Nararapat Ka Bang Manalangin kay Jesus?
ITINUTURING ng ilan na angkop ang manalangin kay Jesus. Sa Alemanya marami ang tinuruan buhat sa pagkabata na bago kumain dapat nilang pagdaupin ang kanilang mga palad at pasalamatan si Jesu-Kristo.
Ayon sa Bibliya, si Jesus ay talagang humahawak ng isang napakataas na posisyon sa langit. Gayunman, nangangahulugan ba iyan na nararapat tayong manalangin sa kaniya? Maaaring isa ka sa mga, dahil sa pag-ibig kay Jesus, tuwirang nananalangin sa kaniya, subalit ano kaya ang pangmalas ni Jesus mismo sa gayong mga panalangin?
Una, bakit nga ba bumabangon ang mga tanong na ito? Sapagkat sinasabi ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” Hindi nga nakapagtataka, kung gayon, na ang mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon, tulad ng mga Israelita, ay nanalangin lamang sa Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat.—Awit 5:1, 2; 65:2.
Nagbago ba ang mga bagay-bagay nang si Jesus, ang Anak ng Diyos, ay naparito sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan buhat sa kasalanan at kamatayan? Hindi, kay Jehova pa rin iniuukol ang mga panalangin. Nang nasa lupa si Jesus mismo ay madalas manalangin sa kaniyang makalangit na Ama, at tinuruan niya ang iba na gayundin ang gawin. Isip-isipin lamang ang huwarang panalangin, na kung minsa’y tinatawag na ang Panalangin ng Panginoon o ang Ama Namin, na isa sa pinakakilalang mga panalangin sa daigdig. Hindi tayo tinuruan ni Jesus na manalangin sa kaniya; ibinigay niya sa atin ang huwarang ito: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”—Mateo 6:6, 9; 26:39, 42.
Ngayon ay tingnan nating mabuti ang paksang ito sa pamamagitan ng pagsusuri kung ano talaga ang panalangin.
Ano ang Panalangin?
Ang bawat panalangin ay isang anyo ng pagsamba. Pinatutunayan ito ng The World Book Encyclopedia, na nagsasabi: “Ang panalangin ay isang anyo ng pagsamba na sa pamamagitan nito ang isang tao ay maaaring maghandog ng debosyon, pasasalamat, pagtatapat, o pagsusumamo sa Diyos.”
Minsan ay sinabi ni Jesus: “Nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” Nanghawakan si Jesus sa mahalagang katotohanan na ang pagsamba—samakatuwid gayundin ang panalangin—ay dapat na iukol lamang sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.—Lucas 4:8; 6:12.
Pagkilala kay Jesus sa Ating mga Panalangin
Namatay si Jesus bilang haing pantubos para sa sangkatauhan, binuhay-muli ng Diyos, at itinaas sa isang nakatataas na posisyon. Gaya ng maguguniguni mo, lahat ng ito ay nagdala ng pagbabago tungkol sa nakalulugod na mga panalangin. Sa anong paraan?
Inilalarawan ni apostol Pablo ang malaking impluwensiya ng posisyon ni Jesus sa mga panalangin gaya ng sumusunod: “Sa mismong dahilan ding ito ay itinaas siya ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalan na higit kaysa sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”—Filipos 2:9-11.
Ang mga salita bang “sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod” ay nangangahulugang tayo’y kailangang manalangin sa kaniya? Hindi. Ang Griegong parirala na nasasangkot dito ay “nagpapahiwatig ng pangalan na sa pamamagitan niyaon ay nagkakaisa yaong mga nagluluhod ng tuhod, na ang lahat (πᾶν γόνυ) ay nagkakaisang sumasamba. Ang pangalan na tinanggap ni Jesus ay nagpapakilos sa lahat sa nagkakaisang pagsamba.” (A Grammar of the Idiom of the New Testament, ni G. B. Winer) Totoo, upang maging kalugud-lugod ang isang panalangin, kailangang iyon ay ihandog “sa pangalan ni Jesus,” subalit iyon, gayunman, ay iniuukol sa Diyos na Jehova at ukol sa kaniyang ikaluluwalhati. Sa dahilang ito, ganito ang sabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—Filipos 4:6.
Kung papaanong ang isang landas ay humahantong sa isang destinasyon, sa gayon si Jesus ang siyang “daan” na umaakay tungo sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko,” ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga apostol. (Juan 14:6) Kaya naman, dapat nating iukol ang ating mga panalangin sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus at hindi tuwirang kay Jesus mismo.a
‘Subalit,’ maaaring itanong ng ilan, ‘hindi ba iniuulat ng Bibliya na kapuwa ang alagad na si Esteban at ang apostol na si Juan ay nakipag-usap kay Jesus sa langit?’ Totoo iyan. Gayunman, hindi nasasangkot ang mga panalangin sa mga pangyayaring ito, yamang bawat isa kina Esteban at Juan ay nakakita kay Jesus sa pangitain at nakipag-usap sa kaniya nang tuwiran. (Gawa 7:56, 59; Apocalipsis 1:17-19; 22:20) Alalahanin na ang pakikipag-usap lamang sa Diyos ay hindi sa ganang sarili nito maituturing na panalangin. Sina Adan at Eva ay nakipag-usap sa Diyos, anupat nangangatuwiran dahil sa kanilang malaking kasalanan, nang hatulan Niya sila pagkatapos ng kanilang pagkakasala sa Eden. Ang pakikipag-usap nila sa kaniya sa ganiyang paraan ay hindi isang panalangin. (Genesis 3:8-19) Samakatuwid, maling banggitin ang pakikipag-usap ni Esteban o ni Juan kay Jesus bilang ebidensiya na tayo ay talagang nararapat manalangin sa kaniya.
Papaano ‘Tinatawagan’ ang Pangalan ni Jesus?
Mayroon ka pa bang pag-aalinlangan, anupat itinuturing pa ring angkop na manalangin kay Jesus? Ganito ang isinulat ng isang babae sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower: “Nakalulungkot, hindi pa rin ako kumbinsido na ang mga unang Kristiyano ay hindi nanalangin kay Jesus.” Nasa isip niya ang mga salita ni Pablo sa 1 Corinto 1:2, na doo’y binanggit niya na ang “lahat na sa lahat ng dako ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo.” Gayunman, dapat pansinin ng isa na sa orihinal na wika, ang pananalitang “tumawag” ay maaaring mangahulugan ng mga bagay bukod sa panalangin.
Papaano ‘tinatawagan’ sa lahat ng dako ang pangalan ni Kristo? Ang isang paraan ay na ang mga tagasunod ni Jesus ng Nasaret ay hayagang kumilala sa kaniya bilang ang Mesiyas at “Tagapagligtas ng sanlibutan,” na gumawa ng maraming himala sa kaniyang pangalan. (1 Juan 4:14; Gawa 3:6; 19:5) Samakatuwid, sinasabi ng The Interpreter’s Bible na ang pariralang “tumawag sa pangalan ng ating Panginoon . . . ay nangangahulugang ipahayag ang kaniyang pagkapanginoon sa halip na manalangin sa kaniya.”
Ang pagtanggap kay Kristo at pagsasagawa ng pananampalataya sa kaniyang itinigis na dugo, na nagpapangyaring mapatawad ang mga kasalanan, ay maituturing ding ‘pagtawag sa pangalan ng ating Panginoon, si Jesu-Kristo.” (Paghambingin ang Gawa 10:43 at 22:16.) At literal na sinasabi natin ang pangalan ni Jesus kailanma’t nanalangin tayo sa Diyos sa pamamagitan niya. Kung kaya, samantalang ipinakikita na makatatawag tayo sa pangalan ni Jesus, hindi ipinahihiwatig ng Bibliya na nararapat tayong manalangin sa kaniya.—Efeso 5:20; Colosas 3:17.
Kung Ano ang Magagawa ni Jesus Para sa Atin
Maliwanag na ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung kayo ay hihingi ng anumang bagay sa aking pangalan, ay gagawin ko iyon.” Hinihiling ba nito ang pananalangin sa kaniya? Hindi. Ang paghingi ay iniuukol sa Diyos na Jehova—ngunit sa pangalan ni Jesus. (Juan 14:13, 14; 15:16) Hinihiling natin sa Diyos na gamitin ng Kaniyang Anak, si Jesus, ang kaniyang dakilang kapangyarihan at awtoridad alang-alang sa atin.
Papaano nakikipagtalastasan si Jesus sa kaniyang tunay na mga tagasunod sa ngayon? Ang paglalarawan ni Pablo sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano ay maaaring magsilbing isang halimbawa. Inihalintulad niya ito sa isang katawan at si Jesu-Kristo naman sa ulo. Ang “ulo” ang siyang naglalaan sa mga miyembro ng espirituwal na katawan ng kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng “mga kasukasuan at mga litid,” o ang mga paraan at mga kaayusan sa paglalaan ng espirituwal na pagkain at patnubay sa kaniyang kongregasyon. (Colosas 2:19) Sa nakakatulad na paraan, ginagamit ngayon ni Jesus ang “mga kaloob sa mga tao,” o mga lalaking kuwalipikado sa espirituwal, upang manguna sa kongregasyon, na naglalapat pa nga ng pagtutuwid kung kinakailangan. Walang paglalaan para sa mga miyembro ng kongregasyon upang tuwirang makipagtalastasan kay Jesus o kaya’y upang manalangin sa kaniya, ngunit talagang nararapat—oo, kailangan—na sila ay manalangin sa Ama ni Jesus, ang Diyos na Jehova.—Efeso 4:8-12.
Papaano Mo Pinararangalan si Jesus?
Hinggil sa kaligtasan ng mga tao, napakahalagang papel nga ang ginagampanan ni Jesus! Ganito ang ibinulalas ni apostol Pedro: “Walang kaligtasan sa kaninumang iba, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na siyang dapat nating ikaligtas.” (Gawa 4:12) Batid mo ba ang kahalagahan ng pangalan ni Jesus?
Hindi natin pinabababa ang kaniyang posisyon sa pamamagitan ng hindi pag-uukol ng mga panalangin kay Jesus nang personal. Sa halip, napaparangalan si Jesus kapag nananalangin tayo sa kaniyang pangalan. At kung papaanong pinararangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagiging masunurin, pinararangalan natin si Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos, lalo na sa bagong utos na ibigin ang isa’t isa.—Juan 5:23; 13:34.
Nakalulugod na mga Panalangin
Nagnanais ka bang maghandog ng nakalulugod na mga panalangin? Kung gayon ay iukol ang mga ito sa Diyos na Jehova, at gawin iyon sa pangalan ng kaniyang Anak, si Jesus. Alamin ang kalooban ng Diyos, at hayaang mabanaag sa inyong mga panalangin ang pagkaunawang iyan. (1 Juan 3:21, 22; 5:14) Kumuha ng kalakasan buhat sa mga salita ng Awit 66:20: “Pagpalain ang Diyos, na hindi tumalikod sa aking panalangin, ni ang kaniyang maibiging-kabaitan sa akin.”
Gaya ng nakita natin, ang mga panalangin ay isang anyo ng pagsamba na nuukol tangi lamang sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Sa pamamagitan ng pag-uukol ng lahat ng ating panalangin sa Diyos na Jehova, ipinahihiwatig natin na sinusunod natin ang tagubilin ni Jesus na ipanalangin: “Ama namin na nasa mga langit.”—Mateo 6:9.
[Talababa]
a Maaaring ang ilan ay nananalangin kay Jesus sapagkat naniniwala sila na siya ang Diyos. Subalit si Jesus ay Anak ng Diyos, at siya mismo ay sumamba kay Jehova, ang kaniyang Ama. (Juan 20:17) Para sa detalyadong pagtalakay sa paksang ito, tingnan ang Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.