Huwag Bigyang-Daan ang Diyablo!
“Huwag lubugan ng araw ang iyong galit, ni bigyang-daan man ang Diyablo.”—EFESO 4:26, 27.
1. Paano inilarawan ni Pedro ang Diyablo, ngunit anong katiyakan ng kaligtasan ang ibinigay ng apostol?
ISANG napakabangis na hayop ang gagala-gala. Sa tuwina’y mayroon siyang hangarin na sakmalin ang mga Kristiyano. Si Pedro ay nagbabala: “Kayo’y manatiling mahinahon, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila. Ngunit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya . . . Ngunit, pagkatapos na kayo’y magbata ng sandali, ang Diyos ng lahat ng di-sana-nararapat na awa . . . ang magpapatibay sa inyo, kaniyang palalakasin kayo.”—1 Pedro 5:8-10.
2. (a) Anong mga kalagayan ang nagpapadali upang tayo’y atakihin ni Satanas? (b) Bakit ang isang nagiging apostata ay walang sinumang masisisi kundi ang kaniyang sarili? (c) Anong kahinaan ang nagbigay-daan sa Diyablo upang ilagay sa puso ni Judas Iscariote ang pagkakanulo kay Jesus?
2 Matitiyak natin na ang Diyablo at ang kaniyang mga ahente, kapuwa mga demonyo at mga tao, ay handang samantalahin ang ating pag-aalinlangan, ang anumang malubhang kahinaan ng pagkatao, ang anumang pagwawalang-bahala natin na manatiling malakas sa espirituwal sa pananampalataya. Subalit ang Salita ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na tayo’y hindi sasakmalin ng Diyablo kung tayo’y maninindigang matatag laban sa kaniya. (Santiago 4:7) Halimbawa, walang sinumang nahuhulog sa apostasya dahilan sa basta hindi niya maiwasan iyon. Walang sinuman na itinalagang humiwalay sa pananampalataya. Kasangkot dito ang motibo o hangarin ng puso. Totoo, sinabi ni Juan na mayroong ilan na “nagsihiwalay sa atin, ngunit sila’y hindi natin kauri.” (1 Juan 2:19) Subalit ito’y nangyari dahilan sa kanilang pinili ang maging apostata o sila’y pumasok sa organisasyon ni Jehova na taglay ang masamang motibo sa pasimula pa lamang. Si Judas ay mayroon noon na isang mabuting puso nang tawagin siya bilang isa sa 12 mga apostol ni Jesus, subalit sinamantala ng Diyablo ang kahinaan ni Judas na kasakiman. Kahit na bago noong gabi na ipagkanulo si Jesus, “[inilagay] na ng Diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.”—Juan 13:2.
3. Anong mga bagay ang makaiimpluwensiya sa isang tao upang maging biktima ng apostasya?
3 Ang isang tao ay sumasamâ dahilan sa hinahayaan niyang ang kaniyang sariling mapag-imbot na pangangatuwiran, ang kaniyang sariling mga ambisyon at hangarin, ang kaniyang piniling mga kasamahan at kapaligiran, ang humubog ng kaniyang kaisipan at dito mapasalig ang direksiyon na tinutungo ng kaniyang kalooban. Binanggit ni Pablo ang ilan na ‘minsang naliwanagan na, at nakalasap ng saganang kaloob ng langit, ngunit tumalikod.’ (Hebreo 6:4-6) Kung tayo ay hindi patuloy na mapagbantay, sa pamamagitan ng kaniyang tusong propaganda ay mapangyayari ng Diyablo na ang ating mga puso ay pasukin ng kaisipang apostata. Subalit paano ngang pinangyayari ng Diyablo, sa katunayan, na ang isang tao ay maging biktima niya, ng apostasya?
4. Ano ang maaaring mangyari kung tayo’y magbibigay-daan sa galit, sama ng loob, at pamimintas?
4 Ang karaniwang mga saloobin na hinahanap ni Satanas ay galit, sama ng loob, at pamimintas. Ang ganiyang mga damdamin ay maaaring napakatindi na anupa’t wala nang dako para sa pag-ibig at pagpapahalaga. Baka mayroong suliranin na hindi malutas-lutas, kaya’t ang isang tao ay nagagalit at may katuwiran na pumalya ng pagdalo sa mahalagang mga pulong Kristiyano. Kung siya’y mananatiling nagagalit sa loob ng mahabang panahon, kaniyang ‘binibigyang-daan ang Diyablo.’ (Efeso 4:27) Ang taong ito ay walang nakikita kundi ang mga kahinaan ng kaniyang kapatid, imbis na patawarin siya nang “makapitumpu’t-pito,” at hindi niya sinasamantala ang gayong mahirap na mga kalagayan bilang mga pagkakataon para masubok ang kaniyang mga katangiang Kristiyano. (Mateo 18:22) Samantalang nasa ganitong lagay ng isip, kung mayroong lalapit sa kaniya at ipahihiwatig na ang organisasyon ni Jehova ay mapang-api o mahigpit, o nagkakamali pa nga sa mga ilang mahahalagang turo, ang puso ng nagagalit na Kristiyano ay maaaring maniwala sa gayong walang batayang mga pag-aangkin. Kung gayon, lubhang kailangan na huwag pahintulutang manatili ang galit at sama ng loob! Huwag hayaang ang araw ay lumubog na ikaw ay nagagalit. Sa halip, hayaang ang pag-ibig ang lubos na mangibabaw sa iyong buhay.
5. (a) Paanong ang pride (pagmamataas) o ang pag-ayaw na maituwid ay nagsisilbing isang silo? (b) Anong bahagi ang ginaganap ng pagpapakumbaba sa pananatiling matatag sa pananampalataya?
5 Ano pa ang mga ibang kalagayan ng puso at isip na hinahanap ng Diyablo? Bueno, nariyan ang pride o pagmamataas, ang pagkadama na ikaw ay importante, sumasamâ ang loob mo pagka hindi mo natamo ang katanyagan na inaakala mong dapat mong matamo. Lahat na ito ay mga silo na ginagamit ng Diyablo. (Roma 12:3) Pagka ikaw ay pinapayuhan o sinasaway kaya dahilan sa maling nagawa o saloobin mo, ito ay maaari ring samantalahin ng Diyablo bilang tamang panahon na udyukan ka na tanungin ang iyong sarili kung ikaw nga ba’y nasa tamang organisasyon. Kaya’t manatiling mapagpakumbaba. Maging kontento na manatiling “isang nakabababa.” Huwag hayaang ang pride (pagmamataas) o ang pagpapaimportante sa sarili ang humila sa iyo upang gumiray-giray ka buhat sa matatag na pagkatayo mo sa pananampalataya.—Lucas 9:48; 1 Pedro 5:9.
6, 7. (a) Sa anong mga ilang paraan makikita ang pagkamainipin na madaling sinasamantala ng Diyablo? (b) Kung ang isa ay nagkukulang ng karunungan, ano ang dapat gawin?
6 Ang pagkainip ang isa pa ring hinahanap ng Diyablo. Kung minsan ay baka iniisip natin na kailangang gumawa ng mga pagbabago; gusto natin ang mabilis na pagkilos, ang agad-agad na mga kasagutan. ‘Ang problemang ito ay kailangang malutas ngayon, o kung hindi ay hihinto na ako. Kailangang masagot ang tanong na ito ngayon din, o kung hindi ay hihinto na ako. Ang Armagedon at ang bagong sistema ay marami nang taon ngayon na sinasabing “pulos malapit na.” Nagsasawa na ako nang kahihintay.’ Tiyak na ang Diyablo ay handang maghasik ng mga binhi ng pag-aalinlangan at paghihimagsik sa ganiyang mga tanda ng pagkainip. Kailangan ang pagtitiis at ang pananampalataya.—Hebreo 10:36, 39.
7 Sinabi ni Santiago: “Hayaang ang pagtitiis ay magkaroon ng kaniyang sakdal na gawa, upang kayo’y maging ganap at matatag sa lahat ng bagay, hindi nagkukulang ng anuman. Kaya, kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, patuloy na humingi siya sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at di nanunumbat; at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ngunit kung siya’y patuloy na humihinging may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan, sapagkat siyang nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinataboy ng hangin at ipinapadpad sa kung saan na lamang. Sa katunayan, huwag akalain ng taong iyon na siya’y tatanggap ng anuman kay Jehova; siya’y walang katatagan, mabuway sa lahat ng kaniyang lakad.” (Santiago 1:4-8) Huwag tulutang gawin ka ng Diyablo na isang kandidato sa apostasya dahilan sa ikaw ay naging totoong mainipin, nag-aalinlangan tungkol sa mga pangako ng Diyos! Maging matiisin, magpasalamat. Hintayin si Jehova.—Awit 42:5.
8. Paanong ang hilig na maghimagsik laban sa awtoridad ay nagbubukas ng daan para hikayatin ng Diyablo ang isang tao na iwaksi ang ibinabawal ng Kasulatan?
8 Ano pa ang ginagamit ng Diyablo upang tayo’y ihiwalay? Hindi baga sa tuwina’y sinisikap niyang magbangon ng paghihimagsik, upang ang mga lingkod ni Jehova ay maging mapintasin sa mga nangunguna? ‘Ang matatanda ay talagang hindi nakakaintindi. Sila’y masyadong mapintasin, masyadong mapaghanap,’ baka sabihin ng iba. Baka sabihin pa rin ng isang tao na ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova o ang iba pang responsableng mga kapatid ay nakikialam sa kalayaan ng budhi at sa “karapatan” ng isa na bigyang-kahulugan ang Kasulatan. Subalit alalahanin ang mapagpakumbabang mga salita ni Jose: “Hindi baga ang Diyos ang nagbibigay-kahulugan?” (Genesis 40:8) At hindi baga inihula ni Jesus na sa mga huling araw na ito ang isang organisasyon ng mga pinahiran, “ang tapat at maingat na alipin,” ay pagkakatiwalaan ng paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon? (Mateo 24:45-47) Mag-ingat sa mga taong nagsisikap na ibandila ang kanilang sariling kasalungat na mga opinyon. Mag-ingat din sa mga taong ibig na alisin ang lahat ng mga paghihigpit o silang mga nangangako ng kalayaan, at namamaraling ang mga Saksi ni Jehova ay mga alipin! Sinabi ni Pedro tungkol sa mga bulaang guro: “Bagaman sila’y nangangako sa kanila ng kalayaan, sila man ay namumuhay bilang mga alipin ng kabulukan. Sapagkat sinuman na nadadaig ng iba ay alipin ng isang ito.”—2 Pedro 2:1, 19.
9. Ano kadalasan na ang motibo ng mga namimintas sa mga nangunguna?
9 Ano kadalasan na ang motibo o hangarin ng mga taong namimintas sa Samahan o sa mga nangunguna? Hindi ba malimit na dahil sa sila’y tinatamaan ng kumakapit sa kanila na teksto sa Kasulatan? Imbis na umayon sa matatag na aral at pangangasiwa, ang ibig nila’y ang organisasyon ang magbago. Ipaghalimbawa natin ito:
10. Paanong ang pagpipilit sa labis-labis na istilo ng pananamit o pag-aayos ay umaakay sa isa upang ‘magbigay-daan sa Diyablo’?
10 Ipinipilit ng isang kapatid ang isang labis-labis na istilo ng pananamit o pag-aayos. Inaakala naman ng matatanda na siya’y hindi isang mabuting halimbawa at hindi siya binibigyan ng mga ilang pribilehiyo, tulad halimbawa ng pagpapahayag sa plataporma para magturo. Kaniyang ikinagagalit ito, at sinasabi na siya’y inaalisan ng iba ng kaniyang kalayaang Kristiyano. Subalit ano ba ang nasa likod ng ganiyang pangangatuwiran? Hindi baga karaniwan na’y ang pride o pagmamataas, isang malasariling saloobin, o isang malabatang hangarin na lumakad ng sariling lakad? Bagaman wari ngang ito’y isang munting bagay lamang, ang pangangatuwiran ng isang tao sa ganiyang paraan ay ‘magbibigay-daan sa Diyablo.’ Subalit ang pag-ibig at ang pagpapakumbaba ang aakay sa atin upang manamit at mag-ayos sa paraang mahinhin at kalugud-lugod. Nanaisin natin na gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa ikasusulong ng mabuting balita at hindi ang ating sarili ang palugdan.—Roma 15:1, 2; 1 Corinto 10:23, 24.
11. Ano ang maaaring dahilan ng pag-aalinlangan sa utos ni Jehova na umiwas sa dugo?
11 Kunin natin ang isa pang halimbawa. Manakanaka ay baka makarinig ka na may isang nag-aalinlangan kung ang pagbabawal baga ng Kasulatan sa pagkain ng dugo ay talagang kumakapit sa pagsasalin nito. Ngunit ano ba ang dahilan ng ganiyang pag-aalinlangan? Iyon ba ay takot—takot na maiwala ng isa ang kaniyang kasalukuyang buhay o ang buhay ng isang minamahal? Kumukupas ba ang kaniyang pag-asa sa pagkabuhay-muli? Hindi ikinukompromiso ng tapat na mga Kristiyano ang kautusan ng Diyos o humahanap man sila ng mga paraan upang baguhin iyon. Ang pag-iwas ng pagpapasok ng dugo sa katawan ay kasinghalaga rin ng pag-iwas sa pakikiapid at sa idolatriya, na pawang ipinagbabawal at naroroon din sa kinasihan ng espiritung utos ng mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem.—Gawa 15:19, 20, 28, 29.
12. Bakit ang maling pagpapakita ng katapatan ay hindi dapat umakay sa atin na labagin ang kahilingan ng Kasulatan na iwasan ang pakikisama sa mga taong tiwalag?
12 Ang mga iba na mapintasin ay nagsasabi na ang organisasyon ni Jehova ay totoong istrikto tungkol sa pagbabawal na makihalubilo sa mga taong natiwalag. (2 Juan 10, 11) Subalit bakit ganiyan ang nadarama ng gayong mga kritiko? Sila ba’y may matalik na ugnayang pampamilya o may maling pagpapakita ng katapatan sa isang kaibigan na mas pinahahalagahan pa nila kaysa kay Jehova at sa kaniyang mga pamantayan at kahilingan? Isaalang-alang din na ang patuloy na pakikisama sa isang taong natiwalag, kahit na siya’y isang kamag-anak, ay maaaring umakay sa nagkasalang iyon na isipin na hindi pala totoong malubha ang kaniyang pagkakasala, at ito’y higit pang makapipinsala sa kaniya. Subalit, ang hindi pakikisama sa kaniya ay baka lumikha sa kaniya ng pagnanasa na mapasa-kaniya uli ang nawala at maghangad na matamo uli iyon. Ang daan ni Jehova sa tuwina ang pinakamabuti, at ito’y sa ating sariling proteksiyon.—Kawikaan 3:5.
13. Ano ang dapat na saloobin natin tungkol sa pangmadlang pangangaral sa bahay-bahay?
13 Baka ang isa naman ay may maling paniwala na hindi sinusuhayan ng Kasulatan ang pangmadlang pangangaral sa bahay-bahay. Subalit ito ba’y dahilan sa dati nang inaayawan niya ang mahalagang gawaing ito at siya’y humahanap ng dahilan na makaiwas dito? Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang dapat mag-udyok sa atin na makita ang pagkaapurahan ng nagliligtas-buhay na gawaing ito. Muli na naman, kailangan ang pagtitiis. Binanggit ni apostol Pablo ang kaniyang sariling pagtitiis sa ‘lubusang pagpapatotoo sa mga Judio at mga Griego’ samantalang siya’y nagtuturo sa madla at sa bahay-bahay. (Gawa 20:18-21) Imbis na magreklamo, hindi baga dapat nating sundin ang kaniyang mainam na halimbawa? Pagmasdan ang libu-libo na natipon sa “iisang kawan” dahilan sa pagpapala ni Jehova sa gawaing pagbabahay-bahay! (Juan 10:16) At huwag kalilimutan ang maiinam na pakinabang na tinanggap natin sa pagsasanay at disiplina, sa pagpapalakas ng ating pananampalataya, dahil sa pagbabahay-bahay upang maihatid sa mga tao ang mabuting balita.—Ihambing ang Gawa 5:42; 1 Timoteo 4:16.
14. Ano sa palagay mo ang dapat nating itugon pagka sinabi ng mga kritiko na ang mga Saksi ni Jehova ay mga bulaang propeta?
14 Sa wakas, isaalang-alang natin ang inilathala ng Samahan noong nakaraan tungkol sa kronolohiya. May mga mananalansang na nagsasabing ang mga Saksi ni Jehova ay mga bulaang propeta. Sinasabi ng mga mananalansang na ito na mayroon daw itinakdang mga petsa, subalit wala namang nangyayari. Kaya itinatanong uli natin, Ano ba ang motibo ng mga kritikong ito? Sila ba’y nanghihimok sa mga lingkod ng Diyos na maging gising, o sila ba, bagkus pa nga, nagsisikap na ipagmatuwid ang kanilang sarili dahilan sa pagbabalik nila sa pagkaantukin at di paggawa? (1 Tesalonica 5:4-9) Lalong mahalaga, ano ba ang gagawin mo kung marinig mo ang gayong pamimintas? Kung ang isang tao ay nag-aalinlangan sa kung tayo’y nabubuhay nga sa “mga huling araw” ng sistemang ito, o baka siya’y nag-iisip na ang Diyos ay totoong mahabagin upang tulutang mamatay ang napakaraming angaw-angaw na mga tao sa panahon ng “malaking kapighatian,” kung magkagayon ang taong ito ay naghanda na ng kaniyang puso upang makinig sa gayong mga pamimintas.—2 Timoteo 3:1; Mateo 24:21.
15. Imbis na mga bulaang propeta, ano ang nagpapatunay na ang mga Saksi ni Jehova ay may pananampalataya sa Salita ng Diyos at sa tiyak na mga pangako nito?
15 Oo, manakanaka kailangan ng mga lingkod ni Jehova na baguhin ang kanilang mga hinihintay na pag-asa. Dahilan sa ating pananabik, inasahan natin na ang bagong sistema ay darating nang mas maaga kaysa talaorasan ni Jehova para doon. Subalit ating ipinamamalas ang ating pananampalataya sa Salita ng Diyos at sa tiyak na mga pangako nito sa pamamagitan ng pangangaral sa iba ng pabalita nito. Isa pa, hindi dahil sa binabago natin ang ating pagkaunawa ay nagiging mga bulaang propeta na tayo o nababago ang katotohanan na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw,” na malapit na malapit nang dumating ang “malaking kapighatian” na magbubukas ng daan para sa makalupang Paraiso. Anong laking kahangalan na isiping dahilan sa mga inaasahan na nangangailangang baguhin ay mag-aalinlangan tayo sa buong kalipunan ng katotohanan! Maliwanag ang katibayan na ginamit at patuloy na ginagamit ni Jehova ang kaniyang kaisa-isang organisasyon, na ang nangunguna’y ang “tapat at maingat na alipin.” Kaya naman, tayo’y katulad ni Pedro, na nagsabi: “Panginoon, kanino pa kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:68.
16, 17. (a) Paanong ang pagkakapit ng mga salita ni Jesus sa Mateo 7:15-20 ay tumutulong upang makilala ang organisasyon na pinagpapala ni Jehova? (b) Ano ang ilan sa mabubuting bunga na makikita sa buhay ng mga tunay na lingkod ni Jehova?
16 Tanging sa espirituwal na paraiso, sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, masusumpungan natin ang nagsasakripisyo-sa-sariling pag-ibig na sinabi ni Jesus na pagkakakilanlan sa kaniyang tunay na mga alagad. (Juan 13:34, 35) Dahil sa kanilang masasamang bunga, ang mga bulaang propeta ay napapabilad upang makilala kung sino ngang talaga sila. Subalit sinabi ni Jesus na ang mabubuting punungkahoy ay makikilala sa pamamagitan ng kanilang mabubuting bunga. (Mateo 7:15-20) At anong inam na mga bunga ang makikita natin sa espirituwal na paraiso! Kagila-gilalas na mga pagsulong ang nagaganap sa halos bawat bansa. Mahigit na 3,000,000 maliligayang mga sakop ng Kaharian ng Diyos sa buong globo ang buháy na patotoo na si Jehova ay may bayan sa lupa.
17 Dahilan sa sila’y tinuturuan ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay talagang nagbubunga ng mga bunga ng pagka-Kristiyano sa kanilang buhay. (Isaias 54:13) Tanging ang mga lingkod lamang ni Jehova ang lubusang umalpas sa maka-Babilonyang mga pamahiin. Sila lamang ang may organisasyon na lubusang sumusunod sa sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa imoralidad sa sekso, sa aborsiyon, paglalasing, pagnanakaw, idolatriya, pagtatangi ng lahi, at iba pang makasanlibutang mga gawain at kaugalian. At sila lamang ang sumusunod sa utos na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova. (Mateo 24:14) Ang sariling Salita ng Diyos ang tiyakang nakaturo sa mga Saksi ni Jehova bilang ang kaisa-isang organisadong bayan na kaniyang pinagpapala!
18. Pagka napaharap sa mga turong apostata, ano ang dapat na maging paninindigan ng mga lingkod ni Jehova?
18 Oo, sa lahat ng tapat at nagtitiis ng paglakad sa daang Kristiyano, natitiyak natin na ang katotohanan ni Jehova ay maganda pa rin, kasiya-siya—higit pa kaysa nang unang marinig nila ito. Kung gayon, pagtibayin ninyo sa inyong puso na hindi man lamang ninyo hihipuin ang lason na ibig ng mga apostata na inyong kainin. Makinig sa pantas ngunit matatag na mga utos ni Jehova na lubusang umiwas sa mga magdaraya, na magliligaw sa inyo, at doon kayo aakayin sa mga daan ng kamatayan. Kung iniibig natin si Jehova ng ating buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, at iniibig natin ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili, hindi tayo magbibigay ng anumang daan para makapasok ang kaisipang apostata. (Mateo 22:37-39) Tayo’y hindi “magbibigay-daan sa Diyablo” at hindi maghahangad na tumingin saan pa man. Tayo’y hindi ‘madaling matitinag sa ating pag-iisip’ sa pamamagitan ng mga kabulaanang turo.—2 Tesalonica 2:1, 2.
19. Ano ang dapat gawin upang tayo’y ‘huwag manakawan ng sinumang tao ng gantimpalang’ buhay na walang hanggan?
19 Sa tuwina’y pahalagahan natin ang ating pribilehiyo na pagiging narito sa espirituwal na paraiso ni Jehova, na kung saan tinatamasa natin ang napakaraming mayamang pagpapala. Batid natin kung sino ang nanghahawakang matatag sa mga salita ng buhay na walang hanggan. Kaya’t manatiling may malapitang pakikihalubilo sa kanila, sa pagkaalam na sila ang ating tunay, tapat na mga kapatid sa pananampalataya. Harinawang tayo’y patuloy na magkaroon ng ganoon ding kagalakan at kasiyahan na taglay natin nang unang marinig natin ang katotohanan, taglay ang kasiguruhan ng dakilang gantimpalang buhay na walang hanggan sa bagong sistema ni Jehova ng mga bagay. Gaya ng angkop na angkop na pagkasabi ni Pablo: “Huwag hayaang nakawan ka ng sinumang tao ng gantimpala”!—Colosas 2:18.
Masasagot Mo Ba?
◻ Bakit totoo na walang sinuman na itinalaga upang humiwalay sa pananampalataya?
◻ Paanong ang sama ng loob, pagmamataas, at pagkainip ay nagbubukas ng daan sa puso para sa Diyablo?
◻ Ano karaniwan na ang dahilan ng pamimintas sa payo na ibinibigay ng mga nangunguna?
◻ Anong bunga na makikita sa mga Saksi ni Jehova ang nagpapatunay na sila ang kaisa-isang organisasyon na ginagamit ng Diyos?
[Larawan sa pahina 16]
Sa pagtanggi sa payo ay ating ‘binibigyang-daan ang Diyablo’
[Larawan sa pahina 17]
Ang pagmamataas ay maaaring humantong sa pagbagsak at doo’y hindi ka na makabangon
[Larawan sa pahina 19]
Abala ang maliligayang lingkod ni Jehova na ‘hindi nagbibigay-daan sa Diyablo’ o sa mga apostatang kaisipan