Naglalaan si Jehova ng Kaaliwan sa Lahat ng Ating Kapighatian
“Ang Diyos ng buong kaaliwan [ang] umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.”—2 COR. 1:3, 4.
1, 2. Paano tayo inaaliw ni Jehova sa ating mga kapighatian? At ano ang tinitiyak sa atin ng kaniyang Salita?
KINAUSAP ng binatang si Eduardo si Stephen, isang elder na may asawa at nakatatanda sa kaniya. Pinag-iisipan ni Eduardo ang nakaulat sa 1 Corinto 7:28: “Ang mga [nag-aasawa] ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” Itinanong niya, “Ano ang ‘kapighatiang’ iyon, at paano ko iyon mahaharap kung mag-aasawa ako?” Bago sumagot si Stephen, sinabi niya kay Eduardo na pag-isipan ang isa pang bagay na isinulat ni apostol Pablo, na si Jehova “ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian.”—2 Cor. 1:3, 4.
2 Talagang si Jehova ay isang maibiging Ama na umaaliw sa atin kapag may mga problema tayo. Baka naranasan mo na rin ang pag-alalay at patnubay ng Diyos, kadalasan sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Makatitiyak tayo na hangad niya ang pinakamabuti para sa atin, gaya rin sa mga lingkod niya noon.—Basahin ang Jeremias 29:11, 12.
3. Anong mga tanong ang sasagutin natin?
3 Siyempre pa, mas madaling harapin ang mga problema o kapighatian kung alam natin ang dahilan ng mga ito. Totoo rin iyan pagdating sa kapighatiang kaakibat ng buhay may-asawa o buhay pampamilya. Kung gayon, ano ang ilang sanhi ng ‘kapighatian sa laman’ na binanggit ni Pablo? Anong mga halimbawa sa Bibliya at sa panahon natin ang tutulong para magkaroon tayo ng kaaliwan at makapagbata?
ANG ‘KAPIGHATIAN SA LAMAN’
4, 5. Ano ang ilang sanhi ng ‘kapighatian sa laman’?
4 Sinabi ng Diyos noong pasimula ng kasaysayan ng tao: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Gen. 2:24) Sinabi iyan ni Jehova nang ikasal niya ang unang mag-asawa. Pero dahil lahat tayo ngayon ay hindi sakdal, ang mga nag-aasawa at bumubuo ng pamilya ay maaaring magkaproblema. (Roma 3:23) Halimbawa, ang babae na dating nasa ilalim ng awtoridad ng kaniyang mga magulang ay kailangan na ngayong magpasakop sa awtoridad ng kaniyang asawa. Ang Diyos mismo ang nagbigay ng awtoridad sa lalaki na maging ulo ng kaniyang asawa. (1 Cor. 11:3) Hindi ito madali para sa ilang bagong kasal. Ayon sa Salita ng Diyos, dapat nang kilalanin ng babae na ang kaniyang asawa, hindi ang kaniyang mga magulang, ang mangunguna sa kaniya. Baka magkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga magbiyenan, na magiging sanhi ng kapighatian para sa mga bagong kasal.
5 Nadaragdagan din ang kabalisahan kapag sinabi ng misis sa kaniyang mister, “Buntis ako.” Kahit masaya, baka nag-aalala sila sa posibleng mga komplikasyon sa panahon ng pagbubuntis o pagkatapos manganak. Alam din nilang madaragdagan ang kanilang gastusin. Kapag naisilang na ang sanggol, marami pang adjustment ang kailangang gawin ng mag-asawa. Baka mapokus ang panahon at atensiyon ng ina sa pag-aalaga sa kanilang anak. Nadarama ng maraming asawang lalaki na parang napapabayaan na sila dahil okupado ang kanilang misis sa pag-aalaga sa sanggol. Nadaragdagan din ang pananagutan ng bagong ama dahil may bagong miyembro ng pamilya na kailangan niyang paglaanan at pangalagaan.
6-8. Ano ang maaaring madama ng ilang mag-asawang hindi magkaanak?
6 Ibang kapighatian naman ang nararanasan ng ilang mag-asawa. Kahit gustong-gusto nila, hindi sila magkaanak. Baka maghirap ang kalooban ng asawang babae kung hindi siya makapagdalang-tao. Bagaman hindi solusyon sa lahat ng problema ang pag-aasawa at pag-aanak, kung hindi naman magkaanak ang mag-asawa kahit gusto nila, isa rin itong ‘kapighatian sa laman.’ (Kaw. 13:12) Noong panahon ng Bibliya, isang kahihiyan ang pagiging baog. Nagbulalas ng sama ng loob si Raquel, asawa ni Jacob, nang makita niyang nagkakaanak ang kaniyang ate. (Gen. 30:1, 2) Sa ilang lupain, karaniwan ang malalaking pamilya. Ang mga misyonerong naglilingkod sa mga lupaing iyon ay madalas tanungin kung bakit wala silang anak. Sa kabila ng makatuwiran at mataktikang paliwanag, baka sabihin pa rin sa kanila, “Hayaan n’yo, ipapanalangin namin kayo!”
7 Isang sister naman sa England ang gustong-gustong magkaanak, pero hindi ito nangyari. Pagkatapos, nag-menopause siya. Inamin niya na nanlumo siya dahil alam niyang hindi na siya magkakaanak sa sistemang ito. Nagpasiya sila ng mister niya na mag-ampon. Pero sinabi niya: “Nalungkot pa rin ako. Iba pa rin ang magsilang ng sariling anak kaysa sa mag-ampon.”
8 Sinasabi ng Bibliya na ang babaeng Kristiyano ay ‘maiingatang ligtas sa pamamagitan ng pag-aanak.’ (1 Tim. 2:15) Ibig bang sabihin, kailangan siyang magkaanak para matamo ang buhay na walang hanggan? Hindi naman. Ipinakikita lang nito na kung ang isang babae ay may inaalagaang mga anak, bukod pa sa ibang gawain sa tahanan, maiiwasan niya ang pagtsitsismis at panghihimasok sa buhay-buhay ng iba. (1 Tim. 5:13) Pero makararanas pa rin siya ng mga kapighatian sa pag-aasawa at buhay pampamilya.
9. Ano pang kapighatian ang maaaring maranasan ng ilang may asawa?
9 Kapag pinag-uusapan ang mga kapighatiang kaakibat ng pag-aasawa, may isa pa na baka hindi natin agad naiisip—ang pagkamatay ng mahal sa buhay. Oo, marami ang nakaranas ng matinding dagok nang mamatay ang kanilang minamahal na kabiyak. Isa itong pagsubok na hindi nila inaasahan. Pero matibay ang paniniwala ng mga Kristiyano sa pangako ni Jesus na pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Paano makatutulong ang pag-asang ito? Malaking kaaliwan ito sa asawang namatayan. Sa pamamagitan ng Kaniyang Salita, inaalalayan at inaaliw ng ating maibiging Ama ang mga dumaranas ng kapighatian. Talakayin naman natin kung paano nakadama ng kaaliwan mula kay Jehova ang ilang lingkod niya at kung paano ito nakatulong sa kanila.
KAALIWAN SA ATING MGA KAPIGHATIAN
10. Paano nakasumpong ng kaaliwan si Hana? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
10 Naiibang kapighatian naman ang naranasan ni Hana, ang minamahal na asawa ni Elkana. Baog siya samantalang nagkaroon ng maraming anak ang isa pang asawa ni Elkana, si Penina. (Basahin ang 1 Samuel 1:4-7.) “Taun-taon,” tinutuya ni Penina si Hana. Napakasakit nito para kay Hana. Humingi siya ng tulong kay Jehova sa panalangin. Sa katunayan, nanalangin siya “nang matagal sa harap ni Jehova.” Umasa ba siya na sasagutin ni Jehova ang kahilingan niya? Posible. Pagkatapos nito, siya ay “hindi na nabahala.” (1 Sam. 1:12, 17, 18) Nagtiwala siya na bibigyan siya ni Jehova ng anak, at kung hindi man, magbibigay Siya ng kaaliwan sa ibang paraan.
11. Paano magsisilbing kaaliwan sa atin ang panalangin?
11 Hangga’t hindi tayo sakdal at nasa sistemang ito na kontrolado ni Satanas, magpapatuloy ang mga pagsubok at kapighatian. (1 Juan 5:19) Mabuti na lang, si Jehova ang “Diyos ng buong kaaliwan”! Ang isang paraan para matulungan tayo sa ating mga pagsubok o kapighatian ay sa pamamagitan ng panalangin. Ibinuhos ni Hana kay Jehova ang laman ng kaniyang puso. Kaya kapag dumaranas ng kapighatian, hindi lang natin dapat banggitin kay Jehova ang ating nadarama. Kailangan nating magsumamo sa kaniya, oo, ibuhos ang ating niloloob sa pamamagitan ng marubdob na pananalangin.—Fil. 4:6, 7.
12. Ano ang nakatulong sa biyudang si Ana na makadama ng kagalakan sa kabila ng mga pagsubok?
12 Baka parang may kulang sa buhay natin dahil wala tayong anak o dahil namatayan tayo ng mahal sa buhay. Pero makasusumpong pa rin tayo ng kaaliwan. Noong panahon ni Jesus, ang propetisang si Ana ay nabiyuda pagkaraan lang ng pitong-taóng pagsasama nila ng kaniyang asawa. Hindi sinasabi ng Bibliya na nagkaroon siya ng anak. Pero sa edad na 84, ano ang regular na ginagawa ni Ana? Ayon sa Lucas 2:37, “hindi [siya] kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” Oo, nakadama si Ana ng kaaliwan at kagalakan sa pagsamba kay Jehova.
13. Kapag binigo tayo ng mga kapamilya, paano makapaglalaan ng kaaliwan ang tunay na mga kaibigan?
13 Magkakaroon tayo ng tunay na mga kaibigan kung makikipagsamahan tayo sa ating mga kapatid. (Kaw. 18:24) Bilang halimbawa, limang taon lang si Paula nang iwan ng nanay niya ang katotohanan. Lungkot na lungkot si Paula, at hindi ito naging madali para sa kaniya. Pero nang maglaon, napatibay siya ng payunir na si Ann, na nagpakita ng taimtim na personal na interes sa kaniyang espirituwalidad. “Kahit hindi ko kaano-ano si Ann, napahalagahan ko ang kaniyang maibiging pagmamalasakit,” ang sabi ni Paula. “Nakatulong ito sa akin na patuloy na maglingkod kay Jehova.” Tapat pa ring naglilingkod si Paula hanggang ngayon. At tuwang-tuwa siya dahil kasama na niyang naglilingkod ang kaniyang nanay. Masaya rin si Ann, dahil siya ang naging ina ni Paula sa espirituwal.
14. Anong mga pagpapala ang nararanasan ng mga naglalaan ng kaaliwan sa iba?
14 Kapag gumagawa tayo ng mabubuting bagay para sa iba, nakakalimutan natin ang sarili nating problema. Halimbawa, alam ng mga sister, dalaga man o may asawa, na nagdudulot ng kaligayahan ang pagbabahagi ng mabuting balita. Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, pinararangalan nila siya sa paggawa ng kaniyang kalooban. Itinuturing pa nga ng ilan na therapy ang pakikibahagi nila sa ministeryo. Oo, nakatutulong tayo sa pagkakaisa ng kongregasyon kung magmamalasakit tayo sa kapakanan ng iba—mga tao man sa ating teritoryo o mga kapatid sa kongregasyon. (Fil. 2:4) Magandang halimbawa rito si apostol Pablo. Gaya ng “isang nagpapasusong ina,” nagmalasakit siya sa mga kapatid sa kongregasyon ng Tesalonica; naging espirituwal na ama rin siya sa kanila.—Basahin ang 1 Tesalonica 2:7, 11, 12.
KAALIWAN SA PAMILYA
15. Sino ang may pangunahing pananagutan na magturo ng katotohanan sa mga bata?
15 Paano tayo makapaglalaan ng kaaliwan sa mga pamilya sa kongregasyon? Kung minsan, nagpapatulong ang mga baguhan sa may-gulang na mga kapatid para turuan ang kanilang mga anak ng katotohanan. Baka hilingin pa nga nila sa mga ito na magdaos ng Bible study sa kanilang mga anak. Ayon sa Kasulatan, ang mga magulang ang may pangunahing pananagutan na magturo at magsanay sa kanilang mga anak. (Kaw. 23:22; Efe. 6:1-4) Sa ilang kaso, kailangan nila ang tulong ng iba, at pinahahalagahan nila ito. Pero hindi nito inaalis ang pananagutan ng mga magulang. Mahalaga ang regular na komunikasyon sa loob ng pamilya.
16. Ano ang dapat tandaan kapag tumutulong sa mga bata?
16 Kapag ipinasiya ng isang magulang na ipa-study sa iba ang kaniyang mga anak, hindi dapat agawin ng kapatid na iyon ang papel ng magulang. May mga pagkakataon na hinihilingan ang isang Saksi na magdaos ng Bible study sa mga bata na ang mga magulang ay hindi interesado sa katotohanan. Kailangang tandaan ng Saksi na kahit naglalaan siya ng espirituwal na tulong, hindi pa rin siya ang magulang ng bata. Katalinuhan ding idaos ang Bible study sa tahanan ng mga bata, habang presente ang mga magulang o ang isa pang may-gulang na Saksi, o kaya naman ay sa isang angkop na pampublikong lugar. Sa gayon, maiiwasan ang anumang maling impresyon. Umaasa tayo na balang-araw, gagampanan na ng mga magulang ang kanilang bigay-Diyos na pananagutang pangalagaan ang espirituwalidad ng kanilang mga anak.
17. Paano makapaglalaan ng kaaliwan sa pamilya ang mga anak?
17 Ang mga batang natutong umibig sa tunay na Diyos at sumusunod sa kaniya ay maaaring pagmulan ng kaaliwan sa pamilya. Magagawa nila ito kung igagalang nila ang kanilang mga magulang at tutulong sila sa materyal na paraan. Makatutulong din sila para patibayin ang espirituwalidad ng pamilya. Si Lamec, inapo ni Set, ay isang mananamba ni Jehova na nabuhay bago ang Baha. Sinabi ni Lamec tungkol sa anak niyang si Noe: “[Siya] ay magdadala sa atin ng kaaliwan sa ating gawa at sa kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.” Natupad ang hulang iyan nang maalis ang sumpa sa lupa. (Gen. 5:29; 8:21) Sa ngayon, ang mga anak na matapat kay Jehova ay maaaring pagmulan ng kaaliwan sa pamilya. Matutulungan nila ang kanilang mga kapamilya na makayanan ang mga pagsubok ngayon at makaligtas sa isang pagkapuksang nakahihigit sa Baha.
18. Ano ang tutulong sa atin na mabata ang mga kapighatian o pagsubok?
18 Milyon-milyon ang nakasusumpong ng kaaliwan sa lahat ng kanilang kapighatian sa tulong ng panalangin, pagbubulay-bulay sa mga halimbawa sa Bibliya, at pakikipagsamahan sa bayan ni Jehova. (Basahin ang Awit 145:18, 19.) Alam nating si Jehova ang Pinagmumulan ng namamalaging kaaliwan. Tutulong ito sa atin na lakas-loob na batahin ang anumang kapighatian—ngayon at sa hinaharap.