Magsayá Kayo kay Jehova!
“Magsayá kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsayá kayo!”—FILIPOS 4:4.
1. Bakit tayo maaaring mamangha sa ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niyang ang mga Kristiyano ay dapat magsayáng lagi?
SA NGAYON, waring kakaunti at totoong bihira ang mga dahilan para sa pagsasayá. Ang mga taong alabok, kahit tunay na mga Kristiyano, ay napapaharap sa mga kalagayan na sanhi ng kalungkutan—kawalan ng hanapbuhay, pagkakasakit, kamatayan ng mga mahal sa buhay, mga suliranin tungkol sa personalidad, o pananalansang buhat sa di-sumasampalatayang mga miyembro ng pamilya o dating mga kaibigan. Kaya papaano natin uunawain ang payo ni Pablo, “Magsayá kayong lagi”? Dahilan sa di-kaayaaya at mahihirap na kalagayan na napapaharap sa ating lahat, ito ba ay posible? Ang pagtalakay sa konteksto ng mga salitang ito ay tutulong upang liwanagin ang bagay na iyan.
Magsayá—Bakit at Papaano?
2, 3. Ano ang kahalagahan ng kagalakan, gaya ng halimbawa ni Jesus at ng sinaunang mga Israelita?
2 “Magsayá kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsayá kayo!” Ito’y makapagpapagunita sa atin ng pananalitang sinabi sa mga Israelita mga 24 na siglo na ang nakalipas: “Ang kagalakan ni Jehova ay inyong moog,” o ayon sa salin ni Moffatt: “Ang pagsasayá sa Walang-Hanggan ay inyong lakas.” (Nehemias 8:10) Ang kagalakan ay nagbibigay ng lakas at tulad ng isang moog na matatakbuhan ng isa para sa kaaliwan at kaligtasan. Ang kagalakan ay nakatulong maging sa sakdal na taong si Jesus upang magbata. “Dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:2) Maliwanag, ang pagiging masaya sa gitna ng mga kahirapan ay mahalaga para sa ikaliligtas.
3 Bago pumasok sa Lupang Pangako, iniutos sa mga Israelita: “Magsasayá ka sa lahat ng kabutihan na ibinigay sa iyo at sa iyong sambahayan ni Jehovang iyong Diyos, ikaw at ang Levita at ang tagaibang-lupa na nasa gitna mo.” Matindi ang ibubunga nang hindi paglilingkod kay Jehova nang may pagsasayá. “Lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka at aabutan ka hanggang sa magiba ka . . . sapagkat hindi mo pinaglingkuran si Jehovang iyong Diyos nang may kasayahan at kagalakan ng puso ukol sa kasaganaan ng lahat ng bagay.”—Deuteronomio 26:11; 28:45-47.
4. Ano ang maaaring dahilan ng hindi natin pagsasayá?
4 Samakatuwid, anong pagkahala-halaga nga na ang pinahirang nalabi sa ngayon at ang kanilang mga kasamahang “ibang tupa” ay magsayá! (Juan 10:16) Idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pagsasayá sa lahat ng kabutihan na ginawa ni Jehova para sa atin sa pamamagitan ng pag-ulit sa kaniyang payo na, “minsan pa ay sasabihin ko.” Ganoon ba ang ginagawa natin? O tayo’y lubhang abala sa araw-araw na gawain sa buhay anupat kung minsan ay nakakalimutan natin ang maraming dahilan sa pagsasayá? Gabundok ba ang ating mga suliranin anupat natatakpan ang ating pananaw sa Kaharian at sa mga pagpapala nito? Pinahihintulutan ba natin na ang ibang mga bagay—pagsuway sa mga kautusan ng Diyos, pagwawalang-bahala sa banal na mga simulain, o pagpapabaya sa mga tungkuling Kristiyano—ay mag-alis ng ating kagalakan?
5. Bakit ang taong di-makatuwiran ay nahihirapang magsayá?
5 “Hayaang malaman ng lahat ng tao ang inyong pagka-makatuwiran. Ang Panginoon ay malapit na.” (Filipos 4:5) Ang isang taong di-makatuwiran ay di-timbang. Baka hindi niya napangangalagaan nang wasto ang kaniyang kalusugan, anupat pinapayagang dumanas ang kaniyang katawan ng maiiwasan namang kaigtingan o pagkabalisa. Marahil ay hindi pa niya natututuhang tanggapin ang kaniyang mga limitasyon at mabuhay nang ayon doon. Baka napakataas ng kaniyang mga tunguhin at sinisikap niyang maabot ang mga ito anuman ang maging kapalit. O baka ginagamit niya ang kaniyang mga limitasyon bilang dahilan ng kaniyang mabagal na pagkilos o kakulangan ng kasipagan. Palibhasa’y di-timbang at di-makatuwiran, siya’y nahihirapang magsayá.
6. (a) Ano ang dapat makita sa atin ng ating kapuwa mga Kristiyano, at kailan lamang magiging gayon? (b) Papaano tayo tinutulungan na maging makatuwiran ng mga salita ni Pablo sa 2 Corinto 1:24 at Roma 14:4?
6 Kahit na malasin tayo ng mga mananalansang bilang mga panatiko, dapat na laging makita ng ating kapuwa mga Kristiyano ang ating pagka-makatuwiran. At magkakagayon nga kung tayo ay timbang at hindi umaasa ng kasakdalan mula sa ating sarili o mula sa iba. Higit sa lahat, tayo’y kailangang umiwas sa paglalagay sa iba ng mga pasanin na lumalampas sa hinihiling ng Salita ng Diyos. Sinabi ni apostol Pablo: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan.” (2 Corinto 1:24) Bilang isang dating Fariseo, alam na alam ni Pablo na ang mahihigpit na alituntunin na itinakda at ipinasusunod niyaong mga nasa kapangyarihan ay pumipigil ng kagalakan, samantalang ang nakatutulong na mga mungkahi buhat sa mga kamanggagawa ay nagpapalaki niyaon. Ang bagay na “ang Panginoon ay malapit na” ay dapat na magpagunita sa taong makatuwiran na tayo’y hindi dapat ‘humatol sa tagapaglingkod sa bahay ng iba. Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal.’—Roma 14:4.
7, 8. Bakit maaasahan ng mga Kristiyano na sila’y magkakaroon ng mga suliranin, subalit papaano maaaring sila’y patuloy na magsayá?
7 “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Filipos 4:6) Tayo sa ngayon ay dumaranas ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” na binanggit ni Pablo sa kaniyang liham. (2 Timoteo 3:1-5) Kaya ang mga Kristiyano ay dapat umasang mapapaharap sa mga suliranin. Ang mga salita ni Pablo na “magsayá kayong lagi” ay hindi nag-aalis ng posibilidad na ang isang tapat na Kristiyano ay magkakaroon ng manaka-nakang pakikipagpunyagi sa kawalang pag-asa o panghihina ng loob. Sa sariling karanasan ni Pablo, makatotohanang inamin niya: “Ginigipit kami sa bawat paraan, ngunit hindi nasisikipan na hindi makakilos; naguguluhan kami, ngunit hindi ganap na walang malabasan; pinag-uusig kami, ngunit hindi iniiwan sa kagipitan; ibinabagsak kami, ngunit hindi napupuksa.” (2 Corinto 4:8, 9) Gayunman, ang kagalakan ng isang Kristiyano ay nababawasan at sa wakas nananaig sa pansamantalang mga panahon ng kabalisahan at kalungkutan. Ito ay nagbibigay ng kinakailangang lakas upang manatiling sumusulong, laging isinasaalang-alang ang maraming dahilan para magsayá.
8 Kapag bumabangon ang mga suliranin, anumang uri iyon, ang isang nagagalak na Kristiyano ay buong kapakumbabaang humihingi kay Jehova ng tulong sa pamamagitan ng panalangin. Hindi siya napadaraig sa labis na pagkabalisa. Pagkatapos na gawin ang makatuwirang magagawa niya upang lutasin ang suliranin, ipinauubaya niya sa mga kamay ni Jehova ang kahihinatnan kasuwato ng paanyaya: “Ihagis mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo.” Samantala, patuloy na nagpapasalamat kay Jehova ang isang Kristiyano ukol sa lahat ng Kaniyang kabutihan.—Awit 55:22; tingnan din ang Mateo 6:25-34.
9. Papaano nakapagdudulot ng kapayapaan ng isip ang kaalaman sa katotohanan, at ano ang mabuting epekto nito sa isang Kristiyano?
9 “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:7) Ang kaalaman sa katotohanan ng Bibliya ay nagpapalaya sa isip ng isang Kristiyano buhat sa kasinungalingan at tinutulungan siya na magpaunlad ng malusog na kalagayan ng pag-iisip. (2 Timoteo 1:13) Sa gayon siya ay natutulungang umiwas sa mali o mangmang na paggawi na maaaring magsapanganib ng mapayapang kaugnayan sa iba. Sa halip na masiphayo dahil sa kaapihan at kasamaan, siya’y nagtitiwala kay Jehova upang siyang lumutas ng mga suliranin ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kaharian. Ang gayong kapayapaan ng isip ang nag-iingat sa kaniyang puso, pinananatiling dalisay ang kaniyang mga motibo, at inaakay ang kaniyang kaisipan sa daan ng katuwiran. Ang dalisay na mga motibo at tamang kaisipan naman ang nagbibigay ng maraming dahilan upang magsayá, sa kabila ng mga suliranin at mga kagipitan na dulot ng isang napakagulong sanlibutan.
10. Ang tunay na kagalakan ay mararanasan lamang sa pamamagitan ng pagsasalita o pag-iisíp ng tungkol sa anong mga bagay?
10 “Sa katapus-tapusan, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anumang mga bagay na seryosong pag-isipan, anumang mga bagay na matuwid, anumang mga bagay na malinis, anumang mga bagay na kaibig-ibig, anumang mga bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” (Filipos 4:8) Ang isang Kristiyano ay hindi nalulugod sa pagsasalita o pag-iisip ng tungkol sa masasamang bagay. Kusang inaalis nito ang karamihan ng libangan na inilalaan ng sanlibutan. Walang sinumang makapagpapanatili ng kagalakang Kristiyano kung pinupuno niya ang kaniyang isip at puso ng mga kasinungalingan, mangmang na pagbibiro, at mga bagay na di-matuwid, imoral, salat sa kagalingan, nakapopoot, at kasuklam-suklam. Sa simpleng pananalita, walang sinumang makasusumpong ng tunay na kagalakan kung pinupuno ang kaniyang isip at puso ng karumihan. Sa masamang sanlibutan ni Satanas, anong laking pampatibay ang malamang maraming mabubuting bagay ang mapag-iisipan at mapag-uusapan ng mga Kristiyano!
Di-mabilang na mga Dahilan Para Magsayá
11. (a) Ano ang hindi kailanman dapat ipagwalang-bahala, at bakit? (b) Ano ang naging epekto sa isang delegado at sa kaniyang maybahay ng pagdalo sa isang internasyonal na kombensiyon?
11 Kapag pinag-uusapan ang mga dahilan upang magsayá, huwag nating kalilimutan ang ating internasyonal na kapatiran. (1 Pedro 2:17) Samantalang ang pambansa at panlahing mga grupo sa sanlibutan ay nagpapahayag ng matinding poot sa isa’t isa, ang bayan ng Diyos ay nagiging lalong malapit sa isa’t isa sa pag-iibigan. Lalo nang pinatutunayan ang kanilang pagkakaisa sa internasyonal na mga kombensiyon. Tungkol sa isang ginanap noong 1993 sa Kiev, Ukraine, ganito ang isinulat ng isang delegado buhat sa Estados Unidos: “Ang mga luha ng kagalakan, ang nagniningning na mga mata, ang walang patid na pagyayakapang tulad ng sa pamilya, at ang mga pagbati na ipinatatawid sa palaruan ng mga grupong nagwawagayway ng makukulay na mga payong at mga panyo ay malinaw na patotoo ng teokratikong pagkakaisa. Ang aming puso ay nag-uumapaw sa kagalakan dahil sa kahima-himalang nagawa ni Jehova sa pambuong-daigdig na kapatiran. Ito’y lubhang nakaantig sa damdamin naming mag-asawa at nagbigay ng bagong kahulugan sa aming pananampalataya.”
12. Papaano natutupad ang Isaias 60:22 sa harapan mismo natin?
12 Isang pampalakas nga ng pananampalataya para sa mga Kristiyano sa ngayon na makitang natutupad ang mga hula ng Bibliya sa mismong harapan nila! Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ng Isaias 60:22: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging isang matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sariling kapanahunan nito.” Nang isilang ang Kaharian noong 1914, may 5,100 lamang—isang munti—ang aktibong nangangaral. Subalit noong nakalipas na limang taon, ang laki ng pambuong-daigdig na kapatiran ay nadaragdagan sa katamtamang bilis na 5,628 bagong bautisadong mga Saksi bawat sanlinggo! Noong 1993, isang pinakamataas na bilang na 4,709,889 na aktibong mga ministro ang naabot. Gunigunihin lamang! Ito’y nangangahulugan na “ang munti” noong 1914 ay literal na nagiging “isang libo”!
13. (a) Ano ba ang nangyayari sapol noong 1914? (b) Papaano sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang simulain ng mga salita ni Pablo sa 2 Corinto 9:7?
13 Sapol noong 1914 ang Mesiyanikong Hari ay humayo ng pananakop sa gitna ng kaniyang mga kaaway. Ang kaniyang pamamahala ay suportado ng mga tagasunod na tao na kusang gumugugol ng panahon, lakas, at salapi upang isagawa ang pambuong-daigdig na pangangaral gayundin ang isang internasyonal na kampanya sa pagtatayo. (Awit 110:2, 3) Nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na ang mga abuloy na salapi ay ginagamit upang maisakatuparan ang mga gawaing ito, bagaman ang salapi ay bahagya lamang nababanggit sa kanilang mga pulong.a (Ihambing ang 1 Cronica 29:9.) Hindi na kailangang udyukan pa ang tunay na mga Kristiyano upang magbigay; itinuturing nilang isang pribilehiyo na suportahan ang kanilang Hari hanggang sa ipinahihintulot ng kanilang kalagayan, bawat isa “ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit.”—2 Corinto 9:7.
14. Anong kalagayan sa gitna ng bayan ng Diyos ang nasaksihan mula noong 1919, na nagbibigay sa kanila ng dahilan para magsayá?
14 Ang inihulang pagsasauli ng tunay na pagsamba sa gitna ng bayan ng Diyos ay nagbunga ng pagkalikha ng isang espirituwal na paraiso. Mula noong 1919 ay pasulong na lumalawak ang mga hangganan nito. (Awit 14:7; Isaias 52:9, 10) Ang resulta? Nakararanas ang tunay na mga Kristiyano ng “kagalakan at kasayahan.” (Isaias 51:11) Ang mabubuting bunga ay patotoo ng nagagawa ng banal na espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng di-sakdal na mga tao. Lahat ng kapurihan at karangalan ay nauukol kay Jehova, subalit may mas dakilang pribilehiyo pa ba kaysa maging kamanggagawa ng Diyos? (1 Corinto 3:9) May kapangyarihan si Jehova na pangyarihin na ang mga bato, kung kinakailangan, ay humiyaw ng mensahe ng katotohanan. Gayunpaman, minabuti niyang huwag gumamit ng ganitong paraan kundi, bagkus, udyukan ang kusang-loob na mga nilikha na alabok upang isagawa ang kaniyang kalooban.—Lucas 19:40.
15. (a) Anong mga pangyayari sa ngayon ang sinusundan natin nang may pananabik? (b) Sa anong pangyayari tayo nakatanaw nang may pagsasayá?
15 Palibhasa’y puspos ng panggigilalas, ang mga lingkod ni Jehova ngayon ay nagmamasid sa mga pangyayari sa daigdig yamang ang mga ito ay may kaugnayan sa mahahalagang hula ng Bibliya. Ang mga bansa ay nagsisikap—subalit bigo—upang makamit ang isang matatag na kapayapaan. Sila’y sapilitang pinakikilos ng mga pangyayari na umasa sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa upang kumilos sa mga lugar sa daigdig na may mga kaguluhan. (Apocalipsis 13:15-17) Samantala, ang bayan ng Diyos ay nakatanaw na sa hinaharap taglay ang malaking pananabik sa isa sa pinakamasasayang pangyayari na magaganap kailanman, isa na palapit nang palapit sa paglipas ng bawat araw. “Magsayá tayo at mag-umapaw sa kagalakan, at ibigay natin sa kaniya ang kaluwalhatian, sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili.”—Apocalipsis 19:7.
Pangangaral—Isang Pasanin o Isang Kagalakan?
16. Ilarawan kung papaanong ang hindi pagkakapit ng kaniyang natutuhan ay makapag-aalis sa isang Kristiyano ng kaniyang kagalakan.
16 “Ang mga bagay na inyong natutuhan at gayundin na tinanggap at narinig at nakita may kaugnayan sa akin, isagawa ninyo ang mga ito; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.” (Filipos 4:9) Sa pagkakapit ng kanilang natutuhan, makaaasa ang mga Kristiyano na tatanggap ng pagpapala ng Diyos. Isa sa pinakamahahalagang bagay na natutuhan nila ay ang pangangailangan na ipangaral sa iba ang mabuting balita. Oo, sino ang makapagtatamasa ng kapayapaan ng isip o magagalak kung ipinagkakait niya ang kaalaman sa tapat-pusong mga tao na ang mismong mga buhay ay nakasalalay sa pagdinig niyaon?—Ezekiel 3:17-21; 1 Corinto 9:16; 1 Timoteo 4:16.
17. Bakit ang ating gawaing pangangaral ay dapat laging pagmulan ng kagalakan?
17 Anong laking kagalakan ang makasumpong ng tulad-tupang mga tao na handang matuto tungkol kay Jehova! Oo, laging masusumpungan niyaong mga naglilingkod taglay ang tamang motibo na ang paglilingkod sa Kaharian ay pinagmumulan ng kagalakan. Ito’y sapagkat ang pangunahing dahilan sa pagiging isang Saksi ni Jehova ay ang purihin ang Kaniyang pangalan at itaguyod ang Kaniyang posisyon bilang Soberanong Tagapamahala. (1 Cronica 16:31) Ang tao na kumikilala sa katotohanang ito ay magsásayá kahit na kung ang mga tao ay may kamangmangang tumatanggi sa mabuting balita na kaniyang dinadala. Batid niya na ang pangangaral sa mga di-sumasampalataya ay matatapos balang araw; ang pagpuri sa pangalan ni Jehova ay magpapatuloy magpakailanman.
18. Ano ang nag-uudyok sa isang Kristiyano upang gawin ang kalooban ni Jehova?
18 Inuudyukan ng tunay na relihiyon yaong mga nagkakapit nito na gawin ang mga bagay na hinihiling ni Jehova, hindi dahil sa kailangang gawin nila iyon, kundi dahil sa ibig nila. (Awit 40:8; Juan 4:34) Maraming tao ang nahihirapang unawain ito. Isang ginang ang minsang nagsabi sa isang Saksi na dumadalaw sa kaniya: “Alam mo, dapat kang papurihan. Talagang hindi ako magbabahay-bahay na nangangaral ng tungkol sa aking relihiyon gaya ng iyong ginagawa.” Nakangiting tumugon ang Saksi: “Nauunawaan ko ang inyong nadarama. Bago ako naging isa sa mga Saksi ni Jehova, hindi ninyo ako mapalalapit sa ibang tao upang ipakipag-usap ang tungkol sa aking relihiyon. Subalit ngayon ay ibig ko.” Sandaling nag-isip ang ginang at saka nagsabi: “Maliwanag na ang inyong relihiyon ay may maihahandog na isang bagay na wala sa aking relihiyon. Baka kailangang magsuri ako.”
19. Bakit higit kailanman ngayon na ang panahon upang magsayá?
19 Ang 1994 taunang teksto, na kitang-kita sa ating mga Kingdom Hall, ay palagiang nagpapaalaala sa atin: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo.” (Kawikaan 3:5) Mayroon pa bang higit na dahilan sa pagsasayá kaysa pagkakaroon natin ng tiwala kay Jehova, ang ating moog na ating pinagkakanlungan? Ganito ang paliwanag ng Awit 64:10: “Ang matuwid ay magsásayá kay Jehova at manganganlong nga sa kaniya.” Hindi ito ang panahon upang mag-urong-sulong o huminto. Bawat lumilipas na buwan ay naglalapit sa atin sa katuparan ng minimithing makita ng mga lingkod ng Diyos mula pa noong mga kaarawan ni Abel. Ngayon ang panahon upang magtiwala kay Jehova nang ating buong puso, sa pagkaalam na higit kailanman tayo ay may napakaraming dahilan upang magsayá!
[Talababa]
a Sa mga kombensiyon at minsan sa isang buwan sa mga kongregasyon, isang maikling pag-uulat ang binabasa na nagpapakita ng halaga ng kusang-loob na mga abuloy na natanggap gayundin ang nagastos. Sa pana-panahon may mga sulat na ipinadadala na nagpapatalastas kung papaano ginagamit ang gayong mga donasyon. Sa gayon ang bawat isa ay napaaalalahanan tungkol sa kalagayan ng pananalapi ng pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ayon sa Nehemias 8:10, bakit dapat tayong magsayá?
◻ Papaano ipinakikita ng Deuteronomio 26:11 at 28:45-47 ang kahalagahan ng pagsasaya?
◻ Papaano makatutulong sa atin ang Filipos 4:4-9 upang laging magsayá?
◻ Anong dahilan upang magsayá ang ibinibigay sa atin ng 1994 taunang teksto?
[Larawan sa pahina 16]
Ang mga Saksing Ruso at Aleman ay nasasayahang maging bahagi ng isang internasyonal na kapatiran
[Larawan sa pahina 17]
Ang pamamahagi sa iba ng katotohanan ay isang dahilan upang magsayá