Pagpapakita ng Pag-ibig at Paggalang Bilang Isang Asawang Babae
“Dapat taimtim na igalang ng babae ang kaniyang asawa.”—EFESO 5:33.
1. Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa modernong katayuan ng pag-aasawa?
SA MODERNONG panahong ito ng pagsasarili at “kalayaan,” ang tradisyonal na pagkamalas sa pag-aasawa ay dumanas ng mga ilang matitinding dagok. Angaw-angaw na mga pamilya ang gumagana na walang isang ama o isang ina. Ang pagsasama ng di-kasal ang kinaugalian ng marami. Subalit ito ba’y humantong sa lalong malaking kapanatagan para sa babae at ina? Ito ba’y nagbigay ng katatagan sa mga anak? At ito bang pagguhong ito ng mga bagay na minamahalaga ay umakay tungo sa lalong malaking paggalang sa kaayusan ng pamilya? Sa kabaligtaran, ano ba ang inirerekomenda ng Salita ng Diyos?
2. Bakit hindi mabuting si Adan ay patuloy na mag-isa?
2 Nang ipahayag ng Diyos ang kaniyang hangarin na lumikha ng unang babae, sinabi niya: “Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa.” At pagkatapos na magmasid sa pami-pamilyang mga hayop—mga lalaki at mga babae na may kani-kaniyang anak—ang damdamin ni Adan ay tiyak na umayon sa pangungusap na iyan. Bagaman sakdal at nasa kasiya-siyang paraiso, si Adan ay walang makasamang kauri niya. Siya’y pinagkalooban ng talino at kakayahang magsalita, subalit walang ibang nilalang na kauri niya at maaaring makabahagi sa mga kaloob na iyon. Gayunman, hindi magtatagal at magiging iba ang katayuan, sapagkat sinabi ng Diyos: “Ako’y gagawa ng isang katulong para sa kaniya, bilang kapupunan niya.”—Genesis 2:18-20.
3. (a) Paanong si Eva ay “kauri” ni Adan? (b) Ano ang ibig sabihin na ang isang lalaki’y “pipisan sa kaniyang asawa?”
3 Nilalang ni Jehova ang babaing si Eva sa pamamagitan ng paggamit sa isa sa mga tadyang ni Adan bilang pinaka-saligan. Samakatuwid, si Eva ay “kauri” ni Adan. Siya’y hindi isang nakabababang hayop kundi “buto ng [kaniyang] mga buto at laman ng [kaniyang] laman.” Kaya naman, ang kinasihang ulat ay nagsasabi: “Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang ama niya at ang ina niya at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” (Genesis 2:23, 24) Ang salitang Hebreo na isinaling “pipisan” ay literal na nangangahulugang “kumapit, mangapit, lalo na nang buong higpit, tulad sa kung idinikit iyon ng kola.” (Gesenius’ Hebrew and Chaldee Lexicon to the Old Testament Scriptures) Ito’y tunay na naghahatid ng ideya na ang mag-asawa’y mga magkasamahang di-mapaghihiwalay. Isang iskolar naman ang nagsasabi na “ito’y tumutukoy sa higit pa sa seksuwal na pagkakaisa ng isang lalaki at ng kaniyang asawa at saklaw nito ang buong relasyon.” Samakatuwid, ang pag-aasawa ay hindi isang lumilipas na kagustuhan. Ito’y isang tumatagal na relasyon. At kung saan may respeto at dangal na namamagitan sa isa’t isa, ang pagkakaisang iyon, bagaman marahil maigting paminsan-minsan, ay dapat na walang pagkasira.—Mateo 19:3-9.
4. Sa anong diwa ang babae’y katulong at kapupunan ng lalaki?
4 Sinabi ng Diyos na ang babae’y magiging katulong at kapupunan ng lalaki. Yamang sila’y ginawa ayon sa wangis ng Diyos, kaniyang aasahan na sila’y makikitaan ng kaniyang mga katangian—katarungan, pag-ibig, karunungan, at kapangyarihan—sa kanilang relasyon sa isa’t isa. Samakatuwid, si Eva ay magiging “isang kapupunan,” hindi isang kakompetensiya. Ang pamilya’y hindi magiging gaya ng isang barkong may dalawang magkakompetensiyang kapitan, kundi ang pagkaulo ay gagampanan ni Adan.—1 Corinto 11:3; Efeso 5:22-24; 1 Timoteo 2:12, 13.
5. Ano ang trato ng maraming lalaki sa mga babae, at ito ba’y sinasang-ayunan ng Diyos?
5 Gayunman, dahil sa paghihimagsik at pagkakasala ng unang mag-asawa sa maibiging pagkaulo ng Diyos isang naiibang tanawin ang naging resulta may kaugnayan sa pagbuo ng kanilang pamilya at ng lahat ng pami-pamilya sa hinaharap. Taglay ang patiunang kaalaman sa resulta ng kanilang pagkakasala at sa epekto nito sa sangkatauhan, sinabi ni Jehova kay Eva: “Labis na pananabikan mo ang iyong asawa, at siya’y magiging dominante sa iyo.” (Genesis 3:16) Sa kasamaang-palad, sa nakalipas na mga siglo maraming lalaki ang naging dominante sa mga babae sa mapaghari-hariang paraan. Ang mga babae ay hinamak-hamak at pinababa ang uri sa maraming paraan hanggang sa ngayon sa buong daigdig. Gayunman, gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay hindi nagbibigay ng dahilan para sa paghahari-harian ng lalaki. Sa kabilang panig, idiniriin nito ang halaga ng taimtim na paggalang.
Taimtim na Paggalang—Isang Hamon
6, 7. (a) Paanong ang di-sumasampalatayang mga asawang lalaki ay maaakay sa katotohanan? (b) Paanong ang isang babae ay posibleng nagkukulang ng pagpapakita ng “taimtim na paggalang” sa kaniyang di-sumasampalatayang asawa?
6 Si apostol Pedro ay nagbigay ng detalyadong paglalarawan sa halimbawa ni Kristo ng pag-uugali at ipinaliwanag na si Jesus ay nag-iwan sa atin ng ‘isang modelo upang tayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.’ Pagkatapos ay sinabi ni Pedro: “Gayundin naman, kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, upang, kung ang sinuman ay hindi tumatalima sa salita, sila’y mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa nasaksihan nila ang inyong wagas na pag-uugaling may kalakip na taimtim na paggalang.” (1 Pedro 2:21–3:2) Paanong maipakikita ng mga Kristiyanong asawang babae itong “taimtim na paggalang” na ito?
7 Marami sa ating Kristiyanong kapatid na babae ang may di-sumasampalataya at kung minsa’y sumasalansang na mga asawa. Ang mga kalagayan bang ito ay nangangahulugan na ang payo ni Pedro kung gayon ay walang kabuluhan? Hindi, ang pagpapasakop at paggalang ay kinakailangan kahit na kung “ang sinuman ay hindi tumatalima sa salita.” Samakatuwid, magiging tanda ba ng taimtim na paggalang kung ang isang babaing Kristiyano na may sumasalansang na asawa’y pumunta sa Kingdom Hall at itsismis ang lalaking ito, na ibinibida sa maraming mga kapatid na babae sa kongregasyon ang lahat ng masamang trato na kaniyang tinanggap dito? Kung ginawa niya iyon sa isang kapatid na lalaki o babae sa kongregasyon, ano kaya ang itatawag doon? Tsismis, o marahil ay paninirang-puri pa nga. Samakatuwid, hindi katunayan ng taimtim na paggalang kung sisiraan ng isang babae ang kaniyang di-sumasampalatayang asawa. (1 Timoteo 3:11; 5:13) Gayunman, kailangang aminin na may malubhang problema ang mga ilang sinasalansang na mga kapatid na babae. Ano ba ang Kristiyanong lunas? Maaari silang lumapit sa matatanda at hilinging tulungan at payuhan sila.—Hebreo 13:17.
8. Ano ang maaaring sumasaisip ng isang sumasalansang na asawang lalaki?
8 Paano mataktikang mapakikitunguhan ng matatanda ang sumasalansang na asawang lalaki? Unang-una, maaari nilang malasin ang situwasyong iyon buhat sa kaniyang punto-de-vista. Ang kaniyang berbalan o pisikal na karahasan ay maaaring dahilan sa tatlong-ugnay-ugnay na epekto ng kawalang-alam na humahantong sa pangamba at pagkatapos ay sa isang marahas na pagganti. At bakit ba nangyayari ito? Kung minsan ang asawang lalaking bahagya lamang ang alam o tuluyang walang alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova maliban sa kaniyang naririnig buhat sa mga kamanggagawa niya na may maling pagkakilala. Ang alam niya’y noong bago nakipag-aral ng Bibliya ang kaniyang asawang babae baka ito’y walang ibang inaasikaso kundi siya at ang kanilang mga anak. Bagaman ngayon ito ay baka isang lalong mahusay na maybahay at ina, ang saloobin ng lalaki ay: ‘Ako’y abandonado niya tatlong beses isang linggo para dumalo sa mga pulong na iyon. Aywan ko ba kung ano ang nangyayari sa mga pulong na iyon, pero mayroong ilang mga lalaking guwapo sa bulwagang iyon, at . . . ’ Oo, ang kaniyang kawalang-alam ay maaaring umakay sa kaniya sa pagseselos at pangamba. At kung magkagayon ay kikilos siya ng pagtatanggol sa sarili. Kung sakaling nahahalatang mayroong ganitong mga saloobin, paano nga makatutulong ang matatanda?—Kawikaan 14:30; 27:4.
9. Anong mataktikang paglapit ang maaaring gamitin sa mga ibang di-sumasampalatayang asawang lalaki, at ano kaya ang magiging epekto nito?
9 Marahil isa sa matatanda ay maaaring makipagkilala nang personal sa asawang lalaki. (1 Corinto 9:19-23) Ang asawang lalaki ay baka isang dalubhasang elektrisyan, isang karpintero, o isang pintor. Baka handa siyang gamitin ang gayong kasanayan upang tumulong may kaugnayan sa isang problema sa Kingdom Hall. Sa gayong paraan ay makikita niya tuloy ang loob ng Kingdom Hall nang hindi siya inoobliga na dumalo sa isang pulong. Habang patuloy na nakikilala niya ang mga kapatid, ang kaniyang pakikitungo sa kaniyang maybahay at sa katotohanan ay baka bumuti. Pagka nakita niya ang pag-iibigan at ang espiritu ng pagtutulungan sa kongregasyon, baka pasimulan na niyang dalhin sa mga pulong ang kaniyang maybahay. Pagkatapos, habang patuloy na nagaganap ang mga bagay-bagay, baka balang araw ay darating siya sa bulwagan samantalang nagaganap ang isang pulong upang doo’y makinig sandali. Hindi magtatagal, baka humiling na siya ng isang pag-aaral sa Bibliya. Lahat na ito ay maaaring maganap at kung minsan ay nangyayari na nga. Mayroon nang libu-libong sumasampalatayang mga asawang lalaki sa ngayon, salamat na lamang sa gayong pag-ibig at taktika at sa “taimtim na paggalang” ng isang asawang babae.—Efeso 5:33.
Tinitingnang Mabuti ang Kaniyang Sambahayan
10, 11. Anong iba’t ibang pitak ng buhay ng isang mahusay na asawang babae ang inilalarawan ni Haring Lemuel? (Talakaying isa-isa.)
10 Si Haring Lemuel ay kumuha ng mabuting payo buhat sa kaniyang ina tungkol sa mga katangian ng isang ulirang asawang babae. (Kawikaan 31:1) Ang kaniyang paglalarawan ng isang masipag na asawang babae at ina sa Kawikaan 31:10-31 ay sulit na sulit na basahing maingat. Maliwanag na siya’y nagkaroon ng karanasan sa pagkakapit ng matuwid na mga simulain ng Diyos at sa pagpapakita ng taimtim na paggalang.
11 Binanggit ni Lemuel na ang “mahusay na asawang babae” ay mapagkakatiwalaan, maaasahan, at tapat. (Kaw 31 Talatang 10-12) Gumagawang masikap upang pakanin at asikasuhin ang kaniyang asawa’t mga anak. (Kaw 31 Talatang 13-19, 21, 24) Siya’y mabait at mapagkawanggawa sa mga taong may tunay na pangangailangan. (Kaw 31 Talatang 20) Sa pamamagitan ng kaniyang paggalang at magandang asal, ang mabuting pagkakilala ng iba sa kaniyang asawa ay kaniyang napasusulong pa. (Kaw 31 Talatang 23) Siya’y hindi isang walang-kabuluhang tsismosa o mapanirang palapintasin. Bagkus, ginagamit niya ang kaniyang dila upang magpatibay at magpagaling. (Kaw 31 Talatang 26) Palibhasa’y hindi siya tamad, siya’y mayroong isang malinis, at maayos na tahanan. (Kaw 31 Talatang 27) (Sa katunayan, ang tahanan ng isang Kristiyano ay dapat na isa sa pinakamalinis sa pamayanan.) Ang kaniyang asawang lalaki at mga anak ay nagpapamalas ng utang-na-loob at pinupuri siya. Ang mga hindi niya kasambahay ay nagpapahalaga rin sa kaniyang mga katangian. (Mga Kaw 31 talatang 28, 29, 31) Ang kaniyang kagandahan ay hindi panlabas lamang; ito ang kagandahan ng isang babaing may takot sa Diyos at may maka-Diyos na personalidad.—Kaw 31 Talatang 30.
Isang Tahimik at Mahinahong Espiritu
12. Ano ang “napakahalaga sa paningin ng Diyos,” at paano itinatampok ang puntong ito ng isang kawikaang Kastila?
12 Ang huling puntong ito ay inulit ni Pedro nang kaniyang ipayo sa babaing Kristiyano na huwag magbigay ng labis na pansin sa kaniyang panlabas na hitsura. Siya’y nagpayo: “Ang [inyong paggayak] sana ay ang lihim na pagkatao sa puso sa di-nasisirang kasuotan ng tahimik at mahinahong espiritu, na siyang napakahalaga sa paningin ng Diyos.” (1 Pedro 3:3, 4) Pansinin ang punto na ‘ang tahimik at mahinahong espiritu ay napakahalaga sa paningin ng Diyos.’ Samakatuwid, ang Kristiyanong asawang babae at ina na may gayong espiritu ay hindi lamang nakalulugod sa kaniyang asawa kundi, lalong mahalaga, siya’y nakalulugod sa Diyos, gaya ng tapat na mga babae noong sinaunang panahon. Ang panloob na kagandahang ito ay ipinahihiwatig din ng kasabihang Kastila: “Ang isang magandang babae ay nakalulugod sa mata; ang isang mabuting babae ay nakalulugod sa puso. Kung ang una ay isang hiyas, itong huli ay isang kayamanan.”
13. Anong kaginhawahan ang maidudulot ng isang asawang babae sa kaniyang mga anak?
13 Ang isang Kristiyanong asawang babae ay makapagdudulot ng kaginhawahan sa lahat sa kaniyang sambahayan. (Ihambing ang Mateo 11:28-30.) Samantalang namamasdan ng mga anak ang kaniyang paggalang sa kaniyang asawa, sa kanila’y mababanaag ang paggalang na iyan sa kanilang pakikitungo sa kanilang mga magulang at sa mga hindi nila kasambahay. Kaya naman, ang mga anak na Kristiyano ay magiging mababait at makonsiderasyon. At anong laking kaginhawahan pagka nagkusang-loob ang mga anak na gawin ang mga gawaing-bahay imbis na kailanganin pang sila’y hilahin upang gawin iyon! Ang kanilang pagkukusa ay nagdudulot ng kaligayahan sa tahanan, at ang ngiti ni Inay bilang pagsang-ayon ay sapat na kabayaran.
14. Ang pangangailangan ng pagdisiplina ay maaaring magharap ng anong hamon?
14 Subalit kumusta naman kung mga panahong kinakailangan ang disiplina? Tulad din ng kanilang mga magulang, ang mga anak ay nagkakamali. Kung minsan sila’y sumusuway. Paano maaapektuhan ang isang inang Kristiyano kung ang ama ay wala? Kaniya bang patuloy na igagalang ang dangal ng kanilang mga anak? O kaniya bang bubulyawan at sisigawan sila upang sila’y sumunod? Bueno, ang isa bang bata ay natututo buhat sa lakas ng boses? O ang isang marahan, na nangangatuwirang tinig ay may lalong malaking epekto?—Efeso 4:31, 32.
15. Ano ang natuklasan ng mga mananaliksik kung tungkol sa pagsunod ng mga bata?
15 Sa pagkomento tungkol sa pagsunod ng mga bata, ang magasing Psychology Today ay nagsabi: “Sang-ayon sa isang pag-aaral kamakailan, mientras naglalakas ka ng tinig ng pagsaway sa mga bata na huwag gawin ang isang bagay, malamang na sila’y tatalikod at ang gagawin nila’y iyung-iyon na hindi mo ibig na gawin nila.” Sa kabilang dako naman, natuklasan ng mga mananaliksik na pagka marahan ang pagsasalita ng mga taong maygulang, ang hilig ng mga bata ay sumunod na walang pag-aatubili. Mangyari pa, lubhang mahalaga na makipagkatuwiranan sa isang bata imbis na yamutin siya dahil sa walang-lagot na pagbibigay ng puro utos.—Efeso 6:4; 1 Pedro 4:8.
Paggalang Kung Tungkol sa Pisikal na Relasyon
16. Paano mapakukundanganan ng asawang babae ang emosyonal na mga pangangailangan ng kaniyang asawa, at ano ang dulot na pakinabang?
16 Kung paano ngang ang isang lalaki’y dapat magpakundangan sa kaniyang asawa dahil sa ito’y mayroong lalong delikadong pangangatawan, gayundin ang isang babae ay dapat may kabatiran sa emosyonal at seksuwal na pangangailangan ng kaniyang asawa. Binabanggit ng Bibliya na ang mag-asawa’y dapat magkaroon ng kaluguran sa isa’t isa at magbigay-kasiyahan sa isa’t isa. Kailangan nila ang pagiging palaisip sa mga pangangailangan at kalagayan ng bawat isa. Ang kasiyahang ito ng isa’t isa ay tutulong din upang tiyakin na sinuman sa kanilang dalawa ay walang matang nagpapagala-gala na maaaring humantong sa isang katawang nagpapagala-gala rin.—Kawikaan 5:15-20.
17. Paano dapat malasin ng mag-asawa ang pagbibigay ng nauukol sa isa’t isa sa kanila?
17 Tunay, kung ang mag-asawa’y may paggalang sa isa’t isa, hindi gagamitin ng sinuman sa kanila ang seksuwal na pangangailangan na para bagang ito ay isang armas para makamit ang gusto nila. Dapat silang magbigay ng nauukol sa isa’t isa bilang mag-asawa at kung may pansamantalang paghinto sa bagay na iyon, dapat na sumasang-ayon ang isa’t isa. (1 Corinto 7:1-5) Halimbawa, kung minsan ang isang asawang lalaki ay marahil umalis para makibahagi sa pansamantalang gawain sa konstruksiyon sa lokal na tanggapang sangay ng Watch Tower Society o sa iba pang mga proyektong teokratiko. Sa ganiyang kalagayan dapat na tiyakin niyang buong-pusong sumasang-ayon doon ang kaniyang maybahay. Ang gayong paghihiwalay ay maaari ring magdala ng espirituwal na mga pagpapala sa pamilya, samakatuwid baga, sa nakapagpapatibay-loob na mga karanasan na ibibida ng asawang lalaki pagka siya’y nakabalik na sa tahanan.
Mahalagang Bahagi ng mga Kapatid na Babae
18. Bakit ang babaing asawa ng isang matanda ay may lalong malaking pananagutan?
18 Kung ang asawa ng isang babaing Kristiyano ay isang matanda, ang babaing ito ay mayroong lalong malaking pananagutan. Una, may higit na mga kahilingan sa lalaki. Siya’y mananagot kay Jehova ukol sa espirituwal na kalagayan ng kongregasyon. (Hebreo 13:17) Subalit bilang asawa ng isang matanda at marahil isang mismong nakatatandang babae, ang kaniyang halimbawa ng pagkamagalang ay mahalaga rin. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:9, 10; Tito 2:3-5.) At anong inam na halimbawa ang ipinakikita ng karamihan ng mga babaing asawa ng matatanda kung tungkol sa pag-alalay sa kani-kanilang asawa! Malimit, ang asawang lalaki ay umaalis at nag-aasikaso ng mga bagay-bagay tungkol sa kongregasyon, at baka nasasabik siya na mag-usisa tungkol doon. Gayunman, ang tapat at maka-Diyos na asawang babae ay hindi nakikialam at nanghihimasok sa mga pamamalakad ng kongregasyon.—1 Pedro 4:15.
19. Para sa isang matanda, ano ang maaaring kasangkot sa ‘pamamahala sa sambahayan’?
19 Gayunman, ang isang matanda ay baka kailangang magpayo sa kaniyang asawang babae kung ito’y nagpapakita ng mga saloobin na hindi nakapagpapatibay o kung siya’y hindi nagpapakita ng isang mabuting halimbawa para sa mga ibang kapatid na babae. Ang ‘pamamahala sa sambahayan sa mahusay na paraan’ ay hindi lamang ang mga anak ang nasasangkot kundi pati ang asawang babae. Ang pagkakapit ng pamantayang maka-Kasulatang ito ay baka magsilbing pagsubok sa pagpapakumbaba ng mga ibang asawang babae.—1 Timoteo 3:4, 5, 11; Hebreo 12:11.
20. Bumanggit ng ilang maiinam na halimbawa ng may-asawa at walang-asawang mga kapatid na babae noong sinaunang panahon at ngayong modernong panahon. (Tingnan ang “Talambuhay ng mga Saksi ni Jehova” sa Watch Tower Publications Index 1930-1985.)
20 Ang walang-asawang mga kapatid na babae ay maaari ring magbulay-bulay sa magalang na bahaging ginagampanan ng mga asawang babae sa kongregasyon. Mayroong napakaraming mabubuting halimbawa ng mahuhusay, matatapat na mga kapatid na babae, kapuwa sa Kasulatan at sa kongregasyon sa ngayon! Si Dorcas, marahil isang kapatid na dalaga, ay totoong pinuri dahil sa kaniyang “mabubuting gawa.” (Gawa 9:36-42) Sina Prisca at Febe ay masisigasig din sa katotohanan. (Roma 16:1-4) Gayundin naman sa ngayon, marami sa ating mga kapatid na babae, may-asawa man o dalaga, ang namumukud-tanging mga misyonero, payunir, at mamamahayag. Gayundin, ang gayong maka-Diyos na mga babae ay malilinis, may maaayos na tahanan at hindi nagpapabaya sa kanilang pamilya. Dahilan sa sila ang nakararami at dahil sa kanilang mga kalagayan, malimit na sila ang gumagawa ng lalong malaking bahagi ng pangangaral.—Awit 68:11.
21. Paano ang tapat na mga kapatid na babae ay isang pampatibay-loob sa kanilang mga kapatid na Kristiyano?
21 Ang tapat na mga kapatid na babae sa kongregasyon ay gumaganap ng isang mahalagang nagpapatibay na bahagi. Ang kanilang masigasig na halimbawa ay isang pampatibay-loob sa mga kapatid at sa kongregasyong Kristiyano sa pangkalahatan. Sila’y tunay na mga kapupunan at mga katulong. (Ihambing ang Genesis 2:18.) Sila’y karapatdapat sa dalisay na pag-ibig at paggalang! At para sa mga kabiyak na lalaking Kristiyano, angkop naman ang payo ni Pablo: “Bawat isa sa inyo’y umibig sana sa kaniyang asawa tulad ng sa sarili; at gayundin, dapat taimtim na igalang ng babae ang kaniyang asawa.”—Efeso 5:33.
Naaalaala Mo Ba?
◻ Ano ba ang orihinal na mga bahaging ibinigay ng Diyos sa sakdal na lalaki at babae?
◻ Paano maaakay sa katotohanan ang di-sumasampalatayang mga asawang lalaki?
◻ Ano ang namumukod na mga katangian ng isang mahusay na asawang babae?
◻ Paanong ang isang Kristiyanong asawang babae ay makapagpapakita ng ‘isang tahimik at mahinahong espiritu’?
◻ Anong pagiging-timbang ang kailangan sa pisikal na relasyon ng mag-asawa?
[Larawan sa pahina 16]
Ang pamilya ay di-dapat makatulad ng isang barkong may dalawang kapitang magkakompetensiya
[Larawan sa pahina 18]
Ang isang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay baka manibugho, medyo nangangamba, dahil sa pagdalo ng kaniyang asawa sa mga pagpupulong o iba pang mga aktibidades na Kristiyano. Paano kaya siya matutulungan?