Nakatutulong na Pagtuturo Ukol sa Ating mga Panahong Mapanganib
“Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. . . Ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at naililigaw.”—2 TIMOTEO 3:1, 13.
1, 2. Bakit tayo dapat maging interesado sa kung anong mga turo ang ating sinusunod?
IKAW ba ay natutulungan, o ikaw ay napipinsala? Nalulutas ba ang iyong mga suliranin, o ang mga ito ba’y lalo pang lumulubha? Dahil sa ano? Dahil sa mga turo. Oo, ang mga turo ay maaaring lubhang makaapekto sa iyong buhay, sa ikabubuti man o sa ikasásamâ.
2 Tatlong associate professor ang nagsaliksik kamakailan tungkol sa bagay na ito at inilathala ang kanilang mga natuklasan sa Journal for the Scientific Study of Religion. Totoo, marahil ay hindi nila pinag-aralan ang tungkol sa iyo o sa iyong pamilya. Gayunman, ang natuklasan nila ay nagpapakita na may isang tiyak na kaugnayan ang mga turo at ang tagumpay, o kabiguan ng isang tao, sa pakikitungo sa ating mga panahong mapanganib. Sa susunod na artikulo, aming pantanging babanggitin ang tungkol sa kanilang natuklasan.
3, 4. Ano ang ilang patotoo na tayo’y nabubuhay sa mga panahong mapanganib?
3 Subalit, una ay isaalang-alang ang tanong na ito: Sumasang-ayon ka ba na tayo’y nabubuhay sa mga panahong mahirap pakitunguhan? Kung gayon, tiyak na makikita mo na ang katibayan ay nagpapatunay na ang mga ito ay “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Nagkakaiba-iba ang paraan kung papaano naaapektuhan ang mga tao. Halimbawa, marahil ay alam mo ang tungkol sa mga lupain na sa mismong sandaling ito ay nagkakabaha-bahagi samantalang iba’t ibang grupo ang naglalaban-laban ukol sa makapulitikang pamamahala. Sa ibang dako, ang pagpapatayan ay dahilan sa pagkakaiba-iba ng relihiyon o ng lahi. Hindi lamang ang mga sundalo ang napipinsala. Isip-isipin ang di-mabilang na mga babae at mga batang babae na pinagmalupitan o ang matatanda na pinagkaitan ng pagkain, pampainit, at tirahan. Di-mabilang na mga tao ang lubhang nagdurusa, na humahantong sa mistulang mga daluyong ng mga takas at ng maraming nakakatulad na kaabahan.
4 Ang ating mga panahon ay kilala sa mga suliranin sa kabuhayan, na ang resulta’y nagsarang mga pabrika, kawalang-hanapbuhay, ipinagkait na mga benepisyo at mga pensiyon, pagbaba ng halaga ng pera, at kapos o kakaunting pagkain. Ikaw ba’y may maidaragdag pa sa listahan ng mga suliranin? Marahil ay mayroon pa. Milyun-milyon pa sa buong globo ang dumaranas ng kakapusan sa pagkain at mga sakit. Marahil ay nakakita ka na ng kakila-kilabot na mga larawan buhat sa Silangang Aprika na makikitaan ng buto’t balat na mga lalaki, babae, at mga bata. Milyun-milyon sa Asia ang dumaranas din ng gayon.
5, 6. Bakit masasabi na ang sakit ay isa ring lubusang patotoo ng ating mga panahong mapanganib?
5 Lahat tayo ay nakakabalita tungkol sa nakatatakot na mga sakit na dumarami sa ngayon. Noong Enero 25, 1993, sinabi ng The New York Times: “Palibhasa’y lumalago dahil sa kaluwagan sa sekso, pagpapaimbabaw at nagbabaka-sakaling pag-iingat, ang salot na AIDS sa Latin Amerika ay nakahihigit pa kaysa roon sa Estados Unidos . . . Ang kalakhang bahagi ng paglago ay dahil sa lumalaganap na impeksiyon sa . . . mga babae.” Noong Oktubre 1992, ang U.S.News & World Report ay nagsabi: “May dalawampung taon pa lamang ang nakalilipas nang ang pangunahing opisyal sa kalusugan sa E.U., sa pagbubunyi sa isa sa pinakadakilang mga tagumpay may kaugnayan sa kalusugang-pangmadla, ay nagpahayag na panahon na upang ‘tapusin na ang pagkabahala tungkol sa nakahahawang mga sakit.’” Kumusta naman ngayon? “Ang mga ospital ay muli na namang dinaragsaan ng mga biktima ng mga salot na ipinagpapalagay na nagapi na. . . . Ang mga mikrobyo ay nagbabago tungo sa higit pang tusong pamamaraang henetiko anupat ang mga ito ay mas mabilis umunlad kaysa pag-unlad ng bagong mga antibayotiko. . . . ‘Tayo’y pumapasok sa isang bagong panahon ng sakit na nakahahawa.’”
6 Bilang isang halimbawa, ang Newsweek ng Enero 11, 1993, ay nag-ulat: “Ang mga parasito ng malarya ay nagkakalat ng impeksiyon ngayon sa tinatayang 270 milyong katao taun-taon, pumapatay ng hanggang 2 milyon . . . at siyang sanhi ng di-kukulangin sa 100 milyong kaso ng malubhang pagkakasakit. . . . Kasabay nito, ang sakit ay patuloy na lumalaban sa dati’y nagpapagaling na mga gamot. . . . Di-magtatagal ay hindi na mapagagaling ang ilang uri.” Dahil dito’y nanginginig ka sa takot.
7. Ano ang reaksiyon ng marami sa ngayon sa mahihirap na panahon?
7 Marahil ay napansin mo na sa mapanganib na mga panahong ito na mahirap pakitunguhan, marami ang humahanap ng tulong upang malutas ang kanilang mga suliranin. Isip-isipin yaong mga bumabaling sa mga aklat tungkol sa kung papaano malulunasan ang kaigtingan o ang ilang bagong sakit. Ang iba ay lubhang nangangailangan ng payo tungkol sa isang bigong pag-aasawa, pangangalaga sa bata, sa alak o mga suliranin sa droga, o sa kung papaano pagtitimbangin ang mga kahilingan ng kanilang trabaho at ang mga panggigipit na nararanasan nila sa tahanan. Oo, talagang nangangailangan sila ng tulong! Ikaw ba’y nakikipagpunyagi sa isang personal na suliranin o nakararanas ng ilan sa mga kabagabagan na likha ng digmaan, taggutom, o kapahamakan? Kahit na kung ang isang mahigpit na suliranin ay tila hindi na malulunasan, ikaw ay may dahilang magtanong, ‘Bakit nga ba tayo umabot sa ganitong kapanganib na kalagayan?’
8. Bakit tayo dapat bumaling sa Bibliya ukol sa matalinong unawa at patnubay?
8 Bago tayo makakita ng lunas at makasumpong ng kasiyahan sa buhay ngayon at sa hinaharap, kailangang malaman natin kung bakit tayo nakaharap sa gayong mga panahong mapanganib. Tahasan, iyan ay nagbibigay ng dahilan para sa bawat isa sa atin na isaalang-alang ang Bibliya. Bakit natin binanggit ang Bibliya? Sapagkat ito lamang ang may taglay na wastong hula, kasaysayan na isinulat nang patiuna, na nagpapakita ng mga dahilan ng ating kalagayan, kung nasaan na tayo sa agos ng panahon, at saan tayo patungo.
Isang Aral Buhat sa Kasaysayan
9, 10. Papaano natupad noong unang siglo ang hula ni Jesus sa Mateo kabanata 24?
9 Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1994, ay nagbigay ng isang kapuna-punang pagbabalik-tanaw tungkol sa maliwanag na hula ni Jesus sa Mateo kabanata 24. Kung bubuklatin mo ang iyong Bibliya sa kabanatang iyan, makikita mo sa Mat 24 talatang 3 na ang mga apostol ni Jesus ay humingi ng isang tanda tungkol sa kaniyang panghinaharap na pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Pagkatapos, sa mga Mat 24 talatang 5 hanggang 14, si Jesus ay humula ng tungkol sa bulaang mga Kristo, mga digmaan, kakapusan sa pagkain, pag-uusig sa mga Kristiyano, katampalasanan, at malaganap na pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos.
10 Pinatutunayan ng kasaysayan na ang mismong mga bagay na iyon ay naganap sa panahon ng katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay. Kung ikaw ay nabuhay noon, hindi ba iyon ay mahihirap na panahon? Gayunman, ang mga bagay-bagay ay patungo sa isang sukdulan, isang wala pang nakakatulad na kapighatian sa Jerusalem at sa Judiong sistema. Sa Mat 24 talatang 15 tayo ay nagsisimulang makabasa ng mga naganap pagkatapos salakayin ng mga Romano ang Jerusalem noong 66 C.E. Ang mga pangyayaring iyon ay umabot sa sukdulan sa kapighatian na binanggit ni Jesus sa Mat 24 talatang 21—ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E., ang pinakamalubhang kapighatian na sumapit sa lunsod na iyan. Gayunpaman, batid mo na hindi natapos noon ang kasaysayan, ni sinabi ni Jesus na magkakagayon. Sa mga Mat 24 talatang 23 hanggang 28, ipinakita niya na kasunod ng kapighatian noong 70 C.E., may iba pang mga bagay na magaganap.
11. Sa anong paraan nauugnay sa ating kaarawan ang katuparan noong unang siglo ng Mateo kabanata 24?
11 Ang ilan sa ngayon ay marahil magkikibit-balikat na lamang sa nakaraan sa pagsasabing ‘eh ano ngayon?’ Iyan ay isang pagkakamali. Ang katuparan ng hula noon ay lubhang mahalaga. Bakit? Buweno, ang mga digmaan, taggutom, lindol, salot, at pag-uusig sa panahon ng katapusan ng Judiong sistema ay nagpapaaninaw ng isang lalong malawak na katuparan pagkatapos na “ang itinakdang mga panahon ng mga bansa” ay nagwakas noong 1914. (Lucas 21:24) Maraming nabubuhay ngayon ang nakasaksi ng Digmaang Pandaigdig I nang magsimula ang katuparan nito sa modernong panahon. Subalit kahit na kung ikaw ay isinilang pagkatapos ng 1914, nasaksihan mo ang katuparan ng hula ni Jesus. Ang mga pangyayari nitong ika-20 siglo ay lubusang nagpapatotoo na tayo ngayon ay nabubuhay sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistemang ito.
12. Ayon kay Jesus, ano ang maaasahan pa nating makikita?
12 Ito’y nangangahulugan na ‘ang kapighatian’ ng Mateo 24:29 ay napipinto na. Kasangkot dito ang mga tanda sa langit na maaaring hindi natin kayang gunigunihin. Ang Mat 24 talatang 30 ay nagpapakita na sa panahong iyon ay makakakita ang mga tao ng isang naiibang tanda—isa na nagpapatotoo na malapit na ang pagkapuksa. Ayon sa katulad na pag-uulat sa Lucas 21:25-28, sa hinaharap na panahong iyon, ‘ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot at sa mga bagay na dumarating sa lupa.’ Ang ulat ni Lucas ay nagsasabi rin na ang mga Kristiyano sa panahong iyon ay magtataas ng kanilang mga ulo sapagkat ang kanilang katubusan ay napakalapit na.
13. Anong dalawang pangunahing punto ang marapat na bigyang-pansin natin?
13 ‘Oo, naroon na ako,’ marahil ay sasabihin mo, ‘pero ang akala ko ang isyu ay kung papaano ko mauunawaan at haharapin ang ating mahihirap na panahon?’ Tama. Ang ating unang punto ay makilala muna ang pangunahing mga suliranin at tingnan kung papaano tayo makaiiwas sa mga iyon. Kaugnay niyan ay ang ikalawang punto, kung papaano ang mga turo ng Kasulatan ay makatutulong sa atin na magtamasa ng isang lalong mabuting buhay ngayon. Kaugnay nito, buklatin ang iyong Bibliya sa 2 Timoteo kabanata 3, at tingnan kung papaano makatutulong sa iyo ang mga salita ni apostol Pablo sa pakikitungo sa mahihirap na panahon.
Isang Hula Tungkol sa Ating mga Panahon
14. Bakit may dahilang maniwala na ang pagsasaalang-alang ng 2 Timoteo 3:1-5 ay makabubuti sa atin?
14 Kinasihan ng Diyos si Pablo upang sumulat sa tapat na Kristiyanong si Timoteo ng maraming maiinam na payo na nakatulong sa kaniya upang magkaroon ng isang mas matagumpay at maligayang buhay. Ang bahagi ng isinulat ni Pablo ay may pangunahing katuparan sa ating kaarawan. Kahit na kung inaakala mong alam na alam mo na ang mga iyan, maingat na sundan mo ngayon ang makahulang mga salita sa 2 Timoteo 3:1-5. Sumulat si Pablo: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”
15. Bakit tayo dapat magkaroon ngayon ng natatanging interes sa 2 Timoteo 3:1?
15 Pansinin, may 19 na mga bagay na nakatala. Bago natin suriin ang mga ito at mapakinabangan, unawain muna ang kabuuan. Tingnan ang 2Tim 3 talatang 1. Inihula ni Pablo: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Anong “mga huling araw”? Nagkaroon ng maraming mga huling araw, tulad ng mga huling araw ng sinaunang Pompeii o ang mga huling araw ng isang hari o isang dinastiya. Maging sa Bibliya ay nababanggit ang ilang mga huling araw, tulad ng mga huling araw ng Judiong sistema. (Gawa 2:16, 17) Subalit, si Jesus ang naglagay ng saligan upang maunawaan natin na “ang mga huling araw” na binanggit ni Pablo ay tumutukoy sa panahon natin.
16. Anong kalagayan ang inihula para sa panahon natin ng talinghaga tungkol sa trigo at pansirang damo?
16 Ginawa iyan ni Jesus sa pamamagitan ng isang talinghaga tungkol sa trigo at pansirang mga damo. Ang mga ito ay inihasik sa isang bukid at hinayaang lumago. Sinabi niya na ang trigo at ang pansirang damo ay kumakatawan sa mga tao—ang tunay na mga Kristiyano at ang mga di-tunay. Iniharap namin ang talinghagang ito sapagkat itinatatag nito na isang mahabang yugto ng panahon ang lilipas bago sumapit ang katapusan ng buong balakyot na sistema. Pagsapit niyaon, may isang bagay na lubusang umunlad na. Ano iyon? Ang apostasya, o ang pagtalikod sa tunay na Kristiyanismo, na ang resulta’y isang masaganang ani ng kabalakyutan. Ang ibang mga hula sa Bibliya ay nagpapatunay na ito’y magaganap sa mga huling araw ng balakyot na sistema. Naririto na tayo ngayon, sa katapusan ng sistema ng mga bagay.—Mateo 13:24-30, 36-43.
17. Anong nakakatulad na impormasyon ang ibinibigay ng 2 Timoteo 3:1-5 tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay?
17 Nakikita mo ba ang kahalagahan? Ang 2 Timoteo 3:1-5 ay nagbibigay sa atin ng katulad na patotoo na sa wakas ng sistema, o mga huling araw, ang kalagayan sa gitna ng mga Kristiyano ay magiging masama. Hindi sinasabi ni Pablo na ang nakalistang 19 na bagay ang magiging pangunahing paraan upang patunayan na ang mga huling araw ay dumating na nga. Sa halip, siya ay nagbababala tungkol sa mga bagay na haharapin natin sa mga huling araw. Ang 2Tim 3 talatang 1 ay tumutukoy ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Ang pananalitang iyan ay galing sa Griego, at ang literal na kahulugan ay “takdang mga panahon na mababangis.” (Kingdom Interlinear) Hindi ka ba sumasang-ayon na ang “mababangis” ay tamang lumalarawan sa mga bagay na nakaharap sa atin ngayon? Ang kinasihang talatang ito ay nagpapatuloy na magbigay ng banal na matalinong unawa sa ating panahon.
18. Ano ang dapat na pagtutukan natin ng pansin samantalang pinag-aaralan natin ang makahulang mga salita ni Pablo?
18 Ang ating interes sa hulang ito ay dapat na magpahintulot sa atin na makilala ang kalunus-lunos na mga halimbawa kung gaano kapanganib, o kabangis, ang panahon natin. Gunitain ang dalawang pangunahing mga punto: (1) upang kilalanin ang mga suliranin na nagpapangyaring ang panahon natin ay maging mahirap pakitunguhan at upang makita kung papaano iiwasan ang mga ito; (2) upang sundin ang mga turo na talagang praktikal at tutulong sa atin na tamasahin ang isang lalong mabuting buhay. Kaya sa halip na idiin ang mga negatibong bagay, tayo’y magtututok ng pansin sa mga turo na makatutulong sa atin at sa ating pami-pamilya sa mga panahong ito na mahirap pakitunguhan.
Umani ng Mayayamang Kapakinabangan
19. Anong katibayan ang nakita mo na ang mga tao’y maibigin sa kanilang sarili?
19 Sinisimulan ni Pablo ang kaniyang talaan sa pamamagitan ng paghula na sa mga huling araw, “ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili.” (2 Timoteo 3:2) Ano ba ang ibig niyang sabihin? Tama ka kung sasabihin mong sa buong kasaysayan ay may mapagmagaling, maka-akong mga lalaki at mga babae. Gayunman, tiyak na ang depektong ito ay lubhang pangkaraniwan na ngayon. Ito’y sukdulan na sa maraming tao. Ito halos ang pamantayang paggawi sa daigdig ng pulitika at ng komersiyo. Ang mga lalaki at mga babae ay nangangamkam ng kapangyarihan at katanyagan anuman ang maging kapalit. Karaniwan nang ang iba ang napipinsala, sapagkat hindi iniisip ng gayong mga mangingibig ng sarili kung sila’y nakapipinsala sa ibang tao. Sila’y mabilis maghabla o mandaya sa iba. Mauunawaan mo kung bakit ang tawag dito ng marami ay “salinlahi ni ako.” Napakarami ang mga prima donna at taong makasarili.
20. Papaano naiiba ang payo ng Bibliya sa umiiral na saloobin ng pag-ibig sa sarili?
20 Hindi na tayo kailangan pang paalalahanan tungkol sa mapapait na karanasan natin sa pakikitungo sa mga taong “mga maibigin sa kanilang sarili.” Subalit totoo na sa pamamagitan ng matapat na pagkakilala sa suliraning ito, tayo’y tinutulungan ng Bibliya, sapagkat tinuturuan tayo nito kung papaano iiwasan ang patibong na ito. Ganito ang sinasabi niyaon: “Huwag gawin ang anuman buhat sa mapag-imbot na ambisyon o buhat sa isang hamak na hangaring magpalalo, kundi maging mapagpakumbaba sa isa’t isa, laging itinuturing na ang iba’y mas magaling kaysa inyong sarili. At tingnan ang mga kapakanan ng isa’t isa, hindi lamang ang sa inyong sarili.” “Huwag isipin na lalong mataas ang inyong sarili kaysa nararapat ninyong isipin. Sa halip, maging mababang-loob sa inyong isipan.” Ang napakainam na payong iyan ay matatagpuan sa Filipos 2:3, 4 at Roma 12:3, ayon sa pagkasalin sa Today’s English Version.
21, 22. (a) Anong malaganap na patotoo mayroon na ang gayong payo ay makatutulong sa ngayon? (b) Ano ang epekto ng payo ng Diyos sa karaniwang mga tao?
21 Baka may tumutol, ‘Tila mabuti iyan, ngunit hindi praktikal.’ Aba, hindi. Magtatagumpay iyan, at nagtatagumpay nga, sa karaniwang mga tao ngayon. Noong 1990 inimprenta ng tagapaglathala para sa Oxford University ang The Social Dimensions of Sectarianism. Ang kabanata 8 ay pinamagatang “Ang mga Saksi ni Jehova sa Isang Bansang Katoliko,” at inilarawan nito ang isang proyekto sa pananaliksik sa Belgium. Mababasa natin: “Sa pagbaling sa positibong pang-akit na maging isang Saksi, bukod sa pagkaakit sa ‘Katotohanan’ mismo, ang mga kinauukulan ay kung minsan muling bumabanggit ng higit kaysa isang katangian. . . . Ang init, pagkapalakaibigan, pag-ibig, at pagkakaisa ay pinakamadalas mabanggit, ngunit ang pagkamatapat, at personal na asal sa ‘pagkakapit ng maka-Kasulatang mga simulain’ ay mga katangian ding itinatangi ng mga Saksi.”
22 Ang gayong pananaw ay maihahambing natin sa isang larawan na kinunan sa pamamagitan ng wide-angle lens; kung, sa halip, gumamit ka ng isang zoom lens, o telephoto lens, makikita mo ang malapitang mga kuha, maraming karanasan sa tunay na buhay. Kasali na sa mga ito ang mga lalaking dati ay mga arogante, hari-harian, o kapuna-puna ang pagiging mapag-imbot ngunit ngayon ay mas maaamo, nagiging mga asawang lalaki at mga ama na nagpapakita ng malumanay na pagmamahal at kabaitan sa kani-kanilang kabiyak, mga anak, at iba pa. Kasali na rin ang mga babae na dati ay dominante o may matigas na kalooban at ngayon ay tumutulong na sa iba upang matutuhan ang daan ng tunay na pagka-Kristiyano. May daan-daang libo ng gayong mga halimbawa. Ngayon, pakisuyo na maging prangka. Hindi ba mas magugustuhan mo na mákasama ang mga taong gaya niyaon kaysa ang laging makasalamuha ay mga lalaki at mga babae na walang iniibig kundi ang kanilang sarili? Hindi ba mas padadaliin niyaon na pagtagumpayan ang ating mga panahong mapanganib? Kaya hindi ba ang pagsunod sa gayong mga turo ng Bibliya ay higit na magpapaligaya sa iyo?
23. Bakit karapat-dapat magbigay ng higit pang pansin sa 2 Timoteo 3:2-5?
23 Gayunman, ang naisaalang-alang natin ay yaong una lamang na binanggit ni Pablo sa mga bagay na kaniyang itinala sa 2 Timoteo 3:2-5. Kumusta naman yaong iba? Ang maingat mo bang pagsusuri sa mga ito ay tutulong sa iyo na makilala ang pangunahing mga suliranin ng panahon natin upang maiwasan ang mga iyon at tumulong sa iyo na maunawaan kung anong landasin ang magdudulot sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay ng higit na kaligayahan? Ang sumusunod na artikulo ay tutulong sa iyo na sagutin ang mga tanong na ito at magtamo ng mayamang pagpapala.
Mga Puntong Dapat Tandaan
◻ Ano ang ilang patotoo na tayo’y nabubuhay sa mga panahong mapanganib?
◻ Bakit natin matitiyak na tayo’y nabubuhay sa mga huling araw?
◻ Anong dalawang pangunahing mga punto ang maaari nating matutuhan buhat sa pag-aaral ng 2 Timoteo 3:1-5?
◻ Sa panahong ito na napakarami ang mga maibigin sa kanilang sarili, papaano natulungan ng mga turo ng Bibliya ang mga lingkod ni Jehova?
[Picture Credit Line sa pahina 8]
Larawan sa itaas gawing kaliwa: Andy Hernandez/Sipa Press; larawan sa ibaba gawing kanan; Jose Nicolas/Sipa Press