MAHABANG PAGTITIIS
Matiyagang pagbabata sa kamalian o sa pagpukaw ng galit, lakip ang pagtangging isuko ang pag-asang bubuti ang nasirang kaugnayan. Samakatuwid, ang mahabang pagtitiis ay may layunin, anupat partikular na nakatuon sa kapakanan ng isa na sanhi ng di-kaayaayang situwasyon. Gayunman, hindi ito nangangahulugan ng pagkunsinti sa kamalian. Kapag natupad na ng mahabang pagtitiis ang layunin nito, o kapag wala nang dahilan upang patuloy na batahin ang situwasyon, nagwawakas ang mahabang pagtitiis. Maaari itong magwakas sa ikabubuti niyaong mga pumukaw ng galit o sa isang pagkilos laban sa mga gumawa ng kamalian. Anuman ang mangyari, ang espiritu ng isa na nagpapakita ng mahabang pagtitiis ay hindi napipinsala.
Ang literal na kahulugan ng pananalitang Hebreo na isinalin bilang “mabagal sa pagkagalit” (“may mahabang pagtitiis” sa ilang salin) ay “haba ng mga butas ng ilong [kung saan sumisingasing ang galit].” (Exo 34:6; Bil 14:18; tingnan ang GALIT.) Ang salitang Griego naman na ma·kro·thy·miʹa (mahabang pagtitiis) ay literal na nangangahulugang “kahabaan ng espiritu.” (Ro 2:4, Int) Ang mga pananalitang Hebreo at Griego ay kapuwa tumutukoy sa pagtitiis, pagtitimpi, kabagalan sa pagkagalit. Sa pananalitang Tagalog na “mahabang pagtitiis,” ang salitang “pagtitiis” ay may diwa ng “pagbabata, pagpapahintulot, pagpaparaya, pagpipigil, o pagpapaliban.” Higit pa ang kahulugan ng “mahabang pagtitiis” kaysa basta pagbabata ng kirot o kabagabagan. Hindi ito nangangahulugan ng basta “pagtitiis nang mahabang panahon” kundi kasangkot dito ang kusang pagpipigil.
Isinisiwalat ng Kasulatan kung ano ang pangmalas ng Diyos sa mahabang pagtitiis at itinatawag-pansin nito ang kamangmangan at masasamang resulta ng hindi pagpapanatili ng “kahabaan ng espiritu.” Ang taong may mahabang pagtitiis ay waring mahina, ngunit ang totoo ay gumagamit siya ng kaunawaan. “Siyang mabagal sa pagkagalit ay sagana sa kaunawaan, ngunit ang walang pagtitimpi ay nagtatanyag ng kamangmangan.” (Kaw 14:29) Mas mabuti ang mahabang pagtitiis kaysa sa pisikal na kalakasan, at mas malaki ang magagawa nito. “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.”—Kaw 16:32.
Ang taong hindi ‘mahaba ang espiritu,’ at sumisilakbo nang walang pagpipigil, ay madaling mapasukan ng lahat ng uri ng di-wastong kaisipan at makagawa ng maling pagkilos, sapagkat: “Gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kaw 25:28) “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” (Kaw 29:11) Dahil dito, ang taong marunong ay nagpayo na huwag maging ‘maikli ang espiritu’ ng isa: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.”—Ec 7:9.
Ang Mahabang Pagtitiis ni Jehova. Nang paakyatin ni Jehova si Moises sa Bundok Horeb at ipakita niya rito ang ilang bahagi ng kaniyang kaluwalhatian, ipinahayag niya sa harap ni Moises: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Exo 34:5-7) Ang katotohanang ito na mabagal si Jehova sa pagkagalit ay inulit nina Moises, David, Nahum, at ng iba pa.—Bil 14:18; Ne 9:17; Aw 86:15; 103:8; Joe 2:13; Jon 4:2; Na 1:3.
Bagaman ang mahabang pagtitiis ay isang katangian ni Jehova, palagi itong ipinakikita kasuwato ng kaniyang pangunahing mga katangian na pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. (1Ju 4:8; Deu 32:4; Kaw 2:6; Aw 62:11; Isa 40:26, 29) Dapat iukol ang katarungan, una sa lahat, sa sariling pangalan ng Diyos. Ang pangalang iyon ay dapat itanyag nang higit sa lahat ng iba pang pangalan sa sansinukob, at mahalaga ito para sa ikabubuti ng lahat ng kaniyang nilalang. Ang pagpapadakila sa pangalan niya ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit siya nagpapakita ng mahabang pagtitiis, gaya nga ng ipinaliwanag ng apostol na si Pablo: “Ngayon, kung ang Diyos, bagaman niloloob na ipakita ang kaniyang poot at ihayag ang kaniyang kapangyarihan, ay nagparaya taglay ang labis na mahabang pagtitiis sa mga sisidlan ng poot na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa, upang maihayag niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na patiuna niyang inihanda ukol sa kaluwalhatian, samakatuwid nga ay tayo, na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga bansa, ano ngayon?” (Ro 9:22-24) Habang nagpapakita ng mahabang pagtitiis ang Diyos, siya ay kumukuha ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan. At pinadadakila niya ang kaniyang sarili sa buong lupa sa pamamagitan nila.—Gaw 15:14; 1Co 3:9, 16, 17; 2Co 6:16.
Noon pa mang pasimula ng kasaysayan ng tao ay ipinakita na ng Diyos ang kaniyang mahabang pagtitiis. Ang paghihimagsik ng unang mag-asawa ay humantong sa paglabag sa kaniyang kautusan. Ngunit sa halip na patayin sila kaagad, na makatarungan naman sanang gawin ng Diyos, nagpamalas siya ng mahabang pagtitiis udyok ng pag-ibig. Ito ay para sa kanilang di-pa-naisisilang na mga supling, na sa mga ito’y nangangahulugan ng buhay ang gayong mahabang pagtitiis (ang kaniyang pagtitiis ay nangangahulugan ng kaligtasan para sa marami [2Pe 3:15]). Higit na mahalaga, nasa isip din ng Diyos ang pagpapadakila sa kaniyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Binhing ipinangako. (Gen 3:15; Ju 3:16; Gal 3:16) At hindi lamang noong panahong iyon nagpakita ang Diyos ng mahabang pagtitiis kundi alam din niyang kakailanganin niyang pagtiisan ang di-sakdal na sangkatauhan sa loob ng ilang libong taon ng kasaysayan, anupat ipagpapaliban niya ang pagpaparusa sa isang sanlibutang nakikipag-alit sa kaniya. (San 4:4) Hindi naunawaan ng ilan, at inabuso pa nga nila, ang mahabang pagtitiis ng Diyos sa kanila, anupat sumala sila sa layunin nito dahil itinuring nila ito na kabagalan sa halip na maibiging pagtitiis.—Ro 2:4; 2Pe 3:9.
Higit kailanman, nakita ang mahabang pagtitiis ng Diyos sa kaniyang mga pakikitungo sa sinaunang bansang Israel. (Ro 10:21) Muli’t muli niya silang tinatanggap pagkatapos silang humiwalay, maparusahan, at magsisi. Pinatay nila ang kaniyang mga propeta at nang dakong huli ay ang sarili niyang Anak. Sinalansang nila ang pangangaral ni Jesus at ng kaniyang mga apostol tungkol sa mabuting balita. Ngunit hindi naman nasayang ang mahabang pagtitiis ng Diyos. May isang nalabi na naging tapat. (Isa 6:8-13; Ro 9:27-29; 11:5) Ginamit niya ang ilan sa gayong mga taong tapat upang sumulat ng kaniyang Salita sa ilalim ng pagkasi. (Ro 3:1, 2) Ipinakita ng Kautusang ibinigay niya na ang buong sangkatauhan ay makasalanan at nangangailangan ng isang manunubos, at itinawag-pansin nito ang Isa na magbibigay ng kaniyang buhay bilang pantubos na halaga at dadakilain sa mataas na posisyon bilang Hari. (Gal 3:19, 24) Naglaan ang Kasulatan ng mga parisan ng Kahariang iyon at ng pagkasaserdote ni Kristo (Col 2:16, 17; Heb 10:1), at nagbigay ito ng mga halimbawa na maaaring nating tularan o iwasan. (1Co 10:11; Heb 6:12; San 5:10) Mahalaga sa sangkatauhan ang lahat ng bagay na ito ukol sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan.—Ro 15:4; 2Ti 3:16, 17.
Hindi panghabang-panahon ang mahabang pagtitiis ni Jehova. Sa kabilang dako, nagpapakita ng mahabang pagtitiis ang Diyos tangi lamang kung kasuwato ito ng katarungan, katuwiran, at karunungan. Yamang ang mahabang pagtitiis ay ipinamamalas kapag may masama o nakagagalit na situwasyon, ipinakikita nito na layunin niyaon na bigyan ng pagkakataon yaong mga kasangkot sa masamang situwasyon na magbago o magpakabuti. Kapag sumapit ang mga bagay-bagay sa punto na doo’y nakikitang wala na silang pag-asang magbago, malalabag ang katarungan at katuwiran kung magpapatuloy ang mahabang pagtitiis. Sa gayon, kikilos ang Diyos ayon sa karunungan upang alisin ang masamang situwasyon. Dito nagwawakas ang kaniyang pagtitiis.
Ang isang halimbawa ng gayong pagtitimpi ng Diyos at ng pagwawakas nito ay ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao bago ang Baha. Isang napakasamang kalagayan ang umiiral noon, at sinabi ng Diyos: “Ang aking espiritu ay hindi kikilos sa tao nang habang panahon sapagkat siya ay laman din. Kaya ang kaniyang mga araw ay aabot ng isang daan at dalawampung taon.” (Gen 6:3) Nang maglaon, may kinalaman sa pag-abuso ng Israel sa mahabang pagtitiis ni Jehova, sinabi ni Isaias: “Ngunit sila ay naghimagsik at pinagdamdam ang kaniyang banal na espiritu. Siya ngayon ay naging kaaway nila; siya ay nakipagdigma laban sa kanila.”—Isa 63:10; ihambing ang Gaw 7:51.
Dahil dito, pinamamanhikan ang mga Kristiyano na huwag “tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sumala sa layunin nito.” (2Co 6:1) Pinapayuhan sila: “Huwag ninyong pighatiin [palungkutin] ang banal na espiritu ng Diyos.” (Efe 4:30, Int) Gayundin, “Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu.” (1Te 5:19) Kung gagawin nila ito, baka umabot sila sa punto ng pagkakasala at pamumusong laban sa espiritu ng Diyos, anupat sa diwa ay nilalapastangan iyon. Isa itong kaso na doo’y walang pagsisisi o kapatawaran, kundi pagkapuksa lamang.—Mat 12:31, 32; Heb 6:4-6; 10:26-31.
Si Jesu-Kristo. Si Jesu-Kristo ay naging halimbawa ng mahabang pagtitiis sa gitna ng mga tao. Tungkol sa kaniya, ang propetang si Isaias ay sumulat: “Siya ay ginipit, at hinayaan niyang pighatiin siya; gayunma’y hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig. Siya ay dinalang tulad ng isang tupa patungo sa patayan; at tulad ng isang tupang babae na sa harap ng kaniyang mga manggugupit ay napipi, hindi rin niya ibinubuka ang kaniyang bibig.” (Isa 53:7) Tiniis niya ang mga kahinaan ng kaniyang mga apostol at ang mga pang-iinsulto at kawalang-galang sa kaniya ng galít at mababangis na kaaway. Gayunma’y hindi siya gumanti, sa salita man o sa gawa. (Ro 15:3) Nang magpadalus-dalos ang apostol na si Pedro at tagpasin ang tainga ni Malco, sinaway siya ni Jesus sa ganitong mga salita: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, . . . iniisip mo ba na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel? Kung magkagayon, paano matutupad ang Kasulatan na dapat itong maganap sa ganitong paraan?”—Mat 26:51-54; Ju 18:10, 11.
Bakit mahalagang linangin ng mga Kristiyano ang mahabang pagtitiis?
Batay sa mga nabanggit na, maliwanag na ang mahabang pagtitiis ay nagmumula sa Diyos na Jehova. Ito ay isang bunga ng kaniyang espiritu. (Gal 5:22) Palibhasa’y ginawa ang tao ayon sa larawan at wangis ng Diyos, taglay niya ang katangiang ito sa isang antas at maaari niya itong pasulungin sa pamamagitan ng pagsunod sa Salita ng Diyos at sa patnubay ng Kaniyang banal na espiritu. (Gen 1:26, 27) Kaya naman inuutusan ang mga Kristiyano na linangin at ipamalas ang katangiang ito. (Col 3:12) Isa itong pagkakakilanlan ng isang ministro ng Diyos. (2Co 6:4-6) Sinabi ng apostol na si Pablo: “Magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1Te 5:14) Binanggit niya na mahalagang ipakita ang katangiang ito upang maging kalugud-lugod sa Diyos. Ngunit hindi tunay ang mahabang pagtitiis ng isa kung may kasabay itong pagbubulung-bulong at pagrereklamo. Ipinakita ni Pablo na ang kapuri-puring bagay ay ang ‘pagkakaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.’—Col 1:9-12.
Bukod sa kagalakang natatamo ng isa dahil sa pagpapakita ng mahabang pagtitiis, mayroon din itong malalaking gantimpala. Dahil sa mahabang pagtitiis ni Jehova, naluluwalhati ang kaniyang pangalan. Napatutunayang mali ang hamon laban sa pagiging matuwid at marapat ng soberanya ng Diyos, at siya ay naipagbabangong-puri. (Gen 3:1-5; Job 1:7-11; 2:3-5) Ano kaya kung pinatay na niya sina Adan, Eva, at Satanas noong panahon ng paghihimagsik? Baka isipin ng iba na may katuwiran si Satanas sa hamon nito. Ngunit sa pamamagitan ng mahabang pagtitiis, binigyan ni Jehova ang mga tao ng pagkakataong patunayan sa ilalim ng pagsubok na mas pinipili nilang magpasakop sa kaniyang soberanya at na nais nilang paglingkuran siya dahil sa kaniyang maiinam na katangian, oo, ipakita na mas pinipili nila ang soberanya ni Jehova kaysa sa ganap na pagsasarili, yamang alam nila na ito’y di-hamak na mas mabuti.—Aw 84:10.
Dahil sa mahabang pagtitiis ni Jesu-Kristo bilang pagsunod sa Diyos, siya ay tumanggap ng isang lubhang kamangha-manghang gantimpala, anupat siya’y dinakila ng kaniyang Ama sa nakatataas na posisyon ng pagkahari at binigyan Niya ng “pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.” (Fil 2:5-11) Bukod dito, tumanggap siya ng isang “kasintahang babae” na binubuo ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, ang Bagong Jerusalem, na inilalarawan bilang isang lunsod, anupat sa mga batong pundasyon nito ay naroon ang mga pangalan ng 12 apostol ng Kordero.—2Co 11:2; Apo 21:2, 9, 10, 14.
Malaki rin ang gantimpala para sa lahat ng taong naglilinang ng mahabang pagtitiis at nagpapanatili nito kasuwato ng layunin ng Diyos. (Heb 6:11-15) Nakadarama sila ng kasiyahan sa pagtulad sa katangian ng Diyos, sa paggawa ng kaniyang kalooban, at sa pagtatamo ng kaniyang pagsang-ayon. Karagdagan pa, bilang resulta ng kanilang mahabang pagtitiis, matutulungan nila ang iba na makilala ang Diyos at magkamit ng buhay na walang hanggan.—1Ti 4:16.