‘Damtan ang Inyong Sarili ng Mahabang Pagtitiis’
“Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag . . . at mahabang pagtitiis.”—COLOSAS 3:12.
1. Isalaysay ang isang mainam na halimbawa ng mahabang pagtitiis.
SI Régis, na naninirahan sa timog-kanlurang Pransiya, ay naging bautisadong Saksi ni Jehova noong 1952. Sa loob ng maraming taon ay ginawa ng kaniyang asawa ang lahat upang hadlangan ang kaniyang mga pagsisikap na paglingkuran si Jehova. Sinubukan nitong butasin ang mga gulong ng kaniyang sasakyan upang hadlangan siyang makadalo sa mga pagpupulong, at sa isang pagkakataon ay sinundan pa man din siya nito habang ipinangangaral niya ang mensahe ng Bibliya sa bahay-bahay, anupat kinukutya siya habang nakikipag-usap siya sa mga may-bahay tungkol sa mabuting balita ng Kaharian. Sa kabila ng walang-tigil na pagsalansang na ito, patuloy na nagpamalas ng mahabang pagtitiis si Régis. Kaya naman si Régis ay isang mainam na halimbawa para sa lahat ng mga Kristiyano, yamang hinihiling ni Jehova sa lahat ng kaniyang mga mananamba na magpamalas ng mahabang pagtitiis sa kanilang pakikitungo sa iba.
2. Ano ang literal na kahulugan ng salitang Griego para sa “mahabang pagtitiis,” at ano ang ipinahihiwatig ng salita?
2 Ang salitang Griego para sa “mahabang pagtitiis” ay literal na nangangahulugang “kahabaan ng espiritu.” Isinasalin ng Tagalog na Bagong Sanlibutang Salin ang salitang ito ng sampung beses bilang “mahabang pagtitiis,” tatlong beses bilang “pagtitiis,” at minsan bilang “pagkamatiisin.” Kapuwa ang Hebreo at Griegong pananalita na isinaling “mahabang pagtitiis” ay may diwa ng pagtitiis, pagtitimpi, at kabagalan sa pagkagalit.
3. Paano naiiba ang pangmalas ng mga Kristiyano sa mahabang pagtitiis kung ihahambing sa pangmalas ng mga Griego noong unang siglo?
3 Sa pangmalas ng mga Griego noong unang siglo, ang mahabang pagtitiis ay hindi isang kagalingan. Ang mismong salitang ito ay hindi kailanman ginamit ng mga pilosopong Estoico. Ayon sa iskolar sa Bibliya na si William Barclay, ang mahabang pagtitiis “ay siyang kabaligtaran mismo ng kagalingang Griego,” na bukod sa iba pang bagay ay ipinagmamalaki “ang pagtangging pagtiisan ang anumang insulto o pinsala.” Sinabi niya: “Para sa Griego ang may-kakayahang tao ay ang tao na gagawin ang lahat para makapaghiganti. Para sa Kristiyano ang may-kakayahang tao ay ang tao na tumatangging maghiganti bagaman magagawa niya.” Maaaring itinuring ng mga Griego na isang tanda ng kahinaan ang mahabang pagtitiis, ngunit dito, tulad sa iba pang kaso, “ang isang mangmang na bagay ng Diyos ay mas marunong kaysa sa mga tao, at ang isang mahinang bagay ng Diyos ay mas malakas kaysa sa mga tao.”—1 Corinto 1:25.
Ang Halimbawa ng Mahabang Pagtitiis ni Kristo
4, 5. Anong kamangha-manghang halimbawa ng mahabang pagtitiis ang ipinakita ni Jesus?
4 Pangalawa lamang kay Jehova, ipinakita ni Kristo Jesus ang isang mainam na halimbawa ng mahabang pagtitiis. Nang makaranas ng matinding panggigipit, nagpamalas si Jesus ng kahanga-hangang pagpipigil. Tungkol sa kaniya ay inihula: “Siya ay ginipit, at hinayaan niyang pighatiin siya; gayunma’y hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig. Siya ay dinalang tulad ng isang tupa patungo sa patayan; at tulad ng isang tupang babae na sa harap ng kaniyang mga manggugupit ay napipi, hindi rin niya ibinubuka ang kaniyang bibig.”—Isaias 53:7.
5 Tunay na pambihira ang mahabang pagtitiis na ipinamalas ni Jesus sa buong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa! Binata niya ang mapanlinlang na mga tanong ng kaniyang mga kaaway at ang mga pang-iinsulto ng mga mananalansang. (Mateo 22:15-46; 1 Pedro 2:23) Siya ay matiisin sa kaniyang mga alagad, kahit na palagi silang nag-aaway kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Marcos 9:33-37; 10:35-45; Lucas 22:24-27) At talagang kahanga-hangang pagpipigil ang ipinamalas ni Jesus noong gabi ng pagkakanulo sa kaniya nang makatulog sina Pedro at Juan matapos silang sabihan na “patuloy na magbantay”!—Mateo 26:36-41.
6. Paano nakinabang si Pablo sa mahabang pagtitiis ni Jesus, at ano ang matututuhan natin mula rito?
6 Pagkatapos ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, si Jesus ay patuloy na nagpamalas ng mahabang pagtitiis. Alam na alam ito ni apostol Pablo, yamang siya ay dating naging mang-uusig ng mga Kristiyano. Sumulat si Pablo: “Tapat at karapat-dapat sa lubusang pagtanggap ang pananalita na si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. Sa mga ito ay pangunahin ako. Gayunpaman, ang dahilan kung bakit ako pinagpakitaan ng awa ay upang sa pamamagitan ko bilang pangunahing halimbawa ay maipakita ni Kristo Jesus ang lahat ng kaniyang mahabang pagtitiis bilang isang uliran niyaong mga maglalagak ng kanilang pananampalataya sa kaniya ukol sa buhay na walang hanggan.” (1 Timoteo 1:15, 16) Anuman ang ating nakaraan, kung ilalagak natin ang ating pananampalataya kay Jesus, siya ay magpapamalas ng mahabang pagtitiis sa atin—habang, siyempre pa, inaasahan na magluluwal tayo ng “mga gawang angkop sa pagsisisi.” (Gawa 26:20; Roma 2:4) Ipinakikita ng mga mensaheng ipinadala ni Kristo sa pitong kongregasyon sa Asia Minor na bagaman mahaba ang kaniyang pagtitiis, inaasahan naman niya ang pagsulong.—Apocalipsis, kabanata 2 at 3.
Isang Bunga ng Espiritu
7. Ano ang kaugnayan ng mahabang pagtitiis at ng banal na espiritu?
7 Sa ika-5 kabanata ng kaniyang liham sa mga taga-Galacia, inihambing ni Pablo ang mga gawa ng laman sa mga bunga ng espiritu. (Galacia 5:19-23) Yamang ang mahabang pagtitiis ay isa sa mga katangian ni Jehova, ang katangiang ito ay nagmumula sa kaniya at ito ay isang bunga ng kaniyang espiritu. (Exodo 34:6, 7) Sa katunayan, ang mahabang pagtitiis ay pang-apat na itinala sa paglalarawan ni Pablo sa mga bunga ng espiritu, lakip na ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, . . . kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Samakatuwid, kapag nagpapamalas ng makadiyos na pagtitiis, o mahabang pagtitiis, ang mga lingkod ng Diyos, ginagawa nila ito sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu.
8. Ano ang tutulong sa atin upang malinang ang mga bunga ng espiritu, kalakip na ang mahabang pagtitiis?
8 Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ipinipilit ni Jehova ang kaniyang espiritu sa isang tao. Dapat na kusa tayong magbigay-daan sa impluwensiya nito. (2 Corinto 3:17; Efeso 4:30) Hinahayaan nating kumilos ang espiritu sa ating buhay sa pamamagitan ng paglilinang sa mga bunga nito sa lahat ng ating ginagawa. Pagkatapos isa-isahin ang mga gawa ng laman at ang mga bunga ng espiritu, sinabi pa ni Pablo: “Kung tayo ay nabubuhay ayon sa espiritu, magpatuloy rin tayong lumakad nang maayos ayon sa espiritu. Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin; sapagkat siyang naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.” (Galacia 5:25; 6:7, 8) Kung gusto nating magtagumpay sa paglilinang ng mahabang pagtitiis, dapat din nating linangin ang iba pang mga bunga na iniluluwal ng banal na espiritu sa mga Kristiyano.
“Ang Pag-ibig ay May Mahabang Pagtitiis”
9. Ano ang posibleng dahilan kung bakit sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na “ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis”?
9 Ipinakita ni Pablo na umiiral ang isang pantanging kaugnayan sa pagitan ng pag-ibig at ng mahabang pagtitiis nang kaniyang sabihin: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis.” (1 Corinto 13:4) Sinasabi ng isang iskolar sa Bibliya, si Albert Barnes, na idiniin ito ni Pablo dahil sa pagtatalo at hidwaan na umiiral noon sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto. (1 Corinto 1:11, 12) Ipinaliwanag ni Barnes: “Ang salita na ginamit dito [para sa mahabang pagtitiis] ay kabaligtaran ng pagmamadali: ng nagngangalit na mga kapahayagan at kaisipan, at ng pagiging madaling mayamot. Nagpapahiwatig ito ng kalagayan ng isip na maaaring MAGTIIS NANG MATAGAL kapag sinisiil at pinupukaw sa galit.” Ang pag-ibig at mahabang pagtitiis ay nakadaragdag pa rin nang malaki sa kapayapaan ng kongregasyong Kristiyano.
10. (a) Sa anong paraan tayo tinutulungan ng pag-ibig na magpamalas ng mahabang pagtitiis, at anong payo ang ibinibigay ni apostol Pablo hinggil dito? (b) Ano ang komento ng isang iskolar sa Bibliya hinggil sa mahabang pagtitiis at kabaitan ng Diyos? (Tingnan ang talababa.)
10 “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit.” Samakatuwid, sa maraming paraan, tinutulungan tayo ng pag-ibig na magpamalas ng mahabang pagtitiis.a (1 Corinto 13:4, 5) Pinangyayari ng pag-ibig na matiyaga nating pagtiisan ang isa’t isa at alalahanin na tayong lahat ay di-sakdal at may mga pagkakamali at pagkukulang. Tinutulungan tayo nito na maging makonsiderasyon at mapagpatawad. Pinasisigla tayo ni apostol Pablo na lumakad nang “may buong kababaan ng pag-iisip at kahinahunan, na may mahabang pagtitiis, na pinagtitiisan ang isa’t isa sa pag-ibig, na marubdob na pinagsisikapang ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.”—Efeso 4:1-3.
11. Bakit lalo nang mahalaga na magpamalas ng mahabang pagtitiis sa mga pamayanang Kristiyano?
11 Ang mahabang pagtitiis ng kani-kanilang miyembro ay nagdudulot ng kapayapaan at kaligayahan sa mga pamayanang Kristiyano, ito man ay sa mga kongregasyon, mga tahanang Bethel, mga tahanan ng mga misyonero, mga pangkat sa pagtatayo, o sa mga paaralang Kristiyano. Dahil sa mga pagkakaiba ng personalidad, naisin, pagpapalaki, mga pamantayan ng paggalang, maging ng kalinisan, maaaring bumangon paminsan-minsan ang nakayayamot na mga situwasyon. Totoo rin ito sa mga pamilya. Ang pagiging mabagal sa pagkagalit ay mahalaga. (Kawikaan 14:29; 15:18; 19:11) Ang mahabang pagtitiis—matiyagang pagbabata, sa pag-asang magkaroon ng pagbabago ukol sa ikabubuti—ay kinakailangan sa panig ng lahat.—Roma 15:1-6.
Tinutulungan Tayong Magbata ng Mahabang Pagtitiis
12. Bakit mahalaga ang mahabang pagtitiis sa panahon ng napakahirap na mga kalagayan?
12 Tinutulungan tayo ng mahabang pagtitiis na mabata ang napakahirap na mga situwasyon na waring walang katapusan o walang anumang dagliang solusyon. Totoo ito kay Régis, na binanggit sa pasimula. Sa loob ng maraming taon, sinalansang ng kaniyang asawa ang mga pagsisikap niya na paglingkuran si Jehova. Gayunman, isang araw ay lumuluha itong lumapit sa kaniya at nagsabi: “Alam kong iyan ang katotohanan. Tulungan mo ako. Gusto kong mag-aral ng Bibliya.” Siya ay nabautismuhan nang dakong huli bilang isang Saksi. Sinabi ni Régis: “Pinatunayan nito na pinagpala ni Jehova ang mga taóng iyon ng pakikipagpunyagi, pagtitiis, at pagbabata.” Ginantimpalaan ang kaniyang mahabang pagtitiis.
13. Ano ang tumulong kay Pablo upang makapagbata, at paano tayo matutulungang magbata ng kaniyang halimbawa?
13 Noong unang siglo C.E., si apostol Pablo ay isang mainam na halimbawa ng mahabang pagtitiis. (2 Corinto 6:3-10; 1 Timoteo 1:16) Sa dulong bahagi ng kaniyang buhay nang pinapayuhan niya ang kaniyang nakababatang kasama na si Timoteo, pinaalalahanan siya ni Pablo na lahat ng Kristiyano ay mapapaharap sa mga pagsubok. Binanggit ni Pablo ang kaniyang sariling halimbawa at inirekomenda ang pangunahing mga katangiang Kristiyano na kinakailangan sa pagbabata. Sumulat siya: “Maingat mong sinundan ang aking turo, ang aking landasin sa buhay, ang aking layunin, ang aking pananampalataya, ang aking mahabang pagtitiis, ang aking pag-ibig, ang aking pagbabata, ang mga pag-uusig sa akin, ang aking mga pagdurusa, ang uri ng mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio, sa Listra, ang uri ng mga pag-uusig na tiniis ko; gayunma’y mula sa lahat ng mga ito ay iniligtas ako ng Panginoon. Sa katunayan, lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:10-12; Gawa 13:49-51; 14:19-22) Upang makapagbata, tayong lahat ay nangangailangan ng pananampalataya, pag-ibig, at mahabang pagtitiis.
Nadaramtan ng Mahabang Pagtitiis
14. Sa ano inihalintulad ni Pablo ang makadiyos na mga katangian na gaya ng mahabang pagtitiis, at anong payo ang kaniyang ibinigay sa mga Kristiyano sa Colosas?
14 Inihalintulad ni apostol Pablo ang mahabang pagtitiis at ang iba pang makadiyos na mga katangian sa mga kasuutan na dapat na isuot ng Kristiyano pagkatapos hubarin ang mga gawain na pagkakakilanlan ng “lumang personalidad.” (Colosas 3:5-10) Sumulat siya: “Bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:12-14.
15. Ano ang mga ibinubunga kapag ‘dinaramtan [ng mga Kristiyano] ang kanilang sarili’ ng mahabang pagtitiis at ng iba pang makadiyos na mga katangian?
15 Kapag ang mga miyembro ng kongregasyon ay ‘nagdaramit sa kanilang sarili’ ng pagkamahabagin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, mahabang pagtitiis, at pag-ibig, malulutas nila ang mga problema at makapagpapatuloy nang may pagkakaisa sa paglilingkod kay Jehova. Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay lalo nang kailangang magpamalas ng mahabang pagtitiis. May mga panahon na kailangang sawayin nila ang ibang Kristiyano, ngunit may iba’t ibang paraan ng paggawa nito. Inilarawan ni Pablo ang pinakamahusay na saloobin nang sumulat siya kay Timoteo: “Sumaway ka, sumawata ka, magpayo ka, na lubusang taglay ang mahabang pagtitiis at sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2) Oo, ang mga tupa ni Jehova ay dapat na laging pakitunguhan nang may mahabang pagtitiis, dignidad, at pagkamagiliw.—Mateo 7:12; 11:28; Gawa 20:28, 29; Roma 12:10.
“Mahabang Pagtitiis sa Lahat”
16. Ano ang maaaring ibunga kung tayo ay may “mahabang pagtitiis sa lahat”?
16 Ang mahabang pagtitiis ni Jehova sa sangkatauhan ay nag-aatang sa atin ng moral na pananagutan na “magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) Nangangahulugan ito ng pagiging matiisin sa mga di-Saksing kapamilya, kapitbahay, katrabaho at mga kaklase. Maraming maling akala ang napagtagumpayan ng mga Saksi na nagbata, kung minsan ay sa loob ng maraming taon, ng mapang-uyam na mga salita o tuwirang pagsalansang mula sa mga tao na nakakasalamuha nila sa trabaho o sa paaralan. (Colosas 4:5, 6) Sumulat si apostol Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.”—1 Pedro 2:12.
17. Paano natin matutularan ang pag-ibig at mahabang pagtitiis ni Jehova, at bakit dapat nating gawin ito?
17 Ang mahabang pagtitiis ni Jehova ay mangangahulugan ng kaligtasan para sa milyun-milyon. (2 Pedro 3:9, 15) Kung tinutularan natin ang pag-ibig at mahabang pagtitiis ni Jehova, may-pagtitiis nating ipagpapatuloy ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ang pagtuturo sa iba na magpasakop sa pamamahala ng Kaharian ni Kristo. (Mateo 28:18-20; Marcos 13:10) Kung hihinto tayo sa pangangaral, para bang gusto nating limitahan ang mahabang pagtitiis ni Jehova at hindi natin naunawaan ang layunin nito, ang akayin sa pagsisisi ang mga tao.—Roma 2:4.
18. Ano ang panalangin ni Pablo para sa mga taga-Colosas?
18 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Colosas, Asia Minor, sumulat si Pablo: “Iyan din ang dahilan kung bakit kami, mula nang araw na marinig namin iyon, ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghiling na mapuspos kayo ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos, na pinalalakas taglay ang buong kapangyarihan ayon sa kaniyang maluwalhating kalakasan nang sa gayon ay makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.”—Colosas 1:9-11.
19, 20. (a) Paano natin maiiwasang malasin bilang isang pagsubok ang patuloy na mahabang pagtitiis ni Jehova? (b) Anong mga kapakinabangan ang ibubunga ng ating pagpapamalas ng mahabang pagtitiis?
19 Ang patuloy na mahabang pagtitiis, o pagpapasensiya, ni Jehova ay hindi magiging pagsubok sa atin kung tayo ay ‘napupuspos ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban,’ iyon ay na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Patuloy tayong ‘mamumunga sa bawat mabuting gawa,’ lalo na sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Kung buong-katapatan nating ipagpapatuloy na gawin ito, ‘palalakasin [tayo ni Jehova] taglay ang buong kapangyarihan,’ anupat tutulungan tayo upang “makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.” Sa paggawa nito, ‘lalakad [tayo] nang karapat-dapat kay Jehova,’ at tataglayin natin ang kapayapaan na nagmumula sa pagkaalam na ‘pinalulugdan [natin] siya nang lubos.’
20 Makumbinsi nawa tayo nang lubusan sa karunungan ng mahabang pagtitiis ni Jehova. Nagsisilbi ito ukol sa ating kaligtasan at sa kaligtasan niyaong mga nakikinig sa ating pangangaral at pagtuturo. (1 Timoteo 4:16) Ang paglilinang sa mga bunga ng espiritu—pag-ibig, kabaitan, kabutihan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili—ay tutulong sa atin na magalak sa pagpapamalas ng mahabang pagtitiis. Mas makapamumuhay tayo nang payapa kasama ng mga miyembro ng ating pamilya at ng ating mga kapatid sa loob ng kongregasyon. Tutulungan din tayo ng mahabang pagtitiis na maging matiisin sa ating mga katrabaho o mga kaeskuwela. At ang ating mahabang pagtitiis ay magkakaroon ng layunin, iyon ay ang iligtas ang mga manggagawa ng kamalian at luwalhatiin ang Diyos ng mahabang pagtitiis, si Jehova.
[Talababa]
a Sa pagkokomento sa pananalita ni Pablo na “ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait,” ganito ang isinulat ng iskolar sa Bibliya na si Gordon D. Fee: “Sa teolohiyang Pauline, ang mga ito [mahabang pagtitiis at kabaitan] ay kumakatawan sa dalawang panig ng saloobin ng Diyos para sa sangkatauhan (cf. Roma 2:4). Sa isang panig, ang maibiging pagtitimpi ng Diyos ay ipinamamalas sa pamamagitan ng pagpigil niya sa kaniyang galit sa paghihimagsik ng tao; sa kabilang panig, masusumpungan ang kaniyang kabaitan sa libu-libong kapahayagan ng kaniyang awa. Kaya ang paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig ay nagsisimula sa dalawang paglalarawang ito sa Diyos, na sa pamamagitan ni Kristo ay ipinamalas ang kaniyang sarili na mapagtimpi at mabait sa mga karapat-dapat sa matinding paghatol ng Diyos.”
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Sa anong mga paraan isang kamangha-manghang halimbawa si Kristo sa pagpapamalas ng mahabang pagtitiis?
• Ano ang tutulong sa atin upang makapaglinang ng mahabang pagtitiis?
• Paano tumutulong ang mahabang pagtitiis sa mga pamilya, mga pamayanang Kristiyano, at sa matatanda?
• Paano magdudulot ng mga kapakinabangan sa atin at sa iba ang ating pagpapamalas ng mahabang pagtitiis?
[Larawan sa pahina 15]
Kahit na nakararanas ng matinding panggigipit, si Jesus ay matiisin sa kaniyang mga alagad
[Larawan sa pahina 16]
Ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay hinihimok na magpakita ng mabuting halimbawa ng mahabang pagtitiis sa pakikitungo sa kanilang mga kapatid
[Larawan sa pahina 17]
Kung tinutularan natin ang pag-ibig at mahabang pagtitiis ni Jehova, patuloy nating ipangangaral ang mabuting balita
[Larawan sa pahina 18]
Idinalangin ni Pablo na ang mga Kristiyano ay “magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan”