sedisyon laban sa mga Saksi ni Jehova
[Mga larawan sa pahina 691]
Ang tract na ito, sa tatlong wika, ay nagpatalastas sa buong Canada ng mga kalupitang ginagawa laban sa mga Saksi ni Jehova sa Quebec
[Mga larawan sa pahina 692]
Kinailangang turuan ang mga Saksi ni Jehova ng legal na mga patakaran upang makayanan nilang harapin ang pagsalansang sa kanilang ministeryo; ang mga ito ay ilan sa legal na mga publikasyon na ginamit nila