Huwag Padaig sa Kabalisahan
“HUWAG kayong mabalisa kailanman tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magtataglay ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.” (Mateo 6:34) Ang payong iyan na ibinigay ni Jesu-Kristo ay tiyak na praktikal para sa ating lahat na nabubuhay sa kasalukuyang nagmamadali at maigting na lipunan.
Subalit sa totoo, posible nga ba para sa atin na hindi mabalisa sa ating mga problema, pasiya, obligasyon, at mga pananagutan? Milyun-milyong mga tao ang nanlulumo, nababagabag, at nabibigatan. Kaya naman ang mga gamot na pampakalma at pampatulog ay isang multimilyong-dolyar na negosyo.
Kung Saan Magtatakda ng Hangganan
Tayo ay kailangang magplano at maghanda para sa ating mga obligasyon, atas, pasiya, at mga problema—ang mga ito man ay apurahan o hindi. Pinasisigla tayo ng Bibliya na ‘maupo at kalkulahin ang gastusin’ bago magsimula sa anumang malaking proyekto. (Lucas 14:28-30) Kasali rito ang pagtitimbang-timbang sa mga mapagpipilian, anupat sinusuri ang posibleng mga epekto ng kalalabasan, at tinutuos ang guguguling panahon, lakas, at salapi.
Bagaman dapat na pag-isipang maigi ng isa ang maaaring mangyari, imposible o hindi makabubuti na sikaping isipin ang lahat ng kahihinatnan. Halimbawa, sa kapakanan ng kaligtasan ng pamilya, maaari mong pag-isipan kung ano ang dapat gawin sakaling magkasunog sa inyong tahanan. Maaari kang bumili at magkabit ng mga smoke detector at mga pamatay-sunog. Maaari mong planuhin at pagsanayan ang mga daang tatakasan mula sa iba’t ibang panig ng bahay. Subalit kailan natatapos ang makatuwiran at praktikal na pagpaplano at kailan nagsisimula ang labis-labis at di-kinakailangang kabalisahan? Ang gayong kabalisahan ay nagsisimula kapag labis-labis ka nang nababahala dahil sa napakaraming mga inaakalang mangyayari, na karamihan sa mga ito ay baka bunga lamang ng isang malikot na imahinasyon. Maaaring hindi ka patahimikin ng kabalisahan, anupat napaniniwala ka na tiyak na nakaligtaan mo ang isang bagay o na hindi mo pa nagagawa ang lahat upang ipagsanggalang ang iyong pamilya. Ang pagpapahirap na ito sa sarili ay maaaring maging pabigat sa iyong isip anupat hindi ka na makatulog dahil dito.
Si Moises sa Harapan ni Paraon
Binigyan ng Diyos na Jehova ng mahirap na atas ang kaniyang propetang si Moises. Una, kinailangang humarap si Moises sa mga Israelita at kumbinsihin sila na hinirang siya ni Jehova upang akayin sila palabas sa Ehipto. Sumunod, si Moises ay kinailangang humarap kay Paraon at humiling na payaunin ang mga Israelita. Kahuli-hulihan, kinailangang pangunahan ni Moises sa iláng ang isang lubhang karamihan na may bilang na milyun-milyon patungo sa isang lupain na pinananahanan ng mga kaaway. (Exodo 3:1-10) Lahat ng ito ay maaaring lubhang nakatatakot, ngunit hinayaan ba ni Moises na malipos ng di-kinakailangang kabalisahan ang kaniyang isip dahil sa pananagutang ito?
Maliwanag na nabahala si Moises sa maraming isyu. Tinanong niya si Jehova: “Sakali mang pumaroon ako ngayon sa mga anak ni Israel at sabihin ko sa kanila, ‘Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano ang sasabihin ko sa kanila?” Sinagot naman siya ni Jehova. (Exodo 3:13, 14) Nabahala rin si Moises tungkol sa maaaring mangyari kung hindi maniniwala sa kaniya si Paraon. Muli na namang sinagot ni Jehova ang propeta. Isa pang huling problema—inamin ni Moises na “hindi [siya] bihasang tagapagsalita.” Paano ito malulutas? Ibinigay ni Jehova si Aaron upang maging tagapagsalita ni Moises.—Exodo 4:1-5, 10-16.
Palibhasa’y alam na ang sagot sa kaniyang mga tanong at may pananampalataya sa Diyos, ginawa ni Moises ang utos ni Jehova. Sa halip na pahirapan ang kaniyang sarili sa mga nakatatakot na kaisipan hinggil sa posibleng mangyari kapag humarap na siya kay Paraon, “gayung-gayon” ang ginawa ni Moises. (Exodo 7:6) Kung hinayaan niyang manaig ang kabalisahan, baka pinahina nito ang pananampalataya at katapangan na kailangan upang maisagawa ang kaniyang atas.
Ang timbang na paraan ng pagharap ni Moises sa kaniyang atas ay isang halimbawa ng tinatawag ni apostol Pablo na “katinuan ng pag-iisip.” (2 Timoteo 1:7; Tito 2:2-6) Kung hindi naging matino ang pag-iisip ni Moises, baka madali siyang nalipos ng pangamba sa dami ng kaniyang atas anupat maaaring hindi na niya ito tinanggap.
Pagsupil sa Iyong Pag-iisip
Ano ang iyong reaksiyon kapag napapaharap ka sa mga pagsubok sa iyong pananampalataya o sa mga kahirapan sa iyong araw-araw na pamumuhay? May tendensiya ka bang mataranta anupat wala nang nasa isip kundi ang mga hadlang at mga hamon na napipintong dumating? O minamalas mo ang mga ito sa timbang na paraan? Gaya ng sinasabi ng ilan, ‘Huwag kang tumawid sa tulay hangga’t wala ka pa roon.’ Baka hindi naman pala kailangang tumawid sa naguguniguning tulay na iyon! Kaya bakit matataranta sa isang bagay na baka hindi naman mangyari? Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon.” (Kawikaan 12:25) Ang karaniwang resulta ay na magpapaliban-liban ang isa sa pagpapasiya, anupat isinasaisantabi ang mga bagay hanggang sa maging huli na ang lahat.
Ang higit na malubha ay ang espirituwal na pinsala na maaaring idulot ng di-kinakailangang kabalisahan. Ipinakita ni Jesu-Kristo na maaaring mahadlangan ang pagpapahalaga sa “salita ng kaharian” dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan at “kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay.” (Mateo 13:19, 22) Kung paanong nahahadlangan ng tinik ang paglaki at pamumunga ng mga punla, gayundin tayo nahahadlangan ng di-kontroladong kabalisahan sa paggawa ng espirituwal na pagsulong at pamumunga ukol sa kapurihan ng Diyos. Ang nakapipinsalang pagpapahirap sa sarili ay nakahadlang pa nga sa ilan sa kanilang pag-aalay kay Jehova. Kanilang ikinababahala, ‘Paano kung hindi ako makapamuhay ayon sa aking pag-aalay?’
Sinabi sa atin ni apostol Pablo na sa ating espirituwal na pakikipaglaban, sinisikap nating dalhin ang “bawat kaisipan sa pagkabihag upang gawing masunurin iyon sa Kristo.” (2 Corinto 10:5) Ang ating pangunahing kaaway, si Satanas na Diyablo, ay labis na matutuwang samantalahin ang ating pag-aalala upang sirain ang ating loob at pahinain tayo sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Siya ay dalubhasa sa paggamit ng mga pag-aalinlangan upang bitagin ang mga di-maingat. Kaya naman nagbabala rin si Pablo sa mga Kristiyano na huwag “magbigay ng dako sa Diyablo.” (Efeso 4:27) Bilang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” matagumpay na “binulag [ni Satanas] ang isipan ng mga di-mananampalataya.” (2 Corinto 4:4) Huwag nawa natin siyang pahintulutan kailanman na supilin ang ating pag-iisip!
May Nakahandang Tulong
Kapag may mga problema, ang isang bata ay makalalapit sa isang maibiging ama at makatatanggap ng patnubay at kaaliwan. Gayundin naman, makalalapit tayo sa ating makalangit na Ama, si Jehova, hinggil sa ating mga problema. Sa katunayan, inaanyayahan tayo ni Jehova na ihagis ang ating mga pasanin at kabalisahan sa kaniya. (Awit 55:22) Tulad ng isang bata na hindi na nababahala sa kaniyang mga problema matapos na makatanggap ito ng katiyakan mula sa kaniyang ama, hindi lamang natin dapat ihagis ang ating mga pasanin kay Jehova kundi dapat din nating ipaubaya ang mga ito sa kaniya.—Santiago 1:6.
Paano natin ihahagis ang ating mga kabalisahan kay Jehova? Sumasagot ang Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Oo, bilang tugon sa ating matiyagang pananalangin at pagsusumamo, maaari tayong pagkalooban ni Jehova ng panloob na kapayapaan na magsasanggalang sa ating pag-iisip upang huwag mabagabag sa di-kinakailangang mga kabalisahan.—Jeremias 17:7, 8; Mateo 6:25-34.
Subalit sa paggawang kasuwato ng ating mga panalangin, hindi natin dapat ihiwalay ang ating sarili sa pisikal man o sa mental na paraan. (Kawikaan 18:1) Sa halip, makabubuti kung pag-iisipan natin ang mga simulain at patnubay ng Bibliya na may kaugnayan sa ating problema, sa gayo’y naiiwasan nating umasa sa ating sariling kaunawaan. (Kawikaan 3:5, 6) Kapuwa ang mga kabataan at mga may edad na ay makababaling sa Bibliya at sa mga publikasyon ng Watch Tower para sa saganang impormasyon hinggil sa paggawa ng mga pasiya at pagharap sa mga suliranin. Bukod dito, sa Kristiyanong kongregasyon, tayo ay biniyayaan ng matatalino at makaranasang matatanda at iba pang may-gulang na Kristiyano na laging handang makipag-usap sa atin. (Kawikaan 11:14; 15:22) Yaong mga hindi kasangkot sa emosyonal na paraan at nagtataglay ng kaisipan ng Diyos hinggil sa isang bagay ay madalas na nakatutulong sa atin na makita ang ating suliranin sa isang naiibang pangmalas. At bagaman hindi sila ang magpapasiya para sa atin, sila’y maaaring pagmulan ng malaking pampatibay-loob at suporta.
“Maghintay Ka sa Diyos”
Walang makapagkakaila na sapat na ang kaigtingang nararanasan natin sa tunay na mga suliranin sa bawat araw kahit hindi na dagdagan ang mga ito ng inaakalang mga alalahanin. Kung ang kabalisahan sa maaaring mangyari ay nakapagpapakaba at nakababagabag sa atin, kung gayon ay manalangin at magsumamo tayo kay Jehova. Umasa sa kaniyang Salita at organisasyon ukol sa patnubay, karunungan, at katinuan ng pag-iisip. Masusumpungan natin na anumang kalagayan ang bumangon, may nakahandang tulong upang maharap ito.
Nang nabibigatan at naliligalig, umawit ang salmista: “Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko, at bakit ka nababagabag sa loob ko? Maghintay ka sa Diyos, sapagkat pupurihin ko pa siya bilang ang dakilang kaligtasan ng aking pagkatao at bilang aking Diyos.” (Awit 42:11) Hayaang maging gayon ang ating damdamin.
Oo, magplano ukol sa maaaring makatuwirang asahan, at ipaubaya kay Jehova ang di-inaasahan. ‘Ihagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’—1 Pedro 5:7.
[Larawan sa pahina 23]
Ikaw ba, tulad ni David, ay naghahagis ng iyong mga pasanin at kabalisahan kay Jehova?