Gamaliel—Tinuruan Niya si Saulo ng Tarso
ANG pulutong ay tahimik na tahimik. Kanina lamang, halos mapatay nila si apostol Pablo. Kilala rin bilang si Saulo ng Tarso, siya ay iniligtas ng mga sundalong Romano at ngayon ay nakaharap sa mga tao buhat sa isang hagdanan na malapit sa templo sa Jerusalem.
Samantalang isinesenyas ang kaniyang kamay para sa katahimikan, si Pablo ay nagsimulang magsalita sa wikang Hebreo, na sinasabi: “Mga lalaki, mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol ko sa harapan ninyo ngayon. . . . Ako ay isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit binigyan ng edukasyon sa lunsod na ito sa paanan ni Gamaliel, tinuruan alinsunod sa kahigpitan ng Batas ng mga ninuno, na masigasig sa Diyos gaya ninyong lahat sa araw na ito.”—Gawa 22:1-3.
Yamang nanganganib ang kaniyang buhay, bakit sinimulan ni Pablo ang kaniyang pagtatanggol sa pagsasabing siya ay tinuruan ni Gamaliel? Sino si Gamaliel, at ano ang kasangkot sa pagiging naturuan niya? May impluwensiya ba ang pagsasanay na ito kay Saulo kahit pagkatapos niyang maging ang Kristiyanong apostol na si Pablo?
Sino Si Gamaliel?
Si Gamaliel ay isang kilalang Fariseo. Siya ang apo ni Hillel na Matanda, na nagtatag ng isa sa dalawang pangunahing paaralan tungkol sa doktrina sa loob ng Judaismo ng mga Fariseo.a Ang pamamaraan ni Hillel ay itinuturing na mas mapagparaya kaysa sa pamamaraan ng kaniyang karibal, si Shammai. Matapos mawasak ang templo sa Jerusalem noong 70 C.E., ang Bet Hillel (ang Bahay ni Hillel) ay nagustuhan kaysa sa Bet Shammai (ang Bahay ni Shammai). Ang Bahay ni Hillel ang naging opisyal na kumakatawan sa Judaismo, yamang ang lahat ng ibang sekta ay naglaho nang mawasak ang templo. Ang mga pasiya ng Bet Hillel ang siyang karaniwang batayan para sa Judiong kautusan sa Mishnah, na naging saligan ng Talmud, at lumilitaw na ang impluwensiya ni Gamaliel ay isang pangunahing salik sa pangingibabaw nito.
Si Gamaliel ay lubhang iginagalang anupat siya ang kauna-unahang tinawag na rabban, isang titulo na mas mataas kaysa sa rabbi. Sa katunayan, gayon na lamang ang pagpipitagan kay Gamaliel anupat ang Mishnah ay nagsasabi tungkol sa kaniya: “Ang kaluwalhatian ng Torah ay nagwakas nang mamatay si Rabban Gamaliel na matanda, at ang kadalisayan at kabanalan [sa literal ay “paghihiwalay”] ay naparam.”—Sotah 9:15.
Tinuruan ni Gamaliel—Paano?
Nang ipabatid ni apostol Pablo sa pulutong sa Jerusalem na siya ay ‘binigyan ng edukasyon sa paanan ni Gamaliel,’ ano ang ibig niyang sabihin? Ano ang kasangkot sa pagiging alagad ng isang gurong kagaya ni Gamaliel?
Hinggil sa gayong pagsasanay, si Propesor Dov Zlotnick ng Jewish Theological Seminary of America ay sumulat: “Ang kawastuan ng binigkas na kautusan, na siyang dahilan ng pagkamaaasahan nito, ay halos lubusang nakasalalay sa maestro-alagad na ugnayan: sa pagkamaingat ng maestro sa pagtuturo ng kautusan at ang antas ng pagnanais ng alagad na matutuhan iyon. . . . Kaya naman, ang mga alagad ay hinihimok na maupo sa paanan ng mga iskolar . . . ‘at inumin ang kanilang mga salita nang may pagkauhaw.’ ”—Avot 1:4, ang Mishnah.
Sa kaniyang aklat na A History of the Jewish People in the Time of Jesus Christ, ipinaliwanag ni Emil Schürer ang mga paraan ng unang-siglong mga gurong rabbi. Ganito ang isinulat niya: “Karaniwan ay tinitipon ng mas tanyag na mga Rabbi ang malalaking bilang sa palibot nila, mga kabataan na naghahangad na maturuan, sa layuning lubusang maipabatid sa kanila ang lubhang sanga-sanga at napakaraming ‘binigkas na kautusan.’ . . . Ang pagtuturo ay binubuo ng isang walang-humpay at patuloy na paggamit sa memorya. . . . Ang guro ay naghaharap sa kaniyang mga tinuturuan ng maraming legal na mga katanungan para pagpasiyahan nila at hinahayaan silang sagutin ang mga ito o siya mismo ang sumasagot sa mga ito. Ang mga tinuturuan ay pinahihintulutan ding magtanong sa guro.”
Sa pangmalas ng mga rabbi, ang nakataya para sa mga tinuturuan ay higit pa kaysa sa pagtanggap lamang ng isang pasadong marka. Yaong mga nag-aaral sa ilalim ng gayong mga guro ay binabalaan: “Sinumang lumilimot ng isang bagay buhat sa kaniyang natutuhan—ibinibilang ito ng Kasulatan na pananagutan niya na para bang siya ay nararapat managot sa kaniyang buhay.” (Avot 3:8) Ang pinakadakilang papuri ay ipinagkakaloob sa isang estudyante na animo’y “isang pinalitadahang imbakan, na hindi tinatagasan ng kahit isang patak ng tubig.” (Avot 2:8) Gayon ang uri ng pagsasanay na tinanggap ni Pablo, kilala noon sa kaniyang Hebreong pangalan na Saulo ng Tarso, mula kay Gamaliel.
Ang Saloobin sa mga Turo ni Gamaliel
Kasuwato ng turo ng mga Fariseo, itinaguyod ni Gamaliel ang paniniwala sa binigkas na kautusan. Sa gayon ay mas pinahalagahan niya ang tradisyon ng mga rabbi kaysa sa kinasihang Kasulatan. (Mateo 15:3-9) Ganito ang pagsipi ng Mishnah sa sinabi ni Gamaliel: “Ipaghanda mo ng isang guro [isang rabbi] ang iyong sarili at palayain ang iyong sarili sa pag-aalinlangan, sapagkat hindi ka dapat magbigay ng sobrang ikapu dahilan sa iyong haka-haka.” (Avot 1:16) Nangangahulugan ito na kapag ang Hebreong Kasulatan ay hindi tiyakang nagsasabi kung ano ang nararapat gawin, hindi dapat gamitin ng isang tao ang kaniyang sariling pangangatuwiran o sundin ang kaniyang budhi upang makagawa ng isang pasiya. Sa halip, dapat siyang humanap ng isang kuwalipikadong rabbi na magpapasiya para sa kaniya. Ayon kay Gamaliel, sa ganitong paraan lamang maiiwasan ng isang indibiduwal ang pagkakasala.—Ihambing ang Roma 14:1-12.
Gayunman, sa pangkalahatan ay kilala si Gamaliel sa pagkakaroon ng mas mapagparaya, maunawaing saloobin sa kaniyang legal na mga pasiya hinggil sa relihiyon. Halimbawa, nagpakita siya ng konsiderasyon para sa kababaihan nang ipasiya niya na kaniyang “pahihintulutan ang isang asawang babae na mag-asawang muli dahilan sa patotoo ng isang saksi [sa kamatayan ng kaniyang asawang lalaki].” (Yevamot 16:7, ang Mishnah) Karagdagan pa, upang ipagsanggalang ang isang diborsiyada, iniharap ni Gamaliel ang ilang paghihigpit sa paglalabas ng isang kasulatan ng pagdidiborsiyo.
Ang ganitong saloobin ay makikita rin sa mga pakikitungo ni Gamaliel sa mga unang tagasunod ni Jesu-Kristo. Inilalahad ng aklat ng Mga Gawa na nang tangkain ng mga ibang Judiong lider na patayin ang mga apostol ni Jesus na kanilang dinakip dahil sa pangangaral, “may isang taong tumindig sa Sanedrin, isang Fariseo na pinanganlang Gamaliel, isang guro ng Batas na minamahalaga ng lahat ng mga tao, at nagbigay ng pag-uutos na ilabas sandali ang mga lalaki. At sinabi niya sa kanila: ‘Mga lalaki ng Israel, bigyang-pansin ninyo ang inyong mga sarili tungkol sa binabalak ninyong gawin may kaugnayan sa mga taong ito. . . . Sinasabi ko sa inyo, Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; . . . kung hindi, baka masumpungan pa kayong sa katunayan ay mga nakikipag-away laban sa Diyos.’ ” Ang payo ni Gamaliel ay pinakinggan, at pinalaya ang mga apostol.—Gawa 5:34-40.
Ano ang Kahulugan Nito Para kay Pablo?
Si Pablo ay sinanay at tinuruan ng isa sa pinakadakilang gurong rabbi ng unang siglo C.E. Walang alinlangan na ang pagbanggit ng apostol kay Gamaliel ay nagpangyari sa pulutong sa Jerusalem na magbigay ng matamang pansin sa kaniyang pahayag. Subalit sinalita niya sa kanila ang tungkol sa isang Guro na makapupong higit kaysa kay Gamaliel—si Jesus, ang Mesiyas. Si Pablo ngayon ay nakikipag-usap sa pulutong bilang isang alagad ni Jesus, hindi ni Gamaliel.—Gawa 22:4-21.
Nakaimpluwensiya ba sa turo ni Pablo bilang isang Kristiyano ang pagsasanay na ibinigay ni Gamaliel? Malamang, ang mahigpit na pagtuturo sa Kasulatan at sa Judiong kautusan ay napatunayang kapaki-pakinabang kay Pablo bilang isang gurong Kristiyano. Gayunman, ang kinasihan-ng-Diyos na mga liham ni Pablo na masusumpungan sa Bibliya ay malinaw na nagpapakita na kaniyang tinanggihan ang saligan ng maka-Fariseong paniniwala ni Gamaliel. Inakay ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Judio at ang lahat ng iba pa, hindi sa mga rabbi ng Judaismo o sa gawang-taong mga tradisyon, kundi kay Jesu-Kristo.—Roma 10:1-4.
Kung si Pablo ay patuloy na naging alagad ni Gamaliel, maaaring nagtamasa siya ng malaking karangalan. Ang ilan sa grupo ni Gamaliel ay tumulong upang mahubog ang kinabukasan ng Judaismo. Halimbawa, ang anak ni Gamaliel na si Simeon, marahil ay kamag-aral ni Pablo, ay gumanap ng mahalagang papel sa paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma. Matapos mawasak ang templo, isinauli ng apo ni Gamaliel na si Gamaliel II ang awtoridad ng Sanedrin, anupat inilipat ito sa Yavneh. Ang apo ni Gamaliel II na si Judah Ha-Nasi ang siyang tagapagtalâ ng Mishnah, na naging pundasyong bato ng Judiong kaisipan hanggang sa ating kaarawan.
Bilang estudyante ni Gamaliel, si Saulo ng Tarso ay maaaring naging lubhang prominente sa Judaismo. Subalit, hinggil sa gayong karera, sumulat si Pablo: “Ang mga bagay na mga pakinabang sa akin, ang mga ito ay itinuturing ko na kawalan dahil sa Kristo. Aba, kung tungkol sa bagay na iyon, tunay ngang itinuturing ko rin ang lahat ng mga bagay na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng mga bagay at itinuturing ko ang mga iyon bilang mga basura, upang matamo ko si Kristo.”—Filipos 3:7, 8.
Sa pagtalikod sa kaniyang karera bilang isang Fariseo at sa pagiging tagasunod ni Jesu-Kristo, praktikal na ikinapit ni Pablo ang payo ng kaniyang dating guro na mag-ingat na huwag ‘masumpungan sa katunayan na mga nakikipag-away laban sa Diyos.’ Sa paghinto sa kaniyang pag-uusig sa mga alagad ni Jesus, tinigilan ni Pablo ang pakikipag-away laban sa Diyos. Sa halip, sa pagiging isang tagasunod ni Kristo, siya ay naging isa sa “mga kamanggagawa ng Diyos.”—1 Corinto 3:9.
Ang mensahe ng tunay na Kristiyanismo ay patuloy na inihahayag ng masisigasig na Saksi ni Jehova sa ating panahon. Gaya ni Pablo, marami sa mga ito ang gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Tinalikuran pa nga ng ilan ang mapakinabang na mga karera upang magkaroon ng higit na bahagi sa pangangaral ng Kaharian, na totoong isang gawaing “mula sa Diyos.” (Gawa 5:39) Anong ligaya nga nila na kanilang sinunod ang halimbawa ni Pablo sa halip na yaong sa kaniyang dating guro, si Gamaliel!
[Talababa]
a Ang ilan sa pinagmulan ng impormasyon ay nagsasabi na si Gamaliel ay anak ni Hillel. Hindi tinitiyak ng Talmud ang hinggil sa bagay na ito.
[Larawan sa pahina 28]
Bilang si apostol Pablo, inihayag ni Saulo ng Tarso ang mabuting balita sa mga tao ng mga bansa