Kung Paano Magwawakas ang Sanlibutang Ito
“Kayo ay wala sa kadiliman, upang ang araw na iyon ay umabot sa inyo gaya ng sa mga magnanakaw.”—1 TES. 5:4.
1. Ano ang tutulong sa atin na patuloy na magbantay at magtagumpay sa mga pagsubok?
MAY nakayayanig na mga pangyayaring malapit nang maganap. Pinatutunayan iyan ng katuparan ng mga hula sa Bibliya, kaya kailangan tayong patuloy na magbantay. Ano ang makatutulong sa atin na magawa iyan? Hinihimok tayo ni apostol Pablo na ‘ituon ang ating mga mata sa mga bagay na di-nakikita.’ Oo, kailangan nating isaisip ang ating gantimpalang buhay na walang hanggan, sa langit man o sa lupa. Gaya ng ipinakikita ng konteksto, isinulat ni Pablo ang mga pananalitang iyon para pasiglahin ang mga kapananampalataya niya na magtuon ng pansin sa mga pagpapalang tatanggapin nila dahil sa pananatiling tapat. Tutulong din ito sa kanila na magtagumpay sa mga pagsubok at pag-uusig.—2 Cor. 4:8, 9, 16-18; 5:7.
2. (a) Para mapanatiling matibay ang ating pag-asa, ano ang dapat nating gawin? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo?
2 May matututuhan tayong mahalagang simulain sa payo ni Pablo: Para mapanatiling matibay ang ating pag-asa, hindi lang kasalukuyang mga bagay ang dapat nating makita. Kailangan tayong magpokus sa mahahalagang pangyayaring hindi pa natin nakikita. (Heb. 11:1; 12:1, 2) Kung gayon, isaalang-alang natin ang sampung pangyayari sa hinaharap na may malaking kaugnayan sa ating pag-asang mabuhay nang walang hanggan.a
ANO ANG MGA MAGAGANAP BAGO ANG KAWAKASAN?
3. (a) Anong pangyayari sa hinaharap ang binabanggit sa 1 Tesalonica 5:2, 3? (b) Ano ang gagawin ng mga lider ng pulitika, at sino ang sasali sa kanila?
3 Sa liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, binanggit niya ang isang bagay na mangyayari sa hinaharap. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:2, 3.) Itinawag-pansin niya ang tungkol sa “araw ni Jehova.” Sa tekstong iyon, ang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa yugto ng panahon na magsisimula sa pagkapuksa ng huwad na relihiyon at magwawakas sa digmaan ng Armagedon. Pero bago magsimula ang araw ni Jehova, ang mga lider ng daigdig ay magsasabi ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Maaaring tumukoy ito sa isang pangyayari o sunud-sunod na mga pangyayari. Baka isipin ng mga bansa na malapit na nilang malutas ang ilan sa mabibigat nilang problema. Kumusta naman ang mga lider ng relihiyon? Bahagi sila ng sanlibutan, kaya posibleng sumali sila sa pagsasabi ng “Kapayapaan at katiwasayan!” (Apoc. 17:1, 2) Sa paggawa nito, tinutularan ng mga klero ang mga bulaang propeta ng sinaunang Juda. Sinabi ni Jehova tungkol sa mga iyon: “Sinasabi [nila], ‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.”—Jer. 6:14; 23:16, 17.
4. Di-gaya ng mga tao sa pangkalahatan, ano ang nauunawaan natin?
4 Kahit sino pa ang makibahagi sa pagsasabi ng “Kapayapaan at katiwasayan!,” ang pangyayaring ito ay magsisilbing hudyat ng pagsisimula ng araw ni Jehova. Kaya naman sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, kayo ay wala sa kadiliman, upang ang araw na iyon ay umabot sa inyo gaya ng sa mga magnanakaw, sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag.” (1 Tes. 5:4, 5) Di-gaya ng mga tao sa pangkalahatan, nauunawaan natin ang kahulugan ng kasalukuyang mga pangyayari ayon sa liwanag ng Kasulatan. Paano kaya eksaktong matutupad ang hula tungkol sa pagsasabi ng “Kapayapaan at katiwasayan!”? Malalaman natin sa tamang panahon. Kaya maging determinado tayo na ‘manatiling gising at panatilihin ang ating katinuan.’—1 Tes. 5:6; Zef. 3:8.
“ISANG REYNA” NA NAGKAMALI NG AKALA
5. (a) Paano magsisimula ang “malaking kapighatian”? (b) Sinong “reyna” ang magkakamali ng akala?
5 Anong pangyayari ang susunod na magaganap? Sinabi ni Pablo: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa.” Ang unang yugto ng “biglang pagkapuksa” ay ang pagsalakay sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na kilala rin bilang “patutot.” (Apoc. 17:5, 6, 15) Ang pagsalakay na ito sa lahat ng huwad na relihiyon, kabilang na ang Sangkakristiyanuhan, ang pasimula ng “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; 2 Tes. 2:8) Para sa marami, hindi nila inaasahan ang pangyayaring ito. Bakit? Dahil hanggang sa panahong iyon, itinuturing pa rin ng patutot ang sarili niya bilang “isang reyna” na ‘hindi kailanman makakakita ng pagdadalamhati.’ Pero bigla niyang matutuklasang nagkamali siya ng akala. Mabilis ang magiging pagkapuksa niya, na parang “sa isang araw” lang.—Apoc. 18:7, 8.
6. Sino ang pupuksa sa huwad na relihiyon?
6 Ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang patutot ay sasalakayin ng isang “mabangis na hayop” na may “sampung sungay.” Isinisiwalat ng pag-aaral sa aklat ng Apocalipsis na ang mabangis na hayop ay tumutukoy sa United Nations (UN). Ang “sampung sungay” ay kumakatawan sa lahat ng kasalukuyang pulitikal na kapangyarihang sumusuporta sa “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” na ito.b (Apoc. 17:3, 5, 11, 12) Gaano katindi ang pagsalakay na iyon? Darambungin ng mga bansang miyembro ng UN ang kayamanan ng patutot, ilalantad ang kaniyang tunay na kulay, kakainin ang kaniyang mga kalamnan, at “lubusan siyang susunugin.” Ganap ang kaniyang magiging pagkapuksa.—Basahin ang Apocalipsis 17:16.
7. Ano ang magiging mitsa ng pagsalakay ng “mabangis na hayop”?
7 Inihula rin ng Bibliya kung ano ang magiging mitsa ng pagsalakay na ito. Sa paanuman, ilalagay ni Jehova sa mga puso ng mga lider ng pulitika na “isakatuparan ang kaniyang kaisipan,” samakatuwid nga, ang puksain ang patutot. (Apoc. 17:17) Ang mga relihiyon ay nagsusulsol ng digmaan at patuloy na sumisira sa kapayapaan ng daigdig; kaya maaaring isipin ng mga bansa na para sa kapakanan nila ang pagpuksa sa patutot. Sa katunayan, kapag sumalakay ang mga tagapamahala, iisipin nila na isinasakatuparan nila ang kanilang “iisang kaisipan.” Pero ang totoo, ginagamit lang sila ng Diyos para pawiin ang lahat ng huwad na relihiyon. Biglang magbabago ang hihip ng hangin—sasalakayin ng isang bahagi ng sistema ni Satanas ang isa pang bahagi nito, at walang magagawa si Satanas para pigilan ito.—Mat. 12:25, 26.
PAGSALAKAY SA BAYAN NG DIYOS
8. Ano ang pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog”?
8 Kapag napuksa na ang huwad na relihiyon, ang mga lingkod ng Diyos ay masusumpungang “tumatahang tiwasay” at “walang pader.” (Ezek. 38:11, 14) Ano ang mangyayari sa tila walang kalaban-labang grupong ito na patuloy na sumasamba kay Jehova? Lumilitaw na magiging target sila ng lubusang pagsalakay ng “maraming bayan.” Inilalarawan ng Salita ng Diyos ang pangyayaring iyon bilang pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog.” (Basahin ang Ezekiel 38:2, 15, 16.) Ano ang dapat nating maging pangmalas sa pagsalakay na iyon?
9. (a) Ano ang pangunahing ikinababahala ng mga Kristiyano? (b) Anu-ano ang dapat nating gawin ngayon para mapatibay ang ating pananampalataya?
9 Hindi tayo labis-labis na nababalisa kahit patiuna nating alam ang tungkol sa pagsalakay na ito sa bayan ng Diyos. Ang pangunahing ikinababahala natin ay hindi ang ating kaligtasan kundi ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at ang pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya. Sa katunayan, mahigit 60 ulit na inihayag ni Jehova: “Inyo ngang makikilala na ako ay si Jehova.” (Ezek. 6:7) Kaya may-pananabik nating inaasam ang katuparan ng mahalagang bahaging ito ng hula ni Ezekiel, anupat nagtitiwalang “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.” (2 Ped. 2:9) Samantala, gusto nating gamitin ang bawat pagkakataon para patibayin ang ating pananampalataya at sa gayo’y makapanatiling tapat kay Jehova anumang pagsubok ang mapaharap sa atin. Ano ang dapat nating gawin? Dapat tayong manalangin, mag-aral at magbulay-bulay ng Salita ng Diyos, at mangaral tungkol sa Kaharian. Sa paggawa nito, ang ating pag-asang buhay na walang hanggan ay mananatiling matatag na gaya ng isang “angkla.”—Heb. 6:19; Awit 25:21.
MAPIPILITAN ANG MGA BANSA NA KILALANIN SI JEHOVA
10, 11. Ano ang palatandaan ng pagsisimula ng Armagedon? Ano ang mangyayari sa panahong iyon?
10 Magiging mitsa ng anong nakayayanig na pangyayari ang pagsalakay sa mga lingkod ni Jehova? Si Jehova, sa pamamagitan ni Jesus at ng makalangit na mga hukbo, ay kikilos alang-alang sa Kaniyang bayan. (Apoc. 19:11-16) Ito ang tinatawag na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”—ang Armagedon.—Apoc. 16:14, 16.
11 Hinggil sa digmaang iyon, inihayag ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel: “‘Tatawag ako ng isang tabak laban [kay Gog] sa aking buong bulubunduking pook,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova. ‘Magiging laban sa kaniyang sariling kapatid ang tabak ng bawat isa.’” Dahil sa pagkataranta, ang mga nasa panig ni Satanas ay magkakalituhan at gagamitin ang kanilang sandata laban sa isa’t isa—mandirigma laban sa mandirigma. Pero hindi ligtas si Satanas. Sinabi ni Jehova: “Apoy at asupre ang pauulanin ko [kay Gog] at sa kaniyang mga pangkat at sa maraming bayan na sasama sa kaniya.” (Ezek. 38:21, 22) Ano ang magiging resulta ng pagkilos na ito ng Diyos?
12. Ano ang mapipilitang gawin ng mga bansa?
12 Makikilala ng mga bansa na si Jehova mismo ang nagpasapit ng kanilang masaklap na pagkatalo. Gaya ng sinaunang mga Ehipsiyo na tumugis sa mga Israelita sa Dagat na Pula, ang mga hukbo ni Satanas, dahil wala nang magawa, ay malamang na mapapahiyaw: “Si Jehova ay talagang nakikipaglaban para sa kanila”! (Ex. 14:25) Oo, mapipilitan ang mga bansa na kilalanin si Jehova. (Basahin ang Ezekiel 38:23.) Gaano na kalapit ang sunud-sunod na pangyayaring ito?
WALA NANG IBA PANG KAPANGYARIHANG PANDAIGDIG NA BABANGON
13. Ano ang alam natin hinggil sa ikalimang bahagi ng imahen na inilarawan ni Daniel?
13 Tinutulungan tayo ng isang hula sa aklat ng Daniel na makita kung nasaan na tayo sa agos ng panahon. Inilalarawan ni Daniel ang isang imahen na anyong tao at binubuo ng iba’t ibang metal. (Dan. 2:28, 31-33) Kumakatawan ito sa sunud-sunod na kapangyarihang pandaigdig na nagkaroon ng malaking epekto sa bayan ng Diyos, noon at ngayon. Ang mga ito ay ang Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma—at ang pinakahuli, sa panahon natin, isa pang kapangyarihang pandaigdig. Ipinakikita ng pag-aaral sa hula ni Daniel na ang huling kapangyarihang pandaigdig na ito ay inilalarawan ng mga paa at daliri sa paa ng imahen. Noong Digmaang Pandaigdig I, nagkaroon ng espesyal na alyansa ang Britanya at ang Estados Unidos. Oo, ang ikalimang bahagi ng imahen sa hula ni Daniel ay ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Yamang paa ang pinakahuling bahagi ng imahen, ipinahihiwatig nito na wala nang iba pang lilitaw na kapangyarihang pandaigdig. Bukod diyan, gawa sa bakal at luwad ang mga paa at daliri sa paa ng imahen. Inilalarawan naman nito ang mahinang kalagayan ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano.
14. Anong kapangyarihang pandaigdig ang nangingibabaw kapag dumating ang Armagedon?
14 Ipinakikita rin ng hulang iyon na ang Kaharian ng Diyos, na isinasagisag ng malaking bato, ay natibag noong 1914 mula sa bundok na kumakatawan sa soberanya ni Jehova. Ang batong iyon ay bumubulusok patungo sa target nito—ang mga paa ng imahen. Sa Armagedon, ang mga paa, pati na ang buong imahen, ay madudurog. (Basahin ang Daniel 2:44, 45.) Kaya ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano pa rin ang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig kapag dumating ang Armagedon. Kapana-panabik ngang masaksihan ang lubusang katuparan ng hulang ito!c Pero ano ang gagawin ni Jehova kay Satanas mismo?
KUNG ANO ANG MANGYAYARI SA PANGUNAHING KALABAN NG DIYOS
15. Pagkatapos ng Armagedon, ano ang mangyayari kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo?
15 Una, masasaksihan ni Satanas mula sa simula hanggang sa wakas ang pagkapuksa ng kaniyang buong organisasyon sa lupa. Pagkatapos, si Satanas mismo ang magiging puntirya. Iniulat ni apostol Juan ang susunod na mangyayari. (Basahin ang Apocalipsis 20:1-3.) Gagapusin ni Jesu-Kristo—‘ang anghel na nagtataglay ng susi ng kalaliman’—si Satanas at ang mga demonyo, ihahagis sila sa kalaliman, at ikukulong sila roon sa loob ng isang libong taon. (Luc. 8:30, 31; 1 Juan 3:8) Ang pagkilos na ito ang unang hakbang sa pagsugat sa ulo ng serpiyente.d—Gen. 3:15.
16. Ano ang ibig sabihin ng paghahagis kay Satanas sa “kalaliman”?
16 Saang “kalaliman” ihahagis si Satanas at ang kaniyang mga demonyo? Ang salitang Griego na aʹbys·sos na ginamit ni Juan ay nangangahulugang “napakalalim o pagkalalim-lalim.” Isinasalin din itong “di-maarok, walang-hangganan,” at “walang-hanggang kahungkagan.” Samakatuwid, isa itong lugar na hindi mararating ng sinuman maliban kay Jehova at ng kaniyang inatasang anghel na ‘nagtataglay ng susi ng kalaliman.’ Doon, si Satanas ay waring patay at walang anumang magagawa anupat ‘hindi na niya maililigaw pa ang mga bansa.’ Talagang patatahimikin ang “leong umuungal”!—1 Ped. 5:8.
MGA KAGANAPANG HAHANTONG SA PANAHON NG KAPAYAPAAN
17, 18. (a) Anong hindi pa nakikitang mga pangyayari ang natalakay na natin? (b) Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, anong yugto ng panahon ang mararanasan natin?
17 Malapit nang maganap ang mahalaga at nakayayanig na mga pangyayaring ito. Inaasam nating makita kung paano matutupad ang pagsasabi ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Pagkatapos, masasaksihan natin ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila, ang pagsalakay ni Gog ng Magog, at ang digmaan ng Armagedon. Ihahagis si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa kalaliman. Pagkatapos ng mga kaganapang ito, kapag napawi na ang lahat ng kabalakyutan, magsisimula ang bagong kabanata ng ating buhay—ang Milenyong Paghahari ni Kristo, kung kailan matatamasa natin ang “kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
18 Bukod sa limang pangyayaring natalakay na natin, may iba pang “mga bagay na di-nakikita” na gusto nating ‘pagtuunan ng ating mga mata.’ Tatalakayin ang mga ito sa susunod na artikulo.
a Ang sampung pangyayaring ito ay isasaalang-alang natin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo.
b Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! pahina 251-258.
c Sa Daniel 2:44, ang pananalitang “wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito” ay tumutukoy sa mga kaharian, o kapangyarihang pandaigdig, na inilalarawan ng mga bahagi ng imahen. Pero ipinakikita ng isang kahalintulad na hula sa Bibliya na ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa” ay makikipaglaban kay Jehova sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apoc. 16:14; 19:19-21) Kaya hindi lang ang mga kaharian na inilalarawan ng imahen ang mapupuksa sa Armagedon, kundi ang lahat ng iba pang kaharian sa sanlibutang ito.
d Magaganap ang pangwakas na pagdurog sa ulo ng serpiyente pagkatapos ng isang libong taon kapag si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay inihagis na sa “lawa ng apoy at asupre.”—Apoc. 20:7-10; Mat. 25:41.