Kabanata 17
Ginantimpalaan ang ‘mga Kaluluwang Pinatay’
1. Sa anong yugto ng panahon tayo nabubuhay, at ano ang katibayan nito?
NAMAMAHALA na ang Kaharian ng Diyos! Malapit nang lubusin ng Sakay ng kabayong puti ang kaniyang pananaig! Ang kabayong pula, kabayong itim, at kabayong maputla ay kumakaripas sa pagtakbo sa buong lupa! Hindi matututulang natutupad na ang mismong mga hula ni Jesus tungkol sa kaniyang maharlikang pagkanaririto. (Mateo, kabanata 24, 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21) Oo, nabubuhay tayo sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5) Dahil dito, mag-ukol tayo ng matamang pansin habang binubuksan ng Kordero, si Jesu-Kristo, ang ikalimang tatak ng balumbong iyon. Sa anong karagdagang pagsisiwalat tayo makikibahagi ngayon?
2. (a) Ano ang nakita ni Juan nang buksan ang ikalimang tatak? (b) Bakit hindi tayo dapat magtaka kung mabasa natin ang tungkol sa isang makasagisag na altar na pinaghahainan sa langit?
2 Inilalarawan ni Juan ang isang nakaaantig na eksena: “At nang buksan niya ang ikalimang tatak, nakita ko sa ilalim ng altar ang mga kaluluwa niyaong mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa gawaing pagpapatotoo na taglay nila noon.” (Apocalipsis 6:9) Ano iyon? Isang altar na pinaghahainan sa langit? Oo! Ito ang kauna-unahang pagbanggit ni Juan tungkol sa isang altar. Ngunit nailarawan na niya si Jehova sa Kaniyang trono, ang nakapalibot na mga kerubin, ang malasalaming dagat, ang mga lampara, at ang 24 na matatanda na may dalang insenso—lahat ng ito ay nakakatulad ng mga bahagi ng makalupang tabernakulo, ang santuwaryo ni Jehova sa Israel. (Exodo 25:17, 18; 40:24-27, 30-32; 1 Cronica 24:4) Kung gayon, magtataka pa ba tayo na may makasagisag na altar din na pinaghahainan sa langit?—Exodo 40:29.
3. (a) Sa sinaunang tabernakulong Judio, paano ibinubuhos ang mga kaluluwa sa “paanan ng altar”? (b) Bakit nakita ni Juan sa ilalim ng isang makasagisag na altar sa langit ang mga kaluluwa ng mga saksing pinatay?
3 Nasa ilalim ng altar na ito “ang mga kaluluwa niyaong mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa gawaing pagpapatotoo na taglay nila noon.” Ano ang ibig sabihin nito? Hindi ito maaaring tumukoy sa mga kaluluwa na naghubad ng katawang-tao—gaya ng paniniwala ng mga paganong Griego. (Genesis 2:7; Ezekiel 18:4) Sa halip, alam ni Juan na ang kaluluwa, o buhay, ay isinasagisag ng dugo, at kapag ang isang haing hayop ay pinatay ng mga saserdote sa sinaunang tabernakulong Judio, iwiniwisik nila ang dugo nito “sa palibot ng altar” o kaya’y ibinubuhos ito “sa paanan ng altar ng handog na sinusunog.” (Levitico 3:2, 8, 13; 4:7; 17:6, 11, 12) Kaya malimit na iniuugnay ang kaluluwa ng hayop sa altar na pinaghahainan. Pero bakit mga kaluluwa, o dugo, ng partikular na mga lingkod na ito ng Diyos ang makikita sa ilalim ng makasagisag na altar sa langit? Sapagkat itinuturing na hain ang kanilang kamatayan.
4. Paano masasabing sakripisyo ang kamatayan ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu?
4 Ang totoo, lahat ng inianak bilang espiritung mga anak ng Diyos ay namamatay sa isang sakripisyong kamatayan. Dahil sa papel na gagampanan nila sa makalangit na Kaharian ni Jehova, kalooban ng Diyos na talikuran nila at isakripisyo ang anumang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Sa dahilang ito, sumasang-ayon silang dumanas ng sakripisyong kamatayan alang-alang sa pagkasoberano ni Jehova. (Filipos 3:8-11; ihambing ang 2:17.) Ganito mismo ang nangyari sa mga nakita ni Juan sa ilalim ng altar. Sila ang mga pinahiran na pinatay bilang martir noong kanilang kapanahunan dahil sa kanilang sigasig sa ministeryo sa pagtataguyod ng Salita at pagkasoberano ni Jehova. Ang kanilang “mga kaluluwa [ay] pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa gawaing pagpapatotoo [mar·ty·riʹan] na taglay nila noon.”
5. Paano masasabing sumisigaw ukol sa paghihiganti ang mga kaluluwa ng mga tapat bagaman patay na sila?
5 Nagpapatuloy ang eksena: “At sumigaw sila sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?’” (Apocalipsis 6:10) Paano makasisigaw ukol sa paghihiganti ang kanilang mga kaluluwa, o dugo, gayong ipinakikita ng Bibliya na walang malay ang mga patay? (Eclesiastes 9:5) Buweno, hindi ba’t sumigaw ang dugo ng matuwid na si Abel matapos siyang paslangin ni Cain? Kaya sinabi ni Jehova kay Cain: “Ano ang ginawa mo? Pakinggan mo! Ang dugo ng iyong kapatid ay sumisigaw sa akin mula sa lupa.” (Genesis 4:10, 11; Hebreo 12:24) Hindi naman literal na nagsalita ang dugo ni Abel. Sa halip, yamang namatay si Abel bilang walang-salang biktima, waring sumisigaw ang katarungan na dapat parusahan ang pumaslang sa kaniya. Sa katulad na paraan, wala ring sala ang mga Kristiyanong martir na iyon, at makatarungan lamang na ipaghiganti sila. (Lucas 18:7, 8) Napakalakas ng sigaw ukol sa paghihiganti sapagkat libu-libo ang namatay sa gayong paraan.—Ihambing ang Jeremias 15:15, 16.
6. Anong pagbububo ng dugong walang sala ang ipinaghiganti noong 607 B.C.E.?
6 Ang situwasyon ay maitutulad din sa nangyari sa apostatang Juda nang mamahala si Haring Manases noong 716 B.C.E. Marami siyang ibinubong dugong walang sala, at malamang na ‘ipinalagari’ niya ang propetang si Isaias. (Hebreo 11:37; 2 Hari 21:16) Bagaman nagsisi at nagbago si Manases nang dakong huli, naroon pa rin ang pagkakasala sa dugo. Noong 607 B.C.E., nang wasakin ng mga Babilonyo ang kaharian ng Juda, “nangyari ito laban sa Juda dahil lamang sa utos ni Jehova, upang alisin iyon mula sa kaniyang paningin dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat ng kaniyang ginawa; at dahil din sa dugong walang-sala na kaniyang ibinubo, anupat pinunô niya ang Jerusalem ng dugong walang-sala, at hindi pumayag si Jehova na maggawad ng kapatawaran.”—2 Hari 24:3, 4.
7. Sino ang pangunahing may-sala sa pagbububo ng “dugo ng mga banal”?
7 Gaya noong panahon ng Bibliya, maaaring matagal na ring patay ngayon ang mga indibiduwal na pumaslang sa mga saksi ng Diyos. Subalit ang organisasyon na naging sanhi ng kanilang kamatayan ay buháy na buháy pa rin at napakalaki ng pagkakasala sa dugo. Ito ang makalupang organisasyon ni Satanas, ang kaniyang makalupang binhi. Pangunahing bahagi nito ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon.a Inilalarawan siya na “lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.” Oo, “sa kaniya nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 17:5, 6; 18:24; Efeso 4:11; 1 Corinto 12:28) Napakabigat ngang pagkakasala sa dugo! Hangga’t umiiral ang Babilonyang Dakila, patuloy na sisigaw ukol sa katarungan ang dugo ng kaniyang mga biktima.—Apocalipsis 19:1, 2.
8. (a) Anu-anong halimbawa ng pagpatay sa mga martir ang naganap noong panahon ni Juan? (b) Anu-anong pag-uusig ang pinasimunuan ng mga Romanong emperador?
8 Nasaksihan mismo ni Juan ang pagpatay sa mga martir noong unang siglo samantalang nakikipagbaka sa lumalagong kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ang malupit na Serpiyente at ang kaniyang makalupang binhi. Nakita ni Juan ang pagkakabayubay sa ating Panginoon at buháy pa rin siya nang patayin si Esteban, ang sarili niyang kapatid na si Santiago, at sina Pedro, Pablo, at iba pang matatalik na kasamahan. (Juan 19:26, 27; 21:15, 18, 19; Gawa 7:59, 60; 8:2; 12:2; 2 Timoteo 1:1; 4:6, 7) Noong 64 C.E., isinangkalan ng Romanong emperador na si Nero ang mga Kristiyano, anupat pinagbintangan sila ng panununog sa lunsod, upang pabulaanan ang bulung-bulungan na siya ang may kagagawan nito. Ganito ang ulat ng istoryador na si Tacitus: “Namatay sila [ang mga Kristiyano] sa mapangutyang mga paraan; ang ilan ay binihisan ng mga balat ng mababangis na hayop upang pagluray-lurayin ng mga aso, ang iba naman ay [ibinayubay],b at ang iba pa ay sinindihan na parang mga sulo upang maging liwanag sa gabi.” Isa pang daluyong ng pag-uusig sa ilalim ni Emperador Domitian (81-96 C.E.) ang naging dahilan ng pagkakatapon kay Juan sa isla ng Patmos. Gaya nga ng sinabi ni Jesus: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.”—Juan 15:20; Mateo 10:22.
9. (a) Anong obra maestra ng panlilinlang ang iniluwal ni Satanas sa pagsapit ng ikaapat na siglo C.E., at pangunahing bahagi ito ng ano? (b) Paano tinrato ng ilang pinuno sa Sangkakristiyanuhan ang mga Saksi ni Jehova noong Digmaang Pandaigdig I at II?
9 Noong ikaapat na siglo C.E., iniluwal ng matandang serpiyente, si Satanas na Diyablo, ang kaniyang obra maestra ng panlilinlang, ang apostatang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan—isang maka-Babilonyang sistema na nagbabalatkayo sa pangalang “Kristiyano.” Ito ang pangunahing bahagi ng binhi ng Serpiyente at nagsanga sa napakaraming nagkakasalungatang mga sekta. Gaya ng di-tapat na Juda noong sinauna, mabigat ang pagkakasala sa dugo ng Sangkakristiyanuhan, palibhasa’y nasangkot ito nang husto sa magkalabang panig noong mga Digmaang Pandaigdig I at II. Sinamantala pa nga ng ilang pulitikal na pinuno sa Sangkakristiyanuhan ang mga digmaang ito upang patayin ang mga pinahirang lingkod ng Diyos. Ganito ang sinabi ng isang ulat hinggil sa aklat ni Friedrich Zipfel na Kirchenkampf in Deutschland (Pakikibaka ng mga Relihiyon sa Alemanya) may kinalaman sa pag-uusig na ginawa ni Hitler sa mga Saksi ni Jehova: “Sangkatlo sa kanila [mga Saksi] ang pinatay, sa pamamagitan ng pagbitay, iba pang mararahas na paraan, gutom, sakit o pang-aalipin. Walang katulad ang tindi ng ganitong paniniil at dahil ito sa di-natitinag na pananampalatayang hindi kailanman makakasuwato ng ideolohiya ng Pambansang Sosyalista.” Tunay ngang masasabi hinggil sa Sangkakristiyanuhan, pati na sa mga pari nito: “Sa iyong laylayan ay nasumpungan ang mga bahid ng dugo ng mga kaluluwa ng mga dukhang walang-sala.”—Jeremias 2:34.c
10. Anu-anong pag-uusig ang dinanas ng mga kabataang lalaki na kabilang sa malaking pulutong sa maraming lupain?
10 Mula noong 1935, dumanas ng pinakamatinding pag-uusig sa maraming bansa ang mga tapat na kabataang lalaki na kabilang sa malaking pulutong. (Apocalipsis 7:9) Kahit tapos na ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa, 14 na kabataang Saksi ni Jehova sa isang bayan lamang ang binigti. Ang kanilang kasalanan? Pagtangging ‘mag-aral pa ng pakikipagdigma.’ (Isaias 2:4) At hindi pa natatagalan, may mga kabataang lalaki sa Silangan at sa Aprika na pinagbubugbog hanggang sa mamatay o kaya’y pinatay sa pamamagitan ng firing squad sa gayunding dahilan. Ang mga kabataang martir na ito, kapuri-puring mga tagasuporta ng pinahirang mga kapatid ni Jesus, ay tiyak na bubuhaying-muli sa ipinangakong bagong lupa.—2 Pedro 3:13; ihambing ang Awit 110:3; Mateo 25:34-40; Lucas 20:37, 38.
Isang Mahabang Damit na Puti
11. Sa anong diwa tumatanggap ng “isang mahabang damit na puti” ang mga pinahirang Kristiyano na pinatay bilang martir?
11 Matapos irekord ang halimbawa ng pananampalataya ng mga tagapag-ingat ng katapatan noong sinaunang panahon, si apostol Pablo ay nagsabi: “Ngunit ang lahat ng mga ito, bagaman pinatotohanan sila dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nagkamit ng katuparan ng pangako, yamang patiunang nakita ng Diyos ang isang bagay na mas mabuti para sa atin, upang hindi sila mapasakdal nang bukod sa atin.” (Hebreo 11:39, 40) Anong “bagay na mas mabuti” ang inasam-asam ni Pablo at ng iba pang mga pinahirang Kristiyano? Nakikita iyon ngayon ni Juan sa pangitain: “At isang mahabang damit na puti ang ibinigay sa bawat isa sa kanila; at sinabihan silang magpahinga nang kaunting panahon pa, hanggang sa mapuno ang bilang ng kanila ring mga kapuwa alipin at ng kanilang mga kapatid na malapit nang patayin na gaya rin nila.” (Apocalipsis 6:11) Ang pagtanggap nila ng “isang mahabang damit na puti” ay may kinalaman sa kanilang pagkabuhay-muli upang maging imortal na mga espiritung nilalang. Hindi na sila magiging mga kaluluwang pinatay sa ilalim ng altar, sa halip, ibinabangon sila upang maging kabilang sa grupo ng 24 na matatanda na sumasamba sa harap ng makalangit na trono ng Diyos. Doon, sila mismo ay pinagkalooban ng mga trono, na nagpapahiwatig na tumanggap sila ng maharlikang mga pribilehiyo. At “nadaramtan [sila] ng mapuputing panlabas na kasuutan,” na nangangahulugang ibinilang sila na matuwid, karapat-dapat sa isang marangal na dako sa harap ni Jehova sa makalangit na hukumang iyon. Katuparan din ito ng pangako ni Jesus sa tapat na mga pinahirang Kristiyano sa kongregasyon ng Sardis: “Siya na nananaig ay gayon magagayakan ng mga puting panlabas na kasuutan.”—Apocalipsis 3:5; 4:4; 1 Pedro 1:4.
12. Sa anong paraan ‘magpapahinga nang kaunting panahon pa’ ang binuhay-muling mga pinahiran, at hanggang kailan?
12 Ipinakikita ng lahat ng katibayan na nagsimula na noong 1918 ang makalangit na pagkabuhay-muling ito, matapos iluklok si Jesus noong 1914 at humayo upang simulan ang kaniyang pananaig bilang hari sa pamamagitan ng pagpapalayas kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo mula sa langit. Gayunman, ang binuhay-muling mga pinahirang ito ay sinasabihan na dapat silang “magpahinga nang kaunting panahon pa, hanggang . . . ang bilang ng kanila ring mga kapuwa alipin” ay makumpleto. Dapat patunayan ng mga kabilang sa uring Juan na naririto pa sa lupa ang kanilang katapatan sa ilalim ng pagsubok at pag-uusig, at ang ilan sa kanila ay maaari pa ngang patayin. Ngunit sa dakong huli, ipaghihiganti ang lahat ng matuwid na dugo na ibinubo ng Babilonyang Dakila at ng kaniyang pulitikal na mga kalaguyo. Samantala, walang pagsalang abala sa kanilang makalangit na mga tungkulin ang mga binuhay-muli. Nagpapahinga sila, subalit hindi ito nangangahulugan na wala silang ginagawa at basta masayang nagpapahingalay, kundi matiyaga silang naghihintay sa araw ng paghihiganti ni Jehova. (Isaias 34:8; Roma 12:19) Matatapos ang kanilang pagpapahinga kapag nasaksihan nila ang paglipol sa huwad na relihiyon at, bilang “mga tinawag at pinili at tapat,” makakasama sila ng Panginoong Jesu-Kristo sa paglalapat ng hatol sa lahat ng iba pang bahagi ng balakyot na binhi ni Satanas dito sa lupa.—Apocalipsis 2:26, 27; 17:14; Roma 16:20.
‘Yaong mga Patay ang Unang Babangon’
13, 14. (a) Ayon kay apostol Pablo, kailan magsisimula ang makalangit na pagkabuhay-muli, at sinu-sino ang mga bubuhaying-muli? (b) Kailan binubuhay-muli tungo sa langit ang mga pinahiran na buháy pa sa araw ng Panginoon?
13 Ang kaunawaang naisiwalat nang buksan ang ikalimang tatak ay lubusang kaayon ng iba pang mga kasulatan na tumatalakay sa makalangit na pagkabuhay-muli. Halimbawa, sumulat si apostol Pablo: “Sapagkat ito ang sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi sa anumang paraan mauuna roon sa mga natulog na sa kamatayan; sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na siyang natitira, kasama nila, ay aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa gayon ay lagi na tayong makakasama ng Panginoon.”—1 Tesalonica 4:15-17.
14 Nakapupukaw-damdamin nga ang inihaharap sa mga talatang ito! Ang mga namatay na ay mas mauunang makapasok sa langit kaysa sa mga pinahirang kapatid ni Jesus na buháy pa sa lupa sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Ang mga ito, na namatay kaisa ni Kristo, ang unang babangon. Si Jesus ay bababa, samakatuwid nga, magbabaling ng kaniyang pansin sa kanila, at bubuhayin silang muli bilang mga espiritu, anupat pinagkakalooban sila ng “isang mahabang damit na puti.” Sa kalaunan, natatapos naman niyaong mga buháy pa bilang tao ang kanilang makalupang landasin, anupat marami sa kanila ang mamamatay sa marahas na paraan sa kamay ng mga mananalansang. Gayunman, hindi na sila matutulog sa kamatayan na gaya ng mga nauna sa kanila. Sa halip, pagkamatay nila, agad silang binabago—“sa isang kisap-mata”—at inaagaw tungo sa langit upang makasama ni Jesus at ng kanilang mga kapuwa miyembro ng katawan ni Kristo. (1 Corinto 15:50-52; ihambing ang Apocalipsis 14:13.) Kaya ang pagbuhay-muli sa mga pinahirang Kristiyano ay nagsimula di-nagtagal matapos humayo ang apat na mangangabayo ng Apocalipsis.
15. (a) Anong mabuting balita ang idinulot ng pagbubukas ng ikalimang tatak? (b) Paano magtatapos ang paghayo ng Mananaig na sakay ng kabayong puti?
15 Ang pagbubukas sa ikalimang tatak na ito ng balumbon ay mabuting balita hinggil sa mga pinahirang tagapag-ingat ng katapatan na nanaig, tapat hanggang sa kanilang kamatayan. Ngunit hindi ito mabuting balita para kay Satanas at sa kaniyang binhi. Hindi na mapipigilan ang paghayo ng Mananaig na sakay ng kabayong puti at magtatapos ito sa panahon ng pakikipagtuos sa sanlibutan na “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Magiging maliwanag ito kapag binuksan ng Kordero ang ikaanim na tatak.
[Mga talababa]
a Ang pagkakakilanlan ng Babilonyang Dakila ay detalyadong tinatalakay sa Kabanata 33.
b Ihambing ang New World Translation of the Holy Scriptures—With References, pahina 1577, apendise 5C, “Torture Stake.”
c Mas detalyadong tinatalakay sa Kabanata 36 ang katibayan na may pagkakasala sa dugo ang relihiyon.
[Kahon sa pahina 102]
‘Mga kaluluwang pinatay’
Sinipi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong ang mga sinabi ni John Jortin, isang Protestanteng Ingles noong ika-18 siglo, na ang mga magulang ay French Huguenot: “Kung saan nagsisimula ang pag-uusig, doon naman nagwawakas ang Kristiyanismo . . . Nang itatag ang Kristiyanismo bilang relihiyon ng imperyo ng [Roma], at matapos ipagkaloob ang kayamanan at karangalan sa mga ministro nito, saka naman tumindi nang gayon na lamang ang kakila-kilabot na pag-uusig, na naghasik ng kaniyang napakalaking impluwensiya sa relihiyon ng Ebanghelyo.”
[Larawan sa pahina 103]
“At isang mahabang damit na puti ang ibinigay sa bawat isa sa kanila”