Si Jehova—Isang Diyos na Nagsisiwalat ng mga Lihim
“May isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim.”—DANIEL 2:28.
1, 2. (a) Paano naiiba si Jehova sa kaniyang pusakal na Kaaway? (b) Paano masasalamin sa mga tao ang pagkakaibang ito?
SI Jehova, ang kataas-taasan at maibiging Diyos ng sansinukob, ang isa at tanging Maylalang, ay isang Diyos ng karunungan at katarungan. Hindi niya kailangang itago ang kaniyang sarili, ang kaniyang mga gawa, o ang kaniyang mga layunin. Isinisiwalat niya ang kaniyang sarili sa panahon at paraang nais niya. Sa ganito siya naiiba sa kaniyang Kaaway, si Satanas na Diyablo, na nagsisikap ikubli kung sino siyang talaga at kung ano ang kaniyang mga intensiyon.
2 Kung paanong magkaiba si Jehova at si Satanas, gayundin ang mga sumasamba sa kanila. Yaong mga sumusunod kay Satanas ay doble-kara at mapanlinlang. Animo’y mabubuti sila, samantalang ang kanilang mga gawa’y ukol sa kadiliman. Sinabihan ang mga Kristiyanong taga-Corinto na huwag ipagtaka ang bagay na ito. “Sapagkat ang gayong mga tao ay mga bulaang apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nag-aanyong mga apostol ni Kristo. At hindi kamangha-mangha, sapagkat si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:13, 14) Sa kabilang panig, ang mga Kristiyano ay tumitingin kay Kristo bilang kanilang Lider. Samantalang nasa lupa ay ganap niyang ipinaaninaw ang personalidad ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova. (Hebreo 1:1-3) Kaya naman, sa pamamagitan ng pagtulad kay Kristo, tinutularan ng mga Kristiyano si Jehova, ang Diyos ng katotohanan, pagkamatapat, at liwanag. Hindi rin naman nila kailangang itago ang kanilang sarili, ang kanilang mga gawa, o ang kanilang mga layunin.—Efeso 4:17-19; 5:1, 2.
3. Paano natin mapabubulaanan ang paratang na yaong mga taong nagiging Saksi ni Jehova ay pinilit na umanib sa isang “lihim na sekta”?
3 Sa mga panahong batid niyang pinakamabuti, isinisiwalat ni Jehova ang mga detalye tungkol sa kaniyang layunin at sa kinabukasan na noong una ay hindi batid ng tao. Sa diwang ito siya ay isang Diyos na nagsisiwalat ng mga lihim. Kaya naman, ang mga taong nagnanais na maglingkod sa kaniya ay inaanyayahan—oo hinihimok—na malaman ang gayong isiniwalat na impormasyon. Isiniwalat ng isang surbey noong 1994 sa mahigit na 145,000 Saksi sa isang bansa sa Europa na, sa katamtaman, bawat isa sa kanila ay personal na nagsuri ng mga turo ng mga Saksi ni Jehova sa loob ng tatlong taon bago nila minabuting maging isang Saksi. Nagpasiya sila ayon sa kanilang malayang kalooban nang hindi pinipilit. At patuloy silang nagkaroon ng malayang kalooban at pagkilos. Halimbawa, dahil sa hindi sinang-ayunan ng ilan ang mataas na mga pamantayang moral para sa mga Kristiyano, nang maglaon ay nagpasiya ang mga ito na huwag nang magpatuloy bilang mga Saksi. Subalit kapansin-pansin na sa nakalipas na limang taon, marami sa mga dating Saksing ito ang gumawa ng mga hakbang upang magpatuloy sa kanilang pakikisama at gawain bilang mga Saksi.
4. Ano ang hindi dapat na ikabahala ng tapat na mga Kristiyano, at bakit hindi dapat?
4 Mangyari pa, hindi lahat ng dating Saksi ay bumabalik, at kabilang sa kanila ang ilan na dating humawak ng mga responsableng posisyon sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Hindi ito dapat na ipagtaka, sapagkat maging ang isa sa mga pinakamatalik na tagasunod ni Jesus, si apostol Judas, ay tumalikod. (Mateo 26:14-16, 20-25) Subalit isang dahilan ba ito upang mabahala tungkol sa Kristiyanismo mismo? Pinawawalang-kabuluhan ba nito ang tagumpay ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang gawaing pagtuturo? Tunay na hindi, kung paanong hindi binigo ng pagtataksil ni Judas Iscariote ang layunin ng Diyos.
Makapangyarihan-sa-Lahat ngunit Maibigin
5. Paano natin nalalaman na iniibig ni Jehova at ni Jesus ang mga tao, at paano nila ipinamalas ang pag-ibig na ito?
5 Si Jehova ay Diyos ng pag-ibig. Nagmamalasakit siya sa mga tao. (1 Juan 4:7-11) Sa kabila ng kaniyang matayog na kalagayan, nasisiyahan siyang makipagkaibigan sa mga tao. Tungkol sa isa sa kaniyang mga sinaunang lingkod, ganito ang mababasa natin: “ ‘Si Abraham ay naglagak ng pananampalataya kay Jehova, at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran,’ at siya ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’ ” (Santiago 2:23; 2 Cronica 20:7; Isaias 41:8) Kung paanong ang mga taong magkakaibigan ay nagsasabihan ng kompidensiyal na mga bagay, o mga lihim, gayundin si Jehova sa kaniyang mga kaibigan. Sa bagay na ito ay tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama, sapagkat nakipagkaibigan siya sa kaniyang mga alagad at nagsabi ng mga lihim sa kanila. “Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin,” ang sabi niya sa kanila, “sapagkat hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Subalit tinawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko mula sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:15) Ang pribadong impormasyon, o “mga lihim,” na alam ni Jehova, ng kaniyang Anak, at ng kanilang mga kaibigan ang siyang nagbubuklod sa kanila sa isang di-malalagot na bigkis ng pag-ibig at debosyon.—Colosas 3:14.
6. Bakit hindi kailangang itago ni Jehova ang kaniyang mga intensiyon?
6 Ang kahulugan ng pangalang Jehova, “Pinapangyayari Niyang Maging,” ay nagpapahiwatig ng kaniyang kakayahan na gumanap ng anumang papel na kailangan upang maisakatuparan ang kaniyang layunin. Di-tulad ng mga tao, hindi kailangang ilihim ni Jehova ang kaniyang mga intensiyon sa takot na mahadlangan siya ng iba sa pagsasakatuparan nito. Talagang hindi siya mabibigo, kaya hayagan niyang isinisiwalat sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ang karamihan sa kaniyang nilayong gawin. Nangangako siya: “Ang aking salita . . . ay hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.”—Isaias 55:11.
7. (a) Ano ang inihula ni Jehova sa Eden, at paano pinatunayan ni Satanas na ang Diyos ay tapat? (b) Paano laging totoo ang simulain sa 2 Corinto 13:8?
7 Di-nagtagal pagkatapos ng rebelyon sa Eden, pabalangkas na isiniwalat ni Jehova ang huling kahihinatnan ng nagaganap na kontrobersiya sa pagitan niya at ng kaniyang Kaaway, si Satanas. Ang ipinangakong Binhi ng Diyos ay buong-sakit, ngunit hindi naman permanente, na susugatan, samantalang si Satanas sa bandang huli ay daranas ng isang nakamamatay na sugat. (Genesis 3:15) Noong 33 C.E., aktuwal na sinugatan ng Diyablo ang Binhi, si Kristo Jesus, anupat kaniyang ikinamatay. Sa ganitong paraan, tinupad ni Satanas ang Kasulatan at kasabay nito si Jehova ay pinatunayang isang Diyos ng katotohanan, bagaman tiyak na hindi ito ang layunin ni Satanas. Ang pagkapoot niya sa katotohanan at katuwiran, gayundin ang kaniyang mapagmataas, walang-pagsisising saloobin, ang siyang umakay sa kaniya sa paggawa ng eksaktong inihula ng Diyos na gagawin niya. Oo, sa lahat ng sumasalansang sa katotohanan, maging kay Satanas mismo, ay totoo ang simulain: “Hindi kami makagagawa ng anumang laban sa katotohanan, kundi para sa katotohanan lamang.”—2 Corinto 13:8.
8, 9. (a) Ano ang nalalaman ni Satanas, ngunit paano isinasapanganib ng kaalamang ito ang pagsasakatuparan ng mga layunin ni Jehova? (b) Anong malinaw na babala ang ipinagwawalang-bahala ng mga sumasalansang kay Jehova, at bakit?
8 Mula nang ang Kaharian ng Diyos ay naitatag nang di-nakikita noong 1914, kumakapit ang Apocalipsis 12:12: “Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan sa mga iyon! Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” Subalit ang pagkaalam kaya na maikli na ang kaniyang panahon ay nagpapangyari kay Satanas na magbago ng kaniyang landasin? Iyan ay magsisilbing pag-amin ni Satanas na si Jehova ay isang Diyos ng katotohanan at na bilang ang Kataas-taasang Tagapamahala, siya lamang ang karapat-dapat na sambahin. Gayunman, ayaw tumanggap ng pagkatalo ang Diyablo, kahit na alam niya ito.
9 Tahasang isinisiwalat ni Jehova kung ano ang mangyayari kapag dumating si Kristo upang maglapat ng hatol sa sistema ng sanlibutan ni Satanas. (Mateo 24:29-31; 25:31-46) Hinggil dito, ipinatatalastas ng kaniyang Salita tungkol sa mga tagapamahala sa sanlibutan: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao.” (1 Tesalonica 5:3) Yaong sumusunod sa landas ni Satanas ay nagwawalang-bahala sa malinaw na babalang ito. Nabubulagan sila dahil sa kanilang balakyot na puso, at hinahadlangan sila nito na magsisi mula sa kanilang balakyot na landasin at magbago ng kanilang mga plano at pamamaraan sa pagtatangkang biguin ang mga layunin ni Jehova.
10. (a) Hanggang saan maaaring natupad na ang 1 Tesalonica 5:3, ngunit paano dapat tumugon ang bayan ni Jehova? (b) Bakit ang mga taong walang pananampalataya ay maaaring maging mas matapang sa hinaharap sa pagsalansang sa bayan ng Diyos?
10 Lalo na mula noong 1986, nang ideklara ng Nagkakaisang mga Bansa ang isang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan, lagi na lamang pinag-uusapan sa daigdig ang tungkol sa kapayapaan at katiwasayan. Gumawa ng tiyakang mga hakbang upang matamo ang pandaigdig na kapayapaan, na waring nagtagumpay naman. Ito na kaya ang buong katuparan ng hulang ito, o makaaasa pa kaya tayo sa isang uri ng nakagugulantang na patalastas sa hinaharap? Lilinawin ni Jehova ang bagay na ito sa kaniyang takdang panahon. Samantala, manatili tayong gising sa espirituwal, anupat “hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:12) Habang lumilipas ang panahon na patuloy pa rin ang usapan tungkol sa kapayapaan at katiwasayan, ang ilang tao na nakababatid sa babalang ito, ngunit minabuting ipagwalang-bahala ito, ay maaaring lalo pang tumapang sa pag-aakalang hindi tutuparin, o hindi kayang tuparin, ni Jehova ang kaniyang salita. (Ihambing ang Eclesiastes 8:11-13; 2 Pedro 3:3, 4.) Ngunit alam ng tunay na mga Kristiyano na tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin!
Wastong Paggalang sa mga Ahensiya na Ginagamit ni Jehova
11. Ano ang natutuhan nina Daniel at Jose tungkol kay Jehova?
11 Nang si Haring Nabucodonosor, tagapamahala ng Neo-Babilonikong Imperyo, ay magkaroon ng isang nakababahalang panaginip na hindi niya matandaan, humingi siya ng tulong. Ang kaniyang mga saserdote, salamangkero, at mga manggagaway ay hindi makapagsabi sa kaniya kung ano ang kaniyang napanaginipan ni maipaliwanag man ang kahulugan nito. Subalit nagawa ito ng lingkod ng Diyos na si Daniel, bagaman agad niyang inamin na ang pagsisiwalat ng panaginip at ng kahulugan nito ay hindi bunga ng kaniyang sariling karunungan. Ganito ang sabi ni Daniel: “May isang Diyos sa langit na Tagapagsiwalat ng mga lihim, at kaniyang ipinaaninaw kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.” (Daniel 2:1-30) Mga ilang siglo bago nito, naranasan din ni Jose, isa pang propeta ng Diyos, na si Jehova ay Tagapagsiwalat ng mga lihim.—Genesis 40:8-22; Amos 3:7, 8.
12, 13. (a) Sino ang pinakadakilang propeta ni Jehova, at bakit ganiyan ang sagot mo? (b) Sino sa ngayon ang naglilingkod bilang “mga katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos,” at paano natin sila dapat na malasin?
12 Ang pinakadakilang propeta ni Jehova na naglingkod sa lupa ay si Jesus. (Gawa 3:19-24) Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Ang Diyos, na noong matagal nang panahon ay nagsalita sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsalita sa atin sa wakas ng mga araw na ito sa pamamagitan ng isang Anak, na inatasan niyang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, at na sa pamamagitan niya ay kaniyang ginawa ang mga sistema ng mga bagay.”—Hebreo 1:1, 2.
13 Nagsalita si Jehova sa mga unang Kristiyano sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus, na nagsiwalat sa kanila ng mga banal na lihim. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:10) Nang maglaon ay bumanggit si Pablo tungkol sa mga pinahirang Kristiyano bilang “mga nasasakupan ni Kristo at mga katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.” (1 Corinto 4:1) Sa ngayon, patuloy na naglilingkod nang gayon ang mga pinahirang Kristiyano, na bumubuo ng isang uring tapat at maingat na alipin na sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala nito ay naglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mateo 24:45-47) Kung lubhang iginagalang natin ang kinasihang mga propeta ng Diyos noong unang panahon, at lalo na ang Anak ng Diyos, hindi ba dapat din naman nating igalang ang mga taong ginagamit ngayon ni Jehova sa pagsisiwalat ng impormasyon mula sa Bibliya na kailangang-kailangan ng kaniyang bayan sa maselang na panahong ito?—2 Timoteo 3:1-5, 13.
Pagiging Lantaran o Paglilihim?
14. Kailan inililihim ng mga Kristiyano ang kanilang gawain, sa gayo’y sinusunod ang kaninong halimbawa?
14 Ang pagiging lantaran kaya ni Jehova sa pagsisiwalat ng mga bagay ay nangangahulugan na ang mga Kristiyano ay nararapat na palagi at sa bawat pagkakataon ay magsiwalat ng lahat ng nalalaman nila? Buweno, sinusunod ng mga Kristiyano ang payo ni Jesus sa kaniyang mga apostol na maging “maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati.” (Mateo 10:16) Kung pagsabihan na hindi nila maaaring sambahin ang Diyos ayon sa idinidikta ng kanilang budhi, ang mga Kristiyano ay patuloy na ‘susunod sa Diyos,’ sapagkat natatanto nila na walang anumang ahensiya ng tao ang may karapatang pumigil sa pagsamba kay Jehova. (Gawa 5:29) Ipinakita ni Jesus mismo ang pagiging angkop nito. Mababasa natin: “Ngayon pagkatapos ng mga bagay na ito si Jesus ay nagpatuloy sa paglilibot sa Galilea, sapagkat hindi niya nais na maglibot sa Judea, dahil ninanasa ng mga Judio na patayin siya. Gayunman, ang kapistahan ng mga Judio, ang kapistahan ng mga tabernakulo, ay malapit na. Sa gayon sinabi ni Jesus sa kanila [sa kaniyang di-nananampalatayang mga kapatid sa laman]: . . . ‘Umahon kayo sa kapistahan; ako ay hindi pa aahon sa kapistahang ito, sapagkat ang aking takdang panahon ay hindi pa lubusang dumarating.’ Kaya pagkatapos niyang sabihin sa kanila ang mga bagay na ito, siya ay nanatili sa Galilea. Subalit nang ang kaniyang mga kapatid ay makaahon na sa kapistahan, nang magkagayon siya rin mismo ay umahon, hindi lantaran kundi gaya ng sa lihim.”—Juan 7:1, 2, 6, 8-10.
Dapat Ba o Hindi Dapat Sabihin?
15. Paano ipinakita ni Jose na kung minsan ang paglilihim ay isang maibiging bagay na dapat gawin?
15 Sa ilang pagkakataon, ang paglilihim ay hindi lamang isang katalinuhan kundi pagiging maibigin din naman. Halimbawa, paano kumilos si Jose, ang amang nag-ampon kay Jesus, nang matuklasan niyang si Maria, na nakatakda niyang pakasalan, ay “nagdadalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu”? Ganito ang mababasa natin: “Gayunman, si Jose na kaniyang asawa, sapagkat siya ay matuwid at hindi nais na gawin siyang isang pangmadlang panoorin, ay nagbalak na diborsiyuhin siya nang palihim.” (Mateo 1:18, 19) Tunay ngang kawalang-kabaitan ang gawin siyang isang pangmadlang panoorin!
16. Anong pananagutan ang taglay ng matatanda, gayundin ng lahat ng iba pang miyembro ng kongregasyon, may kinalaman sa kompidensiyal na mga bagay?
16 Ang kompidensiyal na mga bagay na maaaring magdulot ng kahihiyan o pagdurusa ay hindi dapat isiwalat sa mga taong walang karapatang makaalam nito. Dapat itong tandaan ng Kristiyanong matatanda kapag kailangan nilang bigyan ng personal na payo o kaaliwan ang mga kapuwa Kristiyano o kaya’y disiplinahin pa man din sila dahil sa malubhang pagkakasala kay Jehova. Kailangang harapin ang mga bagay na ito sa maka-Kasulatang paraan; di-nararapat at di-maibigin ang pagsisiwalat ng kompidensiyal na mga detalye doon sa mga hindi naman kasangkot. Tiyak, hindi tatangkaing alamin ng mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ang kompidensiyal na impormasyon mula sa matatanda kundi igagalang ang pananagutan ng matatanda na ilihim ang kompidensiyal na mga bagay. Sinasabi ng Kawikaan 25:9: “Ipaglaban mo ang iyong usapin sa iyong kapuwa, at huwag mong ihayag ang lihim ng iba.”
17. Bakit karaniwang inililihim ng mga Kristiyano ang kompidensiyal na mga bagay, ngunit bakit hindi nila laging nagagawa iyon?
17 Totoo rin ang simulaing ito sa loob ng pamilya o sa matalik na magkakaibigan. Mahalaga na panatilihing kompidensiyal ang ilang bagay upang maiwasan ang di-pagkakaunawaan at maigting na ugnayan. “Ang hanging hilaga ay naglalabas ng buhos ng ulan gaya ng kirot sa panganganak; at ang dilang nagsisiwalat ng lihim, ng isang mukhang tinuligsa.” (Kawikaan 25:23) Sabihin pa, dahil sa pagkamatapat kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga simulain, gayundin sa pag-ibig sa nagkasalang mga indibiduwal, may mga pagkakataon na kailangang sabihin sa mga magulang, sa Kristiyanong matatanda, o sa iba pang may awtoridad maging ang kompidensiyal na mga bagay.a Ngunit kadalasan, itinatago ng mga Kristiyano ang personal na mga lihim ng iba, anupat iniingatan ito tulad ng pag-iingat sa kanilang sariling lihim.
18. Anong tatlong katangiang Kristiyano ang makatutulong sa atin na tiyakin kung ano ang dapat at hindi natin dapat sabihin?
18 Bilang sumaryo, si Jehova ay tinutularan ng isang Kristiyano sa pamamagitan ng pag-iingat ng ilang kompidensiyal na bagay kapag kinakailangan, anupat isinisiwalat lamang ang mga ito kapag nararapat. Sa pagpapasiya kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin, pinapatnubayan siya ng pagpapakumbaba, pananampalataya, at pag-ibig. Hinahadlangan siya ng pagpapakumbaba mula sa labis na pagpapahalaga sa sarili, na sinisikap na pahangain ang iba alinman sa pagsasabi sa kanila ng lahat ng nalalaman niya o sa pagpapasabik sa kanila sa pamamagitan ng mga lihim na hindi niya maaaring sabihin. Pakikilusin siya ng pananampalataya sa Salita ni Jehova at sa kongregasyong Kristiyano na ipangaral ang impormasyong inilaan ng Diyos mula sa Bibliya samantalang nag-iingat na hindi makapagbitiw ng mga salitang sa simula pa lamang ay makasasakit na sa iba. Oo, uudyukan siya ng pag-ibig na hayagang sabihin ang mga bagay na ikaluluwalhati ng Diyos at na kailangang malaman ng mga tao upang magtamo ng buhay. Sa kabilang banda, iniingatan niya ang kompidensiyal na mga bagay, anupat natatanto na sa kadalasan ang pagsisiwalat sa mga ito ay katumbas ng kawalan ng pag-ibig.
19. Anong landasin ang makatutulong upang makilala ang tunay na mga Kristiyano, at ano ang ibinubunga nito?
19 Ang timbang na paraang ito ay nakatutulong upang makilala ang tunay na mga Kristiyano. Hindi nila itinatago ang Diyos sa pamamagitan ng di-paggamit sa kaniyang pangalan o sa pamamagitan ng isang mahiwaga, di-maipaliwanag na doktrina ng Trinidad. Ang di-kilalang mga diyos ay bahagi ng huwad na relihiyon, hindi ng tunay. (Tingnan ang Gawa 17:22, 23.) Tunay na pinahahalagahan ng mga pinahirang Saksi ni Jehova ang pribilehiyo na maging “mga katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.” Sa pamamagitan ng tahasang pagsisiwalat ng mga lihim na ito sa iba, tumutulong silang akayin ang tapat-pusong mga tao na hanapin ang pakikipagkaibigan sa Diyos.—1 Corinto 4:1; 14:22-25; Zacarias 8:23; Malakias 3:18.
[Talababa]
a Tingnan ang “Huwag Sumangkot sa mga Kasalanan ng Iba” sa Gumising!, Agosto 8, 1986.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit hindi kailangang itago ni Jehova ang kaniyang mga intensiyon?
◻ Kanino isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang mga lihim?
◻ Ano ang pananagutan ng mga Kristiyano may kinalaman sa kompidensiyal na mga bagay?
◻ Anong tatlong katangian ang tutulong sa mga Kristiyano na alamin kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin?
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Isinisiwalat ni Jehova ang mga lihim sa pamamagitan ng kaniyang Salita