Si Jehova—Ang Ating Lakas
“Si Jah Jehova ang aking lakas at ang aking kalakasan.”—ISAIAS 12:2.
1. (a) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay lubhang iba? (b) Paanong ipinapahayag ng Isaias 12:2 ang ginawa na ni Jehova ukol sa kaniyang bayan?
IKAW ba’y dumadalo sa mga pulong sa isang Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses? Doon ay makikita mo ang isang bayan na lubhang naiiba sa kaninuman! Sino ba ang mga taong ito, at bakit iba sila? Tayo ay yaong sariling bayan ng Diyos, at tayo ay naiiba dahil sa taglay natin ang pinakadakila sa lahat ng mga pangalan—ang pangalan ng maluwalhating Maylikha ng lahat ng mga kababalaghan sa sansinukob na nakapalibot sa atin. Taglay natin ang kaniyang pangalan. Sa kaniyang pangalan maligayang nagtitipun-tipon tayo upang makibahagi sa pilî na espirituwal na pagkain na kaniyang inilalaan “sa wastong panahon” sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. (Lucas 12:42) Bilang mga Saksi ni Jehova ating may pasasalamat na dinadakila ang kaniyang walang katulad na pangalan ayon sa mga salita ng Isaias kabanata 12, talatang 2, na nagsasabi: “Narito! Ang Diyos ay aking kaligtasan. Ako ay magtitiwala at hindi matatakot; sapagkat si Jah Jehova ang aking lakas at ang aking kalakasan, at siya ang naging aking kaligtasan.” Ang ating Diyos ang nagdala sa atin upang makapasá sa maraming pagsubok. Ngayon ang ating pangkatapusang kaligtasan ay malapit na—ito rin ay sa pamamagitan ng kamay ni Jah Jehova!
2. (a) Gaano kadalas lumilitaw sa Bibliya ang pananalitang “Jah Jehova,” at saan? (b) Ano ang iba pang pagkasalin ng “kalakasan” sa Isaias 12:2, at bakit ito angkop din?
2 Ang pananalitang ito na “Jah Jehova,” isang pag-uulit ng pangalan ng Diyos, ay lumilitaw ng makalawa lamang sa Bibliya, dito at sa Isaias 26:4. Maging ang mga tagapagsalin man ng King James Version ay nagpasiya na angkop na isalin ito ng “ang PANGINOONG JEHOVA.” Sang-ayon sa isang talababa sa New World Translation Reference Bible, ang isa pang pagkasalin ng “kalakasan” sa Isaias 12:2 ay “awit” at “papuri.” Anong pagkatotoo nga na, ang makapangyarihan-sa-lahat na si Jah Jehova, na nagbibigay sa kaniyang mga mananamba ng dinamikong lakas, ay karapat-dapat sa ating matatamis na awit ng papuri!—Isaias 40:28-31.
3. (a) Ukol sa ano binuksan ni Jah Jehova ang daan, at salig sa ano? (b) Ano ang epekto sa mga Saksi ni Jehova ng mga salita ni Pablo sa Roma 11:33-36?
3 Ang kapangyarihan ni Jehova ay tinitimbangan ng kaniyang karunungan, katarungan, at pag-ibig. Sa paggamit sa mga katangiang ito ng Diyos, binuksan ni Jah Jehova ang daan ukol sa kaligtasan ng sumasampalatayang sangkatauhan salig sa haing pantubos ni Jesus. Tungkol dito, ang apostol Pablo ay bumulalas: “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Di malirip ang kaniyang mga hatol at hindi kayang sukatin ang kaniyang mga lakad! Sapagkat ‘sino ang nakaalam ng pag-iisip ni Jehova, o naging kasangguni niya?’ O, ‘Sino ang unang nagbigay sa kaniya, kaya’t kailangan iyon na bayaran sa kaniya?’ Sapagkat buhat sa kaniya at sa pamamagitan niya at sa kaniya ang lahat ng bagay. Suma-kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.” (Roma 11:33-36) Kung gayon, anong pagkaangkup-angkop nga na tayo’y kumapit kay Jah Jehova nang mahigpit at ipahayag ang ating lubos na kompiyansa at pagtitiwala sa kaniya bilang ating makapangyarihan-sa-lahat na Diyos at Soberanong Panginoon!—Ihambing ang Hebreo 3:14.
4. (a) Bakit si propeta Isaias ay may mabubuting dahilan na magpahayag, ‘Ako’y magtitiwala at hindi ako matatakot’? (b) Bakit ang bayan ni Jehova ay may mabubuting dahilan na magtiwala kay Jah Jehova sa ika-20 siglong ito?
4 Si Isaias ay may mabubuting dahilan na magpahayag, ‘Ako’y magtitiwala at hindi ako matatakot.’ Nang maglaon ay nakilala nang husto ng propeta ang mga gawa ng Diyos na pagliligtas. Nasaksihan niya nang tuparin ni Jehova ang Kaniyang salita nang mapahiya ang Asirya at ang kaniyang hambog na hari, si Sennacherib. Sa loob ng isang gabi, 185,000 mga kawal ng Asirya ang pinuksa ng iisa-isang anghel na sinugo ng ating Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova! Ang dakilang pagliligtas na iyan ang resulta dahil sa tumiwalang lubusan kay Jah Jehova si Haring Ezekias at ang buong Juda. (Isaias 37:6, 7, 21, 36-38) Sa ika-20 siglong ito, ang kaniyang bayan ay iniligtas din ni Jehova buhat sa mga paniniil, pagbabawal, pag-uusig, at mga kampong piitan. Tulad ng mga naghahambog na mga Asiryong iyon noong panahon ni Isaias, ang tagapamahalang Nazi na si Adolf Hitler ay nagbangon ng reklamo laban sa mga Saksi ni Jehova, na minsan ay kaniyang ipinagtatalakan, “Ang lahing ito ay malilipol sa Alemanya!” Subalit ang nalipol ay si Hitler at ang kaniyang mga Nazi. At ngayon ang munting grupo ng mga Saksing Aleman na nagtiwala kay Jehova ay lumago hanggang sa maging higit sa 121,200!—Awit 27:1, 2; Roma 8:31, 37.
5. Paanong ang mga salita ng Isaias 12:3-5 ay kumakapit sa nagtitiwalang bayan ng Diyos sa ngayon?
5 Saanman bumabangon ang pag-uusig, ang nagtitiwalang bayan ni Jehova ay nagiginhawahan at pinalalakas ng pag-inom ng nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan. Ito’y kagayang-kagaya ng sinabi ng propeta ng Diyos sa Isaias 12:3-5: “May kagalakan na kayong mga tao’y tiyak na iigib ng tubig sa mga balon ng kaligtasan. At sa araw na iyon ay tiyak na sasabihin ninyo: ‘Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan. Itanyag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay dakila. Magsiawit kayo kay Jehova, sapagkat siya’y gumawa ng higit na maririlag na bagay. Ito’y ipinaaalam sa buong lupa.’” Harinawang tayo’y patuloy na lubusang uminom ng katotohanan ng Kaharian at may pasasalamat na dakilain ang pangalan ng ating Soberanong Panginoon, si Jehova. Taglay ang lubos na pagtitiwala kay Jehova, ating “ipangaral ang salita, gawin ito nang apurahan sa kaaya-ayang panahon, sa maligalig na panahon.” (2 Timoteo 4:2) Anuman ang gawin ng mga mananalansang, tayo’y maibiging aakayin ni Jah Jehova sa daan ng kaligtasan!
“Ang Bayan ng Malulupit na mga Bansa”
6, 7. (a) Kasuwato ng Isaias 25:1, ang mga mananamba kay Jehova ay dapat na pumuri sa kaniya dahil sa ano? (b) Paanong sa Isaias 25:2, 3 ay inilalarawan ang isang lunsod? (c) Anong lunsod ang malamang na tinutukoy ng propeta, at bakit?
6 Bumaling tayo ngayon sa Isaias kabanata 25. Sa talatang 1 ay ating mababasa: “Oh Jehova, ikaw ang aking Diyos. Aking ibubunyi ka, aking pupurihin ang iyong pangalan, sapagkat ikaw ay gumawa ng kagila-gilalas na mga bagay, mga panukala mula noong sinaunang mga panahon, sa pagtatapat, sa katotohanan.” Ang nagtitiwalang mga mananamba ni Jehova ay pumupuri sa kaniya dahil sa kagila-gilalas na mga gawa na kaniyang isinagawa sa gitna nila. Subalit pagkatapos ay ipinakikita ni Isaias ang malaking pagkakaiba, at sinasabi kay Jehova: “Sapagkat iyong pinaging isang bunton ng mga bato ang isang lunsod, ang bayang matibay ay pinaging isang gumuguhong kagibaan, ang tirahang moog ng mga tagaibang bayan ay hindi na isang lunsod, na hindi na matatayong muli magpakailanman. . . . Ang bayan ng malulupit na mga bansa, sila’y matatakot [kay Jehova].”—Isaias 25:2, 3.
7 Ano ba itong hindi pinangalang lunsod ng kalupitan? Baka ang tinutukoy ni Isaias ay ang Ar, na kabisera ng Moab, na sa tuwina’y isang kaaway ng bayan ng Diyos. Subalit ang konteksto rito ay waring lalong angkop sa isa pang sangay ng organisasyon ni Satanas—ang pusakal na kaaway na Babilonya. Sa takdang panahon, wawasakin ng Babilonya ang Juda at Jerusalem, pupuksain nito ang bahay ni Jehova ng pagsamba, at ang mga makaliligtas na mga tao ay bibihagin. Sinisipi ni Isaias ang pangangalandakan ng hari ng Babilonya: “Ako’y sasampa sa langit. Sa itaas pa ng mga bituin ng Diyos itataas ko ang aking trono, at ako’y uupo sa bundok ng kapisanan. . . . Ako’y magiging gaya ng Kataas-taasan.” Subalit ibabangon ni Jehova si Ciro ng Persia upang ibagsak ang Babilonya at muling ibalik sa kanilang lupain ang bayan ng Diyos. Gaya ng inihula, ang lugar na kinaroonan ng sinaunang Babilonya ay walang natira kundi “isang bunton ng mga bato” at “isang gumuguhong kagibaan.”—Isaias 14:12-14; 13:17-22.
8, 9. (a) Sa ano pang isang Babilonya kailangang makipagbaka ang mga mananamba ni Jehova, at paano ito umunlad? (b) Paano ito inilalarawan ni Isaias, at bakit angkop ang tawag sa kaniya?
8 Datapuwat, mahigit na 2,500 taon pagkatapos na bumagsak ang Babilonya, ang mga mananamba ni Jehova ay kailangang makipagbaka pa rin sa isa pang Babilonya—ang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga nakasusuklam na bagay sa lupa.” (Apocalipsis 17:5) Siya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Siya ay nagsimula hindi pa nagtatagal pagkatapos ng Baha noong kaarawan ni Noe, nang itayo ni Nimrod ang orihinal na Babilonya, na pinanggalingan ng huwad at sekta-sektang relihiyon. Pagkatapos itatag ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang Kristiyanismo, ang katotohanan ng Bibliya ay hinaluan ng mga apostata ng paganong maka-Babilonyang “mga turo ng mga demonyo,” at umiral ang sistema ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. (1 Timoteo 4:1) Ang palsipikadong Kristiyanismong ito ang naging pangunahing bahagi ng “Babilonyang Dakila,” na laganap sa buong lupa sa lahat ng mga bansa ng sangkatauhan. Siya’y inilalarawan ni Isaias bilang isang “bayan ng malulupit na mga bansa.”
9 Sa loob ng mahigit na apat na libong taon, mula sa pagtatatag ng orihinal na Babilonya hanggang sa ngayon, ginamit ng mababagsik na diktador ang malulupit na mga klerigo bilang mga kasapakat sa pagsugpo at panunupil sa karaniwang mga mamamayan. Sa gayon, naging “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Si Jesus ay nahabag sa mga tao “sapagkat sila ay pinagsasamantalahan at nakapangalat” dahil sa kagagawan ng gayong mga huwad na pastol ng relihiyon. Sa ngayon, ang grupong higit na masisisi sa lahat ay makikilala bilang “ang taong tampalasan,” na binubuo ng mapagtaas-sa-sariling klero ng Sangkakristiyanuhan, na nangunguna sa pagsalansang at pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova.—Mateo 9:36; 2 Tesalonica 2:3, 4.
10. (a) Kasuwato ng Isaias 25:3, paanong “ang bayan ng malulupit na mga bansa” ay napilitang magpuri kay Jehova, at matakot pa rin sa kaniya? (b) Sa Isaias 25:4, 5, paano binabanggit ni Isaias si Jehova, kapuwa kung tungkol sa “dukha” at sa “malulupit”?
10 Noong taóng 1919 pinalaya ni Jehova ang kaniyang tunay na bayan buhat sa kapangyarihan ng “Babilonyang Dakila.” Ang ‘bayan na iyon ng malulupit na bansa’ ay nakasaksi nang may kapaitan sa “kagila-gilalas na mga bagay” na kaniyang naisagawa sa pagsasauli sa mga mananamba niya sa dinamikong pagkilos. Ang mga huwad na relihiyonista ay napilitan ding matakot kay Jehova sa kanilang paghihintay ng mga bagay na darating sa kanila. Sa loob ng daan-daang taon, ang kanilang sarili ay dinakila ng malulupit na mga klerigo upang mapataas nang higit kaysa kanilang mga tagasunod na lego. Subalit ngayon ay binabanggit ni Isaias si Jehova, na nagsasabi: “Ikaw ay naging ampunan sa dukha, isang ampunan sa maralitang nasa kahirapan, kanlungan sa bagyo, lilim sa init, pagka ang hihip ng mga malulupit ay gaya ng isang bagyong humahambalos sa isang pader. Gaya ng init sa isang tigang na lupain, ng ingay ng mga tagaibang bayan na iyong sinusupil, ng init na kasama ng lilim ng isang alapaap. Ang awit mismo ng mga malulupit ay natitigil.”—Isaias 25:4, 5.
Walang Masayang Awit sa “Babilonya”!
11. Bakit walang masayang awit sa buong sakop ng “Babilonyang Dakila,” at paano ito nasaksihan sa pagtitipon ng iba’t ibang relihiyon sa Assisi, Italya?
11 Ganiyan nga ang kalagayan sa ngayon sa buong sakop ng “Babilonyang Dakila.” Walang masayang awit na masusumpungan doon. Ang kaniyang mga pinunong relihiyoso ay nalilito tungkol sa mga diyos na dapat nilang sambahin. Ito’y malinaw na nasaksihan sa pagtitipon ng iba’t ibang relihiyon na ginanap sa Assisi, Italya, noong Oktubre 27, 1986. Doon, may kaugnayan sa Internasyonal na Taon ng Kapayapaan ng United Nations, tinipon ni Papa John Paul II ang mga lider ng mga pangunahing relihiyon ng “Babilonyang Dakila.” Silang lahat ay nanalangin ukol sa kapayapaan, ang ibang mga mongheng Buddhista ay nanalangin ng hanggang 12 oras sa maghapon. Subalit kanino sila nanalangin? Kay Maria ba? O sa santisima Trinidad ng Sangkakristiyanuhan? O sa trinidad ng mga Hindu? O sa libu-libong mga diyos ng Buddhismo? O kay Allah? O sa mababang hayop na iyon, ang soro na sinasamba ng mga Shintoista? O ang pinakakaaya-ayang mga panalangin ba ay yaong sa isang Amerikanong Indian ng tribong Crow? Ayon sa ulat siya ay ‘kumikislap sa isang pangmaharlikang kasuotan sa ulo,’ samantalang siya’y nagsisindi ng isang pipa ukol sa kapayapaan at binibigkas niya ang kaniyang mga panalangin sa “usok na pumapaibabaw na tulad ng kamangyan sa malamig na hangin.”
12. Sa anong mga salita ni Mikas at ni Isaias hindi umaayon ang mga relihiyonistang iyon?
12 Isang bagay ang tiyak: Walang isa man sa mga relihiyonistang iyon, buhat sa Dalai Lama ng Buddhismo hanggang sa “Kaniyang Kamahalan” na si Methodius ng Greek Orthodox Church, ang umaayon sa mga salita ng Bibliya sa Mikas 4:5: “Kami, sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman.” Sila’y hindi umaayon sa katotohanan ng kinasihang pangungusap ni Isaias sa kabanata 42, talatang 5 at 8: “Ganito ang sabi ng tunay na Diyos, si Jehova na Maylikha ng langit at ang Isang Dakila na nagladlad nito; na Siyang naglatag ng lupa at ng inaani rito, na Siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao rito, at ng espiritu sa mga nagsisilakad rito: ‘Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang kapurihan ko man sa mga inanyuang imahen.’”
13. Ano talaga ang naganap sa Assisi, at paanong ang ganiyan ay hinatulan ni Jesus nang siya’y narito sa lupa?
13 Sa Assisi, ang marangyang seremonya, naiibang kasuotan, at paulit-ulit na mga panalangin ang ginamit na pamamaraan upang sila’y lubhang hangaan ng publiko. Ang ganiyan ay hinatulan ng Anak ni Jehova na si Jesus nang siya’y narito sa lupa. Sinabi niya tungkol sa mga lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan: “Ginagawa nila ang lahat ng kanilang gawa upang makita ng mga tao,” at sila’y pinagwikaan niya ng matatalas na salita, na ang sabi: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao; sapagkat kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang makapasok.” (Mateo 23:5, 13; tingnan din ang Mateo 6:1-8) Hindi ang panlabas na anyo o ang dako na sambahan ang tinitingnan ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:21, 24.
Ang Tunay na Pinagmumulan ng Kapayapaan
14. (a) Bakit ang mga panalangin ng mga relihiyon ng sanlibutan ukol sa kapayapaan ay isang pagpapaimbabaw? (b) Ano ang hatol ng Diyos sa relihiyon ng Sangkakristiyanuhan?
14 Kung titingnan ang kaguluhan na umiiral sa mga relihiyon ng sanlibutan, ang sinuman baga ay totoong musmos upang isipin na ang mga panalangin ng mga pinunong relihiyosong ito ay makapagdadala ng pandaigdig na kapayapaan? Sila’y mapagpaimbabaw na nagsisipanalangin sa loob ng daan-daang taon na, samantalang kasabay nito’y lubusang may bahagi sila sa mga digmaan ng mga bansa, sa mga Krusada, at sa buktot na mga pag-uusig. Ang propeta ni Jehova ay nag-usisa: “Makapagbabago pa kaya ang Etiope ng kaniyang balat? o ang leopardo ng kaniyang mga batik? Kayo man ay makagagawa rin ng mabuti, na mga taong tinuruang gumawa ng masama.” (Jeremias 13:23) Bilang pangunahing bahagi ng “Babilonyang Dakila”—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon—ang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan lalung-lalo na ang tinimbang sa timbangan ng Diyos at nasumpungang kulang na kulang. Ito’y tiyak na mapapahamak!—Jeremias 2:34, 35, 37; 5:29-31; Daniel 5:27.
15. Paano magdadala si Jehova ng walang-hanggang kapayapaan, at paanong yaong mga nagtitiwala sa kaniya ay naglilingkod sa kapakanan ng kapayapaan?
15 Si Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan,” ay magdadala ng walang-hanggang kapayapaan sa pamamagitan ng paglipol sa lahat ng mga nagkakasala laban sa dugo at ang matitira rito sa lupa ay mga tao na talagang umiibig sa katotohanan at katuwiran. (Filipos 4:9) Sang-ayon kay Haring David, yaong mga maaamo na ‘nagtitiwala kay Jehova at gumagawa ng mabuti’ ang “magmamana ng lupain” at “sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:3, 11) Yaong mga ‘nagtitiwalang lagi kay Jehova at gumagawa ng mabuti’ ay naglilingkod sa kapakanan ng kapayapaan sa paraan na hindi nagagawa niyaong mga bumibigkas ng magugulong panalangin sa nagkakasalu-salungatang mga diyos, idolo, at mga imahen.—Awit 115:2-8; Isaias 44:14-20.
16. Anong kapistahan ang inilalaan ni Jehova para sa mga maaamo na tinitipon galing sa “bayan ng malulupit na mga bansa”?
16 Anong laki ng pagkakaiba ng mga panalangin at mga pag-asa ng sariling bayan ng Diyos at niyaong mga nagtataguyod ng “Babilonyang Dakila”! Anong laki ng pagpapahalaga natin sa bagay na “ang awit mismo ng malulupit ay natitigil”! (Isaias 25:5) Subalit kung tungkol sa mga maaamo na tinitipon galing sa “bayan ng malulupit na mga bansa,” si Isaias ay nagpapatuloy ng pagsasabi: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, . . . sinala.” (Isaias 25:6) Ang espirituwal na kapistahan na tinatamasa sa ngayon niyaong mga pumaparoon upang sumamba kay Jehova ay totoong kasiya-siya, isang bangkete nga! Ang ating mga puso ay pinalalakas na magtiis at ang ating kagalakan ay nag-uumapaw samantalang tayo’y naglilingkod kay Jehova nang buong sigasig samantalang naghihintay ng inaasam-asam na pagbabagong-lahi at bangkete ng mabubuting bagay na ipinangako ni Jehova para sa bagong lupa.—Awit 104:1, 14, 15; Mateo 19:28, KJ.
17. Anong “kagila-gilalas na mga bagay” ang isasagawa ni Jehova, na magdadala ng anong mga kagalakan?
17 Hindi na magluluwat, si Jah Jehova ay gagawa ng “kagila-gilalas na mga bagay” upang alisin hindi lamang ang “Babilonyang Dakila” kundi pati na rin “ang lambong” ng sumpa na tumatakip sa sangkatauhan dahilan sa kasalanan ni Adan. (Isaias 25:7) Oo, salig sa inihandog ni Jesus na hain, tutuparin ng ating Diyos ang inihula ng Isaias 25:8: “Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha. At ang siphayo ng kaniyang bayan ay aalisin niya sa buong lupa, sapagkat si Jehova mismo ang nagsabi.” Anong laking kagalakan na makitang ang Adamikong kasalanan at kamatayan ay maalis at salubungin natin ang ating mga mahal sa buhay pagkatapos na makawala sila sa mahigpit na pagkapigil ng kamatayan! Anong laking kagalakan na malaman na ang tapat na mga saksi ni Jehova ay nakapagbigay ng hustong sagot sa dambuhalang Manunuya, si Satanas na Diyablo! (Kawikaan 27:11) Sila’y hindi na maaaring maupasala ng sinuman, sapagkat sa panahong iyon sila ay nagtagumpay na kung tungkol sa kanilang katapatan. “Sa pagtatapat, sa katotohanan,” sa panahong iyon ay naisagawa na ni Jehova ang mga bagay na inihula—ang kaniyang “mga panukala mula noong sinaunang mga panahon.” Sa panahong iyon ang buong lupa ay isa nang matuwid na paraiso, punô ng matuwid na mga tao. Anong dakilang pag-asa nga na asam-asamin!
18. Sa kabila ng mga kagipitan, ano ang disidido tayong gawin, kasuwato ng Isaias 25:9?
18 Ang ating laging pagtitiwala kay Jehova sa madidilim na mga araw na ito ay may tiyak na gantimpala. Anumang kagipitan ang kailangang bakahin natin sa ating araw-araw na pamumuhay—maging sa paglalaan man para sa ating mga pamilya, sa panghahawakang matatag sa mga simulain ng Bibliya sa paaralan, o sa pagbibigay patotoo sa mga teritoryong mahirap gawin—tayo’y laging tumiwala kay Jehova. Ang pananatili natin sa isang matalik na kaugnayan kay Jehova bilang “ang Dumirinig ng panalangin” ay tiyak na maghahatid sa atin ng kaligtasan. (Awit 65:2) Kung gayon, tayo’y maging disidido na manatiling kabilang sa mga nagsasabi, ayon sa pananalita ng Isaias 25:9: “Narito! Ito ang ating Diyos. Hinintay natin siya, at tayo’y ililigtas niya. Ito ay si Jehova. Hinintay natin siya. Tayo’y mangatuwa at mangagalak sa kaniyang pagliligtas.”
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paanong si Jah Jehova ang ating lakas at ang ating kalakasan?
◻ Ano “ang bayan ng malulupit na mga bansa”?
◻ Paanong “ang bayan ng malulupit na mga bansa” ay napilitang magpuri kay Jehova, at matakot pa rin sa kaniya?
◻ Ano ang nagpapakita na walang masayang awitan sa “Babilonyang Dakila”?
◻ Anong “kagila-gilalas na mga bagay” ang gagawin pa ni Jehova para sa kaniyang bayan?