Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit ba Ako Nakadarama ng Labis na Kawalang-Kapanatagan?
“Kapag ako’y kasa-kasama ng mga tao, lagi akong nag-aalala tungkol sa aking hitsura, kung ano ang aking sinasabi, ang pagkilos ko, at kung ano ang iniisip ng ibang tao tungkol sa akin. Wala akong kapanatagan sa tuwina.”—Disisiete-anyos na si Angelica.
ANG takot ba na mabigo ang humahadlang sa iyo sa paggawa ng mga bagay na talagang nais mong gawin? Naiinggit ka ba sa tagumpay ng iba? Nag-aalala ka bang labis sa kung ano ang palagay sa iyo ng iba? Asiwa ka bang makipagkilala sa mga tao? Nagdaramdam ka ba kapag ikaw ay pinipintasan? Kung gayon marahil ikaw man ay pinahihirapan ng matinding kirot ng kawalang-kapanatagan. Saan nga ba nagmumula ang mga damdaming iyon? Paano mo madadaig ito?
Bata at Mahina
Una, alamin mo na ang mga damdamin ng kawalang-kapanatagan ay pansansinukob. Lahat tayo ay ipinanganak na di-sakdal at sa gayo’y madaling makadamang may kulang sa iyo o wala pa ngang halaga sa pana-panahon. (Santiago 3:2; ihambing ang Roma 7:21-24.) Higit pa riyan, ikaw ay bata at walang karanasan. Natural lamang na ikaw ay hindi mapalagay sa di-pamilyar na mga kalagayan o kapag ikaw ay hiniling na gumawa ng isang bagay na lubhang bago sa iyo.
Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya ang tungkol sa binatang si Jeremias nang siya ay atasan bilang propeta ng Diyos. Bagaman malamang nasa mga edad 20, si Jeremias ay nakadama ng kawalang-kapanatagan tungkol sa kaniyang kakayahang isagawa ang atas na ito, nagdahilan siya sa kaniyang sarili sa pagsasabing, “Ako’y bata.” (Jeremias 1:6) Maliwanag, ang binatang si Timoteo ay nakadama rin na siya’y walang kakayahan. Kinailangan ni apostol Pablo na bigyan siya ng prangkang payo upang tulungan siyang madaig ang kaniyang mga kawalang-kapanatagan.—1 Timoteo 4:11-16; 2 Timoteo 1:6, 7.
Ang aklat na Talking With Your Teenager ay nagsasabi na ang mga kabataan “ay, halos sa pagpapakahulugan, nasa lubhang mahinang katayuan. . . . Sila’y nababalisa sa kung ano ang hitsura nila, kung ano ang sinabi nila, kung sila ba ay popular, o kaibig-ibig. . . . Sila’y mahiyain at madaling mapahiya.” Kadalasan nang sila’y may “napakahinang pagkakilala sa kanilang sarili.” Bakit ganito?
Ang isang dahilan ay sapagkat ang mga kabataan ay dumaranas ng isang panahon ng mabilis na paglaki at pagbabago ng katawan. Sinasabi ni Dr. Betty B. Youngs na “ang mga pagbabagong ito, na wala sa kontrol [ng kabataan], ay matindi, mapaghanap, at nakatatakot . . . Hindi nakikita ng [isang] tin-edyer ang liwanag sa dulo ng tunél at wala siyang ideya kung ano ang susunod na darating sa kaniya. Natural, ang kakulangan ng kontrol ay nagiging sanhi ng kawalang-kapanatagan at kaigtingan.”
Ang Impluwensiya ng mga Kaibigan at Pamilya
Ang isa pang salik ay ang iyong kapaligiran sa tahanan. Sa huwarang paraan, ang pamilya ay nagsisilbing isang bukal ng espirituwal na patnubay at emosyonal na pagtangkilik. (Efeso 6:1-4) Pinag-uutusan nga ng Bibliya ang mga magulang: “Kayong mga ama, huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang kanilang loob.”—Colosas 3:21.
Sa kasamaang palad, ibinubuyo ng ilang mga magulang ang kanilang mga anak sa galit sa pagpapasailalim sa kanila sa walang-katapusang pamimintas, hindi ibinibigay ang kinakailangang papuri at pagmamahal. Ganito ang sabi ng sikologong si Eleanor S. Field: “Ang pamimintas ng mga magulang ay maaaring kadalasa’y humantong sa malalim-ang-pagkakaugat na kawalang-kapanatagan. . . . At kung tumatanggap ka pa ng [negatibong] mga mensahe bilang isang tin-edyer, pinasisidhi lamang nito ang iyong mga damdamin ng kawalang-kapanatagan.”
Maaari ring panghinain ng iyong mga kasama ang iyong pagtitiwala-sa-sarili sa pamamagitan ng laging pagtukso sa iyo o pagpintas sa iyong hitsura o kilos. Ikaw ay lalo nang tampulan ng gayong pamimintas kung sinusunod mo ang utos ni Jesus na maging “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) “Nakakapanghina ng loob!” sabi ng isang 15-anyos na si Andrew. “Sinisikap mong makibagay, subalit sinisikap mong huwag makibagay. Ayaw mong maging isang itinakwil, subalit sinisikap mong manatili sa mga simulain ng Bibliya.” Susog pa ng isang 15-anyos na batang babae: “Mahirap, kasi ayaw mong sabihin ng ibang mga kabataan na ikaw ay kakatuwa. Gusto ng lahat na sila’y maibigan ng ibang tao.” Ang pagpapanatili ng isang wastong pagkakatimbang ay maaaring maging isang tunay na pagpupunyagi. Maaari kang makadama ng kawalang-kapanatagan.
Gayunman, kung minsan, ang mga damdamin ng kawalang-kapanatagan ay sariling-pagpapahirap. “Kapag ako’y kasa-kasama ng mga tao,” sabi ng isang 17-anyos, “para bang wala akong halaga sapagkat wala akong nalalamang gawin nang mahusay. Kaya ako’y nakadarama ng labis na kawalang-kapanatagan.” Ang gayong mga damdamin ay maaaring bunga ng paggawa ng di-makatuwirang mga paghahambing ng iyong sarili sa iba.
Paglaban sa mga Damdamin ng Kawalang-Kapanatagan
Anuman ang mga dahilan nito, ang mga damdamin ng kawalang-kapanatagan ay basta isang bahagi ng paglaki at maaaring lubusang maglaho.a Ang sobrang pagkabahala sa hitsura, reputasyon, o mga kakayahan ay maaaring magpatuloy upang sirain ang pagtitiwala ng isa kahit na kung ang isa ay isang matatag na adulto.
Pinagtatakpan ng maraming kabataan ang kanilang kakulangan ng pagtitiwala-sa-sarili sa pagpapakita ng huwad na katapangan, ng pangahas na kasuotan, o sa pamamagitan ng paghihimagsik. Subalit mayroong mas mabuting paraan ng pakikitungo sa mga panahong iyon kapag ikaw ay nakadarama ng kawalang-kapanatagan.
Alamin Mo ang Iyong Positibong mga Katangian: Maaaring hindi sakdal ang katawan o pangangatawan mo, subalit baka nalinang mo ang mga katangiang Kristiyano ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Ang mga katangiang ito ay walang hanggang mas mahalaga kaysa anumang pisikal na mga katangian at maaari pa ngang tumulong sa iyo na kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos.
Iwasan ang Di-makatuwirang Paghahambing: Gaya ng minsa’y sinabi ni Eleanor Roosevelt, asawa ng ika-32 pangulo ng Estados Unidos: “Walang sinuman ang maaaring magpadama sa iyong mas mababa nang wala kang pahintulot.” Sa gayon ang Galacia 6:4 ay nagbibigay ng mabuting payo, na nagsasabi: “Hayaang patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magalak tungkol sa kaniyang sariling mag-isa, at hindi kahambing ng iba.”
Ang bagay ba na ang isa ay mas maganda, mayroong mas magarang mga damit, o mas matalino kaysa iyo ay gumagawa sa kaniya na mas mabuting tao kaysa iyo? Ang totoo ay, hindi mahalaga sa Diyos ang panlabas na anyo. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Sapagkat ang pagtingin ng tao ay di-gaya ng pagtingin ng Diyos, dahil sa ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
Iwasan ang Silo ng Paninibugho: “Ang paninibugho ay kabulukan ng mga buto,” at ito’y nagbubunga ng kawalang-kapanatagan. (Kawikaan 14:30) Sa halip, matutong “makigalak sa mga nagagalak” at maging tunay na maligaya sa kanilang mga nagawa. (Roma 12:15) Kung gagawin mo ito, ang iba ay hindi mahihilig na magsabi ng negatibong mga komento tungkol sa iyong mga tagumpay.
Makisangkot sa Ibang Tao: Si Dr. Allan Fromme ay nagsabi na “ang mga taong may mabuting impresyon tungkol sa kanilang sarili ay nagtatamasa ng isang uri ng kapayapaan, sapagkat ang kanilang pansin ay nakatutok sa iba . . . Ang mga taong may hindi mabuting palagay tungkol sa kanilang sarili ay mga bihag ng kanilang sarili. Nakakulong sila sa kanilang patuloy na kabatiran sa sarili.” Takasan mo ang piitang iyon “na tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.” (Filipos 2:4) Mientras mas nasasangkot ka sa iba, mas hindi ka nag-aalala tungkol sa iyong sariling mga damdamin ng kawalang-kapanatagan.
Tanggapin ang mga Pagpuna Nang Hindi Nasisiraan ng Loob: “Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasalita ng mga tao,” lalo na kung basta nais nilang ikaw ay ibaba. (Eclesiastes 7:21) Sa kabilang dako, kung ang pagpuna ay matuwid, humanap ng mga paraan upang ikapit ito. “Ang pantas ay makikinig at kukuha ng higit na tagubilin . . . Hinahamak ng mangmang ang karunungan at disiplina.” (Kawikaan 1:5, 7) Maaaring magkulang ka sa isang bagay, subalit hindi ka niyan ginagawang bigo bilang isang tao.
Gayunman, kumusta naman kung ang pagpuna ay galing sa iyong mga magulang? Tungkulin ng mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga anak. (Efeso 6:4) Kung inaakala mong ito ay labis, di-makatuwiran, o humihiya, marahil maaari mong piliin ang isang mahinahong sandali upang ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa iyong mga magulang at ipaalam mo sa kanila kung paano ka naaapektuhan ng kanilang mga salita.
Magtakda ng Makatotohanang mga Tunguhin: Hindi mo kinakailangang maging balediktoryan sa klase upang maging isang magaling na estudyante o maging manlalaro sa Olympic upang masiyahan sa isports. “Nasa mapagpakumbaba ang karunungan,” at ang kapakumbabaan ay nangangailangan ng pagkilala sa mga limitasyon ng isa. (Kawikaan 11:2) Gayunman, huwag mo namang ilagay ang iyong mga tunguhin na napakababa sapagkat takot kang mabigo. Ang kabiguan ay maaaring magsilbing isang paraan ng pagkatuto. Tutal, natuto kang lumakad sa pamamagitan ng pagsupil sa hilig na matumba!
Huwag Matakot na Maging Iba: Ang mga kabataan na hinahayaang supilin sila ng kanilang mga kaedad sa pananalita, pananamit, at pag-aayos ay higit pa sa mga alipin. (Roma 6:16) Sa halip, ikaw sana ay “maglingkod kay Jehova.” (Roma 12:11) Kung ikaw ay tinutukso sa paggawa ng tama, magkaroon ka ng kaaliwan sa pagkaalam na ang iyong tibay ng loob ay nagpapagalak sa puso ng Diyos.—Kawikaan 27:11.
Ang mga mungkahing ito ay walang alinlangang makatutulong. Subalit huwag mong asahan na ang katatagan ay mangyayari sa magdamag. Maging matiyaga. Asahan mo ang mga hadlang, at sikapin mong huwag pagbigyan ang pagkaawa-sa-sarili. Sa takdang panahon masusumpungan mo na ikaw ay mas matatag kaysa rati.
[Talababa]
a Hindi namin tinatalakay ang mga damdamin ng kawalang-kapanatagan na bumabangon dahil sa malubhang paglait o seksuwal na pag-abuso. Bagaman ang ilang mga simulaing tinalakay dito ay napatunayang nakatutulong, ang mga biktima ng sarisaring anyo ng pag-abuso ay maaaring mangailangan ng matiyagang tulong upang maghilom ang mga pilat ng damdamin na mula sa gayong mga maltrato.
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga magulang ay maaaring lumikha ng kawalang-kapanatagan sa pagkakait ng papuri at sa pagiging labis na mapamuna