Kaaliwan Buhat sa Diyos ng Kapayapaan
“Patuloy na mag-aliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito.”—1 TESALONICA 4:18.
1. Anong mga panalangin ni Pablo ang nagpapakita na siya’y interesado sa kapayapaan?
SI Pablo, na apostol, ay lubhang naghahangad na magtamasa ng kapayapaan ang kongregasyong Kristiyano. Kaya naman, 13 ng kaniyang mga liham, na naingatan para sa atin sa kinasihang Kasulatan, ay nagsisimula sa panalangin na yaong mga kinauukulan ay magtamasa sana ng kapayapaan buhat sa Diyos. Halimbawa, sa baguhang kongregasyon sa Tesalonica, si Pablo ay sumulat: “Sumainyo nawa ang di-sana nararapat na awa at ang kapayapaan.” Sa may bandang dulo ng liham ding iyan ay idinalangin niya: “Harinawang pakabanalin kayong lubos ng Diyos ding iyan ng kapayapaan. At ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay harinawang ingatang buo na walang kapintasan sa pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo.”—1 Tesalonica 1:1; 5:23.
2. (a) Anong uri ng pagkabahala ang ipinakita ni Pablo tungkol sa kongregasyon? (b) Paano matutularan ng mga hinirang na matatandang Kristiyano ang halimbawa ni Pablo?
2 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay lubusang ‘gumawa at nagpagal’ sa gitna ng mga bagong mananampalatayang iyon. Sinabi ni Pablo: “Naging malumanay kami sa inyo, tulad ng isang nagpapasusong ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak. Kaya, dahil sa aming magiliw na pagmamahal sa inyo, ganiyan na lamang ang aming kagalakan na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi pati ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat kayo ay napamahal na sa amin.” Hindi baga nahahalata natin sa mga salitang iyan ang taimtim na pagkabahala, ang tunay, na matimyas na pag-ibig na taglay ni Pablo sa kongregasyong iyan? Oo, ganiyan ang uri ng pag-ibig na taglay ng Kristiyanong hinirang na matatanda sa mga 50,000 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ngayon.—1 Tesalonica 2:7-9; Juan 13:34, 35; 15:12-14.
3. (a) Paano nakinabang kay Timoteo ang kongregasyon sa Tesalonica? (b) Ito’y katumbas ng ano sa ngayon?
3 Ang Manunukso, si Satanas, ay nagdulot ng kapighatian sa mga Kristiyano sa Tesalonica. Kaya sinugo ni Pablo si Timoteo, upang sila’y ‘patatagin at aliwin alang-alang sa kanilang pananampalataya.’ Si Timoteo ay bumalik kay Pablo sa Atenas taglay ang magandang ulat tungkol sa kanilang katapatan at pag-ibig. Lahat ay lubhang naaliw nang kanilang mabatid ang pananampalataya at katapatan ng isa’t isa, at sila’y nagpatuloy na manalangin sa Diyos na sapatan niya ang anumang kakulangan. (1 Tesalonica 3:1, 2, 5-7, 10) Ito ay nagpapaaninaw din ng teokratikong kaayusan sa ngayon, na ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nagpapatibay sa mga kongregasyon, kahit sa mga dako na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay naglilingkod kahit ibinabawal o mahigpit na pinag-uusig.—Isaias 32:1, 2.
‘Sa Kaniyang Pagkanaririto’
4, 5. (a) Ano ang panalangin dito ni Pablo, at bakit tayo lalung-lalo nang interesado rito ngayon? (b) Bakit may natatanging kahalagahan ang ating kaarawan?
4 Tinatapos ni apostol Pablo ang bahaging ito ng kaniyang liham sa panalangin: “Kayo sana’y palaguin, oo, pasaganain ng Panginoon, sa pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat, gaya ng ginagawa rin naman namin sa inyo; upang patibayin niya ang inyong mga puso, na walang maipipintas sa kabanalan sa harapan ng ating Diyos at Ama sa pagkanaririto ng ating Panginoong Jesus kasama ang kaniyang lahat na mga banal.”—1 Tesalonica 3:12, 13.
5 Dito’y nakatanaw si Pablo sa malayong hinaharap, sa panahon ng “pagkanaririto [ni Jesus] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay” pagka “ang Anak ng tao ay dumating na sa kaniyang taglay na kaluwalhatian, at lahat ng mga anghel ay kasama niya.” Ang ating makalangit na Hari ay dumating noong 1914. Buhat sa kaniyang maningning at di-nakikitang trono, si Jesus ay humahatol na ngayon sa mga bansa at mga bayan sa lupa, kaniyang ibinubukod ang mapagpakumbaba, tulad-tupang mga tao para iligtas sa “malaking kapighatian” at bigyan ng buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso.—Mateo 24:3-21; 25:31-34, 41, 46.
Mga Tagubilin Para sa Ating Kabutihan
6. Anong payo ni Pablo ang kailangang sundin natin ngayon?
6 Ikaw ba’y isa sa nagmimithi na makaabot sa tunguhing buhay na walang hanggan? Kung gayon, kailangang sundin mo ang dito’y tagubilin ni Pablo sa kaniyang sulat sa mga taga-Tesalonica: “Katapus-tapusan, mga kapatid, aming ipinakikiusap sa inyo at ipinapayo sa inyo sa Panginoong Jesus, kung paano tinanggap ninyo sa amin ang turo na kung paano kayo nararapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, gaya ng sa katunaya’y paglakad ninyo, na patuloy na gawin ninyo ito nang lalong higit. Sapagkat batid ninyo ang mga tagubilin na ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.” (1 Tesalonica 4:1, 2) Ano ang ilan sa “mga tagubilin” na dito’y idiniriin ni Pablo?
7. (a) Anong mahalagang ‘tagubilin’ ang ibinibigay rito? (b) Pagkatapos tanggapin ang espiritu ng Diyos, bakit tayo hindi dapat huminto ng pag-iingat?
7 Ang unang ‘tagubilin’ ay may kinalaman sa mabubuting moral o asal. Sinasabing tuwiran ni Pablo: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapakabanal ninyo, na kayo’y lumayo sa pakikiapid; na bawat isa sa inyo’y dapat makaalam kung paano magpipigil sa inyong sariling katawan ukol sa pagpapakabanal at kapurihan, hindi sa masakim na pagkagahaman sa sekso na gaya rin naman ng mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.” Nakatutuwa, ating ‘nakilala’ ang Diyos at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at tayo’y nagmimithi na makaabot sa buhay na walang hanggan. Anong laking kahihiyan kung ating papayagan na ang ating sarili’y muling makaladkad at mahulog sa makasanlibutang pusali ng imoralidad! Nakalulungkot sabihin, ang mga iba’y nakapagtiis ng maraming mga taon sa mga concentration camp at mga bilangguan, o nakagugol ng kanilang buong buhay sa masigasig na pagmimisyonero, ngunit sa bandang huli’y napadaig sa Manunukso at sila’y huminto ng pag-iingat ng moral. Pagkatapos tumanggap ng banal na espiritu ng Diyos, sana’y huwag nating ‘pamighatiin’ ito ng dahil sa pagkahulog sa seksuwal na imoralidad!—1 Tesalonica 4:3-8; Juan 17:3; 1 Corinto 10:12, 13; Efeso 4:30.
8, 9. (a) Ano ba ang pag-ibig kapatid? (b) Paano natin mapasusulong ang gayong pag-ibig, at ano ang kapakinabangan dito?
8 Ang susunod na ‘tagubilin’ ni Pablo ay tungkol sa phil·a·del·phiʹa, ang “pag-ibig kapatid.” (1 Tesalonica 4:9, 10) Ito ay isang natatanging anyo ng may prinsipyong pag-ibig, a·gaʹpe, na mariing inirirekomenda ni Pablo dito sa 1 Tes 4 talatang 9, at gayundin sa 1 Tes kabanata 3, talatang 6 at 12. Ang phil·a·del·phiʹa ay isang napakataimtim na pagmamahalan, gaya ng makikitang umiral sa pagitan ni Jesus at ni Pedro, at sa pagitan ni David at ni Jonathan. (Juan 21:15-17; 1 Samuel 20:17; 2 Samuel 1:26) Ito’y maaaring idagdag sa a·gaʹpe sa pagtatayo ng isang matalik na pagkakaibigan, gaya ng makikita, halimbawa, sa kagalakan ng pagsasamahan ng isa’t isa na makikita sa maraming mga Saksi ni Jehova na nasa ministeryo ng pagpapayunir at sa iba pang gawaing teokratiko.
9 Sinabi ni Pablo: “Patuloy na gawin ito nang lalong higit.” Sa tuwina’y maaari nating palawakin ang ating pag-ibig kapatid. Ang mahusay na katangiang ito ay lalo nang sumasagana pagka ang hinirang na matatanda at mga ministeryal na lingkod ay nanguna sa masigasig na paglilingkod sa Kaharian. Pagka lahat ng nasa kongregasyon ay abalang-abala sa ‘paghanap muna sa Kaharian,’ ang mga di-pagkakaunawaan dahil sa di-kasakdalan ng tao, ang mga banggaan na likha ng pagkakaiba-iba ng personalidad, at katulad na mga problema ay nagiging pangalawa lamang. Sa tuwina’y sa ating tunguhin ipako natin ang ating mga mata!—Mateo 6:20, 21, 33; 2 Corinto 4:18.
10. Bilang mga Kristiyano, paano tayo ‘lalakad nang maayos’?
10 Dito’y iniuugnay ni Pablo ang isa pang ‘tagubilin’—na gawin nating ating pakay ang mabuhay nang tahimik, intindihin lamang ang ating sariling gawain, at igawa ang ating mga kamay. Samantalang tayo’y ‘lumalakad nang maayos’ sa ating araw-araw na pamumuhay, na nagpapakita kapuwa ng may prinsipyong pag-ibig at pagmamahalang magkakapatid, lahat ng ating mga pangangailangan ay ibibigay.—1 Tesalonica 4:11, 12; Juan 13:35; Roma 12:10-12.
Inaaliw ng Pag-asa sa Pagkabuhay-muli
11. (a) Bakit ngayon ay ipinapasok naman ni Pablo ang pagkabuhay-muli? (b) Paano dapat makaapekto sa atin ang ganitong payo ni Pablo?
11 Ang susunod na binabanggit ng apostol ay ang magandang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Subalit bakit nga ipapasok ni Pablo ang paksang ito? Ibig niyang patibayin ang kaniyang mga kapatid upang mapagtiisan ang mga pag-uusig na dumarating sa kanila. Nanganganib na mawala ang kanilang mga buhay. Wari nga na noong panahong iyon ang iba ay nangatulog na sa kamatayan. Ang mga kapananampalataya ay nangangailangan ng kaaliwan. (1 Tesalonica 2:14-20) Sa paniniwala nila na malapit na noon ang “pagkanaririto” ni Kristo, iniisip nila kung ano kaya ang mangyayari sa mga nangamatay na. Ang ngayo’y isinulat ni Pablo ay nagbibigay hindi lamang ng kaaliwan para sa mga Kristiyanong naulila sa kanilang mga mahal sa buhay kundi ito’y nagsisilbing pampatibay-loob din upang makapagtiis hanggang sa dumating ang “araw” ni Jehova. Ang payo ni Pablo ay dapat tumulong sa lahat sa atin upang magpakita ng katatagan sa espirituwalidad habang patuloy na ipinangangaral natin ang mabuting balita, sa paghihintay sa lubos na katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—2 Tesalonica 1:6-10.
12. Anong tunay na kaaliwan ang maaaring tanggapin natin pagka namatay ang isang mahal natin sa buhay, at kanino nanggagaling ito?
12 Sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, hindi namin ibig na kayo’y di makaalam tungkol sa mga natutulog sa kamatayan; upang kayo’y huwag malumbay na gaya ng mga iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Anong laking kaaliwan at kapayapaan ng isip ang matatagpuan sa pag-asa sa pagkabuhay-muli! Makalipas ang mga limang taon, ang kaniyang ikalawang liham sa mga Kristiyano sa Corinto ay sinimulan ni Pablo ng mga salitang: “Sumainyo nawa ang di-sana nararapat na awa at kapayapaan na mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo. Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng malumanay na mga kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan, na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang ating maaliw naman ang mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng pang-aliw na iniaaliw din sa atin ng Diyos.”—2 Corinto 1:2-4.
13, 14. (a) Bakit ibig ni Pablo na ang mga Kristiyano’y magkaroon ng kaalaman tungkol sa kahulugan ng kamatayan? (b) Ayon sa Kasulatan ano ang kalagayan ng mga patay?
13 Hindi ibig ng apostol na tayo’y walang alam tungkol sa kalagayan ng mga patay. Pagdating ng panahon, sa nag-aangking mga Kristiyano ay manggagaling ang maraming apostata, anupa’t sila’y babalik sa mga pilosopyang Babiloniko at Griego. Tatanggapin ng gayong mga apostata ang doktrina ni Plato ng likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa—na ngayo’y isang saligang turo sa buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang mahiwagang turo tungkol sa “kabilang buhay,” maging iyon man ay doon daw sa langit, sa purgatoryo, o sa isang dako ng walang hanggang pagpaparusa, ay hindi nagbibigay ng tunay na kaaliwan. At, ang likas na pagkawalang-kamatayan ay salungat sa doktrina ng pagkabuhay-muli, sapagkat paano ngang ang sinuman ay maibabangong-muli sa buhay kung ang kaluluwa ay hindi namamatay?
14 Binanggit dito ni Pablo ang “tungkol doon sa mga natutulog sa kamatayan.” Oo, “natutulog.” Ang isang taong natutulog ay walang malay sa anuman at hindi na siya makagagawa ng anuman. (Ihambing ang Eclesiastes 9:5, 10.) May okasyon sa ministeryo ni Jesus nang kaniyang sabihin na si Lazaro ay “namamahinga” at siya, si Jesus, ay paroroon upang “gisingin siya sa pagkatulog.” Nang hindi maintindihan ng mga alagad ni Kristo ang mga salitang iyon, “sinabi sa kanilang tuwiran ni Jesus: ‘Si Lazaro ay namatay.’” Ang mga kapatid ni Lazaro, si Marta at si Maria, ay naaliw ng pag-asa sa pagkabuhay-muli, at dinulutan sila ni Jesus ng higit pang kaaliwan. Ngunit tiyak na ang kanilang pananampalataya ay lalong tumibay nang buhayin ni Jesus ang kaniyang kaibigan, na patay na nang apat na araw, buhat sa tulog na kamatayan!—Juan 11:11-14, 21-25, 43-45.
15. (a) Paanong ang ating pag-asa sa pagkabuhay-muli ay napatitibay? (b) Paano matutulungan tayo na maibagay ang sarili sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay?
15 Ang himalang iyan, kasama na ang iba pang mga ginawa ni Jesus sa pagbabangon sa mga patay, at lalung-lalo na ang pagbuhay-muli ni Jehova kay Jesus mismo—ito’y pawang mga katibayan na nagpapatibay ng ating pagtitiwala sa kagila-gilalas na pag-asang pagkabuhay-muli. (Lucas 7:11-17; 8:49-56; 1 Corinto 15:3-8) Totoo, ang kamatayan ay nagdadala ng kalungkutan at mga luha, at mahirap na maibagay ang sarili sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Subalit anong laking kaaliwan at kalakasan ang natatamo natin buhat sa kasiguruhan na “aktuwal na sasakmalin [ng Soberanong Panginoong Jehova] ang kamatayan magpakailanman, at . . . papahirin ang mga luha sa lahat ng mukha”! (Isaias 25:8; Apocalipsis 21:4) Isa sa pinakamagaling na gamot sa kalungkutan ay ang pagiging laging abala sa paglilingkod sa Diyos ng kapayapaan, patuloy na pagbibigay sa iba ng nakagagalak na pag-asa sa Kaharian na tinanggap natin nang buong pasasalamat.—Ihambing ang Gawa 20:35.
Kaayusan ng Pagkabuhay-muli
16, 17. (a) Paano lilipulin “ang huling kaaway”? (b) Anong kaayusan ng pagkabuhay-muli ang ngayo’y ipinaliliwanag ni Pablo?
16 Matibay ang ating pananampalataya na ang maluwalhating mga layunin ni Jehova sa Kaharian ay tatapusin ni Kristo, “ang unang bunga” ng pagkabuhay-muli at ngayo’y nakaluklok sa kanan ng Diyos sa langit. (Hebreo 6:17, 18; 10:12, 13) Gaya ng sabi ni Pablo sa isa pang liham: “Siya [si Jesu-Kristo] ay kailangang maghari hanggang mailagay ng Diyos ang lahat ng kaniyang kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.” Paano? Sa isang bahagi ay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli at pag-aalis sa mga epekto ng Adamikong kamatayan. Ganito ang paliwanag doon ng apostol: “Yamang ang kamatayan ay dumating sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din naman ng isang tao. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin. Datapuwat ang bawat isa ay sa kaniyang sariling katayuan: Si Kristo ang pangunahing bunga, pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” (1 Corinto 15:20-26) Ang ganitong kaayusan ng pagkabuhay-muli ang susunod na tinutukoy ni Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica, na nagsasabi:
17 “Kung tayo’y sumasampalataya na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, gayundin na silang natutulog sa kamatayan kay Jesus ay dadalhin ng Diyos na kasama niya. Sapagkat ito’y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na tayong mga buhay na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi tayo mauuna sa anumang paraan sa mga nakatulog sa kamatayan; sapagkat ang Panginoon mismo ang bababang mula sa langit na taglay ang pag-uutos, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at silang mga namatay na kaisa ni Kristo ay unang babangon.”—1 Tesalonica 4:14-16.
18. Kailan binubuhay-muli ang mga pinahiran na “nakatulog sa kamatayan”?
18 Pagkaraan ng 1914, sa panahon ng “pagkanaririto” ni Jesus sa kapangyarihan sa Kaharian, siya, bilang ang arkanghel, ang nagbigay ng makalangit na utos para sa mga “kaisa ni Kristo” upang magtipon. Para sa gayong mga pinahiran na “nakatulog sa kamatayan,” ang utos na ito na tulad-tunog ng trumpeta ay nagpapahiwatig ng kanilang espirituwal na pagkabuhay-muli sa langit. Malaon nang iniharap ng Ang Bantayan ang paniniwala na ang pagkabuhay-muli na ito ng pinahirang mga Kristiyano buhat sa kamatayan ay nagsimula noong taóng 1918.
19. Kailan at paanong ang mga natitira pa ay “aagawin sa mga alapaap,” at sa anong layunin?
19 Gayunman, kumusta naman ang natitira pang pinahirang mga Kristiyano sa lupa, na ngayo’y isang maliit na grupo na lamang na wala pang 10,000? Ang mga ito man naman ay kailangang may katapatang matapos ang kanilang makalupang buhay. Para bagang siya’y kasama nila sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, si Pablo’y sumulat: “Pagkatapos tayong mga buháy na natitira ay kasama nilang aagawin sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa ganito’y tayo ay makakasamang lagi ng Panginoon.” (1 Tesalonica 4:17; ihambing ang Apocalipsis 1:10.) Samakatuwid, balang araw, lahat ng 144,000 ay ibabangon upang magsilbing mga saserdote at mga hari sa makalangit na Bundok Sion kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo. “Ito ang unang pagkabuhay-muli.” (Apocalipsis 14:1, 4; 20:4, 5) Subalit ano ang naghihintay sa bilyun-bilyong mga tao na ngayo’y nasa kanilang mga libingan?
20, 21. (a) Ano ang hinihintay ng bilyun-bilyong mga tao na nasa kanilang mga libingan? (b) Anong grupo ang hindi na papanaw sa lupa, at bakit? (c) Kung sakaling may mga indibiduwal sa grupong ito na mamatay, ano ang maligayang pag-asa nila?
20 Bagama’t hindi espisipikong binabanggit ni Pablo ang mga ito sa kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica, sa Apocalipsis 20:12 ay tinitiyak sa atin na “ang mga patay, ang malalaki at ang maliliit,” ay ibabangon upang tumayo sa harap ng trono ng paghatol ng Diyos. (Tingnan din ang Juan 5:28, 29.) Gayunman, sa ngayon “isang malaking pulutong” na may bilang na milyun-milyon ang natipon na sa harap ng tronong iyan. Bilang isang grupo, ang mga ito ay ililigtas nang buháy sa napipintong “malaking kapighatian.” Sila’y pinagpapastulan ng Kordero at inaakay patungo sa “mga bukal ng tubig ng buhay,” kung kaya’t sila’y hindi na papanaw pa sa lupa. Subalit dahilan sa katandaan o di-inaasahang pangyayari, baka ang iba sa kanila ay mamatay sa panahon ng “pagkanaririto” ng Panginoon. (Apocalipsis 7:9, 14, 17; Eclesiastes 9:11) Ano ang mangyayari sa mga ito?
21 Ang maligayang pag-asa sa isang maagang pagkabuhay-muli ang hinihintay ng lahat ng gayong “mga ibang tupa.” (Juan 10:16) Ang kanilang pananampalataya at mga gawa, tulad niyaong kay Abraham noong sinaunang panahon, ay nagdala na sa kanila sa kalagayan ng pakikipagkaibigan sa Diyos. Tulad ng mga lalaki at mga babaing iyon na may pananampalataya at inilalahad sa Hebreo kabanata 11, ang modernong-panahong “mga ibang tupa” na ito ay nagbata sa mga pagsubok. Makatuwiran nga na sila man ay makararanas ng “isang lalong mainam na pagkabuhay-muli,” walang alinlangan maaga pagkatapos ng Armagedon. (Hebreo 11:35; Santiago 2:23) Oo, bawat isa na, sa pananampalataya, ‘kumain ng laman ni Jesus at uminom ng kaniyang dugo’ ay makikibahagi sa katuparan ng kaniyang pangako: “Siya . . . ay may buhay na walang hanggan, at siya’y aking bubuhaying-muli sa huling araw.”—Juan 6:54; Roma 5:18, 21; 6:23.
22. Paano tayo mag-aaliwan sa isa’t isa?
22 Pagkatapos na talakayin ang maluwalhating pag-asa sa pagkabuhay-muli, si Pablo ay nagpapayo: “Patuloy na mag-aliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito.” (1 Tesalonica 4:18) Pagkatapos ay tinatalakay pa niya nang higit ang mahahalagang bagay tungkol sa “pagkanaririto ng ating Panginoong Jesus.” (1 Tesalonica 5:23) Ano ang mga ito? Tingnan ang artikulong “Kapayapaan Buhat sa Diyos—Kailan?”
Bilang Sumaryo—
◻ Ano ang mga panalangin ni Pablo alang-alang sa mga Kristiyano?
◻ Ano ang “mga tagubilin” ng apostol ukol sa ating ikabubuti?
◻ Paano tayo inaaliw ng Salita ng Diyos kung tungkol sa mga patay?
◻ Anong kaayusan sa pagkabuhay-muli ang inilalahad ni Pablo?