Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Ba Makakasundo ang Aking Kapatid na Lalaki o Babae?
LAHAT ng magkakapatid na lalaki o babae ay nag-aaway! Maraming kabataan—at mga may sapat na gulang—ang may ganiyang palagay. At sa kabila ng bagay na mahigit isang daang libong mga bata sa isang taon sa Estados Unidos ang iniulat na gumagamit ng isang baril o patalim laban sa isang kapatid na lalaki o babae, isang dalubhasa sa karahasan sa pamilya ang nananangis: “Hindi na pinapansin ng maraming tao ang karahasan ng magkakapatid.”
Kaya baka hindi ka gaanong makadama ng dahilan na makipagpayapaan sa iyong kapatid na lalaki o babae, bagaman kayo kapuwa ay maaaring madalas na hindi nagkakasundo. Gayumpaman, kahit na kung ang gayong mga di-pagkakasundo ay hindi nauuwi sa karahasan, kanilang ginugulo ang kapayapaan ng pamilya. Ang kabataang si Camille, halimbawa, ay nagsasabi tungkol sa kung ano ang reaksiyon ng kaniyang mga magulang kapag siya at ang kaniyang kapatid na babae ay nagtatalo: “Kinaiinisan ito ng aming mga magulang. Galit na galit sila kapag kami ay nag-aaway—nababalisa sila.” Mas mahalaga, ang madalas na pag-aawayan o pagtataltalan ay pumupukaw ng pangit na mga damdamin at emosyon. Sabi ng Bibliya: “Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagkakampi-kampi, doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama.”—Santiago 3:16.
Ang isang nakaraang artikulo ay nagbigay ng ilang dahilan kung bakit ang batang mga membro ng pamilya ay madalas na hindi magkasundo.a Kabilang sa mga ito: ang kakulangan ng pagkukusang makibahagi, kakulangan ng pag-iisa o pagsasarili, mga kaigtingan sa kaugnayan sa pamilya sa ikalawang asawa, at mga paninibugho. Sang-ayon sa Kawikaan 14:6, ang pagkakaroon ng pagkaunawang ito ay maglalagay sa iyo sa bentaha sapagkat “ang kaalaman ay madali sa kaniya na nag-uunawa.” Sa ibang salita, ang pagkaunawa mo kung bakit nahihirapan kang makasundo ang iyong kapatid ay gumagawa ritong mas madaling maunawaan kung paano mo makakasundo ang iyong kapatid na babae o lalaki. Ang sumusunod ay ilang espisipikong mga mungkahi.
Paghadlang sa mga Awayan sa Pamamagitan ng Pakikipagtalastasan
“Kung saan walang gatong ay namamatay ang apoy.” Gayon ang sabi ng Kawikaan 26:20. Ang simulaing ito ay kumakapit sa paghadlang sa pagkalat ng sunog sa kagubatan sa pamamagitan ng pagputol sa mga firebreak, mga mahaba’t makitid na piraso ng lupa kung saan ang lahat ng mga punungkahoy ay pinutol. Kung magsimula ang isang sunog, ayon sa teoriya maaari lamang itong sumulong hanggang sa dakong iyon, at pagkatapos ito ay mamamatay. Maaaari mong ikapit ang simulain ding iyon at iwasan—o hangga’t maaari ay takdaan—ang mga di-pagkakasundo sa iyong kapatid na lalaki o babae. Papaano? Sa pakikipagtalastasan at paggawa ng mga kasunduan bago sumiklab ang isang pagtatalo.
Halimbawa, ang problema ba ay na hindi ka mapag-isa? Kung gayon, sa isang panahon na ang isyu ay hindi mainit, subuking umupong magkasama at gumawa ng isang aktuwal na iskedyul. (‘Sarili ko ang kuwarto sa mga araw/oras na ito, at sarili mo ang kuwarto sa mga ito.’) Pagkatapos “ang maging pananalita ninyo’y Oo kung Oo, Hindi kung Hindi” sa pamamagitan ng paggalang sa kasunduan. (Mateo 5:37) Kung may dumating na nangangailangan ng isang pagbabago, ipaalaman sa isa nang patiuna, sa halip na basta ibigay sa kaniya ang pagbabago nang walang paunang-sabi o paunawa.
Pinag-aawayan ba ninyo ang tungkol sa karapatan sa pag-aari? Isang tin-edyer ay nagrireklamo: “Laging ginagamit ng aking kinakapatid na babae ang aking mga gamit nang hindi nagpapaalam sa akin. Ginagamit pa nga niya ang aking make-up, at pagkatapos ay may lakas pa siya ng loob na sabihin sa akin na hindi ko binibili ang tamang uri!” Maaari mong hilingin ang inyong mga magulang bilang pangwakas na mga tagahatol. Gayunman, mas mabuti pa na maupong kasama ng iyong kapatid na lalaki o babae sa isang mahinahong sandali. Sikaping magkasundo sa ilang mga tuntunin tungkol sa panghihiram, isa na rito ay na laging magpaalam muna bago kunin. Mangyari pa, gaya ng sa maraming iba pang kalagayan, ang ginintuang tuntunin ng Mateo 7:12 ay siyang susi: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.”
Kaya makipagtalastasan! Gumawa ng mga kasunduan. Magtakda ng espisipikong mga tuntunin. Sa ganitong paraan makikita mong ‘maglalaho ang apoy’ bago pa ito magsimula!
‘Hindi Ito Makatuwiran!’
“Nakukuha ng aking kapatid na babae ang lahat ng gusto niya,” panangis ng isang kabataan. “Subalit pagdating sa akin, lubusan akong hindi pinapansin.” Pamilyar ba iyan sa iyo? Ngunit pansinin ang dalawang salitang iyon, “lahat” at “lubusan.” Talaga bang ganoon kagrabe ang kalagayan? Kapag tayo’y balisa, may hilig tayong palabisin ang kalagayan. Ang Bibliya ay nagbibigay ng pampatibay-loob na ito: “Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao.” (Filipos 4:5) Ang pagiging makatuwiran ay literal na nangangahulugan ng ‘pagpaparaya’ at ‘hindi iginigiit ang literal na pagpapakahulugan sa batas.’ Makatuwiran bang umasa ng sakdal na pakikitungo mula sa di-sakdal na mga magulang? Makatuwiran bang umasa ng ganap na magkaparehong pakikitungo para sa dalawang magkaibang indibiduwal? Mangyari pa ay hindi!
Ang panganib ng pagiging mabilis sa pagtawag sa mga magulang na hindi makatuwiran ay inilalarawan sa kuwento ng Bibliya tungkol kay Jose. Kinapootan siya ng kaniyang mga kapatid sapagkat siya ang paborito ng kanilang ama, si Jacob. Gayunman, nang ang mga kapatid ni Jose ay nagpapastol ng kanilang kawan sa isang malayong lugar, ipinakita ni Jacob na mayroon din siyang matinding pagkabahala sa kaniyang iba pang mga anak na lalaki sa pamamagitan ng pagsugo kay Jose upang tingnan ang kanilang kaligtasan. Sa gayunding paraan, maaaring masumpungan mo na ang iyong hinanakit sa iyong kapatid na lalaki o ang pagtanggap ng isang kapatid na babae ng ‘espesyal na pakikitungo’ ay wala ring batayan.—Genesis 37:1-4, 13.
Mahalagang tandaan ito lalo na kapag ikaw ay may mga kinakapatid na lalaki o babae. Sabi ng isang artikulo sa magasing ’Teen: “May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pantay o parehong pakikitungo at makatuwirang pakikitungo. Ang mga tao ay may kani-kaniyang personalidad at kani-kaniyang mga pangangailangan. . . . Sa halip na sikaping tumanggap ng parehong pakikitungo, mahalagang tingnan kung sinisikap ng iyong magulang sa pangalawang asawa na tugunan ang inyong mga pangangailangan. Kung inaakala mong ang iyong mga pangangailangan ay hindi natutugunan, kung gayon maaari mong kausapin tungkol diyan ang iyong magulang sa pangalawang asawa.”
Mga Kapatid na Lalaki o Babae Isang Pagpapala?
Wari bang mahirap itong paniwalaan kung minsan—lalo na kapag iniinis ka nila. Subalit ang isang di pa nagagamit na tulong upang makasundo ang iyong mga kapatid na lalaki o babae ay ang paggunita sa mga pakinabang ng pagkakaroon ng mga kapatid! Ang saykayatris ng bata na si James P. Comer ay nagpapaalaala sa atin na “ang labanan sa gitna ng mga magkakapatid na lalaki o babae ay isang litaw na bahagi ng pagkabata na kung minsan nakakalimutan natin na ang mga kapatid ay mga kasama at mga kaibigan din.” Si Diane ay talagang sumasang-ayon. “Masaya ang may mga kapatid na lalaki o babae,” sabi niya. Mayroon siyang pitong kapatid. “Mayroon kang makakausap at mababahaginan ng iyong mga interes.”
Ganito pa ang sabi ng kaniyang kapatid na si Dennis: “Lagi kang may makukunan ng palagay o opinyon.” Si Anne Marie at ang kaniyang kapatid na si Andre ay sumasang-ayon sa mga pakinabang ng pagkakaroon ng isang handang kasama: “Kahit na maaari kang mamasyal na kasama ng iyong mga kaibigan, lagi mong makakasama ang iyong mga kapatid na lalaki o babae. Lagi silang naroroon kung nais mong maglaro o magtungo sa parke.” Nakikita ni Donna ang isa pang pakinabang: “Mayroon kang makakasama sa paggawa ng mga gawain sa bahay.” Inilarawan ng iba ang kanilang kapatid na lalaki o babae na “isang pantanging tagapayo at tagapakinig” at isa na “nakauunawa ng nararanasan ko.”
Higit pa riyan, isaalang-alang ang mga pakinabang sa hinaharap. Sa dakong huli ng buhay, mararanasan mo ang ilan sa mga mismong problema sa iba na nararanasan mo ngayon sa iyong kapatid na lalaki o babae. Paninibugho, mga karapatan sa pag-aari, hindi pantay na pakikitungo, kakulangan ng pag-iisa, kaimbutan, mga pagkakaiba sa personalidad—ang gayong mga problema ay bahagi ng buhay. Kaya malasin mo ang pagkatutong makasundo ang iyong mga kapatid na lalaki o babae na isang pagsasanay sa kaakit-akit at kadalasan ay nakalilitong larangan sa mga kaugnayan ng tao.
Pagbibigay Pansin sa Diyos
Ang pinakamalaking pangganyak sa paggawa ukol sa kapayapaan ng pamilya, gayunman, ay ang pagkaalam na maaari nitong pasulungin ang iyong kaugnayan sa Diyos. Ang disisiete-anyos na si Andre ay sumasang-ayon sa mga pananalita ng Bibliya sa 1 Juan 4:20 nang sabihin niya: “Kung hindi mo makasundo ang mga taong nakikita mo, paano mo makakasundo si Jehova, na hindi mo nakikita?”
Totoo, hindi laging madaling tandaan ito. Ganito ang sabi ni Anne Marie: “Kapag ikaw ay nakikipag-away, kung minsan ay hindi mo iniisip kung paano nito naaapektuhan ang iyong kaugnayan kay Jehova. Ang naiisip mo lamang ay kung paano mo maipadarama sa isa na siya ay tanga o makapaghiganti.” Subalit upang mapanatili ang pagsang-ayon ng Diyos dapat mong ‘bigyang-pansin siya sa lahat ng iyong mga daan.’—Kawikaan 3:6.
Hindi ito nangangahulugan na hinding-hindi mo na makakaaway ang iyong mga kapatid na babae o lalaki. Subalit matututuhan mong gawin ang gayon nang walang “malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw.” (Efeso 4:31) Isang 15-anyos na babae, halimbawa, ang dating humahanap ng mga paraan upang simulan ang away sa kaniyang mga kapatid na lalaki o babae. Ngunit pagkatapos pag-aralan at ikapit ang Bibliya sa kaniyang buhay, sabi niya: “Hindi na ako naghahanap ng away kundi iniiwasan ko ito.” Bakit hindi mo sikaping gawin din ang gayon? Maaaring masumpungan mo pa nga na hindi naman pala masama ang pagkakaroon ng isang kapatid na lalaki o babae.
[Talababa]
a Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit ba Napakahirap Makasundo ng Aking Kapatid na Lalaki at Babae?” sa Hulyo 22, 1987, na labas ng Gumising!
[Blurb sa pahina 27]
“May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pantay o parehong pakikitungo at makatuwirang pakikitungo. Ang mga tao ay may kani-kaniyang personalidad at kani-kaniyang mga pangangailangan”
[Larawan sa pahina 26]
Huwag kang maghinuha na hindi makatuwiran na kung minsan ang iyong kapatid na lalaki o babae ay tumatanggap ng higit na pansin kaysa iyo