PRETORIO, TANOD NG
Isang pantanging pangkat ng mga kawal na Romano, sa pasimula ay inorganisa ni Augusto bilang tagapagbantay ng emperador. Binubuo ito ng siyam (nang maglaon ay ginawang sampu) na cohort na tig-1,000 lalaki bawat isa. Sila ay pawang mga boluntaryong Italyano; ang suweldo nila ay doble o triple ng kita ng isang kawal na nasa mga hukbo. Inilagay ni Tiberio ang kalakhang bahagi ng corps d’elite na ito sa Roma sa pamamagitan ng pagtatayo ng nakukutaang baraks sa H ng mga pader ng lunsod. Bagaman ang mga cohort ay maaaring ipadala sa mga lupaing banyaga, tatlo sa mga ito ang laging nakahimpil sa Roma, anupat ang isa ay nasa baraks na karatig ng palasyo ng emperador. Yamang karaniwan nang ang Tanod ng Pretorio ang tanging hukbo na nakapirme sa Italya, sila ay naging isang makapangyarihang pulitikal na puwersa sa pagsuporta o pagpapabagsak sa isang emperador. Sa kalaunan, nagbago ang laki at kayarian ng Tanod ng Pretorio, anupat tinatanggap na rito pati ang mga kalalakihan mula sa mga probinsiya. Nang dakong huli ay inalis ito ni Emperador Constantino noong 312 C.E.
Sa mga Ebanghelyo at sa Mga Gawa, ang anyong Latin na prai·toʹri·on ay ginagamit may kinalaman sa isang palasyo o tirahan. Ang tolda ng isang kumandante ng hukbo ay nakilala bilang praetorium, anupat nang maglaon, ang terminong ito ang itinawag sa tirahan ng gobernador ng probinsiya. Kaya naman ang pagtatanong ni Pilato kay Jesus ay naganap sa praetorium, o “palasyo ng gobernador.” (Ju 18:28, 33; 19:9; tingnan ang PALASYO NG GOBERNADOR.) Maliwanag na doon inilalapat ang mga hatol at naroon ang baraks ng mga hukbo. (Mat 27:27; Mar 15:16) Sa Cesarea, si Pablo ay ‘iningatang nababantayan sa palasyong pretorio ni Herodes.’—Gaw 23:35.
Dahil sa paggamit na ito, iminumungkahi ng ilan na ang prai·toʹri·on sa Filipos 1:13 ay tumutukoy sa palasyo ni Nero sa Burol ng Palatine o sa isang bulwagan ng paghatol kung saan maaaring dininig ang kaso ni Pablo. Gayunman, itinatawag-pansin ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (Tomo VIII, p. 469): “Hindi iyon ang palasyo ng emperador, . . . sapagkat hindi ito kailanman tinawag na prætorium sa Roma; ni iyon man ang bulwagan ng paghatol, sapagkat walang nakatayong gayong gusali sa Roma, at ang pangalang prætoria ay nitong bandang huli na lamang itinawag sa mga hukuman ng katarungan.” Nang unang mabilanggo sa Roma, si Pablo ay “pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na nagbabantay sa kaniya.” (Gaw 28:16) Kaya ang kaniyang mga gapos ng bilangguan ay naging hayag na kaalaman may kaugnayan kay Kristo sa gitna ng mga kawal ng Tanod ng Pretorio, lalo na kung pinapalitan araw-araw ang bantay niya. Dahil dito, inuunawa ng maraming tagapagsalin na ang prai·toʹri·on sa Filipos 1:13 ay tumutukoy sa Tanod ng Pretorio at hindi sa isang gusali o hudisyal na lupon.—RS, NW, AS, TC.
Inilalakip ng Textus Receptus sa Gawa 28:16 ang ganito: “ibinigay ng senturyon ang mga bilanggo sa kapitan ng bantay.” (KJ) Ang huling nabanggit na opisyal ay tinutukoy ng ilan bilang si Sextus Afranius Burrus, ang prepekto ng Tanod ng Pretorio sa ilalim ni Nero hanggang noong 62 C.E. Ganito pa nga ang salin dito ni Darby: “ibinigay ng senturyon ang mga bilanggo sa prepekto ng pretorio.” Gayunman, inilalagay ng bersiyon ni Darby ang materyal na ito sa mga braket bilang isang kaso kung saan iba-iba ang mababasa sa mga manuskrito. Hindi naman matatagpuan sa ibang makabagong mga bersiyon ang pariralang ito yamang wala ito sa sinaunang mga manuskrito gaya ng Sinaitic, Alexandrine, at Vatican No. 1209.—RS, AT, NW, JB.
[Larawan sa pahina 970]
Modelo ng isang miyembro ng Tanod ng Pretorio