Sino ba Talaga ang mga Ministro ng Diyos?
“SA PINAKAMASELANG na sandaling ito aming ipinapayo sa ating mga sundalong Katoliko na gawin ang kanilang tungkulin bilang pagsunod sa utos ng Fuehrer [si Hitler].”—Ang mga obispong Katoliko ng Alemanya, ayon sa pagkasipi sa The New York Times, Setyembre 25, 1939.
“Alam mo, padre, sa ating eroplano isa sa ating tripulante ang Katoliko, at iyong binabasbasan siya bago tayo humayo upang maghulog ng bomba sa Alemanya. Ngayon, ang relihiyong Katoliko ring iyan sa Alemanya ay bumabasbas ng isang tripulanteng Katoliko ng isang Alemang bombardero na nagpupunta rito at nagwawasak ng ating mga siyudad. Kaya’t ang tanong ko ay, ‘Nasa kanino bang panig ang Diyos?’” Ganiyan ang tanong ng isang opisyal Britano sa himpapawid, si David Walker, sa isang pakikipag-usap sa isang paring Katoliko noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II.
Ibang-iba rito, libu-libong mga Saksi ni Jehova ang gumugol ng mga taon sa kakila-kilabot na mga piitang kampo ng mga Nazi dahilan sa pagtangging mag-heil Hitler o makipaglaban na kasama ng kaniyang mga hukbong sandatahan. Sa mga bansang Alyado, maraming Saksi ang ibinilanggo dahil sa pagtangging magsundalo.
Sino ba ang mga tunay na ministro ng Diyos, at anong mga kahilingan ang kailangan nilang matugunan?
Paniniwala sa Bibliya
Ang isang tunay na ministro ng Diyos ay maliwanag na kailangang may matatag na paniniwala sa Bibliya. Dapat din na siya’y may sapat na kaalaman dito upang maituro ito sa iba. Subalit marami sa mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan ang hindi nakatutupad ng mga pangunahing kahilingang ito. Isang doktor ng medisina sa Timog Aprika ang nagsabi na ang mga ministro ng Iglesiya Anglicano, na dating kinaaaniban niya, ay “bahagyang-bahagyang gumamit” ng Bibliya, at ang mga sermon ay waring personal na opinyon ng predikador. Inireklamo rin niya ang mga miyembro ng klero, tulad baga ni Arsobispo Tutu ng Cape Town, dahilan sa pakikialam sa pulitika.
Ibang-iba naman, ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay matatag ang paniniwala sa Bibliya at ang malaking bahagi ng kanilang panahon ay ginugugol sa kanilang pag-aaral nito at pagpapaliwanag nito sa iba. Ang kanilang interes sa Bibliya at ang pag-ibig nila rito ay totoong matindi kung kaya’t sila’y nakagawa ng isang lubusang sinaliksik at wastung-wastong salin na tinatawag na New World Translation of the Holy Scriptures, batay sa mapanghahawakang mga manuskrito ng Bibliya sa Hebreo, Aramiko, at Griego. Ang Bibliyang ito sa Reference Edition nito ay may libu-libong mga talababâ at kaugnay na mga talatang reperensiya na tutulong sa mga mambabasa upang lalung higit na maunawaan ang Bibliya at maipaliwanag nila sa iba. Isa pa, ang mahalagang saling ito ng Bibliya ay naisalin na, ang kabuuan o ang isang bahagi, sa 10 mga iba pang wika, at angaw-angaw na mga sipi ang naipamahagi na sa buong daigdig.
Ang mga Tunay na Ministro at ang Moralidad
Mahigpit na kinukondena ng Bibliya ang lahat ng anyo ng seksuwal na kasalanan—kasali na ang pangangalunya, pakikiapid, homoseksuwalidad, at pagsiping sa hayop. (Levitico 20:10-15; Roma 1:26, 27; Galacia 5:19) Ang tunay na mga ministrong Kristiyano ay buong pusong nagtataguyod ng mga pamantayang-asal ng Diyos. Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay sumusunod na lubusan sa kautusan ng Diyos. Kanilang itinitiwalag yaong mga taong di-nangagsisisi sa nagawang gayung mga pagkakasala, samantalang kanilang pinagpapakitaan naman ng awa ang mga taong tunay na nagsisisi sa kanilang nagawang imoralidad at pagkatapos ay nagtutuwid ng kanilang buhay.—1 Corinto 5:11-13; 2 Corinto 2:5-8.
Sa Timog Aprika, ang Anglikanong Dekano ng Cape Town ay iniulat na nagsabi: “Ang iba sa homo-seksong relasyon ay mas magaling pa kaysa sa kanilang katumbas na mga may magkakaibang sekso at dahilan sa uri ng pag-ibig, natitiyak ko na kanilang lalong pinaliligaya ang Diyos.” Ang kabaligtaran ang totoo. Kinasusuklaman ng Diyos ang gayung mga relasyon.—1 Corinto 6:9, 10.
Ang mga Tunay na Ministro ay Nagtuturo ng Katotohanang mga Doktrina
Ang mga tunay na ministro ay nagtuturo ng mga doktrina na nakasalig nang matatag sa Salita ng Diyos. Ang mga di-tunay na ministro ay nagtuturo ng mga doktrina na walang alalay o saligan sa Bibliya. Halimbawa, isaalang-alang ang doktrina ng Trinidad. Gaya ng sinasabi ng The Encyclopœdia Britannica (ika-15 Edisyon): “Ang salitang Trinidad o ang malinaw na pagpapahayag ng tungkol sa doktrina ay hindi makikita sa Bagong Tipan, at walang layon si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod na salungatin ang Shema sa Matandang Tipan: ‘Dinggin mo, Oh Israel: Ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon’ (Deut. 6:4).” Ang Trinidad ay hindi naging opisyal na turo ng simbahan kundi noon lamang ikaapat na siglo C.E. Sa katunayan, ang isang dahilan ay ang prestihiyo at ang impluwensiya ng Romanong emperador Constantino kung kaya’t ang huwad na doktrina ay sinimulang buuin sa Konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E.
Ang turo ng Trinidad ay umakay sa maraming miyembro ng simbahan, na mga tapat na naghahanap ng katotohanan, upang mawalan ng tiwala sa kanilang mga ministro. Ganiyan ang karanasan ng isang kabataang babae sa Timog Aprika na hindi makapaniwalang ang kaniyang relihiyon, ang Dutch Reformed Church, ay nagtuturo ng gayung nakalilitong paniniwala na gaya ng Trinidad hanggang sa isa sa mga Saksi ni Jehova ay magpakita sa kaniya ng isang dokumentadong patotoo na gayon nga ang kaso! Isang may edad nang retiradong abogado, tagaroon din sa Timog Aprika, ang nagbitiw sa pagiging miyembro ng kaniyang iglesiya sapagkat “sari-saring totoong palasak na mga doktrina na itinuturo sa mga simbahan ang maling-mali at nakapagliligaw.”
Ang isa pang walang katotohanang turo ng Sangkakristiyanuhan ay yaong sa apoy ng impiyerno. Bagaman ito’y hindi na malaganap na ipinangangaral o pinaniniwalaan di-gaya ng dati, ito pa rin ang opisyal na turo ng karamihan ng mga relihiyon. Ang mga ito’y nag-aangkin na sa kamatayan ang katawan ay namamatay ngunit ang kaluluwa, palibhasa’y walang-kamatayan, ay patuloy na nabubuhay, at yaong mga nabuhay na may kabalakyutan ay pinahihirapan nang walang hanggan sa isang nagniningas na apoy. Ikaw ba’y naniniwala riyan? Lalung mahalaga, iyan ba ay katotohanan? Hindi, kung ayon sa Bibliya, na nagsasabi: “Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, 20) Isa pa, ang kinasihang si apostol Pablo ay sumulat: “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan”—hindi impiyernong-apoy!—Roma 6:23.
Ating isaalang-alang ngayon kung anong mga sukatán ang dapat na matugunan ng mga tunay na Kristiyano.
Mga Kahilingan ng Kasulatan sa mga Tunay na Ministro
Ang salitang tagalog na “ministro” ay salin ng salitang Griegong “di·aʹko·nos,” na hindi tiyak kung saan nanggaling. Ito’y tumutukoy sa isa na nagsasagawa ng utos ng iba, lalo na ng isang panginoon. Sa gayon, ang salita sa Bibliya ay bumabanggit sa isang lingkod. Ang pagkagamit sa salitang iyan sa Bibliya ay tumutukoy sa isa na hindi naglulubay ng mapakumbabang puspusang paglilingkod alang-alang sa iba. Idiniin ni Jesus ang pangangailangan sa gayung mapakumbabang paglilingkod, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na halimbawa.
Isang araw, nang malapit nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos, ang ina ni Santiago at ni Juan ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Ipag-utos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, isa sa kanan mo at isa sa kaliwa mo, sa iyong kaharian.” Ang mga ibang alagad ay nangagalit dahilan dito. Nang magkagayon ay may kabaitang tinuruan sila ni Jesus ng isang mahalagang aral. Kaniyang tinipon silang sama-sama at sinabi: “Sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay kailangang maging ministro ninyo, at sinuman sa inyo na ibig mauna ay kailangang maging alipin ninyo.”—Mateo 20:20, 21, 24-27.
Sa isa sa kaniyang napasulat at nakapagpapatibay na mga pahayag pangmadla, si Jesus ay nagbabala sa mga tagapakinig tungkol sa mga eskriba at sa mga Fariseo. Kaniya ring tinukoy ang ilan sa kapuna-punang mga kamalian ng mga huwad, na mga mapagpaimbabaw na ministrong ito. Kaniyang inilarawan sila na napakamapagmataas at mapaghangad at laging ibig na mapatanyag.—Mateo 23:1-7.
Sa ngayon, maraming mga klerigo, lalo na yaong mga pari ng Iglesiya Katolika at, sa mga ilang kaso, mga Anglicano, ang nag-uutos na sila’y tawaging “Padre.” Halimbawa, isang pari sa Iglesiya ng Inglatiera sa Mozambique, nang tanungin mga ilang taon na ngayon ng isa sa mga Saksi ni Jehova tungkol sa kung bakit niya ginamit ang titulong “Padre,” ay tumugon: “Ipinagmamalaki ko iyan!” At, mangyari pa kilalang-kilala na ang papa ng Roma ay natutuwang siya’y tawagin na “Amang Banal”—sa kabila ng tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “huwag ninyong tatawagin ang sinuman sa lupa na inyong ama, yamang kayo’y may iisang Ama, at siya’y nasa langit.” Isinusog pa ni Jesus ang mahalagang simulaing ito: “Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibaba.”—Mateo 23:9-12, The Jerusalem Bible.
Ang mga Babae ba’y Dapat Ordinahan?
Kamakailan, dumami ang bilang ng mga babaing inuordinahan bilang mga miyembro ng klero. Subalit si Timoteo ay tinagubilinan ni Pablo: “Hindi ko pinahihintulutang ang isang babae ay magturo, o gumamit ng kapamahalaan sa isang lalaki.” (1 Timoteo 2:12) Gayumpaman, ito’y hindi nangangahulugan na ang isang babaing Kristiyano’y hindi makapagtuturo sa kaniyang mga anak o makapagtuturo sa mga tao sa madla, kundi siya’y di-dapat magturo sa kongregasyon.
Kung gayon, ang mga babae ba ay hindi dapat magsalita sa mga pagtitipong Kristiyano? Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aaral ng magasing ito, Ang Bantayan, sa isa sa kanilang linggu-linggong mga pagpupulong, na kung saan sila’y gumagamit ng mga artikulo na may kaukulang mga tanong sa mga parapo. Ang ministrong konduktor sa pag-aaral, laging isang kapatid na lalaki, ay tumatawag buhat sa mga miyembro ng kongregasyon, kasali na ang mga kapatid na babae, upang sumagot sa mga tanong na ito. Subalit ang mga babaing ito ay hindi naman nagtuturo. Wala silang ginagawa kundi ipinahahayag lamang sa kanilang sariling mga salita ang mga kaisipan sa artikulo. Maging ang mga bata man ay hinihimok na makibahagi sa pagbibigay ng mga sagot, at kadalasan ang kanilang mga komento, na karaniwan nang maikli at simple, ay mistulang isang pako na natamaan mo ng pukpok sa ulo—wika nga.
Ganito rin ang sabi ni Pablo tungkol sa mga babae: “Kung, samakatuwid, ibig nilang mangatuto ng anuman, tanungin nila ang kani-kanilang asawa sa tahanan, sapagkat kahiya-hiya ang isang babae na magsalita sa isang kongregasyon.” (1 Corinto 14:35) Ito’y nangangahulugan na kung ang mga kapatid na babae ay hindi nakauunawa o kung sila’y nababalisa dahil sa mga pangungusap na kanilang nabasa o binigkas sa panahon ng mga pulong, sila’y hindi dapat magbangon ng mga punto na maaaring pagmulan ng pagtatalo sa harap ng kongregasyon. Bagkus, sila’y dapat magtanong sa kani-kanilang asawang lalaki upang maliwanagan nila ang mga bagay-bagay pagka sila’y nasa tahanan.
Gayunman, may mga pagkakataon na ang mga babaing Kristiyano ay maaaring mangaral sa mga lalaki. Ang mga Saksi ni Jehova ay gumugugol ng maraming panahon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa bahay-bahay. Pagka ang isang mangangaral na babae ay napaharap ng pakikipag-usap sa isang lalaki siya ba’y dapat na humingi ng paumanhin upang makailag sa pakikipag-usap na iyon? Siyempre pa’y hindi. Sa ganitong pagkakataon, siya’y hindi nangangaral sa isang kongregasyon kundi sa isang tao na marahil ay isang di-sumasampalataya. Sa ganiyan ding paraan, ang isang babaing ministro ay maaaring makipag-aral ng Bibliya sa isang pamilyang di-Kristiyano kahit na kung ang ama ay naroroon.
Si Jesu-Kristo—Isang Maningning na Halimbawa
Si Jesus ay isang maningning na halimbawa na makabubuting pagsumikapan nating tularan! Siya ang pinakamagaling na guro, ang pinakamahusay na mangangaral, ang pinakamasipag na manggagawa, at ang pinakamaibiging tagapayo na nabuhay dito sa lupa magpakailanman. Ang pagsunod sa kaniyang mga yapak ay isang napakalaking pribilehiyo. Sinisikap mo bang gawin iyan?
Angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova ang gumagawa ng pinakamagaling na magagawa nila upang tularan siya, bagaman sila’y di-sakdal. Ang kaniyang mga pamamaraan ay ibang-iba kaysa sa pamamaraan ng karamihan ng mga klerigo sa ngayon. Hindi siya nagpatunog ng mga kampana ng simbahan at naghintay na ang mga tao ang lumapit sa kaniya, bagaman marami ang kusang naglapitan. Sa halip, siya ang naparoon sa mga tao at kaniyang tinuruan sila sa kani-kanilang tahanan, sa mga pook pangmadla, sa mga bundok, at sa mga baybayin ng Dagat ng Galilea. Kung minsan ay nagpapahayag siya sa mga grupong umaabot sa libu-libo, gaya ng inilalarawan sa ibaba.—Mateo 9:35; 13:36; Lucas 8:1.
Pagtulong sa Dukha, sa Maysakit, at sa mga May-edad
Ilan sa mga ito ang makikita natin sa ngayon? Daan-daang milyon. At ang bilang nila ay mabilis na nadaragdagan habang ang mga kalagayan sa daigdig ay mabilis na sumasamâ nang sumasamâ at ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay palapit nang palapit sa ganap na kawakasan sa digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:16) Ang natural na mga kapahamakan, taggutom, at mga salot ay lalo pang nagdaragdag ng kapinsalaan at pagdurusa. Ang mga sinaunang Kristiyano ay kinailangan ding humarap sa ganiyang mga suliranin. Humigit-kumulang noong 46 C.E., nang si Claudio ay emperador ng Roma, nagkaroon ng malaganap na taggutom. Kaya, ano ang ginawa ng mga alagad? Sila, “ayon sa kaya ng bawat isa, ay nagpadala ng saklolo sa mga kapatid na nananahan sa Judea.”—Gawa 11:27-30.
Sa modernong panahon, malimit na ang mga Saksi ni Jehova ay sumasaklolo sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga naghihirap o sa mga nasa pangangailangan. Kamakailan, nang ang Mozambique ay salantain ng giyera sibil—anupa’t ang resulta’y kakila-kilabot na mga kakapusan sa pagkain, pananamit, mga gamot, at iba pang mga pangangailangan—ang mga Saksi ni Jehova sa karatig na Timog Aprika ay sumaklolo sa kanilang mga kapatid na nasa paghihirap. Sila’y nagtipon ng maraming pagkain, damit, at iba pang mga bagay-bagay at ipinadala iyon sa Maputo, ang kabiserang lunsod, sakay ng malalaking trak.
Katuparan ng Hula sa Bibliya
Oo, ang mga tunay na ministro ng Diyos sa ngayon ay may kagila-gilalas na pribilehiyong makibahagi sa katuparan ng mga hula sa Bibliya. Sa papaano? Minsan, nang tanungin ng mga alagad si Jesus: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” siya’y tumugon na sa isang panahon ng mga digmaang pandaigdig, taggutom, lindol, at katampalasanan, “ang mabuting balitang ito ng Kaharian [ay] ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:3, 14) Si Pablo ay nagbigay ng halimbawa ng tunay na ministro sa pamamagitan ng pangangaral “sa bahay-bahay.”—Gawa 20:20.
Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig sa kanilang sigasig sa gawaing pangangaral na ito. Marahil sila’y paminsan-minsan nakadadalaw sa inyong tahanan. Ikaw ba’y nakinig na mainam sa kanila? Kung hindi, bakit hindi mo gawin iyan pagka sila’y dumalaw-muli? Baka ikaw ay sumang-ayong namangha ka nga!
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Batay sa larawan na kuha ng Hukbo ng E.U.