Maging Magiliw at Madamayin
“Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan.”—COLOSAS 3:12.
1. Bakit may malaking pangangailangan para sa pagkamadamayin sa ngayon?
HINDI pa kailanman nangyari sa kasaysayan na napakaraming tao sa ngayon ang nangangailangan ng madamaying tulong. Sa harap ng pagkakasakit, gutom, kawalan ng trabaho, krimen, digmaan, anarkiya, at mga kapahamakang dulot ng kalikasan, milyun-milyon ang nangangailangan ng tulong. Ngunit may isa pang suliranin na mas malubha, at iyon ay ang walang-pag-asang kalagayan ng sangkatauhan sa espirituwal. Si Satanas, palibhasa’y alam na maikli na ang kaniyang panahon, “ay nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9, 12) Samakatuwid, lalo na yaong wala sa tunay na Kristiyanong kongregasyon ang nasa panganib na mabawian ng kanilang buhay, at ang Bibliya ay hindi nagbigay ng pag-asa ng pagkabuhay-muli para sa mga mapupuksa sa panahon ng dumarating na araw ng kahatulan ng Diyos.—Mateo 25:31-33, 41, 46; 2 Tesalonica 1:6-9.
2. Bakit pinigil ni Jehova ang pagpuksa sa balakyot?
2 Gayunman, hanggang sa huling sandaling ito, ang Diyos na Jehova ay patuloy na nagpapakita ng pagtitiis at pagkamadamayin sa mga walang utang na loob at mga balakyot. (Mateo 5:45; Lucas 6:35, 36) Ginawa niya ito kung papaanong sa dahilan ding ito’y ipinagpaliban niya ang pagpaparusa sa di-tapat na bansang Israel. ‘“Kung paanong ako’y buháy,” sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘ako’y nalulugod, hindi sa kamatayan ng balakyot na isa, kundi na ang isang taong balakyot ay humiwalay sa kaniyang lakad at aktuwal na patuloy na mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo buhat sa inyong masasamang lakad, sapagkat bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?’”—Ezekiel 33:11.
3. Anong halimbawa mayroon tayo ng pagkamadamayin ni Jehova para sa hindi niya bayan, at ano ang ating natutuhan mula rito?
3 Ang pagkamadamayin ni Jehova ay naparating din sa balakyot na mga taga-Nineve. Isinugo ni Jehova ang kaniyang propetang si Jonas upang babalaan sila sa napipintong kapuksaan. Sila’y may pagsang-ayong tumugon sa pangangaral ni Jonas at nagsisi. Ito’y nag-udyok sa madamaying Diyos, si Jehova, na pigilin ang pagwasak sa lunsod sa panahong iyon. (Jonas 3:10; 4:11) Kung ang Diyos ay nahabag sa mga taga-Nineve, na posible namang magkaroon ng pagkabuhay-muli, lalo na ngang makadarama siya ng pagkamadamayin sa mga tao na ngayo’y nakaharap sa isang walang-hanggang pagkapuksa!—Lucas 11:32.
Isang Walang Kapantay na Gawa ng Pagkamadamayin
4. Papaano nagpapamalas si Jehova ng pagkamadamayin sa mga tao sa ngayon?
4 Kasuwato ng kaniyang katangian ng pagkamadamayin, inatasan ni Jehova ang kaniyang mga Saksi na patuloy na dumalaw sa kanilang kapuwa taglay ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) At kapag ang mga tao ay nagpahalaga sa nagliligtas-buhay na gawaing ito, binubuksan ni Jehova ang kanilang puso upang unawain ang mensahe ng Kaharian. (Mateo 11:25; Gawa 16:14) Bilang pagtulad sa kanilang Diyos, ang tunay na mga Kristiyano ay nagpapakita ng magiliw na pagkamadamayin sa pamamagitan ng pagdalaw-muli sa mga interesado, na tinutulungan sila, hangga’t maaari, sa pamamagitan ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kaya nga, noong 1993, mahigit na apat na milyon at kalahati na mga Saksi ni Jehova, sa 231 bansa, ang nakagugol ng mahigit sa isang bilyong oras sa pangangaral sa bahay-bahay at pakikipag-aral ng Bibliya sa kanilang mga kapuwa-tao. Ang baguhang mga interesadong ito naman, ay may pagkakataong mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at makisama sa hanay ng kaniyang bautisadong mga Saksi. Kung kaya, sila man ay nagpasiyang isangkot ang sarili sa walang-kapantay na gawaing ito ng pagkamadamayin alang-alang sa inaasahang magiging alagad na nakabilanggo pa rin sa naghihingalong sanlibutan ni Satanas.—Mateo 28:19, 20; Juan 14:12.
5. Kapag umabot na sa sukdulan ang banal na pagkamadamayin, ano ang mangyayari sa mga relihiyon na nagsinungaling laban sa Diyos?
5 Di-magtatagal at si Jehova ay kikilos bilang “isang tulad-lalaking mandirigma.” (Exodo 15:3) Dahil sa pagkamadamayin para sa kaniyang pangalan at para sa kaniyang bayan, aalisin niya ang kabalakyutan at magtatatag ng isang matuwid na bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:13) Ang unang makararanas ng araw ng galit ng Diyos ay ang mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan. Kung papaanong pinabayaan ng Diyos ang kaniyang sariling templo sa Jerusalem mula sa kamay ng hari ng Babilonya, hindi rin niya ililigtas ang mga organisasyong relihiyoso na nagsinungaling tungkol sa kaniya. Ilalagay ng Diyos sa puso ng mga miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa na wasakin ang Sangkakristiyanuhan at ang lahat ng iba pang uri ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:16, 17) “At tungkol naman sa akin,” sabi ni Jehova, “ang aking mata ay hindi magdaramdam, ni magpapakita man ako ng pagkamadamayin. Ang kanilang lakad ay tiyak na ipadaranas ko sa kanilang sariling ulo.”—Ezekiel 9:5, 10.
6. Sa anu-anong paraan napakikilos ang mga Saksi ni Jehova na magpakita ng pagkamadamayin?
6 Habang may panahon pa, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nagpapakita ng pagkamadamayin sa kanilang kapuwa sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mensahe ng Diyos ukol sa kaligtasan. At siyempre pa, hangga’t maaari, tinutulungan din nila ang mga taong nangangailangan sa materyal. Bagaman, hinggil sa bagay na ito, ang kanilang pangunahing pananagutan ay ang pangalagaan ang mga pangangailangan ng kanilang malalapit na miyembro ng pamilya at yaong kanilang kapananampalataya. (Galacia 6:10; 1 Timoteo 5:4, 8) Ang maraming misyon ng pagtulong na isinagawa ng mga Saksi ni Jehova alang-alang sa mga kapananampalataya na nakaranas ng iba’t ibang kasakunaan ay naging kapuna-punang mga halimbawa ng pagkamadamayin. Gayunpaman, hindi kailangang maghintay pa ang mga Kristiyano ng isang panahon ng kagipitan bago magpakita ng magiliw na pagkamadamayin. Ipinakikita agad nila ang katangiang ito sa pagharap sa tagumpay at pagkabigo ng pang-araw-araw na pamumuhay.
Bahagi ng Bagong Personalidad
7. (a) Sa Colosas 3:8-13, papaano nagkakaugnay ang pagkamadamayin at ang bagong personalidad? (b) Ano ang naging madali para sa mga Kristiyano na gawin dahil sa magiliw na pagmamahal?
7 Totoo na ang ating likas na pagiging makasalanan at ang masamang impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas ay mga hadlang sa ating pagiging magiliw at madamayin. Kaya naman hinihimok tayo ng Bibliya na alisin ang “poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita.” Sa halip tayo’y pinayuhan na ‘damtan ang ating mga sarili ng bagong personalidad’—isang personalidad na ayon sa wangis ng Diyos. Una sa lahat, tayo’y inutusan na damtan ang ating sarili “ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis.” Pagkatapos ay ipinakikita sa atin ng Bibliya ang isang praktikal na paraan upang maipakita ang mga katangiang ito. “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” Mas napakadaling magpatawad kung nalinang na natin ang ‘magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin’ para sa ating mga kapatid.—Colosas 3:8-13.
8. Bakit mahalaga na magkaroon ng isang espiritu ng pagpapatawad?
8 Sa kabilang banda, ang pagkabigong magpamalas ng madamaying pagpapatawad ay nagsasapanganib ng ating relasyon kay Jehova. Ito’y buong-diing ipinakita ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon ng di-mapagpatawad na alipin, na ipinabilanggo ng kaniyang panginoon “hanggang sa mabayaran niyang lahat ang pagkakautang.” Nararapat lamang sa alipin ang pakikitungong ito sapagkat nakagugulat na hindi siya nagpakita ng pagkamadamayin sa kapuwa alipin na humingi ng kaawaan. Tinapos ni Jesus ang ilustrasyon sa pagsasabing: “Sa katulad na paraan ang aking makalangit na Ama ay makikitungo rin sa inyo kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.”—Mateo 18:34, 35.
9. Papaano nagkakaugnay ang magiliw na pagkamadamayin at ang pinakamahalagang bahagi ng bagong personalidad?
9 Ang pagiging magiliw at madamayin ay isang mahalagang bahagi ng pag-ibig. At ang pag-ibig ang mapagkikilanlang tanda ng tunay na Kristiyanismo. (Juan 13:35) Samakatuwid, ganito sa katapusan ang paglalarawan ng Bibliya sa bagong personalidad: “Bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:14.
Pagkainggit—Isang Hadlang sa Pagkamadamayin
10. (a) Ano ang maaaring maging dahilan upang mag-ugat sa ating mga puso ang pagkainggit? (b) Anu-anong masasamang resulta ang maaaring ibunga ng pagkainggit?
10 Dahil sa ating likas na pagiging makasalanan, ang pagkainggit ay madaling mag-ugat sa ating mga puso. Ang isang kapatid ay baka pinagpala ng likas na mga abilidad o materyal na mga pakinabang na wala sa atin. O baka ang isa’y tumanggap ng pantanging espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo. Kung tayo’y maiinggit sa gayong mga tao, mapagpapakitaan ba natin sila ng magiliw na pagkamadamayin? Marahil ay hindi. Sa halip, ang pagkainggit sa wakas ay mahahalata sa pamamagitan ng pamimintas o nakasasakit na mga kilos, sapagkat ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga tao: “Mula sa kasaganaan ng puso ang kaniyang bibig ay nagsasalita.” (Lucas 6:45) Baka ang iba’y umayon sa gayong pamimintas. Sa gayon ang kapayapaan ng isang pamilya o ng isang kongregasyon ng bayan ng Diyos ay maaaring mawala.
11. Papaano nawalan na ng puwang ang pagkamadamayin sa puso ng sampung kapatid ni Jose, at ano ang ibinunga?
11 Tingnan ang nangyari sa isang malaking pamilya. Ang sampung nakatatandang anak ni Jacob ay nainggit sa kanilang nakababatang kapatid na si Jose sapagkat siya ang paborito ng kanilang ama. Bilang resulta, “hindi nila kayang makipag-usap sa kaniya nang payapa.” Pagkaraan, si Jose ay biniyayaan ng mga panaginip mula sa Diyos, na nagpapatunay na nasa kaniya ang pagsang-ayon ni Jehova. Ito’y nagbigay sa kaniyang mga kapatid ng “lalo pang dahilan upang mapoot sa kaniya.” Sapagkat hindi nila binunot ang pagkainggit mula sa kanilang puso, nawalan na ng puwang ang pagkamadamayin at ito’y umakay sa malubhang kasalanan.—Genesis 37:4, 5, 11.
12, 13. Ano ang dapat nating gawin kapag pumasok sa ating puso ang pagkainggit?
12 Walang-awang ipinagbili nila si Jose sa pagkaalipin. Sa pagsisikap na mapagtakpan ang kanilang kasalanan, nilinlang nila ang kanilang ama nang ilagay nila sa isip nito na napatay si Jose ng isang mabangis na hayop. Pagkaraan ng ilang taon nabunyag ang kanilang kasalanan nang dahil sa taggutom ay mapilitan silang pumunta sa Ehipto at bumili ng pagkain. Ang administrador ng pagkain, na hindi nila nakilalang si Jose, ay nagparatang na sila’y mga espiya at nagsabi sa kanila na huwag siyang hihingan muli ng tulong hangga’t hindi nila dinadala ang kanilang pinakabatang kapatid na si Benjamin. Ngayon si Benjamin na ang paborito ng kanilang ama, at alam nilang hindi siya papayagan ni Jacob.
13 Kaya habang nakatayo sa harapan ni Jose, inudyukan sila ng kanilang budhi na aminin: “Walang-alinlangang kami’y nagkasala sa aming kapatid [na si Jose], sapagkat nakita namin ang kahapisan ng kaniyang kaluluwa nang namamanhik siya sa amin, ngunit hindi namin dininig. Kung kaya ang kahapisang ito ay dumarating sa amin.” (Genesis 42:21) Sa pamamagitan ng kaniyang madamayin ngunit matatag na pakikitungo, tinulungan ni Jose ang kaniyang mga kapatid na patunayan ang katotohanan ng kanilang pagsisisi. Pagkatapos ay nagpakilala siya sa kanila at saganang pinatawad sila. Naibalik ang pagkakaisa ng pamilya. (Genesis 45:4-8) Bilang mga Kristiyano, dapat tayong matuto ng isang aral mula rito. Sa pagkaalam ng masamang ibinubunga ng pagkainggit, dapat tayong manalangin kay Jehova na tulungan tayong mapalitan ng ‘magiliw na damdamin ng pagkamadamayin’ ang pagkainggit.
Iba Pang Hadlang sa Pagdamay
14. Bakit dapat nating iwasan ang di-kinakailangang pagkalantad sa karahasan?
14 Ang iba pang hadlang sa ating pagiging madamayin ay maaaring manggaling sa di-kinakailangang paglalantad ng mga sarili sa karahasan. Ang isport at mga libangan na nagtatampok ng karahasan ay nagtataguyod ng pagnanasa sa dugo. Noong panahon ng Bibliya, ang mga pagano ay regular na nanonood ng mga paglalabanan ng mga gladyador at iba pang uri ng pagpapahirap sa mga tao sa mga arena ng Imperyong Romano. Ang gayong mga libangan, ayon sa isang istoryador, “ay sumisira sa damdamin ng pagkaawa sa naghihirap na siyang ipinagkakaiba ng tao sa hayop.” Karamihan sa mga libangan ng modernong sanlibutan sa ngayon ay may gayunding epekto. Ang mga Kristiyano, na nagsisikap na maging magiliw at madamayin, ay kailangang maging totoong maselan sa kanilang pagpili ng babasahin, sine, at mga programa sa TV. May katalinuhang tinatandaan nila ang mga salita ng Awit 11:5: “Sinumang umiibig sa karahasan ay tiyak na kinapopootan [ni Jehova].”
15. (a) Papaano naipakikita ng isang tao ang isang maselang na kawalan ng pagkamadamayin? (b) Papaano tumutugon ang tunay na mga Kristiyano sa mga pangangailangan ng mga kapananampalataya at ng mga kapuwa-tao?
15 Ang isang makasariling tao ay malamang na hindi madamayin. Ito’y maselan, yamang ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan at gayunma’y ipinipinid ang pintuan ng kaniyang magiliw na pagkamadamayin sa kaniya, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos?” (1 Juan 3:17) Ang gayunding kawalan ng pagdamay ay ipinakita ng mapagmagaling na saserdote at ng Levita sa ilustrasyon ni Jesus ng mabait na Samaritano. Nang makita ang kalagayan ng kanilang kapatid na Judio na halos patay na, ang mga ito’y lumipat sa kabilang daan at nagpatuloy sa kanilang paglakad. (Lucas 10:31, 32) Sa kabaligtaran naman, ang madamaying mga Kristiyano ay agad na tumutugon sa materyal at espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid. At gaya ng Samaritano sa ilustrasyon ni Jesus, sila’y nagmamalasakit din sa mga pangangailangan ng mga di-kilala. Kaya nga maligaya nilang inilalaan ang kanilang panahon, lakas, at tinatangkilik upang pasulungin ang paggawa ng mga alagad. Sa paraang ito ay tumutulong sila sa kaligtasan ng milyun-milyon.—1 Timoteo 4:16.
Pagdamay sa Maysakit
16. Anu-anong limitasyon ang ating nakakaharap sa pakikitungo sa mga kaso ng pagkakasakit?
16 Ang pagkakasakit ay para sa di-sakdal, naghihingalong sangkatauhan. Hindi natatangi ang mga Kristiyano, at karamihan sa kanila ay hindi nag-aral ng panggagamot, ni hindi nakagagawa ng mga himala na gaya ng ginawa ng sinaunang mga Kristiyano na tumanggap ng gayong kapangyarihan mula kay Kristo at sa kaniyang mga apostol. Nang mamatay ang mga apostol ni Kristo at ang kanilang pinakamalapit na mga kasama, ang gayong makahimalang kapangyarihan ay nawala na rin. Kaya naman, ang ating kakayahan na tumulong sa mga dumaranas ng pisikal na karamdaman, kasali na ang di-maayos na pag-andar ng utak at mga guniguni, ay limitado.—Gawa 8:13, 18; 1 Corinto 13:8.
17. Anong aral ang ating natututuhan mula sa paraan ng pakikitungo sa maysakit at naulilang si Job?
17 Madalas na nagkakasabay ang panlulumo at ang pagkakasakit. Halimbawa, gayon na lamang ang panlulumo ng may-takot sa Diyos na si Job dahil sa malubhang karamdaman at mga kasakunaang idinulot sa kaniya ni Satanas. (Job 1:18, 19; 2:7; 3:3, 11-13) Kinailangan niya ang mga kaibigang magpapakita sa kaniya ng pagkahabag at ‘magsasalita nang may pang-aliw.’ (1 Tesalonica 5:14) Sa halip, tatlong ipinalalagay na mang-aaliw ang dumalaw sa kaniya at mabilis na nagbigay ng maling palagay. Lalo nilang pinalalâ ang malungkot na kalagayan ni Job sa pamamagitan ng pagsasabing ang kaniyang kapahamakan ay dulot ng kaniyang sariling mga pagkakamali. Sa pagiging magiliw at madamayin, maiiwasan ng mga Kristiyano na mahulog sa gayunding bitag kapag ang kapananampalataya ay maysakit o nanlulumo. Kung minsan, ang pinakamahalagang bagay na kailangan ng gayong mga tao ay ang ilang may-kabaitang pagdalaw ng matatanda o ng iba pang maygulang na mga Kristiyano na makikinig taglay ang pagkaawa, na magpapakita ng pang-unawa, at maglalaan ng maibiging payo mula sa Kasulatan.—Roma 12:15; Santiago 1:19.
Pagdamay sa Mahihina
18, 19. (a) Papaano dapat pakitunguhan ng matatanda ang mahihina o ang mga nagkasala? (b) Kahit na kung kinakailangang bumuo ng isang judicial committee, bakit mahalaga para sa matatanda na pakitunguhan ang mga nagkasala taglay ang magiliw na pagkamadamayin?
18 Ang matatanda lalo na ay dapat na maging magiliw at madamayin. (Gawa 20:29, 35) “Tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas,” ang utos ng Bibliya. (Roma 15:1) Sa pagiging di-sakdal, tayong lahat ay nagkakasala. (Santiago 3:2) Ang pagiging magiliw ay kailangan sa pakikitungo sa isa na “gumawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito.” (Galacia 6:1) Hindi kailanman nanaisin ng matatanda na maging katulad ng mapagmagaling na mga Fariseo na walang-katuwiran sa kanilang pagkakapit ng Batas ng Diyos.
19 Sa kabaligtaran, tinutularan ng matatanda ang magiliw at madamaying mga halimbawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. Ang kanilang pangunahing gawain ay ang pakanin, pasiglahin, at papanariwain ang mga tupa ng Diyos. (Isaias 32:1, 2) Sa halip na sikaping kontrolin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng napakaraming alituntunin, sila’y dumudulog sa maiinam na simulain ng Salita ng Diyos. Samakatuwid, dapat na ang tungkulin ng matatanda ay ang magpalakas, magdulot ng kagalakan at pagpapahalaga sa mga puso ng kanilang mga kapatid dahil sa kabutihan ni Jehova. Kung ang isang kapananampalataya ay nakagawa ng ilang magaang na pagkakasala, karaniwan nang iiwasan ng isang matanda na ituwid siya sa harap ng ibang tao. Kung kinakailangan mang mag-usap, ang pagiging magiliw at madamayin ay magpapakilos sa matanda na yakagin ang isang iyon sa isang tabi at ipakipag-usap ang suliranin nang hindi naririnig ng iba. (Ihambing ang Mateo 18:15.) Gaano man kahirap pakitunguhan ang isang tao, ang pakikitungo ng matanda ay dapat na maging matiyaga, at matulungin. Hindi dapat kailanman na humanap siya ng mga dahilan upang mapatalsik siya sa kongregasyon. Kahit na kung kinakailangang bumuo ng isang judicial committee, ang matatanda ay magpapakita ng magiliw at madamaying pakikitungo sa taong nasangkot sa malubhang pagkakasala. Ang kanilang pagiging mahinahon ay maaaring makatulong sa isang iyon na magsisi.—2 Timoteo 2:24-26.
20. Kailan di-naaangkop ang pagpapakita ng pagkamadamayin, at bakit?
20 Gayunman, may mga panahon na ang isang lingkod ni Jehova ay hindi makapagpakita ng pagkamadamayin. (Ihambing ang Deuteronomio 13:6-9.) Isang malaking pagsubok para sa isang Kristiyano ang “tumigil sa pakikihalubilo” sa isang matalik na kaibigan o kamag-anak na natiwalag. Sa ganiyang pangyayari, mahalaga na ang isa ay huwag magbigay-daan sa pagkadama ng pagkaawa. (1 Corinto 5:11-13) Ang gayong katatagan ay baka makahimok pa nga sa isang nagkasala na magsisi. Bukod doon, sa pakikitungo sa di-kasekso, dapat na umiwas ang mga Kristiyano na magpakita ng di-naaangkop na pagkamadamayin na maaaring umakay sa seksuwal na imoralidad.
21. Sa anu-ano pang ibang bahagi dapat tayong magpakita ng magiliw na pagkamadamayin, at ano ang mga pakinabang?
21 Kulang ang mga pahina upang talakaying lahat ang maraming bahagi na doo’y kinakailangan ang pagiging magiliw at madamayin—sa pakikitungo sa may-edad na, sa naulila, yaong sumasailalim ng pag-uusig mula sa di-sumasampalatayang asawa. Ang masisipag na matatanda ay dapat ding pagpakitaan ng magiliw na pagdamay. (1 Timoteo 5:17) Igalang sila at suportahan sila. (Hebreo 13:7, 17) “Kayong lahat ay maging . . . madamayin sa magiliw na paraan,” ang isinulat ni apostol Pedro. (1 Pedro 3:8) Sa pagkilos sa ganitong paraan sa lahat ng pagkakataon na kinakailangan iyon, itinataguyod natin ang pagkakaisa at kaligayahan sa loob ng kongregasyon at inilalapit natin sa katotohanan ang mga tagalabas. Higit sa lahat, pinapupurihan natin sa gayon ang ating magiliw at madamaying Ama, si Jehova.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Papaano nagpapakita si Jehova ng pagkamadamayin sa makasalanang sangkatauhan?
◻ Bakit mahalaga na maging magiliw at madamayin?
◻ Anu-ano ang mga hadlang sa ating pagiging magiliw at madamayin?
◻ Papaano natin pakikitunguhan ang maysakit at ang mga nanlulumo?
◻ Sino ang lalo nang dapat na maging magiliw at madamayin, at bakit?
[Kahon sa pahina 19]
HINDI MADAMAYING MGA FARISEO
ANG araw ng Sabbath ng kapahingahan ay sadyang nauukol sa isang espirituwal at pisikal na pagpapala para sa bayan ng Diyos. Gayunman, ang relihiyosong lider na mga Judio ay gumawa ng maraming alituntunin na nagdudulot ng kasiraan sa batas ng Sabbath ng Diyos at ginawa itong pabigat sa mga tao. Halimbawa, kung ang isa’y naaksidente o kaya’y may karamdaman, hindi siya maaaring tulungan kung Sabbath maliban lamang kung nasa bingit na siya ng kamatayan.
Isang paaralan ng mga Fariseo ang napakaistrikto sa interpretasyon nito sa Sabbath anupat sinabi nito: “Hindi dapat aliwin ng isa ang namimighati, ni dapat mang dumalaw ang isa sa maysakit sa panahon ng Sabbath.” Sinang-ayunan ng ibang lider relihiyoso ang gayong mga pagdalaw sa panahon ng Sabbath ngunit nagbigay ng kondisyon na: “Bawal umiyak.”
Kaya nga, makatuwiran lamang na isumpa ni Jesus ang relihiyosong lider na mga Judio dahil sa pagwawalang-bahala nito sa mas mahahalagang kahilingan ng Batas, gaya ng katarungan, pag-ibig, at awa. Hindi nga nakapagtataka kung bakit sinabi niya ito sa mga Fariseo: “Pinawawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong tradisyon”!—Marcos 7:8, 13; Mateo 23:23; Lucas 11:42.
[Mga larawan sa pahina 17]
Sa 231 bansa ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng isang walang-katulad na gawa ng pagkamadamayin sa mga tahanan ng mga tao, sa mga lansangan, maging sa mga bilangguan
[Larawan sa pahina 18]
Ang paglantad sa karahasan, gaya ng nasa TV, ay sumisira sa magiliw na pagkamadamayin