Pagkakaisa—Katangian ng Tunay na Pagsamba
“Ilalagay ko sila sa pagkakaisa, tulad ng mga tupa sa kural.”—MIK. 2:12.
1. Paano nakikita ang karunungan ng Diyos sa kaniyang mga nilalang?
BUMULALAS ang salmista: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.” (Awit 104:24) Ang karunungan ng Diyos ay kitang-kita sa pagkakaugnay-ugnay ng milyun-milyong uri ng halaman, insekto, hayop, at baktirya sa masalimuot na kawing ng buhay sa lupa. Gayundin, sa iyong katawan, lahat ng bahagi nito—mula sa malalaking sangkap hanggang sa napakaliliit na molekula ng iyong mga selula—ay nagtutulungan para manatili kang buháy at malusog.
2. Bakit nakapagtataka na nagkakaisa ang mga Kristiyano noon, gaya ng makikita sa pahina 13?
2 Nilalang ni Jehova ang mga tao para magtulungan sa isa’t isa. Iba-iba ang kanilang hitsura, personalidad, at kakayahan. Bukod diyan, pinagkalooban niya ang unang mag-asawa ng makadiyos na mga katangian para magkatulungan sila. (Gen. 1:27; 2:18) Pero ngayon, karamihan sa mga tao ay hiwalay sa Diyos at di-nagkakaisa. (1 Juan 5:19) Kaya naman nakapagtataka na nagkakaisa ang kongregasyong Kristiyano noon gayong binubuo ito ng sari-saring tao, gaya ng mga aliping taga-Efeso, mga prominenteng babaing Griego, mga edukadong lalaking Judio, at mga dating mananamba sa idolo.—Gawa 13:1; 17:4; 1 Tes. 1:9; 1 Tim. 6:1.
3. Paano inilalarawan ng Bibliya ang pagkakaisa ng mga Kristiyano? Ano ang tatalakayin sa pag-aaral na ito?
3 Dahil sa tunay na pagsamba, ang mga tao ay nagtutulungan sa isa’t isa na parang mga sangkap ng katawan. (Basahin ang 1 Corinto 12:12, 13.) Tatalakayin sa artikulong ito ang sumusunod na mga punto: Paano pinagkakaisa ng tunay na pagsamba ang mga tao? Bakit si Jehova lang ang makapagpapangyaring magkaisa ang milyun-milyong tao mula sa lahat ng bansa? Anong mga hadlang sa pagkakaisa ang napagtatagumpayan natin sa tulong ni Jehova? At paano nagkakaiba ang tunay na Kristiyanismo at ang Sangkakristiyanuhan pagdating sa pagkakaisa?
Paano Pinagkakaisa ng Tunay na Pagsamba ang mga Tao?
4. Paano pinagkakaisa ng tunay na pagsamba ang mga tao?
4 Kinikilala ng mga tunay na mananamba na si Jehova ang nararapat na maging Soberano ng uniberso dahil siya ang lumalang ng lahat ng bagay. (Apoc. 4:11) Kaya bagaman nakatira sila sa iba’t ibang bansa at may iba’t ibang kalagayan sa buhay, iisang kalipunan ng mga batas at simulain mula sa Bibliya ang sinusunod nila. Tinatawag nila si Jehova bilang “Ama.” (Isa. 64:8; Mat. 6:9) Kaya silang lahat ay magkakapatid at nasisiyahan sa pagkakaisang inilalarawan ng salmista: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”—Awit 133:1.
5. Anong katangian ang nakakatulong sa pagkakaisa ng mga tunay na mananamba?
5 Bagaman di-sakdal ang mga tunay na Kristiyano, nagkakaisa sila sa pagsamba dahil natutuhan nilang ibigin ang isa’t isa. Si Jehova lang ang makapagtuturo sa kanila na ibigin ang isa’t isa. (Basahin ang 1 Juan 4:7, 8.) Sinasabi ng Bibliya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:12-14) Ang sakdal na bigkis na ito ng pagkakaisa—pag-ibig—ang pangunahing pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. Napatunayan mo na ba na talagang isang katangian ng tunay na pagsamba ang pagkakaisa?—Juan 13:35.
6. Paano tumutulong ang pag-asa ukol sa Kaharian para magkaisa tayo?
6 Nagkakaisa rin ang mga tunay na mananamba dahil naniniwala silang ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng mga tao. Alam nilang malapit nang ihalili sa mga gobyerno ng tao ang Kaharian ng Diyos, na magdudulot ng tunay at namamalaging kapayapaan sa masunuring mga tao. (Isa. 11:4-9; Dan. 2:44) Kaya sinusunod nila ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Nananatili silang neutral pagdating sa mga alitan sa daigdig, kaya naman nagkakaisa sila kahit nagdidigmaan ang mga tao sa palibot nila.
Iisang Pinagmumulan ng Instruksiyon
7, 8. Paano nakakatulong sa ating pagkakaisa ang instruksiyon mula sa Bibliya?
7 May pagkakaisa ang unang-siglong mga Kristiyano dahil iisa ang pinagmumulan ng tinatanggap nilang pampatibay-loob. Kinilala nila na si Jesus ang nagtuturo at pumapatnubay sa kongregasyon sa pamamagitan ng lupong tagapamahala, na binubuo ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. Ibinatay ng tapat na mga lalaking ito ang kanilang mga desisyon sa Salita ng Diyos at mayroon silang mga naglalakbay na tagapangasiwa na naghahatid ng mga tagubilin sa mga kongregasyon sa maraming lupain. Tungkol sa gayong mga tagapangasiwa, sinabi ng Bibliya: “Habang naglalakbay sila sa mga lunsod ay dinadala nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na naipasiya ng mga apostol at ng matatandang lalaki na nasa Jerusalem upang tuparin nila.”—Gawa 15:6, 19-22; 16:4.
8 Sa ngayon, dahil mayroon din tayong Lupong Tagapamahala na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano, nagkakaisa ang mga kongregasyon sa buong daigdig. Naglalathala sila ng nakapagpapatibay na mga literatura sa maraming wika. Ang espirituwal na pagkaing ito ay batay sa Salita ng Diyos. Kaya naman ang itinuturo nila ay hindi mula sa mga tao kundi mula kay Jehova.—Isa. 54:13.
9. Paano nakakatulong ang ating bigay-Diyos na gawain para magkaisa tayo?
9 Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay nagtataguyod din ng pagkakaisa dahil sa pangunguna nila sa pangangaral. Di-hamak na mas matibay ang espiritu ng pagkakaibigang nagbubuklod sa mga lingkod ng Diyos kaysa sa espiritung nagbubuklod sa ibang mga tao. Ang kongregasyong Kristiyano ay itinatag, hindi lang para sa pagsasamahan, kundi para parangalan si Jehova at maisagawa ang pangangaral, paggawa ng alagad, at pagpapatibay sa kongregasyon. (Roma 1:11, 12; 1 Tes. 5:11; Heb. 10:24, 25) Kaya naman sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano: “Kayo ay nakatayong matatag sa isang espiritu, na may isang kaluluwa at nagpupunyaging magkakaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita.”—Fil. 1:27.
10. Sa anu-anong paraan tayo nagkakaisa bilang bayan ng Diyos?
10 Oo, bilang bayan ni Jehova, nagkakaisa tayo dahil tinatanggap natin ang kaniyang soberanya, iniibig ang mga kapatid, inaasam ang Kaharian ng Diyos, at iginagalang ang mga inatasan ng Diyos na manguna sa atin. Tinutulungan din tayo ni Jehova na mapaglabanan ang masasamang saloobin na makakasira sa pagkakaisa.—Roma 12:2.
Paglabanan ang Pagmamapuri at Pagkainggit
11. Bakit nakakasira ng pagkakaisa ang pagmamapuri? Paano tayo tinutulungan ni Jehova na mapaglabanan ito?
11 Nakakasira ng pagkakaisa ang pagmamapuri. Itinuturing ng taong mapagmapuri na nakahihigit siya sa iba at kadalasa’y natutuwa siyang magyabang. Pero karaniwan nang nakakasira ng pagkakaisa ang pagyayabang dahil maaaring mainggit ang nakakarinig nito. Tahasan tayong sinasabihan ni Santiago: “Ang lahat ng gayong pagmamapuri ay balakyot.” (Sant. 4:16) Kawalan ng pag-ibig kapag mababa ang tingin natin sa iba. Aba, si Jehova mismo ay nagpapakita ng kapakumbabaan sa pakikitungo sa di-sakdal na mga taong gaya natin. Sinabi ni David tungkol sa Diyos: “Pinadadakila ako ng iyong kapakumbabaan.” (2 Sam. 22:36) Tinuturuan tayo ng Bibliya kung paano mapaglalabanan ang pagmamapuri. Nagtanong si Pablo: “Sino ang nagpapangyaring mapaiba ka sa iba? Sa katunayan, ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? Ngayon, kung talagang tinanggap mo iyon, bakit ka naghahambog na para bang hindi mo tinanggap?”—1 Cor. 4:7.
12, 13. (a) Bakit madali tayong mainggit? (b) Ano ang resulta kapag tinitingnan natin ang iba ayon sa pananaw ni Jehova?
12 Nakakasira din ng pagkakaisa ang pagkainggit. Dahil di-sakdal, tayo ay may “hilig na mainggit.” Kahit nga ang matatagal nang lingkod ng Diyos ay baka naiinggit pa rin paminsan-minsan sa kalagayan, pag-aari, pribilehiyo, o kakayahan ng iba. (Sant. 4:5) Halimbawa, ang isang brother na may pamilya ay maaaring naiinggit sa mga pribilehiyo ng isang kapatid na nasa buong-panahong paglilingkod. Pero wala siyang kamalay-malay na baka naiinggit din sa mga may anak ang kapatid na iyon. Ano ang magagawa natin para hindi masira ng pagkainggit ang ating pagkakaisa?
13 Tandaan na inihambing ng Bibliya ang mga pinahirang miyembro ng kongregasyong Kristiyano sa mga sangkap ng katawan. (Basahin ang 1 Corinto 12:14-18.) Halimbawa, bagaman mas prominente ang mata kaysa sa puso, hindi ba’t parehong mahalaga sa iyo ang mga ito? Sa katulad na paraan, mahalaga kay Jehova ang lahat ng miyembro ng kongregasyon kahit mas prominente ang ilan kaysa sa iba. Kaya tingnan natin ang mga kapatid ayon sa pananaw ni Jehova. Sa halip na kainggitan sila, magpakita tayo ng malasakit at interes. Sa gayo’y naipapakita natin ang kaibahan ng mga tunay na Kristiyano sa mga miyembro ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
Sangkakristiyanuhan—Nagkakabaha-bahagi
14, 15. Paano nagkabaha-bahagi ang apostatang Kristiyanismo?
14 Kung may pagkakaisa ang mga tunay na Kristiyano, may alitan naman sa gitna ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Pagsapit ng ikaapat na siglo, laganap na ang apostatang Kristiyanismo anupat pinamahalaan ito ng isang paganong emperador ng Roma, na naging dahilan ng paglawak ng Sangkakristiyanuhan. Pagkatapos, maraming bansa ang tumiwalag sa Roma at nagtatag ng sarili nilang relihiyon.
15 Napakatagal nang nagdidigmaan ang marami sa mga bansang iyon. Noong ika-17 at ika-18 siglo, itinaguyod ng mga mamamayan ng Britanya, Pransiya, at Estados Unidos ang pag-ibig sa bayan, anupat ang nasyonalismo ay naging parang relihiyon. Noong ika-19 at ika-20 siglo, lumaganap na ang nasyonalismo sa karamihan ng mga bansa. Nang maglaon, nagkabaha-bahagi ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa maraming sekta, na karamihan ay sumusuporta sa nasyonalismo. Nagdigmaan pa nga sa isa’t isa ang magkakarelihiyong mula sa magkaibang bansa. Sa ngayon, ang Sangkakristiyanuhan ay nagkakabaha-bahagi dahil sa nasyonalismo at paniniwala.
16. Sa anu-anong isyu nagkakabaha-bahagi ang Sangkakristiyanuhan?
16 Noong ika-20 siglo, sinikap ng daan-daang sekta ng Sangkakristiyanuhan na magtatag ng kilusan para sa pagkakaisa. Pero pagkatapos ng maraming dekada, iilang sekta lang ang nagkaisa, at hindi pa rin magkasundo ang mga miyembro pagdating sa mga isyu gaya ng ebolusyon, aborsiyon, homoseksuwalidad, at ordinasyon ng mga babae. Sa ilang bahagi ng Sangkakristiyanuhan, sinisikap ng mga lider ng relihiyon na pagkaisahin ang iba’t ibang sekta anupat hindi na lang nila pinag-uusapan ang pagkakaiba ng kanilang mga doktrina. Kaya lang, naging mababaw naman ang pananampalataya ng mga tao at hindi talaga napagkaisa ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.
Nakahihigit sa Nasyonalismo
17. Ayon sa hula, paano pagkakaisahin ng tunay na pagsamba ang mga tao “sa huling bahagi ng mga araw”?
17 Bagaman sukdulan na ang pagkakabaha-bahagi ng sangkatauhan, nagkakaisa pa rin ang mga tunay na mananamba. Inihula ni Mikas: “Ilalagay ko sila sa pagkakaisa, tulad ng mga tupa sa kural.” (Mik. 2:12) Inihula rin niya na ang tunay na pagsamba ay mátataás nang higit sa lahat ng ibang anyo ng pagsamba, ito man ay sa huwad na mga diyos o sa Estado. Sumulat siya: “Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang mga bayan. Sapagkat ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos.”—Mik. 4:1, 5.
18. Anong mga pagbabago ang nagawa natin dahil sa tunay na pagsamba?
18 Inilarawan din ni Mikas kung paano pagkakaisahin ng tunay na pagsamba ang dating magkakaaway. “[Ang mga tao mula sa] maraming bansa [ay] yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova at sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ . . . At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Mik. 4:2, 3) Ang mga tumatalikod sa pagsamba sa bayan o sa huwad na mga diyos para maging mananamba ni Jehova ay nagtatamasa ng pangglobong pagkakaisa dahil tinuturuan sila ng Diyos na maging maibigin.
19. Ano ang ipinapakita ng pagkakaisa ng milyun-milyong kabilang sa tunay na pagsamba?
19 Pambihira ang pagkakaisa ng mga tunay na Kristiyano sa buong daigdig, na nagpapakitang patuloy na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng espiritu niya. Sa buong kasaysayan, ngayon lang nagkaisa nang ganito ang mga indibiduwal mula sa lahat ng bansa. Katuparan ito ng ipinahiwatig sa Apocalipsis 7:9, 14, at ipinapakita nito na malapit nang pakawalan ng mga anghel ng Diyos ang mga “hangin” na pupuksa sa masamang sistemang ito. (Basahin ang Apocalipsis 7:1-4, 9, 10, 14.) Hindi ba’t isang pribilehiyo ang mapabilang sa pandaigdig na kapatirang iyan? Paano natin maitataguyod ang pagkakaisang iyan? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano pinagkakaisa ng tunay na pagsamba ang mga tao?
• Ano ang magagawa natin para hindi masira ng pagkainggit ang ating pagkakaisa?
• Bakit hindi kayang sirain ng nasyonalismo ang pagkakaisa ng mga tunay na mananamba?
[Larawan sa pahina 13]
Ang unang-siglong mga Kristiyano ay may iba’t ibang pinagmulan
[Mga larawan sa pahina 15]
Paano nakakatulong sa pagkakaisa ang iyong pakikibahagi sa mga proyekto sa Kingdom Hall?