TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | TIMOTEO
“Ang Aking Minamahal at Tapat na Anak sa Panginoon”
NAGLALAKAD si Timoteo papalayo sa bahay nila, sabik na nakatanaw sa unahan. May mga kasamahan siya na nauuna sa kaniya habang binabagtas ang kaparangan na alam na alam ni Timoteo. Unti-unting naglalaho sa likuran nila ang lunsod ng Listra, na nasa tuktok ng mababang burol sa pinakasahig ng libis. Napangiti si Timoteo nang maisip niya ang kaniyang nanay at lola, na nangingilid ang luha sa tuwa habang pinagmamasdan siya. Lilingon kaya siya at kakaway—sa huling pagkakataon?
Paminsan-minsan, nililingon ni apostol Pablo si Timoteo at nginingitian ito. Alam niyang kailangan pang pagtagumpayan ni Timoteo ang pagiging mahiyain, pero natutuwa siyang makita ang sigasig nito. Napakabata pa ni Timoteo, na marahil noon ay mga 19 o 21 anyos lang, at lubos niyang iginagalang at minamahal si Pablo. Sasamahan niya ngayon ang masigasig at tapat na lalaking ito sa isang paglalakbay na daan-daang kilometro ang layo mula sa bahay nila. Maglalakad sila, sasakay ng barko, at mapapaharap sa maraming panganib sa kanilang paglalakbay. Hindi alam ni Timoteo kung makababalik pa siya sa kanila.
Ano ang nag-udyok sa kabataang ito na piliin ang gayong landasin ng buhay? Ano ang mga pagpapala na sulit sa gayong pagsasakripisyo? At paano makaaapekto sa atin ang pananampalataya ni Timoteo?
“MULA SA PAGKASANGGOL”
Balikan natin ang mga pangyayari mga dalawa o tatlong taon ang nakalilipas, at ipagpalagay natin—na waring posible naman—na ang Listra ang sariling bayan ni Timoteo. Maliit at simpleng bayan ito sa isang tahimik na libis na sagana sa tubig. Malamang na nakakaintindi ng wikang Griego ang mga tao roon, pero nagsasalita pa rin sila ng katutubong wikang Licaonia. Isang araw, nagkaroon ng kaguluhan sa tahimik na bayang ito. Dalawang misyonerong Kristiyano, si apostol Pablo at ang kasama niyang si Bernabe, ang dumating mula sa Iconio, isang malaking lunsod na malapit sa Listra. Habang nangangaral sa publiko, nakita ni Pablo ang isang lalaking pilay na nagpakita ng tunay na pananampalataya. Kaya gumawa ng himala si Pablo at pinagaling ang lalaki!—Gawa 14:5-10.
Karamihan ng taga-Listra noon ay naniniwala sa kanilang mga alamat tungkol sa mga diyos na nag-aanyong tao at bumibisita sa kanilang lugar. Kaya napagkamalan nila si Pablo na si Hermes, at si Bernabe, si Zeus! Hindi mapigil ng mapagpakumbabang mga Kristiyanong ito ang mga tao sa paghahandog ng mga hain sa kanila.—Gawa 14:11-18.
Gayunman, para sa ilang taga-Listra, hindi ito pagdalaw ng mga paganong diyos kundi pagdalaw ng ordinaryong mga tao na naghatid sa kanila ng magandang mensahe. Halimbawa, tiyak na tuwang-tuwa at buong-pananabik na nakinig kina Pablo at Bernabe si Eunice, isang babaeng Judio na asawa ng di-sumasampalatayang Griego,a at ang kaniyang inang si Loida. Narito na sa wakas ang balitang gustong marinig ng tapat na mga Judio—dumating na ang Mesiyas at tinupad ang maraming hulang nakaulat tungkol sa kaniya sa Kasulatan!
Isipin ang epekto kay Timoteo ng pagbisitang iyon ni Pablo. Si Timoteo ay sinanay “mula sa pagkasanggol” na mahalin ang kinasihang Hebreong Kasulatan. (2 Timoteo 3:15) Gaya ng kaniyang nanay at lola, nakita niyang totoo ang sinasabi nina Pablo at Bernabe tungkol sa Mesiyas. Isipin din ang lalaking pilay na pinagaling ni Pablo. Malamang na mula pagkabata, maraming beses nang nakita ni Timoteo ang lalaking iyon sa mga lansangan ng Listra. Ngayon, nakita niyang nakalalakad na ito! Hindi kataka-takang naging Kristiyano sina Eunice at Loida, at pati si Timoteo. Maraming matututuhan kina Loida at Eunice ang mga lolo’t lola at mga magulang ngayon. Puwede ka bang maging mabuting impluwensiya sa mga kabataan?
“SA PAMAMAGITAN NG MARAMING KAPIGHATIAN”
Tiyak na tuwang-tuwa ang mga naging Kristiyano sa Listra na malaman ang pag-asang nakalaan para sa mga tagasunod ni Kristo. Pero alam din nilang ang pagiging alagad ay may kaakibat na sakripisyo. Dumating sa bayan ang panatikong mga mananalansang na Judio mula sa Iconio at Antioquia, at sinulsulan ang mga taga-Listra na magalit kina Pablo at Bernabe. Di-nagtagal, isang grupo ng mararahas na tao ang sumugod at pinagbabato si Pablo. Ilang beses siyang tinamaan kaya bumagsak siya sa lupa. Kinaladkad siya ng mga ito palabas ng lunsod sa pag-aakalang patay na siya.—Gawa 14:19.
Pinuntahan ng mga alagad na taga-Listra si Pablo at pinalibutan siya. Tiyak na nakahinga sila nang maluwag nang makita siyang magkamalay, tumayo, at saka lakas-loob na bumalik sa Listra! Kinabukasan, pumunta sila ni Bernabe sa bayan ng Derbe para patuloy na mangaral. Nang makagawa na ng mga alagad doon, muli nilang sinuong ang panganib at bumalik sa Listra. Bakit? ‘Pinalakas nila ang mga alagad,’ ang sabi ng ulat, “na pinatitibay-loob sila na manatili sa pananampalataya.” Isipin ang kabataang si Timoteo na matamang nakikinig habang itinuturo nina Pablo at Bernabe sa mga Kristiyano roon na ang kanilang maluwalhating pag-asa sa hinaharap ay sulit sa anumang ginagawa nilang sakripisyo. Sinabi nila: “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.”—Gawa 14:20-22.
Kitang-kita ni Timoteo sa buhay ni Pablo ang mga salitang iyon, anupat matapang na hinaharap ang kapighatian para ibahagi ang mabuting balita sa iba. Kaya alam ni Timoteo na kung tutularan niya ang halimbawa ni Pablo, sasalansangin din siya ng mga taga-Listra, at malamang pati ng tatay niya. Pero hindi hahayaan ni Timoteo na makaapekto ang gayong panggigipit sa kaniyang desisyong maglingkod sa Diyos. Sa ngayon, maraming kabataan ang tulad ni Timoteo. May-katalinuhan silang humahanap ng mga kaibigang may matibay na pananampalataya, na magpapalakas-loob at magpapatibay sa kanila. At hindi nila hinahayaang mailihis sila ng pagsalansang mula sa paglilingkod sa tunay na Diyos!
“SIYA AY MAY MABUTING ULAT MULA SA MGA KAPATID”
Gaya ng nabanggit kanina, malamang na bumisita ulit si Pablo sa Listra pagkaraan ng dalawa o tatlong taon. Isipin ang pananabik ng sambahayan ni Timoteo nang dumating si Pablo, kasama naman ngayon si Silas. Tiyak na masaya din si Pablo. Makikita niya ang resulta ng mga binhi ng katotohanan na itinanim niya sa Listra. Naroon ang mag-inang Loida at Eunice, na ngayo’y tapat na mga Kristiyano na, at may pananampalatayang “walang anumang pagpapaimbabaw” na labis na hinahangaan ni Pablo. (2 Timoteo 1:5) Kumusta naman kaya si Timoteo?
Nalaman ni Pablo na mahusay ang naging pagsulong ng kabataang ito. Si Timoteo ay “may mabuting ulat mula sa mga kapatid,” hindi lang sa Listra kundi pati sa Iconio, na mga 32 kilometro sa hilagang-silangan. (Gawa 16:2) Paano siya nagkaroon ng gayong reputasyon?
Ang “banal na mga kasulatan” na itinuro ng kaniyang nanay at lola kay Timoteo “mula sa pagkasanggol” ay may maaasahan at praktikal na payo para sa mga kabataan. (2 Timoteo 3:15) Narito ang isang halimbawa: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.” (Eclesiastes 12:1) Naging mas totoo ito kay Timoteo nang maging Kristiyano siya. Naunawaan niyang ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Anak ng Diyos, ang Kristo, ang isa sa pinakamainam na paraan para alalahanin ang kaniyang Dakilang Maylalang. Unti-unting napagtagumpayan ni Timoteo ang pagiging mahiyain at naging malakas ang loob sa pagsasabi sa iba ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo.
Napansin ng mga lalaking nangunguna sa mga kongregasyon ang pagsulong ni Timoteo. Tiyak na naantig sila kung paano pinatibay at pinalakas-loob ng kabataang ito ang lahat ng nakakasama niya. Pero ang pinakamahalaga, napansin ni Jehova si Timoteo. Pinangyari ng Diyos na magkaroon ng ilang hula patungkol sa kaniya—marahil tungkol sa uri ng paglilingkod na gagawin niya sa maraming kongregasyon. Nang dumalaw si Pablo, nakita niyang malaki ang maitutulong ni Timoteo sa kaniyang paglalakbay bilang misyonero. Sang-ayon diyan ang mga kapatid sa Listra. Ipinatong nila ang kanilang kamay sa kabataang ito, tanda na inaatasan siya ng isang pantanging pribilehiyo ng paglilingkod sa Diyos na Jehova.—1 Timoteo 1:18; 4:14.
Malamang na maiisip nating manghang-mangha at di-makapaniwala si Timoteo sa laki ng pagkakatiwala at pananagutang ibinigay sa kaniya. Handa na siya sa kaniyang atas.b Pero ano kaya ang reaksiyon ng di-sumasampalatayang tatay ni Timoteo sa bagong karera ng kaniyang anak bilang isang naglalakbay na ministrong Kristiyano? Marahil may iba siyang plano para sa anak niya. Kumusta naman ang nanay at lola ni Timoteo? Tuwang-tuwa ba sila bagaman hindi ipinahahalatang nag-aalala sila sa kaligtasan ng kanilang binata? Natural lang naman iyon.
Pero isang bagay ang tiyak—sumama si Timoteo. Nang umagang iyon, gaya ng inilarawan sa umpisa ng artikulong ito, sinimulan ni Timoteo ang gawaing pagmimisyonero kasama ni apostol Pablo. Habang paalis ng Listra, ang bawat maliliit na bato o damong nadaraanan niya ay isang hakbang papalayo sa kanila, patungo sa dakong hindi niya alam. Matapos ang buong araw na paglalakad, narating nilang tatlo ang Iconio. Pinagmasdan ni Timoteo sina Pablo at Silas habang inihahatid nila sa mga taga-Iconio ang mga bagong tagubilin mula sa lupong tagapamahala sa Jerusalem at pinatitibay ang kanilang pananampalataya. (Gawa 16:4, 5) Ngunit simula pa lang iyon.
Matapos dalawin ang mga kongregasyon sa Galacia, nilisan ng mga misyonerong ito ang malalapad na daan sa Roma na nalalatagan ng bato at naglakad nang daan-daang kilometro sa malawak na talampas ng Frigia, pahilaga at saka pakanluran. Sa patnubay pa rin ng banal na espiritu ng Diyos, nakarating sila sa Troas, sumakay ng barko, at naglayag papuntang Macedonia. (Gawa 16:6-12) Nakita noon ni Pablo na napakalaking tulong nga ni Timoteo. Iniwan ni Pablo si Timoteo sa Berea kasama ni Silas. (Gawa 17:14) Isinugo pa nga niya ang kabataang ito nang mag-isa sa Tesalonica. Doon, ipinakita ni Timoteo ang mga halimbawang maingat niyang pinagmasdan, at pinatibay ang tapat na mga Kristiyano roon.—1 Tesalonica 3:1-3.
Nang maglaon, sumulat si Pablo tungkol kay Timoteo: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo.” (Filipos 2:20) Hindi lang nagkataon ang reputasyong iyon. Nagkaroon siya ng gayong reputasyon dahil sa kaniyang masikap na paggawa, mapagpakumbabang paglilingkod, at tapat na pagbabata sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Isa ngang napakainam na halimbawa para sa mga kabataan ngayon! Tandaan, nakasalalay sa iyong mga kamay ang reputasyon mo. Kung isa kang kabataan, may napakagandang pagkakataon ka para makagawa ng magandang pangalan kung uunahin mo ang Diyos na Jehova sa iyong buhay at magiging mabait ka at magalang.
“GAWIN MO ANG IYONG BUONG MAKAKAYA NA PUMARITO SA AKIN”
Sa loob ng mga 14 na taon, malaking panahon ang ginugol ni Timoteo sa paglilingkod na kasama ng kaibigan niyang si apostol Pablo. Marami siyang sinuong na panganib kasama ni Pablo, pero marami rin silang naranasang kagalakan. (2 Corinto 11:24-27) Nabilanggo pa nga si Timoteo dahil sa kaniyang pananampalataya. (Hebreo 13:23) Gaya ni Pablo, nakadama rin siya ng matinding pagmamahal at pagmamalasakit sa kaniyang Kristiyanong mga kapatid. Kaya sumulat sa kaniya si Pablo: “Inaalaala ko ang iyong mga luha.” (2 Timoteo 1:4) Tulad ni Pablo, lumilitaw na natuto si Timoteo na “makitangis sa mga taong tumatangis,” anupat nagpapakita ng empatiya sa kanila upang lalo pa silang mapatibay at maaliw. (Roma 12:15) Matuto rin sana tayo na gawin ang gayon!
Hindi nga kataka-takang maging isang mahusay na tagapangasiwang Kristiyano si Timoteo. Pinagkatiwalaan siya ni Pablo hindi lang ng pananagutang dumalaw sa mga kongregasyon upang patibayin at pasiglahin sila kundi para humirang din ng mga kuwalipikadong lalaki na maglilingkod bilang mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod.—1 Timoteo 5:22.
Mahal na mahal ni Pablo si Timoteo, anupat lagi siyang pinapayuhan na parang sariling anak. Inudyukan niya si Timoteo na pasulungin ang kaniyang espirituwal na mga kaloob at patuloy na sumulong. (1 Timoteo 4:15, 16) Pinatibay niya si Timoteo na huwag hayaang makahadlang ang kaniyang kabataan—at marahil ang pagiging mahiyain—kung kailangan niyang manindigan sa kung ano ang tama. (1 Timoteo 1:3; 4:6, 7, 11, 12) Pinayuhan pa nga ni Pablo si Timoteo kung ano ang gagawin sa madalas na pagkakasakit ng binata, na malamang ay dahil sa sakit sa sikmura.—1 Timoteo 5:23.
Nang malaman ni Pablo na malapit na siyang patayin, posibleng sa pamamagitan ng bitay, gumawa siya ng huling kinasihang sulat kay Timoteo. Mababasa rito ang nakaaantig na mga salita: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na pumarito sa akin sa di-kalaunan.” (2 Timoteo 4:9) Mahal na mahal ni Pablo si Timoteo; tinawag pa nga niya itong “ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon.” (1 Corinto 4:17) Kaya talagang gusto niyang nasa tabi niya ang kaniyang kaibigan habang nalalapit na ang kaniyang kamatayan! Maaari nating itanong, ‘Nilalapitan ba ako ng mga tao kapag may problema sila dahil iniisip nilang makakatulong ako?’
Naabutan pa ba ni Timoteo na buháy si Pablo? Hindi natin alam. Pero alam natin na ginawa ni Timoteo ang buong makakaya niya para aliwin at patibaying-loob si Pablo at ang marami pang iba. Namuhay si Timoteo ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan, “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.” At nag-iwan siya ng namumukod-tanging halimbawa ng pananampalataya na dapat nating tularan, bata man o matanda.
a Tingnan ang “Alam Mo Ba?” sa isyung ito.