Pinakamahalaga ba ang Sariling Opinyon Mo?
“ISANG Bagong Nagkakabahaging Iglesiya Kung Tungkol sa mga Paring Bakla,” ang paulong-balita. Ang ulat ay nagpatuloy ng pagbubunyag ng matitinding pagkakabaha-bahagi sa Iglesiya ng Inglatera tungkol sa suliranin ng mga paring bakla.
“May dako sa iglesiya para sa mga bakla,” ang sabi ng ministro na nangangasiwa ng pangangalap ng mga klerigo para sa iglesiya. Sa kaniyang pangmalas, ang isang bakla na ‘tapat at responsable’ sa kaniyang relasyon sa isang lalaki ay may karapatan na maging ordinadong ministro.
“Ang aktibong mga klerigong bakla ay makasalanan at kailangang magbitiw sa tungkulin” ang kasalungat na paniwala naman ng isang rektor ng simbahan. Inakala niya na ang mga klerigo ay dapat na maging uliran sa lahat ng kanilang asal.—The Sunday Times, London, Nobyembre 8, 1987.
Tiyak na bawat isa sa mga lalaking ito ay kumbinsido na ang kaniyang opinyon ang tama. Subalit ang personal na opinyon ba ang dapat na maging katapusang autoridad sa mga bagay na totoong mahalaga? Marahil ay sasabihin mong oo, sapagkat ang paniwala mo’y “bawat isa’y may karapatan sa kaniyang sariling opinyon.”
Gayunman, pag-isipan ang dalawang kinasihang mga pangungusap na ito sa Bibliya: “Kaya nga, sundin natin ang mga bagay na nagdadala ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, . . . na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa iisang isip.”—Roma 14:19; 1 Corinto 1:10.
Kung gayon, ano kung ikaw, bilang isang Kristiyano, ay nahihirapan na makisang-ayon sa kongregasyong Kristiyano kung tungkol sa ilang importanteng mga bagay-bagay? Paano mo pakikitunguhan iyon upang ang mahalagang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon ay mapanatili?—Mateo 5:9; 1 Pedro 3:11.
Pag-isipan ang isang situwasyon na bumangon sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo nang malasin ng iba ang kanilang sariling opinyon bilang ang pinakamahalaga. Pag-isipan kung saan ito humantong at tanungin ang iyong sarili: ‘Ano kaya ang ginawa ko kung ako’y naroroon?’
Mga Suliranin Tungkol sa Pagtutuli
Noong 36 C.E. ang di-tuling mga Gentil ay unang tinanggap sa kongregasyong Kristiyano. Bagaman inihanda ng Diyos si apostol Pedro para sa dramatikong pangyayaring ito, si Pedro at ang mga kasama niya ay nangamangha nang makita nila na ang banal na espiritu ay ibinubuhos sa mga taong di-tuli. (Gawa 10:1-16, 34-48) Maraming iba pang mga Judiong Kristiyano ang nahirapan na tanggapin ito. Sa katunayan, ang mga ibang Judiong Kristiyano, “mga tumatangkilik sa pagtutuli,” ay pumuna kay Pedro dahil sa pakikisama sa di-tuling mga tao.—Gawa 11:2, 3.
Bakit nga ang mga kritikong ito ay nabahala? Sapagkat sa loob ng halos 2,000 taon, ang pagtutuli ay isang tanda ng isang natatanging relasyon sa Diyos. Nang iutos ng Diyos na Jehova kay Abraham na tuliin ang lahat ng lalaki sa kaniyang sambahayan, Kaniyang sinabi: “Ito’y kailangang magsilbing isang tanda ng tipanan natin . . . hanggang sa panahong walang takda.” (Genesis 17:10-13) Pagkalipas ng maraming daan-daang taon, ang pagtutuli ay napakahalaga pa rin sa mga Judio. Marami sa kanila ang naniniwala na ang di-pagtutuli ay karumihan. (Isaias 52:1) Sila’y naniniwala na ang banal na bayan ng Diyos ay hindi dapat makitungo sa marurumi, di-tuling mga Gentil.
Noong 49 C.E. si apostol Pablo ay napaharap sa Antioquia sa Syria sa ilan sa “mga tagatangkilik ng pagtutuling” ito. Sa katapusan ng kaniyang unang paglalakbay misyonero, siya’y nag-ulat sa kongregasyon doon kung paanong “binuksan [ng Diyos] sa [di-tuling] mga bansa ang pinto ng pananampalataya.” Waring malinaw sa kaniya na hindi na kailangan ang mga taong ito ng mga bansa na tuliin. Gayunman, may mga lalaki sa Judea na may naiibang opinyon. “Maliban sa kayo’y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises,” sabi nila, “kayo’y hindi maliligtas.” Kanilang inakala na ang pagtutuli ay kailangan para sa kaligtasan at na lahat ng mga Gentil na nakumberte sa pagka-Kristiyano ay kailangang tuliin.—Gawa 14:26–15:1.
Matitinding damdamin ang kasangkot. Tiyak na nakapagtipon sila ng kapani-paniwalang mga argumento sa kanilang opinyon. Paano nga mapananatili ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon? Pagkatapos ng maraming mga pagtalakay sa paksa, ang kongregasyon sa Antioquia ay “nagsaayos na si Pablo at Bernabe at ang mga iba pa sa kanila ay dapat pumaroon sa mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem kung tungkol sa suliraning ito.” (Gawa 15:2) Walang mungkahi na sa isang bagay na gayong kaselang, bawat isa ay may karapatan sa kaniyang sariling opinyon. Ang mga Kristiyanong ito ay mayroong sapat na kapakumbabaan at katapatan sa kaayusang teokratiko upang humingi ng isang may autoridad na desisyon buhat sa kanilang pinaka-sentrong lupong tagapagturo.—1 Corinto 14:33, 40; Santiago 3:17, 18; 1 Pedro 5:5, 6.
Gumawa ng Pagpapasiya
Ang mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem (maliwanag na kinikilala bilang isang lupong tagapamahala sa sinaunang kongregasyong Kristiyano) ay maingat na nagsuri sa kinasihan-ng-espiritung Kasulatan at kanilang nirepaso kung paano pinatnubayan ng banal na espiritu ang mga bagay-bagay noong nakalipas na 13 taon. Ang kanilang pasiya? Para sa kumbertidong mga Gentil, ang pagtutuli ay hindi isang kahilingan para sa kaligtasan. (Gawa 15:6-29) Narito ang isang malinaw na direktiba na kahalili ng personal na opinyon.
Ang mga kongregasyon na sumunod sa patnubay na ito ay “nagpatuloy na maging matatag sa pananampalataya at lumago ang kanilang bilang sa araw-araw.” (Gawa 16:4, 5) Subalit, ang pasiya ng lupong tagapamahala ay hindi tinanggap ng ilang mga tao. Sila’y kumbinsido pa rin na ang kanilang opinyon ang tama at na ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko ay kailangan para sa kaligtasan. Ano kaya ang ginawa mo kung ikaw? Sila’y naging isang mapanganib na impluwensiya na lumilikha ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga Kristiyano. Tunghayan natin ang payo na ibinigay ni apostol Pablo noong sumunod na 15 taon sa kaniyang pagsisikap na mailayo ang tapat na mga Kristiyano sa impluwensiya ng gayong mga taong mahigpit ang kapit sa kanilang sariling opinyon.
Galacia, Asia Minor, c. 50-52 C.E. Ang kalayaan na natamo ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng hain ni Jesu-Kristo ay nanganganib noon. Dahil sa takot sa pag-uusig buhat sa mga kaaway na Judio may mga Kristiyanong ibig na ang kanilang mga kapuwa-Kristiyano ay sumunod sa mga alituntunin buhat sa Kautusang Mosaiko. (Galacia 6:12, 13) Ipinaalaala ni apostol Pablo sa mga alagad na ang pagsunod sa gayong mga kaugaliang Judio na gaya baga ng pagtutuli ay pagpayag na sila’y “mapasailalim uli ng pamatok ng pagkaalipin.” Yamang sila’y mga makasalanan, wala sa kanila ang lubusang makasusunod sa Kautusan, kaya’t sila’y hinahatulan ng Kautusan, gaya rin ng mga Judio. Tangi ngang ang hain ni Jesus ang makalilinis sa kanila at makapagliligtas sa kanila. “Kung kayo’y patutuli nga [at sa gayo’y maoobligahan na sundin ang buong Kautusan],” ang sabi ni Pablo, “kay Kristo’y wala kayong mapapakinabang na anuman.”—Galacia 5:1-4; Gawa 15:8-11.
Corinto, Gresya, c. 55 C.E. Mga pagtatalu-talo tungkol sa pagtutuli ang pinagmulan ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon. Batid ni Pablo na ang pagtutuli kung sa ganang sarili ay hindi kasalanan. Ito’y naging bahagi ng sakdal na Kautusan ng Diyos. (Awit 19:7; Roma 7:12) Si Pablo mismo ay nagsaayos pa man din na ang kaniyang kasamang kabataan na si Timoteo na (isang Judio ang ina) ay tuliin. Ginawa iyon ni Pablo hindi dahil sa iyon ay isang obligasyon, kundi dahil sa ayaw niyang bigyan ang mga Judio ng anumang dahilang ikatitisod tungkol sa mabuting balita. (Gawa 16:3) Kaniyang ipinayo sa mga Kristiyano na umiwas sa pagkasangkot sa mga pagtatalu-talo na lumilikha ng pagkakabaha-bahagi. “Ang sinuman bang lalaki nang tawagin ay tuli na?” ang tanong niya. “Huwag siyang maging di-tuli. Ang sinuman bang lalaki ay tinawag nang siya’y di-tuli? Huwag na siyang patuli [sa pag-aakalang ito ay kailangan para sa kaligtasan].” Ang mahalaga ay sundin ang malinaw na mga pag-uutos ng Diyos, kasali na yaong ipinadaraan sa kongregasyong Kristiyano.—1 Corinto 7:18-20; Hebreo 13:17.
Filipos, Gresya, c. 60-61 C.E. Yaong mga naniniwala na nasasakop pa rin ang mga Kristiyano ng kautusang Judio ay patuloy na nagwalang-bahala sa malinaw na patotoo na pinagpapala noon ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano, na doo’y marami nang napalakip na mga mananampalatayang di-tuli. Yaong mga nagtataguyod ng pagtutuli ay nagdudulot sa iba ng espirituwal na pinsala dahil sa pagpipilit na ipasok ang kanilang sariling mga opinyon. Kaya naman, ang pangungusap ni apostol Pablo ay lalong matindi ngayon: “Magsipag-ingat kayo sa mga aso [sa seremonyal na paraan ay itinuturing na marumi ng mga Judio], magsipag-ingat kayo sa mga manggagawa ng kasamaan, magsipag-ingat kayo sa mga nagpupungos sa maselang na bahagi ng katawan.”—Filipos 3:2.
Creta, c. 61-64 C.E. Si Tito ay iniwanan ni apostol Pablo sa Creta upang mangasiwa ng gawain ng mga Kristiyano doon. Kapansin-pansin, ang di-Judiong si Tito ay hindi pinilit na patuli. (Galacia 2:3) Ngayon sinabihan ni Pablo si Tito na maghigpit ng pakikitungo sa mga kaaway ng katotohanan, na siyang kinalabasan ng mga promotor na ito ng pagtutuli. Sila’y maaari pa ngang itiwalag sa kongregasyon kung sila’y magpapatuloy ng pagkakalat ng kanilang nagdudulot ng pagkakabaha-bahaging sariling mga opinyon. Siya’y may binanggit na mga “taong magugulo, mga mapagsalita ng walang kabuluhan, at mga mandaraya ng pag-iisip, lalo na yaong mga taong mahigpit ang kapit sa pagtutuli,” at siya’y nagpatuloy pa: “Kailangan na ang kanilang mga bibig ay matikom, sapagkat ang mga taong ito ay patuloy na nagsisipanggulo sa buong sambahayan sa kanilang pagtuturo ng mga bagay na hindi nararapat na ituro nila.”—Tito 1:10, 11; 3:10, 11; 1 Timoteo 1:3, 7.
Anong lungkot ang naging bunga! Ang mga taong ito ay lubhang nangangalandakan ng kanilang sariling mga opinyon kung kaya’t kanilang tinanggihan ang patnubay na ibinibigay ng kongregasyong Kristiyano, kanilang sinira ang pananampalataya ng iba, at winasak ang kanilang mabuting kaugnayan sa Diyos.—Ihambing ang Bilang 16:1-3, 12-14, 31-35.
Ano ang Gagawin Mo?
Maiiwasan ba natin ang ganoon ding pagkakamali sa ngayon? Oo, kung una muna’y titiyakin natin na ang ating sariling opinyon ay hindi salungat sa malinaw na turo ng Bibliya. Halimbawa, tungkol sa homoseksuwalidad o pagkabakla, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang imoral sa sekso . . . o ang mga nagkakasala ng homoseksuwalidad . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10, New International Version) Gayunman, pagka ang maka-Kasulatang patnubay ay waring sa ati’y bukas sa iba’t ibang opinyon, kailangang ipakita natin ang mapakumbabang pagtugon na nakita sa mga sinaunang Kristiyano at tanggapin ang mga pasiya at mga patnubay buhat sa kongregasyon ng Diyos. Sa katapus-tapusan, maging sa mga pitak man na doo’y hindi tama o mali ayon sa Kasulatan ang isang bagay kundi ipinauubaya sa personal na pasiya, ang dapat nating lubhang pahalagahan ay ang pakipagpayapaan sa iba, sa ganoo’y handang magparaya nang malimit.
Ikaw ba ay pumapayag na magpakita ng ganiyang espiritu? Kung gayon, ikaw ay nagpapakita ng isang mainam na saloobin ng pagiging timbang, na kumikilalang ang kapayapaan at pagkakaisa ay lalong mahalaga kaysa sa iyong sariling personal na opinyon.