Anim na Susi sa Tagumpay
ANG tunay na tagumpay ay ang pagkakaroon ng pinakamagandang uri ng buhay, na nagmumula sa pagkakapit ng mga pamantayan ng Diyos at naaayon sa kaniyang layunin para sa atin. Ang taong namumuhay nang gayon, ang sabi ng Bibliya, ay “magiging tulad ng isang punungkahoy na nakatanim sa tabi ng mga daloy ng tubig, na nagbibigay ng sariling bunga nito sa kaniyang kapanahunan at ang mga dahon nito ay hindi nalalanta, at ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.”—Awit 1:3.
Oo, kahit tayo’y di-sakdal at nagkakamali, maaari tayong magtagumpay! Gusto mo rin ba ng ganiyang buhay? Kung oo, ang sumusunod na anim na simulain ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na maabot ang tunguhing iyan, sa gayo’y mapatutunayan na talagang karunungan mula sa Diyos ang mga turo ng Bibliya.—Santiago 3:17.
1 Magkaroon ng Tamang Pangmalas sa Pera
“Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay . . . napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:10) Pansinin na hindi isyu rito ang mismong salapi—na kailangan nating lahat para pangalagaan ang ating sarili at ang ating pamilya—kundi ang pag-ibig sa salapi. Ang totoo, dahil sa pag-ibig na iyan, ang pera ay nagiging panginoon, o diyos, ng isang tao.
Gaya ng nakita natin sa unang artikulo ng seryeng ito, ang mga taong naghahangad ng kayamanan bilang susi sa tagumpay ay, sa katunayan, naghahabol lamang sa hangin. Hindi lamang ito nagdudulot ng kabiguan, nagdadala pa ito ng maraming kirot. Halimbawa, dahil sa pagnanasang yumaman, madalas na isinasakripisyo ng mga tao ang kanilang kaugnayan sa pamilya at mga kaibigan. Ang iba naman ay hindi na halos makatulog—kung hindi man dahil sa trabaho, dahil sa kaiisip o pag-aalala. “Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan,” ang sabi sa Eclesiastes 5:12.
Ang pera ay hindi lamang malupit kundi mapanlinlang din na panginoon. Binanggit ni Jesu-Kristo ang tungkol sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” (Marcos 4:19) Sa ibang salita, ang kayamanan ay nangangako ng kaligayahan, pero hindi niya iyon tinutupad. Binubuyo ka lang nito na maghangad ng higit pa. “Sinumang umiibig sa salapi ay hindi nasisiyahan dito kahit kailan,” ang sabi sa Eclesiastes 5:10.—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Sa madaling salita, ang pag-ibig sa salapi ay nakasasamâ at sa kalaunan ay humahantong sa kabiguan, o krimen pa nga. (Kawikaan 28:20) Ang talagang nagdudulot ng kaligayahan at tagumpay ay ang pagkabukas-palad, pagiging mapagpatawad, kalinisan sa moral, pag-ibig, at mabuting kaugnayan sa Diyos.
2 Maging Bukas-Palad
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ang paminsan-minsang pagbibigay ay nagdudulot din ng kaligayahan, pero kung ugali na ng isa ang pagkabukas-palad, aani siya ng namamalaging kaligayahan. Siyempre pa, maipakikita ang pagkabukas-palad sa maraming paraan. Ang isa sa pinakamainam na paraan, at kadalasang pinahahalagahan nang lubusan, ay ang pagbibigay ng iyong sarili.
Pagkatapos suriin ang ilang isinagawang pag-aaral tungkol sa kabaitan, kaligayahan, at kalusugan, sinabi ng mananaliksik na si Stephen G. Post na ang kabaitan at pagtulong sa iba ay maaaring magdulot ng mas mahabang buhay, higit na kaligayahan, at mas magandang kondisyon ng pangangatawan at isip, at nakababawas din ito ng panlulumo.
Bukod diyan, ang mga bukas-palad na nagbibigay ayon sa kanilang kakayahan ay hindi nagkukulang. Ganito ang sabi sa Kawikaan 11:25: “Ang kaluluwang bukas-palad ay patatabain, at ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.” Ayon sa mga salitang ito, ang mga tunay na bukas-palad—nagbibigay nang hindi naghihintay ng kapalit—ay pinahahalagahan at iniibig, lalo na ng Diyos.—Hebreo 13:16.
3 Maging Mapagpatawad
“Patuloy ninyong . . . lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Sa ngayon, bihira na ang nagpapatawad; mas gusto ng mga tao na makabawi kaysa magpakita ng awa. Ang resulta? Ang insulto ay tinatapatan ng insulto, at ang karahasan naman ay ginagantihan ng karahasan.
Hindi lamang iyan. “Sa isang pag-aaral sa mahigit 4,600 indibiduwal na edad 18 hanggang 30,” ang sabi sa isang ulat sa The Gazette ng Montreal, Canada, “natuklasan [ng mga mananaliksik] na miyentras mas masungit, malungkutin at masama ang ugali ng isang tao,” mas mahina ang kaniyang baga. Sa katunayan, ang ilan sa mga epekto nito ay mas matindi pa kaysa sa nararanasan ng isang naninigarilyo! Talaga namang hindi lang nakakagaan ng samahan kundi nakakabuti pa sa kalusugan ang pagiging mapagpatawad!
Paano ka magiging mas mapagpatawad? Maaari kang magsimula sa pamamagitan ng tapatang pagsusuri sa sarili. Di ba’t nakagagawa ka rin naman ng hindi maganda sa iba kung minsan? At hindi ba’t ipinagpapasalamat mo na pinatatawad ka nila? Kaya bakit hindi ka rin maging bukas-palad sa pagpapatawad sa iba? (Mateo 18:21-35) Para magawa ito, mahalaga rin na linangin ang pagpipigil sa sarili. “Magbilang ka muna nang hanggang sampu” o kaya’y magpalamig ka muna ng ulo. At ituring mong tanda ng kalakasan ang pagpipigil sa sarili. “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki,” ang sabi sa Kawikaan 16:32. “Mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki”—hindi ba’t nagpapahiwatig iyan ng tagumpay?
4 Sumunod sa mga Pamantayan ng Diyos
“Ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.” (Awit 19:8) Sa ibang salita, nakabubuti sa atin ang mga pamantayan ng Diyos—sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Bukod sa iba pang mga bagay, tinutulungan tayo nitong makaiwas sa nakasasamang mga gawain tulad ng pag-abuso sa droga, paglalasing, seksuwal na imoralidad, at pagtingin sa pornograpya. (2 Corinto 7:1; Colosas 3:5) Kasali sa masasamang resulta nito ang krimen, kahirapan, kawalan ng tiwala, pagkasira ng pamilya, mental at emosyonal na mga problema, pagkakasakit, at maging ang maagang pagkamatay.
Sa kabilang banda, ang mga sumusunod sa pamantayan ng Diyos ay nagkakaroon ng maganda at matibay na mga ugnayan, pati na ng paggalang sa sarili at kapanatagan. Sa Isaias 48:17, 18, sinabi ng Diyos na siya “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” At sinabi pa niya: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” Oo, gusto ng ating Maylalang ang pinakamabuti para sa atin. Gusto niya tayong ‘lumakad sa daan’ ng tunay na tagumpay.
5 Magpakita ng Walang Pag-iimbot na Pag-ibig
“Ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Ano kaya kung wala kang minamahal o walang nagmamahal sa iyo? Napakalungkot ng buhay at walang-silbi! “Kung . . . wala akong pag-ibig [sa iba], ako ay walang kabuluhan. . . . Hindi ako nakikinabang sa paanuman,” ang isinulat ng Kristiyanong apostol na si Pablo sa ilalim ng patnubay ng Diyos.—1 Corinto 13:2, 3.
Ang uri ng pag-ibig na tinutukoy rito ay hindi romantikong pag-ibig na, siyempre pa, hindi naman masama. Sa halip, ito ay mas makahulugan at mas namamalaging pag-ibig na salig sa makadiyos na mga simulain.a (Mateo 22:37-39) Bukod diyan, hindi ito naghihintay tumanggap kundi nauunang magbigay. Sinabi pa ni Pablo na ang pag-ibig na ito ay matiisin at mabait. Hindi ito mapanibughuin, hindi nagyayabang, o nagmamalaki. Inuuna nito ang kapakanan ng iba, at hindi agad naghihinanakit kundi nagpapatawad. Ang ganitong pag-ibig ay nakapagpapatibay. Karagdagan pa, nakatutulong ito para magkaroon tayo ng mabuting kaugnayan sa iba, lalo na sa mga kapamilya.—1 Corinto 13:4-8.
Para sa mga magulang, ang pag-ibig ay nangangahulugan ng pagpapakita ng magiliw na pagmamahal sa kanilang mga anak at pagtatakda ng malinaw, salig-Bibliyang mga pamantayan sa moralidad at paggawi. Ang mga batang lumaki sa gayong kapaligiran ay tiwasay at panatag ang pamilya, at nadarama nilang sila’y talagang minamahal at pinahahalagahan.—Efeso 5:33–6:4; Colosas 3:20.
Si Jack, isang kabataan sa Estados Unidos, ay lumaki sa isang pamilyang nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Nang magsarili na siya, sumulat si Jack sa kaniyang mga magulang. Sa isang bahagi ng liham, sinabi niya: “Isang bagay na lagi kong sinisikap gawin ay sundin ang utos [ng Bibliya] na: ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina . . . at mapabuti ka.’ (Deuteronomio 5:16) Napabuti po ang buhay ko. At ngayon, lalo kong kinikilala na ito’y dahil sa inyong pagsisikap at pag-ibig. Marami pong salamat sa lahat ng inyong pagpapagal at pagpapalaki sa akin.” Kung isa kang magulang, ano ang madarama mo kapag tumanggap ka ng ganiyang liham? Di ba’t nakapagpapataba iyan ng puso?
Ang pag-ibig na nakasalig sa prinsipyo ay “nakikipagsaya [rin] sa katotohanan”—ang katotohanan tungkol sa Diyos na nasa Bibliya. (1 Corinto 13:6; Juan 17:17) Bilang paglalarawan: Isang mag-asawa na may problema sa kanilang pagsasama ang nagpasiyang magkasama nilang basahin ang mga salita ni Jesus na nasa Marcos 10:9: “Ang pinagtuwang ng Diyos [sa pag-aasawa] ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” Kailangan nilang suriin ang kanilang puso. Talaga bang ‘nakikipagsaya sila sa katotohanan ng Bibliya’? Ituturing at iingatan ba nila ang kanilang pag-aasawa bilang sagrado, gaya ng pangmalas dito ng Diyos? Handa ba silang magsikap para malutas ang kanilang mga problema sa tulong ng pag-ibig? Kung oo, magtatagumpay sila sa kanilang pag-aasawa, at maliligayahan sila sa resulta nito.
6 Maging Palaisip sa Iyong Espirituwal na mga Pangangailangan
“Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Hindi tulad ng mga hayop, may kakayahan ang tao na magpahalaga sa espirituwal na mga bagay. Kaya nagtatanong tayo, Ano ang layunin ng buhay? Mayroon bang Maylalang? Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo? Ano ang magiging kinabukasan natin?
Sa buong daigdig, nakita ng milyun-milyong taimtim na mga tao na sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na iyan. Halimbawa, ang huling tanong ay may kinalaman sa layunin ng Diyos sa sangkatauhan. Ano ang layuning iyan? Gagawing paraiso ang lupa at titirhan magpakailanman ng mga taong umiibig sa Diyos pati na sa kaniyang mga pamantayan. Ganito ang sabi sa Awit 37:29: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”
Maliwanag, higit pa sa pansamantalang tagumpay sa loob lamang ng 70 o 80 taon ang gusto ng ating Maylalang para sa atin. Gusto niya tayong magtagumpay magpakailanman! Kaya ngayon na ang panahon para matutuhan mo ang tungkol sa iyong Maylalang. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Habang kumukuha ka ng kaalamang iyan at ikinakapit iyon sa iyong buhay, mapatutunayan mo na “ang pagpapala ni Jehova . . . ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—Kawikaan 10:22.
[Talababa]
a Sa halos lahat ng paglitaw nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, o sa “Bagong Tipan,” ang “pag-ibig” ay katumbas ng salitang Griego na a·gaʹpe. Ang a·gaʹpe ay isang marangal na pag-ibig na sadyang ipinakikita dahil sa prinsipyo at obligasyon, at bilang pagsunod sa tuntunin ng kagandahang-asal. Pero ang a·gaʹpe ay hindi ipinakikita dahil naoobliga lang ang isa, kundi puwede rin naman itong maging magiliw at masidhi.—1 Pedro 1:22.
[Kahon sa pahina 7]
IBA PANG SIMULAIN NA UMAAKAY SA TAGUMPAY
◼ Magkaroon ng wastong pagkatakot sa Diyos. “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan.”—Kawikaan 9:10.
◼ Maging matalino sa pagpili ng mga kaibigan. “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
◼ Iwasan ang pagpapakalabis. “Ang lasenggo at ang matakaw ay sasapit sa karalitaan.”—Kawikaan 23:21.
◼ Huwag maghiganti. “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.”—Roma 12:17.
◼ Maging masipag. “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.”—2 Tesalonica 3:10.
◼ Ikapit ang Gintong Aral. “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—Mateo 7:12.
◼ Kontrolin ang iyong dila. “Siya na nagnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw, magpigil siya ng kaniyang dila mula sa kasamaan.”—1 Pedro 3:10.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
PAG-IBIG—MABISANG GAMOT
Ganito ang isinulat ng doktor sa medisina at awtor na si Dean Ornish: “Malaking papel ang ginagampanan ng pag-ibig at matalik na pakikipag-ugnayan kung bakit tayo nagkakasakit at gumagaling, nalulungkot at lumiligaya, nagdurusa at gumiginhawa. Kung may bagong gamot na makagagawa nito, irerekomenda ito ng halos lahat ng doktor sa bansa sa kanilang mga pasyente. Obligado ang mga doktor na ireseta ito.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]
MISERABLE NOON—MATAGUMPAY NGAYON
Si Milanko, na nakatira sa isa sa mga bansa sa Peninsula ng Balkan, ay nagsundalo nang sumiklab ang digmaan sa kanilang bansa. Dahil sa kaniyang tapang, binansagan siyang Rambo, pangalan ng bida sa isang marahas na pelikula. Pero nang maglaon, nadismaya si Milanko sa militar dahil sa nakita niyang katiwalian at pagpapaimbabaw. “Dahil dito,” isinulat niya, “natuto ako ng maraming bisyo—alak, sigarilyo, droga, sugal, at babae. Napakamiserable ng buhay ko, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.”
Sa napakagulong yugtong iyon ng kaniyang buhay, nagbasa si Milanko ng Bibliya. Nang maglaon, habang bumibisita sa isang kamag-anak, nakakita siya ng isang kopya ng magasing Bantayan, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Nagustuhan niya ang kaniyang nabasa at di-nagtagal, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi. Natulungan siya ng katotohanan mula sa Bibliya na maging maligaya at maging tunay na matagumpay. “Nagkaroon ako ng panibagong lakas,” ang sabi niya. “Itinigil ko ang lahat ng bisyo ko, nagbagong-buhay, at naging bautisadong Saksi ni Jehova. Hindi na ako tinatawag ng mga kakilala ko na Rambo, kundi Bunny—palayaw ko noong bata—kasi maamo na ako ngayon.”