Ang Digmaan na Tatapos sa mga Digmaan
Ang dambuhalang Alemang zeppelin ay humuhugong sa papawirin noong gabing iyon. Iyon ay pabalik na sa pinanggalingan pagkatapos na bagsakan ng bomba ang London, at habang iyon ay nagdaraan sa ibabaw ng isang nayon sa Essex, naghulog iyon ng mga bomba. Isa roon ang pumatay sa isang nars na nagbabakasyon lamang galing sa digmaan sa Pransiya.
Ito ay isang munting pangyayari ng Digmaang Pandaigdig I, subalit kaylaki-laki ang ipinahihiwatig nito. Isang halimbawa ito ng kung paanong ang ika-20 siglo, kaylayu-layo sa pangarap na maging isang panahon na ang tao’y ‘hindi na matututo ng digmaan,’ ay nakasaksi ng napakalaking pagsulong kapuwa sa mga armas at sa larangan ng digmaan. (Isaias 2:2-4) Sa loob ng libu-libong taon, ang mga digmaan ay ginaganap sa lupa at sa dagat. Subalit sa Digmaang Pandaigdig I, ang pagbabaka-baka ay nakaabot hanggang sa himpapawid at sa ilalim ng dagat. Kaya naman, ang mga sibilyan na daan-daang milya ang layo sa larangan ng labanan ay nangamatay sa pamamagitan ng mga bomba, at maraming mga barko ang nangalubog sa ilalim ng dagat likha ng di-nakikitang mga submarino.
Siyanga pala, sa unang kakilakilabot na digmaang pandaigdig na yaon, 8 milyong mga sundalo ang nangamatay sa pagbabaka at tinatayang 12 milyong mga sibilyan ang nangasawi sanhi ng gutom at pagkakahantad sa mga elemento. “Ang trahedya ng Dakilang Digmaan [Digmaang Pandaigdig I],” sang-ayon sa historyador na si H.A.L. Fisher, “ay na ito’y pinaglabanan ng pinakasibilisadong mga tao sa Europa sa isang isyu na kung saan maaaring ilang matitinong mga tao lamang ang madaling makabubuo.” Upang ipagmatuwid ang kakila-kilabot na patayan, iyon ay tinawag na ang “digmaan na tatapos sa mga digmaan.” Subalit ang pananalitang iyan ay madaling naging isang mahugong na atungal lamang.
Isang Organisasyong Pangkapayapaan
Kapagdakang maidiklara ang kapayapaan noong 1918, isang mapait ang kaloobang saling lahi ang humiling na gumawa ng mga hakbang upang masiguro na hindi na muling magkakaroon pa ng gayong digmaan. Sa gayon, ang Liga ng mga Bansa ay isinilang noong 1919. Subalit ang Liga ay isang malaking kabiguan. Noong 1939 ang daigdig ay muli na namang napabulusok sa digmaang pandaigdig—isang digmaan na lalo pang kakila-kilabot kaysa noong una.
Sa Digmaang Pandaigdig II, maraming siyudad ang naging alabok, at ang buhay ng mga sibilyan ay naging isang kakila-kilabot na karanasan. Pagkatapos noong 1945 nagbagsak ng mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki, at para sa tao’y nagsimula noon ang panahong nuklear. Ang nakapangingilabot na mga ulap na korting-kabuti at pumaibabaw sa dalawang siyudad na ito ng Hapon ay tagapagbalita ng isang panganib na nagbabanta sa sangkatauhan magmula noon.
Gayunman, kahit na bago pa ihulog ang mga bombang iyon, naghahanda na rin ng pagtatayo ng isang organisasyon na katulad ng namatay na Liga ng mga Bansa. Ang resulta ay ang Organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, na may layunin na kagaya rin ng nauna sa kaniya—ang mapanatili ang kapayapaan ng daigdig. Ano ba ang nagawa niyaon? Bueno, hindi nga nagkaroon ng digmaang pandaigdig sapol noong 1945, subalit mayroon namang maraming maliliit na digmaan na kung saan milyun-milyong katao ang nangasawi.
Ito ba’y nangangahulugang hindi na makikita ng mga tao ang katuparan ng ipinangako ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias na ang mga tao’y ‘hindi na matututo ng digmaan’? Hindi. Ang kahulugan lamang nito ay na hindi tao ang magpapangyari nito. Ang Bibliya, na tinatawag na ‘liwanag sa ating landas,’ ang aklat na may taglay ng kinasihang pangakong iyan. At sa Bibliya makikita na wala nang iba maliban sa Diyos mismo ang magpapahinto ng lahat ng digmaan.—Awit 119:105.
Ang Katapusan ng Lahat ng Digmaan
Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, mayroong isang grupo noong unang siglo na nagtatag ng isang pambuong daigdig na kapatiran na kung saan ang isang miyembro’y hindi nag-iisip na makipagbaka sa kaniyang kapatid. Ito ang kongregasyong Kristiyano, na ang mga miyembro sa literal na paraan ay ‘nagpanday ng kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ Sa ngayon, samantalang ang sangkatauhan bilang isang kabuuan ay hindi nagtatagumpay sa pagpapahinto ng digmaan, mayroon na namang isang grupo ng mga taong matagumpay na nakarating sa ganito ring kahanga-hangang tunguhin. Sino ba sila?
Noong mga taon bago sumapit ang 1914, ang munting grupong ito ay may tiwala sa Bibliya. Kaya, alam nila na ang pagsisikap ng mga tao na alisin ang digmaan ay hindi kailanman magtatagumpay. Sa kanilang pag-aaral ng Bibliya, kanilang napag-alaman na ang taóng 1914 ay magiging isang taon ng napakalaking pagbabago sa kasaysayan ng tao, at kanilang ibinabala ito nang may 40 taon. Bilang katuparan ng hula sa Bibliya, noong 1914 ang pasimula ng panahon na ang pinakapalatandaan ay mga taggutom, salot, at mga lindol, at gayundin ang digmaan. (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:10, 11) Tungkol sa Digmaang Pandaigdig I, ang historyador na si James Cameron ay sumulat: “Noong 1914 ang daigdig, ayon sa pagkakilala rito at sa pagtanggap dito noon, ay natapos.”
Bago natapos ang digmaang iyon, isang kakila-kilabot na salot ng trangkaso ang lumaganap sa buong globo at pumatay ng 20 milyong katao—mahigit na doble ng dami ng mga sundalong nangamatay sa digmaan mismo. Sapol noon, mga sakit na tulad ng kanser at, kamakailan, ang AIDS ang naging kakilabutan sa sangkatauhan.
Ngayon ay pansinin ang isa pang hula sa Bibliya: “At dahilan sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig.” (Mateo 24:12) Ito ba’y natutupad? Tiyak na natutupad iyan! Sa araw-araw, ibinubunyag ng tagapamahayag-madla o media ang pambuong daigdig na katampalasanan: mga pamamaslang, pandarahas, at pangkalahatang pamiminsala. Isa pa, ang isang politikal na hula tungkol sa Digmaang Pandaigdig II ay na ito’y magdadala ng “kalayaan buhat sa takot.” Sa kabaligtaran, wastong inihula ng Bibliya na ang mga tao’y “manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:26) Minsan pa mali ang mga hula-hula ng tao, at totoo ang makahulang salita ng Diyos.
Ang Pangunahing Instigador
Ang isang instigador ay siyang may pakana ng digmaan. Ang mga pulitiko, klerigo, at maging ang mga mangangalakal ay gumanap ng papel na ito. Subalit ang pinakamahigpit na instigador ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo, tinatawag sa Kasulatan na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”—2 Corinto 4:4.
Si Satanas ay naghimagsik laban sa Diyos na Jehova libu-libong taon na ngayon ang nakaraan, at pagkatapos ay hinikayat niya ang laksa-laksang mga anghel na sumama sa kaniya. Subalit noong 1914 tapos na ang panahon niya. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Sumiklab ang digmaan sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka ngunit hindi nanganalo, ni nakasumpong pa man ng dako para sa kanila sa langit. Kaya’t inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.”—Apocalipsis 12:7-9.
Ito ang dahilan na nagpapaliwanag kung bakit ang lupa ay naging isang napakamapanganib na dako sapol noong 1914. Inihula sa Bibliya ang resulta ng pagbagsak ni Satanas: “Sa aba ng lupa. . . sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Apocalipsis 12:12) Gaanong kaigsi na ang panahon? Sinabi ni Jesus: “Ang salinlahing ito [yaong nakasasaksi sa mga pangyayaring nagsimula noong 1914] kahit sa anumang paraan ay hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:34) Anong mga bagay? Lahat ng mga kapahamakan at kaguluhan na inihula ni Jesus na magaganap sa ating kaarawan.
Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na sa kabila ng pagbagsak ng Liga ng mga Bansa at ng kasalukuyang kahinaan ng Organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa, ang mga bansa ay hindi hihinto sa kanilang pagsisikap na magkaroon ng kapayapaan. Oo, darating ang panahon na kanilang aakalain na sila’y nagtagumpay. Magkakaroon ng malaganap na pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan,” subalit ito’y susundan ng “biglang pagkawasak” ng balakyot na sanlibutang ito. Palibhasa’y nasa kadiliman, ang mga tao’y mabibigla sa pagsapit nitong magaganap na kabaligtaran ng mga pangyayari, na darating “gaya ng isang magnanakaw sa gabi.”—1 Tesalonica 5:2, 3.
Sa ano ito hahantong? Sa digmaan na talagang ito ang “digmaan na tatapos ng mga digmaan”: ang digmaan ng Armagedon, tinatawag sa Bibliya na “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Ito’y mangangahulugan ng pagkapuksa ng lahat ng masasamang elemento at ng kanilang mga tagatangkilik. “Ang mga manggagawa ng kasamaan mismo ay mangalilipol.” (Apocalipsis 16:14-16; Awit 37:9) Sa wakas, si Satanas, na siyang mahigpit na instigador, ay ikukulong sa isang lugar na kung saan hindi na siya makaiimpluwensiya pa sa mga tao. Sa wakas, siya man ay pupuksain din.—Apocalipsis 20:1-3, 7-10.
Gayunman, pansinin na ito’y hindi isang digmaan ng walang patumangga at walang saysay na pagpuksa sa mga taong walang kasalanan at pati sa mga may kasalanan. Mayroong makaliligtas, at ang mga ito ay yaong mga taong “naghahandog [sa Diyos] ng banal na paglilingkod araw at gabi.” Oo, silang mga hindi na nag-aaral pa ng tungkol sa digmaan kahit na ngayon kundi bagkus sumusunod sa mapayapang daan ng isang tunay na Kristiyano ay makaliligtas sa huling, dakilang digmaang ito. Sila ba’y marami? Sila’y tinutukoy ng Bibliya na “isang malaking pulutong, na di-mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.”—Apocalipsis 7:9, 14, 15.
Pagkatapos ng Bagyo
Anong laking kaginhawahan ang madarama ng mga ito! Sa halip na makita nila ang maraming makabayang mga pamahalaan, magkakaroon lamang ng iisang pamahalaan: ang Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Sa halip na ang narito’y ang mapagmataas at ambisyosong mga tao, ang maaamo ang magmamana ng lupa at “sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11) “Papahirin. . . ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan man o ng hirap pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Pangyayarihin ni Jehova na “ang mga digmaan ay huminto hanggang sa kaduluduluhan ng lupa.” Ang mga tabak ay papandayin upang maging mga sudsod, ang mga sibat ay mga karit, at “hindi na sila matututo ng pakikidigma.”—Awit 46:8,9; Isaias 2:4.
Ayaw mo bang mamuhay sa gayong daigdig? Siyempre gusto mo! Bueno, posible iyan. Ang unang hakbang ay mag-aral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at tiyakin mo sa iyong sarili na ang pag-asang ito ay totoo at may matibay na batayan. Pagkatapos, alamin buhat sa Bibliya kung ano ang kalooban ng Diyos para sa iyo ngayon at kumilos ka nang naaayon doon. Totoo, ang pag-aaral ay kailangang pagpaguran subalit sulit naman. Sinabi ni Jesus na ang kakamtin mong kaalaman, kung gagamitin mo sa tamang paraan, ay mangangahulugan sa iyo ng “buhay na walang hanggan.” (Juan 17:3) Mayroon pa bang higit na mahalaga kaysa riyan?