“Magpaalipin Kayo sa Panginoon, kay Kristo”
SA BUONG kasaysayan, milyun-milyong tao ang nagbata ng hirap ng pagkaalipin. Halimbawa, libu-libong taon na ang nakaraan, ang Israelita ay labis na nagdusa sa kamay ng mga tagapangasiwang Ehipsiyo. Gaya ng sabi ng Bibliya, “nagtalaga [sila] ng mahihigpit na kapatas sa mga Israelita upang pagurin sila sa pagdadala ng mabibigat na pasan,” lalo na sa paggawa ng mga ladrilyo.—Exodo 1:11, The Jerusalem Bible.
Sa maraming bansa ngayon, maaaring hindi magpaalipin sa literal na diwa ang mga tao, subalit marami ang kailangang magtrabaho nang mahahabang oras sa ilalim ng mahihigpit—kung minsan ay di-kaayaaya—na kalagayan. Masasabi na nasa ilalim sila ng mabigat na pasanin ng pagkaalipin sa kabuhayan.
Subalit may isang anyo ng pagkaalipin na hindi nakapagpapabigat. Hinimok ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya: “Magpaalipin kayo sa Panginoon, kay Kristo.” (Colosas 3:24) Yaong mga nagpasiyang magpaalipin kay Kristo ay nakasusumpong ng kaginhawahan sa kanilang mabibigat na pasanin. Sinabi mismo ni Jesus: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”—Mateo 11:28-30.
Ang pagtanggap sa pamatok ni Kristo ay hindi nagbibigay-laya sa isa mula sa pananagutan na paglaanan ng materyal ang sariling pamilya. (1 Timoteo 5:8) Subalit talagang nagdudulot ito ng kalayaan buhat sa labis na pagkakasangkot sa materyalistikong mga tunguhin. Sa halip na gawing pangunahing tunguhin sa kanilang buhay ang materyal na kaalwanan, kontento na ang mga Kristiyano sa mga pangunahing pangangailangan.—1 Timoteo 6:6-10; ihambing ang 1 Corinto 7:31.
Nakasusumpong din ng kaginhawahan ang mga Kristiyano sa pagtupad sa kanilang pananagutan na mangaral ng “mabuting balita” ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Nagdudulot ito ng tunay na kagalakan at kasiyahan!
Dapat tayong magpasalamat na maaari tayong ‘magpaalipin sa Panginoon, kay Kristo’!
[Picture Credit Line sa pahina 32]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.