Mag-ingat Laban sa Paghahambog
SA NGAYON isang kagalingan ang tingin ng marami sa paghahambog. Ang pagpaparangalan ng lakas, pagkadalubhasa, at mga nagawa ay uso. May paniwala ang iba na ang paghahambog ay kailangan sa tagumpay. Nadarama ng iba na iniaangat nito ang pagpapahalaga-sa-sarili. Ganito ang puna ng magasing Time: “Ang huwaran ng kababaang-loob, bagaman hindi pa lipas, ay waring kakatuwa na.” Ganito ang komento ng manunulat na si Jody Gaylin: “Nakalulungkot, ang hindi ikinahihiyang paghahambog . . . ang siyang pinakabagong uso. Ang pakikipag-usap sa isang kaibigan o kakilala ay may bagong kasamahan: paghihip ng trumpeta (pagpuri sa iyong sarili).”
Ang mga tanyag na tao ang nagtakda ng pamantayan. Marahil ay narinig mo na ang mga salita ng isang dating kampeon sa boksing: “Ang bagay na ako ang pinakadakilang tao sa daigdig sa panahong ito sa kasaysayan ay hindi nagkataon lamang.” Balitang-balita rin ang pangungusap ng isang miyembro ng grupong Beatles: “Kami ay mas popular ngayon kaysa kay Jesu-Kristo.” Bagaman minamalas ng iba na ang gayong mga pangungusap ay sinalita nang walang anumang masamang kahulugan, itinuturing naman ng iba na ang mga nagsalita niyan ay mga tanyag na tao na nagtataguyod sa sarili anupat karapat-dapat tularan.
Ang pagiging malaganap ng paghahambog ay nagbabangon ng tanong: Mabuti ba na ipagmalaki ang sariling mga tinatangkilik at mga kakayahan? Kung sa bagay, natural na ipagmalaki ang mga tagumpay ng isa at ibahagi pa nga ang mga ito sa malalapit na kaibigan at mga kamag-anak. Subalit kumusta naman yaong mga namumuhay ayon sa kasabihang, “Kung mayroon ka nito, ipagparangalan mo”? Isa pa, kumusta yaong, bagaman hindi hayagang naghahambog, tusong kumikilos naman upang malaman ng iba ang kanilang lakas at mga nagawa? Ang ganiyan bang pag-aanunsiyo ng sarili ay mabuti, kinakailangan pa nga, gaya ng sabi ng ilan?
Epekto sa mga Ugnayan
Isaalang-alang ang epekto sa iyo ng paghahambog ng iba. Halimbawa, papaano mo tinutugon ang sumusunod na mga pangungusap?
“Ang mga aklat na hindi ko pa naisusulat ay mas mainam kaysa sa mga aklat na isinulat ng ibang mga tao.”—Kilalang awtor.
“Kung ako sana ay naroon na noong panahon ng paglalang, nakapagbigay sana ako ng kapakipakinabang na mga mungkahi para sa lalong mainam na kaayusan ng sansinukob.”—Hari noong Edad Medya.
“Hindi maaaring may isang Diyos sapagkat, kung mayroon nga, hindi ako maniniwala na Siya’y hindi ako.”—Pilisopo noong ika-19 na siglo.
Naaakit ka ba sa mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga pangungusap? Sa palagay mo kaya’y matutuwa kang sila’y makasama mo? Malamang na hindi. Pangkaraniwan, ang paghahambog—sa totoo man o kahit sa pagbibiro—ay nagpapangyaring ang iba ay makadama ng kaigtingan, pagkayamot, marahil pagkainggit. Ganito ang epekto niyaon sa salmistang si Asap, na nagtapat: “Ako’y nainggit sa mga hambog.” (Awit 73:3) Tunay, wala sa atin ang may nais na ikasama ng loob ng ating mga kaibigan at mga kasamahan! Ang 1 Corinto 13:4 ay nagsasabi: “Ang pag-ibig . . . hindi ito nagyayabang.” Ang maka-Diyos na pag-ibig at pagkasensitibo sa damdamin ng iba ay mag-uudyok sa atin na huwag ipagparangalan ang ating ipinagpapalagay na pagkadalubhasa at mga tinatangkilik.
Pagka ang isang tao ay nagpipigil ng kaniyang sarili at nagsasalita nang may kababaang-loob, nagiging maalwan at mabuti ang pakiramdam tungkol sa kanilang sarili ng mga nakapalibot sa kaniya. Ito ay isang napakahalagang kakayahan. Marahil ito ang nasa isip ng estadistang Britano na si Lord Chesterfield nang payuhan niya ang kaniyang anak: “Maging matalino ka kaysa ibang tao kung maaari; subalit huwag mong sasabihin iyon sa kanila.”
Hindi pare-pareho ang kaloob na taglay ng mga tao. Ang madali para sa isang tao ay hindi gayon para sa iba. Ang pag-ibig ang magpapakilos sa ibang tao na makitungo nang may simpatiya sa mga hindi mahusay sa mga larangan na doo’y may mga kakayahan siya. Malamang, mahusay ang iba sa ibang mga larangan. Sa atin ay sinabi ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa akin ay sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan, ang bawat isa ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi sa kaniya ng Diyos.”—Roma 12:3.
Ang Paghahambog ay Nanggagaling sa Kahinaan
Samantalang ang ilan ay maaaring lumayo sa mga mayayabang, anupat nakadarama na sila’y alangan, ang iba naman ay tumutugon nang naiiba. Sinasabi nila na ang mga hambog ay di-matatag. Ipinaliwanag ng manunulat na si Frank Trippett kung bakit ang taong humihihip ng kaniyang sariling trumpeta ay maaaring, balintuna, nagpapababa ng kaniyang sarili sa paningin ng iba: “Alam ng lahat sa kaniyang puso na ang paghahambog ay karaniwan nang palatandaan ng ilang nakalulungkot na sariling mga kahinaan.” Yamang marami ang nakakakita sa likod ng balatkayo ng hambog, hindi ba mas magaling na iwasan ang mahanging pagpuri sa sarili?
“Pero Totoo Naman!”
Ganiyan sinisikap ng ilan na ipagmatuwid ang kanilang pagluwalhati sa sarili. Nadarama nila na yamang sila’y talagang may pambihirang talento sa ilang paraan, magiging mapagpaimbabaw sila kung magkukunwari silang hindi gayon.
Subalit totoo ba naman ang kanilang ipinaghahambog? Ang pagpapahalaga sa sarili ay nakasalalay sa sariling opinyon at damdamin. Ang ating nadaramang isang pambihirang lakas sa ating sarili ay maaaring tila pangkaraniwan lamang sa iba. Ang bagay na ang isang tao’y napipilitang magpakita ng kaniyang kakayahan ay nagpapahiwatig na siya ay hindi totoong malakas—walang sapat na lakas upang makatayo sa ganang sarili nang walang pagpaparangalan. Kinikilala ng Bibliya na ang tao’y may hilig na dayain ang sarili nang ipayo nito: “Siya na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-ingat na hindi siya mabuwal.”—1 Corinto 10:12.
Kahit na kung ang isang tao ay may pambihirang talento sa isang partikular na larangan, binibigyang-katuwiran ba nito ang pagyayabang? Hindi, sapagkat ang mga tao ang niluluwalhati ng pagyayabang, samantalang anumang talentong taglay natin ay galing sa Diyos. Siya ang dapat tumanggap ng kaluwalhatian. Bakit tayo tatanggap ng kapurihan sa isang bagay na taglay na natin nang tayo’y isilang? (1 Corinto 4:7) Bukod dito, kung papaanong mayroon tayong kalakasan, mayroon din naman tayong mga kahinaan. Hinihiling ba ng katapatan na itawag-pansin natin ang ating mga kamalian at kapintasan? Kakaunti sa mga hambog ang waring nag-iisip nang gayon. Si Haring Herodes Agrippa I ay maaaring isang mahusay na tagapagsalita. Subalit ang kaniyang kahambugan ay humantong sa isang napakasaklap na kamatayan. Mababanaag sa pangit na pangyayaring iyan kung gaano kasuklam-suklam sa Diyos ang kahambugan, kung papaanong gayundin ito para sa maraming tao.—Gawa 12:21-23.
Ang mga talento at mga lakas ay pangkaraniwan nang natatanyag nang walang di na kinakailangang pagpaparangalan. Pagka kinikilala at pinapupurihan ng iba ang mga katangian o mga nagawa ng isa, iyon ay lalong nagpaparingal sa tumatanggap. May kapantasang sinasabi ng Kawikaan 27:2: “Purihin ka ng ibang tao, at huwag ng iyong sariling bibig; ng iba, at huwag ng iyong sariling mga labi.”
Kailangan ba sa Tagumpay?
Nadarama ng ilan na ang may-pagtitiwalang pagtataguyod sa sarili ay kinakailangan upang magtagumpay sa kasalukuyang mapagkompetensiyang lipunan. Ikinababahala nila na kung sila’y hindi magsasalita at iaanunsiyo ang kanilang mga lakas, sila’y hindi mapapansin, hindi pahahalagahan. Kumakatawan sa kanilang pagkabahala ay ang komentong ito buhat sa magasing Vogue: “Dati tayo ay tinuruan na ang kababaang-loob ay isang kagalingan, ngayon natututuhan natin na ang pagtahimik ay isang balakid.”
Para sa mga nagnanais na sumulong sa mga pamantayan ng sanlibutang ito, maaaring may katuwiran ang pagkabahala. Subalit naiiba ang situwasyon ng isang Kristiyano. Alam niya na ang Diyos ay nagmamalasakit at pinipiling gamitin ang mga kakayahan niyaong mga mapagpakumbaba, hindi niyaong mga mapagmataas. Samakatuwid, ang Kristiyano ay hindi na kailangang gumamit ng mga taktikang nagpaparangal sa sarili. Totoo, ang labis na mapagtiwalang tao ay maaaring magtamo ng pansamantalang prestihiyo sa pamamagitan ng pagiging mapilit o maimpluwensiya. Ngunit pagsapit ng panahon siya ay nabubunyag at nabababa, napapahiya pa nga. Iyon ay gaya ng sinabi ni Jesu-Kristo: “Sinumang nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa sa kaniyang sarili ay itataas.”—Mateo 23:12; Kawikaan 8:13; Lucas 9:48.
Mga Bentaha ng Kababaang-loob
Ganito ang isinulat ni Ralph Waldo Emerson: “Bawat taong makilala ko ay nakatataas sa akin sa ilang paraan. Sa bagay na, ako’y natututo tungkol sa kaniya.” Ang kaniyang sinabi ay naaayon sa kinasihang payo ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay ‘huwag gumawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas.’ (Filipos 2:3) Ang mapagpakumbabang pangmalas na ito ay naglalagay sa isa sa kalagayang matuto buhat sa iba.
Kaya ingatang ang inyong lakas ay hindi nagiging inyong mga kahinaan. Huwag sanang mabawasan ang inyong mga kakayahan at tagumpay dahil sa paghahambog. Idagdag ang kababaang-loob sa inyong mga katangian. Ito ang tunay na nag-aangat sa isa sa paningin ng iba. Tumutulong ito sa isa upang magtamasa ng lalong mabuting kaugnayan sa mga kapuwa tao at nagbubunga ng pagsang-ayon ng Diyos na Jehova.—Micas 6:8; 2 Corinto 10:18.