MAMAMAYAN, PAGKAMAMAMAYAN
Ang isang mamamayan ay isang katutubo ng isang lunsod o estado o isang naturalisadong tumatahan doon anupat mayroon siyang mga karapatan at mga pribilehiyo na wala sa iba at, gayundin naman, binabalikat niya ang mga pananagutang inilakip sa gayong mga karapatan ng mga awtoridad na nagkaloob ng pagkamamamayan. Sa Bibliya, ang mga terminong “mamamayan” at “pagkamamamayan” ay sa Kristiyanong Griegong Kasulatan lamang lumilitaw. Ang mga salitang Griego na po·liʹtes (mamamayan), po·li·teiʹa (mga karapatan bilang isang mamamayan; pagkamamamayan; estado), po·liʹteu·ma (pagkamamamayan; buhay bilang mga mamamayan), syn·po·liʹtes (kapuwa mamamayan), at po·li·teuʹo·mai (gumawi bilang isang mamamayan) ay pawang nauugnay sa poʹlis, nangangahulugang “lunsod.”
Bagaman hindi matatagpuan sa Hebreong Kasulatan ang mga terminong “mamamayan” at “pagkamamamayan,” ang ideya ng pagiging mamamayan at hindi mamamayan ay naroroon sa mga terminong gaya ng “katutubo” at “naninirahang dayuhan.” (Lev 24:22) Sa ilalim ng kaayusan ng Kautusang Mosaiko, ang kongregasyon, sa katunayan, ang siyang komonwelt kung saan maaaring tanggapin ang mga dayuhan, bagaman may ilang restriksiyon, upang tamasahin nila roon ang maraming pakinabang na karaniwan sa mga likas na Israelita. Maaaring sabihin na ang katumbas naman ng naturalisasyon ay ang pagtutuli sa isang lalaking naninirahang dayuhan, sa gayon ay pinagkakalooban siya ng pagkakataon na lubusang magtamasa ng mas malalaking pribilehiyo sa pagsamba kay Jehova, anupat maaari pa nga siyang makibahagi sa taunang kapistahan ng Paskuwa.—Exo 12:43-49; Bil 9:14; tingnan ang BANYAGA; NANINIRAHANG DAYUHAN.
Pagkamamamayang Romano. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng pantanging mga karapatan at mga kalayaan na kinikilala at tinatanggap sa buong imperyo. Halimbawa, labag sa batas ang pagpapahirap o paghagupit sa isang mamamayang Romano sa layuning paaminin siya, yamang ang mga anyong ito ng kaparusahan ay itinuturing na lubhang mapanghamak at para lamang sa mga alipin. Sa Jerusalem, iniligtas si Pablo ng mga kawal na Romano mula sa mga mang-uumog na Judio. Hindi muna nagpakilala si Pablo bilang isang mamamayang Romano, ngunit nang hahagupitin na siya, sinabi niya sa isang opisyal ng hukbo na nakatayo sa tabi: “Matuwid bang hagupitin ninyo ang isang tao na isang Romano at hindi pa nahahatulan?” “Buweno,” patuloy ng ulat, “nang marinig ito ng opisyal ng hukbo, siya ay pumaroon sa kumandante ng militar at nagbigay-alam, na sinasabi: ‘Ano ang balak mong gawin? Aba, ang taong ito ay isang Romano.’” Nang mabatid ang katotohanan hinggil sa bagay na ito, kaagad na “lumayo sa kaniya ang mga lalaki na magsisiyasat sana sa kaniya na may kasamang pagpapahirap; at ang kumandante ng militar ay natakot nang matiyak na siya ay isang Romano at na iginapos niya siya.”—Gaw 21:27-39; 22:25-29; tingnan din ang Gaw 16:37-40.
Ang isa pang pakinabang at pribilehiyo na tinatamasa sa ilalim ng pagkamamamayang Romano ay ang karapatang iapela sa emperador ng Roma ang pasiya ng isang gobernador ng probinsiya. Sa kaso ng kasalanang may parusang kamatayan, ang isang mamamayang Romano ay may karapatang maipadala sa Roma para sa paglilitis sa harap mismo ng emperador. Kaya naman nang ipinakikipagtalo ang kaniyang kaso sa harap ni Festo, ipinahayag ni Pablo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan ako dapat hatulan. . . . walang sinumang tao ang makapagbibigay sa akin sa [mga Judio] bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!” (Gaw 25:10-12) Minsang hilingin ng isa ang karapatang umapela sa Roma, hindi na niya ito maaaring bawiin. Kaya matapos suriin ang kaso ni Pablo, sinabi ni Haring Agripa II kay Festo: “Napalaya na sana ang taong ito kung hindi siya umapela kay Cesar.”—Gaw 26:32.
Ang pagkamamamayang Romano ay maaaring matamo sa iba’t ibang paraan. May mga pagkakataon na iginagawad ng mga emperador ang pantanging pabor na ito sa buu-buong lunsod o distrito, o sa mga indibiduwal, dahil sa ginawa nilang mga paglilingkod. Kung minsan, posible ring basta bilhin ang pagkamamamayan kapalit ng salapi, anupat ganito ang kaso ng kumandante ng militar na si Claudio Lisias, na nagsabi kay Pablo: “Binili ko ng malaking halaga ng salapi ang mga karapatang ito bilang isang mamamayan.” Gayunman, sinagot ni Pablo ang pahayag ni Claudio Lisias na binili nito ang mga karapatan nito bilang mamamayan, sa pagsasabing, “Ngunit ako ay ipinanganak pa man din sa mga ito.”—Gaw 22:28.
Espirituwal na Pagkamamamayan. Sa kaniyang mga liham, tinutukoy rin ni Pablo ang espirituwal na pagkamamamayan. Inilalarawan niya ang di-tuling mga Gentil na naging espirituwal na mga Israelita bilang yaong mga noong una ay walang Kristo, hiwalay sa Israel at mga taga-ibang bayan sa mga tipan, walang pag-asa, walang Diyos, ngunit ‘ngayon ay kaisa ni Kristo Jesus.’ “Kaya nga,” pagpapatuloy niya sa temang iyon, “tiyak na hindi na kayo mga taga-ibang bayan at mga naninirahang dayuhan, kundi kayo ay mga kapuwa mamamayan ng mga banal.” (Efe 2:12, 13, 19) May pantanging kahulugan ang isinulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos, isa sa mga lunsod na pinagkalooban ng pagkamamamayang Romano at kung saan niyurakan ang kaniyang pagkamamamayang Romano sampung taon bago nito: “Kung para sa atin, ang ating pagkamamamayan ay nasa langit.” (Fil 3:20) Sa liham ding iyon, pinayuhan niya ang kaniyang mga kapananampalataya na ‘gumawi sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita.’ Ang salitang Griego na isinaling “gumawi” (po·li·teuʹo·mai) ay literal na nangangahulugang “gumawi bilang isang mamamayan.”—Fil 1:27; ihambing ang Int.