Timoteo—“Isang Tunay na Anak sa Pananampalataya”
NASA kabataan pa si Timoteo nang piliin siya ng Kristiyanong apostol na si Pablo bilang isang naglalakbay na kasama. Pasimula ito ng isang pagsasamang magpapatuloy sa loob ng 15 taon. Gayon na lamang ang kaugnayan na namagitan sa dalawang ito anupat matatawag ni Pablo si Timoteo na “aking iniibig at tapat na anak sa Panginoon” at “isang tunay na anak sa pananampalataya.”—1 Corinto 4:17; 1 Timoteo 1:2.
Anong personalidad mayroon si Timoteo anupat mahal na mahal siya ni Pablo? Paano naging gayong kahalagang kasama si Timoteo? At anong kapaki-pakinabang na mga aral ang matututuhan natin mula sa kinasihang ulat ng mga gawain ni Timoteo?
Pinili ni Pablo
Nasumpungan ni Pablo ang kabataang alagad na si Timoteo nang dumalaw ang apostol sa Listra (sa modernong-panahong Turkey) noong kaniyang ikalawang paglalakbay misyonero noong mga 50 C.E. Malamang na nasa kaniyang mga huling taon bilang tin-edyer o mahigit lamang 20 anyos, si Timoteo ay may mabuting ulat mula sa mga Kristiyano sa Listra at Iconio. (Gawa 16:1-3) Namuhay siya na kasuwato ng kaniyang pangalan, na nangangahulugang “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.” Mula sa pagkabata, si Timoteo ay naturuan sa Banal na Kasulatan ng kaniyang lolang si Loida at ng kaniyang ina, si Eunice. (2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Malamang na tinanggap nila ang Kristiyanismo noong unang dalaw ni Pablo sa kanilang lunsod dalawang taon bago nito. Ngayon, sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na espiritu, isang prediksiyon ang nagpahiwatig kung ano ang magiging kinabukasan ni Timoteo. (1 Timoteo 1:18) Kasuwato nito, ipinatong ni Pablo at ng matatandang lalaki sa kongregasyon ang kanilang mga kamay sa binata, sa gayo’y itinalaga siya para sa isang partikular na paglilingkod, at pinili siya ng apostol bilang isang kasamang misyonero.—1 Timoteo 4:14; 2 Timoteo 1:6.
Yamang ang kaniyang ama ay isang di-sumasampalatayang Griego, hindi natuli si Timoteo. Sabihin pa, hindi ito isang kahilingang Kristiyano. Gayunman, upang mawalan ng katitisuran ang mga Judio na dadalawin nila, ipinasailalim si Timoteo sa masakit na pamamaraang ito.—Gawa 16:3.
Dati na bang itinuturing na Judio si Timoteo? Ikinakatuwiran ng ilang iskolar na ayon sa rabinikong mga awtoridad, “ang katayuan ng anak sa pag-aasawa ng hindi magkalahi ay isinusunod sa ina nito, hindi sa ama nito.” Ang ibig sabihin, “ang anak ng babaing Judio ay Judio.” Gayunman, kinukuwestiyon ng manunulat na si Shaye Cohen kung ang gayong “rabinikong kautusan ng mga tao ay umiiral na noong unang siglo C.E.” at kung ito ba ay sinusunod ng mga Judio sa Asia Minor. Pagkatapos isaalang-alang ang makasaysayang katibayan, siya’y naghinuha na kapag nag-asawa ng isang babaing Israelita ang isang lalaking Gentil, “ang mga anak sa mga pag-aasawang ito ay itinuturing na mga Israelita tanging kung ang pamilya ay nakatira na kasama ng mga Israelita. Ang angkan ay sunod sa ina kung ito ay nasa bansa ng ina. Kapag lumipat sa ibang bansa ang babaing Israelita upang sumama sa kaniyang asawang Gentil, ang kaniyang mga anak ay itinuturing na Gentil.” Sa paano man, ang pagiging magkaiba ng lahi ng mga magulang ni Timoteo ay tiyak na isang tulong sa gawaing pangangaral. Maaaring wala siyang problema sa pakikitungo sa mga Judio o sa mga Gentil, marahil ay nakatulong pa ito sa kaniya na mapagtagumpayan ang mga pagkakaiba sa pagitan nila.
Ang pagdalaw ni Pablo sa Listra ay hudyat ng isang malaking pagbabago sa buhay ni Timoteo. Ang pagkukusa ng binatilyong ito na sundin ang patnubay ng banal na espiritu at mapakumbabang makipagtulungan sa matatandang Kristiyano ay umakay sa dakilang mga pagpapala at mga pribilehiyo sa paglilingkod. Kung natatalos man niya ito noon o hindi, sa ilalim ng patnubay ni Pablo, si Timoteo ay magagamit sa dakong huli sa mahahalagang teokratikong mga atas, anupat isinasama siya sa kasinlayo ng Roma, ang kabisera ng imperyo.
Itinaguyod ni Timoteo ang mga Kapakanan ng Kaharian
Bahagyang ulat lamang ang taglay natin tungkol sa mga gawain ni Timoteo, subalit naglakbay siya nang malawakan upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian. Ang unang paglalakbay ni Timoteo na kasama sina Pablo at Silas noong 50 C.E. ay nagdala sa kaniya sa Asia Minor at hanggang sa Europa. Doon ay nakibahagi siya sa mga kampanyang pangangaral sa Filipos, Tesalonica, at Berea. Nang lumipat si Pablo sa Atenas dahil sa pagsalansang, naiwan sina Timoteo at Silas sa Berea upang pangalagaan ang pangkat ng mga alagad na naitatag doon. (Gawa 16:6–17:14) Nang maglaon, sinugo ni Pablo si Timoteo sa Tesalonica upang patibayin ang bagong kongregasyon doon. Dala ni Timoteo ang mabuting balita tungkol sa pagsulong nito nang magkita sila ni Pablo sa Corinto.—Gawa 18:5; 1 Tesalonica 3:1-7.
Hindi sinasabi ng Kasulatan kung gaano katagal nanatili si Timoteo sa Corinto. (2 Corinto 1:19) Gayunman, malamang na noong mga 55 C.E., pinag-isipan ni Pablo na suguin siya pabalik sa kanila dahil sa nakagagambalang balitang tinanggap niya tungkol sa kanilang kalagayan. (1 Corinto 4:17; 16:10) Nang maglaon, kasama si Erasto, sinugo si Timoteo mula sa Efeso tungo sa Macedonia. At nang sumulat si Pablo sa mga taga-Roma mula sa Corinto, kasama niyang muli si Timoteo.—Gawa 19:22; Roma 16:21.
Umalis si Timoteo at ang iba pa sa Corinto na kasama ni Pablo nang magtungo ito sa Jerusalem, at sinamahan nila ang apostol hanggang sa Troas. Hindi alam kung sumama pa si Timoteo hanggang sa Jerusalem. Subalit siya ay binanggit sa mga pambungad ng tatlong liham ni Pablo na isinulat mula sa bilangguan sa Roma noong mga 60-61 C.E.a (Gawa 20:4; Filipos 1:1; Colosas 1:1; Filemon 1) Binabalak ni Pablo na ipadala si Timoteo mula sa Roma tungo sa Filipos. (Filipos 2:19) At nang mapalaya si Pablo mula sa bilangguan, nanatili si Timoteo sa Efeso sa pangangasiwa ng apostol.—1 Timoteo 1:3.
Yamang hindi madali ni maalwan ang paglalakbay noong unang siglo, ang pagkukusa ni Timoteo na magsagawa ng maraming paglalakbay alang-alang sa mga kongregasyon ay tunay na kapuri-puri. (Tingnan Ang Bantayan, Agosto 15, 1996, pahina 29, kahon.) Isaalang-alang ang isa lamang sa kaniyang gagawing paglalakbay at kung ano ang sinasabi nito tungkol kay Timoteo.
Kabatiran Tungkol sa Personalidad ni Timoteo
Si Timoteo ay kasama ni Pablo sa Roma nang ang napiit na apostol ay sumulat sa pinag-usig na mga Kristiyano sa Filipos at nagsabi: “Umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo sa inyo si Timoteo sa di-kalaunan, upang ako ay maging isang masayahing kaluluwa kapag nalaman ko ang tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa inyo. Sapagkat wala akong sinumang iba na may disposisyon na katulad ng sa kaniya na magmamalasakit nang tunay sa mga bagay na may kinalaman sa inyo. Sapagkat ang lahat ng iba pa ay naghahangad ng kanilang sariling mga kapakanan, hindi yaong mga kay Kristo Jesus. Ngunit nalalaman ninyo ang katunayan na ibinigay niya tungkol sa kaniyang sarili, na tulad ng isang anak sa ama siya ay nagpaaliping kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.”—Filipos 1:1, 13, 28-30; 2:19-22.
Idiniriin ng mga pananalitang ito ang pagmamalasakit ni Timoteo sa mga kapananampalataya. Malibang umalis siya na sakay ng barko, ang gayong paglalakbay ay gugugol ng 40-araw na paglalakad mula sa Roma tungo sa Filipos, na may maikling pagtawid sa Dagat Adriatico, at pagkatapos ay 40 araw pa pabalik sa Roma. Handang gawin ni Timoteo ang lahat ng ito upang makapaglingkod sa kaniyang mga kapatid.
Bagaman malawak ang nilakbay ni Timoteo, kung minsan ay hindi mabuti ang kaniyang kalusugan. Lumilitaw na mayroon siyang sakit sa tiyan at dumanas ng “malimit na pagkakasakit.” (1 Timoteo 5:23) Gayunman ay ginamit niya ang buong lakas niya alang-alang sa mabuting balita. Hindi kataka-taka na napamahal siya kay Pablo!
Sa ilalim ng pagtuturo ng apostol at sa pamamagitan ng mga karanasan nila na magkasama, malamang na masasalamin kay Timoteo ang personalidad ni Pablo. Kaya, masasabi ni Pablo tungkol sa kaniya: “Sinundan mo nang maingat ang aking turo, ang aking landasin sa buhay, ang aking layunin, ang aking pananampalataya, ang aking mahabang-pagtitiis, ang aking pag-ibig, ang aking pagbabata, ang mga pag-uusig sa akin, ang aking mga pagdurusa, ang uri ng mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio, sa Listra, ang uri ng mga pag-uusig na aking tiniis.” Lumuha si Timoteo na kasama ni Pablo, kasama siya sa kaniyang mga panalangin, at nagpaalipin na kasama niya upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian.—2 Timoteo 1:3, 4; 3:10, 11.
Pinasigla ni Pablo si Timoteo na ‘huwag hayaang hamakin ng sinumang tao ang kaniyang kabataan.’ Maaaring ipinahihiwatig nito na si Timoteo ay medyo mahiyain, anupat bantulot siyang igiit ang kaniyang awtoridad. (1 Timoteo 4:12; 1 Corinto 16:10, 11) Gayunman, kaya niyang tumayong mag-isa, at may pagtitiwalang naisusugo siya ni Pablo sa mabibigat na misyon. (1 Tesalonica 3:1, 2) Nang matalos ni Pablo ang pangangailangan para sa matatag na teokratikong pangangasiwa sa kongregasyon sa Efeso, hinimok niya si Timoteo na manatili roon upang “pag-utusan ang ilan na huwag magturo ng kakaibang doktrina.” (1 Timoteo 1:3) Gayunman, kahit na pinagkatiwalaan ng maraming pananagutan, si Timoteo ay mababang-loob pa rin. At sa kabila ng kaniyang pagiging mahiyain, malakas ang loob niya. Halimbawa, nagpunta siya sa Roma upang tumulong kay Pablo, na nililitis dahil sa kaniyang pananampalataya. Sa katunayan, si Timoteo mismo ay dumanas ng pagkabilanggo, sa katulad na kadahilanan.—Hebreo 13:23.
Walang-alinlangan, maraming natutuhan si Timoteo kay Pablo. Ang mataas na pagtingin na taglay ng apostol para sa kaniyang kamanggagawa ay pinatutunayan nang husto ng bagay na ito’y sumulat sa kaniya ng dalawang kinasihan ng Diyos na mga liham na masusumpungan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Noong mga 65 C.E., nang matalos ni Pablo na nalalapit na ang kaniyang kamatayan bilang isang martir, muli niyang ipinatawag si Timoteo. (2 Timoteo 4:6, 9) Hindi isinisiwalat ng Kasulatan kung nagawa bang makita ni Timoteo si Pablo bago pinatay ang apostol.
Ilaan ang Iyong Sarili!
Marami tayong matututuhan sa mainam na halimbawa ni Timoteo. Nakinabang siya nang malaki mula sa pakikisama kay Pablo, mula sa mahiyaing kabataan tungo sa isang tagapangasiwa. Makikinabang din nang malaki ang mga kabataang Kristiyanong lalaki’t babae sa katulad na pakikisama sa ngayon. At kung gagawin nilang karera ang paglilingkod kay Jehova, magkakaroon sila ng maraming kapaki-pakinabang na gawain. (1 Corinto 15:58) Maaari silang maging mga payunir, o buong-panahong mga mangangaral, sa kanilang sariling kongregasyon, o maaari silang maglingkod kung saan mayroong mas malaking pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Kabilang sa maraming posibilidad ang gawaing misyonero sa ibang lupain o paglilingkod sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower o sa isa sa mga sangay nito. At, sabihin pa, maipamamalas ng lahat ng Kristiyano ang katulad na espiritu na ipinakita ni Timoteo, sa pag-uukol ng buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova.
Nais mo bang patuloy na sumulong sa espirituwal, maging kapaki-pakinabang sa organisasyon ni Jehova sa anumang kapasidad na angkop sa iyo? Kung gayon ay gawin mo ang ginawa ni Timoteo. Hangga’t maaari, ilaan mo ang iyong sarili. Anong malay mo kung anong mga pribilehiyo sa paglilingkod ang maaaring mabuksan sa iyo sa hinaharap?
[Talababa]
a Binanggit din si Timoteo sa apat na iba pang liham ni Pablo.—Roma 16:21; 2 Corinto 1:1; 1 Tesalonica 1:1; 2 Tesalonica 1:1.
[Larawan sa pahina 31]
“Wala akong sinumang iba na may disposisyon na katulad ng sa kaniya”