Bakit Kailangan Mong Sanayin ang Iba?
“Mabuting turo ang akin ngang ibibigay sa inyo.”—KAW. 4:2.
1, 2. Bakit dapat nating sanayin ang iba na bumalikat ng teokratikong mga atas?
PANGUNAHING atas ni Jesus ang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Pero naglaan siya ng panahon para sanayin ang iba na maging pastol at guro. (Mat. 10:5-7) Abalang-abala si Felipe bilang ebanghelisador, pero tiyak na tinulungan niya ang kaniyang apat na anak na babae na maging epektibo sa pagbabahagi ng katotohanan sa iba. (Gawa 21:8, 9) Gaano kahalaga ang gayong pagsasanay sa ngayon?
2 Sa buong mundo, dumarami ang mga tumatanggap sa mabuting balita. Kailangang maunawaan ng mga baguhang hindi pa bautisado na mahalaga ang personal na pag-aaral ng Bibliya. Kailangan din silang turuan kung paano mangangaral ng mabuting balita at magtuturo ng katotohanan sa iba. Sa mga kongregasyon natin, kailangang pasiglahin ang mga brother na magsikap para maging kuwalipikado bilang ministeryal na lingkod at elder. Sa pamamagitan ng “mabuting turo,” matutulungan ng may-gulang na mga Kristiyano ang mga baguhan na sumulong sa espirituwal.—Kaw. 4:2.
TULUNGAN ANG MGA BAGUHAN NA KUMUHA NG LAKAS AT KARUNUNGAN MULA SA BIBLIYA
3, 4. (a) Paano pinag-ugnay ni Pablo ang pag-aaral ng Kasulatan at ang mabungang ministeryo? (b) Bago natin mapasigla ang mga estudyante natin na personal na pag-aralan ang Bibliya, ano ang dapat na ginagawa natin?
3 Gaano kahalaga ang personal na pag-aaral ng Kasulatan? Makikita natin ang sagot sa liham ni apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano sa Colosas: “Hindi [kami] tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghiling na mapuspos kayo ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.” (Col. 1:9, 10) Dahil sa tumpak na kaalaman, ang mga Kristiyano sa Colosas ay makalalakad “nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos.” Kaya naman patuloy silang makapamumunga “sa bawat mabuting gawa,” lalo na sa pangangaral ng mabuting balita. Para maging epektibo sa paglilingkod, ang isang mananamba ni Jehova ay kailangang magkaroon ng rutin sa pag-aaral ng Bibliya. Makabubuting tulungan natin ang mga estudyante sa Bibliya na maunawaan ang puntong ito.
4 Bago natin matulungan ang iba na makinabang sa personal na pag-aaral ng Bibliya, dapat na tayo mismo ay kumbinsidong mahalaga ito. Dapat na tayo mismo ay may magandang kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya. Tanungin ang sarili: ‘Kaya ko bang sumagot mula sa Bibliya kapag ang opinyon ng may-bahay ay salungat sa turo ng Kasulatan o nagbangon siya ng mahihirap na tanong? Kapag nababasa ko kung paano nagtiyaga sa ministeryo sina Jesus, Pablo, at ang iba pa, pinag-iisipan ko ba kung paano ito dapat makaapekto sa paglilingkod ko kay Jehova?’ Lahat tayo ay nangangailangan ng kaalaman at payo mula sa Salita ng Diyos. Kung sasabihin natin sa iba kung paano tayo nakinabang sa personal na pag-aaral ng Bibliya, baka mapasigla natin silang maging masikap din sa pag-aaral ng Kasulatan.
5. Magbigay ng mungkahi kung paano tutulungan ang mga baguhan na magkaroon ng rutin ng personal na pag-aaral ng Bibliya.
5 Baka maitanong mo, ‘Paano ko masasanay ang aking tinuturuan na regular na pag-aralan ang Bibliya?’ Una, ipakita sa kaniya kung paano maghahanda para sa pag-aaral ninyo. Puwede mong imungkahi na basahin niya ang kaugnay na impormasyon sa apendise ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? at tingnan ang mga siniping teksto. Tulungan siyang paghandaan ang mga pulong para makapagkomento. Pasiglahin siyang basahin ang bawat isyu ng Bantayan at Gumising! Kung available sa wika niya ang Watchtower Library o Watchtower ONLINE LIBRARY, ipakita kung paano niya ito magagamit para masagot ang mga tanong sa Bibliya. Dahil sa ganitong mga pantulong, malamang na masisiyahan ang iyong estudyante sa kaniyang personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos.
6. (a) Paano mo matutulungan ang iyong estudyante na magkaroon ng pag-ibig sa Bibliya? (b) Ano ang malamang na gagawin ng iyong estudyante kapag nagkaroon siya ng pag-ibig sa Kasulatan?
6 Siyempre pa, hindi natin dapat pilitin ang sinuman na magbasa at mag-aral ng Bibliya. Sa halip, gamitin natin ang mga pantulong na inilaan ng organisasyon ni Jehova para tulungan ang ating estudyante na mapalalim ang kaniyang pag-ibig sa Bibliya. Sa paglipas ng panahon, baka madama niya ang gaya ng inawit ng salmista: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin. Ang Soberanong Panginoong Jehova ang ginawa kong aking kanlungan.” (Awit 73:28) Kikilos ang espiritu ni Jehova sa masikap at mapagpahalagang estudyanteng iyon ng Bibliya.
SANAYIN ANG MGA BAGUHAN NA MANGARAL AT MAGTURO
7. Paano sinanay ni Jesus ang mga tagapaghayag ng mabuting balita? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
7 Sa Mateo kabanata 10, mababasa natin ang mga tagubilin ni Jesus sa kaniyang 12 apostol tungkol sa pangangaral. Espesipiko ang ibinigay niyang mga punto.[1] Nakinig ang mga apostol habang tinuturuan sila ni Jesus kung paano epektibong mangangaral. Saka sila aktuwal na nangaral. Dahil naobserbahan nila ang pamamaraan ni Jesus, di-nagtagal, naging mahuhusay silang guro ng Kasulatan. (Mat. 11:1) Maaari din nating sanayin ang ating mga estudyante na maging epektibong mamamahayag ng mabuting balita. Tingnan natin ang dalawang paraan.
8, 9. (a) Paano nakipag-usap si Jesus sa mga indibiduwal sa kaniyang ministeryo? (b) Paano natin matutulungan ang mga bagong mamamahayag na makipag-usap sa mga tao gaya ni Jesus?
8 Makipag-usap sa mga tao. Madalas makipag-usap si Jesus sa mga indibiduwal tungkol sa Kaharian. Halimbawa, nagkaroon siya ng masigla at mabungang pakikipag-usap sa isang babae sa balon ni Jacob malapit sa lunsod ng Sicar. (Juan 4:5-30) Nakipag-usap din siya kay Mateo Levi, isang maniningil ng buwis. Kaunti lang ang iniulat ng mga Ebanghelyo tungkol sa pag-uusap nila, pero tinanggap ni Mateo ang paanyaya ni Jesus na maging kaniyang tagasunod. Sa isang piging sa bahay ni Mateo, narinig nito at ng iba pa ang mahaba-habang pakikipag-usap ni Jesus sa mga naroroon.—Mat. 9:9; Luc. 5:27-39.
9 Si Natanael ay may negatibong pananaw sa mga taga-Nazaret. Pero dahil sa palakaibigang pakikipag-usap sa kaniya ni Jesus, nagbago ang isip niya. Ipinasiya ni Natanael na alamin pa kung ano ang itinuturo ni Jesus, isang lalaking nanggaling sa Nazaret. (Juan 1:46-51) Kaya makabubuting sanayin natin ang mga bagong mamamahayag na makipag-usap sa mga tao sa palakaibigan at mabait na paraan.[2] Malamang na matuwa ang mga sinasanay natin kapag nakita nila kung paano tumutugon ang mga tapat-puso sa personal na interes at mabait na mga salita.
10-12. (a) Paano nilinang ni Jesus ang interes na ipinakita ng iba sa mabuting balita? (b) Paano natin matutulungan ang mga bagong mamamahayag na mapasulong ang kanilang kakayahan bilang guro ng Bibliya?
10 Linangin ang interes. Limitado lang ang panahon ni Jesus para isagawa ang kaniyang ministeryo. Pero naglaan siya ng panahon para linangin ang interes na ipinakita ng mga tao sa mabuting balita. Halimbawa, nagturo si Jesus sa isang pulutong gamit ang isang bangka bilang plataporma. Sa pagkakataong iyon, gumawa siya ng himala para makahuli si Pedro ng maraming isda at sinabi rito: “Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.” Ano ang naging epekto ng sinabi at ginawa ni Jesus kay Pedro at sa mga kasamahan niya? “Ibinalik nila sa lupa ang mga bangka, at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod [kay Jesus].”—Luc. 5:1-11.
11 Si Nicodemo, na miyembro ng Sanedrin, ay naging interesado sa turo ni Jesus. Gusto pa niyang matuto pero takót siya sa sasabihin ng iba kung kakausapin niya si Jesus sa publiko. Pero nakibagay si Jesus at hindi ipinagdamot ang kaniyang panahon; kahit gabi na ay nakipagkita siya nang pribado kay Nicodemo. (Juan 3:1, 2) Ano ang matututuhan natin sa mga ulat na ito? Naglaan ng panahon ang Anak ng Diyos para patibayin ang pananampalataya ng mga indibiduwal. Hindi ba dapat din tayong maging matiyaga sa pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado?
12 Kung sasamahan natin sa paglilingkod ang mga bagong mamamahayag, malamang na susulong ang kanilang kakayahan bilang guro ng Bibliya. Tulungan natin silang isaisip ang mga nagpakita ng kahit kaunting interes. Anyayahan natin silang samahan tayo sa pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Dahil sa gayong pampatibay at pagsasanay, mauudyukan ang mga baguhang mamamahayag na linangin ang interes ng iba at magdaos ng sarili nilang mga pag-aaral sa Bibliya. Matututuhan din nila na huwag agad sumuko kundi maging matiisin at matiyaga sa ministeryo.—Gal. 5:22; tingnan ang kahong “Mahalaga ang Pagtitiyaga.”
SANAYIN ANG MGA BAGUHAN NA MAGLINGKOD SA MGA KAPATID
13, 14. (a) Ano ang matututuhan mo sa halimbawa ng mga tao sa Bibliya na gumawa ng malalaking sakripisyo para sa iba? (b) Sa anong praktikal na mga paraan mo masasanay ang mga bagong mamamahayag at kabataan na magpakita ng pag-ibig sa mga kapatid?
13 Itinatampok ng mga ulat sa Bibliya ang pribilehiyo nating magpakita ng “pagmamahal na pangkapatid” at maglingkod sa isa’t isa. (Basahin ang 1 Pedro 1:22; Lucas 22:24-27.) Ibinigay ng Anak ng Diyos ang lahat, pati ang buhay niya, sa paglilingkod sa iba. (Mat. 20:28) Si Dorcas ay “nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa.” (Gawa 9:36, 39) Si Maria, isang kapatid sa Roma, ay “gumawa ng maraming pagpapagal” para sa mga kapatid sa kongregasyon. (Roma 16:6) Paano natin maipakikita sa mga baguhan ang kahalagahan ng pagtulong sa mga kapatid?
14 Maaaring anyayahan ng may-gulang na mga Saksi ang mga baguhan na samahan sila sa pagdalaw sa mga maysakit at may-edad. Kung angkop, maaari ding isama ng mga magulang ang kanilang mga anak sa gayong pagdalaw. Puwedeng hilingan ng mga elder ang iba na makipagtulungan sa kanila para matiyak na ang mahal nating mga may-edad ay may pagkain at maayos ang kanilang tahanan. Sa ganitong mga paraan, natututuhan ng mga nakababata at ng mga baguhan na magpakita ng kabaitan sa iba. Bilang halimbawa, habang nangangaral, isang elder ang saglit na dumadalaw sa mga Saksing nakatira sa kaniyang teritoryo sa kabukiran para kumustahin sila. Dahil diyan, natutuhan ng kabataang brother, na madalas niyang kasama, na dapat pahalagahan ang lahat sa kongregasyon.—Roma 12:10.
15. Bakit dapat magpakita ng interes ang mga elder sa pagsulong ng mga lalaki sa kongregasyon?
15 Dahil mga lalaki ang ginagamit ni Jehova bilang guro sa kongregasyon, mahalagang maging mahusay ang mga brother sa pagpapahayag. Bilang elder, puwede mo bang pakinggan ang isang ministeryal na lingkod habang nagpapraktis siya ng kaniyang pahayag? Sa tulong mo, maaaring mapasulong niya ang kaniyang kakayahan bilang guro ng Salita ng Diyos.—Neh. 8:8.[3]
16, 17. (a) Paano nagpakita ng interes si Pablo sa pagsulong ni Timoteo? (b) Paano epektibong masasanay ng mga elder ang potensiyal na mga pastol sa kongregasyon?
16 Sa kongregasyong Kristiyano, malaki ang pangangailangan para sa mga pastol, at ang mga gaganap ng ganitong gawain ay nangangailangan ng patuluyang pagsasanay. Ipinaliwanag ni Pablo kay Timoteo kung paano sasanayin ang iba: “Ikaw, anak ko, patuloy kang magtamo ng lakas sa di-sana-nararapat na kabaitan na may kaugnayan kay Kristo Jesus, at ang mga bagay na narinig mo sa akin na sinuhayan ng maraming saksi, ang mga bagay na ito ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat, na magiging lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.” (2 Tim. 2:1, 2) Natuto si Timoteo sa paglilingkod kasama ng apostol, na isang elder. Ikinapit ni Timoteo ang pamamaraan ni Pablo sa kaniyang sariling ministeryo at sa iba pang aspekto ng sagradong paglilingkod.—2 Tim. 3:10-12.
17 Gustong matiyak ni Pablo na masasanay nang husto si Timoteo. Kaya naman inanyayahan niya ito na samahan siya sa gawain. (Gawa 16:1-5) Matutularan ng mga elder si Pablo kung isasama nila ang kuwalipikadong mga ministeryal na lingkod sa kanilang mga shepherding visit kung angkop. Sa gayon, binibigyan ng mga elder ang mga brother na ito ng pagkakataon na makita mismo ang pagtuturo, pananampalataya, mahabang pagtitiis, at pag-ibig na kahilingan para sa mga tagapangasiwang Kristiyano. Ang kaayusang ito ay magandang pagsasanay para sa potensiyal na mga pastol sa “kawan ng Diyos.”—1 Ped. 5:2.
ANG KAHALAGAHAN NG PAGSASANAY SA IBA
18. Bakit dapat nating ituring na mahalaga ang pagsasanay sa iba sa paglilingkod kay Jehova?
18 Napakahalaga ng pagsasanay sa iba dahil sa lumalaking pangangailangan at dumaraming pagkakataon na maglingkod kay Jehova. Makatutulong ang halimbawa ng pagsasanay na ipinakita nina Jesus at Pablo. Gusto ni Jehova na masanay nang husto ang kaniyang mga lingkod sa ngayon para sa kanilang teokratikong mga atas. Binibigyan tayo ng Diyos ng pribilehiyong tulungan ang mga baguhan na mapasulong ang kanilang kakayahan para sa mga gawain sa loob ng kongregasyon. Habang lumalala ang mga kalagayan sa daigdig at nagkakaroon tayo ng mga bagong pagkakataon sa pangangaral, lalong nagiging mahalaga at apurahan ang gayong pagsasanay.
19. Bakit kumbinsido kang magtatagumpay ang pagsisikap mong sanayin ang iba sa paglilingkod kay Jehova?
19 Siyempre pa, ang pagsasanay sa iba ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Pero tutulungan tayo ni Jehova at ng kaniyang minamahal na Anak at bibigyan nila tayo ng karunungan para makapagsanay ng iba. Matutuwa tayo kapag nakikita natin na patuloy na ‘nagpapagal at nagpupunyagi’ ang mga tinutulungan natin. (1 Tim. 4:10) Kasabay nito, patuloy nawa tayong sumulong sa espirituwal habang naglilingkod kay Jehova.
^ [1] (parapo 7) Ito ang ilan sa mga puntong ibinigay ni Jesus: (1) Ipangaral ang tamang mensahe. (2) Maging kontento sa paglalaan ng Diyos. (3) Iwasang makipagtalo sa may-bahay. (4) Magtiwala sa Diyos sa pagharap sa mga sumasalansang. (5) Huwag magpadaig sa takot.
^ [2] (parapo 9) May magagandang mungkahi ang Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, p. 62-64, kung paano makikipag-usap sa mga tao sa ministeryo.
^ [3] (parapo 15) Ipinaliliwanag sa Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, p. 52-61, ang mga katangiang kailangan para maging epektibo sa pagpapahayag sa madla.