ARALING ARTIKULO 26
Manatiling Handa Para sa Araw ni Jehova
“Ang pagdating ng araw ni Jehova ay kagayang-kagaya ng magnanakaw sa gabi.”—1 TES. 5:2.
AWIT BLG. 143 Patuloy na Magbantay at Maghintay
NILALAMANa
1. Ano ang dapat nating gawin para makaligtas sa araw ni Jehova?
SA Bibliya, ang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa panahon ng pagpuksa ni Jehova sa mga kaaway niya at pagliligtas sa bayan niya. Noon, may mga bansa nang hinatulan si Jehova. (Isa. 13:1, 6; Ezek. 13:5; Zef. 1:8) Sa panahon natin, magsisimula ang “araw ni Jehova” sa pagsalakay sa Babilonyang Dakila at magtatapos ito sa digmaan ng Armagedon. Para makaligtas sa “araw” na iyon, kailangan na nating maging handa ngayon. Pero hindi lang iyan. Sinabi ni Jesus na dapat din tayong ‘manatiling handa’ para sa “malaking kapighatian.”—Mat. 24:21; Luc. 12:40.
2. Ano ang matututuhan natin sa 1 Tesalonica?
2 Sa unang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica, gumamit siya ng mga ilustrasyon na tutulong sa mga Kristiyano na manatiling handa para sa dakilang araw ni Jehova. Alam niya na hindi pa darating ang araw ng paghatol ni Jehova noong panahong iyon. (2 Tes. 2:1-3) Pero gusto niya na manatiling handa ang mga kapatid na parang bukas na iyon darating. May matututuhan din tayo sa ipinayo niya sa kanila. Alamin natin ang paliwanag niya sa mga tanong na ito: (1) Paano darating ang araw ni Jehova? (2) Sino ang mga hindi makakaligtas sa araw na iyon? At (3) paano tayo magiging handa para makaligtas tayo?
PAANO DARATING ANG ARAW NI JEHOVA?
3. Bakit kagaya ng magnanakaw sa gabi ang pagdating ng araw ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
3 “Kagayang-kagaya ng magnanakaw sa gabi.” (1 Tes. 5:2) Ito ang una sa tatlong ilustrasyon tungkol sa pagdating ng araw ni Jehova. Madalas na sa gabi at hindi inaasahan ang pagdating ng mga magnanakaw. Bigla ring darating ang araw ni Jehova sa panahong hindi inaasahan ng mga tao. At sa bilis ng mga pangyayari, baka magulat din kahit ang mga tunay na Kristiyano. Pero hindi sila mapupuksa kasama ng masasama.
4. Bakit gaya ng kirot ng babaeng manganganak ang araw ni Jehova?
4 “Gaya ng kirot na nadarama ng isang babaeng manganganak.” (1 Tes. 5:3) Hindi alam ng isang buntis kung kailan siya eksaktong manganganak. Pero sigurado siyang manganganak siya. Alam din niya na biglaan iyon, masakit, at hindi mapipigilan. Hindi rin natin alam ang araw at oras kung kailan magsisimula ang araw ni Jehova. Pero sigurado tayo na darating iyon. At ang paghatol niya sa masasama ay biglaan at hindi matatakasan.
5. Bakit gaya ng bukang-liwayway ang malaking kapighatian?
5 Gaya ng bukang-liwayway. Sa ikatlong ilustrasyon ni Pablo, binanggit niya ulit ang mga magnanakaw sa gabi. Pero ipinaliwanag ito ni Pablo sa ibang anggulo at ikinumpara ang araw ni Jehova sa bukang-liwayway. (1 Tes. 5:4) Kapag hindi napansin ng mga magnanakaw ang oras at inabutan sila ng bukang-liwayway, baka mahuli sila. Ganiyan din ang mangyayari sa malaking kapighatian. Makikita kung sino ang mga nananatili sa kadiliman, o ang mga patuloy na gumagawa ng mga bagay na kinapopootan ng Diyos. Kaya magiging handa tayo kung iiwasan natin ang mga bagay na kinapopootan ni Jehova at itataguyod ang “bawat uri ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan.” (Efe. 5:8-12) Sumunod na binanggit ni Pablo ang dalawang magkaugnay na ilustrasyon tungkol sa mga hindi makakaligtas.
SINO ANG MGA HINDI MAKAKALIGTAS SA ARAW NI JEHOVA?
6. Bakit masasabing tulog ang karamihan sa ngayon? (1 Tesalonica 5:6, 7)
6 “Ang mga natutulog.” (Basahin ang 1 Tesalonica 5:6, 7.) Ikinumpara ni Pablo ang mga hindi makakaligtas sa araw ni Jehova sa mga taong natutulog. Hindi nila alam ang sitwasyon sa paligid nila, at hindi nila namamalayan ang paglipas ng oras. Dahil doon, hindi sila nakakapagbigay-pansin sa mahahalagang pangyayari. Karamihan sa mga tao ngayon ay tulog sa espirituwal. (Roma 11:8) Hindi sila nagbibigay-pansin sa mga ebidensiya na nasa “mga huling araw” na tayo at na malapit na ang malaking kapighatian. Dahil sa malalaking pagbabago sa mundo, may ilan na medyo nagigising sa espirituwal at nagpapakita ng kaunting interes sa mensahe ng Kaharian. Kaya lang, imbes na manatiling gising, marami ang bumabalik sa pagtulog. May ilan nga na naniniwala sa isang araw ng paghatol, pero para sa kanila, malayo pa iyon. (2 Ped. 3:3, 4) Para sa atin, alam natin na lalo tayong dapat manatiling gising habang lumilipas ang mga araw.
7. Bakit parang lasing ang mga taong pupuksain ng Diyos?
7 “Ang mga nagpapakalasing.” Ikinumpara ni Pablo ang mga pupuksain ng Diyos sa mga lasenggo. Mabagal tumugon ang mga nakainom, at hindi sila makapagdesisyon nang maayos. Ganiyan din ang masasama. Hindi sila tumutugon sa mga babala ng Diyos. Pinipili nila ang buhay na papunta sa pagkapuksa. Pero kailangang manatiling alerto, o matinong mag-isip, ang mga Kristiyano. (1 Tes. 5:6) Sinabi ng isang iskolar sa Bibliya na ang matinong pag-iisip ay “isang kalmado at matatag na kalagayan ng isip na wastong sumusuri sa mga bagay-bagay [at] tumutulong sa atin na gumawa ng tamang desisyon.” Bakit dapat na manatili tayong kalmado at matatag? Para hindi tayo masangkot sa mga isyu sa politika o lipunan. Habang papalapit ang araw ni Jehova, mas titindi pa ang pressure na may panigan tayo sa ganitong mga isyu. Pero hindi tayo dapat mag-alala. Matutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na maging kalmado at matatag para makagawa ng tamang mga desisyon.—Luc. 12:11, 12.
PAANO TAYO MAGIGING HANDA PARA SA ARAW NI JEHOVA?
8. Sa 1 Tesalonica 5:8, saan ikinumpara ang mga katangian na tutulong sa atin na manatiling gising at alerto? (Tingnan din ang larawan.)
8 ‘Isuot ang baluti at ang helmet.’ Ikinumpara tayo ni Pablo sa mga sundalong alerto at laging handa. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:8.) Kapag may digmaan, inaasahan na handang makipaglaban ang sundalo anumang oras. Dapat din tayong maging handa para sa araw ni Jehova. Kailangan nating isuot ang pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti at ang pag-asa gaya ng helmet. Malaki ang maitutulong sa atin ng mga katangiang ito.
9. Paano tayo pinoprotektahan ng pananampalataya?
9 Pinoprotektahan ng baluti ang puso ng sundalo. Pinoprotektahan naman ng pananampalataya at pag-ibig ang makasagisag na puso natin. Tutulong iyan para patuloy nating mapaglingkuran ang Diyos at masundan si Jesus. Kung may pananampalataya tayo, sigurado tayong gagantimpalaan tayo ni Jehova kung hahanapin natin siya nang buong puso. (Heb. 11:6) Makakapanatili rin tayong tapat sa Lider natin, si Jesus, kahit may mga pagsubok. Mapapatibay natin ang ating pananampalataya kung tutularan natin ang halimbawa ng mga nanatiling tapat sa kabila ng pag-uusig o kahirapan sa buhay. At maiiwasan nating maging materyalistiko kung tutularan natin ang mga nagpasimple ng buhay nila para unahin ang Kaharian.b
10. Paano makakatulong sa atin ang pag-ibig sa Diyos at sa ibang tao?
10 Mahalaga rin ang pag-ibig para manatili tayong gising at alerto. (Mat. 22:37-39) Kung mahal natin ang Diyos, patuloy tayong mangangaral kahit hindi ito madali. (2 Tim. 1:7, 8) At dahil mahal din natin ang mga hindi naglilingkod kay Jehova, patuloy tayong nangangaral sa teritoryo natin, kahit sa pamamagitan ng telepono at sulat. Umaasa pa rin tayo na magbabago ang mga tao at gagawin nila ang tama.—Ezek. 18:27, 28.
11. Paano makakatulong sa atin ang pag-ibig sa mga kapatid? (1 Tesalonica 5:11)
11 Dapat din nating mahalin ang mga kapatid natin. Magagawa natin iyan kung ‘papasiglahin natin at papatibayin ang isa’t isa.’ (Basahin ang 1 Tesalonica 5:11.) Gaya ng mga sundalong nagtutulungan sa labanan, pinapatibay natin ang isa’t isa. Kapag mainit ang labanan, puwedeng aksidenteng masaktan ng isang sundalo ang kakampi niyang sundalo. Pero hindi niya iyon sasadyain. Hindi rin natin sasadyaing saktan o gantihan ang mga kapatid natin. (1 Tes. 5:13, 15) Maipapakita rin natin ang pag-ibig kung igagalang natin ang mga brother na nangunguna sa kongregasyon. (1 Tes. 5:12) Nang isulat ni Pablo ang liham na ito, wala pang isang taóng naitatag ang kongregasyon sa Tesalonica. Kaya malamang na baguhan pa ang mga nangunguna sa kongregasyon at nakakagawa sila ng mga pagkakamali. Pero dapat pa rin silang igalang. Habang papalapit ang malaking kapighatian, posibleng mas kailangan nating umasa sa patnubay ng mga elder sa kongregasyon natin. Baka hindi makarating sa atin ang tagubilin ng world headquarters at ng tanggapang pansangay. Kaya dapat na ngayon pa lang, matutuhan na nating mahalin at igalang ang mga elder natin. Anuman ang mangyari, dapat na panatilihin nating matino ang pag-iisip natin. Imbes na magpokus sa mga pagkakamali nila, tandaan natin na pinapatnubayan ni Jehova ang tapat na mga lalaking ito sa pamamagitan ni Kristo.
12. Paano pinoprotektahan ng pag-asa ang pag-iisip natin?
12 Pinoprotektahan ng helmet ang ulo ng sundalo. Pinoprotektahan naman ng pag-asa nating maligtas ang pag-iisip natin. Dahil sa pag-asa natin, alam natin na walang halaga ang anumang iniaalok ng sanlibutan. (Fil. 3:8) Tinutulungan tayo nito na manatiling kalmado at matatag. Naranasan iyan nina Wallace at Laurinda, na naglilingkod sa Africa. Sa loob lang ng tatlong linggo, pareho silang namatayan ng magulang. At dahil sa COVID-19 pandemic, hindi sila makauwi para makasama ang pamilya nila. Isinulat ni Wallace: “Dahil sa pag-asang pagkabuhay-muli, ini-imagine ko, hindi ang mga huling araw nila sa sanlibutang ito, kundi ang mga unang araw nila sa bagong sanlibutan. Natutulungan ako nito na maging kalmado kapag sobra akong nalulungkot.”
13. Paano tayo makakatanggap ng banal na espiritu?
13 “Huwag . . . patayin ang apoy ng espiritu.” (1 Tes. 5:19) Sinabi ni Pablo na ang banal na espiritu ay gaya ng apoy sa loob natin. Kapag nasa atin ang espiritu ng Diyos, nag-aapoy tayo sa sigasig at sigla sa paggawa ng tama. Ganado rin tayong maglingkod kay Jehova. (Roma 12:11) Paano tayo makakatanggap ng banal na espiritu? Hingin natin ito sa panalangin, pag-aralan natin ang Salita ng Diyos, at sumama tayo sa organisasyon na pinapatnubayan ng espiritu niya. Makakatulong iyan para magkaroon tayo ng “mga katangian na bunga ng espiritu.”—Gal. 5:22, 23.
14. Ano ang hindi natin dapat gawin para patuloy nating matanggap ang espiritu ng Diyos? (Tingnan din ang larawan.)
14 Kapag ibinigay na sa atin ng Diyos ang banal na espiritu niya, dapat tayong mag-ingat para hindi natin ‘mapatay ang apoy ng espiritu.’ Ibibigay lang ito sa atin ng Diyos kung papanatilihin nating malinis ang pag-iisip at paggawi natin. Pero aalisin niya ito sa atin kung laging marumi ang laman ng isip natin at nakikita iyon sa pagkilos natin. (1 Tes. 4:7, 8) Para patuloy tayong makatanggap ng banal na espiritu, hindi rin natin dapat “hamakin ang mga hula.” (1 Tes. 5:20) Dito, tumutukoy ang “mga hula” sa mga mensaheng ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu niya, gaya ng tungkol sa araw ni Jehova at kung gaano na kaikli ang panahong natitira. Hindi natin iniisip na malayo pa ang Armagedon. Ang totoo, kapag lagi nating isinasaisip ang pagdating ng araw ni Jehova, parang pinapabilis natin ito. Magagawa natin iyan kung laging mabuti ang paggawi natin at abala tayo sa “mga gawa ng makadiyos na debosyon” araw-araw.—2 Ped. 3:11, 12.
‘TIYAKIN ANG LAHAT NG BAGAY’
15. Ano ang dapat nating gawin para hindi tayo madaya ng mga maling impormasyon at propaganda ng mga demonyo? (1 Tesalonica 5:21)
15 Malapit nang ideklara ng mga kaaway ng Diyos: “Kapayapaan at katiwasayan!” (1 Tes. 5:3) Lalaganap sa buong mundo ang mga propagandang galing sa mga demonyo, at maililigaw nito ang karamihan. (Apoc. 16:13, 14) Pero hindi tayo madadaya kung ‘titiyakin [o, ‘susuriin’] natin ang lahat ng bagay.’ (Basahin ang 1 Tesalonica 5:21; tingnan ang mga study note.) Ang salitang Griego na isinaling “tiyakin” ay ginagamit sa pagsusuri ng mamahaling mga metal. Kaya dapat nating suriin ang mga naririnig o nababasa natin para matiyak kung totoo ang mga ito. Iyan ang kailangang gawin ng mga taga-Tesalonica noon. Pero mas kailangan nating gawin iyan ngayon habang papalapit ang malaking kapighatian. Imbes na basta paniwalaan ang sinasabi ng iba, mag-isip tayo at ikumpara ang nababasa o naririnig natin sa sinasabi ng Bibliya at ng organisasyon ni Jehova. Kung gagawin natin iyan, hindi tayo madadaya ng anumang propaganda ng mga demonyo.—Kaw. 14:15; 1 Tim. 4:1.
16. Anong pag-asa ang naghihintay sa atin, at ano ang dapat nating gawin?
16 Bilang isang grupo, makakatawid nang buháy ang mga lingkod ng Diyos sa malaking kapighatian. Pero bilang indibidwal, hindi natin alam kung makakatawid tayo nang buháy sa malaking kapighatian o mamamatay bago magsimula iyon. (Sant. 4:14) Anuman ang mangyari, sigurado tayong gagantimpalaan tayo ng buhay na walang hanggan kung mananatili tayong tapat. Makakasama ng mga pinahiran si Kristo sa langit. Mabubuhay naman ang ibang mga tupa sa Paraisong lupa. Kaya magpokus tayo sa napakagandang pag-asa na naghihintay sa atin at maging handa para sa araw ni Jehova!
AWIT BLG. 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas
a Sa 1 Tesalonica kabanata 5, may makikita tayong mga ilustrasyon tungkol sa pagdating ng araw ni Jehova. Ano ang “araw” na iyon, at paano ito darating? Sino ang mga makakaligtas dito, at sino naman ang hindi? Paano natin ito mapaghahandaan? Para malaman ang sagot, pag-aaralan natin ang isinulat ni apostol Pablo.
b Tingnan ang seryeng “Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili.”