‘Inagaw Upang Salubungin ang Panginoon’—Papaano?
ANG natitirang mga sandali hanggang sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ay nagpapatuloy at hindi na mababawi. Sa paglipas ng bawat oras, bawat minuto, at bawat segundo, tayo’y patuloy na lumalapit sa mahahalagang pangyayari na inihula noong sinauna pa. Ang rapture ba ay isa sa mga ito? Kung gayon, kailan at papaano magaganap ito?
Ang salitang “rapture” ay wala sa Bibliya. Subalit yaong mga naniniwala rito ay bumabanggit sa mga salita ni apostol Pablo sa 1 Tesalonica 4:17 bilang saligan ng kanilang paniniwala. Ating suriin ang tekstong ito ayon sa konteksto. Sumulat si Pablo:
“Mga kapatid, hindi namin ibig na kayo’y di-makaalam tungkol sa mga natutulog sa kamatayan; upang kayo’y huwag malumbay na gaya ng iba na walang pag-asa. Sapagkat kung tayo’y sumasampalataya na si Jesus ay namatay at nabuhay na muli, gayundin na silang natutulog sa kamatayan kay Jesus ay dadalhin ng Diyos na kasama niya. Sapagkat ito’y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga nakatulog sa kamatayan; sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na taglay ang pag-uutos, na may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at silang nangamatay kaisa ni Kristo ay unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na natitira ay kasama nilang aagawin sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa ganito tayo ay makakasamang lagi ng Panginoon. Kaya patuloy na aliwin ninyo ang isa’t isa sa mga salitang ito.”—1 Tesalonica 4:13-18.
Ang kongregasyon sa Tesalonica ay bago pa lamang nang ipahatid ni Pablo ang kaniyang unang liham sa mga Kristiyano roon noong mga 50 C.E. Ang mga miyembro ng kongregasyon ay nangalumbay dahil sa ang iba sa kanilang mga kasamahan ay “natutulog sa kamatayan.” Gayunman, ang isinulat ni Pablo ay nagbigay ng kaaliwan sa mga taga-Tesalonica sa pamamagitan ng pag-asa sa pagkabuhay-muli.
Ang “Pagkanaririto” ni Kristo
Samantalang pinatutunayan na ang tapat na mga Kristiyanong patay noon ay bubuhayin, sinabi rin ni Pablo: “Tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga nakatulog sa kamatayan.” (1Tes 4 Talatang 15) Kapuna-puna, kung gayon, ang pagkatukoy ng apostol sa “pagkanaririto” ng Panginoon. Dito ang teksto sa orihinal na wika ay gumagamit ng salitang Griego na pa·rou·siʹan, na ang literal na kahulugan ay ang “pagiging kaagapay.”
Pagka ang isang banyagang pangulo ng Estado ay dumalaw sa isang bansa, ang mga petsa ng kaniyang pagkanaroroon ay karaniwan nang iniaanunsiyo. Ito’y totoo tungkol sa pagkanaririto ng Panginoong Jesu-Kristo. Ang Bantayan ay walang pagbabago sa paghaharap ng ebidensiya sa tapat-pusong mga estudyante ng hula ng Bibliya na ang pagkanaririto ni Jesus sa makalangit na kapangyarihan sa Kaharian ay nagsimula noong 1914. Ang mga pangyayari buhat noong taóng iyon ay nagpapatotoo sa di-nakikitang pagkanaririto ni Jesus. (Mateo 24:3-14) Kaya sa pagsasabing ang ilang mga Kristiyanong nabubuhay sa panahon ng pagkanaririto ng Panginoon ay “aagawin sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin,” ibig sabihin ni Pablo na yaong mga buháy ay sasalubong kay Kristo, hindi sa atmospera ng lupa, kundi sa di-nakikitang langit na doon nakaluklok si Jesus sa kanan ng Diyos. (Hebreo 1:1-3) Subalit sino ba sila?
“Ang Israel ng Diyos”
Marami ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa likas na mga Israelita at binabanggit din ang espirituwal na “Israel ng Diyos.” Mga Judio at mga Gentil na mananampalataya ang bubuo ng hustong bilang ng grupong ito na pinahiran ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. (Galacia 6:16; Roma 11:25, 26; 1 Juan 2:20, 27) Sa aklat ng Apocalipsis ay makikita na ang kabuuang bilang ng espirituwal na Israel ay 144,000, na pawang inilarawang kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo sa makalangit na Bundok Zion. Kasama ni Kristo, sila’y magiging mga hari at mga saserdote sa langit. (Apocalipsis 7:1-8; 14:1-4; 20:6) Kabilang sa kanila ang mga nakiugnay sa mga kongregasyon sa Tesalonica at sa ibang lugar, anuman ang kanilang pinagmulang lahi o bansa.—Gawa 10:34, 35.
Bago ang sinumang tapat na mga miyembro ng espirituwal na Israel ay makatanggap ng makalangit na gantimpala, sila’y kailangang dumanas din ng isang karanasan. Kung papaano ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ay nauna sa kaniyang pagkabuhay-muli sa langit, ang mga Kristiyano rin naman na may makalangit na pag-asa ay kailangang mamatay bago tumanggap ng kanilang gantimpala. (1 Corinto 15:35, 36) Iyan ay totoo sa mga miyembro ng espirituwal na Israel na nabuhay noong unang siglo C.E. at sa gayong uring mga indibiduwal na buháy sa ngayon.
Pagkatapos banggitin “ang pagkanaririto ng Panginoon,” binanggit ni Pablo ang panahon na ang nangamatay nang tapat na mga Israelita sa espiritu ay tatanggap ng kanilang gantimpala sa langit. Siya’y sumulat: “Ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na taglay ang pag-uutos, na may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at silang nangamatay kaisa ni Kristo ay unang babangon.” (1Tes 4 Talatang 16) Samakatuwid, minsang magpasimula ang pagkanaririto ni Jesus bilang Hari, ating aasahan na magsisimula ang makalangit na pagkabuhay-muli, pasimula sa mga kabilang sa espirituwal na Israel na nangamatay na bilang mga tapat. (1 Corinto 15:23) Sila ngayon ay naglilingkod kaagapay ni Jesus sa langit. Subalit kumusta naman ang kumakaunting pinahirang mga Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa? Sila ba’y naghihintay ng rapture?
‘Inagaw’—Papaano?
Pagkatapos banggitin ang pinahirang mga Kristiyano na nangamatay, isinusog ni Pablo: “Pagkatapos, tayong mga buháy na natitira ay kasama nilang aagawin sa mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa ganito tayo ay makakasamang lagi ng Panginoon.” (1Tes 4 Talatang 17) Ang “mga buháy” ay yaong mga nabubuhay sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Sila’y “aagawin” upang salubungin ang Panginoong Jesus. Tulad sa kaso ng tapat na sinaunang mga Kristiyano, kailangang sila’y mamatay bilang tao upang makasama ni Kristo sa langit.—Roma 8:17, 35-39.
Sa pagsulat sa mga Kristiyano sa Corinto, sinabi ni Pablo: “Ito’y sinasabi ko sa inyo, mga kapatid, na ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos, ni ang may pagkasira man ay makapagmamana ng kawalang pagkasira. Narito! Sinasabi ko sa inyo ang isang banal na lihim: Hindi tayong lahat ay matutulog sa kamatayan, ngunit tayong lahat ay babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, sa pagtunog ng huling trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay bubuhayin na walang pagkasira, at tayo ay babaguhin.” (1 Corinto 15:50-52) Sa pagkamatay na tapat sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, bawat isa sa nalalabi ng espirituwal na Israel ay agad tumatanggap ng kaniyang makalangit na gantimpala. “Sa isang kisap-mata,” siya ay binubuhay-muli bilang isang espiritung nilalang at ‘inaagaw’ upang salubungin si Jesus at upang maglingkod bilang isang kasamang tagapamahala sa Kaharian ng langit. Subalit kumusta naman ang lahat ng iba pang sumasamba kay Jehova? Habang palapit ang wakas ng balakyot na sistemang ito, sila rin ba ay aagawin tungo sa langit?
Makaliligtas—Ngunit Hindi sa Pamamagitan ng Rapture
Yamang ang pagkanaririto ni Jesus bilang Hari ay nagsimula noong 1914, tayo ngayon ay nasa dulo na ng “panahon ng kawakasan” ng sanlibutang ito. (Daniel 12:4) Si Pablo ay nagbabala: “Kung tungkol sa mga panahon at sa mga pana-panahon, mga kapatid, hindi na kailangang sulatan pa kayo ng anuman. Sapagkat kayo na rin ang halos nakaaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ Saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalantao; at sila’y hindi makatatakas sa anumang paraan.” (1 Tesalonica 5:1-3) Subalit ang listong mga Kristiyano ay makatatakas. Papaano?
Ang sigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” ay tagapaghanda ng daan para sa pagpasok ng panahong tinawag ni Jesus na ang “malaking kapighatian.” Sa pagsasalarawan ng “isang malaking pulutong” ng mga tapat na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang makalupang paraiso, ang aklat ng Apocalipsis ay nagsasabi: “Ang mga ito ang lumalabas buhat sa malaking kapighatian, at sila’y naglaba ng kanilang mga kasuutan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9, 14; Lucas 23:43) Hindi, hindi ang isang rapture ang kanilang inaasahan. Bagkus, sila’y may pag-asang makaliligtas dito mismo sa lupa. Upang paghandaan ito, sila’y kailangang manatiling gising sa espirituwal. Papaano mo magagawa ito at makaligtas sa wakas ng sistemang ito?
Kailangang ikaw ay ‘maging mapagpigil at isuot ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig at ang maging turbante mo ay ang pag-asa ng kaligtasan.’ (1 Tesalonica 5:6-8) Ngayon na ang panahon upang bigyang-pansin ang makahulang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Samantalang lumilipas ang panahon hanggang sa wakas ng sistemang ito, sundin ang payo ni Pablo: “Huwag ninyong hamakin ang mga panghuhula. Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayo sa mabuti.” (1 Tesalonica 5:20, 21) Kaya kayo’y malugod na tinatanggap ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga Kingdom Hall, na doon kayo’y maaaring makibahaging kasama nila sa pag-aaral ng mga hula sa Bibliya at sa iba pang mga bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos.
Habang kayo ay sumusulong sa tumpak na kaalaman at sa pananampalataya, inyong mauunawaan ang katuparan ng layunin ng Diyos na Jehova na lipulin sa sansinukob ang kaniyang mga kaaway at isauli ang lupa sa pagkaparaiso. Sa patuloy na pagsasagawa ng pananampalataya, kayo man ay maaaring mapabilang sa mga makaliligtas sa malaking kapighatian, na may pribilehiyong salubungin ang milyun-milyon na bubuhayin sa lupa. At anong laking kagalakan ang mamuhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos sa mga kamay ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang mga tagapamahala, na sa panahong iyon ay ‘naagaw [na] upang salubungin ang Panginoon’ sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa langit!
Para sa masunuring sangkatauhan sa pangkalahatan, kung gayon, ano ang tunay na pag-asang ibinibigay ng Kasulatan? Iyon ay hindi isang rapture. Sa halip, iyon ay buhay na walang-hanggan sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga makaliligtas sa malaking kapighatian ay masayang sasalubong sa mga binuhay-muli sa isang lupang paraiso sa ilalim ng pamamahala ni Jesus at ng mga ‘inagaw’ tungo sa langit