“Patuloy na Mahalin ang Gayong Uri ng mga Tao”
“Kilalanin ang gayong uri ng mga tao.”—1 CORINTO 16:18.
1. Anong uri ng mga tao ang lalong higit na minahal ni apostol Pablo, at ano ang kaniyang isinulat tungkol sa isa sa gayong Kristiyano?
ANG uri ng mga tao na lalong higit na minahal ni apostol Pablo ay yaong mga handang gugulin ang kanilang lakas nang walang pasubali ukol kay Jehova at sa kanilang mga kapatid. Tungkol sa isa sa gayong mga kamanggagawa, si Pablo ay sumulat: “Bigyan ninyo siya ng kinaugaliang pagtanggap sa Panginoon ng may buong kagalakan; at patuloy na mahalin ang gayong uri ng mga tao, sapagkat ng dahil sa gawain ng Panginoon siya ay napasa bingit ng kamatayan, inihantad ang kaniyang kaluluwa sa panganib.”—Filipos 2:29, 30.
2. Kanino tayo dapat magbigay ng pantanging konsiderasyon, at bakit?
2 Sa ngayon, sa mahigit na 55,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, mayroong maraming mahuhusay na mga lalaking Kristiyano na dapat nating lalong higit na pahalagahan dahilan sa kanilang pagpapagal sa gitna ng kanilang mga kapatid. Nagpapakita na dapat nating mahalin ang gayong mga lalaki, si Pablo ay nagsabi: “Pinakikiusap namin sa inyo, mga kapatid, na inyong pakundanganan yaong mga nagpapagal sa inyo at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagpapaalaala sa inyo; at inyong pakamahalin sila nang higit kaysa karaniwang pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Maging mapayapa kayo sa pakikitungo sa isa’t isa.”—1 Tesalonica 5:12, 13.
3. (a) Ano ang tutulong sa atin na maging mapayapa sa pakikisama sa isa’t isa? (b) Sa anong paraan dapat magpakita ng halimbawa ang hinirang na matatanda?
3 Ang wastong pagpapahalaga sa lahat ng ating kapatid na mga lalaki at mga babae, at lalong-lalo na sa nagpapagal na mga matatanda, ay walang alinlangang isang mahalagang salik sa mapayapang pamumuhay sa loob ng ating mga kongregasyon. Sa bagay na ito, tulad sa lahat ng pitak ng pamumuhay ng Kristiyano, ang matatanda ay dapat na maging “mga halimbawa sa kawan.” (1 Pedro 5:2, 3) Gayunman, samantalang ang matatanda ay wastong makaaasa na pahalagahan ng mga kapatid dahil sa kanilang pagpapagal, sila’y dapat ding magpakita ng halimbawa sa pagpapakita ng nauukol na konsiderasyon sa isa’t isa.
“Pagpapakita ng Paggalang sa Isa’t Isa”
4, 5. (a) Ano ang nagpapakita na pinahalagahan ni apostol Pablo ang nagpapagal na matatanda? (b) Ano ang kaniyang isinulat sa mga Kristiyano sa Roma, at bakit ang kaniyang mga salita ay kumakapit lalo na sa matatanda?
4 Si apostol Pablo ay nagpakita ng mainam na halimbawa sa bagay na ito. Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, humanap siya ng mabubuting bagay sa kaniyang mga kapatid. At hindi lamang niya pinatibay-loob ang mga Kristiyano na umibig at gumalang sa nagpapagal na mga matatanda kundi siya ay nagpakita rin ng kaukulang pagpapahalaga sa mga ito. Maliwanag na ang gayong uri ng mga tao ay kaniyang minahal.—Ihambing ang Filipos 2:19-25, 29; Colosas 4:12,13; Tito 1:4, 5.
5 Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma, si Pablo ay sumulat, “Sa pag-ibig sa mga kapatid ay malumanay na magmahalan kayo sa isa’t isa. Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo. Huwag magpatigil-tigil sa inyong gawain. Maging maningas sa espiritu. Magpaalipin kay Jehova.” (Roma 12:10, 11) Tiyak, ang mga salitang ito ay kumakapit lalong lalo na sa hinirang na Kristiyanong matatanda. Sila, sa lahat ng mga Kristiyano, ang dapat manguna sa paggalang sa isa’t isa.
6. (a) Ano ang dapat iwasan na huwag gawin ng matatanda, at bakit? (b) Paano mapatitindi ng matatanda ang pagtitiwala ng kongregasyon sa buong lupon ng matatanda?
6 Ang matatanda lalo na ang dapat na pakaingat na huwag magsasalita ng mga nakasisira sa kanilang mga kapuwa tagapangasiwa. Walang nag-iisang matanda ang mayroon ng lahat ng mga katangiang Kristiyano sa pinakasukdulang antas, sapagkat lahat ay di-sakdal. Ang iba ay nakahihigit sa ilang mga katangian, subalit sila ay mas mahina sa mga iba namang katangian. Kung ang matatanda ay mayroong wastong pag-ibig-kapatid at magiliw na pagmamahal sa isa’t isa, kanilang pagtatakpan ang mga kahinaan ng isa’t isa. Sa kanilang pakikipag-usap sa mga kapatid, kanilang patitingkarin ang mabubuting katangian ng kanilang mga kapuwa matatanda. Sa gayong pangunguna sa pagpapakita ng paggalang sa isa’t isa, kanilang patitindihin ang pagtitiwala ng kongregasyon sa lupon ng matatanda bilang isang kabuuan.
Paggawang Sama-sama Bilang Isang Lupon
7. Ano ang tutulong sa matatanda na gumawang sama-sama sa pagkakaisa, at paano nila ipakikita ito?
7 Pagkatapos banggitin ang tungkol sa “mga kaloob na mga lalaki” na ibinigay ni Kristo sa kaniyang kongregasyon sa lupa upang maisaayos ang mga kapatid at ukol sa gawain sa ministeryo, si apostol Pablo ay sumulat: “Tayo’y magsilago sa pamamagitan ng pag-ibig sa lahat ng bagay sa kaniya na siyang ulo, si Kristo.” (Efeso 4:7-15) Ang pagkilala na si Kristo ang siyang aktibong Ulo ng kongregasyon, at na kailangang pasakop sa kaniyang kanang kamay ng awtoridad ang matatanda, ay isang tagapagkaisa sa loob ng bawat lupon ng matatanda. (Efeso 1:22; Colosas 1:18; Apocalipsis 1:16, 20; 2:1) Kanilang hahanapin ang kaniyang patnubay sa pamamagitan ng banal na espiritu, ng mga simulain ng Bibliya, at ng pangunguna na isinasagawa ng Lupong Tagapamahala ng “uring tapat at matalinong alipin.”—Mateo 24:45-47; Gawa 15:2, 28; 16:4, 5.
8. Ano ang dapat tandaan ng lahat ng matatanda, at paano sila magpapakita ng paggalang sa isa’t isa?
8 Kikilalanin ng matatanda na si Kristo, sa pamamagitan ng banal na espiritu, ay maaaring pumatnubay sa isip ng sinumang matanda na nasa lupon ng matatanda upang maglaan ng simulain ng Bibliya na kailangan upang makaharap sa anumang situwasyon o makagawa ng anumang mahalagang disisyon. (Gawa 15:6-15) Walang nag-iisang matanda ang tanging may kapamahalaan sa espiritu sa loob ng lupon. Ang matatanda ay gagalang sa isa’t isa sa pamamagitan ng maingat na pakikinig sa kaninuman sa kanila sa paksang tinatalakay at ikinakapit ang isang simulain ng Bibliya o ang isang instruksiyon buhat sa Lupong Tagapamahala.
9. (a) Anong espirituwal na mga katangian ang tutulong sa isang tagapangasiwa na iwasan ang pagiging dominante sa pakikitungo sa kaniyang mga kapuwa matatanda? (b) Paano ipakikita ng isang matanda na siya’y “makatuwiran,” at paano nagpakita ng halimbawa sa bagay na ito ang unang-siglong lupong tagapamahala?
9 Dahilan sa kahinhinang Kristiyano, sa kaamuan, at pagpapakumbaba iiwasan ng sinumang matanda ang pagkadominante sa kaniyang mga kapatid at ang pagpipilit ng kaniyang opinyon. (Kawikaan 11:2; Colosas 3:12) Ang isang tagapangasiwang Kristiyano ay maaaring magkaroon ng pagkatitindi at taimtim na mga paniniwala sa isang bagay. Subalit kung kaniyang nakikita na ang kaniyang kapuwa mga matatanda ay may maka-Kasulatan at teokratikong mga dahilan para magkaroon ng naiibang pangmalas, siya ay ‘kikilos na isang nakabababa’ at ipakikita niyang siya’y “makatuwiran” sa pamamagitan ng pakikiayon sa panig ng karamihan.a (Lucas 9:48; 1 Timoteo 3:3) Siya’y susunod sa ulirang halimbawa noong unang siglo ng lupong tagapamahala, na, pagkatapos ng isang maka-Kasulatang pagtalakay, at sa ilalim ng pangunguna ni Kristo sa tulong ng banal na espiritu, ay “pawang nagkaisa-isa.”—Gawa 15:25.
10. (a) Ano ang nagpapatunay na ang paghirang ng isang lupon ng matatanda sa bawat kongregasyon ay isang salig-Bibliyang kaayusan? (b) Paanong ipinaliliwanag ng aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ang mga kabutihan ng kaayusang ito?
10 Ang paghirang ng isang lupon ng matatanda sa bawat kongregasyon upang manguna ay salig sa halimbawa na ipinakita ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. (Filipos 1:1; 1 Timoteo 4:14; Tito 1:5; ihambing ang talababa sa salitang “matatanda” sa Tito 1:5 sa The Jerusalem Bible.) Bilang sumaryo ng karunungan ng kaayusang ito, ang aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo (pahina 37) ay nagsasabi: “Ang ibang matanda ay maaaring maging bukod-tangi sa isang partikular na katangian, samantalang baka ang iba sa lupon ay mas nakakalamang sa mga katangian na mahina naman sa iba. Kaya ang epekto nito sa pangkalahatan, ay na ang lupon sa kabuuan ay magtaglay ng lahat ng mahuhusay na katangian na kinakailangan ukol sa wastong pangangasiwa sa kongregasyon ng Diyos.”
Respeto sa Isa’t Isa ng mga Lupon ng Matatanda
11, 12. (a) Bakit ang isang lupon ng matatanda ay higit ang nagagawa kaysa kung ang mga miyembro nito ay kumikilos nang isa-isa bilang mga indibiduwal? (b) Paano nakitungo si Kristo Jesus at si apostol Pablo sa mga lupon ng matatanda gaya ng binanggit, at anong payo ang ibinigay?
11 Samakatuwid, ang isang lupon ng matatanda ay isang maka-Kasulatang kaayusan na kung saan ang kabuuan ay kumakatawan higit kaysa pinagsama-samang mga bahagi nito. Pagka sila’y nagtitipon at nananalangin upang hingin ang patnubay ni Jehova, sa pamamagitan ni Kristo at ng banal na espiritu, sila’y makagagawa ng mga disisyon na hindi sana nabuo kung sila’y kinunsulta nang isahan. Pagka ang matatanda ay nagtitipong sama-sama, ang kanilang iba’t ibang katangian ay nagkakatulung-tulong at nagbubunga ng mga resulta na doo’y mababanaag ang patnubay ni Kristo sa mga bagay-bagay.—Ihambing ang Mateo 18:19, 20.
12 Na si Kristo’y nakitungo sa mga lupon ng matatanda gaya ng binanggit ay ipinakikita ng mga mensahe na kaniyang ipinadala sa “pitong bituin,” o “mga anghel ng pitong kongregasyon” sa Asia Minor. (Apocalipsis 1:11, 20) Ang una sa mga mensaheng iyon ay ipinadala sa mga kongregasyon sa Efeso sa pamamagitan ng “anghel” niyaon, o lupon ng pinahirang mga tagapangasiwa. Mga 40 taon ang aga, ang lupon ng matatanda sa Efeso ay ipinatawag ni apostol Pablo na maglakbay upang pumaroon sa Mileto para sa isang tanging pakikipagpulong sa kaniya. Kaniyang ipinaalaala sa kanila na asikasuhin ang kanilang sarili at magpastol sa kongregasyon.—Gawa 20:17, 28.
13. Bakit dapat bigyang-pansin ng matatanda ang espiritung kanilang ipinakikita sa loob ng kanilang lokal na lupon ng matatanda at sa kanilang relasyon bilang isang grupo sa mga ibang lupon ng matatanda?
13 Ang mga lupon ng matatanda ay dapat na magbigay ng partikular na pag-aasikaso upang mapanatili ang isang mainam, positibong espiritu sa gitna nila at sa loob ng kanilang kongregasyon. (Gawa 20:30) Kung paano ang isang indibiduwal na Kristiyano ay nagpapakita ng isang espiritu, gayundin na ang mga lupon ng matatanda at ang buong kongregasyon ay makapagpapaunlad ng isang partikular na espiritu. (Filipos 4:23; 2 Timoteo 4:22; Filemon 25) Kung minsan nangyayari na ang matatanda na gumagalang sa isa’t isa sa loob ng kanilang sariling kongregasyon ay nagpapakita ng kawalan ng pakikipagkaisa sa ibang lupon ng matatanda. Sa mga siyudad na kung saan kung ilang mga kongregasyon ang nagpupulong sa isang Kingdom Hall, kung minsan ay bumabangon ang kaunting di-pagkakasundo sa pagitan ng mga lupon ng matatanda kung tungkol sa eskedyul ng mga pulong, mga hangganan ng teritoryo, mga instilasyon sa Kingdom Hall, at iba pa. Ang ganoon ding mga simulain ng kahinhinan, kaamuan, pagpapakumbaba, at pagkamakatuwiran na umuugit sa matatanda sa bawat lupon ang dapat makita sa relasyon sa pagitan ng mga lupon ng matatanda. Si apostol Pablo ay nagpayo: “Gawin ang lahat ng bagay sa ikatitibay.”—1 Corinto 14:26.
Wastong Paggalang sa Naglalakbay na mga Tagapangasiwa
14. Anong iba pang grupo ng matatanda ang karapat-dapat na mahalin, at bakit?
14 Ang isa pang salig-Bibliyang kaayusan na umaandar sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay ang regular na pagdalaw sa kanila ng naglalakbay na matatanda, tinatawag na pangsirkito o pandistritong tagapangasiwa. (Gawa 15:36; 16:4, 5) Ang mga ito, una sa lahat, ay “matatandang lalaki na nangangasiwa sa isang mainam na paraan.” Katulad din ng mga ibang matatanda, sila’y dapat “ariing karapat-dapat sa ibayong karangalan, lalo na yaong nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo.”—1 Timoteo 5:17.
15. Anong payo ang ibinigay ni apostol Juan tungkol sa naglalakbay na mga ebanghelisador?
15 Sa kaniyang ikatlong liham, si apostol Juan, ay pumintas kay Diotrefes sapagkat siya’y tumangging “tanggapin ang mga kapatid nang may paggalang.” (3 Juan Talatang 10) Ang mga kapatid na ito ay mga naglalakbay na Kristiyano na gumagawa ng gayon “alang-alang sa pangalan [ni Jehova].” (3 Juan Talatang 7) Maliwanag na sila’y isinugo bilang mga ebanghelisador upang mangaral ng mabuting balita at patibayin ang mga kongregasyon sa mga bayan na kanilang dinadalaw. Itinagubilin ni Juan na ang mga nagpapagal na naglalakbay na mga tagapangaral na ito ay dapat ‘suguin sa paraang karapatdapat sa Diyos.’ (3 Juan Talatang 6) Isinusog ng apostol: “Tayo, samakatuwid, ay nasa ilalim ng obligasyon na tanggapin ang gayong mga tao nang may kagandahang-loob, upang tayo’y maging mga kamanggagawa sa katotohanan.” (3 Juan Talatang 8) Sila’y dapat tanggapin nang may paggalang.
16. Paano lahat ng Kristiyano sa ngayon ay makasusunod sa halimbawa ni Gayo sa “mga tapat na gawa” na kaniyang isinagawa para sa unang-siglong mga ebanghelisador, at bakit ito nararapat?
16 Gayundin sa ngayon, ang naglalakbay na tagapangasiwa na isinugo ng Lupong Tagapamahala na mangaral ng mabuting balita at tumulong sa mga kongregasyon ay dapat na tanggaping may kagandahang-loob at paggalang. Ang mga kapatid na ito at ang kani-kanilang asawang babae (kung sila’y may asawa, yamang marami sa kanila ang gayon) ay kusang nag-iwan ng pamumuhay sa isang pirmihang tahanan. Sila’y naglalakbay sa iba’t ibang dako, kadalasan dumidipende sa pagmamagandang-loob ng mga kapatid para sa kanilang pagkain at tutulugan. Kay Gayo, na maibiging tumanggap sa naglalakbay na mga ebanghelisador noong unang siglo C.E., si Juan ay sumulat: “Minamahal, ikaw ay gumagawa ng isang tapat na gawain sa anumang ginagawa mo para sa mga kapatid, at mga taong hindi mo pa nakikilala.” (3 Juan 5) Gayundin naman sa ngayon, yaong mga naglalakbay ‘alang-alang sa pangalan ni Jehova’ ay karapatdapat na mahalin at pagpakitaan ng pag-ibig at paggalang.
17. Paano ang hinirang na matatanda sa kongregasyon ay magpapakita ng wastong paggalang sa dumadalaw na mga kinatawan ng Lupong Tagapamahala?
17 Ang hinirang na matatanda, lalo na, ang dapat na magpakita ng wastong paggalang sa dumadalaw na mga kinatawang ito ng Lupong Tagapamahala. Sila’y isinusugo sa mga kongregasyon dahilan sa kanilang espirituwal na mga katangian at sa kanilang karanasan, na karaniwan nang mas malawak kaysa taglay ng maraming lokal na matatanda. Ang ilan sa naglalakbay na mga tagapangasiwang ito ay maaaring mas bata sa edad kaysa mga ilang matatanda sa mga kongregasyon na kanilang dinadalaw. Subalit hindi iyan isang makatuwirang dahilan upang sila’y huwag bigyan ng wastong paggalang. Baka inaakala nilang kailangang medyo magdahan-dahan ang lokal na matatanda sa pagrerekomenda ng isang kapatid na lalaki bilang ministeryal na lingkod o matanda, sa pagsasaisip ng babala ni Pablo kay Timoteo. (1 Timoteo 5:22) Bagaman ang dumadalaw na tagapangasiwa ay dapat magbigay ng kaukulang konsiderasyon sa mga pangangatuwirang iniharap ng lokal na matatanda, itong huli ay handang makinig sa kaniya at makinabang buhat sa kaniyang malawak na karanasan. Oo, kanilang dapat “patuloy na mahalin ang gayong uri ng mga tao.”—Filipos 2:29.
“Kilalanin ang Gayong Uri ng mga Tao”
18, 19. (a) Paano ipinahayag ni Pablo ang kaniyang pagpapahalaga sa kaniyang mga kamanggagawa? (b) Anong halimbawa ang nagpapakita na si Pablo’y hindi nagkimkim ng galit sa kaniyang mga kapatid?
18 Sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, si Pablo ay sumulat: “Ngayon ipinamamanhik ko nga sa inyo, mga kapatid: nalalaman ninyo na ang sambahayan ni Estefanas ay siyang pangunahing bunga ng Acaia at nagsitalaga sa paglilingkod sa mga banal. Harinawang kayo’y patuloy ding pasakop sa gayong uri ng mga tao at sa bawat isang nakikipagtulungan at nagpapagal. Subalit ikinagagalak ko ang pagkanaririto ni Estefanas at ni Fortunato at ni Arcaico, sapagkat yamang sila’y naririto ay para na rin kayong naririto. Sapagkat inaliw nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Kaya kilalanin ninyo ang gayong uri ng mga tao.”—1 Corinto 16:15-18.
19 Anong inam, na saloobin ng kagandahang-loob mayroon si Pablo sa kaniyang mga kapatid, na ang iba sa kanila ay hindi gaanong tanyag. Subalit sila’y iniibig ni Pablo sapagkat sila’y “nakikipagtulungan” at “nagpapagal” nang puspusan sa kanilang pagsisikap na maglingkod sa mga banal. Si Pablo ay nagpakita rin ng magandang halimbawa sa paglilibing sa limot ng mga bagay na nakalipas na. Bagaman siya’y hindi nasiyahan sa ginawa ni Juan Marcos noong unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, nang bandang huli ay buong init na inirekomenda niya ito sa kongregasyon sa Colosas. (Gawa 13:13; 15:37, 38; Colosas 4:10) Nang siya’y ibinilanggo sa Roma, ipinakiusap ni Pablo na si Marcos ay pumaroon sa kaniya sapagkat, tulad ng sabi niya, “[si Marcos] ay napapakinabangan ko sa ministeryo.” (2 Timoteo 4:11) Walang bahagya mang pagkikimkim ng galit doon!
20. Paanong ang mga Kristiyano sa pangkalahatan, at ang matatanda lalo na, ay magpapakita na sila’y nagpapahalaga sa tapat na mga tagapangasiwa at na kanilang ‘patuloy na minamahal ang gayong uri ng mga tao’?
20 Sa ngayon sa gitna ng bayan ng Diyos, mayroong maraming tapat na tagapangasiwa na, katulad ni Estefanas, ay naglilingkod sa kanilang mga kapatid. Tiyak naman, sila’y mayroon ng kanilang mga pagkukulang at kahinaan. Gayumpaman, sila’y “nakikipagtulungan” sa “tapat at maingat na alipin” at sa Lupong Tagapamahala nito, at “nagpapagal” nang puspusan sa gawaing pangangaral at sa pagtulong sa kanilang mga kapatid. Dapat na tayo’y ‘patuloy na pasakop sa gayong uri ng mga tao,’ anupa’t pinahahalagahan sila dahilan sa kanilang mga katangian, at hindi ang mga di-kasakdalan nila ang hinahanap. Ang mga matatanda ang dapat manguna sa pagpapakita ng pagpapahalaga at paggalang sa kanilang mga kapuwa matatanda. Ang matatanda ay dapat makipagtulungan sa isa’t isa sa espiritu ng pag-iibigan at pagkakaisa. Lahat ay kikilala sa kahalagahan ng gayong tapat na mga kapatid at kanilang “patuloy na mamahalin ang gayong uri ng mga tao.”—Filipos 2:29.
[Talababa]
a Isang talababa sa New World Translation Reference Bible ang nagpapakita na ang salitang “makatuwiran” sa 1 Timoteo 3:3 ay salin ng isang terminong Griyego na literal na nangangahulugang “mapagbigay.”
Mga Punto sa Repaso
◻ Anong uri ng mga tao ang lalong higit na minahal ni Pablo, at sino ang karapat-dapat sa ating pantanging konsiderasyon sa ngayon?
◻ Paano ipakikita ng matatanda na sila’y gumagalang sa isa’t isa?
◻ Bakit ang isang lupon ng matatanda ay higit ang nagagawa kaysa mga miyembro na kumikilos nang isa-isa bilang mga indibiduwal?
◻ Sa anong mga pitak ipakikita ng isang lupon ng matatanda na sila’y gumagalang sa ibang lupon ng matatanda?
◻ Anong grupo ng mga tagapangasiwa ang karapat-dapat na lalong higit na mahalin, at paanong ang wastong paggalang na ito ay maipakikita?
[Larawan sa pahina 15]
Ang matatanda ay dapat magpakita ng wastong pagpapahalaga sa isa’t isa
[Larawan sa pahina 18]
Magpakita ng pag-ibig at paggalang sa naglalakbay na mga tagapangasiwa